Revived
Bella's POV
Habang nakatago sa likod ng isang puno, pinanood ko kung paano isakay ng dalawang huntsmen ang katawan ni Zack sa itim na van.
Humagikgik ako.
Pa'no kaya nila napatay ang isang descendant nina Ares at Hermes?
Lumiwanag ang aking mga mata.
Nilinlang ba nila? Naglagay sila ng trap? Nilason?
Halata namang hindi nila pinugutan ng ulo- oh my ghosts! Ginilitan nila ng leeg si Zacharille?!
Napansin ko ang bakas ng tali sa mga braso ni Zack. At makapal din ang putik sa magkabilang tuhod niya kaya-
Suminghap ako.
Tinali nila tapos ginilitan ng leeg?!
Nagpakawala ako ng nagpipigil ng tili, na agad naputol nang makita kong may dinampot ang isa sa kanila mula sa lupa.
Dahan-dahang nabura ang pananabik sa aking mukha.
Tinanggalan nila ng pakpak si Zack...
"Hindi," bulong ko.
Kung gusto nilang patayin si Zack pwede namang hindi tanggalan ng pakpak, ih! Pwede namang tanggalan ng ulo, wag lang yung pakpak!
Kasi-
Napakurap-kurap ako.
Kasi kung tinanggal nila una yung pakpak, eh di ang phoenix lang yung namatay! Hindi si Zack!
Ibig sabihin...
Kumibot-kibot ang isang mata ko.
Hindi pa patay si Zack?!
Kumunot ang aking noo. Bahagyang umawang ang aking bibig. Gumuhit ang pait sa aking mukha.
'This is the perfect opportunity to kill him.'
"Oh..." Tumango-tango ako. "Abala pa nga pala sa paglalaban yung iba..."
Nanumbalik ang ngiti sa aking labi. Yehey!
Lumabas ako mula sa pagtatago. Pinaramdam ko sa huntsmen ang presensya ko kaya sabay silang napalingon sa'kin.
"Teka!" Kinawayan ko sila. "Sama ako!"
Nagtinginan silang dalawa nang sabihin ko 'yon.
Lumapit ako sa kanila. "Papatayin niyo ba siya?" tanong ko. "Gusto kong manood!"
Hindi sila sumagot kaya inabot ko nalang ang mga kamay ko sa kanila. "Eto, oh, pakigapos na rin."
Muli na naman silang nagpalitan ng tingin.
Kumisap-kisap ako.
Sinenyasan ng isa ang kasama niya.
Binuksan nito ang passenger's seat at may kinuhang maitim na kadena. Nang makalapit ito sa'kin ay sa kanya ko itinapat ang magkadikit kong mga braso.
"Yung nakakabali ang higpit po- hihi..." paalala ko sa kanya.
Pinadalhan ko ng manamis-namis na ngiti ang huntsman na kinakadena ang magkabilang braso ko.
Nang hatakin niya ito upang higpitan ay hinatak ko rin ang kwelyo niya at iniuntog ang kanyang ulo sa noo ko. Hinatak ko pa siya payuko saka malakas na tinuhod ang kanyang sikmura. Saka ako umikot at ipinasok ang kanyang leeg sa pagitan ng nakagapos kong mga braso.
Umatras ako sabay hila ng mga kamay kong tumama sa lalamunan niya.
Bago pa siya mapasandal sa'kin ay humakbang ako patagilid nang nakahawak sa kanyang panga at marahas itong pinihit sa anggulong bumali sa kanyang leeg.
Tumaob ang huntsman sa paanan ko.
Mula rito, inangat ko ang aking tingin sa kasama niyang sinugod ako nang may kutsilyo sa kamay.
Ginamit ko ang kadenang nakagapos sa'kin para pigilan itong sumaksak sa leeg ko. Tumagos ang blade sa kadena at hindi niya ito binitawan kaya nagawa ko siyang hatakin sa malakas na pagbaba ng aking mga braso. Umikot ako at gamit ang bigat ng katawan ko, tinulak siya sa pinto ng van.
Sabi kasi ni Amber na wag ko raw sayangin yung kapangyarihan ko, ih, kaya di ko nilabas yung weapon ko.
Buti nalang meron silang kadena!
"Hehe-" Muli akong umikot, paharap sa huntsman at tinamaan ang kanyang tagiliran gamit ang nakakuyom kong mga palad.
Pinalo ko rin ang balikat niya dahilan na mabitawan niya ang kutsilyo.
Saka ko hinampas ang kadena sa kanyang pisngi at bumuga siya ng dugo. Tutumba na sana siya kung hindi ko lang hinampas pataas ang kabilang dako ng kanyang mukha kaya napaangat ang panga at katawan niya.
Gamit ang dalawang kamay, hinawakan ko ang leeg ng huntsman upang pigilan siyang dumausdos pababa.
"Ako nalang papatay sa kanya, okie?" Nginitian ko ang huntsman at ibinaon ang aking mga kuko sa leeg niya habang dinidiin siya sa pinto ng van.
Ngunit habang dinaramdam ang pagdaloy ng kanyang dugo sa mga kamay ko, unti-unting nabura ang aking ngiti.
"Ako..." bulong ko sa sarili. "Ako lang ang papatay sa kanya."
Itinapon ko ang huntsman sa lupa.
Mula sa bintana ng van, nagtipon ang anino at nag-anyong malaking tinik na ginamit ko para sirain ang kadena. Tatlong beses itong tumama bago tuluyang nadurog at natanggal.
Hinagod-hagod ko ang magkabilang pulsuhan ko.
"Daming nagawa-" Binuksan ko ang sliding door. "Pero hindi naman napatay."
Bumungad sa'kin ang katawan ni Zack at sa kasamaang palad, gumagalaw pa ang dibdib niya.
Labas sa loob kong hinila ang mga paa niya. "Sabi kasing ako nalang papatay sa'yo."
Tumama ang ulo niya sa dulo ng upuan at sa sahig ng van nang ihulog ko siya papalabas kaya agad kong minasdan ang dibdib niya.
Umangat ito nang kaunti.
Buhay pa rin.
Napapadyak ako. "Kainis!"
Bigla akong napatigil, at saka napalinga-linga dahil may naalala akong ideya.
Lumapit ako sa nahulog na dagger ng huntsman at pinulot ito.
Bumalik ako kay Zack at lumuhod sa tabi niya.
Dahan-dahan kong inangat ang kutsilyo sa ibabaw ng kanyang dibdib.
'Bella.'
Huminto ang dulo ng blade pagkadapo nito sa damit niya.
'This is boring.'
Kumunot ang aking noo.
'You can't be the one to kill him when he almost died in the hands of someone else.'
Lumuwag ang pagkakahawak ko sa puluhan ng dagger.
'He didn't suffer because of you.'
Binaba ko ang aking kamay sa tabi ni Zack.
'You were not the one who cut his wings.'
Binitawan ko ang kutsilyo.
'You promised to give the Omegas a death their souls can remember...'
Umupo ako sa lupa.
A death their souls can remember...
Maingat kong hinawakan ang pisngi ni Zack. Lumiwanag ito nang magsimula akong maglipat ng kapangyarihan sa kanya.
Mayamaya'y bahagyang bumukas ang kanyang bibig, at mabagal siyang suminghap.
Dahil dito, napatitig ako sa labi niya.
Wala sa sarili kong sinagi ang aking hinlalaki sa sulok nito para punasan ang sariwang dugo. Pinatakbo ko rin ang aking daliri sa sariwang pasa sa ilalim ng kanyang mata.
Dumako ang aking tingin sa bawat sugat at pasa sa mukha niya.
Ito ata yung unang beses na namasdan ko kung paano bumalik ang kulay sa balat ng isang tao na nasa harapan na ni kamatayan.
Ngayon ko lang din naramdaman kung paano bumalik ang init sa dating nanlalamig nitong katawan.
Napangiti ako nang mapagtantong first time kong bumuhay imbes na pumatay kaya nababaguhan ako.
Humagikgik ako.
Ikukuwento ko 'to kay Mommy...
"Secret lang natin 'to, okie?" tugon ko kay Zack. "Hindi pwedeng may makaalam nito..."
Dumaan ang isang minuto at namalayan kong hindi pa rin siya nagigising.
Binitawan ko siya saka umusog nang konti papalapit sa kanya. Itinukod ko ang aking kamay sa kabilang gilid niya at ginamit ang kabilang palad ko para gamutin siya.
Umiling-iling ako nang magsimulang mamigat ang aking mga mata sa pagod.
Nakahawak pa rin ako sa kanya nang dumausdos ang nakatukod kong kamay sa lupa at tuluyan akong nahiga sa kanyang dibdib.
Napapikit ako sa matinding antok, sa halip ng naririnig kong ingay na tibok ng puso.
Hindi ko alam kung ilang segundo, minuto, o oras ang lumipas pero nagising nalang ako dahil nakarinig ako ng pagsabog.
Bumungad sa'kin ang lumiliyab na apoy dahilan na mapabalikwas ako. "Zack!"
Dali-dali akong tumayo at nakita ang mga pakpak niya na nasusunog habang nakamasid lang siya. "Anong ginagawa mo?!"
Nakapamulsa siya. "Sinusunog ang pakpak ko."
Pabalik-balik ang aking tingin sa kanya at sa pakpak niya.
"Kailangan, eh." Nilingon niya ako. "Kailangan munang masunog at maging abo para makabalik sa katawan ko."
Ngumisi siya. "Bakit? Akala mo ikaw lang ang may kayang maging imortal dito?"
Pinigilan ko ang sarili kong mapasimangot.
"Ilang oras ba akong nakatulog?" tanong ko.
"Isang linggo," sagot niya.
At hindi ko na nga naiwasang mapasimangot.
Mula kay Zack, binaba ko ang aking paningin sa kamay ko. Ramdam ko pa rin kasi ang huling naramdaman ko bago mawalan ng malay.
It was-
Nagkasalubong ang aming mga mata ni Zack.
...undeniably new.
"Bella?" tawag niya.
Sumayad ang aking paningin sa kanyang paanan.
"Bella."
I decided not to kill him. But she chose to save him.
Kinuyom ko ang aking palad.
Why?
"Isabella."
Muli kong inangat ang aking tingin sa kanya.
Matagal-tagal niya akong tinitigan.
"Bakit?" usisa ko.
Ngumiti siya saka umiling.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top