Chapter 31

Chapter 31

Welcome

***

Sa pagpatak ng alas tres ng hapon, dapat nandoroon na kami sa venue. Iyon din ang nakalagay sa email na ipinadala sa akin ng staff mula sa MMSR.

Nakapagligpit na rin kami nitong mga nakaraang araw. Sina Mama't Papa ang nag-aasikaso ng mga gamit ko dahil abala ako sa pag-eensayo. Si Miss Idda naman ang nag-aasikaso sa schedule na posibleng maganap habang naroon kami sa venue.

Gaganapin ito sa isang hotel sa Manila. Nakasaad din sa e-mail, wala na ring kahoy de gusali ang mga nakapalibot doon kaya maaliwalas ang hotel na iyon. Ito na naman ang misteryosong pagkakawala ng mga kahoy de gusali dahil lang sa race na ito. Sana, sana hindi pinatay ang mga taong nakatira sa mga kahoy de gusaling nakatira sa palibot niyon noong 'di pa ito ginigiba.

"Handa na ba ang lahat?" tanong ni Miss Idda sa akin habang nandito kami sa sala. Nakasuot ako ng itim na pullover na may turtleneck. Naiinitan ako pero ito ang ipinasuot sa akin ni Miss Idda dahil nakaitim siyang gown. Terno raw ang kulay namin at baka mapansin kami sa unang araw ng event. Maikli naman ang suot kong itim na jeans shorts na may ga-tuhod na boots.

Ang laki-laki pa ng ngiti ni Miss Idda dahil gandang-ganda siya sa black fashion namin ngayon. Ang pamilya ko naman na nakaupo sa sofa ay nakangiwi na parang masusuka na yata anumang oras. Hindi sila sanay makakita ng ganitong kasuotan dahil puro lang naman kami sando, shorts, mga pinaglumaang damit sa barter exchange, at kung ano pa man na hindi magagaya sa mga mayayamang tao.

Hindi naman pang-mayaman ang damit kong ito kung tutuusin pero weird lang ang combination ng mga bagay-bagay.

"Opo, ready na po," sagot ko saka hinawakan ang handle ng aking maleta.

Tumingin na si Miss Idda sa aking pamilya na nakaupo sa sofa.

"Pamilya Guinto, I will make sure that Nadine will be safe while we are there. We will do our best to win the race, right Nadine?"

Medyo napitlag ako sa tanong ni Miss Idda kaya may bumarang papel sa aking lalamunan bago nagsalita.

"O-Opo. Kakayanin ko po," ngatal kong sagot.

"Good luck, anak," pagsabi ni Papa sa kaniyang nakaiibig na boses. Tumayo na siya sa sofa saka niya ako niyakap. Sumabay na rin si Mama at ang aking dalawang magkapatid.

Wala na akong sinabi pa dahil nagsimulang magtubig ang aking mga mata kaya tumingala ako sa kisame at kumurap-kurap. Hindi dapat nila ako nakikitang ganito. Dapat aalis akong may lakas sa aking loob.

Natapos din ang ilang saglit, natapos na ang pagyayakapan namin. Tumango-tango na lang ako sa harapan ng aking pamilya saka tumalikod dala-dala ang aking mga gamit.

"Let's go na, Ms. Guinto," ani Miss Idda.

Inihakbang ko na ang aking mga paa nang nakapikit ang mga mata. Awtomatikong pumatak sa de-tiles na sahig ang luhang naipon dito. Nanginig ang aking paghinga habang nililisan ang aking pamilya. Hindi ko na kayang lumingon pa dahil baka hindi ko na matuloy ang pagpunta sa Manila.

Tuloy-tuloy lang ang aming lakad ni Miss Idda hanggang sa makaluwas na kami sa apartment ng pamilya ko.

Dito, dito na ako napaluhod at tahimik na nagtangis. Huminto rin sa paglalakad si Miss Idda dahil 'di ko na narinig ang pagtama ng stilettos niya sa sahig. Naramdaman ko na lang ang paghapo ng kaniyang palad sa aking buhok.

"Magiging okay lang ang lahat, Ms. Guinto."

***

Sumakay na kami sa isang flying limousine papuntang Manila. May mga katawagan naman si Miss Idda sa phone habang nandito kami sa loob kaya inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtingin sa labas.

Kakaiba talaga. Dikit-dikit ang mga bahay at napakaraming kahoy de gusali ang nagsitayuan. Wala nang hinihinga ang lupa dahil baradong-barado na ito ng sandamukal na mga tao. Halos wala na rin akong makitang berde sa lupa dahil sinasakop na ito ng mga inprastrakturang wala namang buhay.

Matapos tumingin sa ibaba, tumingin naman ako sa itaas. Hindi lumalampas ang flying limousine sa ulap dahil sobrang kapal na rin ng usok na ang naipon doon. Hindi kakayanin ng makina nito dahil hindi naman ito eroplano na pang-matagalan ang byahe.

Wala akong na-enjoy buong byahe dahil wala rin namang maganda sa paglobo ng populasyon sa mundo. At ngayon, malapit na rin ang hatol sa Metro Manila. Anong lungsod kaya ang mananatili? At anong lungsod naman ang mabubura sa mapa?

Kahit mahirap, kailangan kong gawin ang aking makakaya para lang mailigtas ang aking pamilya. Paulit-ulit ko man itong sabihin pero mas magandang paalalahanan ko lagi ang aking sarili kung ano ba talaga ang layunin ko kung bakit ako sumali sa karerang ito.

***

Napanganga na lamang ako habang unti-unti nang bumaba ang sinasakyan naming flying limousine. Nakadungaw lamang ako rito sa bintana at parang lapat na lapat na ang mata ko rito.

"Welcome to Manila Racers Camp," pagsambit ni Miss Idda.

Napakalaki ng building na ito kaya nagtataka ako kung may underground din ba ito gaya sa Taguig training camp. Mas matangkad pa ito sa building sa Taguig at puro salamin ang katawan nito. Nakikita ko nga ang sinasakyan naming limousine na nagre-reflect doon.

Napakarami ring tao sa ibaba. Mga media, mga nakikiusyoso, at mga naka-black suit na tao na tila mga bodyguards.

Nang makalapag kami sa lupa, kinuyog ng buong tao ang aming sasakyan kaya naialis ko ang aking mukha sa bintana't napaatras. Lumagapak sa sahig ng limousin ang aking puwet kaya napasigaw si Miss Idda.

"Ms. Guinto, are you okay?" Lumapit siya akin saka inalalayan ang aking likuran.

"O-Opo. Nagulat lang po ako sa dami ng taong nakapalibot."

Ang mga mukha ng mga tao ay dikit na dikit sa bintana. Nagmukha silang mga marshmallow mula rito sa loob dahil flat na flat na ang kanilang pisngi sa bintana. Nakakatawa pero nakakakilabot din dahil 'di ko inaasahan ang ganitong pangyayari.

"MMSR staff will help us. Makakalabas tayo rito kasama ang mga gamit natin nang maayos. Don't worry."

Tumango na lamang ako sa sinabi ni Miss Idda. Ang mga hiyawan ng mga tao sa labas ay nagiging dagundong pagdating dito sa loob ng sasakyan. Medyo umuuga-uga na rin ito at palingon-lingon ako sa mga tao.

Maya-maya pa, nakita ko na ang liwanag at nagsisialisan na ang mga tao. Nagkaroon na ng daan sa pintuan ng limousine at naaninag ko na ang ilan sa mga naka-black suit na tao. May mga salamin din sila at parang may maliit na lapel sa bandang itaas ng kanilang polo. Napansin ko rin ang earphone nila sa tainga.

"Suutin mo 'to."

May ipinatong na sumbrero sa akin si Miss Idda. Kinapa-kapa ko ito at parang ito ang sumbrerong ibinigay sa akin ng lalaking tumulong sa akin doon sa Barter Exchange.

"Nakita kitang suot-suot mo 'to noong unang dating mo sa training camp at suot mo rin ito noong mini race sa maze. Mayroon kasing simbolo ang sumbrero mong ito. Mayro'ng embroidery ng isang bilog na may pakpak," malalim niyang paliwanag.

"Ano po ang ibig sabihin nito?"

"Uhm. . ." saglit siyang huminto. "Wala naman. Basta isuot mo lang 'yan."

"O-Opo."

Nangatal ang aking boses habang inaayos ang tuka ng sumbrero. Hindi ko naman mawari kung ano ang ipinapahiwatig ni Miss Idda tungkol sa simbolong matatagpuan sa sumbrero kong ito. Pero baka mayro'n 'tong kinalaman sa lalaking nagbigay sa akin nito. Hindi ko naman alam kung saan siya makikita dahil sa sobrang dami ng tao sa buong mundo.

Matapos din ang ilang saglit, nagbukas na rin ang pinto ng limousine. Iniyuko ko lamang ang aking ulo habang sabay kaming lumabas ni Miss Idda. Medyo inangat ko rin ang aking tingin at mayroon na ngang malinis na daanan para sa amin.

Kaliwa't kanan ang sigawan sa aking tainga na tila sasabog na ito. May mga media na isinusubsob na sa akin ang kani-kanilang mikropono pero tinatabig lamang sila ng mga naka-blacksuit na tauhan.

"Yumuko ka lang. They don't know who you are and what city you came from," bulong ni Miss Idda sa akin habang dumadaan sa mga leong nag-aabang lamang sa gilid.

Nakadikit lang din ako kay Miss Idda't nakahawak nang mahigpit sa kaniyang braso. Kanina pa nanginginig ang buo kong kalamnan dahil napaka-overwhelming nito at hindi ako sanay.

"Taga-saan ka, racer?" tanong ng ilang mga media. Hindi ko sinagot ang mga 'yon gaya ng sabi sa akin ni Miss Idda kaya nanatili akong tahimik.

"Ano ang inaasahan mo rito sa race?"

"Papatay ka ba ng kapwa racer?"

"Alam mo ba ang secrets ng Alabang?"

"May alam ka ba sa mga misteryosong taong nababalitaang may kapangyarihan?"

Naipikit ko ang aking mga mata habang patuloy kami sa paglalakad. Si Miss Idda na ang kumakawit sa aking tagiliran at siya na rin ang kumokontrol sa aking paglalakad. Mabilis at pabilis nang pabilis. Padami rin nang padami ang katanungan at parang rumble words na lang ang nadidinig ng aking tainga.

Huminga ako nang malalim. Paulit-ulit ko itong ginawa kahit wala namang talab sa aking pagkakalma.

Hindi ko na rin alam kung nasaan ako dahil nakapikit lang ako't nagko-concentrate sa pagyuko't paglalakad. Maya-maya pa, lumamig ang aking paligid na tila niyakap ang aking natatakot na balat. Iyon ang nagdulot sa akin ng payapang damdamin. Kumaunti na rin ang hiyawan na aking nadidinig.

Iminulat ko na ang aking mga mata, dahan-dahan. Unang rumehistro sa akin ang kulay gintong paligid na tila kumikintab-kintab. Malabo pa ang aking paningin kaya hinintay ko muna itong luminaw na tila isang lente ng kamera.

Nang naging malinaw na ito, bumitaw na rin sa pagkakakawit si Miss Idda sa aking tagiliran. Nahulog sa sahig ang aking panga dahil sa nakabibighaning tanawing nakikita ko.

Napakalaking chandelier ang matatagpuan sa gitna ng kisame. Nakapakaraming salamin at nakakatakot kapag bumagsak ito. Ang buong paligid ay sumisigaw ng "kamahalan" dahil sa sobrang expensive ng mga bagay-bagay. May mahabang reception na naghahantay roon sa unahan at may mga naglalakad-lakad na naka-blacksuit sa paligid. May mga nakikita rin akong ilang kabataan na tila sing-edad ko lang. Baka isa sila sa mga manlalaro ng MMSR. Naka-normal lamang sila na kasuotan: tshirt, pants, blazer, at kung ano pa na hindi naman sobrang extravaganza.

"Welcome," ani Miss Idda habang hinahayag niya ang kaniyang palad.

Nakanganga lamang ang aking bibig. Walang lumabas na kung anumang salita sa aking bibig dahil sobrang manghang-mangha ako sa nakikita ko.

"Tama na 'yan pagiging tulala mo, Ms. Guinto," hagikhik-sabi ni Miss Idda.

Nailing-iling ko na lamang ang aking ulo upang maalog ang aking utak. Napakurap-kurap din ako.

"Pasensya na po. Masyado lang po akong na-mesmerize sa paligid. Ang ganda po rito."

"Pinaghandaan talaga ng Metro Manila Councils ang race na ito. Pero kailangan na muna nating mag-register."

Nagsimula nang maglakad si Miss Idda papuntang reception kaya sumunod na ako.

Palinga-linga pa rin akong habang pinagmamasdan ang paligid. Napalingon pa ako sa aking likuran kung nasaan ang mga media at sandamukal na tao. Parang may stampede nga sa labas pero hindi sila makapasok dito dahil bantay sarado ito ng mga naka-black suit na mga tao. May nakita pa akong may dala-dalang mahahabang baril na nakatayo lang sa likod ng salamin na papasok dito sa gusaling ito.

Si Miss Idda na rin ang nag-asikaso sa aking tutuluyan dito. Siya na ang kumakausap sa front desk kaya nagkaroon ako ng maikling oras para lamang magmasid.

Habang masayang pinapanood ang mga naka-display rito na mga rebulto, paintings, chandelier, at sa makintab at gintong sahig, tila may tumama sa aking kidlat nang makita kung sino ang pumapasok sa gusaling ito't nakikipagsapalaran sa mga taong nasa labas.

May kasama siyang isang lalaking naka-formal ang damit kasama siyempre ang ilang naka-black suit na bodyguards.

Nakasuot siya ng isang itim na pants, white polo at dilaw na blazer. Kilalang-kilala ko ito dahil sa kalbo niyang ulo. Siya ang kaibigan ko—si Pio. Pero bakit siya nandirito?

Nagkaroon ng kakaibang udyok sa aking paa kaya inihakbang ko ito pero biglang hinawakan ni Miss Idda ang aking pulsuhan kaya napalingon ako.

"Saan ka pupunta? Aakyat na tayo sa assigned floor natin. Maganda rito dahil ang bawat floor ay nakatalaga lang sa iisang syudad. Tara na. 'Wag ka na ring mag-alala sa mga gamit mo. Iaakyat din 'yon ng mga staff."

"Hindi, Miss Idda, may nakita po ako—" Tiningnan ko muli ang puwesto ni Pio kanina sa may entrada ng gusali pero wala na siya. Nasaan na 'yon nagpunta?

"Ano'ng nakita mo?"

"Kaibigan ko po."

"Kaibigan? Sa training camp? Imposible dahil lahat lamang ng makakapasok dito ay parte ng MMSR."

Lahat lamang ng makakapasok dito ay parte ng MMSR.

Hindi kaya . . . isang representative si Pio? Pero . . . napakaimposible.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top