Chapter 1
Chapter 1
Year 3021
***
Kaliwa't kanang sigaw ang maririnig mula sa aming bahay, nakapagpapabugso ng dugo sa aking tainga. Kakagising ko lang sa aking banig na nakalatag sa kahoy na sahig, at nasaksihan ko ang alitan nina Mama at Papa.
Hindi ko maiwasan ang pagkairita at pagpapalabas ng sama ng loob sa aking mga magulang. Araw-araw na lang ba ito? Parang magiging Guinness World Record na itong magulang ko sa walang katapusang pag-aaway simula pa noong bata pa ako. Oo, bata pa ako, hindi pa tao.
Bumangon na ako na nakatakip pa rin ang aking tainga at dinaanan ko silang dalawa.
"Araw-araw na lang ba ito?" walang gana kong sabi habang lumalapit sa bibigay na naming lamesa. Feeling ko nga may anay na 'yong mga legs nito.
"Hoy, Din! 'Wag ka nga makisali rito sa away ng mag-asawa!" sigaw ng aking mama.
"May karapatan akong makisali. Paano ba naman, 'Ma, 'Pa, araw-araw na lang ba? Mga sigawan n'yo na lang ba ang gigising sa akin, sa amin?" Itinuro ko ang pwesto ng aking dalawang kapatid na nagpupunas ng muta sa banig. "Puwede bang mag-ceasefire muna kayo kahit one week? Jusko!" Rumolyo ang aking mga mata at naglakad na lang palabas ng aming bahay.
Wala rin naman akong mapapala rito sa loob ng bahay naming nakatayo pa sa ilang pang bahay.
Ang bahay namin ay nasa tuktok ng mga pinatong-patong na bahay na gawa lang sa kahoy. May hadgan naman pero kapag namali ka ng tapak dito, makikipag-meeting ka na kay Satanas. Bubulusok ka pababa, e.
Nararamdaman ko na ang kalituhan at pagkabagot sa aking buhay. Subalit, kailangan kong magpakatatag at maghanap ng paraan para makalabas sa kahit na anong suliranin. Kailangan kong magpakatapang at maghanap ng pag-asa sa aking buhay.
"Nadine the gold!" hiyaw sa akin ni Pio sa baba. Para na lang siyang langgam. "Tara, race!" aya niya.
Ayan na naman siya sa race na iyan. Iyan din ang ikinakatakot ko.
Nang umabot na ng taong 3001, naabot na ng Earth ang peak nito in terms of population. Walang magawa ang lahat sa paglobo ng populasyon, pati United Nations ay hindi makatulong sa mga bansa. Kaya ngayon, bawat bansa sa daigdig ay gumawa na ng paraan para mabawasan ang populasyon.
Dahas kung dahas.
Patayan kung patayan.
Wala nang awa ang ipinapakita ng karamihan.
Ang Pilipinas ay gumawa na rin ng sariling paraan para mabawasan ang populasyon. Iyon ay ang Camatayan Race.
Wala pang inilalabas na impormasyon ang gobyerno ng Pilipinas pero batay na rin sa pangalan ng patimpalak na iyon, may mamamatay at mamamatay sa takbuhan na iyon.
Nakababa na ako sa mga pinatong-patong na bahay na gawa sa kahoy. Ito na nga siguro ang modernong squatters dahil nabasa ko noon na ang mga squatters ay dikit-dikit lang tapos hindi naman matataas.
Ngayong 3021, squatters na ang skyscrapers.
Dahil sa paglobo ng populasyon, wala na ring matinong trabaho ang iba. Wala na nga ring pera kaya minsan, nakikipagpalitan na lang kami ng gamit sa iba para makuha ang gusto namin. Barter exchange, sabi ng karamihan.
Wala na rin school para sa mga mahihirap. Tanging mga mayayaman lang ang nakakapasok sa mga institusyon.
Dito sa Metro Manila, lahat ng mga mayayaman ay inilipat sa Alabang. Mayroon din namang kalat sa ibang lugar pero halos lahat ng mga pamilyang kabilang sa tuktok ay nandoon. Ang buong Alabang ay pinalilibutan ng napakataas na pader para walang makapasok sa loob. At ang buong Metro Manila naman ay naging slum. Tirahan na ito ng mga squatter na may mala-condo ang height dahil pinatong-patong na bahay ang nangibabaw.
Ang mga buildings naman sa Makati, Manila, pati na rin dito sa Taguig, nawalan na rin ng silbi. Dahil ginawa na rin 'yong tirahan ng mga mahihirap na mamamayan.
Nakarating ako sa isang track and field at napansin ko ang ilang mga taong tumatakbo't nagkakarerahan. Pinaghahandaan siguro nila 'yong Camatayan Race na iyan.
***
"Kumusta karera?" tanong ko kay Pio na pawis na pawis. Hindi ko kayang tanggapin ang amoy na nagmumula sa kanya. Nangangasim ang aking mukha dahil sobrang baho na.
"Nakakapagod, Nadine. At saka naglaro din kami ng bente uno! Ang saya maghabol. Para na ring kumakarera dahil sa pagtakbo." Humiga siya sa damuhan ng track and field na ito. Mabuti na lang medyo kulay berde pa ang damo rito. Hingal na hingal siya kaya ang kanyang tiyan ay nagtataas-baba. "Ikaw, Nadine, bakit ayaw mo makipagkarera? Hindi ka ba sasali sa race na inihahanda ng gobyerno? Malay mo, may premyo pala 'yon. Tapos, titira na tayo sa Alabang!" Bumuntonghininga si Pio habang nakangiting pinapanood ang langit. "Sana makasali ako sa karerang 'yon para maiahon ko sa hirap ang pamilya ko."
"Pero Pio, hindi ka ba natatakot? Camatayan Race ang tawag sa karera na 'yon. Paano kung magpapatayan kayo para manalo?"
"Matagal nang nagpapatayan ang mundo, Nadine," sumeryoso ang tono ng kanyang boses. Inangat niya ang kanyang sarili at umupo ng Indian seat saka humarap sa akin. "Buong mundo naghahanap ng lunas para mabawasan ang populasyon, kasama na tayo d'yan. Kung patayan ang magiging sagot, e 'di wala na tayong magagawa ro'n."
"Paano kung ikaw ang mapahamak?"
"Nadine, akala ko ba fighter ka? Dapat ikaw nga 'tong abang na abang at sabik na sabik dito. At saka, kung ako man ang mawawala o madedo, may ambag pa rin ako. Nakatulong ako sa pagbawas ng populasyon. Oh 'di ba, may purpose at may meaning 'yong pagkamatay ko."
Itinayo naman na ni Pio ang kanyang sarili. "O siya, maliligo na ako Nadine. Naaamoy ko na rin sarili ko. Bye!"
Tipid na ngiti ang ipinaabot ko kay Pio habang masaya siyang tumatakbo papalayo sa pwesto ko.
May punto rin si Pio. May kahulugan ang pagsali sa karera. Mamatay ka man o hindi, may naiambag ka.
At tama rin siya na, ako si Nadine Guinto, isang matapang na babae. Ako ang bida ng aking buhay. I am who I am.
Kailangan kong magpakatatag sa gitna ng mga hamon na ito. Kailangan kong magpakatapang at maghanap ng paraan para maiahon ang pamilya ko sa hirap. Hindi lang para sa akin, kundi para sa kanila. Kailangan kong maging isang fighter at magpakatatag sa gitna ng mga pagsubok na ito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top