Chapter 11

[Chapter 11] Featured Song: "You and Me" by Eica and Jomari

"Eight, seven, six, five, four, three, two, one, ikot ulit!" parang namamanhid na ang paa ko, mag-tatatlong oras na kaming nagpapractice sa covered court. Saturday ngayon pero pinapasok kaming lahat para mag-practice.

"One more time. Itaas niyo 'yung mga pamaypay!" patuloy ni Ms. Leth, tinali na rin niya ang maikli niyang buhok dahil sa sobrang init. Hindi naman matirik ang araw pero dahil walang hangin, parang ang kulob ng buong court.

"Okay, break time muna tayo ng thirty minutes" saad ni Ms. Leth, sabay-sabay kaming napaupo sa sahig. Nahiga na lang ako sa court, wala na akong pakialam kung madumihan ang damit ko dahil gustong-gusto ko na humiga at magpahinga.

Napatitig na lang ako sa bubong na gawa sa yero, siguro dulot na rin ng matinding puyat kaya mabilis akong mapagod ng ganito. Hindi ako nakatulog ng maayos kagabi lalo na sinabi ni Leo.

"Aries"

"Hmm?"

"Iniisip mo bang si Adrian si Falling Star?" tanong ni Leo dahilan para gulat akong mapalingon sa kaniya. "Nung nakita ko kayo sa hagdan, narinig kong tinanong mo sa kaniya kung siya ba ang nagsusulat sayo" napalunok na lang ako sa kaba. Ni hindi ko na rin malasahan ang ice cream at hindi ko rin naramdaman ang pagkatunaw nito sa kamay ko.

Nakatingin lang siya sa lupa habang sinasabi niya ang lahat ng iyon "May gusto sana akong hilingin sayo ngayong birthday ko" dagdag pa niya, sa pagkakataong iyon ay biglang umihip ng marahan ang malamig na hangin dahilan para sumayaw ang mga punong nasa paligid namin. Mula sa mga mata niya ay naramdaman ko ang lungkot at pagbabakasakali na tuparin ko ang sunod na sinabi niya.

"Wag mo nang isipin si Falling Star. 'Wag mo siyang saluhin kapag nahulog siya sayo" hindi ako nakapagsalita, bukod sa hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Nalilito ako sa gustong iparating ng mga mata niya.

"Aries, bumangon ka diyan" narinig kong tawag ni Ms. Leth, dahan-dahan akong bumangon, iniingatan ko namang huwag mabali ang balakang ko. Pakiramdam ko parang naghihiwalay na ang mga kamay at binti ko sa katawan dahil sa sobrang pagod. "Ihatid mo na kay Ms. Perl 'yung letter"

Tumayo na ako saka naglakad papunta sa bleachers kung saan nakatambak ang mga bag namin. Kinuha ko na ang request letter na pinagawa sa'kin ni Ms. Leth kagabi para mahiram namin ang cassette sa admin office.

Pagdaan ko sa mga classrooms, halos abala ang lahat sa pag-practice at paggawa rin ng mga costumes. Nasa taas pa ang admin office kung saan kailangan namin magpasa ng request letter na pirmado ng adviser namin para payagan kami ni Ms. Perl na hiramin ang mga gamit doon.

Pagdating ko doon, naabutan ko si Ms. Perl na may kausap na dalawa pang babaeng estudyante na kaklase nina Leo. "Ang aga-aga bakit nakabusangot 'yang mukha niyo?" puna ni Ms. Perl, mabait at magiliw siya sa lahat kaya madali kaming nakakahiram ng gamit.

"Ang sabi nila, parang may something daw kay Leo at Chelsea" sumbong ng isa dahilan para mapaatras ako at sumilip na lang sa gilid ng pintuan. "Si Leopold Rosero?" tanong ni Ms. Perl, sabay namang napatango ang dalawa.

"Crush niyo si Leo?" ulit pa ni Ms. Perl sabay ngisi. "Ang pogi niya po kasi nung kumanta sila sa stage nung Nutrition month" kinikilig na sagot ng isa. "Wow, binata na talaga ang anak ni Janet. Sabagay, gwapo naman talaga si Leo" pagsang-ayon ni Ms. Perl saka inabot ang dalawang manila paper sa kanila.

"Oh, e sino naman nagsabi na may relasyon si Leo at Chelsea?" tanong pa muli ni Ms. Perl, lumingon naman ang dalawa sa paligid kaya agad akong nagtago sa likod ng pinto. Sumilip ulit ako at nakita kong ibinulong nila iyon kay Ms. Perl.

Napatakip ng bibig si Ms. Perl sabay tawa ng malakas "Seryoso kayo? Bakit kayo naniniwala sa mga 'yon?" tawa pa ulit nito, "O'siya, bumalik na kayo doon, kailangan niyo pang tapusin ang confetti niyo diba?" saad ni Ms. Perl, napatango at nagpasalamat naman ang dalawa saka mabilis na lumabas. Nagkunwari naman akong nagbabasa sa bulletin board sa gilid kung saan nakalagay ang poster ng tamang paghugas ng kamay.

Nang makaalis na sila, dahan-dahan akong sumilip sa pintuan. Nagpatuloy si Ms. Perl sa pagbubuhat ng mga bagong supplies at inilalagay niya iyon isa-isa sa cabinet. Naglakad na ako papasok sa loob, nakatalikod pa rin si Ms. Perl at hindi niya pa ako napapansin.

Nang kukunin na niya ang isa pang kahon, napatingin siya sa'kin. "Oh, Aries" panimula niya, ngumiti ako sabay abot sa kaniya ng letter of request. "Kailan niyo ba 'to kailangan?"

"Ngayon po"

"Ngayon na?" tumango ako bilang sagot sa tanong niya. "Talaga naman si Ms. Leth, ura-urada oh" saad niya sabay kuha ng cassette sa itaas at inilapag iyon sa mesa. "Pakisabi sa adviser niyo sa susunod agahan ang pagpasa ng request. Buti na lang walang ibang nanghihiram saka malakas ka sa'kin" tawa ni Ms. Perl. Nakilala niya rin ako dahil ako palagi ang nag-aasikaso ng mga request form lalo na sa Student Council.

Bata pa si Ms. Perl, parang ka-edad niya lang si mama. Makapal at kulot ang buhok niya at may suot siyang itim na salamin sa mata. "Thank you, Ms. Perl" saad ko sabay kuha ng cassette pero napatigil ako at muling humarap sa kaniya.

"Oh, bakit Aries?" tanong muli ni Ms. Perl, napakagat muna ako sa labi bago magsalita "Uhm... Kilala niyo po ang mama ni Leo?" narinig ko kanina na nabanggit niya ang pangalan ng mama ni Leo na si tita Janet.

Ngumiti lang si Ms. Perl saka binuksan ang isang box ng mga ballpen at maayos niyang inilagay iyon sa malaking lagayan. "Oo naman. Kababata ko 'yon si Janet" tugon niya sabay kindat sa'kin. Napangiti ako saka inilapag muli sa mesa ang cassette at lumapit sa kaniya.

"Magkapit-bahay lang din kami dati ni Janet, lagi kami magkalaro. Magkaklase rin kami nung elementary hanggang high school. Masayahin at laging nakatawa 'yan si Janet, marami rin kaming magkakaibigan. Marami ring nanliligaw sa kaniya noon pero hindi niya pinapansin kaya kami ng mga kaibigan niya ang sumasagot sa mga love letters na natatanggap niya" tawa ni Ms. Perl, parang umaliwalas ang mukha niya habang inaalala ang kabataan nila.

"Kaya lang lumipat na kami ng bahay sa bayan pagka-graduate ko ng high school. Dito lang din ako nag-college sa probinsya. Si Janet naman sa Maynila, masyadong mataas ang pangarap niya. Gusto niyang tumira sa dorm at mag-aral sa sikat na University"

"Noong pumunta siya ng Maynila, bihira na lang kami magkausap sa telepono. Madalas tinatawagan niya ako kapag gusto niya akong yayain sa mga gig at concert na pinupuntahan niya at ng mga bago niyang kaibigan doon. Isang beses sumama ako"

"Pumunta po kayong Maynila para manood ng concert?" tanong ko, hindi ko mapigilang magtanong agad lalo na nang maalala ko na sa Maynila nakilala ng mama ni Leo ang lalaking nakabuntis sa kaniya. "Oo, bakasyon nang pumunta ako sa Maynila. Mga tatlong araw siguro 'yon. Doon ako nakitulog sa dorm na tinutuluyan niya. Jusmiyo, ang dami pala nila doon. Puro naman sila babae kaya lang sobrang kalat. Sa isang kwarto, apat ang double deck. Mga limang kwarto ata lahat ang meron sa bahay na iyon tapos iisa lang ang kusina nila at dalawa lang ang banyo" patuloy ni Ms. Perl na napapahawak pa sa ulo nang maalala niya ang lugar na iyon.

"Naninigarilyo at nag-iinuman ang mga kasama niya sa dorm. Bawal pero nakakalusot sila. Doon ko rin nalaman na marunong nang manigarilyo at uminom si Janet. Ibang-iba na rin siya, ang iksi na ng buhok niya at marunong na siya mag-make up" tawa ni Ms. Perl, pero ramdam ko na may lungkot sa tawang iyon na para bang nanghihinayang siya kung bakit nagkaganon ang kaibigan niya.

"Isang gabi pumunta kami sa isang disco. Akala ko sayawan pero gig pala. May maliit na stage sa gitna at may bandang tumutugtog doon. Masaya naman lalo na nung kumanta ang bokalista nila. Nagulat nga ako boyfriend pala ni Janet 'yung poging bokalista" tawa ni Ms. Perl, hindi ko alam kung bakit parang biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ang lalaking nakita ko sa picture sa bahay nila lolo Gil ba ang papa ni Leo? Pero hindi namin matukoy kasi minarkahan ng pentel pen ang mukha nito.

"Ms. Perl, k-kilala niyo po ba ang papa ni Leo?" tanong ko sa kaniya dahilan para mapatigil siya sa pagtawa. "Anong ibig mong sabihin?" ngayon ay nagtataka na rin siya.

"Yung boyfriend po ni tita Janet na bokalista ng banda, ang lalaking 'yun po ba ang papa ni Leo?" tanong ko, hindi ko alam kung bakit sobrang bilis ng pintig ng puso ko na para bang tumakbo ako ng mabilis at napakalayo.

Napaisip naman si Ms. Perl, "Hindi siguro. First year college pa kami noon e. At ang balita ko, wala na sila nung lalaking 'yon makalipas lang ang ilang buwan. Pa-iba iba rin ng boyfriend si Janet noon kaya nga one time nag-away kami kasi pinagsabihan ko siya. Kapag umuuwi siya dito sa fiesta, nagkakaroon din siya ng boyfriend tapos mababalitaan namin may iba na naman siya sa Maynila" saad ni Ms. Perl, hindi ko alam pero parang bigla akong naguluhan. Ang kwento sa'kin ni lolo Gil ay mabait na bata at puro aral lang ang inaatupad ng anak niya sa Maynila. Parang bigla akong nalungkot dahil posibleng iyon lang ang alam ni lolo Gil.

"A-alam po ba nila lolo Gil na nagka-ganon ang anak nila?" tanong ko, napahinga naman ng malalim si Ms. Perl. "Hindi nila alam. Nagsisinunggaling si Janet sa kanila, nakwento rin noon sa'kin ni Janet na isang sem siyang hindi pumasok kasi bumagsak siya kaka-absent. Iyon ang huling sinabi niya sa'kin bago ko nalaman na nandito na pala ulit siya sa probinsya natin. Nung binisita ko siya, anim na buwang buntis na siya"

"Ang sabi niya sa'kin, hindi alam ng mga magulang niya na hindi na siya pumapasok simula nung bumagsak siya. Ang alam nila ay malapit na siyang grumaduate pero nabuntis siya ng boyfriend niya ng halos dalawang taon. Pero ang totoo, wala siyang naging boyfriend na ganon katagal. Pinakamatagal na ang dalawang buwan" patuloy ni Ms. Perl, parang nadudurog ang puso ko. Kahit anong mangyari, siguradong masasaktan si lolo Gil kapag nalaman niya na mali ang pagkakakilala niya sa anak niya.

"Nasabi po ba niya sa inyo kung sino ang nakabuntis sa kaniya?" tanong ko, napaisip muli si Ms. Perl. Sa sobrang tagal na, alam kong ang hirap na rin alalahanin ang buong pag-uusap nila noon. "Tinanong ko kung sino pero ayaw niya sabihin. Ayaw na rin niya pag-usapan. Basta ang alam ko, galit na galit siya sa lalaking 'yon. Sinabi pa niya na susunugin daw niya ang bahay nung lalaki at ng mga magulang nito sa Makati"

Magsasalita pa sana ako nang biglang dumating si Gwen "Aries, hinahanap ka na ni Ms. Cruz, may practice pa kayo" tawag nito mula sa pintuan. Parang biglang nagising ang buong diwa ko, nakalimutan ko na may practice pa nga pala kami at siguradong hinihintay na rin nila ang cassette na 'to.

Agad akong nagpaalam kay Ms. Perl at nagpasalamat, ngumiti naman siya saka kumaway sa'kin. Tinulungan ako ni Gwen sa pagbuhat ng cassette habang mabilis kaming tumatakbo pababa ng hagdan. Napatigil ako nang makasalubong namin si Leo, mabilis niyang kinuha ang cassette na hawak namin saka naunang maglakad papunta sa covered court.

Hindi ko alam pero sa pagkakataong iyon, bigla kong naalala ang huli niyang sinabi kagabi bago siya umalis sa bahay.

"Wag mo nang isipin si Falling Star. 'Wag mo siyang saluhin kapag nahulog siya sayo" ilang segundo akong hindi nakapagsalita dahil sa sinabi niya hanggang sa naramdaman ko na lang ang pagtulo ng ice cream sa kamay ko.

"Ang selfish pakinggan... Pero hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman 'to. Siguro dahil hindi pa ako handa na may nanliligaw sayo. Kung magkaka-boyfriend ka, gusto ko 'yung lalaking hindi ka sasaktan. 'Yung hindi mo rin siya masasaktan. At ang hirap malaman na pareho kayong mahalaga sa'kin" patuloy niya, hindi ko alam kung anong dapat na maramdaman ko dahil sa sinabi niya.

"Aries, bakit ang tagal mo?" bungad ni Ms. Leth nang makarting kami sa covered court. Maingat na ibinaba ni Leo sa harap niya ang cassette. "Chineck pa po namin kung gumagana ito kaya natagalan" sagot ni Leo, nagkatinginan naman kami ni Gwen kasi pinagtakpan ako ni Leo.

"O'siya, mag-umpisa na tayo" saad ni Ms. Leth saka pinatayo na ang lahat ng kasali sa sayaw. Napatingin naman ako kay Leo na ngayon ay tumingin muna sa'kin bago siya naglakad papunta sa section nila. Naiwan lang akong nakatayo sa gitna habang nakatingin din sa kaniya.

***

Pagkatapos ng practice, nauna na ako dahil dederecho pa ko sa bahay nila Leo para tulungan si lolo Gil magluto ng spaghetti. Hindi pa kompleto nina Leo, Gian at Adrian ang sayaw nila kaya baka mamayang hapon pa sila makauwi.

Pagdating ko sa bahay nila Leo, bukas ang cassette tape shop nito at may ilang mga kabataan ang naroon para mag-renta. Nakangiti naman si lolo Gil sa kanila habang pinapakita nito isa-isa ang mga latest cassette tapes.

Magmula nang kumanta kami sa kalsada, marami na rin ang bumibisita sa tindahan ni lolo Gil. Kaya nitong mga huling araw ay abala siya at medyo malakas na ang kita ng negosyo nila. Maaga na ring umuuwi si Leo para tumulong at kung minsan ay dumadaan ako sa kanila para magsaing para sa kanilang dalawa.

"Lo" ngiti ko sa kaniya, napangiti naman si Lolo Gil saka naglakad papalapit sa'kin para tulungan ako sa bitbit kong ilang sangkap. "Ako na po lo, baka mainip 'yung mga customer niyo" saad ko sabay pasok at dumerecho ako sa ikalawang palapag ng bahay nila.

Inilapag ko sa mesa ang mga sangkap. Sinimulan ko nang hiwain ang bawang, sibuyas. Ilang sandali pa, umakyat na rin si lolo Gil. "Lo, baka may mga dumating pa pong customers"

"Sinara ko na ng maaga ang tindahan. Mas mahalaga ang birthday ng apo ko" ngiti ni lolo Gil. Napangiti na lang din ako, alam kong never pa nag-sabihan ng I Love You si lolo Gil at Leo sa isa't isa pero ramdam mo na pareho silang nag-aalala kapag wala ang isa.

Hinugasan na ni lolo Gil ang karne saka sinalang ang kawali. Siguradong matutuwa si Leo kapag nalaman niya na pinaghanda siya ng lolo niya ngayon. Sa tuwing nag-bibirthday si Leo, kami lang din ang kasama niya. Magluluto si lolo Gil ng spaghetti at bibili siya ng tinapay at softdrinks para sa aming apat.

Kapag may budget siya, mas marami ang naluluto niyang spaghetti at nabibigyan niya ang mga kapitbahay pero dahil ngayon kakagaling niya lang sa sakit. Kami lang ulit ang mapapakain niya. Hindi rin naman naghahangad si Leo na magkaroon ng handa sa birthday niya. Alam kong masaya na siya kapag binati siya at kahit walang handa basta makakain lang sila masarap na ulam sa araw ng birthday niya ay okay na siya doon.

"Mamaya pa naman po sila makakauwi lolo, hindi kasi silang tatlo marunong sumayaw kaya maiiwan pa sila hanggang sa makabisado nila" sabi ko, nagmamadali kasi si lolo Gil baka dumating na raw sila Leo, Gian at Adrian at hindi pa kami tapos magluto.

Tumawa na lang si lolo Gil, kapag nakikita ko siyang tumatawa palagi ko naiisip na hindi niya deserve ang lahat ng paghihirap at lungkot na nararanasan niya ngayon. Alam kong wala akong karapatan husgahan ang mama ni Leo pero hindi ko mapigilang isipin kung paano niya nagawang saktan at lokohin ang mga magulang niya ng ganoon. Sa kabila ng lahat ng paghihirap at pangarap ni lolo Gil para sa anak niya, nauwi lang ang lahat sa wala.

"Mahilig din magluto si Janet, spaghetti rin ang palagi naming niluluto kapag birthday niya" saad ni lolo Gil, sinubukan ko na lang ngumiti kahit pa labag iyon sa kalooban ko. Gusto kong sabihin ang totoo at ang lahat sa kaniya pero alam kong wala na rin iyong saysay dahil wala na rin ang anak niya. Siguro mas okay na rin na maganda ang alaala at pagkakakilala niya sa anak niya kumpara sa totoong ginawa nito.

Hindi ko rin mapigilang isipin ang papa ni Leo. Kung alam lang namin kung sino ang papa niya, siguradong hindi mahihirapan mag-isa si lolo Gil. Kahit hindi mula sa mayamang pamilya ang papa ni Leo, kailangan niya pa ring sustentuhan at suportahan kahit pinansyal ang anak niya. Bakit kasi hindi sinabi ng mama niya kung sino ang lalaking iyon?

"Aries, okay ka lang ba hija?" tanong ni lolo Gil dahilan para matauhan ako. Hindi ko namalayan na nanggigigil na pala ako sa paghiwa ng hotdog. Napatitig ako sa kutsilyong hawak ko saka inilapag iyon sa mesa. "Lo, hindi po ba natin aalamin kung sino ang papa ni Leo?" bago ko pa mamalayan ay huli na dahil nasabi ko na iyon.

Napatingin ako kay lolo Gil na ngayon ay napawi rin ang ngiti. Hindi niya rin inaasahan na mauungkat ulit iyon. Napahinga na lang ako ng malalim saka humarap kay lolo Gil, at dahil nasabi ko na iyon naisip ko na dapat ko nang panindigan. "Kasi lolo ang unfair po e, kayo ang nahihirapan. Kayo ni Leo ang naghihirap, nagtitiis at palaging nasasaktan. Matanda na po kayo para magtrabaho at maging ina at ama... Si Leo---" napatigil ako, hindi ko alam kung bakit hindi ko matuloy ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko masabi na si Leo ay nahihirapan din, gusto niyang mag-aral sa Maynila at lumaban sa swimming competition at bumuo ng banda pero hindi niya tinutuloy dahil wala silang sapat na pera at ayaw niyang iwan si lolo Gil.

"Hija, hindi talaga patas ang mundo. Alam ko iyon. At kung tatanungin mo ako, masaya na ako dahil binigay ng Diyos sa akin ang apo ko. Kahit magtrabaho ako at pa-ugod-ugod na, okay lang dahil para iyon sa apo ko. Ang hindi ko makakaya ay ang mawalay siya sa'kin, alam ko namang hindi na ako magtatagal sa mundong ito, at kung dumating ang araw na iyon, ang lubos kong ikinababahala ay ang apo ko. Sino na ang mag-aalaga kay Leo? Sino ang magmamahal sa kaniya ng totoo? Hindi ako nakasisiguro kung magagawa iyon ng papa niya. Pero paano kung dumating ang papa niya ngayon, bukas o sa susunod na araw? Paano kung kunin na siya nito? Hindi ko na kakayanin mawalan ulit ng anak" sa pagkakataong iyon ay nakita ko ang luha na dumaloy mula sa mga mata ni lolo Gil.

Parang unti-unting dinudurog ang puso ko, masyado kong pinagtuunan ng pansin na nahihirapan na silang dalawa. Ang hindi ko napansin ay kahit ganoon, kahit nahihirapan sila ay masaya naman silang dalawa magkasama.

Naglakad ako papalapit kay lolo Gil at akmang yayakapin siya pero bigla siyang tumawa at agad niyang pinunasan ang luha niya. "Ikaw talaga, baka maabutan ni Leo na pinapaiyak mo ako. Hindi ka na niya bibilhan ng ice cream" tawa ni lolo Gil, ako naman ang nagulat. Paano niya nalaman na nililibre ako ni Leo ng ice cream?

"Akin na 'yung pasta" saad ni lolo Gil, agad kong inabot sa kaniya iyon at inilagay na niya sa kumukulong tubig. "Kaya 'wag na natin hanapin o alamin kung sino ang papa niya. Kung loloobin naman ng Diyos na makilala natin ang lalaking iyon, sana ay tanggapin at mahalin niya si Leo gaya ng pagmamahal ko"

"Sa kabila ng lahat ng hirap na nararanasan namin. Hindi nagreklamo sa'kin si Leo, kapag wala na kaming bigas, siya ang gumagawa ng paraan. Kapag naputulan kami ng kuryente, nagigising na lang ako sa gitna ng gabi dahil pinapatay niya ang mga lamok sa kwarto ko. Kapag wala siyang baon, hindi siya nagtatanong sa akin kung bakit. Kung minsan, nauubusan kami ng gas, siya ang nag-pupugon sa labas. At kahit umuulan, tinatapos niya ang lahat ng labahan. Huli ko na rin nalalaman na may mga bayarin pala sa school dahil nabayaran na niya iyon agad. Alam kong nag-papart time siya sa tindahan ni Manong Jude at kahit sabihin kong mag-aral na lang siya at ako ang magtatrabahao, alam kong hindi niya rin gagawin iyon dahil ayaw niya akong mahirapan. Noong nagkasakit ako, nagising na lang ako dahil umiiyak siya sa tabi ko. Si Leo, kahit hindi niya sabihin at kahit hindi siya magsalita, mararamdaman mo sa kilos at sa mga mata niya kung gaano ka kahalaga sa kaniya at iyon ang pinakagusto kong ugali niya" saad ni lolo Gil sabay ngiti. At sa pagkakataong iyon, ngayon ko lang nalaman na kahit ilang taon ko na siyang kilala hindi pa pala sapat lahat ng iyon dahil may mga bagay na hindi pa ako nalalaman tungkol sa kaniya.

***

Alas-sais na ng hapon nang dumating silang tatlo. Hindi naman surprise ang birthday ni Leo kaya alam niya na magluluto kami ng spaghetti. Inilapag na nila ang mga bag nila sa kwarto ni Leo saka naupo sa pabilog na mesa.

"Hindi talaga kami kumain para matikman ang luto mo lolo" ngiti ni Gian, tumawa naman si lolo Gil sabay lapag sa mesa ng malaking mangkok ng bagong lutong spaghetti at keso. "Si Aries ang nagluto, assistant chef niya lang ako" tawa ni lolo Gil, bigla namang napakunot ang noo ni Gian.

"Sa bahay na lang po pala ako kakain" saad ni Gian at kunwaring tatayo kaya agad kong pinitik ang tenga niya. "Wag kang kakain dito ha" saad ko pero tumawa lang siya sabay sabing "Juk, Juk, juk!" inirapan ko na lang siya saka naupo sa bakanteng upuan sa gitna nina Leo at Adrian.

"Sandali, kumanta muna tayo. May dala rin akong kandila" saad ni Gian sabay kuha ng kandila sa bag niya at inilagay iyon sa ibabaw ng tinapay na tasty. "Bakit 1 year old?" tanong ko, ngumisi lang si Gian na parang manggagantso at lolokohin kami.

"First birthday ko ba 'to?" nagtatakang tanong ni Leo na halatang natatawa rin kasi number one ang kandilang dala ni Gian. "Ito lang kasi 'yung nakita ko sa bahay tsaka ikaw naman Leo ang number one sa puso naming tumitibok-tibok ugh" saad ni Gian sabay tayo at kumembot-kembot na parang tumitibok ang puso niya.

"Kadiri, baka mawalan tayo ng gana kumain" saad ni Adrian at nang mapatingin siya sa'kin ay bigla siyang napatahimik. Isa pa 'tong lalaking 'to, hindi ko na rin siya maintindihan. Si Leo ang gulo ng mga sinasabi at kinikilos niya, si Adrian bigla na lang umiwas pero sobrang lakas mang-asar nung una, itong si Gian naman hindi ko alam kung paurong ba ang pagtanda niya. Napapalibutan ako ng tatlong baliw na hindi ko na maintindihan pero kahit ganoon masaya ako na kasama sila.

Sinindihan na ni lolo Gil ang kandila at nagsimula kaming kumanta, nahihiya si Leo at tinakpan niya ang mukha niya dahil ayaw niya talagang kinakantahan at ginagawan siya ng mga kakornihan. Kumanta na lang din ako at kahit gusto kong sabunutan si Gian na gumiling-giling sa kantang Happy Birthday ay natawa na lang din ako sa pinaggagagawa niya.

"Anong wish mo Leo?" tanong ni Gian bago hipan ni Leo ang sindi ng kandila. "Secret" tugon niya sabay ngiti at bigla siyang tumingin sa'kin dahilan para mapatigil ako. Parang biglang bumagal ang paligid nang hipan niya ang apoy ng kandila at mawala iyon.

At ang tanging natira na lamang ay ako at ang sinabi niya sa akin kagabi na sobrang nagpagulo sa isipan ko.

***

"We went to Luneta rin, there's a lot of people there. Napagod nga kami nila Dad kasi ang layo ng nilakad namin. Then, we also went to Manila Zoo, ang cute ng mga animals there. You guys should go there too" saad ni Chelsea, mag-kakalahating oras na siyang dumadaldal habang nag-lulunch kami sa classroom.

May baon siya kaya sumabay siya sa amin kumain nina Gwen at Jessica. Nagulat pa kami kasi ang dami niyang ulam at lahat ng iyon ay nakalagay sa mamahaling Hello Kitty exclusive collection from Japan ayon sa kaniya. "Ang happy happy naman ng weekend mo" saad ni Gwen na may halong pagka-sarkastiko at parang ginaya nito kung paano magsalita si Chelsea. Tumawa lang si Chelsea, hindi niya napansin 'yung tono ng pananalita ni Gwen.

"There's a lot to explore in Manila. Hope we can go there altogether!" ngiti pa ulit ni Chelsea sabay hawi ng mahaba niyang buhok. Bigla namang nilapag ni Jessica ang kutsara niya. "So Chels, sino mga kasama mo there when you went to Manila?" si Jessica naman ang sinagi ko dahil maging siya ay nairita na rin kay Chelsea.

"Actually, tatlo lang kami, me, dad and..." hindi niya natapos ang sasabihin niya dahil parang bigla siyang nag-isip ng malalim. "Anyway, ang sarap ng ulam mo Gwen. Sinong nagluto nito?" patuloy niya sabay turo sa adobo na ulam ni Gwen. Nagpatuloy ulit sa pagkwekwento si Chelsea tungkol sa Manila na sinasabayan ng panggagaya ng dalawa kong kaibigan.

Nang hapon ding iyon, pabalik na ko sa classroom para kunin ang gamit ko dahil uwian na nang bigla akong harangin ng freshman na babae na siyang nag-aabot sa'kin ng mga pink letter. "Ate Aries, magpapakilala na raw po siya sayo" saad niya, napalingon ako sa paligid dahil biglang dumami ang mga estudyante na naglalabasan sa kani-kanilang classroom.

"Pakisabi ang kapal ng mukha niyang umiwas sa'kin tapos ngayon magpapakilala siya. Sasabunutan ko kamo siya" sabi ko, nagulat naman siya at parang napaisip sa mga sinabi ko. "Po?" tanong niya, hindi ko alam kung dahil ba sa ingay ng mga tao sa paligid namin kaya hindi niya ako narinig masyado.

"Pupuntahan ko na lang siya sa bahay nila. Talaga 'tong si Adri---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang may grupo ng mga lalaki ang bumaba ng hagdan at kumakanta. "Itanong mo sa akin, kung sino ang aking mahal..."panimula ni Ben, may hawak siyang gitara habang dahan-dahang bumababa ng hagdan.

Second voice naman ang mga tauhan niya habang kinakanta nila ang Ikaw ang aking mahal by VST & Co. Napatulala lang kaming lahat sa kanila habang ang ang iba naman ay napatakip ng tenga dahil lumilihis sa tono ang mga boses nila. Maging ang gitarang hawak ni Ben ay sintunado. "Ikaw lang ang aking mahal. Ang pag-ibig mo'y aking kailangan..."

Nanlaki ang mga mata ko nang mapansin ko na papalapit sila sa akin. Napatingin ako sa mga kaklase at ibang estudyante na nasa paligid. Nagtataka ang iba habang ang iba naman ay natatawa at karamihan naman sa mga babae ay kinilig. "My dearest Aries, this is my letter for you" saad ni Ben sabay abot sakin ng pamilyar na pink letter.

Ngayon ko lang napansin na nagsuklay pala siya ng buhok at nakahawi ang lahat ng iyon sa isang side. "I'm your falling star" ngiti niya sabay kindat at nilawayan pa niya ang kilay niya. "Ben and Aries sitting on the tree, K-I-S-S-I-N-G" kantyaw ng mga tauhan niya. Paulit-ulit nilang kinanta iyon at nakisabay din ang ibang mga estudyante.

Nagulat ako nang hinawi ni Ben ang buhok niya sabay abot sa isang tauhan niya ng gitara at binasa niya ng laway ang makapal niyang labi. Kaya pala sobrang baduy at korni ng mga sulat na iyon, si Ben pala si Falling Star!

Ilang sandali pa, natanaw ko mula sa likod nila Ben sina Leo, Gian at Adrian na kakarating lang at mukhang nakarating sa kanila ang balita na hinaharana ako ni Ben at ng mga alagad nito. "Aalis na pala ako, bye!" iyon na lang ang sinabi ko saka dali-daling tumakbo papunta sa kanila. Sinabayan din nila ako tumakbo para samahan ako tumakas mula kay Falling Star na hindi ko inaasahan.

***

"P*ta, natatawa pa rin ako" tawa ni Gian, halos maubusan na siya ng hangin kakatawa mula pa kanina. Nandito kami ngayon sa labas ng tindahan ni Manong Jude habang kumakain ng ice pop. "Crush ka ni Ben!" patuloy ni Gian, napapalingon pa ang ilang batang naglalaro sa tapat dahil sa lakas ng tawa niya.

Sinamaan ko na lang siya ng tingin pero hindi pa rin siya maawat sa pagtawa. Nahuli ko ring tumatawa si Leo pero pinipigilan lang niya. Habang si Adrian naman ay parang aso na may malaking kasalanan sa'kin. Tiningnan ko siya ng derecho "Alam mong si Ben si Falling Star 'no?" usisa ko, napapikit lang ng mata si Adrian saka umupo sa tabi ko.

Nakasakay naman si Gian at Leo sa kani-kanilang bike. "Nahuli ko kasi siya na may sinusulat tapos hinarang ko si Yna na inuutusan nilang magpadala ng letter sayo. Kapatid ni Ben si Yna. Nung una kinuha ko lang kay Yna, kinuha ko rin 'yung ibang letter na hindi pa niya tapos"

"E, bakit hindi mo sinabi sa'kin?" saad ko sabay pamewang. Napakamot naman si Adrian sa ulo niya, "Tinakot ka ni Ben?" patuloy ko, napailing naman siya agad. "Hindi ha" tugon niya, tumayo siya sabay upo ulit sa bisikleta niya.

"Bakit ka umiwas? Hindi ka rin nagpaliwanag sa'kin. Kung hindi ka tinakot nila Ben, bakit hindi mo sinabi sa'kin na hindi ikaw si Falling Star?" sunod-sunod kong tanong. Magsasalita pa sana ako kaya lang biglang sumabat si Gian.

"So, Falling Star pala ang alyas ni Ben HAHAHA! Ang boyfriend kong baduy! Baduy!" tawa ni Gian at kinanta niya pa Ang Boyfriend kong Baduy by Cinderella. Tumayo ako saka hinarap ulit si Adrian, "Bakit ka nga umiwas? Bakit hindi mo sa'kin sinabi?" ulit ko pa dahilan para mapatigil si Gian sa pagkanta at pang-aasar.

"Nalaman kasi nila Ben na... Basta... Wait, natatae ako" saad ni Adrian sabay padyak sa bisikleta niya at mabilis na umuwi sa kanila. "Ang baboy talaga nito ni Adrian kahit kelan" saad ni Gian sabay tingin sa'kin "Pero mas baboy ang falling star mo Aries!" kantyaw niya pa, at dahil hindi na ako makatiis, kanina pa ako nanggigigil dito kay Gian, hinabol ko siya at pilit na sinabunutan pero mabilis siyang tumakbo paikot sa tindahan ni Manong Jude habang si Leo naman ay tumatawa lang at kalmadong kumakain ng ice pop.

***

Kinagabihan, gumagawa ako ng assignment nang umakyat si mama sa kwarto ko. "Anak, punta ka muna sandali kay lolo Gil, nagsabi ako kanina sa kaniya na hihiramin ko ang camera nila. Pupunta kami sa Pansol, Laguna bukas. Maganda raw ang mga hot springs doon kaya kukuhanan ko sana ng litrato" saad ni mama. Sinara ko na lang ang mga notebook ko saka lumabas ng kwarto.

Nagsuot din ako ng jacket bago lumabas ng bahay dahil malamig sa gabi. Sa unahang kanto lang naman ang bahay nila Leo na natatanaw ko na agad ngayon. Pagdating ko roon, bukas ang pinto ng bahay nila at parang ang dilim ng loob. Naabutan ko si Leo sa gitna ng mga cassette tapes na tinitinda nila at may kandila sa tabi niya.

Nakaupo siya sa sahig habang hawak ang gitara at may isang nakasalpak na earphone sa kaliwang tenga niya. Nakalapag din sa sahig ang notebook niya kung saan niya isinusulat ang mga kantang ginagawa niya.

Napalingon siya sa pintuan nang marinig niya ang paghakbang ko papasok. "Aries?" mabilis siyang tumayo at sumalubong sa'kin. Alam kong hindi niya ako masyado mamukhaan dahil ang dilim sa loob ng bahay nila. May isang kandila lang sa tabi niya.

"H-hihiramin daw ni mama 'yung camera ni lolo Gil" saad ko, ibinaba na ni Leo ang gitara niya sa sahig. "Sige, kunin ko lang sa taas" saad niya saka mabilis na umakyat sa taas. May isang kandila rin sa gilid ng hagdan nila papunta sa ikalawang palapag.

Alas-diyes na ng gabi, siguradong tulog na si lolo Gil. Naupo ako sandali sa tabi ng gitara ni Leo, napansin ko ang notebook niya at ang pahina nito. Mukhang inaaral na niya ngayon kung paano pagandahin ang kantang iyon.

"Wala na palang film 'to" saad ni Leo habang bumababa ng hagdan. Agad naman akong tumayo, "Okay lang, may binili si mama" sagot ko. Inabot na niya sa'kin ang camera, "Salamat" wika ko sabay kuha ng camera sa kamay niya.

"Nung isang araw pa kami nawalan ng kuryente. Pumayag na si lolo na magtrabaho ako sa isang resto bar sa bayan" saad niya sabay yuko. Sandali akong natahimik, hindi ako nakapagsalita agad. Bigla siyang ngumiti, "Akala ko hindi siya papayag, pero ang sabi ko, wala rin kaming magiging benta kapag wala kaming kuryente. Paano bibili 'yung mga customer kung hindi i-tetest ni lolo sa cassette niya" patuloy niya, napahinga na lang ako ng malalim.

"Anong trabaho mo doon?"

"Taga-hugas ng plato" ngiti niya, "Hindi pa nga nila dapat ako kukunin kasi menor de edad pa raw ako pero nakiusap ako at sinabi kong walang ibang makakaalam. Hindi ako magsusumbong. Nasa likod lang naman ako ng kusina" patuloy niya sabay ngiti. Alam kong gusto niya lang itago ang lahat ng iyon sa mga ngiti niya.

"Pwede ba kaming tumulong doon paminsan-minsan?" saad ko sabay ngiti. Alam kong may part sa pagkatao niya na nahihiya siya sabihin iyon pero masaya ako na nagawa niyang sabihin sa akin. Wala namang dapat ikahiya ang isang taong gumagawa ng marangal na trabaho.

"Siguro, pero ice pop lang ang malilibre ko sa inyo ha" ngiti niya hanggang sa matawa na lang kaming dalawa. "Kapag may bakante sa inyo, mag-apply ako. Gusto ko rin magkaroon ng part-time job para makabili ng electric guitar" saad ko, tumango-tango naman si Leo sabay ngiti.

"Siya nga pala, may paparinig ako sayo" saad niya sabay upo sa sahig. Sumenyas siya na umupo ako sa tapat niya at inabot niya sa'kin ang Walkman. "You and Me ang pamagat ng kantang 'yan" patuloy niya. pinakinggan ko ang kanta at napangiti ako sa boses niya.

"Kantahin mo rin, tutugtugin ko para sayo" saad niya saka nagsimula siyang tumugtog gamit ang gitara. Kinuha ko naman ang notebook niya at sinabayan ang kanta mula sa lyrics na nakasulat doon. Kahit nag-iisang ilaw lang ng kandila ang nagbibigay liwanag sa paligid namin, kitang-kita ko pa rin ang saya sa mga mata niya.

"Mas bagay sayo. Ikaw na lang ang kumanta niyan" wika niya nang matapos kong kantahin iyon. "Hindi mo ba 'to ipaparinig kina Gian at Adrian?" tanong ko, umiling lang siya. "Sayo lang" sagot niya dahilan para mapatigil ako.

Ibinalik niya muli ang tingin niya sa gitarang hawak niya "Alam kong malungkot ka ngayon. Alam kong dismayado ka sa nalaman mo tungkol kay Falling Star. Kahit ako hindi ko rin naman alam na si Ben pala iyon" patuloy niya, napatitig na lang ako sa kandilang nakatayo sa gilid namin. Ang liwanag nito ay nagdudulot ng lungkot sa akin.

"Dismayado? Curious lang ako kay falling star" saad ko, natawa na lang ako sa sarili ko. 

"Alam kong umasa ka na si Adrian si Falling Star" wika niya dahilan para mapatigil ako at mapatingin sa kaniya. "Kaya inis na inis ka sa kaniya kanina" patuloy niya, bigla akong napaiwas ng tingin sa kaniya. Dapat kong itanggi iyon pero alam ko sa sarili ko na umasa nga ako na si Adrian ang nagsusulat sa'kin ng love letter.

"Nung narinig kong tinanong mo si Adrian kung siya ba ang nagsusulat sayo. Nakita ko rin sa libro ni Adrian ang mga sulat na 'yon nung umuwi kami. Pinahawak niya sa'kin 'yung mga libro niya nang tanggalin niya 'yung kadena sa bike niya. Doon nabasa ko ang pangalan ni Falling Star sa mga sulat na 'yon" dagdag ni Leo at nagulat ako nang bigla siyang ngumiti sa'kin.

"Hindi pala si Adrian si Falling Star" ngiti niya, napakunot na lang ang noo ko. Bakit masaya siya na hindi si Adrian si Falling Star. "Alam mo ba kung bakit may bro code kami? Dati pa namin ginawa 'yon, bago pa siguro tayo mag-high school" ngiti ni Leo habang dahan-dahan niyang nilalaro ang gitara niya.

"Hindi kami pwede magkagusto sa iisang babae. Mahirap kalabanin ang sarili mong kaibigan. Maiipit ka sa sitwasyon kung ano ba ang dapat manaig, ang pag-ibig niyo sa iisang babae? O ang pagkakaibigan at ang matagal niyo nang pinagsamahan?" saad niya sabay tingin ng derecho sa'kin.

"Aries, kung magkaka-boyfriend ka, mas okay kung pwede ko siyang suntukin kapag pinaiyak ka niya. 'Yung pwede ko siyang murahin at sabihan ng masasakit na salita. 'Yung masasabi ko sayo na wala siyang kwentang tao kaya kalimutan mo na siya. Pero kung sasaluhin mo si Adrian... Sisimulan ko nang humakbang paatras" wika niya, at sa pagkakataong iyon, sandaling tumigil ang takbo ng mundo ko at ang pintig ng puso ko.


****************************

#LeoAndAries on twitter

Note: Pakinggan niyo ang original song na ito "You and Me" by Eica Cabalcar and Jomari Legaspi. Please like, comment and susbscribe sa youtube channel nila. Maraming Salamat!

https://youtu.be/knkdt0gyJK0

"You and Me" by Eica Cabalcar and Jomari Legaspi

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top