Chapter 1
[Chapter 1] Featured Song: "Ito Na Ba" by Marc and Rapha
July 08, 1996
Magiging maganda ang araw mo ngayon dahil maraming magandang balita ang darating sayo. May mga bagay na ibig mong sabihin ngunit mas makakabuti kung hanapin mo muna ang tamang sagot. Ang iyong lucky number ay 02, 18 at 21. Ang iyong lucky color ay magenta, indigo at yellow.
Napangiti ako sa sarili at dahan-dahan kong ibinalik ang dyaryo sa lagayan nito. "Hindi pa ba kayo late niyan sa klase?" tanong ni Manong Jude habang nakaupo sa kaniyang rocking chair at nakaharap sa maliit niyang TV na black and white na may mataas na atenna.
Narito kami sa mini-grocery store na madadaanan namin papunta sa school. Punong-puno ng iba't ibang paninda ang kaniyang tindahan pero agaw pansin talaga ang ceiling fan na umiikot pero wala namang hangin.
"Hindi pa po, pabili ulit manong ng dalawa" sagot ni Gian habang ngumunguya ng bubble gum sabay dukot ng barya at kumuha ng dalawang bubble gum sa garapon. Nagkukumpulan silang tatlo malapit kay Manong Jude. Matanda na si manong pero malagong-malago pa rin ang bigote niya na madalas niyang suklayin habang nanonood ng TV.
"Manong, kalian kayo magkakaroon ng bagong POGS?" hirit ni Adrian sabay agaw ng bubble gum kay Gian dahil hindi ito namimigay. Napaisip naman si manong saka tumingin sa tatlong bugok kong kaibigan na adik na adik sa POGS. "Baka sa susunod na linggo" tugon nito sabay lapit sa kanila at bumulong "Sa inyo ko una ibebenta kaya 'wag kayo maingay sa iba ha."
"Hindi ka nila babayaran, manong Jude" sabat ko saka gumitna sa kanilang tatlo. Kunot noo silang tatlo na lumingon sa'kin habang si manong naman ay natawa na lang. "Ikaw din naman ha, nakikibasa ka ng horoscope diyan pero 'di mo naman binibili 'yung dyaryo" reklamo ni Gian na sinabayan nila ng tawa ni Adrian. Binelatan pa ko ni Gian, sumasayaw-sayaw naman si Adrian, samantala, ibinalik na lang ni Leo ang tingin niya sa TV kung saan pinapalabas ang MTV.
Babatukan ko sana silang dalawa kaya lang agad tumayo si Manong Jude at pumagitna sa'min. "Kayo talagang mga kabataan, pumasok na nga kayo, ma-lalate na kayo niyan" wika ni Manong Jude sabay kuha ng mahaba niyang baton na palagi niyang pinapanakot sa'min. Hindi ko rin siya minsan maintindihan kasi hilig niya kaming biruin at kunwaring hahabulin ng pamalo.
Dali-dali kaming tumakbo papalabas sa tindahan at nag-unahan makasakay sa bisikleta. Sa lakas ng tawa ni Gian ay napadungaw pa sa bintana ang asawa ni Manong Jude sa pag-aakalang may baliw na naglalagalag sa labas.
Mabilis na nakasakay si Gian at Adrian sa kani-kanilang bisikleta, "Jane, bilisan mo naman!" reklamo ni Leo sa'kin na nakasakay na sa kaniyang bisikleta "Sandali kasi" reklamo ko dahil bumuhol ang ID sa mahaba kong buhok na nakalugay lang.
"At 'wag mo nga akong tawaging Jane, kadiri ka" nakasakay na ako sa likod ng bisikleta niya at sinadya kong hawakan ng mahigpit ang magkabilang balikat niya para makaganti "Ang talim ng kuko mo!" reklamo ulit ni Leo pero nilagay ko lang ang kamay ko sa tapat ng mukha niya "Talk to my hand"
Agad niyang tinabig ang kamay ko at sinimulang paandarin ang bisikleta, umupo na ako ng maayos sa likuran niya at yumakap sa bewang niya "Mag-aral kayong mabuti para magkaroon kayo ng magandang trabaho" sigaw ni Manong Jude sabay tawa dahil para kaming mga ipis na mabilis niyang naitaboy.
Lumingon at kumaway ako sa kaniya "Bibilhan kita ng mas latest na colored TV, manong" sigaw ko pabalik, tumango-tango naman siya saka bumalik sa kaniyang tindahan. "Hindi ka nga makabili ng bagong toothbrush e" narinig kong sabi ni Leo, hindi ko man makita ang mukha niya dahil nakatalikod siya sa'kin pero alam kong nang-aasar na naman 'to.
Mula nang makita niya ang marumi at sirang toothbrush na pang-brush namin ng sapatos sa labas ng bahay kahapon. Pinagkalat na niya kina Adrian at Gian na toothbrush ko raw 'yon. Maging ang maruming basahan na pamunas sa mesa, inasar din nila ako na libag ko raw iyon.
"Mukha mo libag" buwelta ko pero tinawanan niya lang ako. Gustuhin ko man siyang sabunutan pero natatakot ako na sumemplang kami sa daan.
"Ang kukupad niyo naman, pinaglihi ba kayo sa pagong?" sigaw ni Gian na siyang nangunguna sa amin. "Gagi, ang yabang mo kamatis ka!" sigaw ni Adrian at agad niyang pinaharurot ang kaniyang bisikleta para maabutan si Gian.
Gulat namang napalingon si Gian at mabilis niya ring pinadyak ang kaniyang bisikleta. Agad naungusan ni Adrian si Gian hindi dahil sa matangkad siya kundi dahil mas sanay siya sa pagpadyak at paghampas ng mabilis.
Si Adrian Luis Vicente na mas kilala bilang Thunder Bolt ng section namin. Magaling siya mag-drums, maglaro ng sepak-takraw, at higit sa lahat mag-ayos ng mga sirang bagay at appliances. Matangkad, matangos ang ilong at masasabi kong may hitsura si Adrian pero madaling natuturn-off sa kaniya ang mga babae dahil naiistatwa lang siya sa tuwing kinakausap siya ng babae. Para siyang biglang nagiging tuod na hindi na nakakagalaw at nakakapagsalita.
Ang mga magulang niya ay parehong OFW sa Canada kaya lolo at lola niya lang ang kasama niya sa bahay. Madalas kaming tumambay sa bahay nila kaya lang palaging pinapatulog ng hapon si Adrian noong mga bata pa kami, para siyang bilanggo na itatakas namin kapag natapos na niyang bunutan ng puting buhok ang lolo at lola niya.
Kapag naitakas na namin siya, magtatago kami sa bahay nila Gian, sa malaki niyang cabinet na amoy alcampor. 'Pag lipas ng ilang minuto, lalabas na kami roon at magtatatalon sa kama niya, kukunin ni Gian ang kumot niyang may imprint ng logo na Superman at ilalagay iyon sa likod niya saka magkukunwaring lumilipad habang buhat-buhat nina Leo at Adrian ang magkabilang paa at kamay niya.
Ako naman ang magpwepwesto ng electric fan sa tapat nila para sa wind effect at kunwaring madlang people na kakaway sa kaniya mula sa lupa. Kung minsan ay napapagod kami sa paglalaro at nakakatulog sa kwarto niya, gigisingin kami ng mama niya at papakainin ng merienda na banana cue at camote cue dahil may tindahan sila ng merienda tuwing hapon at barbeque naman tuwing gabi.
"Madugas ka talaga!" sigaw ni Gian kay Adrian dahil nangunguna na ito sa amin. Agad humabol si Gian pero hinaharangan siya ni Adrian para hindi siya makasingit sa daan.
Si Giovanni Dela Cruz o mas kilala bilang Gian at Kamatis ng section namin. Kung pagdating lang sa technology, Playstation, Gameboy at kahit Tamagotchi, walang ibang makakatalo sa galing ni Gian the tomato. Matangkad, maputi, makinis at chinito. Kung minsan ay napagkakamalan siyang Chinese dahil sa singkit ng kaniyang mga mata pero wala naman daw silang lahing Chinese. Pinaglihi lang daw siya ng mama niya kay Stephen Chow kaya medyo kahawig niya ang sikat na comedy actor.
Magaling mag-piano at mag-violin si Gian dahil ang papa niya ay kabilang sa isang sikat na classic orchestra. Ang mama naman niya ay housewife na sobrang madiskarte at magaling mag-negosyo. Matalino sa Math si Gian pero tamad siya mag-aral. Mas kilala siya sa tawag na kamatis dahil sa isang masalimuot na trahedya na nangyari sa kaniya noong grade four kami.
Noong April 1991, bakasyon namin. Nagkaroon ng libreng tuli sa school na project ng aming barangay health center. Sabay-sabay na nagpatuli sina Leo, Adrian at Gian. Naroon din ako dahil sinama ako ni mama para ipatuli rin ang pinsan ko na si kuya Kris na nagbakasyon sa amin.
Nauna magpatuli si Leo at Adrian na parehong sumigaw at gumawa ng eksena. Umuwi silang luhaan habang ngumangawa sa daan. Umiyak din si kuya Kris pero agad siyang tumigil nang bigyan siya ni mama ng bagong bala para sa Gameboy.
Samantala, si Gian naman ang pinakamatapang sa lahat. Nanatili siyang kalmado sa pila hanggang sa matapos ang pagtuli sa kaniya. Walang emosyon ang mukha niya na akala mo ay isang matandang ermitanyo na ang daming words of wisdom. Tuwang-tuwa ang mama niya at pinagmamalaki siya sa lahat, maging si mama ay natuwa sa katapangan ni Gian.
Narinig ng isang malokong doctor na nagkukumpulan ang mga nanay sa gilid habang pinapalibutan si Gian na kakatapos lamang matuli. Naroon din ako habang inaasar si Gian na iiyak siya mamaya at hindi na siya makakaihi kahit kailan.
Biglang lumapit ang lalaking doctor sa amin, humawak siya sa balikat ni Gian sabay sabing 'Boy, sorry, naputol ko lahat' pinakita ng doctor ang isang dummy na mukhang totoo.
Napasigaw si Gian dahilan para mapatigil ang lahat at mapalingon sa kaniya "Ang kamatis ko!" sigaw niya na parang umalingangaw sa buong campus, buong barangay, buong bayan, buong Pilipinas, buong Asia at sa buong Universe. Napatakip kaming lahat ng tenga hanggang sa mahimatay si Gian at bumulagta sa daan. Nagulat ang doctor dahil sa prank niya at agad siyang pinagalitan ng kanilang head.
"Kumapit ka Aries, lalampasuhin natin ang mga gunggong na 'to" sabi ni Leo, magsasalita pa sana ako pero mabilis niyang pinaharurot ang bisikletang sinasakyan namin. Napapikit na lang ako ng mata sabay hawak ng mahigpit sa beywang niya habang sinasalubong namin ang malakas na hampas ng hangin dahil sa bilis ng takbo ng bisikleta.
Gulat na napalingon si Gian at Adrian na agad napatabi nang umarangkada sa gitna ang bisikleta namin ni Leo at naungusan sila. "Hoy! Sandali!" sabay na sigaw ng dalawa pero tinawanan lang namin sila ni Leo at binelatan ko pa sila.
Si Leopold Rosero, kilala sa tawag na Leo, hindi dahil sa pangalan niya kundi dahil ang horoscope rin niya ay Leo. Wala na ang mama niya, namatay ito sa panganganak sa kaniya habang ang papa naman niya ay hindi niya alam kung sino. Lumaki siya sa Lolo niya, silang dalawa lang sa bahay nang mamatay ang lola niya noong grade two pa kami.
Magaling siya kumanta at tumugtog ng gitara, nagsusulat din siya ng kanta. Magaling din siya mag-basketball pero hindi siya kasama sa basketball team ng school namin dahil kasama siya sa swimming team. Matalino rin siya sa Science pero tulad ni Gian ay tamad siya mag-aral.
Sa kanilang tatlo, si Leo ang pinaka may hitsura. Matangkad, matangos ang ilong at maganda ang ngiti. Kapag tumatawa at ngumingiti siya mas lalong umaaliwalas ang kaniyang mukha. Pero bihira lang din iyon dahil mas madalas siya seryoso at palagi niya kaming inaaway o binabara. Ngunit kahit ganoon, alam naming lahat na si Leo ang may pinakamabuting puso sa amin. Marami siyang naampon na pusa na natatagpuan namin sa kalsada, ang iba ay dinadala namin sa mga animal shelter pero madalas ay inuuwi niya sa bahay dahil mahilig din sa pusa ang lolo niya.
"Ang dugas! Sabay-sabay dapat!" sigaw nina Gian at Adrian habang pilit silang humahabol sa amin. Lumingon ulit ako sa kanila at humalakhak pa para mas lalo silang maasar. "Hala, bilisan mo!" utos ko kay Leo na ngayon ay gigil na gigil na pumadyak sa bisikleta. "Tumahimik ka nga diyan, ang bigat mo kaya!" reklamo niya dahilan para mapapikit na lang ako sa inis. Gusto ko na talaga siyang sabunutan at ibalibag.
"Maaabutan na nila tayo!" habol ko pa sabay lingon kay Gian at Adrian na mukhang mga naglalaway na asong humahabol sa amin. Napalingon din sa kanila si Leo at mas lalo niyang binilisan ang takbo ng bisikleta. Nagsisigaw ang dalawa hanggang sa tahakin na namin ang mahabang karagatan ng Atimonan.
May iilang kotse, bus at truck na dumadaan. Maging mga motorsiklo sakay ang mga kaklase naming papasok na rin sa paaralan. "Ang mahuli manlilibre ng ice pop mamaya!" sigaw ni Leo, napangiti naman ako at napalingon sa dalawang mokong. "Yellow pop sa'kin!" sigaw ko sabay tawa. "Blue sa'kin!" Nagkatinginan naman si Adrian at Gian.
Biglang ngumisi si Adrian "Green ice pop naman sa'kin!" sabi nito sabay harurot dahilan upang mahuli na nang tuluyan si Gian na nagsisisigaw habang hinahabol kami. Sabi sa horoscope ko magiging maganda raw ang araw na ito para sa akin. At tama nga si madam Fei na siyang nagsusulat ng horoscope sa paborito kong dyaryo. Maswerte nga ako sa araw na ito dahil siguradong may libre kaming ice pop mamaya.
***
"Aries Jane Fernandez" tawag ng school principal namin habang nakatayo kami ng tuwid sa harapan niya. 7:15 AM na, kakatapos lang ng flag ceremony at late na kaming apat. Halos sampung estudyante rin ang kasama namin na late din kaya ngayon ay mapaparusahan kami.
"Ikaw ang mag-lead ng Lupang Hinirang" patuloy ng school principal naming si Mr. Conrado. Wala na itong buhok at kumikinang ang kaniyang ulo pero malago pa ang kaniyang bigote. May suot siyang itim na salamin at palagi niyang hawak ang legendary stick niya na panghampas sa mesa at pwet ng mga makukulit at pasaway na estudyante.
Napatingin naman ako kina Leo, Gian at Adrian na pare-pareho akong tinawanan ng palihim. Walang gustong mag-lead ng national anthem sa amin kapag late na dahil aakyat ka sa taas ng entablado mag-isa habang ang iba ay nasa baba lang at magkakasama.
Wala na akong nagawa kundi ang sumunod, umakyat na ako sa entablado saka inihanda ang aking kamay. Napatikhim din ako bago ko simulang awitin ang unang linya ng pambansang awit sabay sabing 'Handa awit'
Nang matapos kaming kumanta, si Adrian naman ang tinawag para sa Panatang Makabayan. Nakatingin siya sa amin dahil hindi niya masyado memorize ang panata kaya tinutulungan namin siya. Mapapatigil lang kami kapag lumingon sa amin si Mr. Conrado.
"Alam niyo na ang dating gawi, maglinis kayo" utos ni Mr. Conrado sabay talikod at nagsimula na siyang mag-ikot-ikot sa buong campus. Agad naman kaming nag-unahan sa walis tingting at dustpan dahil ayaw naming mapunta sa amin ang pinakapanget at sira.
Napapadyak na lang ako sa inis dahil naunahan na nila akong tatlo kaya 'yung pinakapangit na walis at dustpan ang napunta sa akin. Tinawanan at binelatan lang ako ni Gian sabay takbo papunta sa isang sulok at nagsimula silang magwalis ng mga tuyong dahon. Napakunot na lang ang noo ko habang tinitingnan sila, hindi naman sila naglilinis, sa halip ay naghahagisan lang sila ng mga dahon.
"Oh" napalingon ako sa likod nang marinig kong magsalita si Leo sabay abot sa'kin ng maayos na walis at dustpan na hawak niya. "Anong gagawin ko diyan?" tanong ko sa kaniya, hindi ko masyado maaaninag ang hitsura niya dahil sa sikat ng araw.
"Maglinis ka, ano pa bang gagawin mo dito?" pagtataray ni Leo saka sapilitang pinahawak sa'kin ang walis at dustpan niya saka kinuha ang akin na sira. Magsasalita pa sana ako kaya lang bigla na siyang naglakad papunta kina Adrian at Gian na nagbabatuhan na ng dahon.
Hindi ko namalayan na napangiti na lang ako habang pinagmamasdan silang tatlo. Fourth year high school na kami ngayon, parang kalian lang naglalaro pa kami sa labas ng bahay. Seven years old ako nang lumipat kami ni mama dito sa Atimonan, Quezon Province. Nakatira kami dati sa Pandacan, Manila pero nang mamatay si papa dahil sa isang aksidente sa barko. Naiwan niya kami nila mama, buntis pa noon si mama at isang buwan na lang isisilang na niya si Axel James pero hindi na naabutan pa ni papa.
Umuwi kami dito sa Atimonan kung saan nakatira si lola pero makalipas lang ang ilang taon ay namatay na rin si lola dahil sa katandaan. Sobrang nanibago ako noon nang lumipat kami dito, ilang araw akong hindi lumabas ng bahay sa takot na baka may kumuha sa'kin o awayin ako ng ibang bata. Madalas lang akong nakatanaw sa bintana habang pinapanood ang ibang bata na naglalaro sa labas.
Isang araw, sumabit sa katabing puno namin ang saranggolang nilalaro ng tatlong batang lalaki. Sinubukan nilang umakyat sa puno pero hindi nila kaya. Ilang minuto ko silang pinanood hanggang sa lumabas na ako ng bahay at derechong umakyat sa puno. Gulat silang nakatingin sa'kin habang nakanganga pa nang iabot ko sa kanila ang saranggola.
"Muntik niyo nang masira 'yung bahay ni Chippy" panimula ko, nagkatinginan naman silang tatlo. "Sino si Chippy?" tanong ni Adrian na noo'y bungi pa ang dalawang ngipin sa harap. "'Yung ibon" tugon ko sabay turo sa taas ng puno. Napanganga ulit sa gulat dahil doon lang nila nakita na may pugad ng ibon doon.
"Kunin natin" sabi ni Gian pero agad pinitik ni Leo ang noo niya. "Mamamatay sila kapag nalayo sila sa mama nila" saad ni Leo, napahimas naman si Gian sa noo niya. "Ikaw kaya pakain namin sa mama nila" banat naman ni Adrian kay Gian.
"Nangangain ba ng tao ang ibon?" nagtatakang tanong ni Gian, "Oo" sabay na sabi nina Leo at Adrian dahilan para matawa na lang ako dahil pinagtutulungan nila si Gian na gustong kunin ang ibon sa pugad.
"Tara na nga" sabi ni Adrian saka hinila ang tenga ni Gian dahil mukhang gusto pa rin nito kunin ang ibon. Nauna na silang umalis, akmang susunod na rin sa kanila si Leo pero napatigil ito at napalingon sa akin. "Anong pangalan mo?" tanong niya, ngayon ko lang din napansin na may dalawang uwang sa ngipin niya sa harapan.
"Aries"
"Leo" wika niya sabay abot sa'kin ng lubid ng saranggola. "Gusto mo sumama?" tanong ni Leo sabay abot sa'kin ng tali ng saranggola. "H-hindi ako marunong---" hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil biglang kinuha ni Leo ang kamay ko at pinahawak ang tali ng saranggola.
"Edi tuturuan ka namin" sagot niya sabay ngiti at agad nila akong hinila papunta sa bakanteng lote kung saan namin pinalipad ng malaya at masaya ang dilaw na saranggola.
Natauhan lang ako nang biglang may babaeng tumambad sa harap ko "Aries, may meeting tayo bukas para sa Nutrition month next week" sabi ni Chelsea habang nakangiti sa'kin. "Ah, oo, nasabihan na ako nila Tim" sagot ko sabay ngiti pabalik sa kaniya. Napatulala na lang din ako sa ganda niya tulad ng ibang nasa paligid na tulalang nakatingin sa amin.
Si Chelsea Anne Jimenez ang aming class president at student council president. Siya rin ang president ng Save Mother Nature Organization ng school namin, at sumasali rin siya sa mga beauty pageants. Matangkad, sexy, matangos ang ilong, maputi, mahaba ang buhok, matalino, mabait, honor student at sobrang talented.
Si Chelsea rin ang bunsong anak ni mayor. Ang dalawa niyang ate ay pareho nang nakatapos sa college at nagpapalakad ng mga negosyo nila sa Manila. Marami ang nagtataka kung bakit sa public school pinag-aaral ni mayor Simon Jimenez ang mga anak niya kahit kaya naman niya ito pag-aralin sa mga sikat at pribadong paaralan. Ang sabi noon sa akin ng lola ni Adrian, gusto raw kasi ni mayor Simon na palakihin ang mga anak niya na kayang makihalubilo sa lahat ng tao. Hindi dapat husgahan ang sinuman dahil sa antas ng buhay nito.
"May ibibigay pala ako sa inyo nila Tim bukas" ngiti niya ulit bago siya kumaway sa'kin at naglakad na papalayo. Ngumiti rin ako saka kumaway sa kaniya papalayo pero napatigil ako nang biglang magtakbuhan sina Gian, Adrian at Leo papunta sa'kin at pinalibutan nila ako.
"Ang ganda niya talaga. Pakilala mo naman kami Aries" ngisi ni Gian, nilingon ko sila at tinaasan ng kilay. "Hindi kayo magugustuhan ni Chelsea" napapamewang pa ako.
"Sabagay, masyado siyang mataas at high class. Magmumukha lang tayong dugyot sa tabi niya" tawa ni Gian na sinabayan ni Adrian ng pagsinghot sa kaniya.
"Wag mo nga kaming idamay, ikaw lang dugyot dito" buwelta ni Adrian, akmang babatukan siya ni Gian pero nakaiwas ito at binatukan si Leo. Tatakbo sana ako papalayo kaso biglang dumampot ng dahon si Adrian at binato sa'kin. Sa huli, sa halip na maglinis kami doon bilang parusa, naging katuwaan pa namin ang maglaro sa damuhan.
***
"Nakapag-review ka na ba para sa quiz mamaya?" tanong ni Jessica habang nakahawak sa bisig namin ni Gwen. Magkakapit-bisig kaming nakapila sa canteen para bumili ng pagkain. Mahaba ang pila at sobrang ingay sa canteen. Napuno ng kulay puti at blue ang buong paligid. Kulay puti ang blouse namin na may blue ribbon at kulay blue rin ang palda na checkered. Samantala, sa mga lalaki naman ay kulay puting polo na may logo ng school sa gilid ng bulsa at itim na pants.
"May quiz mamaya? Chicken lang 'yan sa'kin" kampanteng sagot ni Gwen sabay turo sa mainit na lomi. Kumuha rin kami ng tig-iisang pop cola at snacku. Naupo na kami sa bakanteng mesa sa dulo kung saan may naiwan pang mga platong pinagkainan.
"Inlove na talaga ako sa Eraserheads!" kinikilig na sabi ni Jessica sabay salpak sa tenga niya ng latest Sony Walkman. Agad namang tumabi sa kaniya si Gwen at sabay nilang kinanta Ang Huling El Bimbo.
Nagpatuloy lang ako kumain hanggang sa matapos at mapaos sila sa pagkanta. Ilang sandali pa, tumayo si Gwen at tumabi sa'kin "Bakit ang gulo ng buhok mo?" tanong nito sabay hawak sa buhok kong hindi ko hilig suklayin.
"Hinangin masyado sa bike" sagot ko sabay higop ng lomi. Pilit namang inayos ni Gwen ang buhok ko habang sinusuklay niya ito gamit ang mga daliri niya"Bakit kasi sumasabay ka pa sa kanila pagpasok?" tanong naman ni Jessica, tinanggal na niya ang kaniyang earphones saka bumalik sa paghigop ng lomi.
"Para makatipid ako ng pamasahe" sagot ko sabay lagok ng sabaw. Nanghihinayang din ako sa tatlong piso na pamasahe sa jeep. "Eh, bakit palaging kay Leo ka nakaangkas?" tanong ni Gwen dahilan para bigla akong masamid. Agad nila akong inabutan ng tubig. "Dahan-dahan lang kasi, hindi ka naman namin aagawan ng lomi" reklamo ni Jessica habang hinahagod ni Gwen ang likod ko.
Nang mahimasmasan na ako ay agad akong tumingin sa kanila "S-si Leo kasi ang may pinakamalaking bike" sagot ko, napataas naman ang kilay nilang dalawa at nagkatinginan pa. "Ang dudumi talaga ng utak niyo" habol ko pero tumango-tango na lang sila sabay higop ng sabaw. "Okay, sabi mo e" saad ni Jessica habang nakangisi pa at bigla silang nagtawanan ni Gwen.
Napakunot na lang ang noo ko, gustuhin ko mang magpaliwanag pa pero mukhang iba na ang tumatakbo sa isipan nila. Biglang tumugtog ang radio sa canteen at sabay-sabay na kumanta ang mga estudyante nang dumating na ito sa chorus "Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay" sabay-sabay pa silang kumanta at itinaas nila ang mga kamay nila sa ere. Napakunot na lang lalo ang noo ko kasi mukhang inaasar pa rin nila akong dalawa gamit ang lyrics ng kanta.
***
3:00 pm, naglalakad ako papalabas ng gate ng school. May school service sina Gwen at Jessica na tricycle. Malayo pa lang ay natatanaw ko na sa labas ng gate ang mga nakaabang na school service, tricycle at ilang jeep na nagpupuno ng pasahero.
Nakahelera na rin sa labas ang mga nagtitinda ng fishball, kwek-kwek, kikiam, siomai, cotton candy, gulaman, taho at maging ang mga makukulay na sisiw. Napatigil ako nang biglang may tumapat na ice pop sa harap ng mukha ko. Gulat akong napalingon sa gilid kung saan nakatayo si Gian habang may sinisipsip itong blue ice pop.
Isa-isa kong tiningnan sina Leo at Adrian na nakasakay na rin sa bisikleta nila at hawak na nila ang kani-kanilang ice pop. "Bayad na ko sa utang" saad ni Gian, kinuha ko naman sa kamay niya ang ice pop na inaabot niya sa'kin. "Bakit green?" reklamo ko, nagtaka naman ang hitsura niya.
"Sabi ko yellow" ulit ko, inirapan niya lang ako saka naglakad pasakay sa bisikleta niya. Napapikit na lang ako sa inis at hinarang ko silang tatlo. "Ang lucky color ko today ay magenta, indigo or yellow" habol ko pa pero nagtataka lang silang nakatingin sa'kin.
"Alangan naman maghanap pa kami ng magenta at indigo na ice pop. Walang ganung kulay sa tindahan" reklamo ni Gian, kahit kalian talaga napaka-pilosop ng lalaking 'to. "Ano bang kulay ng magenta at indigo?" nagtatakang tanong ni Adrian sabay tingin sa dalawa dahilan para mas lalo akong mapapadyak sa inis.
"Yung indigo nasa color ng rainbow" giit ko pero nagulat ako kasi bigla lang silang tumawa. "Hindi namin memorize ang color ng rainbow. Alangan naman ipagpilitan pa namin sa gumagawa nitong ice pop na kompletuhin ang kulay ng rainbow" tawa ni Gian na labas gilagid at kita ngalangala.
"Sayo na lang 'to" biglang saad ni Leo sabay abot sa'kin ng ice pop niya na kulay blue. "Kahit papaano malapit din naman 'to sa color ng indigo" patuloy niya pa, sabay kuha ng ice pop ko na color green. "Sumakay ka na" patuloy niya pa, kinuha ko na sa kamay niya ang blue ice pop saka naglakad sa likod ng bisikleta.
"Lalampasuhin ba natin ulit ang dalawang ulupong na 'to?" tanong ni Leo, agad naman akong napangiti na parang demonyo. Mabuti na lang dahil kahit kalian ay hindi rin nagpapatalo si Leo kung kaya't siguradong makakabawi ako kay Gian at Adrian.
***
"Ang kukupad niyo talaga!" pang-asar ni Leo sa dalawa na sinasabayan ko naman ng tawa at ilang ulit ko rin silang binebelatan. Halos sampung minuto na naming tinatahak ang maluwag na kalsada na napapaligiran ng mga puno at bundok sa kaliwa habang sa kanan naman ay dagat.
Ilang sandali pa, paglingon ko sa likod ay natanaw kong tumigil sina Gian at Adrian sa isang poste at parang may binabasa sila roon. Agad kong kinalabit si Leo na napalingon din sa likod, "Hoy!" tawag niya sa dalawa pero kumaway lang ito at sinenyasan kami na lumapit sa kanila.
Wala namang nagawa si Leo kundi ang iliko ang bisikleta dahil tulad ko ay nagtataka din siya kung anong binabasa nina Gian at Adrian sa isang malaking poste. "Ano ba 'yan?" tanong ko sa kanila nang makalapit na kami.
Itinuro ni Adrian ang nakasulat sa makulay na poster na nakadikit sa poste. "May Battle of the Bands na gaganapin sa school sa Fiesta!" sigaw ni Adrian na animo'y emcee sa isang variety show. "At ang mananalo ay magkakaroon ng chance na makapag-record ng kanta sa Chords Recording Company!" dagdag pa ni Gian na napatalon sa tuwa.
Nagkatinginan naman kami ni Leo, bumaba na ako sa bisikleta niya at lumapit sa poster upang mabasa ito ng mabuti. "Ang sabi dito, kailangan daw ng tatlo hanggang apat na members para makabuo ng banda" saad ko sabay lingon sa kanila. Napangiti naman ng malaki sina Gian at Adrian. "Apat na tayo!"
Binasa ko ulit ang poster "Ang sabi rin dito, kailangang kumanta ng tatlong kanta ang isang banda. Isang kantang inlove? Isang kantang confuse? At isang kantang broken?" napakamot ako sa ulo ng mabasa ko iyon. Bakit parang gustong sabihin ng mga organizers ng contest na ito na kapag na-inlove ka ay masasaktan ka rin sa huli.
Bumaba na rin si Leo sa bike niya saka naglakad papalapit sa poster "Ang theme ng contest ay... Love Songs" saad niya, halos maduling ako sa lapit niya sa'kin kung kaya't pinili ko na lang na ibaling muli ang mga mata ko sa poster. Naaamoy ko rin ang amoy fabric conditioner sa damit niya dahil metikuloso maglaba ang lolo niya.
"Tamang-tama! Siguro naman lahat tayo ay naranasan na natin ma-inlove" excited na sabi ni Gian sabay hawak sa salamin niya. "Ako ang gagawa ng Confuse song at mag-paplay ng keyboards ng banda" volunteer niya, tulala naman kami sa kung gaano siya ka-confident ngayon.
"Ako naman ang mag-dudrums" wika ni Adrian sabay taas pa ng kamay. Napakurap na lang kami ni Leo ng dalawang beses sa kanila. "Si Leo ang main vocalist natin. Si Leo rin ang gagawa ng Inlove na Song" saad ni Gian, napaturo naman si Leo sa sarili niya at akmang marereklamo pero nagpatuloy lang sa pagsasalita si Gian. "Ikaw Aries ang lead guitar at si Leo ang mag-babass" suhestiyon ni Gian sabay turo sa aming dalawa na animo'y isa siyang manager.
"At ikaw din Aries ang gagawa ng Broken Song" habol pa ni Gian sabay ngisi. Napaturo naman ako sa sarili ko, "Ako? Bakit ako? Hindi pa nga ako na-iinlove e" reklamo ko sa kanila pero tinawanan lang nila ako. Hindi naman ako makatingin kay Leo pero parang hindi naman siya tumawa kasi hindi ko narinig ang boses niya.
"Mas madrama ang mga babae kaya makakagawa ka ng broken song kahit hindi ka pa na-iinlove" tawa ni Gian sabay kuha sa poster na nakadikit sa poste at inilagay niya iyon sa bag niya. "S-sandali, seryoso ba talaga kayo na gagawin natin 'to?" tanong ko pa pero tinawanan lang nila ako.
"Wala kaming sinabi na hindi namin ginagawa, hindi ba?" hirit ni Gian sabay apir kay Adrian at Leo. Napatingin ako kay Leo na natawa na lang din dahil mukhang confident na nga silang sumali sa Battle of the Bands.
Sumakay na si Leo sa bisikleta niya pero humarang ako sa daan "Wait lang, sa tingin mo papayag si lolo?" tanong ko sa kaniya, napakibit-balikat lang siya. "Alam mo namang ayaw na ayaw ni lolo sa mga banda, hindi ko man alam ang dahilan pero----" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nakita kong napatingin na lang siya sa lupa.
Sandali kaming natahimik, napayuko na lang din ako at hindi makatingin sa kaniya. Ilang kotse at bus din ang dumaan nang walang umiimik sa aming dalawa. Nilalaro ko lang ang sapatos ko habang pilit na nagtatalo ang isip ko kung dapat ba akong mag-sorry dahil muntikan ko nang ungkatin ang bagay na hindi ko naman dapat panghimasukan.
Tiningnan ko siya ng mabilis, nakatingin lang siya sa dagat habang nakasakay sa bisikleta niya at ako naman ay nakaharang sa daan. Si Leo ang isa sa pinakamatatag na taong nakilala ko, bata pa lang ay marami na siyang naranasan na hirap. Silang dalawa na lang ng lolo niya ang magkasama sa buhay. Alam kong kahit kalian ay hindi niya kayang suwayin at saktan ang lolo niya.
Kaya siguro humahanga ako sa kaniya. Hinahangaan ko ang katatagan niya at pagiging simple sa buhay. Ilang beses na siyang gustong kunin ng mga tita niya sa America pero ayaw niya sumama dahil ayaw niyang iwan ang lolo niya. Ilang beses na rin siyang inalok ng scholarship sa malalaking school sa Manila at maging kabilang sa swimming varsity pero tinanggihan niya ito lahat dahil ayaw niyang malayo sa lolo niya.
Kung tutuusin, ngayon pa lang ay malayo na ang mararating ni Leo magmula sa pagkanta, pagtugtog, swimming at kung hindi siya tatamarin ay mag-eexcel din siya sa Science. Pero lahat ng iyon ay isinantabi niya para sa lolo niya na tumatanda na.
Umaasa lang sila sa pension ng lolo niya na dating pulis at sa mga pinapadalang pera ng tita niya sa America. Bukod doon, mayroon ding maliit na tindahan ng mga cassette tapes at plaka na matatagpuan sa baba ng bahay nila. Medyo hindi na kumikita ng ganoon ang tindahan dahil sa lumang awra at kagamitan. Mas gusto na rin kasi ng mga kabataan ngayon ang mga tindahan ng cassette tapes na may mga billards, café at bar na matatagpuan sa bayan.
Ilang sandali pa, natauhan na lang din ako nang magsalita si Leo "Sumakay ka na" nakatingin siya sa'kin ngayon. Hindi ko namalayan na napangiti na lang ako, ang pinaka-gusto kong katangian niya ay hindi siya nagagalit sa'kin kahit gaano ako kakulit, kadaldal at sumpungin. Babarahin man niya ako o kung minsan ay naiinis pero hindi siya nagagalit.
Sabi nga nila, ganoon daw talaga ang mga may zodiac sign na Leo. Ang tinaguriang Lion ng zodiac, matapang at matatag. Mahaba ang pasensiya nila, tapat sa lahat ng kaibigan at taong minamahal, at higit sa lahat tunay na mapagmahal ang mga Leo.
***
Kinagabihan, gabi na pero tulala lang akong nakatitig sa notebook ko at sa Walkman na walang laman na cassette tape. Mag-isa lang ako sa maliit na kwarto na may isang kama at maliit na study table. Pinatay ko na ang ilaw sa kwarto pero nanatili pa ring bukas ang study lamp na nakapatong sa mesa.
Napahinga ako ng malalim saka binuklat ang notebook ko kung saan ko isinusulat ang mga kantang isinulat ko noon. Mga kantang isinulat ko sa tuwing nakakaramdam ako ng saya at lungkot. Binuksan ko ang drawer sa ilalim at kinuha ang itim na cassette tape kung saan ko inirecord ang unang kantang ginawa ko last year.
Inilagay ko sa Walkman ang cassette tape at muli itong pinakinggan. Ipinikit ko ang aking mga mata habang dinadama ang bawat linya ng kanta. Hindi ko akalaing maisusulat ko ito dahil sa isang lihim na paghanga. Isang lihim na nararamdaman na alam kong hindi ko pwedeng ipaalam.
Ilang sandali pa, nagulat ako nang biglang tumunog ang pager ko. Agad kong binasa ang message 'Aries, nandito ako sa labas ng bahay niyo' bigla akong napatayo dahil sa iniwang mensahe ni Leo. Dali-dali akong lumabas ng kwarto pero napatigil ako at bumalik ulit sa loob ng kwarto para humarap sa salamin.
Mabilis kong sinuklay ang buhok ko at naglagay ako ng kaunting pulbo sa mukha. Naglagay din ako ng pabango saka inayos ang suot kong dilaw na tshirt at blue na pajama. Sinilip ko pa si mama sa kwarto niya, natutulog na ito ng mahimbing katabi si Axel. Nang makababa ako sa hagdan ay dahan-dahan akong naglakad sa pinto pero bago ko buksan iyon ay sumilip muna ako sa bintana sa takot na baka pinagtitripan lang ako nila Leo.
Pero napatigil ako nang makitang nakatayo nga siya sa labas ng bahay namin habang nakaparada sa tabi ang bisikleta niya. Suot niya ang paborito niyang puting jacket na may nakasulat na Dream.
Suot niya rin ang blue P.E jogging pants uniform namin at nakasuot din siya ng puting cap. Napahinga muna ako ng malalim bago ko dahan-dahang binuksan ang pinto. Napalingon agad siya sa'kin nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Dahan-dahan ko ring binuksan ang maliit at kalawangin naming gate.
Naglakad na ako papalapit sa kaniya, sana lang ay hindi niya mapansin na naglagay ako ng pulbo sa mukha. "Naglagay ka ba ng pulbo?" panimula niya dahilan para mapapikit na lang ako sa hiya. "Ha? ah... eh, ano 'to... epekto ng face mask" pasulot ko, pero mukhang hindi siya naniwala dahil napasingkit pa ang mga mata niya at pilit akong tinitigan kaya napaatras na lang ako at sinubukang ibahin ang usapan.
"A-ano bang ginagawa mo dito?" kunwaring iritable kong tanong, tumayo na siya ng tuwid sabay dukot sa bulsa niya at inabot sa akin ang isang cassette tape na may nakasulat na title na 'Ito na ba'
"Ano 'to?" tanong ko, napakamot naman siya sa ulo. "Ginawa kong kanta" sagot niya sabay iwas ng tingin. Napakunot naman ang noo ko. "Anong gagawin ko dito?" tanong ko ulit sabay tingin sa kaniya pero nagulat ako nang mahuli kong kanina pa pala siya nakatingin sa akin.
"Gusto kong kantahin nating dalawa 'yan" sagot niya habang nakatingin ng derecho sa mga mata ko. Napatitig ulit ako sa cassette tape at sa title ng kanta na nakasulat doon. "I-ito na ba?" saad ko nang basahin ko muli ang pamagat ng kanta.
"Oo nga pala, may tanong ako" sabi pa niya dahilan para mapatingin ulit ako sa kanya. "Totoo bang hindi ka pa na-iinlove?" tanong niya na nagpatigil sa mundo ko. Sa pagkakataong iyon, tila tumahimik ang buong paligid, ni hindi ko na marinig ang kahol ng aso mula sa kapitbahay, ang maingay na huni ng kuliglig at maging ang mga nag-vivideokeng lasing sa kabilang kalye dahil ang tanging naririnig ko na lamang ay ang tibok ng puso ko.
**************************
#LeoAndAries on twitter
Note: Pakinggan niyo ang Original Song na ito na isinulat at inawit nina Marc and Rapha. Ang title nito ay "Ito na ba" Don't forget to like, comment and subscribe sa youtube account nila. Also, let's show respect sa isa't isa, wag tayong mangbash, instead say it in a nice way if you really want to help. Maraming Salamat!
[Dapat mayroong isang GIF o video dito. I-update na ang app ngayon upang makita ito.]
"Ito na ba" Original Song by Marc and Rapha
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top