CHAPTER 5 (The Deal)

Makalipas ang isang linggo . . .

Maaliwalas ang araw ng linggo ngunit napakainit at masikip kung saan nanunuluyan sina Astrid at Ericka. Maliit lamang na kompartimento ang kanilang inuupahan dahil iyon lamang ang kaya ni Astrid na bayaran sa kakarampot na kinikita niya sa kanyang mga raket. Malaki naman sana ang kita niya ngunit lagi itong nauuwi sa mga gamot na para kay Ericka.

Nakauwi na rin sila pagkatapos ng dalawang araw sa hospital dahil medyo maayos na ang pakiramdam noon ng kanyang kapatid na siyang pinasasalamat niya sa itaas.

Pagkatapos ng pagkikita nila ni Yvo ay ilang araw ding hindi siya nakatulog ng maayos dahil sa kanilang pinag-usapan.

"Ate, kanina ka pa tahimik diyan. May problema ba?" tanong ng kanyang kapatid habang sumisipsip ng ice dahil medyo uhaw ito.

Agad naman niyang pinagmasdan ang kanyang kapatid at napabuntong-hininga. Marahil nga ay kailangan niyang tanggapin ang alok ni Yvo sa kanya. Hindi lamang siya ang matutulungan kung hindi pati na rin ang kanyang kapatid na madugtungan ang kanyang buhay.

Alam niyang walang gamot sa mga dialysis patient na tanging paghe-hemodialysis lamang ang kayang ibigay sa pasyente. Ang hemodialysis ay hindi isang lunas para sa kidney failure, ngunit makakatulong ito na mapabuti ang pakiramdam at mabuhay nang mas matagal.

Ang tanging makapagliligtas lamang sa kanyang kapatid ay sa pamamagitan ng kidney transplant na siyang napakamahal at hindi niya alam kung saan iyon pupulutin. Kahit anong gapang at hirap niya pa ay mahihirapan siyang hanapin ang ganoong kalaking halaga.

"Nag-iisip lang ako kung anong uulamin natin mamaya," wika niya at halatang hindi naman kumbinsido ang kanyang kapatid sa naging sagot niya.

Bahagyang ngumiti ang kanyang kapatid at tumango. "Ilang araw ka na ring puyat kahit may mahahaba oras ka para matulog. Simula noong gabing iyon na may lalaking pumasok sa aking kwarto at kinausap ka ay iyan na ang mga naging aksyon mo. Sabihin mo nga sa akin Ate kung ano ang mga nangyayari," wika niya at kapagka ganito na ang boses ng kanyang kapatid ay alam niya hinding-hindi siya nito titigilan.

Huminga siya ng malalim at napabuga bago tuluyang magsalita. "Ang lalaking iyon ay si Mr. Razon at alam kong nakita mo siya sa programa ninyo kung saan ka nawalan ng malay. Siya ang nagbayad ng mga babayarin natin sa hospital," wika niya na hindi inalalantad ang buong detalye.

Napag-isipan niyang hindi iyon ibahagi lahat dahil bala isisi niya ito sa kanyang sarili dahil sa mga gagawin niya sa susunod. Ayaw niyang mag-isip pa ng husto ang kanyang kapatid dahil siya na lang ang kayamanan niya sa mundong kinagagalawan nila ngayon.

Tila kumislap naman ang mga mata ng kanyang kapatid sa tuwa. "Talaga ba Ate? Kung ganoon dapat natin siyang pasalamatan," wika niya na ikinatango at ikinangiti naman ni Astrid.

"Dapat nga tayong magpasalamat kaya pahinga ka na muna diyan at bukas ay session mo na naman sa pag-dialysis," ani niya at tumango naman ang kanyang kapatid sabay ayos ng kanyang higaan at ipinikit ang kanyang mga mata.

Si Ericka ay ang tipo na kapag ipipikit na niya ang kanyang mga mata at iisiping matutulog na siya ay agad-agad na umaaksyon ang kanyang katawan upang matulog.

Nang mapansin niyang tulog na tulog na ang kanyang kapatid ay ang siyang paglinis niya ng kanilang kwarto. Hindi naman gaano kakalat ang kwarto ngunit nais niyang maging okyupado ang kanyang isip sa mga bagay-bagay.

Nais niyang madugtungan ang buhay ng kanyang kapatid ngunit ang lahat naman ay may kabayaran. Walang libre sa mundong kanilang kinagagalawan.

Iisipin niya pa lang na magsisilang siya ng bata ng isang lalaking hindi niya man lang lubusan pang kilala at hindi niya mahal ay para na siyang naghuhukay ng sarili niyang libingan. Ngunit walang katumbas na halaga naman ang magiging kapalit ng kanyang sakripisyo at iyon ay ang madugtungan ang buhay ni Ericka.

Maghuhugas na sana siya ng kanilang pinagkainan nang biglang tumunog ang kanyang selpon hudyat na may natanggap siyang mensahe.

Bumilis naman ang pintig ng kanyang puso nang mabasa kung kanino ito galing. Isang linggo na rin kasi ang lumipas kaya marahil sa ngayon ay nag-aantay na ito ng kanyang kasagutan.

From: Mr. Razon

Answer

Iyon lamang ang nakaakibat sa mensahe ngunit para bang naririnig niya ang boses nito mismo. Nanginginig ang kanyang mga kamay sa paghawak ng kanyang keyboard na selpon dahilan upang malapit na itong mahulog sa plangganang puno ng tubig.

Napasapo siya ng kanyang noo dahil sa hindi pag-ingat. Keypad na nga lang ang kanyang selpon at medyo sira pa tapos mahuhulog pa sa tubig ay isa iyong katangahan sa hindi pag-ingat para sa kanya.

Humila siya ng bangko at umupo. Walang ano-ano ay napasuklay siya ng kanyang buhok.

"I'd like you to bring my succesor. You will be a surrogate, and in exchange, your sister will have a kidney transplant. She will have a longer life."

Para bang paulit-ulit niya itong naririnig dahilan upang ipilig niya ang kanyang ulo at tumipa sa kanyang selpon. Sigurado na siya sa kanyang desisyon at iyon ay ang umayon sa kanyang alok.

Muling pinagmasdan niya ang kanyang kapatid na himbing na himbing sa tulog bago niya pinindot ang buton na ipadala ang mensahe pabalik kay Yvo.

Hindi niya namalayan na may namumuong luha na sa kanyang mga mata na nagbabatid kumawala. Hinayaan niya na lamang itong umagos sa kanyang pisngi ngunit dali-dali naman niya itong pinunasan gamit ang likod ng kanyang kamay.

Kailangan niyang maging matatag para sa kanilang dalawa. Hindi dapat siya maging mapili at hindi lahat nagkakaroon ng ganitong swerte.

Swerte nga bang matatawag kanyang kapalaran? Magdadala siya ng sanggol sa kanyang sinapupunan ng halos siyam na buwan at pagkatapos ay anong mangyayari sa kanya?

Anong mangyayari sa kanilang magkapatid? Siyam na buwan, papaano siya makakapagtrabaho sa ganoong sistema? Ano ang kakainin nilang magkapatid?

Dapat ba niyang iklaro na muna ang lahat bago siya pumayag? Ngunit sumang-ayon na siya.

Napapikit siya ng kanyang mga mata at nagpakawala ng hininga. Masyado na niyang pinapagod ang kanyang sarili sa kaiisip masyado. Ang importante sa ngayon ay ang kidney transplant ng kanyang kapatid.

Napapitlag siya mula sa kanyang kinauupuan nang may narinig siyang kumatok sa kanilang pintuan.

"Open this, Astrid."





PUBLISHED UNDER UKIYOTO PUBLISHING

You can now order the book po maaaring mag-comment lang po rito o pumunta sa aking facebook page @Heitcleff upang malaman kung papaano umorder 💜 Maraming salamat po sa suporta! May freebies giveaway po tayo 💜💜💜

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top