Chapter 15

[Chapter 15] Featured Song: "Farewell Love" by Elli and Josh

"Opo. Ako na lang po muna ang bahala kay Aries" nakatayo si Leo sa labas ng kwarto niya habang nakahiga ako sa kama niya at nakataklob ng kumot. Inangat ko ng kaunti ang kumot, naroon pa rin siya sa tapat ng telepono habang kausap si mama. Alam kong tinawagan niya si mama para sabihin na hindi ako uuwi sa bahay ngayon gabi dahil ayoko talaga.

"Narinig ko sa balita, wala na kayong pasok bukas dahil sa bagyo" saad ni Lolo Gil, naglalakad na ito papasok sa kwarto niya. Tumango pa ng dalawang beses si Leo habang kausap si mama sa telepono saka ibinaba iyon ng dahan-dahan. "Ilalatag ko na 'yung sapin sa baba" patuloy ni Lolo Gil saka lumingon sa kwarto ni Leo kung nasaan ako.

"Okay na ba si Aries? Ano bang nangyari?" nakita kong napayuko si Leo, bakas sa mukha niya na nagdadalawang-isip siya kung sasagutin niya ba ang tanong ng lolo niya. Nang dalhin niya ako dito kanina, sinabi lang niya kay lolo Gil na masyadong malakas ang bagyo at masama na ang pakiramdam ko.

"Nilalagnat po siya" iyon lang ang sinabi ni Leo saka pumasok sa banyo. Hindi pa siya nakakapagpalit ng damit dahil inuna niya ako bigyan ng tuyong tshirt at pajama niya. Inuna niya ring ayusin ang kama niya para makahiga na ako at inuna niya ring tawagan si mama dahil kahit hindi ko sabihin, alam niyang ayokong umuwi sa bahay.

"O'siya, magluluto ako ng mainit na lugaw sa baba" saad ni lolo Gil at akmang bababa na pero agad nagsalita si Leo mula sa banyo at nagmamadaling lumabas doon. Tapos na siyang magpalit ng damit. "Lo, ako na po. Magpahinga na po kayo" wika niya saka mabilis na bumaba sa kusina.

Ang bigat ng pakiramdam ko, ang init ng mga mata ko na hanggang ngayon ay hindi pa rin maawat sa pagpatak ng luha kahit anong pigil ko. Hindi pa rin mabura sa isipan ko ang nakita ko kanina...

"Salamat, hindi mo naman kailangang gawin 'to. Kaya ko namang umuwi" saad ng babae, napatingin ako kay Leo, kitang-kita ko ang matinding pag-aalala sa mukha niya. Lilingon na dapat ako sa likod nang bigla niya akong yakapin at hinawakan niya ang ulo ko upang hindi ako makalingon.

"Wag mo na tingnan Aries, please" saad ni leo at niyakap niya ako ng mahigpit. Parang biglang nanghina ang tuhod ko, kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay tuluyan na ring bumagsak ang mga luha ko. Nakatalikod man ako at pilit na pinipigilan ni Leo na huwag lumingon sa kanila. Nakita ko pa rin sa repleksyon ng salamin ng telephone booth si Mayor Simor at hinalikan niya si mama.

Parang biglang nanghina ang buong katawan ko ngunit naroon din ang parang isang malakas na pitik dahilan upang matauhan ako at gusto kong sugurin silang dalawa. Sinubukan kong kumawala mula sa pagkakayakap ni Leo pero hindi niya ako binitawan.

Pilit ko siyang tinulak papalayo para mapuntahan ko si mama at mayor Simon. Gusto kong itulak si mayor Simon papalayo kay mama, gusto kong paghiwalayin silang dalawa. Gusto ko silang sigawan at isumpa. Pero hindi ako hinayaan ni Leo gawin iyon, hindi niya ako binitawan hanggang sa makaalis na si mayor Simon at makauwi na si mama sa bahay.


Madilim ang buong bahay nila Leo, halos wala ring kuryente ngayon sa buong barangay dahil lumakas na ang ulan at hangin. Ayon kay lolo Gil kanina, may bagyo raw at nagtumbahan ang ilang poste sa kalsada. Maliit lang ang kwarto ni Leo pero malinis ito. May isang kandila siyang iniwan sa tabi ko. Nakadikit sa pader ang mga paborito niyang banda at singer. Nasa gilid din ang nakasandal ang gitara niya at maayos na nakahelera sa maliit na mesa ang mga notebook niya kung saan niya sinusulat ang mga kantang sinusulat niya.

Ilang sandali pa, narinig ko na ang mga yapak niya paakyat at dahan-dahan siyang pumasok sa kwarto. "Aries" panimula niya saka inilapag ang isang mangkok ng mainit na lugaw sa maliit na mesa, isang basong tubig at gamot.

"Kailangan mong kumain para makainom ka ng gamot" patuloy niya saka umupo sa gilid ng kama. Kung minsan nakakagulat ang malakas na hampas ng ulan at hangin sa bubuong nila na gawa sa yero. Inusog niya ang kandila saka kinuha ang mangkok at kutsara. "Tataas ang lagnat mo kapag hindi ka nakainom ng gamot" dagdag niya pa.

Napahinga na lang ako ng malalim, mabilis kong pinunasan ang mga luha ko saka bumangon at naupo. Susubuan sana ako ni Leo pero kinuha ko sa kamay niya ang mangkok at kutsara. "M-mainit pa 'yan" wika niya, hindi ko alam pero mas lalo akong naawa sa sarili ko. Sanay naman kami ni Axel mag-isa sa bahay pero mas masakit pala malaman na kaya pala madalas ginagabi at kung minsan ay hindi nakakauwi ng bahay si mama ay dahil sa isang lalaki.

Tahimik lang kaming dalawa, nagsimula akong kumain pero hindi ko pa rin mapigilan ang mga luha ko na nakikisabay sa mainit na lugaw. Sobrang bigat sa dibdib na parang dinudurog ng dahan-dahan ang puso ko dahilan upang hindi na ako makahinga ng maayos.

"S-sorry" wika niya sabay yuko, napatigil ako sa pagkain ng lugaw pero hindi ko nagawang tumingin sa kaniya. "Naalala mo 'yung sinabi ko sa inyo dati na may problema si Chelsea? Ang totoo niyan, nakita ko lang siya noon umiiyak mag-isa pagkatapos ng swimming practice namin. Nalaman ko kung bakit siya umiiyak. Sinabi niya sa'kin na may gustong babae ang papa niya" napatitig lang ako sa lugaw habang sumasayaw ang liwanag ng apoy mula sa kandilang nakapatong sa maliit na mesa.

"Lumipas ang ilang araw, sinabi sa'kin ni Chelsea na nakita na niya ang babaeng tinutukoy ng papa niya. Pinakilala na sila sa isa't isa. Nagpatuloy siya sa pagkwento, alam kong ayaw niya rin ikwento sa iba ang tungkol sa papa niya dahil makakasira ito sa pangalan nila pero kinuwento niya sa'kin na mabait daw at gusto na rin niya ang babaeng gusto ng papa niya" naramdaman ko ang dahan-dahang pagtulo ng luha ko kahit pa walang kurap lang akong nakatitig sa lugaw at nakikinig sa mga sinasabi niya.

"Hindi alam ni Chelsea na si tita Glenda ang mama mo. Hindi ko rin alam noon na iisa lang sila. Hanggang sa nakita kong kasama ni tita Glenda si Chelsea sa bayan at sumakay sila sa kotse ni mayor Simon. Hindi nila ako nakita, pero sa oras na 'yon alam ko na ang Glenda na tinutukoy ni Chelsea ay ang mama mo pala" napayuko muli siya, ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Ayoko na marinig ang lahat. Sa ngayon, ayoko munang marinig ang pangalan ni mama, ni mayor simon at ni Chelsea.

Inilapag ko sa gilid ang mangkok saka bumalik sa pagkakahiga sa kama at nagtaklob muli ng kumot. Hindi ko na mapigilan ang sunod-sunod na bagsak ng mga luha ko at ang paninikip ng puso ko sa tuwing pinipigilan kong umiyak. "Sorry, Aries. Patawarin mo ko kung hindi ko nasabi agad sayo. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nagsalita na ako.

"I-inumin ko na lang 'yung gamot mamaya" maging ang paghikbi ko ay hindi ko na rin magawang kontrolin. Mas lalong lumakas ang hampas ng ulan at hangin. Maging ang bintana sa kwarto ni Leo ay hindi na rin pilit na nilalabanan ito.

Hindi na nagsalita si Leo, ilang sandali pa, tumayo na siya saka naglakad sa pintuan. "Kung may kailangan ka, sabihan mo lang ako" dahan-dahan na niyang isinara ang pinto at muli akong nabalot ng dilim at kalungkutan.

***

Kinabukasan, naalimpungatan ako sa pagpasok ni Leo sa kwarto at hinawakan niya ang noo ko para tingnan kung bumaba na ba ang lagnat ko. Narinig kong napabuntong-hininga siya saka tumayo at kinuha niya ang lugaw kagabi na hindi ko na naubos pero ininom ko pa rin ang gamot.

Nang makalabas na siya sa kwarto, dahan-dahan akong bumangon. Umuulan pa rin pero hindi na ganoon kalakas tulad kagabi. Isinuot ko na ang tsinelas ko na nasa ilalim ng kama. Hinawakan ko ang noo at leeg ko, wala na akong lagnat at hindi na rin ganoon kabigat ang pakiramdam ko.

Tumayo na ako saka naglakad papalabas sa kwarto. Naabutan ko si lolo Gil na abala sa pagluluto sa kusina. Napatigil siya nang makita ako, "Oh, Aries. Okay ka na ba?" inilapag niya sa mesa ang bagong lutong lugaw. Naalala kong hindi sinabi ni Leo sa lolo niya kagabi ang totoong dahilan. Sandali kong tiningnan si lolo Gil saka tumango sa tanong niya.

"Halika na, kumain ka na dito para makainom ka na ulit ng gamot" aya ni lolo Gil saka kumuha ng mga baso. "S-salamat po lolo pero kailangan ko na po umuwi. Baka hinahanap na po ako ni mama" saad ko, tumango-tango naman si lolo Gil. "O'siya, siguradong nag-aalala na ang mama mo. Pahatid ka na lang kay Leo, gamitin niyo 'yung malaking payong sa labas" tumango at muling nagpasalamat kay lolo Gil saka bumaba na sa hagdan.

Naabutan ko si Leo sa pintuan habang nililipat sa mataas na shelves ang mga cassette tapes at songbook para hindi mabasa ng tubig dahil may pumasok na tubig ulan sa loob ng bahay nila. Napatigil si Leo sa ginagawa niya nang makita ako, "Aries, okay na ba pakiramdam mo?" wika niya saka mabilis na naglakad papalapit sa'kin. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang matinding pag-aalala.

Hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay hindi ako nakapagsalita. Nanatili lang akong nakatingin ng derecho sa mga mata niya na parang gusto kong umiyak muli. Pero sa halip na tumulo ang luha ko ay nagawa ko nang pigilan ito, "Uuwi na ko" iyon lang ang nasabi ko saka nagpatuloy sa paglalakad papunta sa pintuan.

"Sandali" pigil ni Leo sabay hawak ng marahan sa braso ko, "Okay ka na ba?" hindi ko alam kung paano sagutin ang tanong na iyon. Pinili kong huwag siyang lingunin "H-hindi naman niya nakita na nandoon tayo kagabi. Hindi niya alam na nakita ko lahat" ang bigat sa puso na parang iniipit ang dibdib ko at hindi na naman ako makahinga.

Hindi pa rin binitawan ni Leo ang braso ko ngunit mas lumuwag na ang pagkakakapit niya. "Kung anuman ang gusto mo ng gawin ngayon mas mabuti kung kakausapin mo ng maayos ang mama mo. Baka may dahilan kung bakit niya nilihim sa inyo ni Axel" inalis ko na ang braso ko sa pagkakahawak niya.

"Iniisip ko lang si Axel, bata pa siya para maintindihan lahat ng ito. Alam kong gusto mong umalis sa bahay niyo ngayon at lumayo sa mama mo pero paano si Axel? hindi ba't mas mabuti kung aalamin mo mula sa kaniya kung bakit hindi niya sinabi sa inyo?" patuloy ni Leo, ramdam ko muli ang panginginig ng kamay ko at pamamanhid nito.

"Aries..." tawag muli ni Leo, ipinikit ko na lang ang mga mata ko saka napahawak sa tapat ng dibdib ko at mabilis na naglakad papalabas ng bahay nila. Hindi ko na alintana ang patuloy na pagbagsak ng ulan, mabilis akong naglakad hanggang sa namalayan ko na tumatakbo na ako papunta sa bahay.

"Aries!" tawag muli ni Leo hanggang sa hawakan niya ang kamay ko para pigilan ako. May hawak siyang payong, "Mabibinat ka niyan" patuloy niya saka pinahawak sa kamay ko ang payong. "Hayaan mo na ko, Leo" hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Gustong-gusto ko na ngayon tanungin si mama at ipakita sa kaniya na nasasaktan ako.

Napatingin si Leo sa labas ng bahay namin na ngayon ay may dalawang kotseng nakaparada roon. "Aries, please wag mong saktan ang sarili mo. Wag mong hayaan masira lahat" habol ni Leo pero binitawan ko lang ang payong na binigay niya saka tumakbo ng mabilis papasok sa bahay.

Magkahalong luha at galit ang nararamdaman ko ngayon. Gusto kong harapin si mama at ilabas lahat ng galit ko. Ang daming senaryong pumasok sa isipan ko habang tumatakbo papunta sa bahay, siguradong magugulat si mama dahil alam ko na. Hihingi siya ng tawad at sasabihin niyang nagkamali siya pero alam kong hindi matatapos doon dahil hindi lang sa paghingi ng tawad mawawala ang lungkot at galit na nararamdaman ko. Nagsinunggaling siya sa amin at binalewala niya ang alaala ni papa.

Pagbukas ko ng pinto, napatigil ako nang marinig ang malakas na tawanan ng dalawang kaibigan ni mama na masayang umiinom ng kape sa salas. Napatigil sila nang makita ako, "Aries? Anong nangyari sayo?" tanong ni tita Lea na siyang matalik na kaibigan ni mama. Nakasuot ito ng white dress na siyang suot niya sa tuwing nagsisimba sila.

"Pasok na hija, nako magkakasakit ka niyan" wika ni tita Trina na tumayo pa at isinara ang pinto sa likod ko. Matalik din siyang kaibigan ni mama. "Naalala niyo 'yung regalo ng teacher natin dati---" hindi na natapos ni mama ang sinasabi niya habang naglalakad papunta sa salas dahil napatigil din siya at napatingin sa'kin.

"Anak, anong nangyari sayo? Bakit basang-basa ka sa ulan?" gulat na saad ni mama saka mabilis na inilapag sa mesa ang dala niyang sandwhich saka lumapit sa akin at hinawakan ang mukha ko. "Namumutla ka na, halika magpalit ka na. Magkakasakit ka niyan" patuloy ni mama, bakas sa mukha niya ang pag-aalala saka hinawakan ang braso ko at akmang alalayan ako papunta sa kwarto pero tumigil ako sa paglalakad dahilan upang mapalingon siya.

"Bakit Aries? Bilisan mo, magpalit ka na ng damit, lalamigin ka niyan" ulit pa ni mama sabay hila muli sa'kin pero hindi ako umalis sa kinatatayuan ko at nakatingin lang ng derecho sa kaniya. Napansin kong nagtataka nang nakatingin sa amin ngayon sina tita Lea at tita Trina, katulad ni mama ay naguguluhan din sila at hindi nila mabasa ang gustong iparating ng aking mga mata.

"Aries, pinayagan kita mag-overnight kina Leo kagabi. Hindi na kita papayagan sa susunod kung magpapaulan din kayo ng ganito" seryosong saad ni mama, hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon ay parang biglang umurong ang dila ko. Hindi ko siya magawang sigawan o tanungin tungkol sa relasyon nila ni mayor Simon.

Lalo nang bumaba sa hagdan si Axel na bagong gising lang. Kinukusot pa nito ang mata niya, "Ang laki na ni Axel! Nako, kamukhang-kamukha siya ni Luis" ngiti ni tita Lea saka lumapit kay Axel at binuhat ito. Parang tinusok ng karayom ang puso ko nang marinig ko ang pangalan ni papa. Si papa na nakahimlay na ngayon pero nagawa pang balewalain ni mama.

Nagtatakang nakatingin sa akin si Axel, "Ate, naligo kayo sa ulan? Bakit hindi niyo ko sinama" wika niya habang buhat ni tita Lea, sabay na natawa si tita Lea at tita Trina sa sinabi ni Axel. Maging si mama ay napangiti rin, "Ito nga oh, papaluin ko ang ate mo kasi nagpaulan nang hindi nagpapaalam sa'kin" saad ni mama na nakangiti sabay pisil sa pisngi ni Axel at kinuha na niya ito sa kamay ni tita Lea.

Sa pagkatataong iyon, parang bigla akong nanghina nang makita si Axel. Ang pagiging inosente niya at pagkakaroon ng payapang buhay kasama ako at si mama. Tama nga si Leo, hindi ko dapat sirain iyon. Masyado pa siyang bata upang maintindihan ang lahat. Masyado pa siyang bata para malaman na pwedeng kalimutan ni mama si papa para sa ibang lalaki.

Napatitig din ako sa reaksyon nina tita Lea at tita Trina na parehong natutuwa at humahanga kay mama dahil naitataguyod niya kaming dalawa ni Axel kahit wala na si papa. Ito pala ang gustong ipahiwatig ni Leo, na wag kong sirain ang lahat. Siguradong magiging tampulan ng tsismis at panghuhusga si mama mula sa maraming tao kapag nalaman nila na may relasyon si mama at mayor Simon.

At higit sa lahat, hindi ko kakayaning masaktan din si Axel kapag nalaman niya ang lahat. Hindi ko hahayaang mabigyan ng pagkakataon si mayor Simon na tumayo siyang ama para kay Axel. Hindi ako papayag na maging iisang pamilya kami.

"Aries, magpalit ka na doon sa taas" wika muli ni mama dahilan upang matauhan ako. Napatingin din sa'kin ang dalawa niyang kaibigan at si Axel na ngayon ay nakaupo na sa sofa. Tumango na lang ako bilang tugon kay mama saka dahan-dahang umakyat sa hagdan. Ngunit nakakatatlong hakbang pa lang ako pataas, napatingin ako sa pinto kung saan nakatayo sa labas ng screen door si Leo. Tumango siya sa'kin bilang pag-sangayon sa ginawa ko.

Siguro ay panatag na ngayon ang loob niya dahil nagawa kong kontrolin ang galit ko, hinarap ko si mama ng maayos at hindi ko ito pinahiya sa harap ng mga kaibigan niya. Ngayon naiintindihan ko na kapag mahal mo talaga ang isang tao, kahit nagawan ka nito ng bagay na hindi mo nagustuhan, magagawa mo pa rin siyang protekatahan sa mata at panghuhusga ng ibang tao.

***

Mag-isa lang ako sa kwarto, patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan. Wala pa rin sigurong pasok bukas. Pinili kong umupo sa sahig at pagmasdan ang mga larawan namin noon kasama si papa. Patuloy ang pagbagsak ng luha ko habang hinahawak ang larawan namin ni papa. Sa isang larawan, nakaupo kami sa labas ng bahay habang tinuturuan niya ako gumamit ng gitara.

Sa isang larawan naman ay sanggol pa ako, buhat ako ni papa sa altar ng simbahan pagkatapos ng binyag. May larawan din kami sa Luneta park kung saan hawak ko ang kamay ni mama at papa at may lobong nakatali sa braso ko. May larawan din na pareho kaming nakatawa ni papa habang buhat niya ako at isinasakay sa laruang kabayo.

Ang lahat ng ito ay alaala na lamang. Alaala na kailanman ay hindi ko ibig kalimutan. Napatigil ako nang biglang magsalita si mama, "Namimiss ko na rin siya" hindi ko namalayan na nakatayo siya sa tapat ng pintuan ng kwarto ko. Agad kong niligpit ang photo album at ipinasok iyon sa ilalim ng kama.

"Okay na ba pakiramdam mo?" patuloy ni mama at akmang hahawakan ang noo ko pero agad akong umiwas, humiga na ako sa kama at nagtaklob ng kumot. "Magluluto ako ng nilagang baka mamaya para makatikim kayo ni Axel ng sabaw" saad ni mama saka umalis na sa kwarto ko. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at pinakinggan ang patuloy na pagbagsak ng ulan.

***

Kinabukasan, alas-otso na ako nagising. Parang umaapoy ang mata ko at ang sakit ng buong katawan ko. Napatingin ako kay Axel na naglalaro ng Gameboy habang nakahiga sa sahig ng kwarto ko. "Lola, gising na po si ate!" sigaw ni Axel na dali-daling tumayo at bumaba sa hagdan.

Ilang sandali pa, bumalik si Axel kasama si lola Amor. "Kamusta na pakiramdam mo hija?" tanong ni lola Amor saka hinipo ang noo at leeg ko. "Nako, nilalagnat ka pa rin" nag-aalalang saad nito saka kinuha ang maliit na palanggana na pinaglagyan ng tubig at alcohol. "Nagluto ang mama mo ng nilagang baka kagabi kaso hindi ka raw gumising kaya ininit ko ngayong umaga" saad ni lola Amor. Napatigil pa ito sa tapat ng pintuan at muling lumingon sa'kin bitbit ang maliit na palanggana at bimpo. "Hindi ka na pala ginising ng mama mo kasi mahimbing pa raw tulog mo at kailangan mo magpahinga. Maaga siyang umalis kanina, sinundo siya ng maaga ng mga kasamahan niya sa trabaho" dagdag ni Lola Amor, tumalikod na ito at bumaba ng hagdan ngunit kinakausap niya pa rin ako. "O'siya, kunin ko lang sa baba, ininit ko na 'yon"

"Wala bang pasok Axel?" tanong ko kay Axel na nakaupo na ulit sa sahig at naglalaro ng gameboy. "Wala kaming pasok ate pero meron kayo" tugon niya habang titig na titig at gigil na gigil sa nilalaro niyang Gameboy.

Grade 2 pa lang si Axel, suspended ang klase sa elementary. Samantala, may pasok pala ang high school. "Dumaan pa po si kuya Adrian kaninang umaga dito. Nakita niyang tulo laway ka ate" halakhak niya, humiga na lang ulit ako sa kama. Kung minsan mas okay na hindi na lang kumikibo si Axel kasi may pagkamakulit din siya.

Alas-kwatro ng hapon. Nagising ako nang marinig ang ingay mula sa baba at ilang sandali pa sunod-sunod na ang pag-akyat ng ingay sa hagdan. "Bakit kasi kayo nag-paulan ni Aries? Ganiyan napapala niyong hindi mga nagyayaya na maliligo pala sa ulan" narinig kong bulong ni Gian pero hindi ko masabi kung bulong ba iyon dahil masyadong malakas dahilan upang batukan siya ni Adrian.

"Ang ingay mo, kitang natutulong si Aries oh" suway ni Adrian, "Sa baba na muna tayo" saad ni Leo. Ilang sandali pa narinig ko ang mga yapak nila pababa ng hagdan. Narinig ko pang humirit ng merienda si Gian na ikinatuwa naman ni lola Amor dahil gusto-gusto niyang paghandaan kami ng merienda.

Sumapit na ang hapunan pero pinagbawalan sila ni lola Amor na umakyat sa kwarto ko dahil hindi pa ako magaling at baka mahawa pa sila. Alas-otso na ng gabi nang marinig kong umalis na sina Gian at Leo. Nagpaalam si Leo dahil babalik pa siya sa Gimik resto bar para magtrabaho.

Tatlong magkakasunod na katok sa pinto ang sunod kong narinig makalipas ang ilang minuto. "Aries, kain ka na" saad ni Adrian bitbit ang isang tray na naglalaman ng kanin at nilagang baka. Inilapag niya ito sa maliit na mesa na nasa tabi ng kama ko.

"Alam kong gising ka na... Kanina pa" dagdag niya, wala pa sana akong balak bumangon pero naramdaman ko na rin ang pagkalam ng sikmura ko. "May assignment pala tayo sa English, pero sinabi na namin kanina kay Ms. Leth na may sakit ka kaya ka absent. Sabi niya, magpagaling ka raw agad"

"Oh, eto" inabot niya sa'kin ang pagkain, kinuha ko na iyon at nagsimula na akong kumain. "Kanina inutusan ako ni lola bumili ng mantika. Pagdating ko sa tindahan nila manong Jude, naabutan ko doon si lolo Gil. Tinanong niya sa'kin kung okay na raw ba pakiramdam mo. Doon ka pala natulog sa kanila nung isang gabi" bigla akong nasamid, agad naman niyang inabot sa'kin ang isang basong tubig.

"W-wala na bang bagyo?" tanong ko, tumingin naman siya sa bintana ko na nakabukas na ngayon. "Wala na, hindi na umuulan" sagot niya sabay tingin muli sa'kin.

"Doon ka pala natulog kina Leo" ulit niya, nagpatuloy lang ako sa pagkain. "Bakit... Bakit hindi man lang kayo nagsabi? Edi sana naki-overnight din kami ni Gian kina Leo" patuloy niya. Napatigil ako sa pagkain at tiningnan ko siya, agad naman siyang umayos ng upo saka inilapit ang mangkok ng sabaw sa'kin.

"Biglaan lang 'yon" sagot ko, ngumiti naman siya saka sumandal ng maayos sa cabinet. "Alam ko, kaya nga hindi kayo nakapag-aya e" tawa niya, napatingin lang ako sa kaniya, tumigil na siya sa pagtawa. "Sige na kumain ka na" ngiti niya. Kung minsan hindi ko rin talaga maintindihan si Adrian.

Pagkatapos ko kumain, hindi na ako uminom ng gamot dahil maayos na ang pakiramdam ko. Bumaba ako sa salas, nanood kami ng dalang Jumanji DVD ni Adrian. Tuwang-tuwa si Axel sa mga hayop sa palabas. Sandali kong nakalimutan ang mga problema ko dahil kung minsan ay natatawa ako ng kaunti sa reaksyon nina Adrian at Axel habang pinapanood namin ang pelikulang iyon.

Alas-diyes na ng gabi nang dumating si mama, patapos na rin ang pelikula. Agad niyang hinalikan si Axel sa pisngi at hinalikan niya ako sa ulo pero hindi ako kumibo. "Okay ka lang ba Glenda?" tanong ni lola Amor kay mama, nasa kusina sila. Napalingon ako sa kanila, kumuha ng tubig si mama saka uminom ng biogesic.

"Medyo masakit lang po ang ulo ko lola Amor, itutulog ko lang po ito" tugon ni mama at nagpasalamat na rin siya dahil binantayan kami ni lola Amor lalo na ako na nilalagnat kanina. Pagkatapos ng pelikula, umakyat na ako sa kwarto, hindi ko namalayan na sumunod pala sa akin si Adrian.

"Aries" tawag niya, nakatayo siya sa tapat ng pintuan ko, isasara ko na dapat ang pinto pero nakaharang pa rin siya doon. Tumingin ako sa kaniya, hinihintay ko kung ano man ang sasabihin niya. "Kung gusto mo ng kausap, nandito lang ako. Pwede mong sabihin sa'kin lahat" sandali akong napatitig sa mga mata niya. Alam na ba niya?

"Sige na, magpahinga ka na. Wag ka na lang muna pumasok ulit bukas baka mabinat ka pa. Ipapaalam ka na lang namin ulit kay Ms. Leth" ngiti niya saka bumaba na sa hagdan. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makababa siya at makalabas sila ni lola Amor sa bahay.

***

Araw ng biyernes, pumasok na ako sa school. Marami na rin akong assignment na hahabulin. Mabuti na lang dahil nabawasan na rin ang pagiging mataray ni Ms. Leth na siyanga adviser namin at tinanggap niya lahat ng mga hinabol kong schoolworks.

Naging abala rin kami sa paghahanda para sa United Nation para susunod na linggo. Hindi na lang ako masyado nagsasalita kapag nag-memeeting kami sa student council at kapag pinapaliwanag ni Chelsea ang buong plano at mga activities.

"Okay ka lang ba Aries?" natauhan ako nang tanungin ako ni Tim. Naglalakad kami papunta sa faculty para ihatid ang mga project proposals at plans na ipapapirma namin kay Mr. Conrado. "Ha? Ah... Oo naman" sagot ko, tumunog na ang bell, kasabay niyon ay naglabasan na ang mga estudyante na sabik na sabik nang umuwi. Ang ilan ay nagtakbuhan pa habang ang ilan naman ay mabilis na naglinis ng classroom para makalabas na rin sila.

"Para kasing wala ka sa sarili nitong mga huling araw. Madalas kang tulala at hindi mo rin minsan pinapansin si Chelsea... Sabagay, parang hindi na rin masyadong namamnsin si Chelsea ngayon" saad ni Tim, bago kami makarating sa faculty office napatigil ako sa paglalakad dahilan para mapalingon siya sa'kin.

"Ang totoo niyan, pinag-iisipan ko na ring umali sa student council" nagtaka si Tim sa sinabi ko pero tumawa rin siya. "Seryoso ba 'yan friend? 'Wag ka nga masyadong seryoso diyan" tawa niya pero unti-unti ring nawala iyon nang mapagtanto niya na hindi ako tumawa pabalik.

"Bakit ka aalis?" tanong niya sabay kapit sa braso ko. Kung minsan may mga pagkakataon na gusto nating sabihin sa lahat ang totoo. Ang tunay na dahilan kung bakit tayo malungkot. Pero madalas, naiisip din natin na mas mabuting ilihim na lang iyon lalo na kung masisira ang taong dahilan ng ating kalungkutan.

Pinili kong ngumiti pabalik sa kaniya, kahit papaano ayoko ring mag-alala siya sa akin. "Madalas na kasing wala si mama sa bahay. Wala kasama si Axel. Mag-rereview na rin sana ako para sa entrance exam natin pag college" napahinga naman ng malalim si Tim sabay ngiti at pumasok na kami sa loob ng faculty room.

***

Alas-kuwatro ng hapon, naglalakad ako kasama sina Gwen at Jessica na parehong naniwala na medyo hindi pa mabuti ang pakiramdam ko kaya wala akong kibo ng ilang araw. Nagkwekwentuhan sila tungkol sa article na lumabas kahapon mula sa isang miyembro ng Galaxy Storm.

"Aries!" napatigil kami nang matanaw si Adrian na kumakaway habang tinatawag ang pangalan ko. "Sige na Aries sumabay ka na sa kanila. Baka matuyo na ang lalamunan ni kidlat" saad ni Gwen at nagpaalam na sila ni Jessica dahil naroon na rin sa labas ng gate ang school service nila.

"Tara na, doon na tayo kumain sa gimik" ay ani Gian at pinaandar na niya ang kaniyang bisikleta. Ngumiti sa'kin si Adrian, umangkas na ako sa likod ng bisikleta niya. Alas-singko ng hapon nang marating namin ang bayan. Nahirapan kaming makapasok sa Gimik resto bar pero pinapasok na rin kami nang makita kami ni Sir Gab at ang punong-punong wallet ni Gian na puro barya.

Pagdating namin sa loob, dinaanan lang kami ni Joyce pero agad siyang tinawag ni Gian at umorder ng tatlong iced tea. "Anong meal?" tanong ni Joyce habang nakatingin sa maliit na notepad. Sumandal lang ng maayos si Gian sa upuan niya na parang isang hari. "Mani na lang, diba may libre kayong mani dito?" tiningnan lang siya ni Joyce, magsasalita pa sana ito ngunit ngumisi lang si Gian kaya napagdesisyunan niyang umalis na lang at wag nang makipagtalo sa orders.

Kasalukuyang may bandang tumutugtog sa stage, dinadama ni Gian ang musika habang si Adrian naman ay panay ang bulong sa'kin kung okay lang ba ako o kung gusto ko na umuwi. Hindi ko rin mapigilang tumingin sa kitchen area ng gimik sa tuwing bumubukas ang pinto nito dahil baka lumabas doon si Leo. Pero hindi ko siya nakita.

Ilang sandali pa, tumayo si Gian at humingi ulit ng mani. Nakipagtalo pa siya kay Joyce dahil pinaglalaban niya na libre naman ang mani kapag bumili ng drinks. Tumunog ang pager ni Adrian, agad niya itong binasa. Napansin kong biglang nag-alala ang mukha niya nang mabasa niya kung anong nakasulat doon. "Bakit?" tanong ko, napatingin siya sa'kin. "Nagpapabili ng gamot si lola Amor para kay lolo, umaatake na naman daw ang ubo ni lolo" tugon niya sabay tayo. Napatingin ako kay Gian na wala na doon sa counter area, inilibot ko ang mga mata ko pero hindi ko siya makita.

Tumayo na rin ako at sumunod kay Adrian sa labas. "Sandali, Adrian, sasama ako" tawag ko sa kaniya, napalingon siya sa'kin saka tumingin sa dalawang bouncer sa labas at ibinilin na lang niya na sabihin kay Gian na nauna n umalis dahil kailangan naming bumili ng ng gamot bago magsara ang mga botika sa bayan.

Nasa sentro ang botika malapit sa sinehan. Mabuti na lang dahil naabutan pa namin sila bago ito magsara. Kitang-kita ko ang pag-aalala sa mukha ni Adrian, nitong mga huling araw madalas na rin magkasakit ang lolo niya.

Nang makabili kami ng gamot sa botika. Agad tumawag si Adrian sa bahay nila at sinabi niyang nakabili na siya ng gamot. Naiwan ako sa labas ng telephone booth at nakatayo sa tabi ng bisikleta niya. Ilang sandali pa, ibinaba na niya ang telepono at lumabas na siya.

"Hahatid na kita sa gimik bar. Mauna na akong umuwi" saad niya sabay angkas sa bisikleta. "Sasama ako. Uuwi na rin ako" habol ko sabay upo sa likod. Napalingon siya sa'kin, "Hindi mo hihintayin si Leo?" napatigil ako, nakaugalian na namin na hinatayin si Leo sa gimik bar kapag biyernes para sabay-sabay kaming uuwi.

"Kasama naman niya si Gian" iyon na lang ang nasabi ko. Hindi ko masabi sa kanila na hindi pa rin ako handang harapin si Leo dahil bukod sa alam niya ang sikretong tinatago noon ni mama at mayor Simon. Pinili rin niyang ilihim iyon sa'kin at damayan si Chelsea.

Magsasalita pa sana si Adrian nang mapatigil siya at sinundan ang tingin ng isang pamilyar na kotse na tumigil malapit sa tapat namin. Nagulat kami nang makita si mayor Simon habang hawak ang kamay ni mama na nakabalot pa ng balabal pero alam naming pareho na si mama iyon.

Pasakay na sana silang dalawa sa kotse nang mapatigil si mama at makita kaming dalawa ni Adrian. Agad siyang bumitaw sa pagkakahawak ni mayor Simon sa kamay niya dahilan upang kausapin siya nito pero hindi niya sinagot. Ako na ang unang umiwas ng tingin saka bumulong kay Adrian na umalis na kami roon.

Natauhan sa gulat si Adrian nang hilahin ko ng marahan ang dulo ng uniporme niya habang ramdam ko na ang panginginig ng kamay ko at ang muling pagbagsak ng mga luha ko. "Aries!" narinig kong tawag ni mama at sinubukan niyang humabol sa amin pero mabilis nang pinaandar ni Adrian ang bisikleta papalayo.

Mabilis ang pagpadyak ni Adrian sa bisikleta niya. Ramdam ko ang malakas na salubong ng hangin sa amin dahil sa mabilis na pagpapatakbo niya nito. Hindi ko makita ang daan dahil napasubsob na lang ako sa likod niya at hindi ko na mapigilang mapahagulgol roon sa sobrang sakit na makita ko ulit na magkasama silang dalawa.

Parang nakasanayan na ni mama magsinunggaling. Ang pag-oovertime at business trip na palaging dahilan kung bakit ginagabi siya umuwi at kung minsan ay hindi siya nakakauwi ay puro kasinunggalingan lang para makasama niya ang lalaking iyon.

Ilang sandali pa, namalayan kong dahan-dahan na ang pagbibisikleta ni Adrian hanggang sa tumigil ito. Mula sa di-kalayuan ay narinig ko ang ingay mula sa perya na tinayo malapit sa bayan para sa nalalapit na fiesta.

Hindi siya umalisa sa bisikleta, hinayaan niya lang akong umiyak sa likod niya hanggang sa naramdaman kong sinimulan niyang ihagod ang ulo ko. Lumipas ang ilang segundo at minuto hanggang sa tumigil na ako sa pag-iyak. Barado na ang ilong ko at namamaga na rin ang mga mata ko.

Dahan-dahan akong bumitaw mula sa pagkakasubsob sa likod niya saka kinuha ang panyo sa bag ko at suminga roon. Naalala ko noon na siya rin ang kasama ko nung umiyak ako sa soccer field ng school. "Gusto mo ba ng iced pop? Sabi nila, masarap daw 'yung iced pop dito" panimula niya na parang hindi niya narinig ang paghagulgol ko kanina. Sa totoo lang, isa ito sa mga gusto kong ugali ni Adrian, hindi niya pinapakita na may problema. Palagi niyang pinapagaan ang sitwasyon para hindi ko isiping may problema.

Unti-unti nang luminaw ang mga mata ko hanggang sa makita ko ang nagagandahan at naglalakihang mga rides sa perya. Kakatayo lang nito kahapon at balak sana naming puntahan lahat ngayon pagkatapos ng shift ni Leo sa trabaho.

May ferriswheel, roller coaster, Vikings at bumper cars. Hindi rin mawawala ang kabi-kabilang mga activity booths na puro malalaking stuff toy at junk foods ang premyo. Naroon din ang ilang booth na nagsasabing may sirena at tikbalang sa loob. Nasakop din ng pinakamalaking booth ang BINGO kung saan naroon ang lahat ng matatanda.

Tumayo na ako sa bisikleta, gusto ko pa sanang umupo roon ng matagal at pagmasdan namin mula sa malayo ang makukulay na ilaw ng perya at ng mga rides kaya lang nakaramdam ako ng uhaw. Wala kaming dalag tubig kaya balak kong bumili na lang doon.

Sumunod naman sa akin si Adrian, hindi siya nagsasalita at hindi niya rin ako inaasar ngayon tulad ng paborito niyang gawin. Sa halip, pinili niyang tumahimik at kausapin ako nang hindi binibiro o nginingitian.

Naglakad kami papasok sa peryahan. Hila-hila niya ang kaniyang bisikleta habang nauuna naman ako sa paglalakad. Tumigil ako sa isang tindahan ng popcorn at bumili roon ng tubig. May mga batang nagtatakbuhan sa gitna habang ang ilan naman ay sabik na sabik sa makukulay na cotton candy na binebenta rin sa katabing tindahan.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang marinig ang pagtugtog ng isa sa sikat na kanta ng Galaxy Storm na "Farewell Love" sinundan ko ang musika hanggang sa masumpungan ng mata ko ang isang maliit na stage kung saan naroon ang isang lalaki na nasa edad tatlumpu na. May hawak itong gitara habang kinakanta sa tapat ng microphone ang unang liriko ng kanta.

Hindi ko namalayan na dinadala na ako ng aking mga paa papalapit sa kantang iyon. Tumigil ako sa tapat ng maliit na entablado habang pinagmamasdan ang umaawit at dinadama ang kantang iyon. Naalala ko pa noong una kong narinig ang kantang iyon, pinatugtog ni Leo sa cassette nila at sabay-sabay naming pinakinggan kasama sina Gian, Adrian at lolo Gil.

Grade 6 pa lang kami noon, hindi pa namin masyado maunawaan ang lyrics dahil para sa inosenteng bata na tulad namin ay hindi pa namin masyado maintindihan ang ibig ipahiwatig ng kanta. Pero ngayon, bawat letra at tono ng musika ng kantang iyon ay naghahatid ng matinding kalungkutan sa puso ko.

May ilang tumigil din at pinanood ang lalaking iyon na kumakanta sa gitna. Animo'y nabalot ng lungkot at saya ang lahat dahil minahal din ng karamihan ang kantang iyon na sinasabi nilang masyadong masakit hanggang sa dumating sa punto na wala ka nang maramdaman.

Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala si Adrian, nakatingin din siya sa lalaking kumakanta sa gitna at dinadama ang kantang iyon. Natauhan na lang ako nang magsalita siya, "Kapag natapos na ang kanta, kapag napagod ka na sa pakikinig nito. Kapag pagod ka ng masaktan at umiyak sa malungkot na kantang ito. 'Wag mo nang pindutin ulit ang play button. Mas makakatulong sayo kung pipindutin mo ang next button at pakinggan ang susunod na kanta" saad niya habang nakatingin sa stage. Napatitig lang ako sa kaniya, ngayon ko lang siya nakitang maging seryoso at magsabi ng mga bagay na ganoon kalalim.

Ilang sandali pa, tumingin siya sa akin dahilan upang hindi ko na maialis ang mga mata ko sa kaniya, "At sa susunod na kanta na iyong papakinggan, sigurado ako na hindi ka na papaiyakin at bibigyan ng kalungkutan ng bagong kantang iyon" patuloy niya habang nakatingin ng derecho sa mga mata ko.

Hindi ako nakapagsalita habang nakatingin sa kaniya at dahan-dahang kumikislap ang iba't ibang kulay ng ilaw na lumiliwanag sa paligid naming dalawa.


****************

#LeoAndAries on twitter

Note: Pakinggan niyo ang kantang ito na original song by Elli and Josh "Farewell Love". Please like, comment and subscribe to their youtube channel. Here's the link of the song:

https://youtu.be/dz04OxT-zLo

"Farewell Love" by Elli and Josh

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top