Consequence
Reign's POV
Nadatnan ko si Zack na nakatulala sa dining table habang kumakain ng ice cream.
"Sa'n mo nakuha 'yan?" tanong ko.
"Tinago ko sa likuran ng freezer kanina," sagot naman niya habang blangko pa ring nakatingin sa harapan.
Sinulyapan ko ang orasan at nalamang mag-iisang oras na simula nang makarating kami.
Napabuntong-hininga ako at umupo sa tapat niya.
"Reign..." pabulong niyang sambit. "Nag-aalala ako kay Bella."
Nagkasalubong ang aking kilay sa sinabi niya. "Bakit?"
Tumigil siya sa pagkain ng ice cream. Tinignan niya ako nang nababahala ang mga mata, dahilan na iusog ko papalapit sa kanya ang aking upuan nang marinig ko ng maayos ang sasabihin niya.
"Tinawag niya akong-" Tinapik-tapik niya ang kutsara sa ice cream. "...idiot?"
Napatitig ako sa kanya, di sigurado kung tama ba yung narinig ko o kung tama nga, gano'n nalang ba kabigat para sa kanya ang mga salita ni Bella na ikinabahala niya ito?
"Uh..." Umayos ako sa pagkakaupo. "Baka di niya sinadya?"
Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay tinapunan ako ng pagod na tingin.
"Di mo'ko naiintindihan." Umiling siya. "Hindi- hindi nagsasalita si Bella ng ganyan."
Nanliit ang aking mga mata, kahit alam kong yung pandinig ko ata ang nanlabo. "Huh?" Hindi ko naman kasi naintindihan ang sinabi niya. "Anong ibig mong sabihin?"
Kinagat niya ang kanyang pang-ibabang labi sabay higpit ng hawak sa kutsara. Halatang may gusto pa siyang sabihin pero nagdadalawang-isip nga lang siya.
"Spill it," seryoso kong tugon sa kanya.
"Alam mo yung... akala mo kilala mo na yung tao?" tanong niya. "Pero hindi pa pala?"
Hindi ako sumagot. Gusto ko kasing dagdagan pa niya ang sinabi niya nang mas maintindihan ko siya at makuha ko ang ibig niyang iparating tungkol kay Bella.
"Paano kung sabihin ko sa'yo na pakiramdam ko hindi ko pa rin kilala si Bella kahit-"
"Kahit palagi kayong magkasama," dugtong ko na tinanguan niya.
Sumandal ako sa upuan at hinalukipkip ang aking mga braso sa dibdib. "Zack, you know you have the tendency to overreact sometimes-"
"Reign."
Matagal-tagal ko siyang pinagmasdan, at wala pa ring ipinagbago ang ekspresyon niya. Seryoso pa rin ito at nag-aalala.
"Kung gano'n..." mahina kong tugon. "Anong kailangan mong gawin ko?"
Binitawan ni Zack ang kutsara at humilig din sa kanyang upuan. Binaba niya ang kanyang kamay sa mesa at magkasunod-sunod na tinapik ang kanyang mga daliri dito habang mariing nakatitig sa'kin.
"Utusan mo akong imbestigahan siya," sagot niya.
Pahintulot. Kailangan niya ang pahintulot ko na gawin ang gusto niya para malaman kung anong nangyayari kay Bella, kasali na rito ang pagkolekta ng impormasyon tungkol sa kanya sa mga paraang hindi makatarungan.
"I can't let you steal any more records from the Academy, Zack, nor trespass some places in or outside the Academy. Baka nakalimutan mo kung ano ang sasalubong sa'tin pag-uwi natin do'n?" paalala ko sa kanya. "Paparusahan pa tayo."
Napabuntong-hininga siya.
"But do you really want to do it that bad?" usisa ko sa nararamdaman niya.
Tumango siya.
"Then you can do it after we get punished," saad ko, na ikinaliwanag ng kanyang mga mata.
Ngunit agad ding nanumbalik ang alala sa kanyang mukha. "Pero Reign-"
"I think I can take a punishment after another." Pinakitaan ko siya ng isang siguradong ngiti, upang maiwasan niyang mag-alala para sa'kin. "Just make sure you accomplish something worth it."
"And besides..." I let out a concerned sigh. "If you think that something is wrong with one of us, then it's also my priority to know."
"Basta siguraduhin mo lang na tama nga 'yang kutob mo." Pinaningkitan ko siya. "At bilisan mo, para may magawa agad tayo para dito."
A relieved smile drew across his lips. "Roger that, boss."
Napangiti rin ako, at hindi pa rin ito mabura-bura pagkatapos kong tanggihin ang inalok niyang ice cream.
Sinundan ko ng tingin si Zack na ibinalik ito sa ref at saka nagpaalam na babalik sa kwarto.
Pagkaalis niya, ay saka ako unti-unting napatingin sa malayo.
"Patay na talaga ako nito..." bulong ko sa sarili.
Ipinatong ko ang aking mga braso sa mesa at ibinaon ang ulo ko rito. Pagkatapos, nagpakawala ako ng isang namomroblemang daing habang mahinang sinasapak ang mesa.
Bigla kong narinig ang pagbukas ng pinto kaya agad kong kinolekta ang sarili ko at mabilis na tumuwid sa pagkakaupo.
Nanatili akong nakatuon sa harapan nang maramdaman ko ang presensyang dumaan sa likod ko, at mula sa sulok ng aking pananaw, pumasok si Henri na halatang bagong ligo dahil namamasa pa ang itim na buhok nito.
Bababa na sana ako mula sa upuan nang bigla siyang magsalita.
"Stay."
Dahil dito, tahimik ko siyang minasdan na kumuha ng dalawang tasa at isang kutsarita.
Sinalinan niya ito ng tubig mula sa glass thermos, at nang abutin niya ang packets ng instant coffee sa sulok ng counter, kusang tumigil ang kamay niya.
Umiwas ako ng tingin. "White..." bulong ko. "coffee..."
Kumuha siya ng isang pakete ng white coffee at black na hinalo niya sa tig-iisang tasa.
"Na may..." Kung saan-saan dumako ang aking mga mata habang bumubulong pa rin. "kaunting asukal..."
Napatingin ulit ako sa kanya nang humakbang siya paatras at isa-isang tinignan ang bawat lalagyan na nakalapag sa counter.
Mabuti nalang talaga at mahilig si Mama sa transparent jars kaya hindi na kailangang magbukas para malaman kung anong laman nito.
Napangiti ako pagkatapos makita si Henri na kinuha ang tamang lalagyan.
Sa sandaling umikot siya bitbit ang dalawang tasa ng kape, agad akong napatuon sa mga daliri kong hindi ko namalayan ay pinaglalaruan ko pala habang hinihintay siyang matapos sa pagtimpla.
Maingat niyang inilapag ang isang tasa sa harapan ko.
Inilapit ko ito sa'kin. "Thank you," bulong ko habang dinadama-dama ang init nito sa magkabilang palad ko.
I didn't even realize I needed this until now.
Ngayon ko lang naalala na kailangan ko nga palang maging gising at handa sa bubungad sa'kin mamayang umaga, pagkarating namin sa Academy.
Nilanghap ko muna ang kape bago higupin ito.
Panandalian kong ninamnam ang tamis nito na sakto lang sa panlasa ko. At sa sandaling nilunok ko ito, bahagyang umawang ang aking bibig sa kaginhawaang idinulot ng init nito sa loob ng katawan ko.
Malumanay akong napangiti sa kape ko ngunit agad din itong naglaho nang maramdaman ko ang mga matang nakatuon pa rin pala sa'kin.
Tumikhim ako at sinalubong ang nangungusisang tingin ni Henri.
"What?" tanong ko.
Bahagyang umangat ang magkabilang sulok ng kanyang labi, at pagkatapos ay pinanliitan pa niya ako ng mga mata.
"You're welcome," huli niyang sambit bago tuluyang umalis bitbit 'yong kape niya.
Mabilis akong lumingon pataliwas sa gawi niya at hinintay muna siyang makalayo bago uminom ulit.
• • •
Pinalibutan namin ang portal sa gitna ng apartment.
"Sigurado ba kayo na gusto niyo pang bumalik?" tanong ni Amber. "Basta ako, okay lang ako kung ayaw niyo, ah. May kilala naman akong gumagawa ng pekeng passport kung sakali-"
"Amber." Mariin siyang sinulyapan ni Paige.
Itinaas ni Amber ang mga kamay niya. "Sinasabi ko lang..."
"Reign?" ani Grey.
Narinig ko ang mahinang pagsipol ni Zack. "Mukhang may kinakabahan, ah..."
Madali kong nabalewala ang sinabi niya dahil totoo naman talagang kinakabahan ako, at wala akong ibang naririnig ngayon kundi ang mabibilis na tibok ng aking puso.
Alam kong lalala lang ang kaba ko kapag natagalan pa ako dito sa kinatatayuan ko, kaya humakbang na ako papasok sa portal.
Pagkalipat ko sa kabilang dako, natagpuan ko ang aking sarili sa sala ng dorm namin. Nakapatay lahat ng ilaw at kasisikat lang ng araw ayon sa kaunting liwanag mula sa labas ng mga bintana.
Sinenyasan ko yung iba na sumunod na.
Nang makapasok na kaming lahat, sumarado ang portal sa likod namin.
"Pusta ko, nasa labas na sina Mama," ani Zack.
"Really, Zacharille?"
Napatigil kaming lahat sa boses ni Mrs. Prince.
"Putangina." Napamura si Zack sa bigla.
"Pusta ko, nasa likod natin siya ngayon," sabi naman ni Amber. "Kaya kung sino mang unang lilingon pakisabi nalang kung andyan din ba nanay ko-"
"Tumahimik ka, Alexandra."
Mahinang napatili si Amber pagkatapos marinig ang boses ni Mrs. Sol.
Napapikit ako, at dahan-dahang humarap sa pinanggalingan ng mga boses nila.
Sa ilalim ng malaki at hugis arko na pasilyo papuntang kusina ng bahay, natagpuan ko si Mrs. Prince na nakatayo habang nakahalukipkip ang mga braso sa dibdib, at si Mrs. Sol na nasa tabi niya.
Magsasalita na sana ako nang lumabas mula sa likod nila ang isa pang babae.
"Papunta na rito si Kara kasama yung mga tatay ninyo, kaya magpaliwanag na kayo habang kami pa ang nandito."
Mahinahon nga yung boses niya, pero nagbabanta namang magparamdam ang galit sa ilalim nito.
"Ma," sambit ko. "I can explain."
"Mamaya na, Reign," giit niya. "Yung kuya mo muna ang gusto kong pakinggan."
"Moi?" Dinuro ni Grey ang sarili niya. "Pourquoi moi?"
'Me? Why me?'
Kumibit-balikat ako at sinenyasan siya na humarap kay Mama na nag-aalinlangan naman niyang ginawa.
"Nasa ICU ang kapatid mo nang planuhin niyo ang pag-atake sa headquarters," sabi ni Mama. "Ikaw ba ang nagpasimuno nito?"
"Well, they all agreed to do it," kampanteng sagot ni Grey.
And just like that, tuluyan na nga niyang ginawang para sa lahat ang katanungang dapat ay nakalaan lang para sa kanya.
"Tarantado," mahinang puna ni Zack.
"Walang hiya ka talaga, Grey," bulong naman ni Amber.
"Kayong lahat," utos ni Mama. "Harap dito."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top