Chapter 28

Chapter 28

After

***

Naimulat ko ang aking mga mata, malabo pa ito pero nadadama ng aking katawan na tila nakasampa ako sa isang katawan. Umaakyat-baba rin ang aking paningin at nakakarinig ako ng dalawang lalaking nag-uusap kasabay ng kanilang pagyapak sa lupa.

"Buti na lang nalagpasan natin 'yong obstacle kanina," sabi ng isang lalaki. Kilala ko rin ang boses na iyon at dahil bagong gising lang ako at wala pa sa wisyo, 'di ko mawari kung sino iyon.

"Akala ko magigising 'to. Muntik na rin akong tamaan ng higanteng kutsilyo na 'yon," sabi naman ng lalaki kung saan ako nakasampa.

Agad lang pumasok sa isip ko ang salitang "sampa". Tila umandar lahat ng aking makina at nabuhay lahat ng aking selyula. Buong-buo ang pagdilat ng aking mga mata at luminaw na rin iyon gaya ng isang lente ng kamera.

Nakapasan ako sa likod ni . . . ni Jens!

"AHHHH!" sigaw ko na nagpapitlag sa kaniya at sa kasama niyang si . . . Iman? Magkasama ang dalawa?

Ginalaw-galaw ko ang sarili ko upang matanggal niya ako sa kaniyang likuran. Nakakahiya naman ito! Sa harap pa ni Iman! Baka kung ano ang isipin niya.

Dahil na rin sa kakulitan ko habang binabawa ako ni Jens, tuluyan na niya talaga akong binitawan. Bumagsak ang aking likod sa lupa. Hindi naman ito kumirot nang bonggang-bongga pero napangiwi ako dahil dito at napatagilid.

"Kulit mo kasi, Nadz, 'ayan tuloy," hagikhik-sabi ni Iman.

Nirolyo ko na lamang ang aking mga mata saka pinilit na pinatayo ang aking katawan.

"Sumandal ka na lang muna d'yan sa dingding kung ayaw mong pumasan sa likod ko," tukoy ni Jens na tila may panghihinayang sa kaniyang boses.

Sinunod ko na lang siya. Inaangat-angat ko ang aking puwet sa lupa para makausog papalapit sa pader ng maze. Nang makasandal na ako, nadama ko ang magaspang na texture ng sementong medyo tumusok sa aking likuran.

"Muntik ka na kanina, Nadz," ani Iman habang umuupo sa lupa. Kapansin-pansin din na dalawang shoulder bag ang dala niya kaya nilingon ko ang aking balikat dahil wala na ang akin.

Bahagya siyang natawa dahil sa reaksyon. "Iyo itong isa."

"Bakit nasa sa iyo?"

"Alangan namang ipasan ka pa ni Jens na may dala-dalang gamit. Mas lalong mabigat. Alam mo ba—" lumapit nang kaunti si Iman sa akin "—para ka raw oso, napakabigat!"

May kumawalang kumukulong hangin galing sa aking ilong at tumingala ako kay Jens na nakahalukipkip. Parang narinig niya rin ang sinabi ni Iman.

"Hoy, Ermino Demonyo—"

Pinutol niya ako.

"Hoy ka rin, Binibining Gold! Muntik ka na kayang mamatay kanina. Alangan namang iwan ka na lang namin do'n? Pasalamat ka nga pinasan pa kita kasi kung hindi, baka wala ka na rito."

Inirapan ko na lamang siya ng tingin. Pero saglit din akong natauhan dahil may biglang pumasok na alaala sa aking isipan. Pabagsak na ako kanina kaya nanlalabo na ang aking paningin pero may isang lalaki ang dumating para lamunin 'yong lalaking pumatay roon sa babae pabalik sa lupa.

Natutop ko ang aking bibig. Bali tama nga ako. Tama ang hula ko bago sakupin ng dilim ang aking paningin. Si Jens nga ang sumagip sa akin.

Marahan pang umangat ang aking palad saka siya tinuro. Kitang-kita ang pagngatog ng aking daliri.

"I-Ikaw—"

"Yes. I saved you. Kailangan kong gamitin ang powers ko to kill that guy. I don't know if the evaluators, the council, and Miss Idda saw it. At nagpapasalamat din ako kay Iman. May lahi siyang Half pero hindi siya totally Half."

Nanlaki ang aking mga mata at nasinghot ko ang hangin sa aking paligid. Mas lalo akong napaatras sa pader dahil sa gulat. Ang aking bibig ay bumagsak kaya ang ngala-ngala ko ay nagpapakita.

"I'm sorry I didn't tell you about this, Nadz. My dad is a Half and outsider naman ang mama ko. So technically, I'm not a Half at hindi ito labag sa rules ng training camp."

"P-Paano mo nalaman ang r-rules?" nginig-labing tanong ko. Gulat na gulat sa pangyayari. Tama nga talaga si Selin, trust no one. Bawat tao ay may itinatago, mabuti man o masama.

"May kapangyarihan ang papa ko na maka-sense ng isang bagay, buhay man o hindi. By just touching the ground like this—" inilapat niya ang kaniyang palad sa hubad na lupa "—alam ko na ang kung nasaan ang exit, nasaan ang ibang tao, ano ang laman ng kasunod na paliko ng maze na ito. Pero limited lang ito dahil hindi ako isang Half o isang Full."

"Paanong limited?" Sa ngayon, bumaba na ang pagkagulat ng aking sistema at naging interesado na ako sa pagkatao ni Iman.

"I can only do it for 10 seconds. And I need to recharge ng mga 10 minutes or more. Kung lagi kong gagamitin ito, kailangan ko munang magpahinga. I read the rule book of this training camp at paulit-ulit kong ginagamit ang kapangyarihan ko para malaman kung may tinatago ba ang council. Sa rule book, wala naman. Pero sa paligid, marami.

"Alam ko nang isang Half si Jens dahil sa kapangyarihan ko. Alam ko na rin ang nangyayaring katiwalian sa camp noong level one pa dahil kay Selin at sa mga magulang niya. Hindi na lang ako nagsalita dahil alam kong malalagay ako sa panganib, knowing na mahina lang ang kapangyarihan ko 'di gaya ni Jens at ni Selin kayang makapanakit."

"A-Ano ba ang kapangyarihan ni Selin?" Kumabog ang puso ko nang inihanda ni Iman ang impormasyon na iyon sa aking plato.

"She can kill a person by just looking to that person's eye. Sabi sa akin ni Papa, ito raw ang isa sa mga pinakamataas na kapangyarihan sa loob ng Alabang. At ang impormasyon pang nagpagimbal sa akin ay . . ."

Bumibigat na ang aking paghinga dahil mukhang may ibabagsak na bomba si Iman sa aking harapan. At handa na ako sa kung ano man iyon.

Kung gano'n pala kapanganib si Selin, at kung siya ang gawing representative ng Taguig, malaki ang posibilidad na mapanalo at mailigtas niya kami sa extinction.

"Tama na muna 'yang usapan," pagsingit ni Jens. Mayro'ng paparating.

"Sila 'yong na-sense ko kanina kaso malabo nga lang dahil wala akong pahinga," sagot ni Iman.

Napatingin ako sa direksyon ng kanilang mga mata at may tatlong tao ang nagpakita sa amin bago lumiko sa isang daan dito sa maze.

Dalawang lalaki iyon at isang babae. Lugi ang grupo namin dahil wala pa akong lakas makipaglaban kaya 'di ko alam kung ano ang mangyayari.

"Kaya na 'yan ni Jens. Kailangan na lang kitang buhatin para makaalis na tayo rito sa maze," mabilis na sabi sa akin ni Iman habang lumalapit siya sakin. Aktong bubuhatin na niya ako pero umayaw ako.

Napatungo si Jens sa puwesto namin at ang kaniyang mga mata ay nag-aapoy na tila dragon. "Umalis na kayo rito, Iman. Ipasan mo na siya. Malapit na rin naman tayo sa exit."

Tumango si Iman.

"Pumasan ka na, bilis."

Napatingin muli ako sa mga tatlong trainees na tumatakbo na papalapit sa amin. Nagsimulang bumaril ang isang trainee at pinapataaman kami. Natamaan pa ang dingding na sinasandalan ko kaya napahiyaw ako sa gulat.

"Pumasan ka na dali!" bulalas ni Iman kaya awtomatiko na akong sumampa sa kaniyang likuran. Ang tibok ng aking puso ay nagkarerahan sa kaba. Nakatayo na nang maayos si Iman kaya sinimulan na niya ang pagtakbo. Lumingon naman ako sa pwesto ni Jens kung saan naka-bend na ang kaniyang tuhod at sinasayaw-sayaw niya kaniyang braso.

"Kaya na 'yan ni Jens. Ang atin naman ngayon ay hanapin ang exit. Nandito lang 'yon," hingal-wika ni Iman habang patuloy sa pagtakbo.

Bago kami lumiko sa isa pang daan dito sa maze, lumuhod si Jens sa lupa at tila gumawa siya ng isang tsunami ng mga putik na ikinagulat ng tatlong trainees. Kumaripas na rin ng takbo si Jens papunta sa amin bago kami lumiko ni Iman.

"Ganito ba talaga ang mangyayari kapag nasa totoong race na?" kinakabahan kong tanong. Hindi na rin mapakalma ang puso kong tila gustong umalis sa dibdib ko.

"Oo, Nadz. May posibilidad na may makalaban kang isang Half o isang Full. Hindi natin alam kaya dapat lagi kang handa. Mas maganda rin kung mayro'n kang grupong tutulong sa iyo kung ikaw nga ang maging representative ng syudad nati—ah!"

Hindi na natapos ni Iman ang kaniyang sasabihin dahil bigla na lang siyang bumagsak sa lupa dahilan para mahulog ako. Nagulantang na lang ako nang may makita akong pana sa kaniyang tuhod at nagsisimula nang umagos ang dugo roon.

Tila huminto ang aking paghinga pero kahit na nerbyos na nerbyos ang buo kong katawan, mabilis kong kinuha ang tirador na nahulog din sa lupa at pumulot ng bolang pamatong nagkalat sa daan. Bahagya akong nakahiga sa lupa habang ginagawa ito. Hinanap ko ang taong nagpana kay Iman hanggang sa makita ko na siya.

Nakikita kong bumubunot pa siya ng panibagong pana kaya oras ko na 'to para patumbahin siya. Ipinikit ko ang isa kong mata para i-focus ang isa sa kaniya. Diniinan ko na ang pagpindot sa buton sa tirador na hawak ko hanggang sa nagpaikot-ikot ang bolang nakalutang sa bukana nito.

Huminga muna ako nang saglit. Kaya ko 'to. Gusto ko lang siyang masaktan para hindi siya maging sagabal sa amin.

Binitawan ko na ang pindutan at lumipad na sa era ang bolang pamato hanggang sa bigla na lang siyang natamaan sa ulo't natumba. Napabuka pa ako ng bibig at napasulyap kay Iman na nakangiwi't hawak-hawak ang hita. Sinipat ko muna 'yong trainee na iyon at nakahandusay na siya sa lupa. Hindi ko alam kung patay na ba 'yon o nakatulog lang.

Bumangon na ako sa aking puwesto at lumapit kay Iman. Dumarami na rin ang dugong lumalabas sa kaniyang hita. Napapainda na rin siya na tila isang nanay na nanganganak. Kitang-kita ko na rin ang pagpapawis ng kaniyang mukhang kulay pula na.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Nakarinig na lang ako ng paang tumatakbo papalapit sa amin hanggang sa nakita ko si Jens. Hapong-hapo na rin siya habang papunta sa pwesto namin.

"Jens! Sugatan si Iman!" sigaw ko.

"Ha? Paano?"

Pinaliwanag ko na lang ito nang tuluyan na siyang nakarating sa amin. Sinuri niya ang hita ni Iman na puro dugo na. May mga dugo na rin sa lupa.

"Magiging masakit ito, Iman, pero magtiwala ka lang."

Walang naisagot si Iman kundi ungol lamang ng isang nasasaktan.

Dagling binunot ni Jens ang pana kaya bumulwak ang dugo sa hita ni Iman. Kinakabahan na ako sa kalagayan ni Iman dahil tumutulo na ang kaniyang luha. Dama ko ang hirap niya sa paghinga.

Lumapit ako sa kaniyang mukha at pinunsan ang kaniyang luha.

"Gagawin ni Jens ang lahat para maligtas ka, ha," malumanay kong sabi pero nangingilid na rin tubig sa aking mga mata at parang may bulak nang namumuo sa aking lalamunan.

Napapapikit na lang si Iman habang patuloy sa pagtangis. Lumingon ako kay Jens. Nakaupo siya sa nagkalat na dugo ni Iman sa lupa habang may kung ano siyang ginagawa sa kamay niya. Umiilaw na iyon kaya nagiging linya ang aking paningin.

"I'm using my healing powers. Gamit ang tubig mo sa katawan, ipapagdikit ko ang bawat nahiwang muscle tissue at ang iyong balat. Magiging peklat nga lang ito, Iman."

"Ga-win m-mo na," ani Iman sa pagitan ng kaniyang pag-inda.

Inilapat na ni Jens ang kaniyang dalawang umiilaw na palad doon sa butas sa kaniyang hita. Bahagyang umangat din ang likuran ni Iman at napahiyaw sa nadaramang kirot. Hinaplos-haplos ko naman ang kaniyang pawisang buhok at pinupunasan ang kaniyang mukha. Nakakaawa na siyang tingnan.

"Trainees, 15 minutes left before this level ends. Please find the exit immediately or you will be eliminated. So far, only two trainees finished the maze," anunsiyo ni Miss Idda na binaliwala ko lang. Wala akong paki kung ma-eliminate ako dahil kaligtasan ng kaibigan ko ang iniisip ko ngayon.

"Malapit na," sabi pa ni Jens. Madiin na ang pagpikit ni Iman at wala ng luha ang lumalabas sa kaniyang mga mata.

"Done," mulawag na pagkakasabi ni Jens saka sumandal sa pinakamalapit na pader. Kitang-kita ko ang pagpapawis at dungis ng kaniyang suit at ang kaniyang mukha. He's exhausted.

Ibinalik ko rin ang aking tingin kay Iman na marahang kumurap-kurap.

"Are you feeling, okay?" tanong ko.

Malalalim ang hugot ng kaniyang hininga bago siya sumagot.

"I don't feel any pain anymore," mahina at halos pabulong na niyang sagot.

***

"Malapit na tayo," nanghihinang sabi ni Iman. Nakaakbay siya sa aming dalawa ni Jens. Pinupunasan ko rin ang mga pawis na mula sa kaniyang noo.

"Tipirin mo lang ang enerhiya mo," sagot naman ni Jens.

Ginamit kasi kanina ni Iman ang kaniyang kaunting enerhiya para alamin ang daan papuntang exit at upang 'di rin kami maligaw. Sa ngayon, hindi na niya kayang gamitin ang kaniyang kapangyarihan niya dahil mas gusto na lang niya munang magpahinga.

Wala na rin kaming nakakasalubong na ilang trainees at wala rin daw na-sense si Iman na mga tao sa paligid.

Patuloy lang kami sa paglalakad kahit bigat na bigat na ang aking leeg. Napapainda na nga rin ako sa sakit minsan pero hindi ko na lang pinapansin iyon.

Makalipas ang ilan pang minuto, nagsalita muli si Iman.

"Ka-Kaliwa."

Sinunod na lang namin siya. Nang lumiko kami pakaliwa, tila nabunutan ako ng hininga dahil nakikita na namin ang isang malaking sign na "EXIT" na nakapinta sa pader. Malaki rin ang lagusan niyon at nasasaksihan ko ang nag-aabang na sina Enz at Enza. Sila lang ang nandoroon.

"Sa wakas," magaang sabi ni Jens. "Dalian na natin."

Tumango ako bilang tugon. Inayos ko ang aking sarili at ang pag-alalay kay Iman. Medyo binilisan na nga namin ang aming paglalakd hanggang sa tuluyan na naming nilagpasan ang pader ng exit.

Sabay-sabay kaming tatlong nakahinga nang maluwag at bumagsak na sa makintab na sahig. Tinanggal ko na rin ang kamay ni Iman sa aking leeg para makapagpahinga ako nang maayos. Huminga-hinga ako ng malalim hanggang sa kumalma lahat ng aking nanginginig na ugat.

Bigla na lang may lumapit na dalawang nakla-black suit na may dalang stretcher sa amin. Umupo silang dalawa sa sahig at kinausap si Iman. Tanging tango lamang ang mga isinagot ni Iman sa dalawang lalaki hanggang sa pinahiga na siya roon. Mabilis ding umalis ang dalawang naka-black suit.

"He needs to rest," ani Jens habang hinihingal.

Sa totoo lang, kami rin kaso siya ang napuruhan kanina at paulit-ulit niya ring ginagamit ang kapangyarihan niya upang malaman ang tamang daan sa loob ng maze.

"And level four finishes here," anunsiyo ni Miss Idda.

Nagmula siya sa isang pintuang kabubukas pa lamang at may usok na lumabas doon. Para tuloy akong nasa horror movie. May mga pausok pang nalalaman.

"Congratulations to our top 5. Enz Tiu, Enza Tiu, Iman Isidro, Nadine Guinto, and Jens Ermino."

Pumalakpak pa si Miss Idda habang patuloy lang siya sa paglalakad. Naka-itim na gown ulit siya ngayon na may mga disenyong bulaklak sa ibaba ng gown. Nakalugay rin ang kaniyang kinulot na buhok.

Nang mapadpad na siya sa aming puwesto, pormal niyang isinalikop ang kaniyang mga kamay sa kaniyang harap katapat ng kaniyang tiyan.

"Unfortunately, may nasaktan kanina sa inyo at iyon si Iman. The Health Department will look into him so don't worry too much. Puwede na kayong magsibalikan sa inyong mga rooms and we will meet again in conference hall for a congratulatory dinner."

***

Hindi pa rin ako makapaniwala dahil parte na nga ako ng final five. Natapos ko na rin ang pinaka-pinakamahirap na parte ng camp na ito. Hindi ko lang maisip na marami rin ang nagbuwis ng buhay sa loob ng maze. Namatay at naligaw.

Ngayon ko lang din nasaksihang makipaglaban si Jens sa ilang mga trainees na papatay sa amin habang nasa loob kami. Hindi ko akalain na gano'n siya kalakas. Napatindig niya ang aking balahibo habang pinapanood siya gawin ang kaniyang kapangyarihan at tirahin ang mga trainees na iyon.

Ngayon ko lang din nalaman na posible rin palang magkaroon ng isang taong may lahing Half gaya ni Iman kaya nagtataglay din siya ng isang kapangyarihan.

Kamangha-mangha ang mga nangyari ngayong araw. Kagimbal-gimbal din dahil nakikipaglaban kami para mabuhay. At ito na nga, sa wakas, buhay kaming tatlong nakalabas sa maze. Kung nandirito lang din si Selin, pakiramdam ko siya na ang naunang tapusin ang maze dahil mayroon pala siyang kakaibang kapangyarihan. Kumusta na kaya siya ngayon? Ano kaya ang ginagawa niya?

Ang ikinakatakot ko na lamang ay baka biglang magalit ang mga magulang niya dahil pinatalsik at in-eliminate siya ni Miss Idda rito sa loob ng camp. Pero siguro, kaya na 'yon ni Miss Idda. Mukhang wala siyang takot kahit mga gano'n klaseng tao pa ang mga haharapin niya.

Kanina na rin nagsimula ang congratulatory dinner. Kaming anim lang ang nandoon sa conference hall at salita nang salita si Miss Idda patungkol sa mga buhay niya at kung ano-ano pa. Kaming mga trainees, halatang pagod dahil sa maze kaya hinayaan niya na lang kaming kumain nang tahimik at makinig lang sa kaniya. Kasama na rin namin si Iman at medyo maayos na ang kaniyang pakiramdam.

Naging bongga rin ang itsura ng conference hall kanina sa dinner. Mas malaki ang round table doon kaysa sa mga round table sa cafeteria. Dalawa o tatlong metro yata ang pagitan ng bawat upuan kaya malayo-layo kami sa isa't isa.

Napakarami ring pagkain ang nasa mesa kaya kung nandirito ang mga kapatid ko, tiyak na mauubos nila ang mga ito.

Nang matapos ang dinner, nagpaalam na ang isa't isa dahil bukas ay panibagong araw at panibagong level na naman—at ito ang last level na kakaharapin namin ngayon. Pero ako, lumabas muna ako ng building at tumambay roon sa fountain.

Paglabas ko, dinaanan ako ng mga nagsisitakbuhang malalamig na simoy ng hangin kaya napayakap ako sa aking sarili. Mabuti na lang ay medyo makapal ang damit ko. Hindi naman pormal ang congratulatory kanina kaya nag-jacket na lang din ako kasi balak ko na talagang gawin ito.

Napatingala ako sa langit pero walang bituin ang sumilip. Tanging ulap lamang ng polusyon ang dagat na namumuo sa kalangitan. Bumuntonghininga na lamang ako't ngumiti ng malungkot habang naglalakad papuntang fountain.

Naririnig ko na iyon habang papalapit ako. Ang tunog ng tubig na banayad na bumabagsak sa kapwa nito tubig ay nagbibigay gaan sa aking kalooban at dalisay na pagdaloy ng aking mainit na dugo. Napaupo na ako sa gilid ng fountain nang makarating na rito at pinanood lamang ito.

Wala naman akong plano gawin dito kundi magmuni-muni at saglit na ihiwalay ang aking sarili sa stress na nadarama sa loob ng camp. Pakiramdam ko kasi, sinasapian ako ng tahimik na fountain na ito upang makapag-relax na sa kung tutuusin, nangyayari naman.

Isinawsaw ko lang aking daliri sa tubig nang biglang umalon-alon ito senyales na may paparating na isang demonyo—kundi si Jens. Irap ko siyang nilingon at mapang-uyam na ngumiti sa harap niya habang nakahalukipkip.

"So ano?" bungad ko.

Wala lamang siyang isinagot pero umupo na lang din siya rito sa gilid ng fountain at pinaglaruan ang tubig. Pinapalutang-lutang niya ito at gumagawa ng maliliit na bilog.

Tumingin siya sa akin nang malamlam at walang mababakas na kung anumang emosyon. Dala na rin siguro ng pagod kaya ganito ang kaniyang postura.

"Magiging silent ka na lang ba?" tanong ko.

"Salamat," bigla niyang sagot.

Nagpagulo ito sa aking isipan kaya nalukot ang aking ilong. "Saan?"

"Salamat dahil 'di mo ako nilayuan kahit umamin akong may gusto ako sa 'yo."

Namilog ang aking mga mata at bahagyang nawalan ng kaluluwa saglit. Nakalimutan ko! Masyado akong naka-focus sa maze kanina.

Sinabi pala niya sa elevator na . . . yuck! 'Di ko kayang sabihin!

Naipikit ko ang aking mga mata at parang may lalabas yatang suka galing sa aking tiyan. Parang maduduwal na yata ako dahil nararamdaman ko ang pag-angat ng maasim na lasa mula sa aking lalamunan.

Bahagyang nanginig sa diri ang aking katawan kaya agad akong tumayo para bumalik sa loob ng building pero nang iaangat ko na ang aking sarili, bigla na lang dinakot ni Jens ang aking pulsuhan dahilan upang matigil ang aking ginagawa at mapaupo ulit.

Nagtagpo ang aming dalawang pagod na paningin. Nais gumawa ng isang tulay ang aming mga titig at bumilis na lang nang tuluyan ang pagtibok ng aking puso. Kahit na malamig ang simoy, bigla akong nakadama ng init. Napapalunok na lang din ako habang walang tigil siyang tumititig sa akin. Hawak-hawak niya pa rin ang aking pulsuhan na parang nagpahinto sa aking makinang gumalaw.

"Malaki ang posibilidad na hindi na kita makita pagkatapos ng training na ito. Malaki ang posibilidad na hindi na rin mawala itong namumuo kong nararamdaman para sa iyo. Malaki ang posibilidad na maging malungkot lang ako pagkatapos ng lahat ng ito."

Ang bawat bitaw niya sa kaniyang mga salita ay tila nagdadala ng kalungkutan at bato sa kaniyang likuran. Wala akong naisagot pabalik dahil parang naging estatwa na ako sa aking kinauupuan habang walang kurap siyang tinititigan.

Ang kaniyang maamong mukha ay tila isang kidlat na tumama sa aking dibdib. Napakamapanganib dahil parang ako'y nahuhumali.

"Please, huwag mong pangaraping maging representative at kung maaari, magsama tayo."

Nailuwa ko ang aking mata dahil sa aking narinig. Magsama? Ang bilis naman, Jens! Pero wala pa rin akong naisagot at pinagpatuloy lang siya sa pagsasalita.

"Gusto kita, Nadine." Tinawag na niya ako sa totoo kong pangalan at hindi na Binibining Gold kaya baka seryoso talaga siya. Ang kaniyang mga mata ay nangungusap na. "Gusto kita. At itong nararamdaman ko sa aking—" tinapik niya ang kaniyang dibdib "—ay mas lalong lumalaki. I don't know what's happening to me pero I fell. I fell in love with you, Nadine."

Naitiklop ko ang aking labi. Nakadama ako ng kakaibang haplos ng kalungkutan sa aking balat. Bumagsak ang aking balikat at marahang bumuntonghininga.

Ipinatong ko ang aking palad sa kamay niyang tangan-tangan ang akin. Dahan-dahan ko ring inalis ang pagkakahawak niya sa pulsuhan ko. Nakagawa pa siya ng reaksiyon na tila gulat na may lumbay sa kaniyang labi.

"I'm sorry, Jens," pagbitaw ko. "I'm sorry I can't. Hindi ko kayang suklian ang pag-ibig mo sa akin."

"P-Pero, love is something that people learn. You can learn to love me, Nadine."

"Jens, hindi napag-aaralan ang pag-ibig. Wala tayo sa school o sa kung anumang institusyon na may course na puwedeng pag-aralan paano umibig. Love is unexplainable. Hindi kita maaaring ibigin kasi trip ko lang. Parang pino-force mo ako kung gano'n."

"Nadine, hindi kita pino-force. Sinasabi ko lang na, while you are with me, you may be able to love me or like me. Please—"

"I am really sorry. I am really sorry kung magiging prangka ako. I don't love you."

Tumayo na ako rito sa gilid ng fountain na may dalang tubig sa aking dibdib. Mabigat. Pero pilit kong dinala ito.

Naging saksi pa talaga ang fountain na 'yon kung saan doon din nagsimula ang pagkakaibigan namin. Pasensya ka na Jens. Alam kong masakit para sa 'yo pero ako at ang pamilya ko muna ang iisipin ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top