Chapter 2

Chapter 2

The Camatayan Race

***

"Ate Din, wala pa ring almusal," malungkot at nakasimangot na bati sa akin ni Kristine, ang gitna sa aming magkakapatid. "Si Tatty, kanina pa nagrereklamo."

Napalagitik ako ng dila habang pinapanood ang bunso kong kapatid na nakatihaya't tahimik na umiiyak.

Pagdating ko rito sa bahay, wala sina mama't papa. Hindi ko alam kung saan na naman sila nagsuot. Iniwan pa ritong gutom ang dalawa kong kapatid.

Si Kristine, labinlimang taong gulang na. Si Tatty naman, pitong taon. Ako, labingwalo.

Wala naman akong trabaho para maghanap ng pagkain. Wala akong pera para bumili ng pagkain. Wala rin akong ipamba-barter para maipalit sa mga pagkain.

"Kanina pa umalis sina mama?" tanong ko.

"Opo," sagot ni Kristine.

Nilapitan ko si Tatty na hinang-hina rito sa may banig. Patuloy pa rin ang tahimik niyang pagtangis.

"Ate, gutom na ako," mahinang reklamo niya. Binuhat ko siya at tinapik-tapik ang kanyang likod.

"Pupunta tayo kina Pio. Doon tayo mag-aalmusal."

Iniwan na namin itong barong-barong naming tirahan sa tuktok ng pinagpatong-patong na mga kahoy na bahay. Maingat ang aking pagbaba dahil kaunting mali lang, malalaglag kaming tatlo pababa at hindi na talaga makakakain.

Nang makababa, nagmadali ako sa paglalakad papunta kina Pio. Baka tapos na rin 'yon maligo. Mabait naman ang mga magulang niya hindi tulad sa amin na, iniiwan na lang kaming parang kuting.

Ang kanilang bahay ay isang asul na bus. Walang upuan sa loob n'on. Maayos naman ang loob ng bahay nila Pio dahil alam ko, minsan na ring naging tauhan ng isang mayaman ang kanyang Papa kaya may mga gamit din silang magagara.

Pagdating namin doon, mabilis akong kumatok.

"Pio? Pio?" sigaw ko kasabay ng katok.

Biglang bumukas ang pinto ng bus. "Oh, Nadine, bakit dala mo buong pamilya Guinto?" natatawang tanong ng nanay ni Pio.

"Pasensya na po, Tita. Nagugutom na po kasi 'tong mga kapatid ko. Iniwan na naman po kami ng mga magulang namin. Ayun, nag-away sila kanina lang tapos lumabas ako kasama si Pio ta's pagbalik ko, heto, umiiyak na 'tong mga kapatid ko."

"Hindi pa kayo nag-aalmusal?"

"Opo," sagot ni Kristine.

"O sige, sige. Pumasok na kayo sa aming munting bus. Gusto ko sana sabihing mansyon kaso mga taga-Alabang lang 'yong may mga mansyon."

Ibinaba ko na si Tatty at pinapasok na sa loob ng bahay nina Pio.

"Ah, Tita, nasaan po pala si Pio?"

"Nagpapagupit. Parang pugad na kasi 'yong buhok no'ng batang 'yon," halakhak-sabi ng mama ni Pio.

Parehas din naman sila na kulot ang buhok. Mas bagay nga lang sa mama niya 'yong Afro style na buhok. Kay Pio kasi, hindi.

"Saan po siya nagpapagupit?"

"Doon kay Mang Mond. 'Yong tabachoy na laging may nakasaksak na tabako sa bunganga. Malapit sa ilog."

Napangisi ako sa mga sinabi ng mama niya. "Ah, doon po ba? Salamat po!" Nakangiti akong kumaway sa mama ni Pio at tumakbo na papalayo.

"Hoy! Hindi ka ba kakain?"

"Hindi na po. Salamat po ulit Tita!" sigaw ko habang papalayo na sa bus nina Pio.

***

Narating ko ang tabing ilog na may maalingasaw na amoy kaya todo takip ako sa aking ilong. Parang isang milyong dagang patay ang naroroon at hindi kayang tanggapin ng baga ko ang samyo ng ilog.

Paano kaya nakakayanan ng mga tagarito 'yong amoy ng ilog? Ang sangsang.

At saka, kung may iitim pa sa itim, gano'n din ang kulay ng ilog na ito.

Nakikita ko na ang signage ng barber shop ni Mang Mond. Nasa isang maruming kulay puting kartolina ito at ang tanging nakasulat ay, Mang Mond Pagupitan.

Sementado ang barbershop ni Mang Mond kaya pagpasok ko sa loob, napakalinis at maaliwalas. May aircon din at pabango rito sa loob.

Ganitong-ganito 'yong mga nakikitang kong picture ng mga barbershop taong 2020s.

"O, hija, magpapagupit ka ba?" tanong ng isang matabang lalaking may hinihithit na tabako.

Nakikita ko si Pio na nasa upuan at ginugupitan. May malaking salamin sa harap kaya ang mukha kong marungis ay aking nasusulyapan. Wala ring ibang customer si Mang Mond. Siguro dahil nasa tabing ilog ito kaya maglalakad pa lang ang mga customer ay tila nakakalbo na ang mga buhok nila dahil sa tapang ng amoy ng ilog.

"Nadine, ba't ka nandito?"

"May itatanong lang ako sa 'yo." Umupo ako sa mga waiting chair dito sa loob ng barbershop.

"Itanong mo na."

"Mamaya na, pagkatapos mo d'yan."

"Okay lang. Nag-uusap nga kami ni Mang Mond lagi tuwing ginugupitan niya ako."

Bumuntonghininga ako bago magsimula. Isinandal ko muna ang aking likod at hinalukipkip ang aking braso.

"So, can you tell me more about the Camatayan Race?"

"Bakit Nadine, sasali ka na?"

"Oo."

"Eh, wala pa ngang information tungkol do'n kaya hindi ko rin alam."

"May alam ko," pagsingit ni Mang Mond na patuloy sa paggupit sa buhok ni Pio.

"Talaga?" takang tanong ni Pio.

"Hindi ko rin naman alam kung ito na ba talaga ang totoong gagawin sa race na 'yan."

"Sabihin mo na, bilis," nasasabik na wika ni Pio.

"Buong bansa raw ay magkakaroon ng mga regional races. Wala na akong alam sa ibang race sa ibang region pero marami akong nasagap sa gagawing race dito sa Metro Manila. Tatawagin daw nila itong, Metro Manila Survival Race. Pero, hep hep, hindi pa 'to sure, ha." Saglit siyang huminto sa paggupit at tumingin sa salamin para titigan kaming dalawa ni Pio. Nagpatuloy muli siya.

"Bawat city sa Metro Manila ay magkakaroon ng representative. Bali, may isang representative mula rito sa Taguig. Siya ang magdadala sa pangalan at buhat-buhat niya lahat ng taong naninirahan dito. Once na may mapili na rin, ang border ng bawat city ay magsasara. Bawal makalabas. Bawal makapasok."

"So, ano'ng mangyayari sa representative ng Taguig, Mang Mond?" tanong ko.

"Ito na, patapusin n'yo muna ako," natatawa niyang sabi. "May ginagawang artificial na isla sa Manila Bay, malapit na raw siyang matapos. May narinig naman akong tapos na raw 'yon, pati facilities para sa race kaya hindi ko alam kung ano ang totoo. So, lahat ng representative sa Metro Manila ay magkakarerahan sa isla na 'yon. Pero hindi basta-bastang karera 'yon. Marami raw silang ilalagay at hindi ko na alam ang mga 'yon.

"Top three lang ang pipiliin sa race kaya kung makapasok ang representative ng Taguig sa top three, ligtas na tayo sa kamatayan."

"Kamatayan?" tanong ko.

"Uulitin ko, nakuha ko lang 'tong chismis na 'to ha. 'Di ba, binanggit ko sa inyo 'yong isasara ang mga borders?"

Tumango ako.

"Kapag hindi napasama sa top three si Taguig, lahat ng taong nasa loob ng Taguig ay mamamatay. Mass killing. Iyon na rin ang magiging sagot sa populasyon ng bansa natin. Kaya sana, sana magaling ang maging pambato ng siyudad natin."

Tila may kakaibang kilabot naman ang naglakbay sa aking likuran at ang lamig mula sa aircon ay lalong nagpatindig sa aking balahibo.

So . . . totoo ngang Camatayan Race ang magiging karera na ito.

***

"Grabe naman pala 'yon, Nadine," wika ni Pio habang kinakamot ang kanyang batok. Kalbo na siya ngayon at kumikinang-kinang ang kanyang makintab na ulo. Bolang kristal na ang kanyang peg.

Nakalabas na kami sa barbershop ni Mang Mond at ito na naman ang nakamamatay na amoy ng ilog. Sa tingin ko, hindi na lang karera ang dapat na gagawin. Amuyin na lang ang alingasaw nitong ilog dahil tiyak akong, mamatay ang mga representative ng bawat city.

"Gago lang?" sabi ko sabay pingot sa ilong ko. Nakikita ko namang parang wala lang kay Pio 'yong amoy ng ilog. Sa bagay, mukhang sanay na siya at saka, amoy suka nga siya kaninang umaga kaya baka immune na siya sa mga ganitong amoy.

"Ano'ng gago?"

"Ingaw nga nga ngangsabi nga ngusto mong sungali."

"Ha? Tanggalin mo nga 'yang daliri mo sa ilong mo. Hindi kita maintindihan. Mara ngang ngongo," sabi niya habang piningot ang sariling ilong.

Tinanggal ko na sa ilong ko ang daliri ko.

"Takte naman kasi. Napakabaho ng ilog!"

Naglabas ng halakhak si Pio at ang kanyang gilagid ay parang lalamunin na ang kanyang buong mukha. Grabe namang tawa 'yan.

"Hali ka na nga. Bilisan na nating maglakad para makalayo na tayo rito."

Hinawakan ni Pio nang mahigpit ang aking braso at hinatak ako. Bumilis ang kanyang paglalakad kaya ang hangin ay sumasampal sa aking mukha.

Jusko! Napakabaho. Nasalo ko na lahat ng amoy!

Maya-maya, nakalayo na kami sa ilog. Nasa may squatters area na muli kami na tinatayuan ng mga skyscrapers na barong-barong.

"Oh, ikuwento mo na." Binitawan na ako ni Pio. "Ikaw kasi, sinundan mo pa ako sa pagupitan. Tapos, hindi mo rin naman pala kaya 'yong amoy."

Bigla ko siyang binatukan. "Bobo! Hindi ko alam na may kapangyarihan pala 'yang ilong mo, e!"

Nakangiti pa sa akin ang lalaking ito. "Sorry ha. Ako lang 'to. Si Pio."

"Oo, Pio na walang pang-amoy. Naku, baka may COVID ka ha. Alam mo 'yon, laganap 'yong virus na 'yon dati, year 2020."

"Nadine, 3021 ngayon. One century na ang nakalipas!"

"Baka mayro'n ka lang."

"Wala. Ano ka ba? At saka, ano 'yong sasabihin mo."

Nagsimula muli kami sa paglalakad at binagtas ang mga feeling-erong skyscraper na barong-barong lang.

"Sabi mo kasi, 'grabe naman pala 'yon, Nadine,' eh, ikaw nga 'tong nagsabi na okay lang sa 'yo mamatay kasi may ambag ka sa pagkabawas ng populasyon."

"Hindi gan'on 'yong ibig kong sabihin. What I mean was, okay lang sa akin matalo ako kasi ang akala ko, ako ang mamatay pero grabe naman pala 'yon kasi damay-damay. Tingnan mo, paano kung aanga-anga 'yong naging representative ng Taguig, ng city natin! E 'di, we're all dead!"

"Kaya nga ako sasali para at least hindi tayo mamatay."

"Wow! Tapang naman pala ng kaibigan ko."

Napabuga ako ng inis na hangin. "Hindi mo ba alam na tuwing may nambu-bully sa 'yo ay ako ang nagtatanggol sa 'yo?"

"Noon 'yon. Maliit pa tayo n'on."

"Kahit na. Ikaw 'tong lalaki—"

"Hoy. Hoy. May karapatan kaming maduwag! Napakaano mo sa amin ha. At . . . oo, aamin na akong matapang ka nga talagang babae, Nadine, pero 'yong gano'ng laban, hindi ko alam kung kaya mong maging matapang do'n."

Nanginig ang aking paghinga at tiim-bagang kong tinitigan ang maalikabok na daan.

"Ayaw ko namang mamatay na lang. Gusto kong may makitang kinabukasan ang mga kapatid ko. Gusto kong makaalis sila sa hirap na pinagdaraanan namin ngayon, natin."

"Naiintindihan naman kita, Nadine. Gusto ko ring umalis sa ganitong sitwasyon pero, alam mo 'yon, parang dead-end na rin. Ilang years na ring ganito ang buong mundo, naghihirap dahil sa pagtaas ng population rate."

"Isipin mo yan. Hindi ko na yan dala. Ang iisipin ko ay kung paano maging representative ng Taguig. Ayaw kong mamatay ng gano'n gano'n lang ang pamilya ko kung may tangang taong magiging representative ng siyudad natin. Gusto ko, ako."

Habang nag-uusap naman kami ni Pio, isang helicopter ang dumaan sa itaas namin. Umulan ng sandamukal na maliliit na papel, kasinalaki ng aking palad.

Kinurot ko sa ere ang isang nalalaglag na papel at agad ko ring tiningnan kung ano nga ba iyon.

Magandang araw mamamayan ng Taguig,

Maraming nag-aabang kung ano ang Camatayan Race. Bumisita lamang kayo sa website na ito upang malaman ang karagdagang impormasyon.

www.taguigcitycamatayan.race

Ikaw na ba ang kakarera?

Aabangan ka namin.

"Hoy, Nadine," pagtawag sa akin ni Pio kaya nilingon ko siya. Iniharap niya sa akin ang hawak niyang cellphone. "Totoo nga 'yong mga sinabi ni Mang Mond. Lahat ng mga sinabi niya, nandirito. At, naghahanap na sila ng magiging representative ng siyudad."

Namilog ang aking mga mata at pirmi akong huminga nang malalim. Nanginig nang bahagya ang aking daliri at habang kinukuha ang cellphone kay Pio. Ibinigay niya rin iyon sa akin.

Binasa ko ang pinakadulong mensahe.

Kung nais mong maging trainee para maging representative ng siyudad, i-download ang application form na ito at mag-send ng iyong video kung bakit ikaw ang magiging Taguig Racer para sa Metro Manila Survival Race (MMSR).

Good luck!

Mabilis kong ibinalik kay Pio ang kanyang cellphone. Nakangiti ako't dinapuan ng kakaibang galak. Nasabik ako. Nasasabik akong maging parte ng mga trainees.

At ito rin ang kailangan kong gawin upang mailigtas sa kamatayan ang aking mga kapatid at ang mga tao rito sa Taguig.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top