Hindi pa nakalalayo si Nicky ay ihinimpil muna niya ang sasakyan. Balak niyang tawagan si Kian. Kailangan na nilang mag-usap.
Ida-dial pa lamang niya ang numero nito ay nakatanggap na siya ng tawag mula sa binata. Tinitigan muna niya iyon nang ilang sandali bago tuluyang sinagot.
"Hello/Hi," sabay nilang sabi. Kaswal na lang iyon, wala nang lambing hindi tulad ng dati.
"Puwede bang mag-usap tayo?" tanong ni Kian. May pag-alalangan pa sa tono niya, tila ba nagdadalawang-isip kung ano ang itatawag sa lalaking minsan ay naging espesyal sa puso niya.
"Papunta talaga ako sa iyo. May kailangan nga tayong pag-usapan... Kian," lakas-loob na saad ni Nicky.
"Okay. Hihintayin kita." Pagkasabi noon ay naputol na ang tawag.
•••
Makalipas ang dalawang oras ay magkasama na ang dalawa. Nasa rooftop sila sa pamosong bar sa Dublin na taong 1100 pa nang itinayo.
Dalawang pint na ng Guinness Beer ang kanilang nauubos ngunit ni isa sa kanila ay hindi pa nakapagbubukas ng usapan. Tila ba hinihintay nilang magkaroon muna ng epekto ang alak sa kanilang katawan bago simulan ang matinding pag-uusap.
"Tinamaan ka na?" panimula ni Nicky.
Tiningnan ni Kian ang katabi. Kinakalkula niya kung may ibang kahulugan ang tanong nito.
Bumuga ng hangin si Kian. Pagkatapos noon ay sinundan niya agad iyon ng pagtungga ng hawak na beer. "Kung tinutukoy mo ay alak, oo. Pero kung ang tinutukoy mo ay kung tinamaan na ako kay Jodi, oo rin ang sagot ko."
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Nicky. Humahanga siya sa naging sagot ni Kian. "Ako rin."
Nagkatinginan sila. Tinginang wala nang kasamang ningning na bunga ng pagmamahal. May kaunting pagkailang pero walang kasamang galit o mabigat na emosyon.
"So I guess.... it's over..." Itinuro ni Kian ang mga sarili nila. "...for the both of us."
Nick nodded. "Yun naman talaga ang dapat ang mangyari." Inalok niya ang kamay sa dating kasintahan. "Friends?"
Tiningnan muna iyon ni Kian. Mayamaya ay umakyat ang tingin niya sa mukha ni Nicky upang basahin kung hindi ito napipilitan sa inaalok.
"Bakit naman hindi?" Tinanggap ni Kian ang kamay ng kaharap. Nagpalitan sila ng mabibigat na kamayan. Pagkatapos noon ay nag-fist bump sila at muling um-order pa ng isang pint ng Guinness Beer.
•••
"Para kang tanga. Iyak ka nang iyak. Babatukan kita riyan, eh," ani Katharina habang hinahagod ang likod ni Jodi. Sa unit niya dumiretso ang dalaga matapos ang nangyari sa family dinner.
"Eh... bakit h-hindi niya ako hinabol? Nagpapahabol ako, eh."
"Sira ka talaga." Sinabunot ni Katharina ang nakasabog na buhok sa mukha ni Jodi kaya napaaray ang huli.
"Aray! Panira ka ng moment, eh."
"Eh, kasi naman e pinapatahan ka pero lalo mo pang nilalaksan ang pag-iyak. Pag hindi ka tumigil, hahalikan kita!" Biro lamang iyon ni Katharina pero nagpatigil iyon kay Jodi.
"No!" Itinakip ni Jodi ang throw pillow sa bibig. "Mas masarap humalik si Kian. Kaniya lang itong lips ko."
"Ay, wow? Kumparahan ba? Mas masarap din ang lips ni Nicky kaysa sa 'yo 'no!"
Napahagalpak ang dalawa dahil sa pagpapalitan nila ng salita.
Nang humupa ang tawanan nila ay naging seryoso muli ang atmospera. Hindi naman na bumalik sa pag-iyak si Jodi pero nakatulala naman siya sa kawalan.
Napapailing na napapakamot na lang sa ulo si Katharina. Hinayaan na lang niya na mag-emote ang kasama.
Siya rin naman ay may kaunting kaba na nadarama dahil hindi malinaw ang mga salitang binitiwan ni Nicky bago ito umalis kanina. Pero malaking bahagi ng puso niya ang umaasa na ang tinutukoy nitong aayusin ay kung ano ang namamagitan sa binata at kay Kian, na dapat munang wakasan bago simulan ang panibagong kabanata sa kanilang buhay.
Isinandal niya ang sarili sa inuupuan habang sapo ang dibdib kasabay ng pag-usal ng hiling na magiging maayos din ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top