Chapter 32

Chapter 32

Good Luck

***

"Ang buong 7th floor ay sa atin lamang," panimula ni Miss Idda nang mailapag na niya ang kaniyang dalang purse sa sofa'ng kulay berdeng nag-aabang sa amin pagbukas ng elevator. Berde ang bumalot sa buong palapag na ito na may tingkad ng asul. Napakarami ring makakapal na kurtinang may palawit na kulay ginto ang nakasalapak sa dingding. Salamin nga pala ang mga pader ng building na ito base na rin sa nakita ko kanina habang papalapag na kami sa lupa.

"Dadalhin din ng ilang mga helpers ang gamit natin dito so feel free to roam around, Ms. Guinto," nakangiti at masiglang sabi pa niya.

Naglibot-libot na rin siya kaya gano'n na rin ang ginawa ko. Napunta ako sa isang hall na puro paintings ang nakadikit sa pader. Pero, hindi ko na 'yon pinansin dahil mas bumabagabag sa aking isipan ang pagpasok ni Pio kanina. Pero, siya nga ba talaga 'yon? Oo eh. Kilalang-kilala ko si Pio. Kahit anino niya alam na alam ko.

Napahimas-baba na lamang ako't umiiling-iling habang naglalakad nang marahan.

Imposible talaga kung gano'n. Taga-Taguig si Pio, sa pagkakaalam ko. Matagal ko na kasi siyang kilala kaya alam kong taga-Taguig siya. O baka, may mga bagay lang siyang hindi sinasabi sa akin? Pero ano 'yon?

Kung kasali siya rito, anong siyudad naman kaya ang kaniyang nirerepresenta?

Katulad kaya siya ni Iman na hindi naman taga-Taguig pero lumipat lang sa Taguig kaya nakasali sa training camp? Posible. Naaalala ko, naglaho na lang sila bigla. Huling kita ko sa kaniya ay noong nasa barter exchange ako. Lumipat yata sila? Pero bakit 'di niya sinabi sa akin? Anong sikreto ang mayro'n ka, Pio?

Isa ka bang Half na gaya ni Jens?

Isa ka bang Full Alabang?

Bigla na lamang may tumunog na tila nahulog na mga kubyertos sa aking utak at napahinto sa aking paglalakad. Namilog ang aking mata nang may isang alaala ang pumasok sa aking isipan. Unti-unti ko na ring naiiaangat ang aking mga palad upang itakip sa aking bibig.

Noong pumunta ako sa mini-bus nila, may isang ale ang lumapit sa akin. Kinuwento niya na nakita niya raw sina Pio na naglalakad habang bukas-palad nilang tinatapat ang kanilang kamay sa daan. At . . . may inilalabas daw iyong ilaw. Kung gano'n, posibleng isang Half o Full si Pio, kung totoo man 'yong sinabi ng ale.

Noon, 'di pa talaga ako nagpapaniwala sa kinukuwento niya hanggang sa makakita na ako ng mga totoong taong may mga kapangyarihan.

Kailangan ko siyang hanapin para makumpirma na siya nga ba talaga ang Pio na nakilala ko.

Naglakad muli ako paalis sa painting display rito at lumapit sa elevator. Pipindot na sana ako nang bigla akong tinawag ni Miss Idda kaya napalingon ako. May dala siyang platito ng cupcake.

"Aalis ka?"

"Ah—"

"Huwag. Delikado." Inilapag niya ang kaniyang platito sa pinakamalapit na mesang maliit. "Iyang sumbrero mong suot . . ."

Bigla kong hinawakan ang suot-suot kong baseball cap at tinanggal ito sa aking ulo.

"Ano po ang mayro'n dito?" pagtukoy ko sa simbolo na nakatatak sa sumbrero. Tinitigan ko pa ito baka may pumasok lamang sa aking isipan kung ano nga ba ito.

"It's an important symbol," mababa niyang pagkakasabi.

Nangunot sa taka ang aking noo. "Saan po?"

Umupo siya sa sofa at bumuntonghininga. "It was an important symbol. Pinasuot lang kita niyan kasi maraming media sa labas and I am hoping na makita nila ang simbolong iyan."

"Ano po ba ito?"

"Gamit iyan ng mga makapangyarihang tao sa Alabang. Ang ibig kong sabihin sa makapangyarihan ay 'yong mga taong mayro'n talagang kapangyarihan gaya ni Jens."

Naibuka ko ang aking bibig.

"Kaya kung kanino mo man 'yan nakuha, isa siyang bahagi no'n. Buwag na ito ngayon. Ang tawag pa sa kanilang grupo ay The Saviors. Ang kaso, may mga sakim at ganid sa kapangyarihan ang umusbong sa Alabang kaya nawala na lamang sila. Ang kanilang tungkulin ay gamitin ang kanilang kapangyarihan hindi para sa karahasan kundi sa mas mabuting bagay pa. Pero, masyado nang malala ang populasyon natin dito sa Pilipinas kaya nalamon sila ng panibagong grupong hangad ang mas mabilis pero madugong daan. Sila naman ang The Chosen Ones."

"So ano naman po ang point ng pagsusuot ko nito?"

"It will alarm all the former members of The Saviors. Mabibigyan sila ng buhay dahil mayroong isang kasaling parte nila—at least kahit peke."

"So parang gagawin mo akong pain?" Medyo nawala ang paggalang ko dahil sa mga binanggit ni Miss Idda.

"Hindi kita gagawing pain, Ms. Guinto. Ngayon mo lang isusuot ang sumbrerong iyan. Hindi ka naman namukhaan ng karamihan kaya sigurado akong safe ka."

Natigil lamang ang pag-uusap namin ni Miss Idda nang bumukas ang elevator sa aking likuran. May tatlong lalaki ang dala-dala ang aming kagamitan at itinabi sa gilid. Bago naman sila umalis, may inanunsyo pa ang isang lalaki.

"Magandang hapon, tonight po we will have a press conference and dinner party. Ito po ang schedules po natin." May iniabot siyang brown envelop kay Miss Idda at tuluyan na silang umalis.

Nakatayo pa rin ako malapit dito sa elevator at hinintay na buklatin ni Miss Idda ang nilalaman niyon.

"The dinner party later will be the send-off because tomorrow will be the MMSR," seryoso niyang turan habang binubuksan iyon. Binunot na niya ang laman na papel at binasa ang nilalaman nito.

Hello participants!

Welcome to Manila Racers Camp Hotel.

We are hoping that you are enjoying your first minutes and hours in this camp. As what you all know, this welcome ceremony will only last for one day as the representatives of each city here in Metro Manila will be sent in the 'racing field' tomorrow. We will provide a more information regarding this one later in our press conference.

Here's our agenda for today and tomorrow.

Today

1:30 PM to 5:30 PM – Waiting for the participants

5:30 PM to 6:00 PM – Preparation for the Press Conference

6:00 PM to 8:00 PM – Press Conference @SHOW HALL *please dress properly

8:00 PM to 10:00 PM – Dinner @DINNER HALL

10:00 PM – Lights out

Tomorrow

7:30 AM to 8:30 AM – Last Breakfast *food will be delivered in each floor. Please wear the Racer's Uniform too.

8:30 AM to 9:30 AM – Sending participants to the Racing Field or Venue

9:30 AM onwards – Start of the MMSR

***

Naghahanda na kami ni Miss Idda para sa press conference na gaganapin mamaya. May nagpadala pa ng isang mensahe kanina na ang format daw ng press conference ay lilinya kaming mga representatives sa harap ng mga media at ng mga tao. Magsasalita rin ang head ng Metro Manila Council at ang presidente ng Pilipinas mamaya.

Kinakabahan ako dahil kanina pa ako paikot-ikot dito sa sala ng floor na ito. Nakakagat ko ang aking labi at ang tibok ng aking dibdib ay hindi na normal. Kinakabahan din ako dahil baka makita ko na si Pio nang harap-harapan.

Nakasuot ako ng isang itim na ball gown kaya nagmukha akong bell dito. Hindi talaga ako sanay magsuot ng mga ganitong damit dahil wala nangangati ang buo kong balat. Habang kinakalma ko ang sarili ko, kalmot naman ako nang kalmot sa braso ko, sa likod ko, at naiinis na ako.

"Ms. Guinto, stop that. Gusto mo bang makita kang ganiyan sa harap ng maraming tao?" sita ni Miss Idda nang makarating na siya rito sa sala. Nakasuot din siya ng isang itim at mahabang tuwid na gown na may mga maliliit na kristal. Naka-bun na naman ang ayos ng kaniyang buhok at suot-suot ang kaniyang nakaka-intimidating na salamin.

"Opo," mahina kong sagot.

"Tara na."

Nauna na siyang naglakad sa akin at sumusunod na lamang ako sa kaniya.

Dahil nga naka-ball gown ako, medyo malayo ang distansya namin sa isa't isa nang makapasok kami rito sa elevator. Tahimik na nagsara ito at tahimik din kaming nakasakay rito. Dahil sa katahimikan na bumabalot sa aking paligid, dinig ko ang bulong ng aking kaba at pagkasabik. Kinakabahan dahil sa mga media, mga tao, mga posibilidad na makalaban ko sa loob, at sa darating na race. Nasasabik naman dahil makikita ko muli si Pio at baka may pag-asang makausap ko siya't maitanong lahat ng mga gusto kong itanong.

Maraming nakaimbak sa likuran ng aking utak.

Nahati na sa gitna ang elevator at lumabas na kami ni Miss Idda. Nasa ground floor kami at napakaraming nakapang-pormal ang suot na tao rito. May mga taong alam na alam kong galing Alabang o kaya parte ng mga mayayamang tao sa labas ng Alabang dahil damit pa lang nila, sobrang bango na. Kumikinang-kinang na tila nahulog silang bituin sa payapang gabing madilim.

May mga photographers din na kuha nang kuha ng litrato kaya puro flash dito, flash doon ng ilaw. Napapapikit na lamang ako dahil para sinasampal ako ng mga ilaw na 'yon.

"Sumunod ka lang sa akin. Huwag masyadong seryoso ang mukha. Ngumiti pero hindi ngiting-ngiti. Ipresenta mo nang maayos ang sarili mo. Chin up, chest out. Get ready because media will interview you."

Naglakad na si Miss Idda kaya sumunod na ako. Bawat hakbang ng aking takong, gano'n din ang pagtapon ng mga ilaw galing sa camera ng mga media. Humihinga lamang ako nang malalim at iniisip na walang tao sa paligid. Namamawis na rin ang aking palad.

Ganito pala ang pakiramdam na humarap sa sandamukal na nilalang. Parang akong nilalamon ng buhay. Medyo nanghihina rin ang aking tuhod dahil na rin siguro sa umaapaw na emosyon sa aking katawan. Gusto ko munang maupo pero bumibilis na rin ang lakad ni Miss Idda kaya kailangan kong ituloy ito.

Maya-maya, may nakikita na akong sign ng "SHOW HALL THIS WAY". Doon dumeretso si Miss Idda pero bigla na lang akong nabulag sa tindi ng ilaw kaya napaatras ako't napaaray. Iniharang ko pa ang aking buong braso para makailag sa susunod na pasabog ng liwanag.

Narinig ko ang paghinto ng takong ni Miss Idda at bigla na lang may lalaking nagtanong sa akin kaya tinanggal ko na ang aking nakaharang na braso. Hindi ko ito naintindihan kaya pinaulit ko sa kaniya. Ang lalaking ito ay may blonde na buhok kapareha kay Jens kaya biglang sumimangot ang aking labi't nakaramdam ng lungkot.

Sumitsit naman si Miss Idda kaya nabaling ko ang tingin sa kaniya. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at tinuro-turo niya ang kaniyang labing pilit na nakangiti.

Tumango na lamang ako.

"Ah-eh, pasensya na po. Puwede pong paulit?"

"I am Fred from BBS-BBE network. First of all, you look great tonight and your dress is awesome. May I know what city are you going to represent?"

Napakurap-kurap ako bago sumagot.

"Thank you po sa compliment. I'm Nadine and I'm from Taguig."

"Oh wow! Taguig! Didn't know they are going to send a lady in the race. So, what will be your expectations?"

"Of course, I'm expecting to win," buong loob kong sabi kahit na parang pinipipi ang kalamnan ko sa kabang nararamdaman ko. Ang camera kasi sa tabi ng lalaking ito ay tutok na tutok sa akin pati ang ilaw.

"Bold answer."

"I mean, everyone naman po wants to win. Dumaan po kami sa matinding challenges just to be here."

"So, have you met the racers?"

"Hindi pa po. Pero excited po akong makita sila."

"Thank you, Taguig and good luck."

Tumango na lamang ako bilang tugon saka bahagyang ngumiti. Naglakad na muli si Miss Idda kaya sinundan ulit siya. Kusa namang umalis sa aking harapan ang lalaki at ang mga kasama niya.

"Good job, Ms. Guinto," papuri ni Miss Idda. "Hindi ka mukhang kabado."

Hindi mo lang alam Miss Idda kung grabe ang pagpintig ng bawat pulso ko. Parang sasabog na ang buo kong katawan. Pero mabuti na lang dahil na-manage ko ang gano'ng pressure. First time ko lang pero mukhang maayos naman.

Inibuga ko na lang ang natitirang kabadong hangin sa aking baga at nagpatuloy lang.

Parami na rin nang parami ang mga tao sa daan habang papunta kami sa SHOW HALL. Nasa loob pa rin ito ng hotel dahil kapag sa labas pa 'to gaganapin, dadagsain na naman kami ng mga tao't media na hindi imbitado rito sa loob.

Kaliwa't kanan na rin ang pagputok ng mga liwanag galing sa mga camera habang dumdaan ako. Alam kong ako ang kanilang kinukuhanan dahil napakaraming mata ang nakatingin sa akin. Pati na rin ang ilang babaeng naka-dress, sa akin bumagsak ang kani-kanilang paningin. Dahil din siguro sa suot kong gown. Agaw-pansin din kasi. Ang laki ba naman ng palda.

Nang makapasok kami sa hall, may mga upuang nakalatag lang at maayos na nakahilera. May mga nakaupo na roong mga reporters at mga mayayamang tao. May lumapit naman sa amin ni Miss Idda na naka-headset at may lapel pa.

"Ano po kayo?"

"Taguig representative," seryosong turan ni Miss Idda.

"Okay po. Sumunod po kayo sa akin."

Ginabayan kami ng lalaki papunta sa kung saan man dahil wala siyang sinabing kung ano. Inobserbahan ko na lamang ang buong hall. Napakaganda ng mga palawit na ilaw sa kisame. Kumikinang-kinang din iyon. Kung saan-saan din ang mga bulungan na naririnig ko. May mga nagsisigawan pa nga dahil sa mga gamit-gamit na nandirito. Isa itong production talaga.

Sa pinakaharap naman, mayroong isang malaking stage na may mahabang mesang binalutan ng itim na tela. May backdrop pang, 'Metro Manila Survival Race Road to Camatayan Race Press Conference'. May mga ilang tao rin ang inaayos pa ang ilang kagamitan sa stage.

Maya-maya pa, bigla namang pumasok ang lalaki sa isang pinto. Pagpasok namin do'n, may mga taong sing-edad ko rin yata ang mga nag-uusap-usap. May mga nasa gilid lang din habang inaayusan sila ng mga staff dito. Malaki-laki rin ang kuwartong ito. Parang sinlaki ng basketball court dahil kalat-kalat sila.

"Dito po muna kayo mag-i-stay. We will start na rin po in a few minutes," nagmamadaling sabi ng lalaking gumabay sa amin saka na umalis.

Lumingon sa akin si Miss Idda saka inihayag niya ang kaniyang kamay. May maliit na ngiti ang nakapinta sa kaniyang labi.

"Observe your surroundings. All of the representatives are young. And some of them might be a Half or a Full."

Inobserbahan ko nga ang malaking kuwartong ito. Lahat naman sila mukhang normal. Naka-gown gaya ko ang mga babae at naka-suit naman ang mga lalaki. Mahirap ding malaman kung sino sa kanila ang mga Half o Full. Kailangang mahuli ko sila sa aktong ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para makapagsabi akong, isa nga talaga silang Half o Full at kailangan kong makipag-teammate sa kanila para makalabas sa race ng buhay.

Pero winaglit ko muna ang pag-iisip na 'yon dahil pumasok sa aking isipan si Pio. Ibinalik ko muli ang tingin kay Miss Idda na nakatingala sa kisame at pinagmamasdan ang mga naka-display na kung ano-anong paintings.

"Miss Idda," pagtawag ko kaya sa akin naman siya tumingin.

"Yes?"

"Puwede po bang maglibot?"

"Oo, basta dito lang. Mayro'n din akong pinag-aaralan tungkol sa mga paintings sa kisame."

"Salamat po."

Naglakad na ako't nilingon si Miss Idda. Nakatingala na muli siya sa itaas kaya tumingala na muli ako. Ano kaya ang pag-aaralan niya sa mga paintings sa itaas? Para lang naman 'yong mga normal na batang naglalaro ng mga larong kalye. May naka-imprenta pang mga salita 'Bamsak, Tumbang Preso, Ubusan Lahi'. Magaganda ang mga pagkakapinta dahil parang realistic at putok na putok ang mga kulay nito. Kaya siguro nakatingala lang si Miss Idda dahil sa ganda ng obra sa itaas.

Ibinalik ko ulit ang aking layuning hanapin si Pio. May ilang mga staff ang nakatingin sa akin na tila takang-taka at parang tinitingnan nila akong isang nawawalang pusa. Hindi ko na pinakialaman dahil wala rin naman akong paki sa kanila. Ang tanging paki ko lang ngayon ay si Pio.

Nakarating na ako rito sa dulo ng kuwarto pero walang Pio ang nagpakita. Bumagsak ang aking balikat at bumigat ang aking dibdib na tila may binubuhat na isang daang kilo ng bato.

Baka masyado ko lang na-miss ang mga kaibigan ko kaya namamalik-mata na ako. Hindi ko alam kung totoo na ba ang mga nakikita ko at kung totoo ba talaga ang lahat ng ito. Kung panaginip lang talaga 'to, sana magising na ako. Pero, malabo. Mas malabo pa sa muling pagkikita namin ng lalaking nagbigay sa akin ng sumbrero na 'yon. Dapat ko rin siyang tanungin tungkol sa simbolo.

Dahil nawalan na rin ako ng gana, umalis na ako rito pero matapos lang ang ilang saglit—

"Pio!" sigaw ng isang babaeng 'di ko alam kung sa'n galing. Nagpaikot-ikot ako sa aking puwesto pero mga staff na palakad-lakad, at mga representatives na nakatayo't nag-uusap at nagpapahinga lang ang rumirehistro sa aking mga mata.

Hinanap ko muli ang boses na 'yon.

Pio!

Paulit-ulit na nag-replay iyon sa aking utak. At nakapag-conclude na ako na nandito nga talaga si Pio. Si Pio na nakilala ko bilang kaibigan ko. Si Pio na nakilala ko bilang isang normal na tao (kung hindi totoo ang pagiging Half o Full niya).

Pero . . . nakailang lakad, liyad, paggamit ng aking tainga, at wala pa ring Pio ang lumapat sa aking naghahanap na mata.

Nakarating na lamang ako rito kay Miss Idda na nakatingala pa rin sa itaas. Dahil na rin sa bigat na nararamdaman dahil sa bigong makita si Pio, malalakas ang nagawang tunog ng aking takong rason para magataka si Miss Idda.

"May nangyari ba habang naglilibot ka, Ms. Nadine? Para kang tuyot na halamang 'di nadiligan."

"Wala naman po."

"Sa tono pa lang ng boses mo, alam kong mayro'n. What happened?"

Wala namang konek pa si Miss Idda sa nararamdaman ko ngayon. Nawalan ako ng kaibigan sa camp. 'Di ko na makita pa sina Jens, Selin at Iman, at ayaw sabihin ni Miss Idda ang impormasyon kung saan sila nakatira. Kaya wala na rin siyang paki pa sa kaibigan kong tinuring ko nang kapamilya na si Pio.

"Wala po," pag-uulit ko.

Hindi na sumagot pa si Miss Idda dahil may isang lalaki ang nag-anunsyo tungkol sa press conference na gaganapin ngayon.

"Hello everyone in this room! Lahat ng representatives, please fall in line. Alphabetical order tayo ha. Magsisimula na tayo kaya stand by."

Umalis na muli ang lalaking may headset at lapel. Lahat naman ng representatives dito ay nagsilapitan malapit sa pintuan at inalam-alam na ang kanilang siyudad.

"Ms. Guinto, lalabas na ako para makahanap ng mauupuan. After the press con, dito na lang ulit tayo magkita. Good luck. Kung may mag interview man sa 'yo mamaya, kumalma ka lang. I know you can do it."

Tinapik-tapik ni Miss Idda ang aking balikat saka ngumiti na lamang ako sa kaniyang harapan. Naghiwalay na kami kaya naiwan na lang ako rito sa loob. Nakisama sa mga representatives na bumubuo ng linya at sana makita ko si P—

Pio?

Namilog ang aking mata nang makita siyang may kasamang isang babae. Iyon yata ang tumawag sa kaniya. Nakakulay pulang off-shoulder gown ang suot ng babae't naka puting tuxedo naman si Pio. Humakbang ang aking paa para lapitan siya kaso mukhang masaya siya sa kausap niyang babae kaya baka masira ko ang sandali nila.

Napabuntonghininga na lamang ako pero nakaramdam ako ng saya't pagkasabik dahil nandito nga talaga si Pio. Hahanap na lang ako ng tamang oras para makausap siya.

Itinungo ko na lamang ang aking ulo't para maitago ang aking mukha. Dahil letter T pa ako, nasa hulihan ang aking puwesto't 'di mapapansin ni Pio. Depende na lang kung taga Valenzuela siya dahil tiyak akong magkakatabi kami sa pila.

***

Nalaman kong taga-Pasay si Pio. Dito, totoo ngang magrerepresenta siya ng isang siyudad.

Nakaupo na kami rito sa mga upuan dito sa entablado't may mahabang mesa sa aming harap. May MC namang nagsasalita sa gilid namin habang nakatitig ako sa dagat ng mga taong magagara ang kasuotan. Para talagang bumaba ang gabi rito sa ulap at kislap nang kislap ang mga bituin sa aking mata.

"Ladies ang gentlemen, I am welcoming you all to our MMSR Road to Camatayan Race Press Conference. I am Vond Martin, your master of ceremonies for tonight. But before we formally start the event, I will first explain what will be our agenda for tonight," anunsyo ng MC. Dinig na dinig siya rito sa buong SHOW HALL. Medyo umaalog-alog pa nga ang loob ng aking tainga dahil sa lakas ng boses niya. Nakadama ako ng pagkasabik pero nariyan pa rin talaga ang kinakabahan kong katawan, at 'di nagtatago.

"The Metro Manila Head Council will introduce himself Mr. Yuhan Cangtiao, followed by the president of the Philippines, Mr. Lino Amarillo. After they give their small talk, we will begin explaining what will happen tomorrow—in the race. Then, we will introduce the racers and will give them ample time to showcase themselves. And, the media will now begin asking questions.

"To formally start the event, may I call Mr. Cangtiao."

Lahat ng tao, pati kami, nagpalakpakan nang sumampa rito sa entablado ang head ng Metro Manila Council. Napitlag ako't dahan-dahang suminghap nang makita siya. Akala ko ang itsura ng lalaking ito ay medyo kulubot na, nakasalamin, may puti na sa bahok . . . pero parang sing-edad ko lang ang lalaking ito. Makinis ang kaniyang balat, maputi, singkit, bagsak pero maayos ang kaniyang buhok. Laking mayaman siguro ang isang 'to kaya naging head council ng Metro Manila.

Mabilis din natapos ang kaniyang pagsasalita sa lahat. Sinabihan niya lang ang mga nanonood na maghanda dahil marami raw siyang ibinuhos na oras para sa MMSR. Ipapakita na lamang iyon mamaya.

Nang matapos si Mr. Cangtiao, si President Amarillo na ang nagsalita. As usual, suot-suot pa rin niya ang kaniyang kulay—asul. Wala rin siyang masyadong nasabi dahil hindi rin naman niya alam kung ano ang nilalaman ng MMSR dahil lahat ng mga race sa buong Pilipinas ay itinalaga na niya sa bawat council. Nagbigay na lamang siya ng isang makahulugang good luck sa bawat siyudad dito sa Metro Manila at sa amin.

Natapos na ang dalawang espesyal na bisita rito sa entablado kaya nagsimula na rin ang pag-e-explain tungkol sa gagawing race bukas.

Inutusan kami ng MC na tumalikod at ang malaking back drop sa aming likod ay naging screen. May kalayuan naman kami kasi kung ito ay dikit na dikit sa aming likod, baka mabubulag na kami sa liwanag na inilalabas ng screen.

"The race will have three phases or levels."

May islang lumabas sa screen.

"The Metro Manila Councils planned to create this island in the Manila Bay which is already finished. Tomorrow, all racers will have their own helicopters just to be in this area. After that, Level One will start. Unfortunately, since this is all part of the challenge, we will not spoil you what will be our level one, level two, and level three."

Nagkorteng bilog ang aking labi. Bali, wala akong kaalam-alam kung ano ang mangyayari bukas. Lahat ay sorpresa. Napasipol na lamang ako ng hangin at pinagdaop ang aking kamay.

"We will also give uniforms to the racers later after this event. And that's it. It's very short because we want the race to be a mysterious one."

Namilog bahagya ang aking mga mata dahil sa inanunsyo ng MC.

'Yon na 'yon? Talaga? Gusto ko nga malaman kung ano pa ang magiging expectations ko sa loob ng isla na 'yon. Maraming tanong ang dumaong sa aking isipang gumugulong.

Pinaharap na muli kami ng MC para humarap sa mga media. Bakas na bakas naman sa mukha ko ang pagkalito. Nangungunot ito't walang humpay na pag-iling.

Dinalaw ako ng espiritu ng kabadong mga nilalang at hinaplos ang aking balat dahilan para manginig ito't magsitayuan ang aking balahibo.

"And let's get to know the racers. Let's start from Caloocan."

Isa-isa na ngang nagpakilala ang mga katunggali ko para sa gaganaping race. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang matindi kong makakalaban pero dapat maghanda ako sa kung ano man ang mangyayari.

Lahat ng mga nagpakilala, walang nag-spark sa akin para maging intersado hanggang sa nagpakilala ang taga-Muntinlupa.

"Hi," pagsisimula niya sa kaniyang walang buhay na boses. Para siyang si Selin na lalaking version. At . . . pamilyar din ito. Parang narinig ko na kung saan. "Ronnel Verano, Muntinlupa."

Ronnel Verano.

Wala naman akong kilalang gano'n ang pangalan pero alam na alam ko ang boses niya. Hindi ko lang alam kung saan ko narinig. Napapakamot na ako rito sa puwesto ko para lang maalala ang lugar kung saan ko narinig ang boses na 'yon.

Maya-maya pa, si Pio na ang nagsalita. "Magandang gabi po. Ako po si Pio Pascual, representative of Pasay."

Hindi rin nagtagal, nagpakilala na rin ako.

"Hello po at magandang gabi sa inyong lahat. Ako po si Nadine Guinto, Taguig."

Sa gilid ng aking mata, tila may gumalaw. Parang sinilip ako at alam ko kung sino 'yon. Si Pio.

Ibinaling ko ang tingin ko sa kaniya. Isinalubong niya sa akin ang nakadilat na mga mata't nakabagsak na panga. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat. Pero, ako, walang ipinakitang emosyon. Gusto ko lang malaman kung bakit siya nandito, bakit hindi siya sa Taguig lumaban, at kung isa ba siyang taong may tinataglay na kapangyarihan.

Marami akong gustong itanong sa kaniya.

***

Natapos ang press conference nang wala nang maitanong ang mga media. Tinanong nila kung may mamamatay ba sa race, at obvious namang mayro'n. Nagtanong din sila kung ilang araw daw matatapos ang race. Walang tiyak na sagot dahil nakadepende ito sa performance namin habang nasa loob. Anumang oras din, maaaring magbago ang rules habang kami ay nasa loob. May nagtanong din kung puwede bumuo ng alyansa habang nasa loob. Puwedeng-puwede naman pero walang kasiguraduhang ililigtas ka ba ng ka-teammate mo dahil lahat dito ay gustong manalo.

Patayan kung patayan para lang makalabas ng buhay at mailigtas ang kaniyang siyudad.

Noong bumaba na kami sa entablado, una kong nilapitan si Pio. Nang makita ko ang kalbo niyang ulo, agad kong dinapo ang palad ko sa kaniyang braso dahilan para siya lumingon.

"Pio," panimula ko. "B-Bakit ka nandito?"

"I-Ikaw . . . Bakit ka nandito?" nangangatal ang kaniyang ngala-ngala habang nagtatanong. Dama ko rin ang pagnginig ng kaniyang braso.

"Bakit ka ba parang takot na takot? Wala naman akong gagawin sa 'yo."

"Dito wala. Pero sa loob ng race mayro'n."

"Makakasiguro ka ba? Kaibigan kita kaya bakit ko gagawin 'yon?"

"Hindi mo na ako kaibigan, Nadine. Simula ngayon, wala nang nag-uugnay sa atin. Tinalikuran ko nga ang Taguig kaya, kaya rin kitang talikuran."

Nabitawan ko ang kaniyang braso at tulalang mata ang naitapon ko sa kaniya.

"Magkalaban na tayo rito, Nadine. At ang magkaibigan, hindi naglalaban. Hindi nagpapatayan. Kaya, wala na tayong gano'n."

"P-Pero—"

"Bingi ka ba, Nadine? Wala na. Hindi na ako ang Pio na nakilala mo. Hindi ako ang Pio na kilala mo. Hindi mo kasi talaga ako kilala."

Nakakagat ko na ang aking labi at lumulunok na lamang ako sa mga kutsilyong salitang sinasaksak niya sa akin. Bakit niya ba nasasabi ang mga 'yon? Kahit na anong mangyari, magkaibigan pa rin naman kami. Kaya naming lagpasan ang ito nang magkasama pero bakit parang ayaw niya?

"Nadine, huling beses ko na 'tong sasabihin, our friendship is now over—"

Biglang may pumagitang kamay sa aming dalawa. "Could you please shut up?" malalim na tanong lalaking pumagitan sa amin. "You're making my girl cry."

Nailuwa ko ang buo kong mata nang marinig ko 'yon.

My girl? Sino 'to? Si Jens? Si Iman? Pero hindi naman nila kaboses.

"Just go," utos ng lalaki kay Pio.

Maya-maya, nang nakaalis na si Pio sa harapan namin, lumingon sa akin ang lalaki. Siya 'yong taga-Muntinlupa. Si Ronnel Verano. Bakit niya 'yon ginawa sa akin? P-Pero, may nararamdaman na talaga ako sa kaniya kanina pa no'ng narinig ko ang boses niya. Sino ka?

"Sino 'yon?" tanong ni Ronnel.

"S-Sino ka?"

"Ronnel Verano. Ako 'yong nagbigay sa 'yo ng sumbrero noon. You don't remember?"

Natutop ko ang aking bibig. Napaatras ako dahil sa aking nalaman. Siya 'yong may-ari ng sumbrero na may simbolo. Siya 'yong may-ari ng sumbrerong naging lucky charm ko na.

"Ganito pa rin itsura mo 'no. Wala ka pa ring pinagbago. Long straight hair, beautiful eyes, and lips," walang gatol niyang sabi na nagpainit ng aking pisngi. Bakit walang preno ang bibig mo? Hindi ko alam kung ano ang ire-react ko. Hindi ko alam!

"Ang ganda mo rin sa dress mo. Lutang na lutang ang iyong—"

"Ms. Guinto, tara na sa dining hall," pagsingit ni Miss Idda na sinang-ayunan ko naman agad. Gusto ko munang tumakas sa harap ni Ronnel. Hindi ko in-expect na sobrang direct to the point lahat ng mga sinasabi niya kaya nagugulat ang mga selyula kong nababaliw sa umaapaw kong emosyon.

"O-Opo, Miss Idda."

Hinawakan ko ang magkabilang gilid ng aking ball gown saka tumalikod na rito kay Ronnel. Nakahinga ako nang maluwag nang sumingit si Miss Idda.

Ang puso ko'y di na makontrol sa pagwawala. Gusto na nitong makatakas sa kaniyang hawla.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top