Chapter 22
Chapter 22
Level Three: The Weapon Test
Part 3
***
"Nagkabati na kayo ni Selin?" tanong ko nang makarating na ako rito sa isang round table kasabay si Jens. Umupo na kaming dalawa habang pinagmamasdan ang mangilan-ngilang trainees na pumapasok dito. Hinahain pa raw ang lunch at anumang saglit ay ilalabas na rin ang mga pagkain.
Bumalik muna sa room namin si Selin para makapagpahinga kaya kami ni Jens ang nandirito sa cafeteria, nag-aabang ng makakakain.
"Nag-sorry na siya sa akin and I accepted it," wika niya sabay sandal sa upuan. Tumango na lang ako. Sa bagay, siguro napagtanto na talaga ni Selin na kailangan niya talaga ng mga kaibigan kahit dito at panandalian lang.
"Siya nga pala," dagdag pa ni Jens at pumangalumbaba sa round table na ito. Ngumuso pa ang kaniyang bibig kaya mapait akong ngumiti habang nalulukot ang mukha. Ano na naman kayang nasa utak nito? "Kita kita kanina, ah. Para kang naninigas tuwing hinahawakan ka ng partner in life mo."
"Ha? Pinagsasasabi mo?"
"Ey, maang-maangan pa, Binibining Gold."
"Ano nga?"
"Kasama mo si Iman kanina."
"Paano mo siya nakilala?"
"Well, siya lang naman ang roommate ko na gustung-gusto ko nang makaalis dito."
Bahagyang umawang ang aking bibig. Kaya pala intimidate na intimidate itong si Jens kay Iman dahil mas pogi at magaling nga talaga siya.
"Now I know," tangong-sabi ko. "Now I know kung bakit ayaw mo sa kaniya."
"Because he's not on my level," kumpiyansa niyang sabi saka umayos ng upo.
May kumawalang mapang-uyam na tawa sa aking lalamunan. Humalukipkip ako at tinaasan siya ng isang kilay.
"Fact na mas guwapo siya kaysa sa 'yo and also, magaling din siyang trainee kaya ayaw na ayaw mo sa kaniya."
Inilagay naman ni Jens ang kaniyang palad sa kaniyang dibdib at ang isa naman ay nasa kaniyang bibig. Umaktong naduduwal pa siya.
"Siya? Magaling? Siya? Guwapo?" he scoffed in disbelief. Umiling-iling pa siya. "He's just a normal human being like you. He's not a half. He's not a pure Alabang."
"Yeah, that's why na-i-intimidate ka sa kaniya because he's just a normal person like me. At ayaw mong may umaangat na normal na tao sa 'yo," nakanguso kong paliwanag.
Rumolyo lang ang kaniyang mga mata at bumuntonghininga, isang mabigat at puno ng suklam ang lumabas na hangin mula sa kaniyang baga. Inis na inis na ang mukha ni Jens at bahagya akong natawa.
Sumandal muli siya sa upuan at ipinatong ang kaniyang palad sa round table.
"Magaling naman talaga si Iman, Jens. Accept it. And kung siya ang magiging representative, feeling ko okay ako sa kaniya."
"Palibhasa may gusto ka ro'n."
"HA? WALA!" buong lakas kong pagtanggi. Namilog pa ang aking mga mata at ang king lalamunan ay tila lalabas na.
"Defensive ka masyado."
"Bakit? Selos ka?"
"Bakit ako magseselos, Binibining Gold? Give me reasons."
Natigilan ako. Assuming ang dating ko no'ng tinanong ko 'yon. Wala namang gusto itong si Jens sa akin kaya wala rin naman akong maibibigay na mga dahilan.
"Natahamik ka ngayon, kasi wala."
Hindi na ako sumagot pa. Bumibigat ang aking paghinga. Sana nandito man lang si Iman dahil gumagaan na lang bigla ang aking kalooban.
Noong makaakyat nga pala kami nina Jens dito sa ground floor, 'di sumunod si Iman sa amin. Sa palagay ko, magpapahinga muna siya. Sabi pa naman niya ay sabay kaming magla-lunch. At saka, alam ko na rin kung bakit naging seryoso ang mukha ni Iman kanina noong pumapasok na ako sa elevator kasama si Jens dahil sila pala ang mag-room mate. Napapaisip tuloy ako kung ano-anong mga bagay ang kanilang pinag-uusapan sa loob ng room nilang dalawa.
Nagsisigawan ba sila? Nagsasapakan? O kaya . . . ay imposible. Mukha naman silang mga tuwid na lalaki.
Nang dumating na ang pagkain, agad na kaming kumuha ni Jens at mabilis lang namin naubos 'yon. Nakababa na rin si Selin at nakiupo rito sa round table namin. Mukha na siyang kumportable.
Inabangan ko naman ang pagbaba ni Iman dito sa cafeteria pero walang anino niya ang nagpakita. Nanghinayang ang buo kong katawan dahil gusto kong makipag-usap pa sa kaniya habang wala pa sa training.
Bakit kasi ngayon ko lang siya nakilala?
Dapat mas nauna ko siyang nakilala kaysa rito kay Jens na pabigat lang ang dala sa akin, pero may mga sikreto rin naman akong nalaman dahil sa kaniya.
Sabay-sabay na kaming tatlong bumalik sa Underground. Kailangan ko pang mag-ensayo dahil mamayang hapon ang evaluation para sa level na ito. Kailangan kong makapasa.
Si Jens ay madaling-madali raw sa sandatang napili dahil gusto na talaga niyang makahawak ng baril noon pa man at ramdam na ramdam niya ito ngayon kahit first time niya lang. Si Selin naman ay napunta sa mga arnis, pero hindi ordinaryong arnis dahil gawa iyon sa mga pinakamagagandang klase ng metal. Hindi bagay sa katauhan niya na mapunta roon dahil kailangan mabilis kumilos ang mga nandoroon.
Nagpaalam na kami sa isa't isa at pumunta na sa kani-kaniyang mga glass room. Pagpasok ko rito, wala pa si Iman. Pinagmasdan ko muna ang paligid at nakitang nakatayo na ang mga mannequin sa harap.
Huminga muna ako nang malalim hanggang sa umangat ang aking dibdib.
Lumapit na ako sa mesa at kumuha ng isang tirador at ilang mga bala na ibinulsa ko. Bakit kasi walang lalagyan?
Dumeretso na ako sa puwesto namin kanina ni Iman kung saan titiradurin ang mga mannequin sa harap. Malayo talaga ang mga 'yon. Ilang metro ang mula sa akin kaya makatama lang talaga ng isa, masaya na ako. Kanina puro daplis lang ang nagagawa ko at todo pag-cheer naman sa akin si Iman kaya nabubuhayan ako ng loob.
Inilagay ko na sa bukana ng tirador ang bolang itim. Lumutang na ito sa ere. Pinagmasdan ko muna nang mabuti at parang may magnetic field na naka-install rito kaya nagawang lumutang ng bola rito sa tirador. Ang gobyerno ng Pilipinas ay nakakagawa pa ng ganitong teknolohiya samantalang ang mga mamamayan nito ay lubos nang naghihirap dahil sa lumobong populasyon.
Naghanap muna ako ng target na mannequin para doon itapat ang tirador. Inangat ko na ang aking braso at in-extend ito. Ipinikit ko ang isa kong mata para siguradong naka-focus lamang ako sa target. Parang lente ng kamera ang aking mata dahil lumalabo at lumilinaw ito sa tuwing nila-lock ko sa aking isipan ang target.
Marahan ko nang pinindot ang button ng tirador sa handle nito. Napisil ko na at hinintay ko munang maging aligaga ang pag-ikot ng bolang nakalutang.
Huminga ako nang malalim.
Nagbilang hanggang tatlo.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Binitawan ko na ang pagpisil sa pindutan sa may handle at parang ibong umalis sa kaniyang tahanan ang bolang nakalutang sa bukana ng tirador.
Ang butil naman ng pawis sa aking noo'y isa-isa nang nagsisilabasan. Pinapanood ko ang mabilis na paggalaw ng bola na sinlaki ng isang ping-pong ball.
Nagpigil ako sa paghinga.
Sana matumba. Sana matumba.
Matapos ang ilang segundong pagtutok, natanggap ko na ang resulta ng aking unang pagtirador.
Nakagawa ng isang tunog ang pagtama ng bola sa manequin kaya . . . natumba ito.
Nalaglag sa lupa ang aking panga. Sa wakas, may isa na ring tumama. Kanina puro daplis lang pero ngayon, literal na tumama na!
Naitiklop ko ang aking labi at nagpigil ng sigaw. Napalundag pa ako nang maliliit upang i-celebrate ang maliit na pagkapanalo.
Nakarinig naman ako ng palakpak na umalingawngaw rito sa loob ng glass room. Ipinihit ko ang aking ulo sa taong pumapasok sa glass room na ito—si Iman na tila bagong ligo dahil mamasa-masa pa ang kaniyang buhok.
"Nice!" nakangiti niyang banggit na nagpatunaw sa aking puso. Ang bango ng pagkakasabi niya no'n at nagre-reflect ito sa katauhan niya ngayon. "Pasensya ka na ha, hindi kita nasabayan sa lunch. Nakita mo na pala 'yong mga kasama mo, kaya nagpahinga na lang muna ako saka naligo."
Ginulo-gulo pa ni Iman ang kaniyang buhok at may mga nakikita akong wisik ng mga tubig na nagsisitalunan. Ang gwapo niyang tingnan kahit nakaputing longsleeves lang siya at kulay abong jogging pants na may black rubber shoes sa paa. Simple pero ang lakas ng dating. Samantalang ako, naka-pants lang na hindi plantsado at damit na walang kabuhay-buhay na kulay.
"Tulala ka na naman, Nadine." Tinapik-tapik niya ang aking balikat at doon lang bumalik ang aking dugo. Nailing-iling ko pa ang aking ulo. "Mag-ensayo ka lang d'yan and I will be watching you," aniya saka naglakad papalapit sa mesa kung nasaan ang mga tirador. Nakatayo lang siya roon at tinitigan ako.
Ang aking puso naman ay hindi ko na alam kung sasabog na ba o titigil dahil sa sobrang pagkabog nito. Nasapo ko pa ang aking dibdib.
Sa kaniya lang ako nakadama ng ganito at ayaw kong lumalim ito.
Lumunok ako ng laway saka pinirmi ang sarili. Ipinikit ko nang madiin ang aking mata saka muli itong minulat. Paulit-ulit din akong bumuga at huminga ng hangin para maging banayad ang aking damdamin.
Sa 'di kontroladong pangyayari, gumalaw mag-isa ang aking mata at tumama ito sa glass room kung saan naroon si Jens.
Bahagya akong napitlag dahil nakatitig lang din siya sa akin. Ang kaniyang postura ay makisig. Seryoso at parang may lalabanan ang nakapinta sa kaniyang mukha. Pinapanood ba niya ako? Ano ba rin ang mayro'n sa lalaking 'yon?
***
"Magsisimula na ang evaluation after thirty minutes. Get ready trainees. Evaluators will visit the Underground to grade your performance. Good luck to all and see you in the next level," anunsyo ni Miss Idda.
Naroon siya sa may balcony at tinititigan kami rito sa ibaba. Nakapusod ang kaniyang buhok at may mahabang itim na gown na suot. Maya-maya pa, tumalikod na siya sa amin at pumasok doon sa isa ng pintong gawa sa metal.
"Ikaw naman, Nadine. Feeling ko mas kailangan mo ng practice. Hindi ka pa sanay umasinta. Minsan daplis, minsan wala," wika niya nang makarating si Iman dito sa mesa kung nasaan ako. Salitan kasi kaming nag-eensayo.
Kinuha ko na ang isang tirador saka mga bolang pamato nito. Tumingin muna ako kay Iman na may maliit na ngiti sa kaniyang labi. Tumango-tango pa siya senyales na magiging okay lang at 'wag akong kabahan.
Pero taliwas ito sa totoong nararamdaman ko. Tatlumpung minuto na lang at magsisimula na ang evaluation. Bibigay na yata ang katawan ko dahil parang gusto na nitong sumuko.
Puro daplis na nga lang ang nagagawa ko. Isang beses lang tumama sa mannequin ang bolang galing sa tirador ko.
Mabibigat ang aking paa nang hinahakbang ito papunta sa puwesto kung saan ako titira.
Pinakalma ko ang aking sarili sa pamamagitan nang paghinga nang malalim.
Ginawa ko muli ang aking nakasanayan.
Naghanap ng target, pinisil ang pindutan, saka hinintay na may matamaan.
Kaso wala.
Daplis. Wala. Wala. Daplis. Daplis.
Iyan ang nagiging tally sa utak ko. Nawawalan na ako ng lakas dahil paulit-ulit ko na lang itong ginagawa pero wala akong nakukuhang magandang resulta.
Sa huling bolang aking hawak, buong tiwala ko itong ginamit. Ngunit nang nasa ere na ito, alam kong hindi ito tatama sa isa sa mga mannequin na nasa harap. At, tama nga ako. Dumaplis lamang iyon.
Nalaglag ang aking braso't balikat at ang aking kamay ay nagpaduyan-duyan sa ibaba. Naitungo ko na lang din ang aking ulo habang marahan na ipinipikit ang aking mata.
Ito na yata ang huling tapak ko sa camp na ito. Mabibigo ko mismo ang aking sarili. Mabibigo ko ang pangarap kong maging representative ng Taguig.
Malalim na ang aking paghinga at umiinit na ang gilid ng aking mata. Naramdaman ko na lang ang pagpapadulas ng mainit na likido sa aking pisngi. Agad ko rin iyong pinunasan nang biglang may humawak sa isa kong pulsuhang nakabagsak lang sa hangin.
Natigil ang aking pagluha nang makita ang malungkot na ngiti ni Iman. Inangat niya ang pulsuhan ko kaya doon nabaling ang tingin ko.
"In life, sometimes nararamdaman nating hindi na natin kaya. Okay lang naman 'yon. Okay lang maramdaman 'yon kasi you are a human, Nadine. Pero, ang hindi okay ay 'yong susuko na lang tayo dahil ang akala natin ay 'yon na lang ang tanging paraan." Bigla niya akong inakbayan na nagbigay sa akin ng gaan ng kalooban. Tila nakalutang ako sa ulap.
"Look—" itinuro niya ang mga bolang nasa maraming kahon na gawa sa metal "—marami pang pamato para sa tirador. Hindi pa nauubos ang liwanag mo. At huwag mong hayaang sakupin ng kadiliman ang liwanag mo, dahil mas lalo ka lamang malulugmok. This is a life and death situation, Nadine. Our decisions are critical."
Pumasok sa aking tainga ang mga salitang inilabas niya. Dahil na rin sa akbay-akbay niya ako, mas lalo kong nadama ang kahulugan ng mga sinabi niya. Isa akong matapang na babae, iyon ang sabi sa akin ni Pio noon. Kaya dapat paniwalaan ko iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top