[11] Sundae, The Cynical Bitch

CHAPTER ELEVEN

"HINDI man lang ba nabawasan ang galit na nararamdaman mo para sa kanya?"

"To be honest? Hindi ko maamin sa sarili ko kung ano nga ba ang mararamdaman ko. Mahal na mahal ko si Mama. Mataas ang pagtingin ko sa kanya. Para sa 'kin, siya ang the best na nanay sa buong mundo. Gusto kong maging katulad niya paglaki ko—mabuting asawa at ina.

"Si Mama lang ang una at tanging babaeng minahal ni Papa. Matalik silang magkaibigan dati. Iyon nga lang, ibang lalaki naman ang minahal ni Mama. Ang kaso hindi sila nagkatuluyan dahil ang sabi ni Papa, may ibang babaeng itinakdang pakasalan ang first love ni Mama kaya raw naghiwalay ang mga ito.

"Aksidente lang din ang pagbubuntis niya sa 'kin kaya napilitan siyang sumama kay Papa. Kahit ano'ng pilit ni Mama na pag-aralang mahalin si Papa, hindi raw niya nagawa. And ten years ago, bumalik ang first love ni Mama. Biyudo na ito at mahal pa rin daw nito si Mama."

"Hindi ba sila nagpakasal ng papa mo?"

"Hindi. Sinigurado lang nilang dala ko ang apelyido ni Papa at maayos ang pagsasama namin bilang pamilya. Ipinaliwanag sa kin ni Papa kung bakit hindi niya niyayang magpakasal si Mama. Gusto niyang sumaya si Mama kaya hindi niya ito itinali sa kanya. Sooner or later, gugustuhin ni Mama na hanapin ang totoong kaligayahan nito kaya hindi niya kinuha ang kalayaan ni Mama. Pero sa puso niya, wala siyang ibang hiniling kundi ang sana kami rin ang kaligayahang mahahanap ni Mama. Mahal din naman ni Papa si Mama, 'di ba? Bakit hindi na lang naturuan ang puso ni Mama na si Papa na lang ang mahalin?"

Isang pisil sa balikat ang nakuha niyang tugon mula kay Rickson.

"Mahal ko pa rin si Mama kagaya ng dati. Hindi ko lang alam kung paano maiaalis ang tampo ko sa kanya dahil sa ginawa niya. I missed her all these years. Kaya lang, kapag iniisip ko naman na hindi na kami pwedeng mabuo ulit, bumabalik lahat ng sakit." Huminga siya nang malalim. Kaunti na lang, papatak na ang mga luha niya. Duda siya kung kaya niyang pigilan iyon kapag nagsimula na siyang umiyak.

Lalo namang hinigpitan ni Rickson ang pagkakayakap sa kanya.

"And your father is a great man, Sundae. Hindi lahat ng tao kayang gawin ang ginawa niya sa ngalan ng pag-ibig. Hindi siya naging makasarili sa kabila ng lahat."

"Kaunti na nga lang, ipagtatayo ko na siya ng rebulto, e," pabirong sabi naman niya. "He made the biggest sacrifice para lang maging masaya si Mama. Kaya mahal na mahal ko siya. Gusto ko, kapag nagmahal ako, maging kagaya niya ako na handang magsakripisyo."

"Hindi ko alam kung kaya akong tapatan ang kakayahan ng papa mo na magmahal pero mamahalin kita sa paraang alam ko." Hinalikan nito ang buhok niya. "So ano ang plano mo? Sa tingin mo ba, handa ka nang kausapin ang mama mo?"

"I wanted to. Hindi ko lang alam kung pa'no. Matagal ko na rin kasi siyang hindi nakikita. Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko kapag nakita ko siya. Pero alam ko na kapag nagawa ko nang kausapin si Mama, magiging masaya si Papa."

"Gusto mo, samahan kita?"

"Gagawin mo 'yon?" manghang tanong niya.

"Oo naman. Para makilala ko na rin siya. Para malaman ko na rin kung kanino mo namana ang ganda mo."

"Ay, grabe. Nambola pa talaga siya."

"'Wag ka nang kumontra. Totoo naman, e. Ako naman ang bolahin mo. Sabihan mo rin akong gwapo."

"HINDI mo na 'ko kailangang ihatid pa rito hanggang sa loob. Wala namang kukuha sa 'kin, e," ani Sundae habang papasok na sila sa radio station.

Nagising na naman si Rickson nang maaga para sunduin siya sa kanila kahit hindi naman siya coding nang araw na iyon. May usapan kasi sila nito. Pagkatapos ng program niya sa araw na iyon ay gagala sila.

"Alam ko. Gusto ko lang namang malaman kung pa'no nagsisimula ang araw mo."

"'Wag mong sabihing pakikinggan mo ang buong program ko?"

"Pwede naman 'yon, 'di ba?"

Hindi makapaniwalang napatititg siya rito.

"Pa'no naman ang trabaho mo?"

"Nakalimutan mo na ba? Pwede akong magtrabaho kahit saan."

Yeah. Kamuntikan na niyang makalimutan.

"Pero mag-behave ka, ha. Baka ma-conscious ako kapag nag-on air na 'ko."

"I promise," nakangiting sabi naman nito.

"What is actually going on?"

Napatingin sila kay Vin na naglalakad papunta sa direksiyon nila. Kagaya ng dati ay naunahan na naman siya nito. May hawak itong tasa ng kape.

"Good morning, Vin," nakangiting bati nito.

"Ang aga niyo namang mag-date?"

"Of course not. Trabaho muna bago date, 'no."

Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila.

"Hindi nga, Sundae?"

"Hindi ko pa kayo napapakilala nang pormal. Vin, this is Rickson. Rickson, this is Vin, katrabaho ko rito sa station."

Nagkamayan naman ang mga ito.

"Kayo na?" tanong pa nito.

"Nanliligaw pa lang," sagot naman ni Rickson.

"Nanliligaw pa lang pero mukhang napalambot mo na ang puso niya. Nakakabilib ka naman. Gusto mo ng kape? Share tayo?"

"Vin," saway naman ni Sundae. Ibuking kaya niyang bakla ito?

"Nagkape na kami ni Sundae. Salamat na lang," nakangiting sabi naman ni Rickson.

"Kung gano'n, si Manong Guard na lang ang kakausapin ko. See you around, lovers."

Sila naman ay tumuloy na sa booth dahil ilang minuto na lang at magsisimula na ang program niya.

"That Vin. He's a homosexual, right?"

Bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang sabihin iyon ni Rickson.

"P-pa'no mo nalaman?"

"Naamoy ko lang."

Laglag ang panga niya.

"Biro lang. May kakilala kasi ako. Chinika niya sa 'kin kung pa'no mo malalaman kung straight o hindi ang isang lalaki."

"Ah. Chinika talaga sa'yo, ha? Buti naisabuhay mo."

"Pagdudahan mo na lahat 'wag lang ang feelings ko at ang pagkalalaki ko."

"OKAY ka na rito sa mousse cake? Order pa tayo," sabi sa kanya ni Rickson habang nagkakape sila sa NegativiTEA.

"Okay na 'yan. Busog pa rin ako hanggang ngayon sa kinain natin kanina," sabi naman niya.

Nasa garden sila nang mga oras na iyon. Nagtsi-chill lang.

"Dito ka lang muna, ha. May inihanda kasi ako para sa'yo."

Napaangat ang isang kilay niya.

"Ano naman 'yan?" natawang tanong ni Sundae.

"Bawal sabihin. Baka mausog." Kinindatan pa siya nito.

Natawa siya. Hinayaan na lang siya nitong iwan siya sandali.

Kakaiba rin ang trip ng isang 'yon, e, 'no?, napangiting saloob niya.

Sa totoo lang, wala siyang naramdamang pagsisisi nang tanggapin niya ang panliligaw ni Rickson. Kung mahirap ang masaktan, mas mahirap din pala ang pigilan ang nararamdaman. At ang ginawa niya? Pinili niya ang bagay kung saan siya sasaya. Masaktan man siya, at least naranasan niyang maging masaya. Alam niya sa kanyang sarili na hindi gagawa si Rickson ng bagay na makakasakit sa kanya. Tama lang na ibigay niya rito ang kanyang tiwala.

"I'm only one call away. I'll be there to save the day..."

Napaigtad si Sundae nang marinig ang boses ni Rickson na kumakanta.

"Superman got nothing on me. I'm only one call away..."

Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nang makita ito. May hawak lang naman itong microphone habang tumutugtog sa paligid ng NegativiTEA ang minus one ng kinakanta nito. Everyone stopped and listened to him. Her world stopped spinning and then it was all him that she was seeing.

"Call me, baby, if you need a friend. I just wanna give you love. Come on, come on, come one. Reaching out to you so take a chance." Humakbang ito palapit habang hindi inaalis ang mga tingin nito sa kanya. "No matter where you go. You know you're not alone."

Natutop ni Sundae ang kanyang bibig.

"I'm only one call away. I'll be there to save the day. Superman got nothing on me. I'm only one call away..."

Hindi na siya makapag-isip nang maayos. She felt like dreaming. Totoo ba ang mga nangyayari? Hindi ba siya basta nananaginip lang?

"Ito pong magandang babaeng 'to na kinakantahan ko, siya ngayon ang nagpapasaya sa puso ko."

Gusto nang magtago ni Sundae sa ilalim ng mesa nang umulan ng tukso mula sa mga customer.

"Pasensiya na kung naabala kayo. Gusto ko lang malaman ninyong lahat na gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para makuha ko ang matamis niyang 'oo'. Because I love her so much. Lovely Sundae Omagap, narinig mo 'ko. I love you so much."

"Woohoo! Sagutin mo na siya!" sigaw ng isang customer.

"Kiss! Kiss!"

Nagkalabo-labo na ang isip ni Sundae at hindi na niya halos marinig ang sinisigaw ng mga ito dahil abala siya sa paghabol sa puso niya. Ang alam lang niya, hindi niya maikakailang na sobrang masaya siya nang mga sandaling iyon. He declared his love for her in front of these people!

Napatayo siya at pinahid ang munting butil ng luhang kumawala sa mata niya. At mukhang wala na rin naman siyang rason kung bakit kailangan niyang itago ang nararamdaman niya para kay Rickson.

"Hindi na kailangan, Rickson," naluhang sabi niya. "Because I love you, too. Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong nilabanan at itinanggi ang nararamdaman ko para sa'yo pero hindi 'yon umobra dahil sa kakulitan mo. At masaya ako. You hear me, Rickson Ang. I love you, too."

Shock was written on his face. Ilang sandali pa ay napalitan iyon ng ngiti at kakaibang saya.

"Sinasagot mo na ba 'ko?"

"Oo, boyfriend na 'kita."

"Sinagot na niya 'ko!" masayang sabi nito sa microphone.

Lalong lumakas ang hiyawan ng mga tao. Ikinulong naman siya ni Rickson sa mahigpit na yakap nito.

"I love you."

Kinurot naman niya ito sa tagiliran.

"Nakakainis ka!"

"Aray!" reklamo nito.

"Hindi mo naman sinabing may balak ka palang mag-concert dito. Hindi mo man lang ako in-orient!"

"Sorry na. Surprise nga, 'di ba?"

"Nakakainis ka pa rin." Ngayon naman ay natatawa siya na naluluha. "I love you."

KALALABAS pa lang ni Sundae sa NegativiTEA nang salubungin na siya ni Rickson. Pupunta sila ngayon sa bahay nila dahil magdi-dinner sila kasama ito. May isang linggo pa lang ang nakararaan mula nang maging sila pero marami na ang nangyari. Nakilala na agad niya ang buong pamilya nito at nakasama na rin niya sa dinner.

Kung minsan tinatanong nga niya ang sarili kung ano ba ang ginawa niyang mabuti para ma-deserve niya ang mga blessings na meron siya lalo na si Rickson.

"You're three minutes late," salubong niya rito.

"I know. Sorry." Hinalikan siya nito sa noo. "Pinag-trip-an ako nina Cedfrey. Ayaw akong paalisin." Ibinigay nito sa kanya ang dala nitong bulaklak. "Flowers."

"Ang effort mo naman. Nakakatakot tuloy na baka masanay ako," biro niya.

"Balak nga kitang i-spoil, e."

"Maganda. Sa Chelle Blossoms mo binili 'to, 'no?" Ang tinutukoy niya ang flowershop na pagmamay-ari ng asawa ng kaibigan nitong si Cedfrey.

"Yup."

"Salamat!"

Inamoy niya iyon. At napabahin siya. Nagkatawanan pa sila nito.

"'Lika na nga," yaya na lang niya rito.

Malapit na sila sa sasakyan ni Rickson nang may tumawag sa kanya.

"Ate Sundae! Sandali lang!"

Nagulat si Sundae nang makita niya si Santi na bumaba sa isang sasakyan at mabilis na tumakbo palapit sa kanya. Nakasuot pa ito ng isang school uniform.

"Santi!"

Nang makalapit sa kanya ito ay niyakap niya ito nang mahigpit. Hindi na niya matandaan kung kailan sila nito huling nagkita. Nine years old na si Santi at nasa grade four na ito.

"Buti na lang naabutan kita, Ate," masayang sabi nito na bahagyang hinihingal pa.

Hinaplos naman niya ang mukha nito.

"Buti na lang talaga. Ang gwapo mo na lalo, a? How's school?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top