Chapter 7
Chapter 7
The Other Trainees
***
Naimulat ko ang aking mata nang may nadinig akong pagkatok mula sa pinto ng room na ito. Pakurap-kurap ako't humikab. Nakasubsob pa ang kaliwang parte ng aking pisngi rito sa napakalambot na unan. Para akong nakahiga sa isang ulap.
Kumatok muli ang tao sa labas. "Handa na ho ang breakfast sa cafeteria. Prepare na lang po kayo. Thank you and good morning."
Sinipat ko naman ang roommate ko na nasa kabilang kama. Kagabi, medyo tinakot ako ng babaeng ito. Pa'no ba naman kasi, napakalamig ng pagbati niya ng "hi."
Kinailabutan ako't niyakap ang aking sarili. Malamig na nga sa room na ito pero mas malamig yata 'yong "hi" niya. At iyon na yata ang pinakamalamig na "hi" na tinanggap ng aking tainga.
Kahit ngayong nakahiga ako, tila dinadalaw at gumagapang sa akin ang chills na 'yon.
Bumangon na ako sa aking kama at pumunta sa mga maleta ko. Itinabi ko muna iyon sa gilid at binuksan. May mga damit naman akong sinampay sa mga closet dito sa loob ng room. Hiwalay ang closet namin nitong babae na may pangalang Selin, base na rin sa sticker na nakadikit sa closet niya. May nakadikit ding sticker sa aking closet at nakalagay roon ang aking pangalan, Nadine.
Matapos niya kasing bumati ng "hi" kahapon, wala ng salitang lumabas pa sa kanyang bibig. Napaka-awkward.
Heto na ako ngayon at ipinagpatuloy ang pagsampay sa mga iilan kong gamit. Naghahanap na rin ako ng maisusuot para mamaya. Makikita ko na rin kasi ang ilan sa mga trainees, siguro. Hindi ko rin alam. Pero since nandito na rin 'tong si Selin, baka nandito na rin ang iba pa.
Nakakita na rin ako ng maisusuot. Itong yellow shirt ay okay na siguro.
Hindi ko na ito isasampay sa loob ng closet kaya hindi ko na kinuha ang hanger. Nakatayo na rin ako't handa na magpalit.
"Kung naghahanap ka ng madadamit para lang sa breakfast, 'wag ka nang magsayang ng oras. Lahat tayo'y bagong gising doon."
Tila may lumakbay namang kilabot sa aking likuran nang marinig ko ang boses na iyon mula kay Selin. Nanigas ang aking panga at marahang inikot ang aking ulo upang lingunin siya.
Nakatayo siya't walang-kurap na tumitig sa akin. Walang emosyon ang kanyang postura.
"Ah, eh, gusto ko lang maging presentable sa harap ng ilang trainees," paliwanag ko. Ibinaba ko ang damit na aking hawak at mariin kong hinawakan ang tela nito.
"Pangalawang araw ko na rito. Lahat ng trainees ay mukhang zombie tuwing umaga."
"Two days?" dilat-mata kong tanong.
"Bingi."
Tumalikod na siya at lumapit na sa pinto.
"Kung magpapalit ka pa, baka hindi mo na makilala o makita ang ilang mga trainees dahil agad-agad din silang bumabalik sa mga assigned rooms nila. Kaya kung ako sa 'yo, bumaba ka na at kumain. Maayos pa naman 'yang itim mong shirt."
Napatungo ako't tinitigan ang aking itim na damit. Hindi na rin ako nakaligo kahapon pagdating ko rito dahil malamig at kumportable kaya mas niyakap ng aking sarili ang magpahinga.
Lumabas naman na si Selin at nag-slide pabalik ang pinto.
Napabuga na lang ako ng hangin at bigla kong naamoy ang aking umagang hininga. Napakabaho nito kaya nakusot ang aking mukha. Napapikit at iling pa ako.
Tinalima ko na lang ang sinabi sa akin ni Selin. Sinampay ko na lang sa closet 'tong damit ko. Pumunta muna akong banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Gusto ko sanang maligo dahil pakiramdam ko ang dumi-dumi ko. Isinuot ko na rin ang baseball hat para back to mysterious ulit ako. Natuwa kasi ako sa ikinomento ni Yemra kahapon sa suot ko.
Kinuha ko na rin ang keycard ng room na ito bago lumabas. Pero napitlag ako nang sumalubong sa aking mata ang bagong gising na si Selin nang mag-slide ang pinto para mabuksan ito.
"Nakalimutan ko 'yong salamin ko. Wala akong makita."
Pakurap-kurap ako habang sapo-sapo ang aking dibdib. Nakakagulat naman 'yon. Para naman akong nasa isang suspense na movie o game na may susulpot biglang multo o halimaw sa harap ko. Jusko, Selin!
Nawala rin sa harap ko ang babae kong roommate na nakapajamang may ulap-ulap na design. Ang lively ng suot niya at kabaligtaran 'yon ng personality niya.
"Hintayin na lang kita rito sa labas," hiyaw ko nang nasa loob na siya ng room.
Sumandal muna ako sa dingding habang inaabangan siyang lumabas. Natatandaan ko nga pala, kagabi may suot-suot siyang salamin. Malabo kaya mata no'n? Eh, paano niya ako nakitang nagliligpit kanina? Well, 'di naman siya bulag, malabo lang.
Maya-maya, lumabas na sa room si Selin at suot-suot na ang kanyang bilog na salamin.
"Iyan, nakikita na kita nang maayos," malamig at walang emosyon niya pa ring turan.
Subukan niya namang lagyan ng sigla 'yon kahit kaunti dahil parang papatayin na ako nito anumang oras.
Sabay na kaming naglakad papunta sa mga elevator. Siya na ang pumindot sa down button at nahiwa agad sa gitna ang pinto ng elevator.
Pumasok na kami. Habang nasa loob, tahimik at walang timbang na salita ang lumutang sa hangin. Awkward na naman.
Huminga na lang ako nang malalim at ipinikit ang aking mga mata. Pagdilat ko, humarap ako sa kanya.
"Ako si Nadine. Nadine Guinto." Ibinigay ko pa ang aking kamay para makipag-shakehands sa kanya.
"Oo, alam ko. Nakalagay sa closet natin ang mga pangalan natin." Walang pagtaas o pagbaba ng tono ang kanyang boses. It was just flat.
Tumunog na ang elevator at nagsalita muli ito. "Ground floor."
Lumabas agad si Selin na walang mababakas na kung ano sa kanyang mukha. Ano bang mayro'n sa babaeng 'yon?
Sinundan ko na lang siya dahil siya ang may alam ng lugar na ito. Kahit na nai-tour na ako ni Yemra kahapon, hindi pa rin ako sanay sa ganitong klaseng lugar.
Nakabukas na ang higanteng pinto ng cafeteria at sumusuot na sa aking ilong ang mga amoy ng pagkain. Nagtayuan ang balahibo ng aking dila at ang aking laway ay mabilis na naipon sa aking bibig. Pagpasok namin sa loob, ang kahapong puro round tables at walang kalaman-laman na mga mga buffet equipments, ay napuno ng mga taong gustong makakain ng almusal. At parang puro kabataan ang nandirito.
"Nai-tour ka na siguro ng guide mo kahapon dito," ani Selin. Nauuna siya sa akin.
"Ah, oo. May mga bagay nga lang siyang hindi pinakita sa akin gaya ng Underground."
"Oo, kailangan surprise daw ang bagay na 'yon."
Napatango na lamang ako.
"So, Selin, ano mga ginawa n'yo rito? 'Di ba mas nauna ka?"
"Wala. Wala naman kaming ginawa. Kain, balik sa room, kain, balik sa room, kain, at tulog. Kailangan daw kasing makumpleto ang lahat ng trainees bago magsimula ang training."
Nakarating na kami rito sa hilera ng mga pagkain. Pang-umagahan talaga ang mga pagkaing matatagpuan dito. Maraming tinapay, iba't ibang klase pa. May mga prutas at sariwang gulay. May mga kanin din at ulam na hindi ko alam kung ano ang tawag. Hindi pamilyar ang mga itsura ng mga 'yon sa akin. Siguro ito ang mga kinakain ng mga taga-Alabang.
"Oh, ito." Iniabot sa akin ni Selin ang isang puting plato. "Kumuha ka na lang din ng mga pagkaing sa palagay mo magugustuhan mo. May mga pagkain kasi rito na iba ang lasa para sa ating mga hindi taga-Alabang."
Tama nga ako. Ang iilang mga pagkain dito ay kinakain at matatagpuan lang sa walled city na 'yon.
Habang nasa pila rito sa buffet, mga tinapay lang ang aking kinuha. Humingi na rin ako ng kape nang makarating ako sa beverage section.
Sinundan ko lang si Selin hanggang sa marating namin ang isang empty round table. Sabay na kaming umupo ro'n.
Isang piraso ng tinapay lang ang kaniyang kinuha at isang bottled water.
"Ayan lang?" tanong ko.
"Hindi ako sanay kumain nang marami."
Napanganga ako habang kumakain. Tumahimik muli ang tulay na namamagitan sa aming dalawa ni Selin. Hindi ko na muna siya iistorbohin dahil gutom ako.
Habang kumakain, may umalingawngaw na tunog dito sa napakalawak na cafeteria. Nagmula iyon sa mga nakakabit na speakers sa bawat sulok nito.
"Good morning, Taguig Trainees. Ninety-eight percent of trainees have already arrived here in the training camp. All trainees should arrive today. The council is also announcing that the commencement of training will be tomorrow. Good luck trainees and enjoy your breakfast."
Nawala na rin ang tunog na nagmumula sa speaker. Bali, bukas na ang training. Ang totoong training. Nakuyom ko ang aking kamao habang nakapatong sa mesa. Bumibigat na rin ang aking paghinga. Nakakakaba naman ito. Ang aking puso naman ay tila nakikipagkarera ng tibok.
"Huwag kang kabahan, Nadine," pagsingit ni Selin. "Kailangan, ngayon pa lang, tanggap mo na ang magiging kapalaran natin. Ang mamatay."
"Mamatay? Wala 'yan sa bokabularyo ko. Kinakabahan ako, oo. Pero hindi ko kayang mawala sa mapa ang Taguig. Hindi ko kayang mamatay na lang ang pamilya ko."
"Pero ganoon talaga ang buhay, Nadine. Kailangang may mamatay lalo na ngayon sa panahon natin."
"Hindi. Hindi dapat ganyan ang iniisip natin. Kailangan maging selfless tayo. Kaya tayo nandito ay para sa mga taong alam nating sumusuporta sa atin."
"Sorry Nadine, hindi ako gano'n. Wala na akong pamilya. Wala na akong kaibigan. At ang tanging paraan ko para makatulong sa pagbawas ng populasyon sa bansa ay manalo rito sa training, maging representative ng Taguig at magpatalo sa MMSR."
"So, gusto mong mamatay lahat ng mga tao rito?"
"Nadine, hindi mo rin ba nauunawaan na tumutulong tayo para maging maayos ulit ang mundo? Kailangang mabura sa mapa ang mga tao rito."
"Hindi ako sang-ayon sa paniniwala mo, Selin. Pasensya na."
"Sa bagay. Nag-apply naman tayo rito sa iba't ibang dahilan. Naiintindihan kita, Nadine."
Sa buong pag-uusap namin, hindi man lang nag-iba ang karakter ng kanyang boses. Monotone pa rin 'yon. Kaya pala siguro gano'n siya dahil siya na lang pala mag-isa. At parang gumuho na ang mundo para sa kanya.
Magsasalita pa sana ako nang biglang may humablot ng baseball hat ko.
"Hoy!"
Agad akong tumayo sa kinauupuan ko at pinanlisikan ko ng mata ang taong ito na may blonde na buhok. Matipuno ang kanyang pangangatawan kaya halatang nakatira 'to sa gym.
"Ganda ng hat, ah. Sa'n mo 'to nakuha?" pilyong sabi niya. Maigi niyang pinagmamasdan ang sumbrerong iyon. Bigla naman niyang isinuot iyon sa kanyang ulo.
"Hoy! Pakibigay 'yan sa akin," matigas at matapang kong utos. Ang aking ngipin ay nag-uumpugan na.
"Akin na lang, barter tayo. Sa 'yo na lang—" may binunot siya sa kanyang bulsa at ibinigay ang isang pulang panyo "—itong panyo." May lumabas pang nakaiiritang tawa mula sa kanyang labi.
"Pakibigay na sa akin 'yan," kalma pero matigas kong ulit.
"Ha? Ano ulit ang sabi mo? Akin na lang 'to?"
Nadama ko ang palad ni Selin sa aking braso at hinigpitan niya ang pagbisig dito.
"Nadine," bulong niya na nangangamba. "Ibigay mo na lang."
Bahagya kong ibinaling ang ulo ko kay Selin na may namimilog na mga mata at halatang gusto akong pigilan. "Hindi puwede. Mahalaga 'yon sa akin at kailangan ko pang hanapin 'yong taong nagbigay nito sa 'kin."
Humarap muli ako sa lalaki. Tinabig ko naman ang kamay ni Selin sa aking braso.
"Kung ayaw mong ibalik 'yan, may ibibigay ako sa 'yo." Naglabas ako ng isang pilyang ngiti sabay kindat. Akala niya, ha.
Lumapit ako sa kanya na suot-suot pa rin ang aking ngiti.
"Alam mo kung ano 'yon?"
"Ano, munting prinsesa?" asar niya.
"Heto," matigas kong sabi sabay kagat labi. Inangat ko ang aking tuhod at mabilis ko itong itinadyak sa kanyang ari.
Bumuka ang ang kanyang labi at lahat ng taong nandirito ay nagsinghapan sa nangyari. Bahagya pa siyang umungol sa sakit. Bumagsak sa carpet ang kanyang tuhod habang nakanganga. Nakakatawa ang mukha niya. Para na siyang estatwa. The Statue of Nganga.
Agad kong kinuha ang subrerong nasa ulo niya kaya nagpakita muli ang kanyang blonde na buhok. Nasa akin ang huling halakhak, Mr. Bully.
Ngumisi ulit ako't isinuot na ang sumbrero. Tiningnan ko naman ang mga taong nasa kani-kanilang upuan. Bakas sa mga mukha nila ang hindi pagkapaniwala.
Well, ako ito . . . si Nadine Guinto at walang puwedeng umapi sa akin.
Tumalikod na ako sa kanya at tila binuhusan naman ako ng yelo ng may babaeng naka-black gown, nakapusod ang buhok, may kulubot ang balat at may dalang patpat sa kanyang kamay ang lumapat sa aking mata.
"Ms. Nadine Guinto and Mr. Jens Ermino, COME WITH ME. NOW!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top