Chapter 13

[Chapter 13] Featured Song: "Gusto Kita" by Elli

"Ang saya talaga kapag libreng ticket" ngiti ni Gian habang hawak-hawak ang movie ticket at itinapat iyon sa poster ng Forrest Gump. Nakatayo kami ngayon sa labas ng sinehan. "Bibili lang ako ng popcorn" patuloy ni Gian, napatinin naman ako kay Leo at Adrian na nakatayo sa magkabilang gilid ko.

"S-sama ako! Gusto ko rin ng popcorn!" habol ko kay Gian saka mabilis kaming pumasok sa loob ng sinehan. "Libre ko na lang 'yung popcorn tutal binigyan mo rin ako ng libreng ticket. The best ka talaga Aries!" bulong sa'kin ni Gian sabay tawa na animo'y nanalo siya sa lotto.

Napapikit na lang ako saka dahan-dahang lumingon sa likod kung saan naglalakad na ngayon silang dalawa papunta sa amin. Hindi ko na alam ang gagawin ko, wala pa akong tulog mula kagabi!

Ano ba talaga ang nangyayari sa kanilang dalawa? May ideyang nabubuo sa utak ko pero ayokong isipin lalo dahil ayokong umasa. Masakit umasa sa isang tao hanggang sa malaman mo na mali ka pala.

"Aries, gising na" narinig kong tawag ni mama. Sa tingin ko ay alas-siyete na ng umaga at nakapagluto na siya. "Kain na, bumaba ka na dito" patuloy niya. Napahinga na lang ako ng malalim saka walang-ganang bumangon sa kama. Ang hirap kapag walang tulog, parang ang bigat ng ulo ko.

Pagbaba ko ng hagdan, naabutan ko si mama sa kusina habang sumasayaw-sayaw pa at pinapakain si Axel. Tumutugtog sa radio ang Can't take my eyes off of you by Frankie Valli. Napalingon siya sa'kin sabay senyas na umupo na ako sa tabi ni Axel "Halika na dito, anak. Nagluto ako ng paborito niyong omelet" ngiti ni mama. Bagong sweldo siguro siya kaya siya masaya.

"Anong mukha 'yan? Bawal ang nakasimangot kapag umaga. Lalayo sayo ang grasya" paalala ni mama, sinandukan niya ako ng kanin at tinimplahan ng hot chocolate. "Ma, ang lakas po ng tugtog" sabi ko pero ngumiti lang siya saka hininaan ang cassette namin na nasa ilalim ng TV. Parang tumitibok ang ulo ko dahil sa puyat.

"Pinakita sa'kin ni lola Amor kahapon 'yung mga picture niyo sa Buwan ng Wika. Pasensiya na anak kung hindi ako nakapanood. Babawi ako sa sunod niyong event. Ano bang sunod?" tanong ni mama habang hinahalo-halo ko ang hot chocolate. Nilalaro naman ni Axel ang puzzle ng paborito niyang Power Rangers.

"United Nation po" sagot ko, ngumiti siya saka pinisil ang balikat ko. "Pupunta ako, promise 'yan" ngiti niya. Ilang beses na rin siya nag-promise pero hindi natutupad kaya sanay na ako. Malungkot pero ganoon talaga, naiintindihan ko naman na busy siya sa trabaho at kung minsan ay naaawa pa ako kay mama dahil nakakatulog na lang siya sa pagod nang hindi pa nakakapagpalit ng damit.

Pagkatapos namin mag-almusal, pinaliguan na ni mama si Axel. Naririnig ko pa ang tawanan nila sa banyo, madali lang naman paliguan si Axel, iyon nga lang hilig pa nito maglaro sa tubig. Ilang minuto na akong nakatayo sa tapat ng telepono habang hawak ko ang pager ko.

Gusto ko silang tawagan pero hindi ko kayang sabihin kaya idadaan ko na lang sa message. Huminga muna ako ng malalim saka di-nial ang hotline ng EasyCall.

"EasyCall, Pager number, what's your name please?"

"90013, Aries"

"Pager number of the recipient please?"

"4807893671"

"What's your message please?"

"Adrian, may sasabihin a---" napatigil ako nang biglang may kumatok sa screen door namin. Agad kong naibagsak ang telepono dahilan para maputol ang call. "Aries, buksan mo" saad ni Gian sabay pakita sa'kin ng dala niyang plastic.

Agad naman akong tumayo at pinagbuksan siya ng pinto. "May ginawang suman si mama, para sa inyo raw 'to" abot niya sa'kin, kitang-kita sa mukha niya na napilitan lang siya mag-abot ng mga suman sa kapitbahay.

Tumalikod na si Gian, may dala pa siyang limang plastic ng suman. "Kamatis! Sandali" tawag ko, napatigil naman siya sa paglalakad sabay lingon sa'kin at taas ng kilay. "Kita mo na ngang bad trip ako tapos tatawagin mo pa kong kamatis" agad akong lumabas ng bahay at lumapit sa kaniya.

Tumingin pa ako sa paligid bago nagsalita "Gusto mo ba manood ng Forrest Gump?" tanong ko, tiningnan niya lang ako na parang hindi pa pumapasok sa utak niya ang sinabi ko. "Napanood ko na 'yon, saka wala akong pera" sagot niya at akmang tatalikod ulit pero pinigilan ko siya.

"May extra ticket ako!" lumingon siya ulit, "Tayong dalawa? Nababaliw ka na ba?" saad niya na parang binasted ako. Wow!

"Tange, apat tayo! Ako, ikaw, si Leo at Adrian" sagot ko, napaisip naman siya. "Bakit may ticket na kayong tatlo?" saad niya at biglang lumaki ang mata niya sabay turo sa'kin. "Aba! Nagplano kayong tatlo na manonood kayo ng sine tapos hindi niyo ako isasama!" reklamo niya, napatahol ang aso ng kapitbahay namin dahil sa sigaw niya.

Agad ko namang binaba ang kamay niya, para siyang baliw na naghahamok ng away. Napapikit na lang ako, hindi ko gustong magsinunggaling pero kailangan kong gawin. "Ang totoo niyan, ikaw lang ang bibigyan ko ng libreng ticket" saad ko, napakunot naman ang noo niya, parang hindi siya na naniniwala sa sinabi ko.

Sorry Gian pero kailangan ko munang magsinunggaling sayo habang hindi pa sa'kin malinaw ang nangyayari. "Ano kasi... May movie ticket na binigay sa'kin si Gwen, ayaw na nila panoorin ni Jessica kasi napanood na raw nila. Bale, tapos, ano... Apat yung ticket" paliwanag ko sabay tapat sa mukha niya ng apat na daliri ko.

"Kaso... Kailangan ko ng pera kaya binenta ko kay Leo at Adrian. 'Wag mo sasabihin sa kanilang dalawa na binigay ko sayo yung ticket ng libre. Kapag nagtanong din sila kung saan mo nakuha iyon, sabihin mo binigay lang ng mama mo" patuloy ko, napakurap naman siya ng dalawang beses habang nakatingin sa'kin.

Gusto kong lumuhod sa harap niya at mag-sorry dahil nagsisinunggaling ako ngayon. Pero kailangan kong gawin dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Kapag sumama ako kay Adrian, masasaktan si Leo. Kapag sumama ako kay Leo. Masasaktan si Adrian. Kapag hindi ako pumili sa kanilang dalawa, pareho silang masasaktan pati ako kasi hindi ko mapapanood 'yung Forrest Gump. Sayang naman 'yung ticket!

Hindi rin pwede na sabay kaming tatlo manonood ng movie dahil siguradong tatanungin ni Adrian si Leo kung bakit kasama siya. Siguradong tatanungin din ni Leo kung bakit kasama si Adrian at malalaman nilang dalawa na pareho nila akong binigyan ng ticket!

"Sumama ka na please! Walang iwanan diba?" dagdag ko pa, mukhang hindi pa rin siya desidido kaya sasabihin ko na ang kahinaan niya "Maglaro rin tayo ng arcade sa bayan!" saad ko, unti-unti namang umaliwalas ang mukha ni Gian. Mahilig siyang maglaro ng arcade kaya nararamdaman kong papayag na siya.

"Bakit libre mo lang ibibigay sa'kin?" tanong niya pa. Napaisip naman ako, dapat pala binenta ko na lang din sa kaniya kaso siguradong hindi niya bibilhin iyon. "Ah, kasi nilibre mo kami sa resto bar nung isang gabi kaya bayad utang ko na 'yung ticket" ngiti ko sa kaniya, tumango-tango na lang siya sabay lahad ng palad sa tapat ko.

"Akin na 'yung ticket. Basta maglalaro tayo sa arcade mamaya, kailangan kong makabawi kay Leo at Adrian kasi lagi silang nananalo" saad niya, napangiti naman ako sabay takbo sa loob ng bahay. Dali-dali kong kinuha ang isang movie ticket na nakapatong sa study table at mabilis na inabot iyon sa kaniya.

"Basta kapag nagtanong sila Leo at Adrian kung saan mo nakuha 'yan, sabihin mo galing sa mama mo ha" ulit ko sa kaniya, tumango-tango naman siya habang binabasa ang detalye sa movie ticket. "Maganda ang movie na 'to, buti naman mapapanood ko ulit... ng libre" ngiti niya sabay tawa. Lumabas siya sa bahay namin habang humahalakhak.

"Gusto ko rin ng popcorn" saad ni Adrian na nakatayo sa likod namin ni Gian. Napalingon naman si Gian, "Edi bumili kayo, may pang-porma kayo ng ganyan tapos wala kayong pambili ng popcorn" saad ni Gian, saka tiningnan sina Leo at Adrian mula ulo hanggang paa.

Nakasuot ng red checkered polo si Adrian habang naka-gel ang buhok nito. Naka-black leather jacket naman si Leo at green shirt, naka-gel din ang buhok niya. "Para kayong makikipag-date" pang-asar pa ni Gian saka kinuha ang dalawang popcorn na binili niya at binayaran ito.

Naka-yellow tshirt lang si Gian, black shorts at black cap. Habang ako naman ay nakasuot ng brown tshirt na pinatungan ng denim jumper na above the knee at white rubber shoes. Inabot na sa'kin ni Gian ang isang popcorn at soda saka nauna kaming pumasok sa loob ng sinehan. Buti na lang talaga sumama si Gian, siguradong awkward kapag sina Leo at Adrian lang ang kasama ko.

Sumunod na silang dalawa sa loob. Nasa dulo ako ng upuan, katabi ko si Gian at nasa tabi niya ang dalawang bakanteng upuan na ni-reserve namin para sa kanilang dalawa. May dala rin silang tig-isang popcorn at soda.

Naupo na si Adrian sa tabi ni Gian habang si Leo naman ang naupo sa tabi ni Adrian. Nag-umpisa na ang palabas, parang hindi ko malunok ang popcorn na kinakain ko dahil sa kaba. Alam kong hindi na dapat ako kabahan dahil hindi naman nagtanong silang dalawa kung bakit kasama si Gian pero pakiramdam ko ay itatanong din nila iyon.

Kaya siguro ako kinakabahan dahil kung anu-anong tumatakbo sa utak ko, kung paano ko sasagutin ang tanong nila. Napapansin ko rin na panay ang lingon ni Leo sa direksiyon ko. Kung minsan ay si Adrian naman pero nagugulat na lang kami dahil ang lakas ng tawa ni Gian kapag may nakakatawang eksena sa pelikula. Umiyak din siya sa kalagitnaan. Sa huli, hindi ko masyado naintindihan ang pinapanood namin dahil lumilipad ang utak ko. 

Pagkatapos namin manood ng sine, dumerecho kami sa arcade center gaya ng ipinangako ko kay Gian. Doon napansin ko na medyo nawala na ang tension dahil naging abala silang tatlo sa paglalaro. Sumali rin ako. Hindi nila matanggap nang ako ang makakuha ng first rank sa nilaro naming arcade game.

Marami pa kaming nilaro, natatawa na lang ako kasi halos isumpa na nila ako sa tuwing ako ang nananalo at nakakakuha ng first place. "Madugas talaga 'to si Aries" reklamo ni Gian, kakatapos lang namin laruin ang Flashpoint.

"Isa pa, hindi pwede 'to" saad ni Adrian sabay hulog ng coins sa arcade. Pumwesto naman si Leo sa kabila saka naghulog din ng coins doon, mukhang hindi rin siya papatalo. Nagtungo naman si Gian sa counter para magpapalit ulit ng coins. Pinanood ko sina Leo at Adrian na parehong seryoso sa paglalaro.

Nagtitinginan pa sila habang nilalaro ang Riot City game. Suntukan ang nilalaro nila at pareho silang nanggigil sa controller ng arcade kulang na lang ay bumaon ang mga button nito. Halos wala akong kurap habang nasa likod nila at nakikinood sa laban. Dehado si Leo nung una pero nakabawi rin siya hanggang sa muntik nang bumagsak si Adrian pero nakabawi rin ito at muntik nang tumumba si Leo pero bumangon pa rin ito at nagpatuloy at halos pantay na ang death level nila nang biglang namatay ang arcade machine nilang dalawa.

"Anong nangyari?" kalabog ni Adrian sa machine. Umayos lang ng tayo si Leo na parang okay lang sa kaniya na pare-pareho naming hindi nalaman kung sinong nanalo sa kanilang dalawa. "Doon naman tayo!" tawag ni Gian sabay hila sa amin. Ayaw pa sana iwan ni Adrian 'yung nasirang machine pero sinabi ni Gian na tumakas na kami bago pa malaman ng mga nagbabantay doon na nasira 'yung dalawang machine.

Dinala kami ni Gian sa kabilang arcade center, mas maraming tao roon. Napatitig lang kami sa dami nila at sa makulay na lugar na iyon. Kabi-kabila ang sigawan at tawanan ng mga kabataan na ka-edad namin na naglalaro roon.

Nangingibabaw din ang tunog ng mga laro, lalo na ang karaoke at ang Just Dance. Hinila kami ni Gian papunta sa Just dance. Malaki ang stage at pwede hanggang apat na tao ang sasayaw roon. Nagulat kami nang maghulog si Gian ng coins doon saka pumwesto sa gitna at sumenyas sa'min.

"Wag nga kayong panira diyan. Halika na!" tawag niya, nagkatinginan lang kaming tatlo. Gusto sana naming umalis at takbuhan si Gian kaya lang nakatingin na sa amin ang ibang mga tao roon. Ayaw naman naming mapahiya siya kaya wala na kaming nagawa kundi ang pumwesto sa tabi niya.

Nasa unahan si Gian at Adrian habang nasa likod naman kami ni Leo. Nagsimula nang tumugtog ang nakakaindak na musika. Awitin mo at Isasayaw ko by VST & Co.

Umpisa pa lang ay humataw na agad si Gian "Kapag nanalo tayo, ililibre ko kayo ng merienda!" saad ni Gian, nagkatinginan kaming tatlo at dahil ayaw naming sayangin ang pagkakataong ito, humataw na rin kami sa sayaw.

Unti-unting nanood sa amin ang ilan at pinalibutan kami. Napapalakpak pa ang ilan at tumatawa dahil todo bigay si Gian sa pagsayaw. Habang kaming tatlong back up dancer niya ay hindi rin papatalo sa ngalan ng libreng merienda.

Ang huling step ay binuhat ni Leo at Adrian si Gian pataas na parang hari habang ako naman ay umupo sa gitna at itinaas ko ang dalawa kong kamay. Wala iyon sa step pero awtomatikong nagawa namin dahil sa paghataw.

Pumalakpak ang mga tao, hingal na hingal naman kaming apat sa pagsayaw. Halos anim na minuto kaming sumayaw sa iba't ibang mash up. Ilang sandali pa, nag-flash na sa screen ang score na nakuha namin. Napatalon na lang kami sa tuwa dahil Excellent! Ang nakuha namin!

Alas-siyete na ng gabi, buhay na buhay ang bayan dahil linggo ngayon. Kakatapos lang ng misa kaya sabay-sabay na naglalabasan ang mga tao mula sa simbahan. Nakaupo kaming apat sa tapat ng isang Hamburger stand habang kinakain namin ang tig-iisang burger na libre ni Gian. Nilibre niya rin kami ng tig-iisang Pop cola.

"Full package talaga tayo. Banda na, dancer pa!" saad ni Gian, hindi namin masyado maintindihan ang sinabi niya dahil puno ng pagkain ang bibig niya. "E, kung maging song and dance group na lang tayo?" hirit ni Adrian sabay inom ng Pop cola na nakalagay sa plastic.

"Tulad ng Backstreet boys" ngiti ni Leo, sikat na sikat ngayon ang mga western boy group na kinakakiligan ng mga babae. Magaganda rin ang mga kanta nila at nakakaindak. Tumayo naman si Gian saka sumayaw ng iconic dance nito.

Sinalubong ng mga nagtitinda ng kandila, sampaguita at mga laruang pambata ang mga taong lumalabas ng simbahan. Dumami na rin ang bumili ng pagkain sa burger stand na kinakainan namin. Ilang sandali pa, napansin namin ang isang matandang lalaki na may kapansanan sa paningin. Kumakanta siya sa isang gilid gamit ang gitara niya, may microphone siya na nakakabit sa isang malaking speaker na derechong nakasaksak sa katabing tindahan ng mga rosaryo. Nakaupo siya sa isang maliit na tabla na hugis kahon.

Dinadaan lang siya ng mga tao, may iilang naghuhulog ng barya sa shoebox na nasa tapat niya. Alam kong napansin din nilang tatlo ang matanda at sa palitan pa lang namin ng tingin ay namalayan ko na lang na naglalakad na kami papalapit sa kaniya.

"Lo, kami na pong bahala" bulong ko sa kaniya, sa tingin ko ay nasa edad 70 pataas na ang matanda. Tumingala siya sa'kin pero pikit na ang kaniyang mata at may namumuong muta o natuyong luha sa mga ito. Inalalayan namin siya at pinaupo sa katabing bench sa labas ng simbahan.

Kinuha ni Leo ang gitara, itinaas ko ng kaunti ang microphone, umupo naman si Adrian sa hugis kahon na upuan ng matanda at ginawa niya itong beat box. Samantala, kinuha naman ni Gian ang mga tanzan na nakakabit sa bilog na wire na nakasabit sa gilid ng mic at ginawa niya itong sleigh bell.

Matagal na naming na-practice ang kantang ito at ngayon namin ito unang kakantahin sa harap ng maraming tao. Tiningnan ko muna sila isa-isa bago sinimulan ni Adrian ang pagtapik sa kahon.

Gusto Kita ang pamagat ng kantang kinanta namin. Matagal ko nang ginawa ito na isa sa mga nauna naming pina-practice sa banda. Nagsimulang mapatigil ang ilan sa mga naglalakad lalo na ang mga magkakasintahan at mag-asawa.

Tungkol sa pag-ibig at pagkagusto sa isang tao ang mensahe ng kantang ito. Dahan-dahan kong naramdaman ang malamig na ihip ng hangin habang dinadama ang musika. Tila bumabagal ang takbo ng paligid habang nagliliwanag ang iba't ibang kulay ng ilaw sa kapaligiran.

Naalala ko na ang kantang ito ay para kay Leo. Napatingin ako sa kaniya, nakatingin siya sa gitara niya bagay na parang mas lalong nagpakulay sa paligid ko. Gustong-gusto kong tinitingnan siya ng ganoon, 'yung tipong nakatingin siya sa gitara.

Bago ko sabihin ang huling linya ng kanta nagulat ako nang bigla siyang mapatingin sa'kin dahilan para mapaiwas ako ng tingin. Pumalakpak ang mga taong tumigil at pinanood kami. Marami ang nagbigay ng barya na ipinagpasalamat namin.

Hindi pa kami tapos magpasalamat sa lahat nang mapatigil kami dahil sa isang lalaking naglagay ng one hundred pesos sa shoe box. "Palagi ko kayong naabutan at napapanood. Again, good job!" saad ni Sir Ched sabay ngiti habang nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa magkabilang bulsa ng kaniyang pantalon.

***

"Sasali kayo sa battle of the bands?" tanong ni Sir Ched, nakasakay kami ngayon sa kotse niya. Nasa passenger's seat si Gian habang kaming tatlo naman ang nakaupo sa back seat. Nasa gitna ako habang nasa magkabilang gilid ko si Leo at Adrian.

"Opo" sagot ni Gian, tahimik lang kaming apat. Medyo nakakakaba rin kasi ang presensiya ni Sir Ched, mukha siyang masungit at strikto. Mababa rin ang boses niya. Pero kapag kinakausap naman niya kami ay hindi naman siya nananakot.

Siya rin ang nag-alok na ihahatid kami pauwi dahil wala ng jeep sa bayan. Masyado kaming naaliw sa pagkanta kaya hindi namin namalayan na gabi na pala. Mahaba ang pila sa terminal, may mga tricycle pa pero mahal na ang singil nila.

"Good luck. Malapit na rin ang fiesta, diba?" tanong ni Sir Ched sabay tingin sa rear view mirror at tiningnan kaming tatlo. Tumango naman kami sabay sagot ng "Opo"

"Parang natatakot kayo sa'kin" tawa ni Sir Ched dahilan para matawa na kami. Medyo awkward din kasi siya pero ramdam naman namin na mabait siya. "Plano kong mag-invite ng mga tutugtog na banda sa Gimik. Gusto ko sana kayong imbitahan kaso menor de edad pa kayo, baka makasuhan ako" tawa ni Sir Ched, may inuman din kasi sa resto bar niya kaya bawal ang minor doon.

"Magkwekwento na lang ako para hindi kayo mailang sa'kin" patuloy niya, habang tinatahak namin ngayon ang madilim na daan palayo sa bayan. "I'm a record producer in Manila. Solo artists, duo at bands ang karaniwang hawak ko. Nag-poproduce din ako ng kanta para sa mga movies at series. In short, music is my life" ngiti niya, dahilan para makita namin mula sa salamin ang pantay-pantay niyang ngipin na natatago ng bigote niya.

"Taga-dito po ba kayo?" tanong ni Gian, umiling naman si Sir Ched. "Nope, nandito lang ako para sa extension ng Resto bar business ng family ko. Gimik has three branches. Sa Manila, Quezon City and Makati" tugon niya, tumango-tango naman si Gian.

"Nasa US na ang parents ko since high school ako. I have three elder sisters, dalawa sa kanila nasa US na rin kaya kami na lang ng isa kong ate ang magkasama hanggang college. Siya ang nag-mamanage ng Gimik resto bar at dahil mahilig ako sa music, it was my idea to have bands perform every night" saad niya, napatingin ako kay Leo na nakatingin lang sa bintana, maging si Adrian ay nakatingin din sa bintana.

"Kumakanta rin po ba kayo?" tanong ni Gian, tumawa naman ng mahina si Sir Ched. "Maniniwala ba kayo kung sasabihin ko na may banda rin ako?" ngiti niya, napatingin ulit ako sa kaniya sa rear view mirror. Sa porma at dating palang niya ay siguradong pinagkakaguluhan siya ng mga babae noon.

"Galaxy Storm" patuloy niya, napatingin na sa kaniya sina Leo at Adrian "Iyon ang pangalan ng band namin" saad niya, napatulala naman kami at napanganga dahil hindi namin akalain na miyembro pala siya dati ng Galaxy Storm na siyang kilalang banda noong 80s.

***

Alas-nuwebe na ng gabi nang makarating kami sa street namin. Binaba kami ni Sir Ched sa kanto, hindi na kami nagpahatid papasok dahil medyo masikip ang daan para sa malaki niyang kotse. "Grabe, kaya pala dati ko pa iniisip na may kamukha siya. Isa pala siya sa Galaxy Storm!" saad ni Gian, napasuntok pa ito sa ere sa tuwa.

"Ano nga ulit 'yung paborito nating kanta nila?" saad naman ni Adrian, umakbay naman sa'kin si Gian at kay Adrian na nasa kabilang tabi niya. Nakatayo kami ngayon sa gilid ng kalsada, sa tapat ng tindahan ni Manong Jude.

Nagkatinginan naman kami ni Leo, sa mga ganitong sitwasyon kapag umakbay si Gian sa'min ay dapat umakbay kaming apat sa isa't isa. Napagkagat na lang ako sa ibabang labi ko, hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan nung dahan-dahan siyang lumapit sa'kin at akmang aakbay sa amin... sa akin.

Pero bigla siyang napatigil nang bumitaw si Gian saka naglakad sa harapan. "Don't die tonight!" magiliw na sagot ni Gian at kinanta niya ang chorus ng sikat na kanta na iyon ng Galaxy Storm. Ang kantang iyon ay tungkol sa pagmamahal ng babae sa lalaki at nakikiusap ito na 'wag mamatay ang pag-ibig ng babaeng minamahal niya.

Nagsimulang tumahol ang mga aso dahil sa ingay ni Gian habang kumakanta, naglakad na kami papasok. "Pero alam mo Leo, parang kamukha mo si Sir Ched" saad ni Gian, napatingin naman kami kay Leo. Wala naman siyang reaksyon, sa mga ganitong sitwasyon, hindi naman uso kay Leo ang magbigay ng reaksyon lalo na sa mukha niya.

"Pero mas gwapings pa rin si Sir Ched" bawi ni Gian saka pinagpatuloy ang pagkanta ng bridge part ng Don't die tonight.

***

Kinabukasan, napapahilot na lang ako sa ulo ko sa dami ng assignment at projects. Idagdag pa ang mga trabaho namin sa student Council para sa paparating na United Nation Celebration. Uwian na, pero nasa classroom pa rin kami dahil sinimulan na namin ang paggawa ng mga flags ng iba't ibang bansa.

France, Spain at Germany ang flag na ginagawa naming tatlo nina Gwen at Jessica. Sa bawat grupo may tatlong bansa ang gagawan namin ng flags na tig-sasampu. I-didisplay ang mga flags sa buong paligid ng school bilang pakikibahagi sa selebrasyon ng United Nation.

Maaga pa pero pinaghahandaan na ng lahat dahil sa susunod na buwan ay field trip na namin. "Grabe, sigurado ka ba Aries? Baka naman generous lang talaga si Leo at Adrian" saad ni Gwen pero bakas sa mukha niya na kinikilig siya.

"Pero kung iisipin, parang sobrang nagkataon na Forrest Gump ang movie ticket at sobra naman silang sinuwerte para mabigyan lang ng ganon" wika ni Jessica, iyon din ang gumugulo sa isip ko. Narinig ba ng mga bituin ang hinaing ko na gusto kong mapanood ang Forrest Gump noong napadaan kami doon kaya sobra-sobrang ticket ang pinamigay ng kalawakan.

Napasandal na lang ako sa pader habang dinidikit ang mga disenyo ng flag sa barbeque stick. Sa tuwing nagpapractice rin kami sa banda, madalas akong abutan ng tubig ni Leo at binibigyan naman ako ni Adrian ng pagkain.

"Oo nga pala, pansin niyo ba na parang bad trip nitong mga huling araw si Chelsea?" tanong ni Jessica, sabay-sabay naman kaming napatingin sa kinaroroonan ni Chelsea. Abala rin ito sa paggawa ng mga flag kasama ang dalawa niyang kagrupo. Nag-uusap si Brent at Carol pero hindi nakikisali si Chelsea sa usapan nila.

Alas-singko na nang hapon nang matapos kami sa paggawa ng mga flags. Naglalakad na kaming tatlo nina Gwen at Jessica sa mahabang hallway nang biglang sumulpot si Adrian sabay abot sa'kin ng isang flag.

"Anong gagawin ko dito?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Ngumiti lang siya sabay sabing "Sayo na 'yan" magsasalita pa sana ako pero nauna na siyang naglakad. "Gusto ka lang siguro pagawain ng flags, hindi ata nila natapos 'yung kanila" bulong ni Gwen na sinanga-ayunan naman ni Jessica.

Saktong lumabas na rin sina Leo at Gian sa classroom nila bitbit ang mga flags na dala nila. "Hoy, Aries. Bakit nasayo 'yan? Amin 'yan" tawag ni Gian, tiningnan ko ulit yung flag saka napatingin sa dala nila na kamukha niyon. "Hindi ko alam kay Adrian, inabot niya sa'kin 'to. Wala akong balak tulungan kayo ha" sagot ko, pero napatigil ako nang mabasa ko ang maliit na nakasulat sa likod ng flag.

ty mne nravish'sya

Ipapakita ko pa sana kina Gwen at Jessica pero mabilis na naagaw ni Gian sa kamay ko ang flag na iyon sabay pasa kay Leo. "Tara na, sumabay ka na sa'min" aya ni Gian sabay hila sa'ming dalawa ni Leo pababa ng hagdan.

***

August 22, birthday ni Adrian. Naghanda si Lola Amor. Spaghetti, fried chicken, lumpia, hotdog on stick, at may cake pa. Tumawag naman ang mama at papa ni Adrian na parehong OFW kaya kitang-kita namin ang saya sa mukha niya buong araw.

Nakaupo kaming lahat sa hapag-kainan. Isinama ko rin si Axel na excited nang matikman ang chocolate cake ni Adrian na may action figures pa ng Power Rangers. Pagkatapos namin siyang kantahan ng Happy Birthday, paulit-ulit siyang pinilit ni lola Amor at ng lolo niya na mag-picture sa harap ng cake.

Natatawa na lang kami kasi nahihiya siya dahil ginagawa siyang baby ng lolo at lola niya pero wala siyang magagawa dahil ipapadala raw nila ang litrato sa mga magulang ni Adrian. "Mag-wish ka na" excited na sabi ni Lola Amor sabay tutok ng camera sa mukha ni Adrian, may flash pa ito dahilan para mapapikit ng mata si Adrian.

Napatigil naman ako nang mapatingin muna sa'kin si Adrian bago siya mag-wish sa harap ng kandila ng kaniyang birthday cake. Kumain na kami, sa salas kami kumain habang ang matatanda ang nasa hapag-kainan.

Nanonood kami ng cartoons sa TV habang nakaupo sa sahig. Mabuti na lang dahil may malaking carpet sila Adrian kaya hindi malamig ang sahig. "Nasaan nga pala si Chelsea?" tanong ni Gian kay Leo. "Invited naman siya dito, diba Adrian?" patuloy pa ni Gian, tumango naman si Adrian.

Nakaupo kaming apat sa carpet habang kumakain at nakaharap sa TV. Nasa pinakaharap namin si Axel na mas abala sa panonood kaysa sa pagkain niya kaya nilapitan ko siya at sinubuan ng spaghetti. "Baka hindi na siya pumunta dito" derechong sagot ni Leo.

Hindi ko naman alam kung dapat ba akong magpanggap na gulat din kahit pa ang totoo ay alam ko na ang dahilan. "Whoa. Men, bro! na-basted ka!" tawa ni Gian sabay hampas ng malakas sa likod ni Leo. "Sira!" saad ni Leo sabay hila sa bimpo na sapin sa likod ni Gian. "Matapos tayong mabugbog ni Ben nang dahil sa kaniya, wala rin naman palang kayo" reklamo naman ni Adrian.

Mas lalo namang lumakas ang tawa ni Gian "Si Aries na kaya ang bagong babes ni Ben!" tawa niya, tiningnan ko naman siya ng masama sabay hampas sa likod niya. Gaganti sana siya pero napatingin sa'min si Axel kaya hinawakan na lang niya ang ulo ni Axel at tinapik-tapik ito.

"Basta mahabang kwento" saad ni Leo, alam kong yaw niya rin malaman ng iba na siya umamin si Chelsea sa kaniya dahil tiyak na pag-uusapan si Chelsea ng mga babaeng inggit sa kaniya.

"Ikwento mo na! makikinig kami" pagpupumilit ni Gian sabay yakap kay Leo. Nagiging clingy na naman siya, tinutulak siya ni Leo palayo dahilan para matawa na lang kami kasi umiiral na naman ang pang-aasar ni Gian kay Leo.

"Kasi..." panimula ni Leo at nagulat ako nang mapatingin siya sa'kin. "Basta, saka ko na lang ikwekwento sa inyo" patuloy niya saka niya sinakal si Gian gamit ang braso niya. Hinawakan naman namin ni Adrian ang magkabilang paa ni Gian at kiniliti ang talampakan niya dahilan para magsisisgaw siya roon pero tinawanan lang din kami nila Lola Amor at ng mga kakumare nito.

***

Nang gabi ring iyon, nakikinig ako sa maliit kong radyo na nilalagyan ng battery. Itinaas ko rin ang atenna para mas malinaw ang nasasagap nitong signal. Nakapatong ang radyo sa ibabaw ng study table ko habang nakaupo ako sa kama at nakatingin sa tapat ng bintana.

Nakatitig ako sa mga bituin sa langit. Kahit kalian, hindi ako magsasawang pagmasdan sila kahit gaano pa katagal. Para ko silang mga kaibigan na handang makinig sa lahat ng hinaing at problema ko at hindi ako nagagawang husgahan.

Kasalukuyang tumutugtog sa radyo ang kanta ng Galaxy Storm na Farewell Love ang kantang iyon ay tungkol sa pagpapaubaya ng isang lalaki sa pag-ibig niya para sa isang kaibigan. Dahil ang babaeng iyon ay may gusto ng iba at ang lalaking nagugustuhan nito ay kaibigan din nila.

Ilang sandali pa, narinig ko ang pag-ring ng telepono sa baba. Lumabas ako sa kwarto at dali-daling sinagot iyon sa takot na magising si mama dahil maaga pa ang pasok niya bukas. Mag-hahatinggabi na, gusto ko sanang awayin kung sino ang tumatawag sa'min sa ganitong oras nang mapatigil ako nang marinig ko kung kaninong boses iyon.

"Aries" panimula niya, sa boses pa lang niya ay nakilala ko na iyon agad. "B-bakit?" 

"Wala lang. Natutuwa lang ako kasi miyembro pala si Sir Ched ng paborito kong banda" saad niya, hindi ko man siya makita pero ramdam ko na ngumiti siya. Napasandal ako sa pader at napatingin sa bintana, binuksan ko ang bintana namin na gawa sa jalousie at pinagmasdan ang mga bituin sa langit.

Napangiti na lang din ako, Galaxy Storm ang paborito niyang banda. Karamihan din sa mga kanta niya ay inspired sa style at genre ng bandang iyon. "Mas maiilang si Sir Ched kapag natulala ka sa harap niya. Kaya 'wag ka mag-fanboy ha" tawa ko, narinig ko na tumawa lang din siya sa kabilang linya.

"May album ka nila diba? 'Yung binili mo nung kaka-graduate lang natin ng grade 6. Naalala ko pa kung paano mo inipon ang baon mo pambili niyon. Natawa pa nga si lolo Gil kasi binili mo iyon sa tindahan niyo. Sabi niya, graduation gift na lang niya iyon sayo pero ayaw mo kasi gusto mong pinaghirapan mo ang pambili ng album ng Galaxy Storm" hindi ko namalayan na nakangiti ako habang inaalala ang araw na iyon. Halos hindi mawalay kay Leo ang album at hindi rin maalis ang ngiti sa labi ni lolo Gil habang pinagmamasdan ang apo niya.

"Magpa-autograph ka, ipakita mo kay Sir Ched 'yung album na binili mo" patuloy ko pa, narinig ko namang tumawa siya sa kabilang linya. Mahinang pagtawa para hindi magising ang lolo niya. "Ngayon na pala matatapos ang phase ng zodiac sign na Leo" saad ni Leo, napatango naman ako kahit pa hindi niya nakikita.

Nakatitig lang ako sa bintana habang pinagmamasdan pa rin ang mga bituin. "Leo rin pala si Adrian" patuloy niya, napatango lang din ako. "Uhm, Aries" dagdag niya dahilan para matauhan ako. Muli na naman akong kinabahan, hindi ko alam kung bakit pero may kakaiba sa tono ng pananalita niya nang banggitin niya ang pangalan ni Adrian.

"Uh, Leo. Ano nga palang paborito mong kanta ng Galaxy Storm?" pag-iiba ko ng usapan. Hangga't maaari ay ayokong mapunta sa topic tungkol kay Adrian o sa kaniya o sa kanino pa sa kanilang dalawa. Kinakabahan ako, pinagpapawisan din ang kamay ko.

"Proshchay, lyubov'" sagot niya. Sa pagkakataong iyon, hindi ko alam kung bakit biglang tumigil ang takbo ng paligid ko. Hindi ko naintindihan ang sinabi niya pero hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng lungkot at pamamaalam.


*********************

Note: Pakinggan niyo ang original song na ito "Gusto Kita" by Elli. Please like, subscribe and comment to her youtube channel. Maraming Salamat!

https://youtu.be/kQ2s1Heho7w

"Gusto Kita" by Elli

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top