Chapter 3
[Chapter 3] Featured Song: "Just Stay" by Lyle Mesina
"Sabi ko na nga ba, lulusong ka na naman sa ulan" panimula ni Leo, hindi siya nakangiti. Kung sabagay, hindi rin naman siya palangiti. "A-anong ginagawa mo dito?" napalunok na lang ako sa kaba habang gulat pa ring nakatingin sa kaniya.
Napaiwas naman siya ng tingin, "Umuwi na tayo" iyon lang ang sinabi niya. Hindi ko namalayan na kusang sumunod ang mga paa ko sa kaniya nang magsimula siyang humakbang patalikod. Medyo malakas ang buhos ng ulan pero malaki naman ang payong niya kung kaya't hindi kami masyado nababasa.
Ilang minuto kaming natahimik hanggang sa makalabas kami sa gate ng school. "Itong mga batang 'to, gabing-gabi na e" sermon sa'min ni kuya guard sabay inom ng mainit na kape. Sumunod sa amin si kuya guard upang isara niya ang gate pagkalabas namin. "Wala ng bumabyaheng sasakyan ngayon" habol pa ni kuya guard habang pilit na sinasara ang makalawang na gate.
"Maglalakad na lang po kami, Salamat kuya" wika ni Leo, gulat naman akong napalingon sa kaniya. "Hindi mo dala ang bike mo? Nag-bike naman tayo kaninang umaga diba?" nagtataka kong tanong sabay lingon sa paligid baka sakaling masumpungan ko ang bisikleta niya sa gilid.
Hindi naman siya nagsalita pero nararamdaman kong nakatingin lang siya sa'kin. "Doon natin pina-park ang bike niyo diba? Nasaan---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil napansin kong wala ring dalang bag si Leo.
Napatulala ako sa kaniya at sa pagkakataong iyon ay hindi ako makapasalita "Umuwi na ko kanina, kailangan ko pang tulungan si lolo maghanda ng hapunan at isara ang tindahan" saad niya, para siyang nakayuko sa'kin dahil hanggang balikat lang ako sa kaniya.
Bakit ka pa bumalik dito? iyon ang mga salitang gusto kong itanong ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko magawa. Hindi ko siguro kayang sabihin at mas lalong hindi ko kayang malaman ang sagot mula sa tanong na iyon.
Nagsimula na siyang humakbang dahilan upang mapasunod ako dahil nasa iisang payong lang kami. Hindi ko malaman kung bakit sobrang bilis ng tibok ng puso ko na parang dumadagundong sa lakas. Halos magdikit ang balikat namin habang naglalakad ng dahan-dahan sa gitna ng ulan. Amoy na amoy ko ngayon ang amoy ng pulbo sa damit niya.
Napahinga na lang ako ng malalim. Alam kong hindi dapat ako makaramdam ng ganito kay Leo. Ayoko rin namang mailang siya sa'kin at baka isipin niyang binibigyan ko ng ibang kahulugan ang mga ginagawa niya. Mabait siya, alam kong mabait siya. Magalang at may respeto sa lahat lalo na sa mga babae, matatanda at pusa.
Hindi ko dapat pagdudahan ang mga ginagawa niya at lagyan iyon ng ibang kahulugan. Hindi iyon tama, hindi tamang pag-isipan ko siya ng kung anu-ano at ang lahat ng gagawin niya ay... "Aries"
"Gusto kita" agad kong tinakpan ang bibig ko at gulat na napatingin sa kaniya. Bigla siyang napatigil sa paglalakad at nagtatakang napatingin sa akin. "Ha? Anong..." tanong niya dahilan para mas lalo akong kabahan. Parang sasabong na yata ang puso ko sa sobrang kaba at hiya. Anong gagawin ko? Bakit ko ba nasabi 'yon?
"Ah... K-kinakanta ko lang kasi sa utak ko 'yung kanta mo" palusot ko at sinimulan kong kantahin sa utak ko ang Ito na ba. Umiwas ako ng tingin at napapikit na lang ng mata, mas gugustuhin kong bumuka ang lupa at kainin ako dahil sa matinding kahihiyan.
Tiningnan ko siya ng mabilis at napansin kong napaisip siya ng malalim. Parang kinakanta na rin niya sa utak niya ang kantang iyon. Nagsimula na ulit kaming maglakad, nananalangin ako na sana mapaniwala ko siya "Wala namang ganong lyrics sa kanta ko" saad niya habang nag-iisip pa rin ng malalim.
Agad kong winasiwas ang kamay ko sa tapat ng mukha niya. "Meron! Sa first part... Diba ganito 'yon, sasabihin ko na ba na gusto kita—" napatigil ako at napalunok muli nang mapagtanto ko na parang direkta kong sinabi sa kaniya ang mga salitang iyon.
Bigla naman siyang napangiti at napatango "Buti naman memorize mo na" saad niya sabay ngiti. Bihira lang siya ngumiti at madalas kong makita iyon kapag nilalaro niya ang mga pusa nila. "Ang ganda kasi ng kanta, catchy at ang sarap ulit-ulitin" dagdag ko, sinusubukan kong maging normal ang pag-uusap namin at ang sitwasyon ngayon.
Mabuti na lang dahil mukhang kalmado lang din naman siya at napaniwala ko rin ata siya sa palusot ko. Ilang sandali pa, napansin namin na dahan-dahan nang tumila ang ulan. Tahimik ang buong paligid, kaming dalawa lang ang naglalakad sa mahabang kalsada kung saan bihira lang ang pagdaan ng mga sasakyan.
Malalayo rin ang pagitan ng mga bahay ngunit marami namang street light na nagbibigay liwanag sa mahaba at liko-likong kalsada. Sinara na ni Leo ang payong habang patuloy pa rin kaming naglalakad. Napangiti na lang din ako sa sarili dahil halos sabay din ang paghakbang ng aming mga paa na para bang sumasabay sa indak ng musika.
Nakasuksok ang kaliwang kamay ni Leo sa bulsa ng jogging pants niya. Hawak naman niya sa kabilang kamay ang mahabang payong na lumilikha ng tunog sa tuwing tumatama ang patusok na dulo nito sa sementadong kalsada.
Nagsimula siyang magkwento tungkol sa kung paano niya nabuo at isinulat ang kantang iyon. Halos hindi ko matandaan lahat ng sinabi niya dahil naglalaro sa isipan ko ang ganda ng boses niya sa tuwing nasasalita siya at higit sa lahat mas maganda ito sa tuwing kumakanta siya.
"Sa tingin mo ba, papayag si lolo na sumali ako sa banda?" tanong niya dahilan upang matauhan ako. Nang mabanggit niya si lolo Gil ay alam kong hindi basta-basta ang desisyong iyon na gagawin niya. Napahinga na lang ako ng malalim saka napatingala sa langit.
"Tingnan mo" panimula ko sabay turo sa langit. "Kanina halos walang bituin dahil natatakpan ito ng makapal na ulap. Pero ngayon, nagliliwanag ulit sila" patuloy ko sabay ngiti sa kaniya. Kahit hindi ko ipaliwanag, alam kong naiintindihan na agad niya ang sinabi ko.
"Mahilig ka talaga sa bituin" saad niya, napansin ko ang paggalaw ng adam's apple niya nang sabihin niya iyon. Napangiti ako sa sarili dahil alam kong lahat ng gusto ko at hilig kong gawin ay alam din niya. "Ang sabi kasi nila, lahat daw tayo bago ipanganak sa mundong ito ay may nakatakda nang kapalaran" paliwanag ko, natutuwa ako dahil kahit papaano ay nawala na ang matinding kaba na nararamdaman ko kanina.
"Ilang beses ko na 'yan narinig sayo" reklamo niya pero halata naman sa mukha niya na natatawa siya. "Nagkataon lang ba na Leopold ang pangalan mo at ang zodiac sign mo ay Leo?" hamon ko sa kaniya, napailing-iling lang siya. "May malaking meaning 'yan, nararamdaman ko na magiging successful ka balangaraw at maghahari na parang Leon" patuloy ko, pakiramdam ko ako si madam Fei.
"Ikaw, ano naman ang future mo bilang Aries sa pangalan at zodiac?" tanong niya na parang hindi pa rin kumbinsidio sa mga sinasabi ko. "Bilang isang matapang na Ram ng zodiac, susugurin ko lahat ng mga kalaban hanggang sa makarating sa finish line ng buhay ko" proud kong sagot. Napailing-iling na lang ulit si Leo.
"Pero mas mataas pa rin ang Lion. Sa food chain kami ang nasa taas" pagyayabang niya dahilan para mapakunot ang noo ko. Ginagamitan na naman niya ako ng science. Napasingkit na lang ang mata ko sabay tingin sa kaniya "Wala namang ginagawa ang mga Lion, tambay lang sila. Tamang hikab at higa lang sa ilalim ng puno, tinubuan na rin sila ng maraming buhok dahil sa kakatulog. Ang Lioness ang naghahanap ng pagkain" buwelta ko dahilan para mapailing at matawa na lang din siya.
"Ang lion ang nagtatanggol sa buong pride. Kapag may gustong mang-agaw ng teritoryo nila, lalabanan niya ang lahat ng iyon" pagtatanggol ni Leo na para bang nasa debate na kami na sinabayan ng tawa. Magsasalita pa sana ako pero hindi pa pala siya tapos. "Wala rin namang ginagawa ang mga Ram. Tamang pataba lang at pag-nguya ng damo" pang-asar niya pa saka nagkunwaring ngumunguya-nguya para asarin ako.
Napakunot ulit ang noo ko at tiningnan siya ng matalim "Ayan, manunugod na 'yan" pang-asar niya pa at nagsimula siyang tumakbo. Napasigaw naman ako at dali-dali siyang hinabol. Hindi dahil sa gusto ko naman ngayong hamabalusin ang mukha niya kundi dahil ayokong maiwan mag-isa sa gitna ng madilim na kalsada.
***
Ilang minuto pa ang lumipas, narating na namin ang bahay nina Adrian, bukas pa ang ilaw sa salas at naririnig pa namin ang palabas sa colored TV nila. Mula sa jalousie ng bintana ay natanaw naming nanonood pa si lola Amor ng Magandang Gabi Bayan ni Noli De Castro.
Malaki ang bahay nila Adrian, wala itong second floor pero malawak ang buong bahay. May tatlong kwarto sa loob at punong-puno ng mga porcelain vase na collection ni lola Amor. May dalawa ring vintage car sa labas ng bahay nila na collection naman ng lolo niya.
Parehong OFW na may magandang trabaho ang mga magulang ni Adrian kung kaya't hindi sila kinakapos ng pera. Nang makarating kami sa tapat ng pinto, kumatok ako ng tatlong beses. Agad namang bumukas iyon at tumambad sa harapan namin si lola Amor suot ang malaki nitong salamin.
Halos kulay puti na ang mahabang buhok ni lola Amor na palagi niyang pinupusod ng buo sa likod. Payat at matangkad ito, walang araw na hindi namin nakita si lola Amor suot ang kaniyang paboritong daster na makukulay at bulaklakin.
"Nag-alala ako sayo Aries, hindi ka na tumawag ulit" malambing na bungad ni lola Amor habang nakapatong ang kaniyang kamay sa tapat ng kaniyang dibdib. "Naglakad lang po kasi kami ni Leo kaya natagalan po kami" sagot ko at sabay kaming nagmano ni Leo sa kaniya.
"O'siya, pumasok muna kayo, magtitimpla ako ng mainit na gatas" binuksan niya ng malaki ang pinto para papasukin kami. "Okay lang po kami, lola. Iuuwi ko na rin po si Axel, maaga pa po ang pasok niya bukas" saad ko, wala namang nagawa si lola Amor kundi ang dalhin si Axel sa amin.
Pikit-mata itong naglakad papalapit sa amin habang kinukusot niya ang kaniyang mga mata "Axel, si ate 'to. Uuwi na tayo" salubong ko sa kaniya at akmang bubuhatin siya pero nagulat ako nang biglang umupo si Leo at pinasampa niya si Axel sa likod niya.
"Mauna na po kami lola Amor" saad ni Leo at dahan-dahan siyang tumayo pasan sa likod ang kapatid kong eight years old na. Sasabihin ko pa sana kay Leo na ako na lang ang magbubuhat kay Axel pero nauna na itong maglakad papalabas sa gate ng bahay nila Adrian.
"Maraming Salamat po, Lola Amor" iyon na lang ang nasabi ko, nakangiti naman si Lola Amor at tumango-tango bago niya isara ang pinto ng kanilang bahay. Agad kong hinabol si Leo na naglalakad na muli sa gitna ng kalsada.
Ilang metro na lang ay mararating na namin ang bahay nila. Ang bahay naman namin ay nasa kabilang kalye pa. "Dalhin mo muna 'to" saad ni Leo nang makasabay na ako sa kaniya, hawak niya pa rin ang mahabang payong dahilan upang mahirapan siya sa pagpasan kay Axel.
Agad kong kinuha ang payong sa kamay niya at akmang kukunin ko si Axel "Ako na---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil yumakap si Axel ng mahigpit sa leeg ni Leo. Mahimbing na ang tulog nito na animo'y nananaginip.
"Magigising siya kapag kinuha mo siya sa'kin" paalala ni Leo, napatango na lang ako kahit pa hindi niya iyon nakita dahil derecho ang tingin niya sa daan. Bigla tuloy akong nakaramdam ng hiya, araw-araw inaangkas niya ako sa bike at ngayon naman pasan-pasan niya ang kapatid ko.
Sandali akong natahimik. Ayoko rin naman magdaldal o mag-ingay dahil baka magising ang kapatid ko. Binuksan ko na lang ulit ang payong para hindi mahamugan si Axel. "May tanong pala ako" narinig kong saad niya dahilan para mapalingon ako sa kaniya.
"Ano?"
Ilang segundo siyang napaisip bago magsalita muli "Anong zodiac sign compatible ang isang Leo?" tanong niya dahilan para matigilan ako sandali.
Wala siyang ideya kung ilang libong beses tumatakbo sa isipan ko ang katanungang iyon. Wala rin siyang ideya kung ilang libro na ang binasa ko tungkol sa zodiac signs at compatibility para lang masiguro na ang tulad niya ang para sa akin at ang tulad ko ang para sa kaniya. At wala rin siyang ideya kung ilang daang papel at tinta na ang naubos ko para lang laruin ang F.L.A.M.E.S na kadalasan iba-iba ang resulta.
"Hindi ba naniniwala ka sa zodiac signs at horoscope? Sabihin mo sa'kin kung anong zodiac ang bagay sa Leo?" patuloy niya pa at napatigil siya sa paglalakad sabay lingon sa'kin. Napatulala naman ako sa kaniya at napalunok na lag muli sa kaba. Bukod doon natatakot ako na baka nagkukunwaring tulog lang ang kapatid ko at nakikinig na ito ngayon sa usapan namin.
Napatikhim ako at napaiwas ng tingin "Uhmm... sabi nila, depende raw sa sitwasyon pero ang best compatible sa Leo ay..." Tama bang sabihin ko na Aries?
"Depende talaga sa sitwasyon e" saad ko sabay tawa, magsasalita pa sana siya ngunit napagalaw si Axel. Hindi ko namalayan na malapit na pala kami sa bahay, dere-derechong naglakad papapunta roon si Leo at muli siyang napalingon sa'kin nang marating na niya ang tapat ng gate namin dahil hindi niya iyon mabuksan.
Naglakad ako ng mabilis papalapit sa kaniya saka binuksan ang gate at ang pinto ng bahay namin. Binuksan ko ang ilaw, mukhang wala pa si mama sa bahay. Nagmamadali rin akong pumunta sa tabi ng TV kung saan naroon ang telepono namin na nag-riring.
"Aries, iaakyat ko na si Axel sa kwarto niyo" sabi niya saka nagtungo sa ikalawang palapag ng bahay namin. Naupo naman ako sa tapat ng telepono "Hello?"
"Aries, anak, hindi ako makakauwi ngayon. May biglaan kaming business meeting sa Batangas bukas" wika ni mama mula sa kabilang linya, "Tumawag na rin ako kay Lola Amor kanina, ang sabi niya kakasundo mo lang kay Axel. Gusto ko sanang umuwi muna kaso kailangan na raw namin umalis" patuloy ni mama, napayuko na lang ako at napatitig sa medyas kong basa.
"Baka bukas ng gabi pa ako makauwi. Napakiusapan ko naman na si Lola Amor na sa kanila muna kayo mag-almusal bukas. Paliguan at bihisan mo si Axel ng maaga para hindi kayo ma-late" dagdag pa ni mama, magsasalita pa sana ako pero narinig ko ang boses ng boss niya mula sa kabilang linya.
"Aalis na kami Aries. Ikaw na muna ang bahala diyan, anong gusto niyong pasalubong?" tanong ni mama, "Okay lang po mama, bawal din kay Axel ang matatamis kasi hindi siya nakakatulog agad sa gabi"
"Sige, maghahanap na lang ako ng bagong damit o sapatos dito. Mag-iingat kayo ah, wag kayong magbubukas ng kalan"
"Opo"
"Bye, anak" magsasalita pa sana ako kaya lang naibaba na niya ang telepono. Napahinga na lang ako ng malalim.
Dahan-dahan kong ibinaba ang telepono, hindi ko malaman kung bakit hindi na ak makagalaw. Nanatili lang akong nakaupo roon habang pinagmamasdan ang basang medyas na suot ko pa rin hanggang ngayon. "Aries"
Natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Leo mula sa likod. "Hindi makakauwi ang mama mo ngayon?" bakas sa boses niya na parang pinagsisihan niyang itanong iyon sa akin kahit pa alam naman niya ang sagot.
"Di bale, dito na lang din ako matutulog" saad ni Leo sabay upo sa sofa namin. Nanlaki naman ang mga mata ko, maging siya ay nagulat din dahil sa sinabi niya. "K-kung okay lang naman sayo na dito ako matulog ngayon" patuloy niya sabay iwas ng tingin. Mukhang napagtanto rin niya na hind inga magandang ideya na dito siya matutulog ngayon sa bahay habang wala si mama.
Bigla siyang tumayo at pinagpagan niya ang kamay niya. "Mauna na pala ako, baka magising si lolo at hanapin ako" paalam niya saka derecho siyang naglakad papunta sa pinto. Binuksan na niya iyon saka sinuot ulit ang rubber shoes niya.
Naglakad ako papalapit sa pinto, gustuhin ko man siyang pigilan at sabihing dito na lang siya matulog at samahan kami pero mas natatakot ako na baka kung anong isipin ng mga kapitbahay at buong barangay. Noong mga bata pa kami, walang malisya ang pagtulog ko sa tabi nilang tatlo pero ngayong lumalaki na kami, ilang beses na rin kami pinagsasabihan nina lola Amor at ng mama ni Gian.
"Ah... Leo" tawag ko dahilan para mapatigil siya sa pagsuot ng sapatos at mapalingon sa'kin. Dito ka na lang matulog, samahan mo kami "S-salamat nga pala... at mag-iingat ka sa pag-uwi"
Ngumiti lang siya ng kaunti saka tumango sa'kin "Isarado mo ng mabuti ang buong bahay at tumawag ka agad sa'kin kapag kailangan" saad niya, kinuha na niya ang payong at naglakad na siya papalayo. Samantala, naiwan naman akong tulala sa tapat ng pinto habang tinatanaw siya sa malayo.
***
Kinabukasan, tulala lang ako kay Gwen habang nag-rereport siya sa harap. Nakadikit sa blackboard ang malalaking manila paper kung saan nakasulat ang highlights ng kanilang topic report. Halos abala naman ang lahat sa pag-kopya ng mga iyon sa kanilang notebook.
Ilang sandali pa, natauhan ako nang marinig ko ang boses ng teacher namin. "Aries, please summarize their report" utos ng teacher naming si Ms. Leth na nilakihan pa ako ng mata. Payat at matangkad ito, kilalang masungit at hindi na nag-asawa pa.
Agad akong napatayo at napalunok sa kaba. Pinandilatan naman ako ni Gwen at sinubukan niyang ituro ang mga dapat kong sabihin. Napatingin naman ako kay Jessica na mukhang hindi rin nakinig kanina kaya wala siyang maambag.
Napahalukipkip na lang si Ms. Leth habang nakataas ang kilay at nakatingin sa'kin. Ilang sandali pa, dahan-dahan kong napansin ang papel na pinuslit ni Chelsea, nakaupo siya sa harap ko at dahan-dahan niyang inilagay sa likod niya ang papel kung saan may nakasulat na isang paragraph tungkol sa topic na nirereport ni Gwen.
Mabilis kong binasa ang nakasulat doon at sinabi iyon sa harap ng klase. Tumango na lang si Ms. Leth saka pinaupo ako ulit at itinuloy ulit ni Gwen ang kaniyang report. Napatingin naman si Chelsea sa'kin at sabay kaming natawa ng palihim dahil nalusutan namin si Ms. Leth.
Makalipas pa ang ilang minuto, lunch time na namin. Napalingon agad sa'kin si Chelsea, "Ano ba kasing gumugulo sa isipan mo para mag-space out ka ng ganon?" tawa niya habang isa-isa niyang nilalagay sa bag niya ang makukulay niyang magic pencils.
"Wala, puyat lang siguro ako. Salamat ah, muntik na akong masigawan ni Ms.Leth kanina" tawa ko, tumango-tango na lang si Chelsea sabay hawi sa mahaba niyang buhok. "Bakit ka nag-bublush kanina? Inlove ka no?" habol pa niya dahilan para mapailing na lang ako, pilit kong pinipigilang matawa pero mas natatawa ako dahil tumatawa siya.
"Kapag nalaman 'yan ni Tim, hindi 'yon titigil hangga't hindi ka mapapaamin" tawa niya pa, si Tim na pareho naming ka-close sa student council ang pinakamadaldal sa aming lahat. Timara ang pangalan niya na ayaw na ayaw niya marinig dahil kikay daw siya.
Tumayo na si Chelsea, "Tapusin na pala natin bukas ang lahat ng preparation para sa Nutrition month next week. Wala pala ako sa Saturday kasi pupunta kami nila papa sa Manila" saad ni Chelsea at nauna na itong lumabas ng classroom.
"Aries, una ka na sa canteen. Mag-save ka na ng mesa at upuan natin" saad ni Jessica na hindi pa tapos komopya sa blackboard. Abala naman si Gwen sa pag-kolekta ng notebook para ipasa kay Ms. Leth na nauna na sa Faculty room.
Napasingkit naman ang mata ko pero hindi ako nilingon ni Jessica, "Lalamon na ako doon agad" saad ko pero hindi siya lumingon dahil kailangan niya matapos ang kinokopya niya. Naglakad na ako papalabas ng classroom. Halos nasa labas na rin ang mga ibang mga estudyante para kumain. Ang iba ay sa loob ng classroom kumakain habang ang iba naman ay sa garden, field at canteen.
Bago ako bumaba sa hagdan, napadaan ako sa classroom nila Leo, Gian at Adrian. Hindi pa tapos ang klase nila, natanaw ko sa likuran sina Gian at Adrian na naglalaro ng rubber band. Tinatarget nila ang mga kaklase nilang natutulog sa klase at nakikinig ng mabuti.
Dahan-dahan akong naglakad sa hallway habang nakatingin sa bintana ng classroom nila. Nasa unahan nila si Leo na kasalukuyang nakasubsob sa libro at mukhang natutulog. Ilang sandali pa, bigla akong napapikit nang tumama sa noo ko ang isang rubber band.
Kunot-noo akong napatingin kina Gian at Adrian na parehong natawa dahil sumapol sa mukha ko ang kalokohan nila. Pareho nilang pinipigilan ang tawa nila at sinubsob ang mukha nila sa libro. Napapadyak na lang ako sa inis saka tiningnan sila ng matalim bago tuluyang bumaba ng hagdan.
***
Ilang minuto na akong nakaupo sa loob ng canteen. Nakabili na rin ako ng pagkain, hinihintay ko na lang dumating sina Gwen at Jessica. Nakatitig lang ako ngayon sa pager ko kung saan kinukutkot ko ang Voltes 5 sticker na nilagay ni Leo noon.
Ilang sandali pa, natanaw ko sina Gian at Adrian papasok ng canteen. Agad kong kinuha ang dalawang San rio sa buhok ko at itinutok iyon sa kanilang dalawa, malapit lang sila sa akin pero hindi nila ako napansin dahil abala sila sa pagtingin ng pagkain.
Binitawan ko na agad ang san rio na derechong tumama sa baba ni Gian at sa nguso ni Adrian. Sabay silang napapikit sa gulat sabay hawak sa mukha nila. Natawa na lang ako dahilan para mapalingon sila sa'kin. "Ikaw talaga—" nanggigigil na saad ni Gian at agad niya akong sinunggaban sa leeg. Lumapit naman si Adrian at akmang pipitikin ang noo ko nang mapatigil sila dahil nakatingin ngayon sa amin ang ibang mga estudyante sa paligid.
Binitawan na nila ako pero hindi ko pa rin mapigilang matawa dahil natamaan ko sila pareho. Umupo na lang silang dalawa sa tabi ko at akmang kakainin ang fried chicken at rice na nasa plato ko. Mabilis kong tinapik ang kamay nilang dalawa. "Hindi na natin mabugbog 'to si Aries, nakakainis" wika ni Gian dahilan para mas lalo akong matawa dahil tama nga naman, nagmumukha silang pumapatol sa babae kapag kinukulit at inaasar nila ako.
"Tingnan mo, tuwang-tuwa siya sa lagay na 'yan" hirit ni Adrian, pareho silang dismayado ni Gian dahil ako na naman ang nanalo. Tumigil na ko sa pagtawa at inabutan sila ng tig-isang bubble gum. "Nasaan pala si Leo?" mas inuna nilang kunin ang bubble gum sa kamay ko bago nila sagutin ang tanong ko.
"Nasa clinic si Leo" sagot ni Adrian, napatigil naman ako tiningnan ko silang dalawa. "Totoo nga, nasa clinic si Leo. Kanina pang umaga masama ang pakiramdam niya" dagdag ni Gian dahilan para tuluyan akong mapatahimik at mapatulala sa mesa.
"Okay naman si Leo kahapon pag-uwi natin, baka sinipon siya kasi malamig na 'yung champorado na niluto ni lola" saad ni Gian habang napapaisip ito ng mabuti. Napatango naman si Gian, "Nakakasipon ba ang malamig na champorado?" kunot-noong tanong ni Adrian sabay batok kay Gian na tinatamaan na naman ng ka-weirduhan.
"Nagugutom na ko, ayaw naman tayo bigyan ni Aries ng pagkain niya kaya----" hindi na natapos ni Gian ang sasabihin niya dahil tumayo na ako. Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng konsensiya. "Kainin niyo na 'yan" saad ko saka derechong naglakad papalabas sa canteen. Narinig ko pang tinawag nila ang pangalan ko pero hindi na ako lumingon at mabilis na naglakad papunta sa clinic.
Malapit lang sa Faculty room ang clinic ng school namin. Halos nasa labas din ang mga teachers bitbit ang mga pagkain na binili nila sa canteen na kakainin nila sa loob ng office. Nagkalat din ang mga estudyante na naglalakad sa mahabang hallway. Napatigil ako sandali sa tapat ng pintuan ng clinic. Napahinga muna ako ng malalim bago buksan iyon.
Malamig sa clinic dahil air-conditioned ang loob nito. May tatlong higaan sa loob na napapagitnaan lang ng pink na kurtina. Nasa bungad ng pinto ang mesa ng nurse pero wala siya roon. Nasa gilid naman ang timbangan at pang-sukat sa height.
Isinara ko na ang pinto saka dahan-dahang naglakad papunta sa pinaka-unang higaan kung saan nakita ko ang dulo ng medyas ni Leo. Mahilig siya sa medyas na may Voltes 5, Power rangers o Dragonball Z lalong-lalo na noong mga bata pa kami.
Dahan-dahan kong hinawi ang kurtina, napalingon siya sa'kin habang hawak niya ang isang puting bimpo sa tapat ng kaniyang ilong. "Sorry, nagising ba kita?" umiling siya at sinubukan niyang bumangon pero pinigilan ko siya at naupo ako sa isang bakanteng upuan sa gilid.
Hindi ko siya ngayon matingnan ng maayos. Pakiramdam ko kasalanan ko kung bakit masama ngayon ang pakiramdam niya. Sinulyapan ko siya sandali, napansin ko na naluluha ang mata niya at namumula ang buong mukha niya. Sa tuwing nagkakasakit si Leo palagi namumula ang buong mukha niya hanggang leeg.
Bukod doon namumula rin ang buong mukha at katawan niya sa tuwing nakakakain siya ng hipon dahil allergic siya roon. Bihira lang magkasakit si Leo at sa tuwing nangyayari iyon ay alam naming napagod at nahirapan talaga siya. Napahinga ako ng malalim at akmang magsasalita na pero naunahan niya ako.
"Wala kang kasalanan" sabi niya dahilan para dahan-dahan akong napatingin ng derecho sa kaniya. "Hindi mo kasalanan kaya ako nagkasakit ngayon" patuloy niya, napahinga na lang ako ng malalim saka inabot sa kaniya ang isang yakult na hindi na malamig.
"Bakit kasi kailangan mo pa akong punatahan kagabi sa school? Binuhat mo rin si Axel kahit alam mong mabigat na siya. Hindi mo naman kailangan gawin lahat ng----" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang bumukas ang pinto dahilan para bigla akong mapatayo sa gulat.
Tumambad sa harap namin sina Gian at Adrian na agad humiga sa tabi ni Leo kahit pa para sa isang tao lang ang laki ng kama. "Si Aries ang una mong hawaan para matigil ang pagbubunganga niyan" saad ni Gian habang nakayakap kay Leo. Nakatanday din ang paa ni Adrian kay Leo. Agad silang tinulak ni Leo papalayo.
"Mahahawa kayo sa'kin at ang init" reklamo niya pero hindi humiwalay sa kaniya ang dalawa. "Magsisimula na ang practice natin sa sabado. Magpagling ka nga" sermon ni Adrian sabay yakap kay Leo. Halos halikan naman ni Gian si Leo dahil sa sobrang clingy nilang dalawa.
"Sandali nga" reklamo ulit ni Leo dahil halos madaganan na siya ng dalawa. Tumayo na sina Gian at Adrian na ngingiti-ngiti at hindi pa rin matigil sa paglambing kay Leo. "Ikaw ang bokalista, hindi ka pwede magkasakit" habol ni Gian na animo'y isang manager na pilit kinukumbinse si Leo.
Napasandal na lang si Leo sa unan, tinatakpan niya pa rin ang ilong niya dahil sa sipon at kung magsalita siya ay hindi namin masyado maintindihan. "Gusto kong sumali pero mas mahalaga sa'kin ngayon ang gusto ni lolo" sagot niya dahilan para mapatahimik kaming lahat. Nagkatinginan pa sina Gian at Adrian na parehong nakonsensiya.
Sa pagkakataong iyon, pinagmasdan kong mabuti si Leo. Sa lahat ng katangiang nagustuhan ko sa kaniya, iyon ay ang respeto at pagmamahal niya kaniyang lolo na siyang tumayong ama at ina niya.
***
"Kailangan mong magpagaling ha" bilin ni Gian na dinaig pa si Lolo Gil sa pagsermon nito mula kanina habang bumabyahe kami pauwi. Inangkas niya si Leo, si Adrian naman ang nagdala ng gamit ni Leo at ako naman ang gumamit ng bisikleta niya. Marunong naman ako mag-bisikleta pero wala nga lang akong bike at sinabi rin ni mama na hindi bagay sa babaeng naka-palda ang mag-bike papasok sa school. Masyadong conservative si mama kumpara kay lola noong nabubuhay pa ito.
Inalalayan nilang dalawa si Leo papasok sa tindahan at paakyat sa kwarto nito kahit pa ayaw ni Leo magpa-alalay dahil kaya naman niya maglakad mag-isa. Masyado lang praning at OA sina Gian at Adrian na hindi matigil sa pagyakap sa kaniya.
Napatayo naman si Lolo Gil mula sa harap ng TV. "Anong nangyari?" sinubukan niya pang sumunod sa itaas pero napatigil siya nang magsalita ako. "Nagkasipon at ubo po si Leo pero sabi ng nurse sa school, okay na po siya"
"Bakit naman sinipon ang batang 'yon?" nagtatakang saad ni lolo Gil na parang sa sarili niya tinanong iyon. Napatingin na lang kami sa itaas ng hagdan nang marinig namin ang reklamo ni Leo dahil mukhang binibihisan siya ng dalawa.
Nagkatinginan kami ni Lolo Gil at pareho kaming natawa dahil parang bata si Leo na ayaw magpaasikaso sa dalawang makulit na magulang. Naririnig pa namin ang sermon nina Gian at Adrian at ang pagbukas ng mga cabinet.
Pinatay na ni Lolo Gil ang TV at radio na parehong bukas. Naglakad na lang ako palibot sa tindahan nila, medyo maliit ito pero may limang matataas na shelves kung saan nakalagay ang mga cassette tapes at plaka na binebenta at pinaparentahan nila.
Napansin ko na maalikabok na ang mga ito, senyales na hindi masyadong nalilinisan at nagagalaw. Matumal na rin ang benta dahil marami na ring mga ganitong tindahan ang nagkalat sa bayan. Ilang sandali pa, napatigil ako nang magsalita si lolo Gil. "Alam kong may gusto kang sabihin, Aries" wika nito habang naglalakad pabalik sa upuan niya.
Kinuha niya ang isang dyaryo na nakapatong sa mesa at binuklat iyon. Napapikit na lang ako, mag-lolo nga sila ni Leo pareho nilang nalalaman na may gusto akong sabihin dahil hindi ko nakokontrol ang paghinga ko ng malalim.
Dahan-dahan akong naglakad papalapit kay Lolo Gil at nagkunwaring tumitingin-tingin pa rin sa mga cassette tapes. "Lolo, pwede ko po bang malaman kung bakit... kung bakit ayaw niyong sumali si Leo sa banda?" tanong ko, sinubukan ko lang hinaan ang boses ko sa takot na marinig nila sa itaas.
Napatigil naman si Lolo Gil sa pagbabasa ng dyaryo at napalingon sa akin. Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti "Sinasabi ko na nga ba, itatanong at itatanong mo rin sa akin 'yan" wika nito sabay lapag ng dyaryo sa mesa. Tumayo siya at naglakad papunta sa lagayan niya ng kahera.
"Alam mo ba, hindi 'yan nagawang itanong sa'kin ni Leo kahit kalian. Alam niya na ayaw kong sumali siya sa banda o anumang kantahan pero kailanman ay hindi niya tinanong sa'kin kung bakit" patuloy ni lolo Gil. May maliit na drawer sa ibaba, kinuha niya ang isang susi at binuksan iyon.
"Kung minsan, napapaisip ako kung bakit hindi ako tinatanong ni Leo ukol sa bagay na iyon. Hindi ba siya interesado? Ayaw niya ba malaman? O baka naman matagal na niyang alam" dagdag pa ni Lolo Gil sabay kuha sa isang lumang dictionary na halos manilaw na ang papel.
Naglakad siya papalapit sa'kin at binuklat iyon. Tumigil ang mabilis na paglipat ng pahina dahil sa isang lumang litrato na nakaipit sa gitna. Napatingin ako kay Lolo Gil saka muling napatingin muli sa lumang litrato.
"Si Janet, ang mama ni Leo" saad ni Lolo Gil, may halong ngiti at pangungulila nang bigkasin niya ang pangalan ng kaniyang anak. Dahan-dahan kong hinawakan ang litrato, may isang magandang babae ang nakasuot ng high waist pants at pulang tshirt. Mahaba ang buhok nito at may suot siyang pulang headband.
Matamis na nakangiti ang magandang babae na siyang mama ni Leo habang nakasandal ang ulo nito sa isang lalaking nakasuot ng black pants at puting sando. May tattoo sa braso ang lalaki na hugis leon at maganda ang pangangatawan nito. Nakaupo sila sa hagdan ng entablado habang may bandang tumutugtog sa likuran.
Napatingin ulit ako kay Lolo Gil "Ano pong nangyari sa picture na 'to? Bakit po burado ang mukha ng lalaking katabi ng mama ni Leo?" tanong ko, napahinga naman ng malalim si Lolo Gil, sinubukan niyang ngumiti pero nakikita kong sobrang namimiss na niya ang anak niya.
"Hindi ko alam, nakita ko 'yan sa naiwang mga gamit ni Janet sa kaniyang dormitoryo sa Maynila. Burado na ang mukha ng lalaking katabi niya sa litratong 'yan kaya hindi ko rin alam kung sino 'yan o kung ano ang hitsura niya" tugon ni Lolo Gil saka dahan-dahang naupo sa kaniyang silya.
Sinundan ko naman siya habang tinititigang mabuti ang litratong iyon. "Sinubukan niyo po bang hanapin kung sino po ang lalaking 'to?" napailing lang si Lolo Gil bilang sagot sa'kin.
"Hindi. Ni hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit kailangan kong hanapin kung sino ang lalaking iyan" sagot ni Lolo Gil, napatulala siya sa tapat ng TV kung saan nakikita niya ang kaniyang repleksyon.
"Sabihin nating posibleng ang lalaking 'yan ang ama ni Leo pero para saan pa? Naalala ko ang huling sinabi sa akin ni Janet, huwag ko na raw alamin kung sino ang nakabuntis sa kaniya. Nang sabihin niya iyon, alam kong sobrang nasaktan ang anak ko. Sinaktan siya ng lalaking iyan" patuloy ni Lolo Gil, hindi ako nakapagsalita. Sa pagkakataong iyon alam kong wala na akong karapatan na alamin pa iyon.
Dahan-dahan kong ibinalik ang litrato sa lumang dictionary. Ni hindi na rin ako makatingin kay Lolo Gil, hindi ko na dapat tinanong ang bagay na iyon dahilan para maungkat ulit ang mapait na karanasan at pagkamatay ng mama ni Leo.
"Nasira ang pangarap at buhay ng anak ko dahil sa pagkahumaling niya sa banda. Alam kong kakambal din ni Leo ang musika pero natatakot akong maging buhay niya ang bagay na sumira sa mama niya. Makasarili ba ako, hija?"
Napahinga na lang ako ng malalim saka muling napatingin sa lumang litratong iyon. Kamukhang-kamukha ni Leo ang mama niya, kung sakaling nasa paligid lang ang papa niya. Sigurado akong hindi namin iyon mamumukhaan.
"Hindi po kayo makasarili lolo. Lahat ng desisyon at ginagawa niyo ay para lang sa kabutihan ni Leo. Pero... minsan pong nagpasaya sa buhay ng anak niyo ang musika. Hindi nito sinira ang buhay niya, ang taong nakapaligid sa kaniya ang may kagagawan niyon. Musika rin ang bumubuhay kay Leo, ngunit sa kabila ng lahat ng 'yon, magagawa niyang talikuran ito para sa inyo dahil mas mahalaga kayo sa kaniya" sagot ko.
Hindi ko alam kung bakit dumadagundong ng malakas ang puso ko. Siguro dahil natatakot ako na baka magalit si lolo Gil at mas lalo niyang hindi payagan si Leo na sumali sa banda. Pero sa kabila niyon, umaasa ako na magigising si lolo Gil dahil sa sinabi ko. Isa siguro ito sa mga hindi mapigilang gawin ng isang Aries. Hindi ko kayang manahimik dahil kailangan kong sabihin ang opinion ko at ang bagay na sa tingin ko ay may punto.
Ilang sandali pa, narinig ko ang malalim na paghinga ni lolo Gil. Kinuha na niya ang lumang dictionary at isinara iyon. Hindi ko siya magawang tingnan, iniisip na siguro niya ngayon na pasaway akong bata at nangangatwiran.
Ibinalik na niya sa loob ng drawer ang dictionary na iyon saka muling humarap sa akin. "Kailan ba ang practice niyo?" tanong ni lolo na ikinagulat ko. Gulat akong napatingin sa kaniya, akala ko ay nagalit siya pero nakangiti siya ngayon sa'kin.
"Alam na alam mo talaga hija kung paano ako mapapayag" ngiti ni lolo Gil dahilan upang mapatayo ako at agad tumakbo sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit. "Kung minsan iniisip ko, ikaw ata ang tunay na anak ni Janet" biro pa ni lolo Gil dahilan upang matawa ako dahil ilang beses na niyang sinabi iyon sa akin. Bata pa lang ako ay palagi na niyang sinasabi noon na nakikita niya sa'kin ang anak nila.
***
Kinabukasan, Naglalakad ako sa mahabang hallway para ihatid ang mga quiz papers sa faculty room na pina-check sa'kin ni Ms. Leth, nakalagay iyon sa bagpack ko dahil uwian na. Ilang sandali pa, napansin ko si Leo mag-isa sa isang bench habang nagsusulat sa isang notebook. Magaling na siya, inalagaan talaga siya ng mabuti ni lolo. Gustuhin ko man siyang alagaan pero pinauwi agad kami ni lolo kagabi. Nakatalikod siya sa'kin ngayon at mukhang seryoso siya sa ginagawa niya.
Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kaniya at sinilip ang ginagawa niya. Nabasa ko ang ilang salita sa kantang sinusulat niya na sinasabayan niya rin ng pag-hymn. Mabilis kong inagaw ang notebook na hawak niya mula sa likuran dahilan upang mapatayo siya sa gulat.
"Aries!" sigaw niya at akmang aagawin sa'kin ang notebook pero mabilis akong nakaiwas. Pilit kong binasa iyon pero hindi ko namalayan na sa isang iglap lang ay nasa likuran ko na siya. Nakulong ako sa bisig niya dahilan para mapatigil ako sa gulat at mabilis niyang naagaw sa'kin ang notebook.
"Ang kulit mo talaga" reklamo niya sabay ayos sa notebook niya na mukhang nagusot dahil sa pag-aagawan namin. Napatingin siya sa'kin at hindi ko namalayan na naistatwa na pala ako na parang tuod at hindi na makagalaw dahil sa matinding pagkabigla. Hindi ko akalaing mapapalapit ako sa kaniya ng ganoon kalapit.
"Okay ka lang?" ulit niya pa sabay tapik sa balikat ko dahilan para matauhan ako at mapatayo ng maayos. Agad kong inayos ang buhok at uniform ko saka humarap sa kaniya na parang walang nangyari. "Ipapabasa mo rin naman sa'min 'yan, bakit kailangan mo pang itago?" tanong ko, irita naman siyang tumingin sa'kin saka naupo ulit sa bench. "Hindi ko pa tapos" sagot niya habang nakatingin sa notebook niya. Naupo na lang ako sa tabi niya, mukhang kasalanan ko pa kung bakit nagusot na ang notebook niya.
Hindi na ako nakapagsalita, hindi ko na alam kung anong sasabihin ko. Gumugulo na tuloy sa isip ko kung ano ba 'yung gusto niyang sabihin. Bakit sa tuwing sinasabi niya iyon hindi siya makatingin sa'kin. Napasandal na lang ako sa bench, kasabay niyon ay umihip ang sariwang hangin. Oras na ng uwian kaya maraming estudyante ang nagkalat sa paligid at naglalaro sa malawak na field pero ni isa ay parang wala pang balak umuwi.
"May nagawa ka na bang kanta? Puro laro lang ata ang inaatupag mo" narinig kong sabi ni Leo na mukhang gusto akong inisin. Napasingkit naman ang mga mata ko sabay kuha sa bag ko ng dalawang cassette na naroroon. Palagi kong dala iyon kasama ang album ng eraserheads, rivermaya at air supply.
Itinapat ko sa mukha niya ang dalawang cassette tape kung saan ko nirecord ang 'Lost in Your Love' at 'Just Stay' sinubukan niyang agawin sa kamay ko pero mabilis kong iniwas iyon sa kaniya. "Maririnig mo rin 'to, pero hindi pa sa ngayon" bawi ko sa kaniya, natawa na lang siya dahil nagamit ko sa kaniya ang linyahan niya kanina.
"Bahala ka, basta dapat matuwa si manager Gian natin" ngiti niya na animo'y binaback-stab namin ngayon si Gian. Natawa na lang ako at ibinalik ko na ulit sa bag ko ang dalawang cassette tape na iyon saka tumayo na. Pero napatigil ako at muli kong binuksan ang bag ko saka napatitig sandali sa dalawang cassette tape. Hindi ko malaman kung ano ba ang dapat kong iparinig sa kaniya. Ano ba ang kantang una niyang dapat marinig?
Sa huli, inabot ko sa kaniya ang 'Lost in Your Love' saka ibinalik sa loob ng bag ko ang 'Just Stay'. "Pakinggan mo, ibalik mo na lang sa'kin bukas sa practice" sabi ko, ginagawa ko ang lahat upang hindi mahalata sa mukha na excited akong marinig niya iyon.
Kinuha naman niya sa kamay ko ang cassette tape na iyon at sandali itong tinitigan. "Wag mo sisirain 'yan ha" bilin ko pa sa kaniya at akmang aalis pero napatigil ako nang magsalita siya.
"Anong oras ka pala makakauwi mamaya?" tanong niya, ilang segundo pang nagtalo ang isip at puso ko kung dapat ba akong lumingon o hindi. Sa huli, nagwagi ang puso ko at dahan-dahang napalingon sa kaniya. "B-bakit? Magkakasakit ka na naman----" hindi ko na natapos ang sasabihin ko kasi bigla siyang nagsalita habang nililigpit ang gamit niya.
"Mamayang gabi, hintayin mo ko" sabi niya sabay tayo, isinuot na niya ang bag niya saka naglakad papunat sa kabilang direksyon. Naiwan naman akong tulala na nakatayo roon, hindi ko na talaga malaman kung anong tumatakbo sa isipan ni Leo at kung anong gusto niyang ipahiwatig.
***
7 pm na ng gabi, hindi pa rin kami tapos sa pag-finalize ng program at activity plan para sa Nutrition month. Sumasakit na ang kamay ko sa kakasulat, maging si Tim ay sumuko na rin. "Bakit kasi nasira ang photocopy machine natin dito sa school. Kailangan pa tuloy nating isulat 'to isa-isa" reklamo ni Tim na halos maiyak na. Magkatabi kami habang nagkalat sa mga upuan ang mga papel na pinagsulatan namin ng announcements.
Abala rin ang iba naming kasama sa student council sa pagsusulat, ang iba ay panay na ang hikab at halatang naiiyak na rin sa sakit ng kamay at ngalay. Napatingin kami ni Tim kay Chelsea na sa dami ng nasulat ay hindi man lang nagreklamo o sumuko. "Iba talaga si Chels no? bigla tuloy akong nahiya magreklamo kasi ang president natin walang karekla-reklamo" bulong sa'kin ni Tim, maputi siya at bilugan ang mata niya na parang may eyeliner sa mata pero wala naman.
Ilang sandali pa, napapansin namin na parang hindi mapakali si Chelsea. Panay ang tunog ng kaniyang pager. Inunat ni Tim ang ulo niya para masilip kung anong nakasulat sa pager ni Chelsea pero agad ko siyang sinaway. "Wag ka ngang tsismosa diyan" saway ko sa kaniya.
"Umuwi na tayong lahat, bukas na lang natin 'to ituloy" saad ni Chelsea, nagkatinginan naman kaming lahat. "Kaya lang may pupuntahan kami bukas, Saturday e" reklamo ng isa, sumang-ayon naman ang iba maging kaming dalawa ni Tim ay tumango-tango rin. Kailangan kong makapunta sa band practice namin.
"Sige, sa Monday na lang ulit. Magpatulong tayo sa ibang section" ngiti ni Chelsea bagay na ikinatuwa namin. Isa sa mga dahilan kung bakit gusto namin si Chelsea at masaya siya maging leader dahil hindi niya kami pinipilit at palagi niyang hinihingi ang panig at opinion namin.
Tumayo na kaming lahat at nagsimulang magligpit. Inikot-ikot naman ni Tim ang kamay niya na muntik pa akong mataan. Ilang minuto pa kaming nagligpit at naglinis doon bago lumabas sa classroom. Natanaw na namin agad si kuya guard na naghihintay sa labas ng pinto at mukhang kanina pa siya excited na i-lock ang classroom.
Nauna nang bumaba sina Tim at Chelsea kasama ang iba pa naming kasama sa student council dahil dumerecho pa ako sa C.R para mag-suklay, maglagay ng pulbo at lip balm. Inayos ko rin ang pagkaka-ribbon ng uniform ko at pinantay ko rin ang makukulay na clip sa ulo ko.
Hindi ko namalayan na ilang minuto rin pala ang itinagal ko sa C.R dahil sa kaartehan ko. Naglagay din ako ng pabango na halos ipaligo ko na. Lumabas na ako sa C.R at napapadyak ako dahil biglang umulan. Hindi pa naman umuulan kanina bago ako pumasok sa banyo. Pero okay lang, sigurado namang may dalang payong si Leo.
Masaya akong bumaba ng hagdan at dumerecho muna sa faculty room kung saan nakalagay ang public telephone. Dinukot ko sa bulsa ang ilang barya pero hindi na sapat iyon kaya binuksan ko ang bag ko para kunin ang wallet ko. At dahil sa dami ng nakalagay na papel sa bag ko, hindi ko makita ang wallet ko.
Inilapag ko ang bag ko sa isang mahabang mesa na puno ng mga cassette tapes na nakakalat. Naglinis ng faculty room ang ilang teachers kung kaya't naipon doon ang mga cassette tapes nila. Halos ilabas ko na ang lahat ng gamit ko sa bag makuha lang ang wallet ko na napunta sa pinaka-ilalim.
Tumawag na ako sa telepono, nakadalawang ulit pa bago nasagot ni mama "Mama, pauwi na po ako, nandiyan na po si Axel?"
"Oo, nasundo ko na si Axel. Sandali, may byahe pa ba ang jeep at tricycle ngayong gabi? Susunduin na lang kita diyan"
"Wag na ma, kasabay ko naman si Leo pauwi" napangiti ako sa sarili sa ideyang iyon. Sinabi rin naman niya kanina na hintayin ko siya.
"Si Leo? Kasama na sa student council si Leo?"
"Ah... Nag-practice sila ma sa swimming" sagot ko na parang hindi sigurado. Gusto kong paniwalain ang sarili ko na may practice si Leo kaya sabay kami para hindi ako umasa pero alam ko namang wala silang practice ngayon.
"O'sige, mag-iingat kayo sa pag-uwi ha, ipagluluto ko na lang kayo ni Leo"
Napatango naman ako kahit pa hindi naman iyon makikita ni mama mula sa kabilang linya "Opo, ma" halos mapunit ang mukha ko sa sobrang ngiti nang ibaba ko ang telepono. Nagulat naman ako nang biglang sumulpot si kuya guard sa likod ko.
Poker face lang ang mukha niya at parang papagalitan niya ako dahil telebabad ako sa telepono. "Mga kabataan talaga" saad niya habang napapailing. Nilagay ko na lahat ng gamit ko sa bag at mabilis na umalis doon sa takot na masermonan niya.
Nakita ko namang kumuha lang siya ng tatlong cassette tape mula sa mga nakakalat sa ibabaw ng mesa. Nagpatuloy na ako sa paglalakad sa mahabang hallway habang dahan-dahang bumabagsak ang ulan. Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi ko nang matanaw ko si Leo mula sa malayo.
Nakasandal siya sa pader habang nasa tabi niya ang isang payong. Suot niya ang itim na short na gamit niya pang-basketball at puting T-shirt. Hawak niya ang Walkman habang nakasalpak sa tenga niya ang dalawang earphones. Mas lalong lumaki ang ngiti ko sa pag-asang ang kanta ko ang pinapakinggan niya ngayon.
Binagalan ko lang ang lakad ko dahil balak ko sana siyang gulatin. Hindi niya pa ako nakikita dahil nakatitig lang siya sa case ng cassette tape na sigurado akong akin. Sinulat ko rin sa loob niyon ang lyrics ng kanta. Gusto kong maramdaman niya na ang kantang iyon ay ginawa ko para sa kaniya.
Ilang sandali pa, napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang pag-play ng pamilyar na kanta mula sa di-kalayuan. Sigurado ako na ang kantang iyon ay ang 'Just Stay' na isinulat ko para kay Leo. Agad kong binuksan ang bag ko at nanlaki ang mga mata ko nang makita na ibang folk dance na cassette tape ang nadampot ko kanina at nailagay pabalik sa bag.
Napalingon ako sa likod kung saan natanaw ko si kuya guard na siyang nagsalpak ng cassette tape ko sa cassette niya. Umaalingangaw ngayon sa buong paligid ang kantang isinulat at inawit ko. Akmang maglalakad ako papunta kay kuya guard para kunin ang cassette tape ko pero napatigil ako nang marinig kong may nagsalita mula sa likuran.
"Leo" dahan-dahan akong napalingon sa likod nang marinig ko ang boses ni Chelsea. Hindi nga ako nagkamali dahil siya nga iyon.
Nakatayo siya sa tapat ni Leo, "Yung tungkol pala noong isang gabi" patuloy niya. Tinanggal na ni Leo ang earphones sa tenga niya. "Gusto rin kita makausap" saad ni Leo. Sa pagkakataong iyon, parang biglang tumigil ang takbo ng paligid ko habang nakatingin sa kanilang dalawa.
Kasabay ng pagtunog sa paligid ng kantang isinulat ko para sa kaniya ay naroroon ako mag-isa. Nakatayo sa mahabang pasilyo sa gitna ng ulan habang tinatanaw ang katotohanang si Leo ay hindi pala para sa isang Aries na tulad ko.
************************
#LeoAndAries on twitter
Note: Pakinggan niyo ang kantang ito na pinamagatang "Just Stay" original song by Lyle Mesina. Please like, subscribe and comment. Maraming maraming Salamat!
https://youtu.be/8bE31ViK-00
"Just Stay by Lyle Mesina"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top