let go

24:00:00

“Sa huling bente-kwatro oras na natitira sa mundo, ano ang gagawin mo?”

Hindi na bago sa akin ang katanungan na iyan dahil madalas siyang itanong sa amin sa mga activity.

Ang sagot ko bilang isang kolehiyo, “Gusto kong makita at makausap ang lahat. Una, ang pamilya ko, dahil gusto ko silang pasalamatan.

“Pangalawa, ang mga kaibigan ko, dahil gusto kong sabihin na, masaya akong nakilala sila, gusto kong magpasalamat dahil palagi silang nandyan para sa akin, gusto ko ring humingi ng tawad sa mga bagay na hindi ko nasabi.

“Pangatlo, gusto kong makausap ang mga taong nanakit ng damdamin ko, hindi para ibuhos ang mga hinanakit o galit, kundi magpasalamat, dahil kung hindi nila ginawa ‘yon, hindi ako magigising sa katotohanan at hindi ako magiging malakas.

“Pang-huli, gusto kong magpunta sa simbahan para kausapin ang Diyos. Para magpasalamat sa lahat ng bagay at humingi ng tawad sa mga naging kasalanan ko.”

Ang sagot ko bilang isang hayskul student, “Gusto ko kasama ko ang pamilya ko. Gusto kong sulitin ang natitirang oras kasama sila. Para sa susunod o ma-reincarnate kami, kami pa rin yung pamilya at magkakasama.”

Ang sagot ko bilang elementarya, ay . . . “Wala.” Pinagtawanan ako noon ng buong klase.
Dahil ‘yon naman ang totoo. Sarado pa ang isip ko noon, kaya madalas parating “wala” o “hindi ko alam” ang sagot ko.

12:00:00

“Sa ilang oras na natitira sa mundo, ano ang gagawin mo?” tanong ng isang host sa isang programa sa TV.

Natawa at napailing na lang ako. “Isang kalokohan. Ang tagal na ‘yan sinasabi, pero hindi naman nagkatotoo.”

Mabilis na lumipas ang oras. Pero para sa isang kagaya ko na matagal nang tumigil ang oras, parang wala na lang ‘yan.

Matagal nang nagunaw ang mundo ko. Ang mundo na puno ng kulay at pag-asa. Ang mundo kung saan buhay ako at nagagawa ang mga bagay na gusto ko. Wala ng saysay ang buhay ko ngayon.

Pero, iyan na ba talaga ako? Ganyan na ba talaga ako mag-isip? Wala na ba talagang pag-asa?

Sinampal ko ang sarili ko para kahit paano ay gisingin ang sarili ko sa katotohanan.
Baka ito na ang oras para bumangon ulit. Baka pwede pang mabago ang buhay kahit sa maikling panahon. Baka oras na para bumalik at magtiwala ulit sa Kaniya.

Kaya kahit takot na akong lumabas, ay naglakas-loob pa rin ako.

Naglakad ako nang naglakad hanggang sa marating ko ang pinakamalapit na simbahan.
Punong-puno ng tao. Halos wala ng espasyo na lalakaran. Lahat ay tahimik at taimtim na nagdadasal.

Pumwesto na lang ako sa labas. Tumayo sa gitna, kung saan nakikita ang altar kung nasaan Siya.

Yumuko ako at pumikit. Ilang segundo ang lumipas pero hindi ko alam ang sasabihin.

Mayamaya ay may tumapik sa balikat ko. Nanatili pa rin akong nakayuko at nakapikit. Hindi ko namalayan, dumadaloy na ang luha sa pisngi ko.

Hanggang sa, bigla na lang ako nagsalita sa isip ko. “Salamat. Salamat, dahil hindi Mo ako iniwan. Salamat, dahil kahit dumating yung araw na tumalikod ako Sa'yo ay nandyan Ka pa rin para tulungan ako. Gusto kong humingi ng tawad. Dahil nawalan ako ng tiwala. Dahil nagpakain ako sa takot at hindi nag-isip nang mga oras na ‘yon. Mga panahon na dapat ay mas kumapit at lumapit ako Sa'yo.”

Pagdilat ko ay wala na yung mga tao sa paligid ko. Parang napunta ako sa ibang dimensyon. Tanging ako na lang yung tao . . . at . . . Siya?

Hindi ako nakakilos nang bigla niya akong niyakap.
Mabagal at kalmado niyang tinatapik ang likod ko. Para bang sa paraang ‘yon ay unti-unti niyang tinatanggal ang mga dala kong problema. Unti-unti rin akong nakahinga nang maluwag. Gumagaan ang pakiramdam ko.

08:00:00

Matapos no'n ay umuwi ako. Tinawagan ang pamilya ko. Kinumusta at nagpasalamat ako sa kanila. Nag-sorry din, dahil malayo at wala ako sa tabi nila.

Tinawagan ko rin ang mga kaibigan ko. Gustuhin man naming magkita-kita sa huling pagkakataon, pero alam naman namin na may kanya-kanya kaming plano.

Nilakasan ko rin ang loob ko at gumawa ng group chat para sa mga taong minsan naging malapit at naging parte ng buhay ko, at nag-iwan ng mensahe para sa kanila.

01:00:00

Wala ng bigat sa puso ko. Wala ng problema.
Nakalaya na ako mula sa kadiliman.

Ang huling oras ay nilaan ko para sa sarili ko.

Kung wala na talagang bukas, ay ayos lang. Dahil handa na ako. Dahil nagawa ko na ang mga gusto kong gawin.

At kahit sa huling sandali, natutunan kong alagaan, pahalagahan at mahalin ang sarili ko.

THE END.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top