Chapter 5

Chapter 5

Message

***

Kinaumagahan, nakangiti ang buong pamilya rito sa may mesa habang kinakain ang tinapay na nakuha sa barter kahapon. Kahit simpleng almusal ito, parang nagmistulang salu-salo na ito para sa amin.

"Sana sa susunod na marketplace, ako naman ang makasama," saad ni Kristine habang may tinapay pa sa kanyang bibig. Parang melon na tuloy ang buo niyang mukha. Bilog na bilog.

"Kapag disiotso ka na. Kinse ka pa lang. Bawal ka pa ro'n," wika naman ni Papa sabay ihip sa kanyang umuusok na maitim na kape.

"Gusto ko na kasing makakita ng mga taga-Alabang. Kuwento ng mga kaibigan ko, nakapunta na raw sila do'n tapos nakakakita ng mga taga-Alabang. Ang gaganda raw ng suot. Hindi tulad sa akin na naka-sando at shorts lang." Itinungo ni Kristine ang kanyang ulo at bumagal ang kanyang pagnguya sa tinapay.

Inusod ko naman ang aking sarili para tabihan siya rito sa mesa. Ikinulong ko siya sa aking braso habang tinatapik ang kanyang malambot na buhok.

"Kristine, balang-araw matatamasa rin natin 'yong buhay na gusto natin," salaysay ko sa aking komportableng boses. "Kaya, 'wag mo nang isipin na ganyan lang ang suot mo. Balang-araw, makakasuot ka rin ng mga magagandang damit gaya ng mga taga-Alabang. At saka, 'yong mga kaibigan mong nakapunta ng marketplace, naku, kapag mahuli sila ng pulis do'n, ikukulong sila. Bawal pa kasi kayo ro'n. Naiintindihan mo ba?"

Gumalaw ang ulo ni Kristine senyales niya ng pag-oo. Hilaw akong ngumiti saka patuloy lang sa pagtapik sa kanyang buhok.

"O siya, Din, ano na pala ang balak mo? D'yan sa training-training na 'yan?" tanong ni Mama habang hinihimay ang tinapay bago isubo.

"Kailangan open lang 'yong line ng cellphone ko kasi baka anytime, puwede silang tumawag."

"Hindi ka ba magliligpit ng gamit? Baka kailangan mo ng gagamitin kasi training 'yon, Din," pagsali ni Papa.

"Opo, magliligpit din po ako agad-agad."

Hinigop ko na rin ang kahuli-hulihang patak ng kape mula rito sa puting tasang iniinom saka inilagay sa kusina.

"Aalis muna po ako," paalam ko nang makarating na ako sa pinto ng barong-barong.

"Sa'n ka pupunta?" tanong ni Papa.

"Kina Pio, gagamitin ko lang 'yong laptin niya kasi sira-sira na 'yong laptop ko."

"I-barter mo na kaya 'yon, ano?" yamot na sabi ni Mama.

"Ayaw. Mahalaga 'yon sa 'kin kahit gano'n 'yon."

Tinalikuran ko na lang sila at tuluyan na akong lumabas ng barong-barong. Bumaba ako sa matarik na hagdan habang tinititigan ang tanawin. Barong-barong lang ang tanging nakikita ng aking mga mata pero kung ako'y titingala sa langit, nakikita ko pa rin ang sumisilip na asul na langit kahit na may mga usok na tumatakip dito. Laganap na rin ang polusyon sa buong mundo dahil sa rami ng tao.

Nang makatapak na ang aking tsinelas sa maalikabok na daan, kumaripas na ako ng takbo para marating ang minibus nina Pio.

Excited na akong ipaalam sa kanya na pasado ako.

Ano kaya ang magiging reaksyon niya?

Hmm. I-prank ko kaya siya na hindi ako nakapasa? Lungkut-lungkutan gano'n. Kaso baka kunyatan ako ng kulot-turned-to-kalbo na si Pio.

Matapos ang ilang minutong pagtakbo, natatanaw ko na ang asul na bus nina Pio. Nang marating ko ito, ipinatong ko muna sa aking tuhod ang dalawa kong palad. Nagpatakan pa sa lupa ang mga pawis ko kaya marahas kong pinunanasan iyon gamit ang braso ko.

Habang humihingal, kumatok na ako sa pinto ng bus. Nakalimang katok ako bago sinigaw ang pangalan ni Pio.

"Tao po! Pio! Hello!"

Kumatok muli ako pero tila walang tao sa loob.

"Pio? Nand'yan ka ba? Tao po!"

Kanina pa ako sigaw nang sigaw at katok nang katok dito ngunit walang kalbong Pio ang nagpakita sa mga mata ko.

Isang babae naman ang lumapit sa akin. Nakatali ang kanyang buhok at nakapalda hanggang bukung-bukong.

"Sino ang hinahanap mo? Sina Pio?" tanong niya.

"Ah, opo," tangong-sabi ko.

"Umalis sila kaninang madaling araw. Maraming bitbit ang mga 'yon kaya hindi ko alam ko alam kung saan ang punta ng buong pamilya nila."

"Walang sinabi o ano?"

"Wala. Nakasilip nga lang ako sa bintana ng barong-barong ko. Umiinom ako ng tsaa. Mga alas kuwatro tapos, may nakita pa akong kakaiba."

Biglang lumaki at namilog ang mga mata ng babae. Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin kaya naamoy ko ang manamis-namis na tsaa mula sa kanyang bibig. Sa bagay, kanina lang naman 'yon ng madaling araw.

"A-Ano po?"

"Dahil madilim kaninang madaling araw, wala masyadong ilaw 'di ba? Nagtaka ako kasi silang tatlo mismo, may parang dalang flashlight pero wala naman talaga silang hawak na flashlight."

Napatingala pa ang babae sa langit na mistulang sobrang lalim ang kanyang iniisip. Paisa-isa pa ang mahihina niyang padyak sa maalikabok na daan. Ilang beses na rin siyang umiling-iling at naglagutok ng dila.

"Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang bagay na 'yon pero—" Bigla niyang ibinaling ang mga nag-aagam-agam niyang mga mata sa akin. Taimtim niya iyong itinusok sa mga mata ko."—bali-balita noon, na may mga taong nakakagawa ng mga kakaibang mga bagay. Gaya no'ng nakita ko sa pamilya ni Pio. Wala silang dalang flashlight pero may umiilaw sa mga kamay nila. At alam mo kung saan daw galing ang mga taong kakaiba? . . . Sa likod ng mga pader ng Alabang," buo niyang sabi. May paninindigan at parang tila makatotohan niya iyong ikinuwento pero hindi niya ako mabebenta. Jusko. 3021 na!

"Naku, ate, baka naman kasi may maliit silang flashlight kaya 'di mo lang nakita."

"Anong maliit ka jan? Sinong tao ang gagamitin ang palad para pailawan ang daan, aber?"

"Palad?"

"Oo. Sabi ko nga sa 'yo na wala silang dalang flashlight. Gamit lang nila, mga kamay nila. Gaya nito, oh."

Umatras ang babae sa harap ko at binatak niya ang kanyang braso. Itinapat niya sa akin ang kanyang malakremang palad saka itinapat naman sa daan.

"Ganitong ganito ang kanilang ginawa kagabi. Nakalahad lang 'tong mga palad nila habang naglalakad. Oh, 'di ba? Weird."

Bumalik na muli siya sa kanyang dating puwesto.

"Baka naman po kasing mayro'n silang technology. Alam n'yo bang dating nagta-trabaho ang Papa ni Pio sa isang taga-Alabang."

"Hindi ko alam 'yan." Bumaling pakanan ang ulo ng babae na parang tuta. "Ang alam ko lang ay galing sila mismong Alabang at tumakas lang," nakanguso niyang sabi.

"Chismis na naman. Ilang beses ko na 'yang narinig pero sina Pio na ang nagsabi na hindi sila nagmula ro'n."

Bumuntonghininga na lamang ang babae.

"Minsan, may katotohanan sa likod ng isang chismisan. Bahala ka. Ikaw na ang tumuklas. Hagilapin mo ang buong Taguig, buong Metro Manila, buong Pilipinas pati buong mundo. Hanapin mo kung nasa'n sila. Ikaw mismo ang tumuklas," paliwanag niya habang lumilipad-lipad sa ere ang kanyang braso. "Basta, binabalaan kita. Mag-ingat ka sa mga taga-Alabang."

Tumalikod na siya sa akin at tuluyan na ring nawala matapos ang ilang minutong paglalakad at pakikihalubilo sa mga tao dito sa labas.

Nagkunot ang aking noo habang nakanguso.

Imposible naman na gano'n? May powers si Pio? Ilang taon ko na rin siyang nakilala pero wala naman siyang nabanggit. Hindi ko nga nakita 'yong palad-palad thingy na ginagawa niya. Siguro sabog lang 'yong babae na 'yon kasi madaling araw. Baka hindi nga tsaa 'yong ininom niya kanina.

Napabuntonghininga na lang ako. Sayang, may titingnan pa naman ako sa website ng Taguig Councils tungkol sa training camp. Mabilis kasi ang cellphone at laptin ni Pio. Ang cellphone ko at laptop ko naman, aabot pa ng ilang dekada bago mag-load. Kaya, no-choice, gagamitin ko na lang ang phone ko para tingnan ang mga karagadaganag impormasyon.

Baka naka-post din sa website nila 'yong mga names at baka may makilala ako. Sana. Para naman hindi awkward. Ang hirap bumuo ng new friendship. Naku naman kasi Pio, bakit ka ba umalis nang walang paalam? Saan naman kita hahanapin nito?

Pero, hindi na muna kita iisipin. Kailangan ko munang mag-focus sa training camp.

Binuksan ko ang cellphone ko at kumonek sa internet. Sumandal muna ako rito sa dingding ng bus nina Pio at dito muna tumambay sa labas. Nakailang kanta na rin ako ng mga paborito kong kanta para pampalipas oras habang naglo-load ang website.

Punyetang internet naman kasi 'to. Hindi ako makakonek! Jusko. Ako lang siguro ang hindi binabahagian ng internet connection dito sa Pilipinas. 3021 na, PLDVerge! Ang bagal mo!

Pero balita ko rin, mabilis talaga ng internet sa loob ng Alabang kaya sana, isang araw, makatapak man lang ako sa loob niyon kasama sina Kristine at Tatty.

Matapos ang halos tatlumpung minuto, lumabas na ang page. Agad akong nag-scroll down pababa at tiningnan kung may balita pero wala.

Ang tanging nakalagay lang dito ay: We are now in the process of contacting the qualified applicants. Thank you!

Bumigat ang mga mata ko dahil wala akong nakuhang magandang impormasyon para panabikin ang buo kong katawan.

Wala na nga si Pio, ta's wala pang news!

Ibinulsa ko na lamang ang cellphone ko at walang ganang naglakad para makauwi na sa bahay.

***

Natapos na ang aming tanghalian. Wala pa rin akong gana dahil wala si Pio. Wala akong ka-chika-han. Walang magmumura sa akin.

Tumambay muna ako rito sa labas ng barong-barong habang tinititigan ang mga tao sa baba.

Ano kaya ang iniisip ng mga taga-Alabang dito sa mga tao sa labas ng pader na 'yon?

Napakamisteryoso rin kasi ng Alabang na 'yon. Walang may alam kung ano'ng itsura ng loob depende na lang kung trabahador or taga-Alabang mismo. Kaya napakasuwerte ng papa ni Pio dahil nakita na nito ang Alabang.

Pero . . . habang nagmumuni-muni rito sa pekeng balcony namin, napaisip din ako kung ano kaya kung totoo rin ang sinabi ng babae kanina. Paano kung galing sa palad talaga 'yong mga ilaw na nagmula kina Pio? Paano kung taga-Alabang talaga si Pio at umuwi na sila ro'n?

Pero . . . imposible.

Imposible talaga dahil bata pa lang ako, kilala ko na si Pio at ang pamilya niya.

Hay. Ginugulo ko lamang ang aking pag-iisip. Hindi na tama 'to. Hindi taga-Alabang si Pio. Walang kababalghang nababalot sa pamilya niya.

Ibinuga ko na lamang ang aking nagdududang hangin mula sa aking baga nang biglang tumunog ang aking cellphone, senyales na may nag-text.

Agad kong dinekwat sa bulsa ko ang cellphone dahil baka galing kay Pio 'yon pero hindi.

Kahit hindi man galing sa kanya, naging sabik ang buo kong kalamnan. Mula ito sa Taguig Council.

Good day!

Please prepare for tomorrow.
One of our team members will pick you up.
Please be ready. Thank you.

- Taguig Council for MMSR-Camatayan Race.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top