Chapter 7
[Chapter 7] Featured Song: "This Love Hurts" by Leah Buo
"Masakit ba talaga ulo mo?" usisa pa ni Gian habang tinititigang mabuti si Adrian na ngayon ay gulat lang na nakatingin sa kanilang dalawa ni Leo habang hawak ang bola ng basketball. "K-kanina... Pero okay na ko ngayon. Ano? Tara! Laro na!" tugon niya sabay tayo at parang masiglang kiti-kiti na nag-dribble ng bola sa harap namin.
Nagtataka naman kaming nakatingin sa kaniya "Tara na nga" aya niya sabay bato ng bola kay Gian na agad din naman nitong nasalo. "Ang bilis mo naman gumaling" hirit nito at nagsimula na silang maglakad papunta sa basketball court na malapit lang din sa playground.
Hinubad ko na ang roller shoes, nagulat ako nang biglang naglakad si Leo sa tapat ko. Nauuna nang maglakad sina Adrian at Gian at tila hindi nila napansin na hindi nakasunod si Leo sa kanila.
"Marunong ka mag-roller skate?" tanong niya, hindi ko siya tiningnan habang nagpapalit ako ng sapatos. Tumango lang ako bilang sagot sa tanong niya. "Tinuturuan ka ni Adrian?" tanong niya ulit, hindi pa rin ako tumingin sa kaniya. Inilagay ko na ang pares ng roller shoes sa malaking paper bag.
"Hindi, napadaan lang 'yon" sagot ko habang nagkukunwaring abala sa pagliligpit ng sapatos at mga gamit ko. "Marunong din ako mag-roller skate, tuturuan kita" patuloy niya pa, napapikit na lang ako sa inis, pero siguro baka akalain ni Leo na naiinitan lang ako. Kung sabagay, hindi ko naman dapat siya sisihin dahil wala naman siyang ideya na nahuhulog na ako sa kaniya at kailangan ko siyang iwasan para hindi ito lalong lumala pa.
Nakatayo lang siya sa tapat ko pero amoy na amoy ko ang gamit niyang polbo at shampoo. Maging ang amoy ng sabon na sa tingin ko ay hindi sila nagpalit ng brand ni lolo Gil mula pagkabata niya.
"Okay lang, kaya ko 'to" iyon na lang ang nasabi ko saka tumayo na at naglakad papalayo. Alam kong may sasabihin pa siya pero hindi na rin niya siguro itinuloy dahil dere-derecho akong naglakad nang hindi lumilingon pabalik. Wala naman na akong dapat balikan, hindi ko na kailangan pang pilitin ang pag-ibig na wala rin namang patutunguhan.
Pagdating sa bahay, naabutan ko si mama na nagmamadaling magsandok ng kanin para kay Axel. Bihis na bihis siya ngayon at basa pa ang buhok niya, kakatapos niya lang maligo. Suot niya ang paborito niyang red dress at red shoes. Napansin kong naka-make up at pulang-pula rin ang labi niya.
"Oh, Aries. Halika, asikasuhin mo muna si Axel" panimula ni mama nang maramdaman niyang bumukas ang pinto. Ni hindi niya pa nasisigurado kung sino ang pumasok pero inasahan niya na ako na nga iyon.
Napatingin ako sa telepono na hindi na maawat sa pag-ring, ibinaba ko na ang mga gamit ko at akmang maglalakad papunta sa telepono para sagutin iyon kaya lang naunahan ako ni mama. "Ako na, ako na. Pakainin mo na muna si Axel" saad niya, saka sinagot ang tawag. Narinig ko na nag-english pa siya, kausap niya siguro ang Chinese boss niya.
Naabutan ko si Axel sa kusina, nilalaro niya sa ibabaw ng mesa ang mga beyblades na paboritong-paborito niya. "Axel, kain muna" saad ko sabay kuha ng maliit na mangkok na nilalagyan ni mama ng kanin kanina. Sinandukan ko rin ng ulam iyon saka inilapag sa tapat ng kapatid ko.
At dahil mukhang hindi siya interesado kumain, kinuha ko muna ang laruan niya "Kapag hindi ka kumain, kukunin 'to ni Mojojojo" panakot ko sa kaniya, muntikan na siyang mag-tantrums pero dahil mukhang mas takot siya kay Mojojojo, wala na siyang nagawa kundi kumain kahit napipilitan lang.
Napalingon ako kay mama na ngayon ay kakababa lang ng telepono "Ma, saan ka pupunta?"
Sinuklay na niya ang mahaba niyang buhok na tumitilamsik pa dahil basa pa ito. "May meeting kami sa Laguna pero makakauwi rin naman ako agad bago mag-alas sais"
Magsasalita pa sana ako nang bigla naming marinig ang busina ng sasakyan mula sa labas. "Nandito na 'yung sundo namin" saad ni mama, mabilis niyang kinuha ang bag niya saka tumakbo palapit sa amin. "Alagaan mo ang kapatid mo, Wag kayong magbubukas ng kalan ha, magsasabi na rin ako kay Lola Amor" paalam ni mama sabay halik sa noo namin ni Axel.
Tumayo ako at sinundan siya sa labas ng bahay, may isang mamahaling kotse na kulay pula ang nakaabang doon. May matandang driver sa unahan at may katabi itong isang babae na halos kasing edad lang din ni mama. Kumaway sila sa isa't isa saka masayang nagbeso bago tuluyang pinaandar ang kotse.
Kung hindi siguro maagang nag-asawa at nagkaanak si mama, hanggang ngayon na-eenjoy niya pa rin ang buhay dalaga niya. Napatingin na lang ako kay Axel na kumakain na ngayon mag-isa. Sa kabila ng lahat, kahit wala na si papa, mag-isa niya kaming tinataguyod. Kahit pa minsan bihira na lang namin siya maabutan sa bahay, alam ko namang ginagawa niya iyon para magkaroon kami ng magandang buhay.
Pagkatapos ko pakainin at paliguan si Axel, hinayaan ko na lang siya maglaro sa labas. Nanood lang ako ng TV. Nakatitig lang ako sa TV pero parang lumilipad ang utak ko. Sa isip ko, bumubuo ako ng kanta at katulad ng dati ay nanggagaling pa rin ito sa kung anong pinagdadaanan ko ngayon.
Ang musika ay parang diary. Sa liriko, naroon ang gusto natin sabihin. Sa tono, lumalabas ang damdamin ng mga salita. Sa huli, nag-iiwan tayo ng alaala sa pamamagitan ng mga binuo nating kanta.
Umakyat ako sandali sa kwarto para kunin ang mga assignment ko. Naalala ko na may practice pala kami sa banda bukas kaya gagawin ko na ngayon ang mga ito. Naupo ako sa coffee table sa tapat ng sofa saka ikinalat doon ang mga libro at notebooks ko.
Ilang minuto pa ang lumipas, napasandal na lang ako sa sofa at napapakamot sa ulo dahil sa sobrang hirap ng Chemistry. Dati, isang tawag ko lang o message kay Leo tuturuan niya ako. Napatingin ako sa telepono at sa pager kong nakapatong sa ibabaw ng TV.
Hindi pwede. Kapag nagpatulong ako sa kaniya, siguradong pupunta siya dito sa bahay. Makikita at makakasama ko na naman siya kaya mahuhulog na naman ako. Hindi pwede!
Ibinalik ko na lang ulit ang tingin ko sa libro saka sinubukan ulit itong sagutin. Makalipas lang ang ilang minuto, naramdaman ko na lang na gumulong sa sahig ang ballpen na hawak ko dahil napatulala pala ako sa Mexican teleserye na pinapalabas sa TV. Si Thalia ng Maria Mercedes na paboritong-paborito ni lola Amor.
Tumayo na lang ako saka nag-unat. Marami pa akong tatapusing assignment. Akmang uupo na ako nang bigla akong mapatingin sa camera ni lolo Gil na nakapatong sa gilid ng mga lumang libro ni mama.
Kailangan ko na palang ibalik iyon. Pero kailangan kong gamitin ang film na laman niyon dahil ginamit ko 'yung palusot noon kay Leo para hindi ako makasabay sa kanila pauwi. Kinuha ko na ang camera saka tinitigan ito sandali. Mukhang mapapagastos pa ako sa pagsisinunggaling kong ito.
Napatingin ako sa labas ng bintana, masayang naglalaro si Axel kasama ang mga batang kalaro niya. Napangiti ako sa sarili, alam ko na kung kanino ko gagamitin ang dalawang film roll. Lumabas ako ng bahay saka lumapit sa kanila.
"Oh, ang mabait na bata magkakaroon ng picture" panimula ko, sabay-sabay silang napalingon sa akin habang naglalaro ng bahay-bahayan. Napakurap lang sila ng ilang ulit habang nakatitig sa'kin saka nagsitakbuhan papasok sa maliit nilang bahay na gawa sa karton ng washing machine ng kapitbahay namin.
"Wala palang mabait na bata dito. Mangunguha na lang ako ng salbaheng bata!" sigaw ko sa kanila na animo'y halimaw. Nagtatawanan at nagsisigawan sila habang nagsisiksikan sa loob ng malaking karton. Ginamit ko ang pagkakataong iyon para kuna sila ng litrato.
"Susugod na ko!" sigaw ko pa dahilan para magsigawan sila. Ilang sandali pa, nagiba ang bahay-bahayan nila, tumakbo sila paikot at umiyak naman ang isa. Agad kong pinatahan ang batang babae na umiyak, mukhang siya ang nanay-nanayan sa bahay-bahayan nila.
Kinunan ko pa siya ng litrato habang umiiyak saka pinauwi na silang lahat. Dumating na rin ang iba nilang nakakatandang kapatid na sumundo sa kanila. Nagkatinginan lang kami ni Axel, alam kong alam na niya kung saan kami pupunta ngayon.
Nauna na siyang tumakbo sa maluwag na kalsada papunta sa bahay nila Adrian. Malapit na ang oras ng merienda at alam kong excited na rin si Axel makakain ng luto ni lola Amor. Sinundan ko siya, hindi na rin ganoon kainit ang sikat ng araw kaya mabagal lang akong naglalakad.
Pagdating sa bahay nila lola Amor, naabutan kong nagluluto siya ng suman. "Aries, dito ka na kumain" ngiti sa akin ni lola Amor, si Axel naman ay nakatingin sa ginagawa niya na parang ngayon lang siya nakakita ng malalaking dahon ng saging.
"Pupunta po muna ako sa bayan lola, ipapa-develop ko lang po 'to" saad ko, napatingin naman siya sa camerang hawak saka tumango-tango. "O'siya, basta dito ka na dumerecho mamayang hapunan. Ako na rin muna bahala sa makulit na batang 'to" tawa ni lola Amor saka pinisil ang matambok na pisngi ni Axel.
Napangiti na lang ako saka nagpaalam sa kanila, hanggang ngayon hindi pa rin nagbabago si lola Amor. Matalik silang magkaibigan ng lola ko kaya parang anak at apo na rin ang turing niya sa amin.
Sumakay ako ng jeep papunta sa bayan, saglit lang naman ang byahe, iilan lang kaming sakay ng jeep dahil halos mapuno na ito ng mga buhay na manok pangsabong na dadalhin ng may ari ng jeep sa bayan.
Sariwa rin ang hangin, inilabas ko ng kaunti ang ulo ko sa bintana ng jeepney. Matataas na puno sa kanan at dagat naman sa kaliwa, maluwag ang kalsada na paikot-ikot. Komportable rin ako sa suot kong puting tshirt at denim jumper na above the knee.
Pagdating sa bayan, nag-aagaw dilim na. Kulay asul at orange na ang langit. Isa-isa na ring nagbubukas ng ilaw ang mga malalaking tindahan sa bayan. Mas maraming sasakyan at tricycle sa kalsada, nasa tabing-kalsada naman naglalakad ang mga tao habang ang iba ay tumatawid papunta sa sinehan.
Natanaw ko sa di-kalayuan ang sikat na sinehan. Medyo mahaba ang pila sa labas lalo na sa palabas na Do Re Mi, sabi ni Gian napanood na raw niya iyon kasama ang tita niya noong isang araw at maganda raw dahil musical ito.
Nagpatuloy pa ako sa paglalakad, kaliwa't kanan ang naririnig kong tugtugan mula sa malalaking speaker sa labas ng mga tindahan ng appliances. Marami ring TV ang nakahelera roon at iisa lang ang channel na sabay-sabay nakabukas.
Sa kabilang kalsada, natanaw ko ang mga bilyaran na karamihan ay mga kalalakihan ang naroon. May mga arcades sa gilid na ngayon ay pinipilahan ng ilang kasing edad ko na gustong maglaro roon. Namukhaan ko pa ang iba na karamihan ay schoolmates ko.
Ilang sandali pa, narating ko na ang kodak kung saan ako magpapadevelop ng pictures. Marami ring tao sa loob, pagpasok pa lang sumalubong na agad sa akin ang amoy ng mga films at printed pictures.
Ang ilan ay nagtatawanan pa dahil sa mga nakakatawang kuha ng kanilang camera, kapag nadevelop na ang picture, doon mo lang din makikita ang nakuhaan mong litrato. May ilan ding dismayado dahil blurred at all black ang kinalabasan. Ang iba naman ay tabingi at ang iba naman ay masyadong maliwanag dahilan para magkaroon ng parang laser beam ang mga mata ng tao sa litrato.
Makalipas ang ilang sandali ako na ang susunod sa counter, inabot ko na ang dalawang rolyo ng film saka pinasulat ako sa form na ididikit nila sa film roll para hindi ito mawala o mahalo sa iba. Tinanong ako ng kahera kung makakahintay ako ng isang oras sa pag-develop ng picture o kung babalikan ko na lang sa ibag araw.
Napatingin ako sa wall clock na nakasabit sa dingding ng kodak store. Maging ang disenyo ng orasan nila ay hitsura rin ng film roll. "Babalikan ko na lang po bukas" saad ko, gagabihin na ako masyado kung hihintayin ko pa iyon kaya magpapasama na lang ako kina Gwen at Jessica bukas.
Pagkatapos ko magbayad, lumabas na ako. Punong-puno rin ng mga litrato sa glass window at door ng tindahan. Kung minsan, pinangarap din namin noon nila Gwen at Jessica na ma-display ang mga mukha namin sa tindahan ng kodak. Pero ngayon parang ayoko na dahil na-drawingan ang mga mukha ng tao sa display.
Ipinasok ko na sa sling bag ko ang camera, napatigil ako sa paglalakad dahil nastuck ang zipper dahilan upang hindi ito maisara. Ilang sandali pa, may bisikletang tumigil sa tapat ko, hindi ko naman ito masyado napansin dahil pinipilit kong hilahin ang na-stuck na zipper.
"Akin na" napatigil ako nang marinig ko ang boses na iyon. Ang pamilyar na boses na kahit nakapikit ako o nasa malayong lugar ay makikilala at makikilala ko pa rin kung sino. Bago ko pa iangat ang ulo ko para tingnan siya, nakuha na niya ang bag sa kamay ko at sinubukan niyang isara iyon.
Dahan-dahan akong napatingala sa kaniya, sa pagkakataong iyon, sandaling bumagal ang takbo ng paligid. Hindi ko namalayan na nasa gitna pala kami ng mga taong naglalakad sa gitna ng bayan. Habang isa-isang bumukas ang makukulay na ilaw ng mga fastfood, store at sinehan.
"Hilahin mo lang pabalik para maayos 'yung zipper saka mo hilahin ng dahan-dahan papunta sa dulo" saad niya sabay tingin ng derecho sa mata ko. Inulit niya pa 'yung sinabi niya at pinakita sa akin kung paano hilahin ng maayos ang zipper para hindi ito ma-stuck at masira.
Inabot na niya sa akin ang bag ko dahilan para matauhan ako "S-salamat" iyon na lang ang nasabi ko sabay iwas ng tingin. Napakagat na lang din ako sa ibabang labi ko para pigilan ang padagundong ng mabilis ng puso ko. Naka-white tshirt at brown short siya ngayon. Ang ganda rin ng bagsak ng buhok niya na tumatama sa kilay niya.
"Sakay na" saad niya dahilan para mapatingin ulit ako sa kaniya. Hinawakan na niya ang manibela ng bike na parang aalis na kami. "Ha? Ah... eh may dadaanan pa kasi ako" saad ko, sinubukan kong ngumiti pero hindi naman siya ngumiti.
"Edi ihahatid kita doon, saan ba?" wika niya dahilan para mas lalong dumagundong ang puso ko. Agad kong winasiwas ang kamay ko sa ere "H-hindi na, okay lang. Sasakay na lang ako sa jeep... Medyo matagal pa ako doon e" palusot ko, tiningnan naman ako ng mabuti ni Leo na para bang pilit niyang binabasa ang reaksyon ng mukha ko.
"Wala ng jeep mamaya. Mag-aalas siyete na" saad niya, nanlaki naman ang mga mata ko at napatingin sa relo ko, 6 pm pa lang naman. "Mahaba ang pila sa jeep, hindi ka aabot sa huling byahe" sabi pa niya sabay turo sa pila ng jeep na malapit sa sinehan. Akala ko kanina mga taong nakapila iyon sa sine, iyon pala nakapila sila para sa huling byahe.
Napakamot na lang ako sa leeg, kung kalian naman ginagawa ko ang lahat para iwasan si Leo, susulpot na lang siya ng ganito. Ang laki-laki ng bayan at ang dami-daming tao pero nagkita pa kami sa lugar na 'to. "Okay lang, aabot ako niyan. Hihintayin ko lang din si Manong Jude, babyahe raw 'yung jeep niya ngayon" saad ko at akmang aalis na pero iniatras ni Leo ang bisikleta niya dahilan para maharangan ang dadaanan ko.
Gulat akong napatingin sa kaniya, lalo na sa ginawa niya. "Bakit ayaw mo sumakay? Sanay ka naman umangkas sa akin" saad niya habang nakatingin ng derecho sa akin dahilan para mapalunok na lang ako sa kaba. Sa mga ganitong pagkakataon, alam kong seryoso na siya. Tumawa na lang ako saka napakamot sa ulo.
"Baka kasi ma-flat ang bike mo tapos sisihin mo ko" saad ko saka wala nang nagawa kundi ang umagkas sa likod ng bisikleta niya. Nakita ko namang umaliwalas na ang mukha niya, "Kain ka kasi ng kain kaya bumibigat ka ng ganiyan" dagdag pa niya, nakita kong napangisi pa siya. Bababa na lang sana ako kaso pinaandar na niya dahilan para mapahawak ako sa baywang niya.
Mabagal lang ang pagpidal niya sa bisikleta dahil kasabay namin ang mga taong naglalakad. Napatitig na lang ako sa likod niya at naroon pa rin ang amoy niya na gustong-gusto ko. "Bakit ngayon mo lang pina-develop 'yan? Akala ko ba kailangan niyo 'yan sa Nutrition month" narinig kong tanong niya, napatikhim na lang ako, kailangan kong gawin ang lahat para hindi niya mapansin na nauutal at nagugulat ako sa mga tanong niya.
"Sa games pa 'to para sa Monday" tugon ko, nakita ko namang tumango siya habang nakatalikod sa akin. Kasabay niyon ay mas bumilis na ang pagpidal niya dahil papunta na kami sa maluwag na kalsada. Napatingin ako sa mahabang pila ng mga tao sa terminal ng jeep at tricycle. Mukhang tama nga si Leo, hindi na ako aabot sa last trip ng jeep.
Binuksan na niya ang kumikuti-kutitap na ilaw ng bisikleta niya sa harap at sa gulong nito sa likod para makita kami ng mga sasakyan sa mahaba at maluwag na kalsada na dinadaanan din ng mga provincial bus.
Mas mabilis na ang pagpapatakbo niya sa bike dahilan para liparin ng hangin ang buhok ko. "Buti na lang pala may pinabili sa'kin si lolo sa bayan" narinig kong sabi niya, napansin ko rin ang isang plastic na nakasabit sa gilid ng manibela ng bike niya. Gamot at tubig ang laman niyon.
Hindi na lang ako nagsalita, hindi ko rin naman tinanong kung bakit siya nasa bayan. Napatingala na lang ako sa langit, madilim na. Hindi dapat ako nagpagabi, hindi na dapat ako umalis sa bahay kanina pero buti na lang naiwan ko si Axel kay lola Amor kung sakaling wala pa si mama sa bahay.
Ilang sandali pa, napakapit ako ng mahigpit kay Leo at hindi ko sinasadyang mauntog ang ulo ko sa likod niya nang bigla itong prumeno. May nadaanan kaming matalim na bagay na hindi napansin ni Leo dahilan para ma-flat ang dalawang gulong ng bisikleta niya.
"Okay ka lang?" tanong niya agad sa akin nang tumigil na ang bisikleta. Doon ko lang din napansin na nakayakap na ako ng mahigpit sa kaniya dahil sa matinding gulat. Agad akong napabitaw sa kaniya sabay tayo.
Inayos ko rin ang buhok ko na nagulo dahil sa malakas na hangin. Tumango lang ako sa tanong niya, nakita ko namang napahawak siya sa likod niya kung saan nauntog ang matigas kong ulo. "S-sorry" iyon na lang ang nasabi ko dahil mukhang mababalian ata siya ng spine sa lakas ng pagkakauntog ko sa kaniya.
Ngumiti lang siya saka tumayo, "Ngayon alam ko na kaya pala matigas ang ulo mo" biro pa niya, hindi ko naman alam kung dapat ba akong mainis o matuwa dahil parang bumabalik lang kami sa dating asaran.
"Maglakad na lang tayo" patuloy niya pa sabay hawak sa bike niya at nagsimula na siyang maglakad. Naglakad naman ako sa kabilang side ng bike niya, habang naiinis sa mga nangyayari ngayon. Mukhang mas matagal ko pa siyang makakasama dahil maglalakad na lang kami ngayon pauwi.
Ilang minuto na ang lumipas, mahaba na rin ang nalakad namin. Nadaanan na namin ang tabing-dagat pero ni isa sa amin ay walang nagsasalita. Hinihintay ko lang siya magsalita, kung magtatanong siya, sasagutin ko iyon. Pakiramdam ko ay hinihintay niya lang din ako magkwento pero dahil iba na ang sitwasyon ngayon, ayoko nang mas lalong mapalapit sa kaniya.
Ilang sandali pa, nadaanan na namin ang isang malawak na lupain na sinasabi nilang tatayuan din daw ng private school. Sa ngayon ay damuhan pa lang ito, dito rin kami noon nagpapalipad ng saranggola. Pero ngayong high school na kami, bihira na kaming tumigil at tumambay sa lugar na ito.
"Magpahinga muna tayo" narinig kong sabi niya saka niya iniliko ang bisikletang hila-hila niya papunta sa malawak na lupain na iyon. Pipigilan ko pa sana siya kaso parang biglang umurong lang ang dila ko, bukod doon ay inihaga na niya ang bisikleta niya saka naupo sa tabi niyon. Lumingon pa siya sa akin "Umupo muna tayo" patuloy niya pa sabay senyas sa akin na umupo rin sa damuhan.
Napatingin ako sa madilim na kalsada, ilang minuto na lang makakarating na ako sa bahay kapag nilakad ko iyon pero mas nakakatakot maglakad mag-isa. Napatingin ako kay Leo, kung uupo ako sa tabi niya kailangan ko lang siguraduhin na hindi na ako lalong mahuhulog pa.
"Aries" tawag pa niya dahilan para matauhan ako, napahinga na lang ako ng malalim saka naglakad papalapit sa kaniya at naupo sa tabi niya. Malinis naman ang damuhan kaya hindi na namin inintindi na marumihan ang damit namin.
Narinig kong napabuntong-hininga siya ng malalim saka napatingala sa kalangitan. "Ang ganda pa rin dito, parang dati lang nung masaya tayong nagtatakbuhan" ngiti niya habang nakatingin sa taas. Kasabay niyon ay umihip ang malamig at sariwang hangin, magkahalong amoy ng mga puno at damo ang simoy ng paligid.
Nag-unat si Leo saka humiga sa damuhan, napatingin naman ako sa kaniya na para bang sinasabi niya na mainggit ako dahil malambot at malamig ang mga damo. Humiga rin ako sa damuhan dahil masakit na rin ang likod ko at para mas mapagmasdan ko rin ng mabuti ang milyon-milyong mga bituin.
Napatingala na lang din ako sa langit, walang buwan ngayon pero napakaraming mga bituin. Hindi ko namalayan na napangiti ako habang pinagmamasdan ang kumikinang na mga bituin sa kalangitan. Hindi ko maitatanggi na mahilig ako sa zodiac signs at horoscope, at higit sa lahat paborito ko ang mga bituin kung saan nauugnay ang mga zodiac.
Nakangiti ako sabay turo sa apat na bituin na kapag pinag-dugtong ay mabubuo ang Aries zodiac sign. "Aries" saad ko habang nakaturo sa bituin na para bang iginuhit ko ang linya para maging konektado sila sa isa't isa.
Itinaas din niya ang kamay niya saka ginaya ang ginagawa ko sabay sabing "Leo" saka iginuhit din niya ang mga linya ng bituin para mabuo ang zodiac sign ng Leo. Napatingin ako sa kaniya, nakangiti rin siya ngayon habang nakatingala sa langit, bakas sa mukha niya na natutuwa rin siya sa ganda ng mga bituin.
"Sana may shooting star para makapag-wish tayo" saad ko sabay tingin muli sa mga bituin. Noong bata ako, madalas kaming tumambay ni papa sa labas ng bahay para pagmasdan lang ang mga bituin sa langit. Kung minsan, dinadala rin niya ang gitara niya para kumanta kaming dalawa, naaalala ko pa na ginagawan niya ng iba't ibang version ang Twinkle Twinkle Little Star, bagay na sobrang nakakapagpabungisngis sa akin.
"Anong hihilingin mo?" tanong niya, napaisip naman ako. "Sana katulad ng Genie, pwede rin ako humiling ng tatlong beses"
Natawa naman si Leo, narinig ko ang pagtawa niya pero hindi ko siya tiningnan dahil mas gusto kong pagmasdan ang naggandahang mga bituin. "Sisingilin pala kita, nakalibre ka ng pamasahe pauwi" sabi niya dahilan para mapakunot ang noo ko at mapaupo.
"Ikaw kaya pumilit sa'kin sumakay sa bike mo, hindi ako magbabayad kasi naglakad din naman tayo pauwi" reklamo pero natawa lang siya. "Parang kakatayin mo na ako niyan ha" pang-asar niya pa dahilan para mas lalong mapakunot ang noo ko. Sinasapian siguro 'to si Leo ng kapilyuhan nina Gian at Adrian.
"Sige na, kantahan mo na lang ako" hirit pa niya, napataas na lang ang kilay ko. Madalas niya rin akong pilitin na kantahan siya lalo na kapag hindi siya makatulog. Minsan sa telepono at kung minsan pumupunta siya sa bahay at tumatambay kami sa playground.
Akala ko nakalimutan na niya na ako ang babaeng nagbibigay ng kapayapaan sa kaniya kapag gusto niyang matulog pero hindi siya makatulog dahil sa dami ng problema. Akala ko nakalimutan na niya na ako si Aries na palaging handang dumamay sa kaniya. At ngayon, hindi ko alam kung bakit parang ngumiti ang puso ko sa katotohanang hindi pala niya nakalimutang lumapit sa akin kapag nahihirapan na siya.
Napahiga na lang ulit ako sa damuhan "Ikaw ang unang makakarinig ng kantang ito kaya wag kang basher diyan" panimula ko, narinig ko namang tumawa siya saka tumango-tango, sinenyas niya rin ang kamay niya na parang zinipper niya ang bibig niya dahilan para matawa rin ako sa ginawa niya.
Napatikhim muna ako bago nagsimulang kumanta, sa pamamagitan ng kantang ito. Gusto kong malaman niya na kahit nasasaktan na ako, pwede niya pa rin ako hanapin dahil kahit anong mangyari alam ko sa sarili ko na sasamahan ko pa rin siya hanggang sa huli. Na kahit masakit, hindi ko pa rin siya matitiis.
Pagkatapos ko kumanta, napangiti ako sa langit. Ang sarap pala kumanta habang nakahiga sa malawak na damuhan. "This Love Hurts ang pamagat? Tama ba?" ngiti niya, napangiti at napatango lang ako bilang sagot. "Ganon talaga siguro, kapag nagmahal ka, masasaktan ka rin kahit anong gawin mo" patuloy niya habang nakatingala sa langit. Napatigil ako dahil sa sinabi niya at napatingin sa kaniya. Napansin kong hindi siya nakangiti, nakatitig lang siya sa mga bituin na para bang may mas malalim siyang iniisip.
"Sana ganito na lang lagi tayo" saad niya, huminga siya ng malalim. Nakita ko rin ang paggalaw ng adam's apple niya habang nakatingala pa rin sa kalangitan. "Sana lagi kang ganiyan, sana hindi ka maiilang" patuloy niya pa dahilan para unti-unting mawala ang ngiti sa labi ko.
"Sana hindi mo ako iwasan" dagdag pa niya sabay tingin sa akin, parang biglang tumigil ang tibok ng puso ko dahil sa sinabi niya. Nakahiga kami ngayon sa damuhan habang nakatingin ng derecho sa mata ng isa't isa.
"Para kasing lumalayo ka, parang may nagbago. Parang biglang nagkaroon ng malaking pader sa pagitan natin" sabi pa niya dahilan para bumangon ako at naupo sa damuhan. Inayos ko rin ang buhok kong nagulo at napatikhim. Nang dahil sa sinabi niya, bigla tuloy akong nakaramdam ng lamig at panunuyot sa lalamunan.
"A-ano bang sinasabi mo?" iyon na lang ang nasabi ko habang nakatalikod sa kaniya. Ayokong malaman niya na gusto ko siya sa ganitong paraan. Talo na ako, unti-unti ko na ngang tinatanggap iyon pero sana hindi na lang niya malaman ang totoong nararamdaman ko dahil ayokong masira ang pagkakaibigan namin.
Narinig ko muli ang malalim niyang paghinga, bumangon na rin siya at naupo sa damuhan. "Hindi ko alam pero pakiramdam ko umiiwas ka" tugon niya, sinubukan ko namang ngumiti. "Ayoko lang sigurong masanay na lagi kayong nandiyan para sa'kin. Paano kapag nag-college na tayo? Hanggang sa pagtanda, aasa na lang ba ako palagi sa inyong tatlo?" saad ko sabay tingin sa kaniya. Gusto kong maramdaman niya na kahit hanggang sa pagkakaibigan lang, hindi pa rin ako mawawala sa kaniya. Kasi iyon naman talaga ang nagtatagal diba? Ang pagkakaibigan.
Ngumiti na siya at tumawa "Dapat pala sinabi ko 'yon kasabay ng shooting star. Mukhang hindi tuloy matutupad ang wish ko" saad niya sabay tayo, "Halika na, baka nag-aalala na si lolo" patuloy niya, tumayo na rin ako. Itinayo na niya ang bike at masaya kaming nagpatuloy sa paglalakad pauwi.
***
Kinabukasan, hapon na kami nagsimula mag-practice. Kaninang umaga pa kami nasa bahay nila Gian pero mas inuna naming maglaro ng Uno cards. Nagkalat din ang mga chichirya at pop cola sa sahig na mabilis naming naubos. Tuwang-tuwa si Gian dahil siya ang nanalo at ang parusa sa mga natalo ay manlilibre ng white rabbit candy na nalulusaw sa dila ang white wrapper nito.
Alas-kwatro na ng hapon, pina-practice namin ang duet namin ni Leo nang biglang bumukas ang pinto at sumilip doon ang mama ni Gian na si tita Gina. "May bisita kayo!" ngiti niya, kamukhang-kamukha niya si Gian na babaeng version. Napatigil kaming lahat sa pagtugtog ng instrumento.
"Hello!" masayang bungad ni Chelsea nang buksan ng mama ni Gian ng malaki ang pinto. Tumambad sa amin si Chelsea na katulad niya ay sobrang laki rin ng ngiti bitbit ang dalawang malaking plastic na puno ng mga chichirya at malamig na softdrinks.
"Chelsea!" sigaw ni Gian na tuwang-tuwang sinalubong ito. Tumango naman sa kaniya si Adrian, samantala, ibinaba naman ni Leo ang hawak niyang gitara saka tinulungan si Chelsea sa mga dala nito.
"Nasurprise ko ba kayo?" ngiti niya. Ngumiti na lang din ako ng kaunti nang magtama ang mga mata namin. "Aries, paborito mo ang Snacku diba? Para sayo 'to" ngiti niya sabay abot sa'kin ng dalawang snacku.
"Hindi mo sinabi na pupunta ka dito" saad ni Leo, ngumiti naman si Chelsea sabay hawak sa braso niya. "Kaya nga surprise diba" tawa nito na sinabayan din ng malakas na tawa ni Gian na ngayon ay kumakain na.
Tumayo na rin si Adrian saka naki-halungkat ng pagkain sa dalawang plastic na dala ni Chelsea. Nag-agawan pa sila ni Gian sa Chiz Curls. "Break time muna tayo" saad ni Gian na punong-puno ng pagkain ang bibig.
"Kakaumpisa pa nga lang natin, break time na naman" reklamo ni Adrian, inagaw naman ni Gian ang chichiryang hawak nito. "Edi wag ka kumain! Itong jologs na 'to ginigigil ako" saad ni Gian, pinektusan naman siya ni Adrian sa ulo sabay takbo papunta sa likod ko.
Tatayo pa sana si Gian pero napatigil siya dahil nakataas na ang kilay ko. Alam niyang naiingayan na ako sa kanilang dalawa at bad trip kami dahil natalo kami sa Uno kanina. "Sabi ko nga, uupo na ako doon" tawa ni Gian sabay kamot sa ulo at naupo na ulit siya sa kama niya.
"I hope napasaya ko kayo with these simple gifts. Magsabi lang kayo kung anong gusto niyo, I'll gonna make kuya Mil buy those" ngiti ni Chelsea, naka-pink dress siya ngayon at white shoes. Suot niya rin ang paborito niyang pink turban dahilan para mas mapansin ang mahaba at makintab niyang buhok.
Napatingin na lang ako sa damit na suot ko. Brown tshirt at denim jumper na suot ko kahapon. Umiling naman si Leo at pinigilan si Chelsea na gumastos para sa amin habang si Gian naman ay sigaw ng sigaw ng kung anu-anong pagkain ang gusto niya. Habang pilit namang pinapatahimik ni Adrian si Gian at binabalibag ito sa higaan.
Alas-sais na ng hapon nang matapos kami sa practice. Sabay-sabay kaming lumabas sa bahay nila Gian. Nagtitinda na ang mama niya sa tabi ng high way dahil oras na sa pag-iihaw ng barbeque.
Naabutan namin si kuya Mil na nakasandal sa kotseng nakaparada sa tapat ng bahay nila Gian. Pumasok na siya agad sa kotse nang makita niya kaming naglalakad sa labas. "Ang ganda ng mga kanta niyo. Siguradong mananalo kayo sa contest!" ngiti ni Chelsea, mas lalo siyang gumaganda kapag nakangiti at tumatawa.
"Basta lagi ka ring manood ng practice namin para lalo kaming ganahan at mabusog" hirit pa ni Gian, agad namang tinakpan ni Adrian ang bibig ni Gian na walang preno at puro kahihiyan ang sinasabi. "Nagkataon lang na wala si papa ngayon sa bahay kaya nakatakas ako pero manonood ako sa contest niyo!" saad ni Chelsea sabay ngiti. "Sige, aalis na ako. Sabay-sabay tayo ulit kumain bukas" paalam niya sa amin, mabilis na bumaba si kuya Mil sa sasakyan saka pinagbuksan ng pinto ng kotse si Chelsea na kumakaway pa rin sa amin hanggang sa makasakay siya sa loob.
Mabilis na umandar papalayo ang kotse, "Hays, ang ganda niya talaga!" saad ni Gian na parang lumulutang sa ere habang nakangiti. Natauhan na lang siya nang batukan siya ni Adrian. "Bro code! Bawal magkagusto sa babaeng gusto ng isa sa tropa natin" paalala ni Adrian sabay tingin kay Leo "Diba Leo?" tanong niya kay Leo dahilan para mapatingin kaming lahat kay Leo na parang nagulat sa sinabi ni Adrian.
Napatingin muna sa akin si Leo bago siya tumango kay Adrian bilang sagot sa tanong nito. "Itiwalag na nga natin 'to sa tropa si Aries, hindi naman 'to lalaki e" sabat ni Gian sabay gulo sa buhok ko dahilan para mapakunot ang noo ko at guluhin ko rin ang buhok niya na medyo malagkit dahil nilagyan niya ng wax. "Mas lalaki pa ako sumuntok sayo 'no" banat ko, napa-Oh naman ng malakas si Adrian dahilan para matawa na lang kami ni Leo dahil mukhang asar talo si Gian.
Ilang sandali pa, napatigil kami sa pag-aasaran sa labas ng bahay nila Gian nang mapadaan ang grupo nina Ben na kilalang basagulero sa school. Fourth year high school na sila at mas matanda sila sa amin ng isang taon.
May dala-dala silang bola ng basketball at mukhang maglalaro sila sa basketball court malapit sa playground. Matatangkad, maiingay at payatot, iyan ang tropa nila. Si Ben ang lider nila, matangkad ito at parang magdudugtong ang kilay niya. May hitsura si Ben pero dahil sa mga kalokohan na ginagawa nila, naiinis ang mga kaklase kong babae sa kanila.
Napatigil kaming tatlo nang dumaan ang grupo nila, nakatingin sila ng masama sa amin habang ang mga bagong kasapi ng tropa nila ay kumakanta ng Torpedo by Eraserheads. "Hoy, Aries" sagi sa'kin ni Gian dahil tinitigan ko lang din ng masama ang tropa nila Ben na nakatingin din ng masama sa amin.
Kilala silang bully sa school at ilang beses na rin nila napagkatuwaan si Gian noon. Pamangkin ni Mr. Conrado si Ben kaya naghari-harian ito. Natauhan lang ako sa pagsagi naman ni Adrian sa braso ko. "Pumasok na nga lang tayo, laro tayo ng playstation!" aya ni Adrian, nag-unahan kaming pumasok sa loob ng bahay dahil dadalawa lang ang controller ng playstation ni Gian at ang mahuli ay siguradong hindi makakapaglaro.
***
Ikalawang araw ng selebrasyon ng Nutrition month, naghanda kami ng mga palaro para sa lahat. Bawat level ay magkakalaban, magkakasama ngayon ang mga section kaya mas lalong umingay ang buong covered court kung saan gaganapin ang mga games.
Nakahelera sa kabilang dulo ang mahabang mesa kung saan nakalagay ang mga gulay at prutas na paunahan nilang uubusin. Halos magiba ang covered court dahil sa ingay ng lahat. Nagsisigawan, nagtatawanan at nag-uunahan kung sino na ba ang susunod na kakain ng mga gulay at prutas.
Ilang beses nanalo ang mga freshmen dahil sobrang bibilis nilang gumalaw. Nanalo naman kami sa banana eating habang nakapiring ang mata ng dalawang kalahok na sina Gwen at Jessica.
Nanalo rin sa apple eating sina Leo at Adrian na muntikan pang magkahalikan dahil paikot-ikot ang mansanas na itinali lang sa itaas. At ang pinaka-inabangan ng lahat ay ang Talong race kung saan nakatali sa baywang ng mga lalaking kalahok ang isang manipis na lubid, sa dulo nito nakatali ang talong. Ipapatama nila ang talong sa maliit na tanzan sa sahig hanggang sa makarating ito sa finish line.
Sa huli, si Gian ang nagwagi sa talong race. Alam kong pinaghandaan niya iyon dahil sinabihan ko siya na may malaking premyo para sa mananalo. Kitang-kita ko sa mukha ni Gian ang matinding pagkadismaya nang malaman niya na isang basket ng talong ang premyong makukuha niya.
Hindi niya ako kinausap ng dalawang araw dahil doon. Hindi naman maawat sina Adrian at Leo sa pang-aasar sa kaniya na talong king dahil halos kilala na siya ng lahat na siyang pinaka-determinado manalo sa talong race.
Araw ng Miyerkules, dumaan muna ako sa library bago umuwi para ibalik ang mga librong hiniram ko. "Aries, pakisabihan nga si Leo na magkakaroon na siya ng penalty, hindi niya pa nababalik ang math book na hiniram niya" saad ng librarian naming masungit. Madalas akong manghiram sa library lalo na kapag gagamitin namin sa mga project sa student council kaya kilala na niya ako.
Tumango na lang sa sinabi niya saka lumabas sa library. Kapag nakita nila ako ngayong uwian, siguradong pipilitin nila akong sumabay sa kanila pauwi. Bukas ko na lang sasabihin kay Leo at hindi ko isasakto sa uwian para hindi ako makasabay sa kanila.
Naglakad na ako papalabas sa library pero bago pa man ako makarating sa pintuan, napatigil ako nang mapadaan ako sa isang mataas na shelves kung saan nakalagay ang mga makakapal na dictionary. Narinig ko ang pangalan ni Leo mula sa mahihinang boses na nagbubulungan mula sa likod niyon.
"Si Leo Rosero ang target nila Ben mamaya"
"Si Leo? 'Yung third year na kasama sa swimming team?"
"Oo nga gagi! Paulit-ulit ha, kanina ka pa"
"Bakit daw? Anong ginawa ni Leo sa grupo nila Ben?"
Naaninag ko sa pagitan ng mga makakapal na dictionary na nagkumpulan ng mas malapit ang tatlong lalaking estudyante. "Nakita raw kasi nila Ben na nakahawak si Chelsea sa braso ni Leo sa labas ng bahay ng tropa rin nila"
"Patay! Ilang taon na kaya nililigawan ni Ben si Chelsea, mukhang naunahan pa siya ni Leo"
"Patay ngayon si Leo"
Nang marinig ko iyon ay agad kong tinabig ang mga librong pumapagitna sa amin. "Seryoso ba kayo diyan?!" mabilis kong tanong na ikinagulat nilang tatlo. Napalunok pa sa kaba ang isa. "Saan nila aabangan si Leo?!" patuloy ko pa, wala na akong pakialam kung may ibang makarinig sa amin.
Akmang tatakbo na sana silang tatlo papalayo pero mabilis ko silang naharang bago pa sila makalabas sa pintuan. "Sabihin niyo sa'kin kung hindi isusumbong ko kayo na kasabwat kayo nila Ben!" panakot ko sa kanila na mas lalo nilang ikinagulat.
Napatingin pa sa amin ang ibang estudyanteng tahimik na nagbabasa. Hinila ko silang tatlo papalabas sa library, mga freshmen pa sila kaya alam kong takot na takot talaga sila kay Mr. Conrado. "Sabihin niyo na---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na ang isa habang nakapikit pa ang mata dahil sa matinding takot.
"Sa liblib na kalsada po bago makababa sa tabing-dagat" saad nito, naalala ko na bihira lang ang mga sasakyang dumadaan doon. Madalas din doon dumadaan sina Leo, Gian at Adrian dahil shortcut ito papunta sa school.
Agad akong tumakbo papunta sa gilid ng gate kung saan nila pinaparada ang mga bisikleta nila. Mas lalo akong kinabahan nang maabutan kong wala na roon ang bike nilang tatlo. Marami na ring estudyante ang naglalakad papalabas dahil uwian na. Napapasigaw at nakikiusap na lang ako sa kanila na tumabi dahil nagmamadali ako.
Parang biglang gumaan ang bag ko dahil sa sobrang bilis kong tumakbo. Agad akong sumakay sa tricycle na nag-aabang sa labas. Bihira lang ako sumakay doon dahil mahal kapag special trip. Nagtataka pang napatingin sa akin si kuyang driver dahil mabilis kong sinabi kong saan niya ako dadalhin.
Naramdaman niya na nagmamadali ako kaya agad niyang pinaandar ang tricycle. Mabilis naming tinahak ang kahabaan ng malawak na kalsada. Halos walang kurap akong nakatingin sa gilid sa pag-asang madaanan ko sila sa gilid ng kalsada.
Bago pa kami makarating sa tabing-dagat, napasigaw ako ng 'Para' nang matanaw ko silang tatlo na payapang nagbibisikleta sa gilid. Agad tumabi sa gilid ang tricycle na sinasakyan ko at mabilis kong inabot sa kaniya ang bayad, ni hindi ko na rin nakuha ang sukli dahil mabilis akong bumaba roon.
Napatigil silang tatlo sa pagbibisikleta at gulat na nakatingin sa akin. "Kaya ba hindi ka na nasabay sa amin dahil nababagalan ka sa bike?" tanong ni Gian na siyang nauuna sa kanilang tatlo. Nakaalis na ang tricycle na pilit pa rin nilang tinatanaw.
Tumigil na rin sa tabi ni Gian si Adrian habang nasa pinakalikod si Leo. "Makinig kayo, may balak na masama si Ben kay Leo!" mabilis kong sabi, ni hindi ko rin matandaan kung nakahinga pa ba ako nang sabihin ko ang mga salitang iyon.
"Ha? Si Ben?" nagtatakang tanong ni Gian sabay lingon kay Leo na kalmado lang at parang hindi pa pumapasok sa isip niya na nasa peligro ang buhay niya. "Nababaliw na ba si Ben? Hindi naman siya inaano ni Leo" saad naman ni Adrian na parang hindi rin naniniwala sa sinabi ko.
Napapikit na lang ako sa inis. "Umalis na tayo dito. Baka nandiyan na sila!" pagpapanic ko pa, pinagpapawisan na ako at hinihingal pa dahil sa layo ng itinakbo ko kanina habang sila naman ay kalmado lang at nakatitig sa'kin na parang nakakita sila ng taong nagsisisigaw sa kalsada na sasakupin na tayo ng mga alien.
"Anong problema ni Ben? Bakit---" hindi na natapos ni Leo ang sasabihin niya dahil narinig na namin ang sigaw ng grupo nila Ben na ngayon ay nakasakay sa kani-kanilang mga bisikleta na humaharurot papalapit sa amin.
"Hoy! Leo! P*tangina mo!" sigaw ni Ben na halos umalingangaw sa buong paligid. Napapaligiran kami ng matataas na puno at liblib na gilid ng bundok at walang ibang kabahayan na malapit. Nagtawanan ang mga kasamahan ni Ben dahil sa lutong ng mura nito.
Napalingon ako sa tatlong kaibigan ko na ngayon ay nagsibabaan sa kani-kanilang bisikleta. Mas lalo akong kinabahan dahil mukhang natamaan ang mga pride at ego nila. Inihagis nina Leo, Gian at Adrian ang mga bag nila sa kalsada at tinanggal din nila ang pagkabutones ng mga polo shirt nila.
"S-sandali, mas okay siguro na tumakas na----" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil hinila ako ni Leo papunta sa likod, hinila rin ako ni Adrian at Gian papunta sa likod nila. Seryoso na ang mga mukha nila at mukhang lalabanan nila ang grupo nila Ben. "Hoy! Anong karapatan mong murahin at bantaan ang buhay ng kaibigan namin?!" sigaw ni Gian nang itabi na ng grupo nila Ben ang mga bisikleta nila sa gilid at inihagis ang mga bag nila sa kalsada.
"Mga duwag kayo!" sigaw naman ni Adrian sa kanila dahilan para mas lalong uminit ang mga ulo nila. Hindi na maawat sa pagtawa at pagmumura si Ben na sinabayan din ng pang-aasar at pagmumura ng mga alagad niyang tingting.
Napalunok na lang ako sa kaba, nasa sampu ang bilang ng grupo nila Ben. Samantala, apat lang kami.
Nagulat ako nang biglang hawakan ni Leo ang kamay ko habang derecho pa ring nakatingin sa mga kalaban. "Aries, mabilis ka bang tumakbo?" bulong niya, napatango naman sa akin sina Gian at Adrian bago kami mabingi sa malakas na pagsigaw na kita ngalangala ng tropa ni Ben na sabay-sabay sumugod papalapit sa amin.
********************************
#LeoAndAries on twitter
Note: Pakinggan niyo ang Original song na ito "This Love Hurts" by Leah May Buo. Please like, comment and subscribe sa kaniyang youtube channel. Maraming Salamat!
https://youtu.be/CV6s4pjlfig
"This Love Hurts" by Leah May Buo
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top