Chapter 8

[Chapter 8] "Awit" by Elli and Angel

Sabay-sabay na sumugod papalapit sa amin ang buong grupo ni Ben. Bago pa man ako makasagot sa tanong ni Leo ay mabilis na niyang nahila ang kamay ko. Akala ko ay lalaban sila pero nagulat ako dahil sabay-sabay silang tatlo tumakbo palayo habang hila-hila ako.

"Hoy! Lumaban kayo!" sigaw ni Ben na halos magasgas na ang ngalangala sa kakasigaw kanina pa. Nilingon siya ni Gian na nauunang tumakbo sa amin at minura niya si Ben gamit ang bad finger. Nagulat kaming lahat nang matapilok si Gian dahil sa ginawa niya at dere-derecho siyang nasubsob sa kalsada.

Agad namin siyang hinila patayo pero huli na ang lahat dahil naabutan na kami ng mga kasamahan ni Ben. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang matumba sina Leo at Adrian sa kalsada, magkasabay silang sinipa sa pwet ni Ben. Ako na lang ang mag-isang may hawak sa braso ni Gian na ngumangawa na rin dahil dumudugo na ang ilong at nguso niya.

Napalingon ako kay Ben na ngayon ay akmang hihilahin ang buhok ko, napayuko ako para umilag sa kaniya at mabilis ko siyang sinuntok derecho sa pisngi. Hindi ako marunong sumuntok at hindi rin ako sanay makipag-suntukan pero sa pagkakataong iyon ay masasabi kong nasapul ko ang mukha niya, dulot na rin ng pagkabigla at sobrang kaba.

"Boss!" sabay-sabay na sigaw ng mga alagad niyang butiki. Akmang sasaluhin pa sana siya ng isa pero dahil mas malaki si Ben sa kaniya ay nadaganan siya nito nang bumagsak ito sa kalsada. Napatakip na lang ako sa bibig dahil mukhang naduling si Ben at natulala sa nangyari habang ang ibang alagad niya ay parang mga paniking lumundag sa ibabaw nina Leo, Adrian at Gian.

"Sandali, tumigil na kayo!" sigaw ko sa kanila pero mas nangingibabaw ang malalakas nilang sigawan. Halos magpagulong-gulong na silang lahat habang sinusuntok ang tatlo kong kaibigan. Hindi naman sila nagpatalo, gumanti rin sila ng suntok pero dahil mas marami ang grupo nila Ben, hindi sila makawala.

May malakas na pwersa na tumama sa likod ko dahilan para mapasubsob din ako sa sementadong kalsada. Sinabunutan ako ng isa sa kanila, napasigaw ako ng malakas at parang biglang nagdilim ang paningin ko dahil sa ginawa niya. Walang ibang nangahas na sirain ang buhok ng ganoon kaya magbabayad siya! Mabilis ko siyang sinunggaban saka hinila ng malakas ang buhok niya at sinipa siya ng malakas papalayo.

Sisipain ko pa sana siya ulit nang biglang may isang kamay ang derechong tumama sa mukha ng lalaking iyon. Gulat kaming napatingin kay Joyce na ngayon ay parang kidlat na pinagsisipa at pinagsusuntok ang mga kasamahan ni Ben.

Napatulala kami sa kaniya na parang sanay na sanay siya sa pakikipaglaban. Mabilis niya silang napatumba hanggang sa matauhan si Ben na nakahilata sa kalsada habang pinapaypayan ng isa niyang alagad. Nakabangon na silang tatlo saka bumawi ng sunod-sunod sa mga butiking nangahas na patumbahin kami.

Ilang sandali pa, napatigil kaming lahat nang marinig namin ang sunod-sunod na pag-pito mula sa malayo. Halos lumuwa ang mata ko nang makita ang mga barangay tanod sakay ng kanilang mga motorsiklo at ngayon ay papalapit na sa amin.

"Takbo!" sigaw ng lahat, animo'y nakalimutan namin na magkakalaban pala kami dahil sa iisang direksyon kami tumakbo. Naghagisan pa ng bag sina Leo, Adrian at Gian dahil hinagis nila kanina sa kalsada ang mga bag nila. Ganoon din sina Ben, hindi na rin sila magkamayaw sa pagpulot ng mga gamit nila.

Hindi namin alam kung anong dapat unahin, pagtakas ba? o pagkuha ng mga gamit naming pwedeng gamiting ebidensiya para mahanap kami ng mga tanod?

Sa huli, naabutan din nila kaming lahat at ni isa ay walang nakatakas dahil may mga tanod ding humarang sa amin. Nakalimutan namin na doon pala ang daan papunta sa barangay hall.

***

"Mga kabataan talaga, puro away, gulo, sakit sa ulo" sermon ng kapitan ng barangay na naroroon. Bilugan ang tiyan at ulo niya. Makintab din ang ulo at noo niya dahil manipis na lang ang kaniyang buhok. "Pang-ilang beses na ba kayo nadadala dito? Ha? Ben!" patuloy niya sabay turo ng hawak na baston kay Ben na ngayon ay namamaga ang pisngi dahil sa lakas ng suntok ko kanina.

"Bakit ba hilig niyo lagi maghanap ng away dito sa nasasakupan ng barangay ko?" patuloy pa ng kapitan, nanggigigil siya na parang kulang na lang ay tirisin niya isa-isa sina Ben at ang mga kasamahan nito. Nakayuko lang kaming lahat habang nakaupo sa mahabang upuan sa gilid na gawa sa plywood. Nakatakip pa ang mukha ng iba gamit ang mga bimpo at polo shirt nila na parang nakagawa ng krimen.

Nasa gitna ako nina Leo at Adrian habang si Gian naman ay nasa gitna ni Joyce at Leo, nasa tabi ni Joyce si Ben, para kaming nakasakay sa jeep na puno na ng mga pasahero. "Sinasamantala niyo ba ang pagiging menor de edad niyo? Sumasakit ang ulo ko sa inyo!" sigaw pa ng kapitan, natawa kami nang hagurin niya ang buhok niya pero wala naman siyang mahahagod na buhok.

Sinigawan niya pa kami nang marinig niya ang mahinang bungisngis ng ilan. Maging ang mga tanod na nasa likod niya ay natawa rin sa kanilang kapitan. "Hindi kayo makakaalis dito hangga't hindi dumadating ang mga magulang o guardian niyo" dagdag pa nito na sinundan pa ng sermon tungkol sa noong kabataan niya ay disiplinado raw ang lahat ng bata at kung anu-ano pang mga achievement niya sa buhay.

Alas-sais na ng hapon nang makauwi kaming lahat. Sinundo si Gian ng mama niya na alalang-alala sa mukha ni Gian na parang napigang kamatis. Si lola Amor naman ang sumundo kay Adrian na ngayon ay hindi na maawat sa panenermon sa apo. Si lolo Gil ang sumundo kay Leo, kumpara sa aming lahat, tahimik lang si lolo Gil pero bakas sa mukha nito ang matinding pagkadismaya dahil nasangkot sa gulo ang apo niya, bukod doon ay alam kong mas nag-alala siya sa kalagayan ni Leo.

Si mama naman ang sumundo sa akin, suot niya pa ang damit niya sa opisina at mukhang napatakbo agad siya sa barangay hall nang tawagan ko siya. Sabay-sabay kaming umuwi kasama ang mga magulang, lolo at lola namin. Para kaming mga lantang gulay na dadalhin na sa basurahan dahil hindi na mapapakinabangan.

Pagdating sa bahay, narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni mama. Ibinaba na niya sa sofa ang bag niya saka hinatid si Axel sa kwarto nila pero bago pa man siya makaakyat sa hagdan ay narinig kong kinausap niya ako "Aries, malaki ka na. Alam kong alam mo na ang tama at mali. Hindi muna kita papayagang lumabas ngayon o manood ng TV bilang parusa" saad niya bago tuluyang umakyat sa taas, kita ko sa mga mata niya ang matinding pagkadismaya. Sino ba namang magulang ang matutuwa na malaman na ang babae nilang anak ay napasama sa suntukan sa gitna pa mismo ng kalsada.

Aakyat na sana ako papunta sa kwarto nang mag-ring ang telepono. Ibinaba ko muna sa sofa ang bag ko saka sinagot ang tawag. "Hello?"

"Aries" parang bigla akong napatigil nang marinig ko ang boses niya. "Hello? Aries ikaw ba 'yan?. Uhm... Tita, pwede po ba makausap si Aries?" habol pa niya dahilan para matauhan ako. "A-ako 'to, bakit Leo?"

Narinig ko mula sa kabilang linya na napahinga muna siya ng malalim bago niya ituloy ang sasabihin niya. "Okay ka lang ba? Hindi na kita nakausap kanina nang dumating ang mama mo"

Ako naman ang napahinga ng malalim, napasandal na lang ako sa pader saka pinaikot-ikot ang kable ng telepono na kulot-kulot. "Okay lang naman. Kaya lang bawal na muna akong lumabas at manood ng TV" ngayon ko lang din napansin na madilim ang buong bahay, hindi na binuksan ni mama ang ilaw at tanging ang lamp shade sa gilid ng telepono lang ang nakabukas.

"Sorry, nadamay pa kayo dahil sa'kin" saad niya, napakagat na lang ako sa ibabang labi ko. Hindi ko alam kung bakit parang ang bilis lumambot ng puso ko sa tuwing naririnig ko kung gaano siya ka-sincere humingi ng tawad.

Ngumiti ako at sinubukan kong tumawa, kahit papaano kasalanan ko rin naman kung bakit pinatulan ko sila Ben. "Ano ka ba? Okay lang, ubos na rin allowance ko para lumakwatsa. Saka hindi naman ako mahilig manood ng TV kaya okay lang" kahit papaano ay sinubukan kong maging magaan ang tono ng pananalita ko para hindi niya sisihin ang sarili niya.

"Bukod doon, ilang beses ka na rin naman nadamay kapag napaparusahan kaming tatlo kaya quits-quits lang tayo" dagdag ko pa, narinig ko naman ang mahina niyang pagtawa mula sa kabilang linya. Hindi ko namalayan na napangiti ako sa sarili dahil alam kong ako lang ang nakakagawa ng ganoon sa kaniya. Kahit papaano masaya ako na nagagawa kong pagaanin ang mga problema niya.

"Nasaktan ka ba?" tanong niya dahilan para mapatigil ako ulit. Hindi ko alam kung ang tinutukoy ba niya ay kung nasaktan ako ng pisikal? O kung nasaktan niya ang puso ko?

"H-hindi naman. Si Gian dapat ang tanungin mo niyan kasi umiiyak na siya kanina nung masubsob siya sa kalsada" tawa ko dahilan para matawa rin siya. Hanggang ngayon, hindi pa rin talaga nagbabago si Gian. At kung hindi siya nadapa kanina, siguradong matatakbuhan namin sila Ben.

"Uhm... Ikaw? Nasaktan ka ba?" tanong ko sa kaniya, ilang segundo siyang hindi nakasagot agad. Narinig ko pa na parang iniangat niya ang telepono at inilipat ito sa ibang mesa. "Okay lang din ako, mas nag-aalala ako kay lolo, hindi niya ako pinagalitan pero hindi naman niya ako kinikibo. Hindi ba mas masakit 'yung ganon Aries? 'yung bigla ka na lang hindi kakausapin. 'Yung mararamdaman mo talaga na may nagbago"

Parang natamaan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung may gusto ba siyang iparating pero sana 'wag na lang niya isipin na may nagbago na nga sa aming dalawa dahil handa ko namang isantabi ang nararamdaman ko sa kaniya 'wag lang masira ang pagkakaibigan namin.

"Oo, masakit nga. Pero intindihin mo na lang si lolo. May mga tao rin kasing mas gugustuhing manahimik kaysa lalong lumaki ang gulo" nagkabuhol-buhol na ang kable ng telepono na pinapaikot-ikot ko. Ang sabi ng utak ko, sabihin ko na sa kaniya na matutulog na ko para matapos na ang usapan namin. Pero ang sabi ng puso ko, 'wag muna. Kahit saglit, kahit sandali, gusto ko pa ring marinig ang boses niya.

"Aries, may tanong ako" parang muling tumigil ang tibok ng puso ko nang sabihin niya iyon. Kung anu-anong bagay na ang naglalaro sa utak ko. Mga tanong na posibleng masagot ng mali. Mga tanong na hindi ko malaman kung dapat bang puso o utak ang sumagot.

"A-ano?" muntik pa akong masamid sa sarili kong laway. Ingay ng mga kuliglig ang umaalingangaw sa labas na mas lalong nakadagdag sa kabang nararamdaman ko mula sa itatanong niya.

"Aries, ganoon din ba ang iniisip mo? Na may namamagitan sa'min ni Chelsea?" tuluyan na akong napatulala nang marinig ko ang sinabi niya. Parang bumagal ang takbo ng paligid at ang tanging naririnig ko na lang ay ang malakas na pagkabog ng puso ko, mga insektong kuliglig at ang pagpitik ng oras mula sa wall clock naming nakasabit sa gilid ng pintuan.

Hindi ko maalala kung ilang segundo o minuto akong hindi nakapagsalita. Natauhan na lang ako nang magsalita siya ulit mula sa kabilang linya "Aries? Nandiyan ka pa ba?"

"H-hello? Oo, n-nandito pa ako, Leo"

"Akala ko nakatulog ka na" biro niya at narinig ko ang mahina niyang pagtawa. Napatikhim na lang ako saka pilit na tumawa upang kahit papaano ay maitago ko ang matinding kaba na nararamdaman.

"Anong masasabi mo?"

"Bakit? Meron ba talaga?"

"Ang alin?"

Napahinga ako ng malalim, ipinikit ko ang aking mga mata bago ko sabihin ang matagal na ring gumugulo sa isip ko. "May gusto ka ba kay Chelsea?" 

Hindi siya nakapagsalita, muling naghari ang katahimikan sa pagitan namin. "A-ang sabi mo, may problema siya at tinutulungan mo lang siya bilang kaibigan. Pero ikaw, may nararamdaman ka ba sa kaniya?" patuloy ko, hindi na maawat ang malakas na kabog ng puso ko. 

"Dapat ba meron?" tanong niya, napaayos ako ng pagsandal sa pader. Bakit ba tanong din ang binabalik sa'kin na sagot ni Leo. 

"B-bakit hindi? Mabait, maganda at matalino naman si Chelsea. Matagal ko na rin siyang kilala. Marami siyang pangarap sa buhay at matulungin din siya sa kapwa. Kaya nga maswerte talaga ang lalaking makakatuluyan niya" parang gusto kong bawiin ang sinabi ko ngunit huli na ang lahat. Hindi ko alam kung bakit ko sinabi iyon, ang alam ko lang ay gusto kong takpan ang nararamdaman ko para sa kaniya para hindi masira ang pagkakaibigan namin.

"Edi... Gusto mong ligawan ko si Chelsea?" tanong niya muli na nagdudulot ng malaking kaba sa akin. Kahit papaano nagpapasalamat ako na hindi ko siya kaharap ngayon dahil siguradong mababasa niya sa mukha ko ang totoong nararamdaman ko.

"K-kung gusto mo naman siya, bakit hindi?" 

Sandali kaming natahimik. Nakabibinging katahimikan mula sa linya ng telepono ang naghari sa pagitan naming dalawa matapos kong sabihin sa kaniya ang mga salitang iyon. 

"Sige, magpahinga ka na Aries. Gabi na rin"

"S-sige"

Nauna niyang ibinaba ang telepono dahilan upang mas lalo akong masaktan nang marinig ko ang pagkaputol ng linya. Gusto kong sumigaw at magsisi kung bakit hindi ko siya nasabi iyon. Pagkakataon ko na iyon para pigilan siya, para paghiwalayin sila. Pero sa huli, parang itinulak ko pa rin siya lalo kay Chelsea.

Maghahatinggabi na pero mulat na mulat pa rin ang mga mata ko. Nakahiga ako ngayon sa kama at nakatitig sa electric fan nakatayo sa gilid ng higaan ko habang marahan itong umiikot pakaliwa at pakanan.

Sumasakit na ang ulo ko kakaisip kung bakit niya ba tinanong sa akin iyon. Bukod doon nababaliw na ako kakaisip kung ano ang sasabihin niya at kung anong mangyayari kung sakaling sinabi ko na 'wag niyang gawin. Ayoko maging selfish pero kung pwedeng ulitin ang oras kanina nang itanong niya sa akin iyon, gusto kong sabihin na 'wag na niya ituloy.

Ilang sandali pa nagulat ako nang biglang may magsalita mula sa bintana ng kwarto ko "Aries!" halos pabulong na tawag ni Adrian, nakalitaw ang ulo niya sa bintana dahilan para gulat akong mapabangon sa kama.

"Anong ginagawa mo diyan?" muntik pa akong mapasigaw pero naalala ko na tulog na sila mama kaya hininaan ko na lang ang boses ko saka dali-daling tumayo at binuksan ang bintana ng kwarto ko. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang mapagtanto ko na nakasabit siya sa bintana at nakapatong lang ang isang paa niya sa gilid ng pader ng bahay namin.

Nakangisi lang siya na parang loko-lokong tuwang-tuwa sa ginagawa niya. Tinulungan ko siya at hinila papasok sa bintana. Saka mabilis na isinara iyon sa takot na may mapadaan sa kalye at makita ang pag-aakyat bahay ni Adrian.

"Bakit ka umakyat dito? Gusto mo bang mabarangay ulit?" sermon ko sa kaniya nang halos pabulong sa takot na marinig kami ni mama sa kabilang kwarto. Ngumisi lang siya na parang nang-aasar pa saka naupo sa kama ko. "Bakit? Ipapabarangay mo ko?" hirit niya, napairap na lang ako ng mata. Lumalala na talaga ang sayad sa utak ng mga kaibigan ko.

"E, kung may nakakita sayo kanina tapos nireport ka sa barangay" saad ko sabay pamewang. Kulang na lang may hawak akong walis o tsinelas ngayon para ihampas ko sa kapilyuhan niya. "Walang nakakita sa'kin. Wala ngang nakakakita sa nararamdaman ko e" saad niya sabay higa sa kama ko na parang welcome na welcome siya.

"Umalis ka nga diyan!" sinubukan ko siyang hilahin pero tatawa-tawa lang siya habang hinihila ko ang braso niya. Mas matangkad at mas mabigat siya sa'kin kaya hindi ko siya mahila ng tuluyan. Sa huli, binitawan ko na lang siya saka inis na binuksan ang bintana.

"Ihuhulog kita dito pag di ka umalis diyan" panakot ko sa kaniya pero mas lalo lang ngumisi ang loko. "Hindi mo nga ako kaya e" pang-asar niya dahilan para mapapikit na lang ako sa inis.

"Sisigaw ako na may magnanakaw dito" hirit ko pa, bigla naman siyang napabangon. "Eto naman, joke lang e" tawa niya saka naupo ng maayos. "Ano ba kasing ginagawa mo dito? Hatinggabi na kaya, bakit di ka pa natutulog?"

"E, bakit hindi ka pa rin natutulog?" napatigil ako sa tanong niya, alangan naman sabihin ko na dahil sa kakaisip ko sa sinabi ni Leo kanina kaya hindi ako makatulog. "E, sa hindi ako makatulog e, anong gagawin ko?" pagtataray ko sa kaniya, isinara ko na ulit ang bintana dahil pumapasok ang malamig na hangin mula sa labas.

"Hindi rin ako makatulog e, kaya magpapagamot na lang ako" saad niya dahilan para taas-kilay akong napalingon sa kaniya. Ngumiti siya pero napahawak din sa malaking black eye sa kaliwang mata niya. May sugat din siya sa kilay at gasgas sa pinsgi.

Napahinga na lang ako ng malalim saka naglakad papunta sa aparador ko para abutin ang first aid kit na nasa itaas ng cabinet. Ilang sandali pa, nagulat ako nang tumayo siya sa likod ko saka inabot ang first aid kit na pilit kong inaabot.

"Buti na lang hindi ako napilayan sa paa kundi hindi mo ko magagamot dahil 'di mo abot" banat pa niya dahilan para mapasingkit na lang ako ng mata sabay lingon sa pasyente kong ubod ng demanding. Hindi na lang ako nagsalita saka tinaasan siya ng kilay at naupo sa dulo ng kama, sa tabi niya.

Binuksan ko na ang first aid kit saka nilagyan ng betadine ang bulak "Natatakot ka kay Lola Amor 'no? Siguradong mas mamamatay ka sa sermon niya kaysa sa sugat mo na 'to" saad ko, saka dahan-dahang nilinisan ang sugat niya sa itaas ng kaliwang kilay niya.

"Hindi a, ayoko lang gisingin si lola para lang sa maliit na sugat na 'to" saad niya, hindi ko sinasadyang madiinan ang sugat niya dahilan para iiwas niya ang mukha niya sa bulak na hawak ko. "Maliit na sugat lang pala, dapat tinulog mo na lang 'to" pang-asar ko sa kaniya. Matagal ko nang kilala si Adrian, kahit nahihirapan at nasasaktan siya pilit niya pa ring pinapaniwala ang lahat na okay lang siya.

"Pero ang astig mo kanina ah, knock out si Ben sa suntok mo" tawa niya dahilan para matawa na lang din ako pero napatakip kami ng bibig nang maalala namin na baka magising si mama o axel dahil sa ingay namin. "Paniguradong ikaw na ang bagong siga sa school" dagdag pa niya sabay tawa pero napahawak ulit siya sa mga pasa at sugat niya sa mukha dahil sa sakit.

"Steady ka lang. Wag kang magalaw" saad ko saka hinawakan ang magkabilang pisngi ng mukha niya dahil hindi siya maawat sa kakasalita at kakagalaw. Natahimik naman siya habang ginagamot ko ng mas maayos ang mga sugat niya.

"Aries..."

"Oh?"

"Paano ka nakakagawa ng mga ganong kanta? Ibig sabihin, na-inlove ka na?"

"Hindi ba pwedeng inspired lang ako sa love story ng ibang tao?"

"Oo o hindi lang dapat ang sagot mo e"

Kumuha ako ng panibagong bulak saka nilagyan iyon ng Betadine at pinahid ulit sa sugat niya. "Secret" iyon na lang nasabi ko sabay tawa pero napakunot lang ang noo niya. "Nararamdaman ko talaga na may nagugustuhan kang tao"

"Alangan naman hayop ang maging crush ko. Bakit ba ang tsismoso mo?"

"Nagtatanong lang naman e, diba dapat pinapaalam mo sa'min pag may mga ganyan ka"

"Anong ganyan?"

"Mga ganyan... Mga crush crush"

"Ang bakla mo"

Natawa na lang din siya sa sinabi ko, ang lakas kasi maka-girl topic ni Adrian. "Bakit ba? Clingy kaya kaming tropa mo. Si Leo nga tumawag pa sa'kin kanina para mag-sorry kasi nadamay tayo sa gulo. Tinawagan nga rin niya si Gian para mag-sorry. Tumawag din siya sayo diba?" tumango ako bilang sagot sa tanong niya.

"Oh, tingnan mo. Clingy kaming lahat at tulad niyong mga babae, interesado rin kami sa tsismis" tawa pa ni Adrian. Napailing-iling na lang ako habang natatawa sa mga sinasabi niya. Sunod ko namang nilinisan ang iba niyang sugat sa braso.

"Anong sinabi mo nung tinanong niya kung mukha bang may namamagitan sa kanila ni Chelsea?" tanong ko habang abala sa paglalagay ng alcohol sa sugat niya. "Tinanong 'yun sayo ni Leo?" sabi niya dahilan para mapatigil ako at mapatingin sa kaniya.

"Hindi niya ba kayo tinanong tungkol 'don?" sa halip na sagutin ko ang tanong niya, isang tanong din ang naisagot ko. Nakatitig lang ako sa kaniya habang nakatitig lang din siya sa'kin, ilang segundo ang lumipas nang hindi siya nagsasalita.

Hinihintay ko lang ang sagot niya kung tinanong din ba sila ni Leo tungkol kay Chelsea pero nakatingin lang siya sa'kin na para bang ngayon niya lang narinig ang sinabi ko. "Huy, kidlat?" tawag ko sa kaniya dahilan para matauhan siya at napaiwas ng tingin.

"Ha? Ah---Oo, natanong din niya sa'min" saad niya sabay tawa na parang kakagising lang niya. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nalungkot. Akala ko pa naman may gustong iparating si Leo kaya niya tinanong sa akin iyon kanina. Iyon pala, tinanong din niya iyon sa aming lahat.

Magsasalita pa sana ako pero biglang tumayo na si Adrian "Sige, matulog ka na. Salamat Aries" saad niya saka dere-derechong naglakad papunta sa pintuan ng kwarto ko. Tumayo naman ako saka sumunod sa kaniya. "Dapat sa bintana ka rin um-exit e" hirit ko pero ako lang ang natawa sa sinabi ko.

Pagkababa namin ng hagdan, napatingin pa ako sa itaas sa takot na baka magising si mama at maabutan kami sa sala pero mukhang hindi naman siya nagising. Hinatid ko na si Adrian sa tapat ng pintuan ng bahay namin. "Sa susunod 'wag ka na dadaan sa bintana, buti na lang hindi kita nasipa sa takot" bilin ko sa kaniya pero tumango-tango lang siya habang patuloy na naglalakad papalayo.

Kung minsan, mas malala pa sa babae si Adrian magkaroon ng mood swings. Tinanaw ko pa siya hanggang sa makarating siya sa bahay nila bago ko sinara ang pinto.

***

Kinabukasan, hindi kami nakaligtas sa nagkalat na tsismis sa school. Kitang-kita rin naman sa mga mukha nina Leo, Adrian at Gian ang ebidensiya na nakipagsuntukan sila. Gayon din ang mukha ni Ben at ng mga alagad niyang bugbog sarado rin ngayon.

Hindi ko alam kung ang bugbog pa na natamo nila sa mga mukha nila ay mula sa amin o sa mga magulang nilang galit na galit nang sunduin sila sa barangay hall kahapon. Umaga pa lang ay pinatawag na kami ni Mr. Conrado sa office niya kasa sinermonan ng napakahaba.

Nakatulog pa si Gian sa dami ng sinasabi ni Mr. Conrado kung kaya't napagalitan din siya nito. Nagtataka naman ako sa grupo nila Ben dahil tahimik lang silang nakayuko na parang nagsisisi na sila sa ginawa nila. Sa dami ng binully at pinagkaisahan nila, hindi ko malaman kung bakit ngayon pa sila nanahimik ng ganoon na para bang tinanggap nila na may makakapagpabagsak din pala sa pagiging siga nila sa school.

Pinagbati niya kaming lahat, pinatayo at pinag-shake hands. Hindi pa nakontento si Mr. Conrado dahil pinilit niya pa kaming yakapin ang isa't isa. Pare-pareho kaming nakabusangot ang mukha na parang dalawang batang pinagbabati ng mga magulang nila.

Sa huli, wala na kaming nagawa kundi ang sundin ang gusto ng principal. Kahit labag sa kalooban namin ang batiin ang isa't isa, mas okay na iyon kaysa ipatawag ulit ang mga magulang namin.

Lunch time, sa classroom lang kami kumain nina Gwen at Jessica dahil ilang beses na akong niyayaya nila Gian kasabay si Chelsea. "Alam mo, hindi na ako nagtataka na maging basagulera ka 'pag college natin" saad ni Gwen habang sarap na sarap sa ulam niyang lumpiang sariwa na hinati-hati ni Jessica para sa aming tatlo.

"Bagay nga sayo ang pangalan mong Aries, mga palaban!" tawa pa ni Jessica, napaismid na lang ako saka hinigop ang baon niyang sabaw ng nilaga. "Kung nandun din kayo sa sitwasyon na 'yon, mapapalaban din kayo kaysa mabugbog 'no" inagaw naman ni Jessica ang sabaw niya na halos makalahati ko na.

"E, bakit nasangkot din si Joyce?"

"Napadaan lang siya, tinulungan niya kami"

"Napansin niya siguro na dehado kayo kina Ben kaya tumulong na siya"

"Mukhang mahilig din sa gulo 'yon si Joyce e" dagdag ni Gwen. Napaisip naman ako, sinubukan namin siyang kausapin sa barangay hall at magpasalamat pero hindi naman niya kami kinibo. Nagtataka tuloy ako kung bakit niya kami tinulungan.

Oras ng uwian, kami ang cleaners kaya naglinis muna kaming tatlo ng classroom. Ako ang nagpagpag ng eraser na puno ng chalk sa likod ng pader ng school kung saan naroon din ang bakas ng mga pinagpagang eraser.

Napalingon ako sa likod nang may kumalabit sa'kin. Isang freshman student na babae, may inabot siya sa'king kulay pink na papel. "Ano---" hindi ko pa natapos ang sasabihin ko dahil bigla na siyang tumakbo papalayo.

Napatitig na lang ako sa pink na papel na iyon, mabango ito na parang sinabuyan ng pabango. May pink na heart sticker din sa gitna. Tatanggalin ko na sana iyon para mabasa ang nasa loob ng papel nang biglang sumulpot si Gian sa gilid.

"Aries, bilisan mo. Uuwi na tayo" saad niya na ikinagulat ko. Ang laki rin ng pasa niya sa magkabilang mata. Dumungaw din sa gilid sina Leo at Adrian na puro pasa at sugat din ang mga mukha. Mabilis kong itinago sa likod ko ang pink letter na iyon. "S-susunod ako" saad ko sabay takbo pabalik sa classroom.

***

Makalipas ang ilang araw, napansin namin na ilang araw nang sarado ang Cassette tape shop ni lolo Gil. Nabanggit din ni Leo na ilang araw nang inuubo si lolo Gil. "Napa-check up mo na si lolo?" tanong ni Gian, kasalukuyan akong nakaangkas sa bike ni Leo. Tinatahak namin ngayon ang daan pauwi.

"Ayaw niya, simpleng ubo lang daw 'yon. Gusto ko nga siya dalhin sa bayan pero ayaw niya talaga" sagot ni Leo, hindi ko man makita ang reaksyon ng mukha niya ngayon pero ramdam ko ang bigat na nararamdaman niya.

"Sabagay, ganiyan din si lola, ayaw niya nagpapa-doktor dahil malakas pa raw siya" saad ni Adrian. Madalas din sumakit ang tuhod at balakang ni lola Amor pero ayaw na ayaw niyang magpagamot sa doctor.

"Nakabili ka na ng gamot?" tanong ni Adrian kay Leo. Napailing lang si Leo, "Hindi pa, pero magpapadala raw si tita. Kung hindi makakaabot, maghahanap muna ako ng part time" tugon niya. Biglang napatigil sina Gian at Adrian sa pagbibisikleta dahilan para maunahan namin sila. Napansin ni Leo na tumigil silang dalawa kaya itinigil din niya ang pagpidal saka lumingon sa kanila.

"Baka hindi ka na makapag-focus sa pag-aaral, sa swimming team at sa banda natin" saad ni Adrian, bumaba ako sa bike saka pumagitna sa kanila. "Baka gabihin ka na rin umuwi, paano kapag kailangan mo pumasok sa trabaho pag sabado at linggo? Mag-isa lang si lolo" dagdag ko. Napatingin na lang si Leo sa sahig. Sa kabila ng mga pasa at sugat na tinamo niya, kitang-kita ko pa rin na gusto na niyang umiyak ngayon.

"May naisip ako!" sabat ni Gian dahilan para sabay-sabay kaming mapalingon sa kaniya. Nakataas ang hintuturong daliri niya at nakangisi na parang may nakakwindang siyang plano.

***

"Ano? Maganda ba plano ko?" halos mapunit ang ngiti ni Gian habang nakapamewang pa. Nakatayo siya sa hagdan nila Leo habang kaming tatlo naman ay tulala sa dami ng sinabi niya. Nakatayo ako habang hawak ang mga lumang cassette tape na nakalagay sa isang malaking box.

Nakaupo naman si Adrian sa couch, hawak niya ang gitara ni Leo. Habang si Leo naman ay nakaupo sa upuan ng lolo niya, binabasa niya ang nakasulat sa isang makapal na notebook kung saan nililista ni lolo Gil ang mga kita ng tindahan nila kada buwan.

Samantala, mahimbing na natutulog si lolo Gil sa kwarto niya dahil madalas sa gabi raw sumusumpong ang ubo nito ayon kay Leo. "Kakanta tayo sa kalsada para mahikayat ang mga tao na bumili sa'tin. Hindi ba magandang ideya 'yon?" patuloy pa ni Gian sabay taas ng kamay. Nagkatinginan naman kaming tatlo.

"Siguraduhin mo lang Gian na hindi tayo mababaranggay niyan ha" saad ni Adrian, mukhang magiging pangalawang tahanan na namin ang barangay hall 'pag nagkataon. "Oo naman! Libreng concert pa nga ang ipapakita natin sa kanila. Magrereklamo pa ba sila?" hirit ni Gian na akala mo ay isang manager.

"Ano? Sasali ba kayo?"

Nagkatinginan ulit kaming tatlo nina Leo at Adrian bago sabay-sabay tumango kay Gian, pare-pareho kaming hindi sigurado kung papatok nga ang ideya niya pero naroon din ang kagustuhan naming kumanta sa harap ng maraming tao.

***

Araw ng sabado, maaga pa lang ay nahakot na namin ang mga panindang cassette tape ni lolo Gil at dinala ito sa gilid ng kalsada papunta sa bayan. Tinulungan din kami ni Manong Jude, gamit ang mini-pick up car niya, sinakay namin doon ang mga kahon-kahon ng cassette tape, drum set ni Adrian at mga gitara.

Si manong Jude din ang kumausap sa malapit na tindahan sa gilid ng kalsada kung saan kami pupwesto. Gamit ang mahabang extension cord ay nakisaksak kami sa tindahang iyon. Naglatag din kami ng malaking sapin sa gilid at doon namin ipinuwesto ang mga cassette tape at plaka.

"Ready?" tanong ni Adrian sa amin. Nakapwesto na kaming lahat sa gilid ng kalsada, nasa likuran namin ang tabing-dagat. Napahinga na lang ako ng malalim, ako ang kakanta. "Kakantahin natin 'yung pinapractice natin nung isang linggo" patuloy ni Adrian. Napatingin ako kay Gian at Leo na nasa kaliwa't kanan ko. Si Leo ang lead guitar at si Gian naman ang bass. Hawak ko naman ang microphone at wala akong instrumenting tutugtugin.

"Awit" saad ni Leo, naalala ko na ang kantang iyon ay tungkol sa kung paano minamahal at pinapahalagan ng mga songwriter ang isinusulat nilang mga kanta. Ang isang awit ay hindi biro dahil binubuo ito ng malalim na damdamin at malawak na imahinasyon. Walang mabubuong awit kung walang pagtitiyaga at pagmamahal sa musika.

Hinawakan ko na ng mahigpit ang microphone saka nagsimulang kumanta. Unang bungad pa lang ay nakita kong napalingon na ang mga taong dumadaan. Maging ang mga tao sa kabilang tindahan ay napasilip din kung saan nanggagaling ang musikang naririnig nila.

Bumabagal din ang takbo ng ilang sasakyang dumaraan sa kalsada para tingnan kung sino kami at kung bakit kami kumakanta sa gilid. May ilang mga tao ang bumaba sa sasakyan, habang ang ilan namang naglalakad ay napatigil at nakisabay sa indak ng aming kanta.

Si manong Jude ang nagbabantay ng mga paninda naming cassette tape. Abot langit ang ngiti niya nang isa-isang lumapit ang mga tao para tumingin at bumili. Ang ilan naman ay nakangiti at nanonood sa amin habang sumasabay sa indak ang kanilang mga ulo.

Bago tuluyang matapos ang kanta ay isa-isa akong napalingon kina Leo, Adrian at Gian na ngayon ay masayang-masaya rin kahit pa bugbog sarado ang mga hitsura nila. Humirit pa sila na kantahin namin ang mga paborito nilang kanta na siyang inalok ni Manong Jude sa mga bumibili na ngayon ay nakapalibot na sa amin.

Ilang sandali pa, habang nasa kalagitnaan kami ng pagkanta at kasiyahan, may isang itim na kotse ang tumigil sa gilid. Bumaba ang tatlong matatangkad na lalaki mula roon na sa tingin namin ay nasa edad apatnapu na. May suot silang mga sunglass at itim na sombrero. Puno pa ng tattoo ang katawan ng isa sa kanila.

Magiliw naman silang inasikaso ni Manong Jude dahil mukha silang mga rakista at maraming pera. Nakita kong isa-isang tiningnan ng lalaking may maraming tattoo sa braso hanggang leeg ang mga cassette tape at plaka. Nagbulungan pa sila ng mga kasama niya at napatango sa isa't isa, bagay na hindi namin malaman kung magandang bagay bai yon o hindi.

At kahit nasa gitna kami ng pag-awit ay hindi ko pa rin mapigilang pagmasdan kung sino sila at kung ilan ba ang bibilhin nila. Nakita kong tiningnan pa kami ng lalaking iyon ng matagal na para bang pinapakinggan niyang mabuti ang boses ko at ang pagkakasabay-sabay ng mga instrumento.

Sa huli, napansin kong napapaindak din siya. Inabot na sa kaniya ni Manong Jude ang mga binili nilang cassette tape at plaka bago sila sumakay sa kotse. Pero bago sila umalis, nakita kong dumungaw pa sa bintana ang lalaking iyon at sumaludo siya sa amin bagay na naghatid ng kakaibang saya sa pakiramdam dahil nagustuhan niya ang ginagawa namin.

Napalingon ulit ako sa kanilang tatlo na ngayon ay tuwang-tuwa rin. Hindi ko namalayan na tumatalon-talon na pala ako, maging sila ay napapatalon na rin sa saya habang sinasabayan namin ang indak ng Awit na naghahatid ng saya sa pagkakaibigan naming mas lalong pinatatag ng musika.

***

Kinagabihan, nang mabalitaan ng mama ni Gian na nagging matagumpay ang pagbebenta namin ng mga paninda ni lolo Gil ay hinandaan niya kami ng mga pagkain. Nasa labas kami ngayon kung saan nag-iihaw ang mama niya ng mga paninda nilang barbeque.

Nakaupo kami sa gilid habang nakalatag sa gitna ang isang malaking plato na puno ng barbeque stick dahil halos maubos na namin ang lahat ng iyon. Hawak din namin ang tig-iisang Pepsi blue na nakalagay sa plastic na may straw.

"Leo, para kay lolo Gil. Ipapa-check up natin siya at ibibili natin lahat ng 'yan ng gamot niya" saad ni Gian sabay abot ka Leo ng lahat ng perang kinita namin. "Tange, pera naman talaga 'yan ni lolo Gil kasi siya namuhunan sa cassette tapes" saad ni Adrian sabay kurot sa pisngi ni Gian dahil sa matinding panggigil.

"Ang ibig kong sabihin, libre lang talent fee natin. Siyempre sa susunod sa Araneta na tayo" tawa pa ni Gian na puno na naman ng kayabangan. Natawa na lang kami dahil para siyang tipaklong kakakwento kung gaano siya katalino para maisip ang planong iyon.

Alas-nuwebe na ng gabi pero naroon pa kami sa labas. Pumasok na rin ang mama ni Gian sa loob ng bahay nila dahil manonood na ito ng mga teleserye. Kaming apat na lang ang naiwan sa labas habang nilalantakan namin ang mga barbeque na hindi nabenta.

Ilang sandali pa, tumigil sa tapat namin ang isang pamilyar na kotse. "Hi guys!" ngiti ni Chelsea nang dumungaw ito sa bintana. Agad namang bumaba si kuya Mil at sumaludo sa amin bago niya pagbuksan ng pinto ng kotse si Chelsea.

"Chelsea!" sigaw ni Gian na parang siya ang number one fan ni Chelsea. Agad namang yumakap sa akin si Chelsea at naki-apir kay Gian at Adrian saka mabilis na umupo sa pagitan namin ni Leo. "Nabalitaan ko na kumanta pala kayo kanina sa road. Sayang hindi ko kayo napanood" ngiti niya sabay abot ng mga pagkain sa amin. May dala siyang mga egg sandwich at fresh milk.

"Last time kasi unhealthy foods ang dinala ko sa inyo kaya ngayon let's switch to healthy ones na" tawa niya na sinuportahan din ni Gian. Muntik pa itong mabulunan sa lakas ng tawa niya. Napatingin ako kay Chelsea na ngayon ay nasa gitna namin ni Leo, may binubulong siya kay Leo na susundan niya ng mahinhin na pagtawa.

"Sandali nga, bakit kayo lang nagkwekwentuhan diyan" sabat ni Gian dahilan para mapatigil si Chelsea, tumayo si Gian at parang may kinuha ito sa gilid ng ihawan. Mayamaya pa ay bumalik siya at naupo sa tapat namin.

"Maglaro tayo ng spin the bottle" saad ni Gian sabay lapag sa gitna ng isang bote ng Pepsi na walang laman. "Seryoso ka ba diyan? Ano ba 'yan" reklamo ni Adrian, napasandal na lang ako sa upuan "Kung anu-ano talagang ka-kornihan ang nasa utak mo kamatis" reklamo ko sa kaniya pero ginaya niya lang ang sinabi ko sa tonong bitchesang palaka.

Wala namang kibo si Leo na nakikisabay lang sa mga kalokohan ni Gian. Habang si Chelsea naman ay napapalakpak pa sa tuwa "First time kong lalarun 'to. Please I wanna try" ngiti niya, bakas sa mukha niya na nasasabik siyang maglaro ng spin the bottle.

Napangiti naman ng malaki si Gian dahil mukhang wala na kaming magagawa dahil si Chelsea na ang may gustong laruin iyon. "Ako na ang mauuna" saad ni Gian saka pinaikot ng mabilis ang bote. Napalunok na lang ako sa kaba dahil matagal-tagal nan ang huli naming laruin iyon.

Naalala ko noong elementary kami, natapat sa akin ang bote at pinili ko ang "Dare". Inutusan ako ni Adrian na umarte na parang si Sisa sa gitna ng kalye. Hiyang-hiya ako pero hindi ko pinahalata sa kanila dahil ang maunang umayaw ay talo.

"Leo!" sigaw nila dahilan para matauhan ako, hindi ko namalayan na tumigil na pala ang pa-ikot ng bote at saktong tumapat iyon kay Leo na walang kibo at parang hindi naman siya kinakabahan.

"Truth or dare?" tanong ni Gian na animo'y host sa isang game show. "Truth" saad ni Leo, palaging truth ang pinipili niya dahil ayaw niyang gawin ang mga kalokohang gustong ipagawa namin.

"Kung babae ka, sinong papakasalan mo? Ako o si Adrian?" tanong ni Gian dahilan para matawa na lang ako. Pagkakataon na niya iyon para tanungin si Leo ng mas may sense na tanong. "Si Adrian" derechong sagot ni Leo dahilan para tumawa ng malakas si Adrian na para bang nasa kaniya ang huling halakhak.

Pinaikot na ni Leo ang bote, tumapat iyon kay Gian. Bago pa man magtanong si Leo ay inunahan na siya ni Gian "Truth!"

Napaisip naman si Leo ng itatanong, "Ah, may pag-asa ba na magkablikan kayo ni Joyce?" tanong niya dahilan para mapasigaw na lang kami at inulan namin ng tukso si Gian na ngayon ay natulala lang sa sinabi ni Leo.

"Mukha bang papatulan ako 'non? Mas gwapo pa sa'kin 'yon e" tugon niya dahilan para mas lalo kaming matawa dahil asar-talo siya. Kinuha na niya ang bote saka mabilis na pinaikot iyon, "Chelsea!" sigaw niya nang tumigil ang bote sa tapat ni Chelsea.

"Truth or dare?"

"Dare!" sigaw ni Chelsea. Nagulat kami dahil hindi namin inaasahan na iyon ang pipiliin niya. "Okay, tumahol ka na parang nababaliw na aso" utos ni Gian dahil siya ang nag-paikot ng bote.

Tumayo si Chelsea saka tumahol ng mahinhin. "Hindi pa naman nababaliw na aso 'yan" reklamo ni Adrian pero agad siyang sinagi ni Gian "Okay na 'yan, wag natin pahirapan si Chelsea baka bugbugin tayo ni papi Leo" saad ni Gian sabay kindat kay Leo. Natawa na lang ako dahil kung minsan hindi ko maintindihan kung sinasapian na ba 'to si Gian.

"Sige, iikot mo na ang bote Chelsea" saad ni Gian, kinuha na ni Chelsea ang bote saka pinaikot iyon. At dahil mahinhin at mahina ang pagpapaikot niya ng bote ay saglit lang itong umikot at derechong tumapat kay Adrian.

"Truth or dare?"

"Truth" sagot ni Adrian, nanghinayang naman kasi kung dare ang pinili ni Adrian ipapaulit namin sa kaniya na gayahin niya si Michael Jackson at ang iconic moonwalk nito. Napaisip naman si Chelsea bago siya napangiti ulit, "Hmm... Since may Joyce na si Gian. Paniguradong may babae ka ring nagugustuhan..." saad ni Chelsea na para bang mga babae ang kausap niya at gossip time na.

"Posible bang magkagusto ka kay Aries?" patuloy ni Chelsea sabay tingin sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat dahil sa tanong na iyon. Napatingin ako kay Adrian na ngayon ay derecho ring nakatingin sa akin. Hindi naman kumibo si Leo, nakatingin lang siya sa lupa. Habang si Gian at Chelsea naman ay nakangiti sa aming dalawa ni Adrian.

Magsasalita pa sana ako para pigilan ang tanong na iyon pero huli na ang lahat dahil nagsalita na si Adrian. Sa pagkakataong iyon ay parang biglang tumigil ang mundo ko nang marinig ko ang sinabi niya.


******************************

#LeoAndAries on twitter

Note: Pakinggan niyo ang Original song na ito "Awit" by Elli and Angel. Please like, comment and subscribe. Maraming Salamat!

https://youtu.be/YlaTyozSR58

"Awit" by Elli and Angel

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top