[4] Sundae, The Cynical Bitch

CHAPTER FOUR

NAUPO SILA sa isang bench na nakaharap sa man-made na ilog. Maganda pala talaga sa Sanctuary Gardens. Pakiramdam niya ay wala siya sa lungsod. Kahit saan siya tumingin ay may nakikita siyang mga malalaking kahoy. Pakiramdam niya ay nawala ang stress niyang naipon. Hindi masyadong marami ang mga tao. Mabuti na rin iyon. At least, hindi siya mag-aalangang maglibot dahil hindi siya masisikipan sakali man. Ayaw kasi niya sa mga siksikan.

"'Shawn' ang pangalan ng kaibigan ko na 'yon. Magaling din siyang programmer—"

"Sandali. Ibig mong sabihin, programmer ka?" sansala niya.

"Oo. Sa amin ang Thumb Apps na malapit lang sa shop ninyo. Eight years na noong binuo namin 'yon ng mga kaibigan ko pero five years pa lang kaming registered sa SEC. Dumami na kasi ang mga programmer namin kaya kailangan nang gawing opisyal ang company namin. Gumagawa kami ng websites, mobile applications, games, systems—"

"Ang daldal mo, 'no?" sansala na naman niya.

"Kaysa naman maupo lang tayo rito, hindi tayo magkikibuan."

"Mas gusto ko nga 'yon, e. At pwede bang pakitawagan na 'yang kaibigan mo kung may plano pa ba siyang siputin 'tong date-kuno na 'to?"

"Ito na nga, tatawagan ko na."

Inirapan pa niya ito bago itinuon ang pansin sa ilog. May ilang pares na namamangka doon. Gusto rin niyang subukan iyon.

"Nandito na kami, Shawn. Nasa'n ka na ba?" narinig niyang sabi ni Rickson.

So expert pala sa IT ang isang ito. Hindi na masama. Actually, it's impressive. Alam niyang hindi madali ang maging programmer dahil maraming programming languages itong kailangang kabisaduhin.

"Ano? Pambihira ka naman, Shawn, e. Akala ko ba okay na tayo sa usapan natin? Kung hindi pa kita tinawagan, hindi ko pa malalaman. Ah, ewan. Wala ka nang kompanyang babalikan dahil sesante ka na."

Nang tumingin siya kay Rickson ay ibinaba na nito ang cellphone nito.

"What?"

"Hindi raw siya makakarating dahil may nangyaring emergency."

Tumayo siya.

"Okay."

Hahakbang na sana siya nang pigilan nito ang braso niya.

"Sa'n ka pupunta?"

"Um, uuwi? Hindi na darating ang magaling mong kaibigan kaya wala na akong rason para manatili rito at magsayang ng oras ko. Kaya bitiwan mo 'ko. Baboo!" tuloy-tuloy niyang sabi.

"Walang uuwi."

"At bakit?" mataray na tanong niya.

"Sino'ng may sabing walang mangyayaring date? Hindi ako papayag na hindi matutuloy ang date." Mula sa braso ay ang kamay naman niya ang hinawakan nito.

Hayun na naman ang nakakakiliting sensasyong dumaloy sa kanyang balat dahil sa pagkakadikit nilang dalawa.

"At ano ang ibig mong sabihin?"

"Wala si Shawn pero ako, nandito pa. Tayong dalawa ang magde-date."

Nanlaki ang mga mata ni Sundae.

"E di mas mabuti pa ngang umuwi na lang ako!" protesta naman niya.

"Hindi naman ako papayag na hindi matuloy ang date na 'to. Sayang naman ang effort ko. May atraso kang dapat na bayaran kaya wala kang choice. Makikipag-date ka sa 'kin sa gusto at sa gusto mo."

"Ano?"

"Halika na, sayang ang oras."

Wala na ring nagawa si Sundae nang hilahin na siya ni Rickson sa kung saan man iyon.

HUMINGA nang malalim si Sundae. Hinawi niya sa isang side ng kanyang balikat ang kanyang buhok. Hindi niya naitago ang pagkamangha habang sakay sila ng maliit na bangka. Iyon ang unang ginawa nila ni Rickson.

Magkatabi sila nitong nakaupo habang sa unahan nila ay ang tagasagwan. Nakakalma ang ilog. Hindi nga siya halos makapaniwala na tao lang ang gumawa niyon. Mahaba kasi iyon at paikot pa. Ang sabi ng mamang tagasagwan ay labinglimang minuto ang aabutin para maikot ang ilog.

"Ganda, 'no?" untag sa kanya ni Rickson.

"'Wag mo 'kong kausapin," angil naman niya rito.

"Wala kang magagawa. Nasa date tayo ngayon kaya hindi mo 'ko pwedeng tratuhing invisible."

"Masyado naman po kayong gwapo para maging imbisibol, Sir," sabat ng mama kaya napatingin sila rito.

"Sabihin niyo nga po 'yan dito sa kasama ko, Kuya," pasakalye naman ng tukmol.

"Asa ka pa," pakli naman niya.

"Baka may dalaw lang 'yang si Ma'am kaya masungit."

Napaubo si Sundae.

"Naku, Manong. Hindi naman po dinadatnan ang mga transgender. Talaga lang pong masamang hangin ang dala sa akin ng tukmol na kasama ko."

"Ang gwapo ko namang tukmol."

Inirapan naman ito ni Sundae. Kumuha siya sa mga nakahandang pagkain sa harap nila. Mga paborito niyang streetfood iyon. Para raw hindi sila magutom habang nasa bangka sila. Pinaalalahanan lang sila ng mama na huwag itapon sa ilog ang basura nila dahil bad daw iyon.

Ang sarap talaga ng fishball...

Si Rickson naman ay kumain na rin. In fairness, maganda naman ang date idea nito.

"Alam mo ba na may alamat ang ilog na 'to?" sabi na naman nito.

Pinili niyang hindi tumugon dahil mas masarap kumain.

"Kapag daw naikot 'tong ilog ng dalawang taong nagmamahalan nang tatlong beses, sila na raw ang magkakatuluyan."

"Sino ang nag-echos sa'yo niyan?"

"Si Cedfrey. Ginawa raw nila 'to noong first date nila ng asawa niya kaya happily married na sila ngayon. Gusto mo gawin natin? Tingnan natin kung magkakatuluyan tayo."

Matalim ang tinging ibinigay niya rito. Hilo ba ito?

"Hindi tayo nagmamahalan," mariing sabi niya. Asa pa ang tukmol na ito!

"Oops! Hindi pa. Pero ano naman ang malay natin bukas makalawa?"

"'Wag kang mag-alala. Mas malabo pa sa tubig ng kanal ang posibilidad na ma-in love ako sa'yo."

"Ba't defensive ka masyado?"

"Pinaprangka na nga kita sa lagay na 'to, e. Hindi natin type ang isa't isa. Patas na tayo."

"Chill ka lang. Hindi naman kita dinala rito para ma-stress. Relax ka lang, Miss Omagap. Hindi naman ako kasing sama ng iniisip mo. I just want you to have fun. 'Yon lang."

"Don't expect me to believe you."

"Okay. Mukha ngang mahirap kunin ang tiwala mo. Depende na sa'yo 'yon. Pero pakiusap lang, sana naman ma-appreciate mo 'tong lugar. Date nga ang tawag kasi gusto ko mag-enjoy ka tapos tatadtarin mo naman ako ng katarayan mo."

Nang tumingin siya kay Rickson ay sa ibang direksiyon naman ito nakabaling. Nakaramdam siya ng pagkurot ng kanyang konsensiya. Mukha talaga itong seryoso sa sinabi nito. Gusto rin naman niyang mag-enjoy pero parang delikado naman kasi kung hindi niya itataas ang depensa niya kapag nasa paligid si Rickson. He makes her feel different emotions. She was scared she would get used to it in the end. E di sarili lang din naman niya ang mahihirapan sa huli.

Nagbuntong-hininga siya. Kinuha niya ang french fries na nasa plastic cup. Sasamantalahin niya ang pagkakataon habang hindi ito nakatingin.

"Manong, tatlong ikot tayo, ha," sabi niya sa mama.

"Sure kayo, Ma'am?"

"Kung gusto niyo po, ako pa ang magsagwan, e."

Natawa naman ang mama sa kanya.

"Ma'am, ninong ako, ha?"

"BILISAN natin. Baka maubusan tayo ng rerentahang bisikleta," sabi sa kanya ni Rickson nang makatuntong na sila sa dock.

"Teka lang naman, sandali," sabi niya nang masapo ang kanyang ulo. "Nahihilo pa 'ko."

Nilingon naman siya nito at nilapitan.

"Gusto mo bang magpahinga muna?" tanong nito. "Kung gusto mo dalhin na kita agad sa clinic para mabigyan ka ng gamot."

Hindi alam ni Sundae kung imahinasyon lang ba niya ang nahimigan niyang concern sa boses nito pero pakiramdam niya ay may humaplos sa puso niya.

"Okay lang ako, mawawala rin 'to," pakli naman niya. "Halika na."

"Humawak ka sa 'kin," sabi naman nito at inialok ang braso nito sa kanya.

"Hindi na nga kailangan. Kaya kong maglakad."

"Kahit hanggang sa mawala lang ang hilo mo," pamimilit naman nito.

Para matapos na iyon ay humawak na lang siya sa braso nito. Hindi pa nakontento si Rickson at ipinatong ang kamay nito sa kamay niya. Hindi na siya umangal. Isa pa, gusto niya ang init na nanggagaling sa kamay nito.

Nagpunta sila sa isang park kung saan pwede silang magbisikleta. Bago iyon ay binilhan pa muna siya nito ng mineral water para gumaan daw ang pakiramdam niya. Mukhang wala nga itong balak na pabayaan siya.

Kinuha nito ang bike na merong side car. Ito ang driver at siya ang naging pasahero. Ayos din ang naisip nitong ideya. Ngayon ay nag-e-enjoy siya habang iniikot nila ang sementadong parte ng ecopark.

"May girlfriend ka?" mayamaya ay tanong niya.

"Meron."

"E taksil ka rin naman pala, e."

"Hindi, a."

"Ganyan nga naman kayong mga lalaki. Huling-huli na, nagde-deny pa. Hintayin niyo lang, darating din ang karma ninyo." Kinuha niya ang kanyang cellphone at nanguha ng picture sa paligid niya.

"Hindi ako gano'n."

"Shut up."

"Faithful ako."

"Kaya pala magkasama tayo."

"But not in a romantic sense."

Sa sinabi nito ay natigilan si Sundae. Bakit parang hindi yata niya nagustuhan ang sinabi nito? Totoo naman ang sinabi nito pero bakit yata hindi iyon nagustuhan ng pandinig niya?

"Kaya hindi pagtataksil 'yon," he added matter-of-factly.

"Ihulog kaya kita riyan?" angil niya.

"'Wag. Baka maaksidente tayo."

"Baka sakaling maalog ang utak mo. Baka sakali lang naman."

"Hindi kita hahayaang masaktan."

Ay, pa-fall siya, o.

"Mukha mo," sa halip ay pakli niya.

"Bakit ba hindi ka na lang naging kasing sweet ng pangalan mo?"

"Walang basagan ng trip. Buhay ko 'to."

"HUMINTO ka muna sandali, kukunan ko lang 'to ng picture," kalabit niya kay Rickson nang mapadaan sila sa taniman ng mga rose.

Pumreno naman ito at pagkatapos ay bumaba siya. Umikot siya sa mga rosas at kumuha ng mga litrato hanggang gusto niya.

"Ang gaganda nila..."

There were red, white and pink roses. Gustong-gusto na niyang pumitas pero alam niyang mas tatagal ang ganda ng mga ito kung pababayaan na lang niyang nakatanim. Kinontento na lang niya ang sarili sa pagtingin. Umuklo siya at inamoy ang isang pulang rosas. Perfect.

"Alam mo, may alam akong mas mabango pa riyan," si Rickson na nasa tabi niya.

"Ano?"

Walang pasabing kinabig siya nito at inamoy ang buhok niya. Kinilabutan naman si Sundae dahil sa ginawa nito.

"Ang bango."

Nanlalaki ang mga matang itinulak niya ito.

"Kung makahawak ka, ha! Kailan pa tayo naging close?" Eksaheradong pinagpag pa niya ang balikat niyang hinawakan nito. "Binggo ka na sa 'king intsik ka, ha. Akala mo ba takot akong makasuhan ng physical injury?"

Itinaas naman ni Rickson ang mga kamay nito.

"Hindi rin naman ako takot makasuhan ng feeling close. Ang sensitive mo naman masyado. Sorry na po."

"Hindi mo 'ko kilala. Umayos ka," angil niya.

"I'm sorry, Sundae." This time ay seryoso na ito.

Marahas siyang nagbuntong-hininga at tinalikuran na ito.

"Gusto ko nang umuwi."

"Teka, kakain pa tayo."

"E di kumain tayo. Problema ba 'yon?"

Padabog na naupo siya sa sidecar ng bike. Pambihira naman, o. Bakit kailangang mag-react ng puso niya nang ganoon? E si Rickson lang naman iyon. No big deal.

Ibinalik na nila ang nirentahang bisikleta at nilakad na lang papuntang restaurant na sinasabi nito. Dumaan sila sa parang isang mini forest na may sementadong daan. Kunwari ay abala na naman siya sa pagpi-picture sa mga nadadaanan nila para i-distract ang sarili sa nagwawala niyang puso. Itong kasama naman niya kasi, e. Ang sarap lang kutusan.

"Ang dami mo nang nakuhang picture dito. Wala man lang ba tayong picture kahit isa lang?" hirit nito.

"Mananahimik ka ba o mananahimik ka?" angil na naman niya rito. "Hindi. Tayo. Close."

"Hindi pa. Pero bukas makalawa, ano'ng malay natin, 'di ba?"

"Huwag. Ka. Nang. Umasa."

"Ouch naman. Ilang beses ba 'kong mabu-brokenhearted ngayong araw?"

Tiningnan niya ito nang masama. Pasimple naman itong nag-iwas ng tingin at namulsa pa. This guy is really getting into her nerves. Not that she hates it. But there's something about the way she's feeling. Inaaasar siya ni Rickson at naiinis siya. Naiinis siya dahil hindi niya kayang mabwisit nang totohanan dito. Hay, ang gulo talaga niya.

Binilisan niya ang paghakbang. Wala talaga itong mabuting naidudulot sa kanya.

"'Wag mo naman akong iwan. Hindi mo naman alam ang papunta ro'n sa resto, e," sabi naman nito.

Napahinto tuloy siya bigla. Hinintay niya itong makalapit sa tabi niya. Bakit ba hindi na lang ito manahimik nang hindi na siya namumroblema?

"Ano'ng gusto mong order-in mamaya? Alam mo, masasarap ang mga Filipino food na inihahanda nila ro'n. The best."

"Gusto kong kumain ng pasta."

"Walang pasta ro'n. Pansit lang ang meron."

"E di mag-isa kang kumain."

"Joke lang. Pipilitin ko silang bigyan ka ng pasta kahit wala."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top