[5] Sundae, The Cynical Bitch

CHAPTER FIVE

"IHAHATID na kita," sabi ni Rickson habang papunta na sila sa sasakyan niya.

Kumagat na ang dilim nang matapos ang 'date' nila. Natagalan kasi sila sa restaurant kanina. Nagulat siya nang malamang may fish pond pala doon. Nalibang siyang magpakain sa mga tilapia. Kung pupwede nga lang na ipakain niya sa mga ito si Rickson, ginawa na niya. Ang kaso, hindi naman kaya ng konsensiya niya kapag hindi matunawan ang mga isda.

"Can't you see I brought my car?"

"Ako, nag-taxi lang."

Mapakla siyang tumawa.

"Tapos ang lakas ng loob mong ihatid ako?" hindi makapaniwalang aniya.

"Pwede naman 'yon, e. Gusto ko lang namang siguraduhing makakauwi ka nang ligtas sa inyo tapos doon na lang din ako sa inyo mag-aabang ng taxi."

"Hindi na kailangan. Mag-abang ka na lang ng taxi rito tapos ako uuwi na. Mas mabuti na 'yong maghiwalay tayo ng landas ngayon pa lang."

"Anong klaseng ka-date naman ako kung hindi ko sisiguruhin na maayos kang makakauwi sa inyo? Ano lang ang sasabihin ng mga magulang mo?"

"'Wag ka ngang magpanggap na gentleman at thoughtful ka. Hindi bagay sa'yo, e," nakaangat ang isang kilay na pakli niya.

"Pero 'yon ang totoo, isa akong huwarang binatang Pilipino."

Tinalikuran na ito ni Sundae at sumakay sa kotse niya. Ang nakakagulat pa, nakasakay na rin si Rickson sa front seat.

"Hoy, ba't ka sumakay? Bumaba ka nga!"

"I just want to make sure you get home safe. Promise, magbe-behave ako." Nag-seatbelt pa ito. "Mag-seatbelt ka na rin. Sige ka, magagalit si Baymax sa'yo." Tumaas-baba pa ang kilay nito.

He looked annoying but cute. Ang unfair talaga ng buhay. Sundae just rolled her eyeballs and eventually buckled up.

Paano namang magagalit si Baymax e robot 'yon?

Magbe-behave pa raw ito. Doon naman siya duda.

"So ano'ng tipo mong lalaki?" tanong nito nang nasa biyahe na sila.

Sinasabi na nga ba niya.

"'Yong hindi madaldal."

"So pa'no kayo mag-uusap n'on? Mas gusto mong ikaw na lang ang magsalita tapos siya nakikinig lang sa'yo, gano'n?"

"Ayoko lang nang magulo habang nagda-drive ako."

"E di ako na lang ang magmamaneho. Ihinto mo tapos palit tayo."

"E kung huminto kaya ako tapos pababain kita rito?" angil naman niya.

"Kailangan naman talaga nating bumaba para magpalit ng pwesto, 'di ba?"

"Tahimik!"

Napapisik naman ito dahil sa bigla niyang pagtataas ng boses.

"Relax ka lang sabi, e. Hindi naman ako aangal. Sige na, tatahimik na 'ko. 'Wag mo lang akong pababain."

Isang matalim na sulyap ang ibinigay niya kay Rickson bago muling nag-focus sa pagda-drive. Hindi na nga niya ito narinig na magsalita sa loob ng ilang minuto pero mayamaya pa ay hindi rin ito nakatiis.

"I'm only one call away. I'll be there to save the day..."

Sinulyapan niya ito sa salamin ng sasakyan. Nakatingin ito sa labas ng sasakyan habang nakapangalumbaba.

"Superman got nothing on me. I'm only one call away..."

Sundae sighed. Kung kumanta na lang sana ito kanina pa lang, hindi sana niya ito nasungitan. Maganda naman pala ang boses nito, e. Mas may pakinabang pala ito sa pagkanta kaysa sa pagdaldal. Dinaig pa siya sa kadaldalan ng lalaking ito.

"DITO ka na lang bumaba. Nandito pa ang papa ko kaya hindi na muna ako dideretso sa bahay," sabi niya nang huminto ang kotse sa labas ng warehouse ng kanilang furniture business.

Isang kanto lang ang layo niyon sa bahay nila. Nandoon na rin sa warehouse ang workshop at opisina ng papa niya. Kung meron mang gustong um-order o magpagawa ng furniture ay doon na rin pumupunta ang mga kliyente nila para mga transaksiyon.

"Wow naman. First date pa lang natin pero ipapakilala mo na agad ako sa papa mo. Nakaka-overwhelm naman 'yan," ani Rickson na hindi maitago ang ngiti.

"Okay ka lang?" react naman ni Sundae.

"Okay na okay!"

"Alam mo, Mister, hindi maganda para sa isang lalaki ang maging assuming. Gwapo ka naman, e. Pero hindi ko gugustuhing i-date ka. Puro na lang sakit ng ulo ang ibinibigay mo sa 'kin. Ayokong tumanda agad. Kaya pwede ba? Bumaba ka na ng kotse ko at umuwi ka na."

Hindi na niya hinintay na mag-react ang natamemeng si Rickson. Bumaba siya ng sasakyan at ganoon din ito.

"Thank you," sabi naman nito. "I had fun."

"Good-bye," sa halip ay sabi naman niya at naglakad patungong gate ng warehouse. Bago siya pumasok ay nilingon pa niya ito. "May utang pa ba 'ko sa'yo?"

"Wala na."

"Good! Salamat naman. Good-bye."

"Good night, Sundae. Sana magkita tayo bukas." Nginitian pa siya nito.

"Whatever."

Hindi uobra sa kanya ang mga ngiti nito matapos nitong pasakitin ang ulo niya.

Hindi talaga. Manigas siya!

LUNES na naman. Kailangang-kailangan ni Sundae ang makapagkape dahil inaantok pa siya. Hindi siya ganoon nitong mga huling dalawang taon. Kahit pumapasok siya nang hindi pa sumisikat ang araw ay gising na ang diwa niya. Maliban sa araw na iyon. Hindi kasi siya nakatulog nang maayos kagabi.

Wala na siyang ginawa kundi ang isipin ang nangyaring date sa pagitan nila ni Rickson kahapon. Ang totoo ay nakukonsensiya siya dahil hindi man lang siya nagpasalamat dito. Nag-enjoy talaga siya kahapon. Oo nga at badtrip siya rito pero naisip niyang sana man lang ay nagpakita siya ng kahit simpleng appreciation dito.

Napahikab siya habang papasok sa NegativiTEA. Ilang galong kape kaya ang lalaklakin niya nang hindi siya antukin kapag nag-on air na siya? Hindi siya pwedeng sumalang sa ere nang naghihikab pa rin. Kasalanan ito ng Rickson na iyon, e.

"Good morning, Ma'am," malayo pa lang ay bati na sa kanya ni Ice.

"Good mo—"

Nalipat ang tingin niya kay Rickson na nakatayo rin pala sa may counter. Saglit siyang hindi nakapagsalita. She just can't believe that he's actually standing there.

"Good morning, too, Sundae," nakangiting bati nito sa kanya.

"Hindi pa sumisikat ang araw, huwag mo muna akong bwisitin," paangil na sagot niya at napatukod naman sa counter. "Ice, where's my—"

"Para sa'yo talaga 'to," si Rickson at inilapag sa harap niya ang hawak nitong white coffee. "Hindi ko pa nabubuksan 'yan. Hinintay talaga kitang dumating."

Nagsalubong ang mga kilay niya. Ano naman kaya ang gusto nitong palabasin?

"Totoo po 'yon, Ma'am," nakangiti namang sagot ni Ice.

"Ayoko nga." Hindi na nga niya yata kailangan pa ang uminom ng kape dahil sa simpleng presensiya pa lang nito ay kumakabog na ang dibdib niya. "Ano naman ang malay ko kung pakana mo lang 'yan para umimbento na naman ng rason para magkaroon ako ng utang sa'yo at ilagay sa alanganin ang negosyo namin ng mga pinsan ko?"

"Ang advance mo namang mag-isip. Male-late ka na sa trabaho mo, ayaw mo bang makarating nang maaga?"

"Hindi ako male-late. Dala ko ang kotse ko."

"Uy, ang yabang niya. Palibhasa hindi siya coding ngayon," kantiyaw naman nito at natawa. Maging si Ice ay hindi rin naitago ang ngiti.

"Wala kang pakialam."

"May ginawa na naman ba 'kong masama kaya ka nagsusungit nang ganyan?"

"Oo. The fact na nagpakita ka sa 'kin ngayon, masama na 'yon. Sinisira mo ang araw ko, e."

"Parang binabati ka lang, e."

"Diyan ka na nga." Dinala niya ang kape at nagmartsa na palabas ng shop.

She then let out a sigh para kalmahin ang nagwawala niyang puso.

"Nakakainis siya."

Pagkatapos ay nakagat niya ang ibabang labi. Hindi na niya maitago ngayon ang ngiti niya! Nakakainis talaga ito.

"AND you are tuned in to 95.9 Hoshi FM with me, your sweet morning buddy, walang iba kundi si DJ Sundae! Good morning, Philippines! Gising na at bumangon. Mag-stretching na at kung hindi ka naman nagmamadali, call me up at bumati on air!"

Nang mag-ring ang telepono sa kanyang tabi ay hininaan niya ang music.

"We have a caller!" sabi niya nang damputin iyon. "Hello, good morning!"

"Good morning, DJ Sundae."

Napamaang si Sundae nang marinig ang pamilyar na boses ni Rickson. Ang walang hiya, ayaw talaga siyang tantanan!

"May I know who's on the line, please?"

"Nakalimutan mo na agad ako?"

"Name, please?"

"Si Rickson po ito."

"Oh, Rickson from diyan lang sa tabi-tabi, right? Your surname is 'Ang' and you are a half-Chinese."

"Annyeong haseyo!"

"Annyeong haseyo. May gusto kang batiin?"

"Binabati ko nga pala ang mga kapatid ko. Alam na nila kung sino sila. Hi nga rin pala sa babaeng naka-date ko kahapon. Maganda siya, kasing ganda mo. Sana maka-date ko uli siya one of these days. O kaya kahit si DJ Sundae na lang. Masayang-masaya na 'ko ro'n. 'Yon lang naman. Ah, Miss DJ?"

"Bakit?"

"Masaya ka ba ngayong umaga?"

"Hindi masyado. May nakita kasi akong lalaki kanina at gustong sirain ang araw ko. Ang bad niya, 'no?"

"Ha? Hindi naman siguro. Gano'n lang talaga ako—este—siya magpapansin sa'yo."

"Overtime na tayo. Baka may kanta kang gustong i-request?"

"Kung ano 'yong favorite song mo, 'yon din ang request ko. Bye, Miss DJ. Thank you ulit para kahapon."

Hanggang sa mawala na sa mawala na sa kabilang linya si Rickson ay nakamaang pa rin si Sundae. Wasn't he trying to flirt with her on-air? Gulay iyan!

Ito ba ang paraan nito para gumanti sa mga pagtataray niya rito? Pwes, hindi iyon uobra sa kanya. Siya yata si Lovely Sundae Omagap.

"SINO ang Rickson na tumawag sa'yo kanina?" tanong sa kanya ni Vin nang matapos na ang program niya at ito naman ang pumalit.

Ang program naman nito ay tungkol sa mga latest happenings sa showbiz, politika, sports at medisina. Sobrang nakakatalino talaga ang program nito. Hindi nakakapagtakang marami ang tumututok dito.

Hindi muna siya umalis at nagpuntang pantry dahil gusto niya ng kausap. Ewan ba niya. Para kasing natatakot siya na kapag mapag-isa siya ay maisip lang niya si Rickson at kung saan pa mapunta iyon. Pero mukhang nananadya naman yata ang pagkakataon dahil si Vin mismo ang nagbukas ng topic na iyon.

"Malamang caller lang. Kaya nga tumatawag, 'di ba?" pakli naman niya.

"E ano naman 'yong sinasabi niyang salamat para kahapon? Don't tell me na joke lang niya 'yon. Nanliligaw na 'yon sa'yo, 'no?"

"Chismoso ka ring beki ka, e, 'no?"

"'Oy, hinay-hinay ka sa pagtawag sa 'kin ng ganyan dito, ha. Ayokong ma-heartbroken ang mga fangirl ko. Baka wala na 'kong matanggap na freebies mula sa kanila kapag may okasyon," saway naman nito na ikinatawa niya.

Vin is four years older than her at anim na taon na ito sa Hoshi FM. He was a handsome man, tall, well-built and very intelligent. Ang problema nga lang, handsome din ang bet nito. Hindi nga lang halata dahil magaling itong magtago. Saksi siya sa mga babaeng listeners na dumadalaw sa station nila para lang makita ito at makapagpa-picture dito.

"Kung gano'n, 'wag mo 'kong intrigahin. Alam mo naman na wala akong balak mang-entertain ng mga lalaki, ini-issue mo pa 'ko riyan."

"Gwapo 'yong Rickson, 'no?"

"'Wag mo na ngang alamin!"

"Hindi ko naman aagawin sa'yo, a? Naintriga lang ako kasi ang ganda ng speaking voice niya. Malamang na gwapo rin siya."

"Kailan pa naging basehan ang boses para malaman ang itsura ng tao? Pero alam mo, may nakapagsabi sa 'kin minsan, e. Kung maganda ang boses ng babae, ibig sabihin, maganda talaga siya. Pero kapag gwapo ang boses ng isang lalaki, kabaliktaran daw 'yon."

"Nah. I don't think so. Kilala kita. Ikaw ang tipo na ayaw madikit sa mga pangit kaya hindi ako naniniwala na pangit itong Rickson na 'to na 'Ang' ang apelyido dahil siya ay half-Chinese. Annyeong haseyo!"

"'Oy, hindi ako gano'n, ha. Sa mga lalaki lang ako hindi dumidikit dahil mga manloloko ang karamihan sa kanila."

"Kaya nga. Ang lahat ng mga lalaking manloloko, pangit."

"Ikaw, pangit ka rin kasi manloloko ka. Pinapaniwala mo ang mga kabaro ko na totoong makisig na lalaki ka kahit hindi naman."

"Nakaka-hurt ka na ng feelings," kunwari ay pagdadrama pa nito.

Sa kanilang apat na disc jokeys ng Hoshi FM ay sila ni Vin ang magkasundo. Bukod sa pang-umaga ang mga programa nila ay sila rin ang mga bata pa at nagkakasundo sa mga kakaiba nilang trip sa buhay. Kung hindi nga lang niya nalaman unang araw pa lang na binabae ito ay nunca naman siyang makikipagkaibigan dito. Mabuti na lamang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top