46 - Heavy


"Naalala mo no'ng pinagtawanan ka ng mga kaklase natin dahil takot ka raw lumapit at makipag-usap sa mga babae? Eh no'ng pinagkaisahan ka nilang hindi isali sa group project dahil nawi-weird-uhan sila sa 'yo? Sinong tumanggap sa 'yo? Sinong tumulong sa 'yo?"

"Toby?"

"Ako 'di ba? Pero nasaan ka nang panahong kailangan ko ng kaibigan? Gan'yan ka ba tumanaw ng utang na loob, Clint? Pagkatapos ng lahat nang ginawa ko para sa 'yo, minsan lang kitang nilapitan wala ka pa?"

Binalot nang lamig ang buo kong katawan nang malingunan siyang nakahandusay sa kalsada, naliligo sa sarili niyang dugo. Tila punyal sa talim ang nanlilisik at pula niyang mga mata habang nakadirekta iyon sa akin. Ang kuyom niyang kamao ay halos mamuti na dahil sa higpit nang hawak niya sa phone na naro'n.

Napapaatras, hindi ko makontrol ang panginginig nang paulit-ulit akong umiling. Ang pagbuhos ng mga luha sa pisngi ko ay hindi ko alintana dahil sa nanlalamig kong balat. Para na akong maduduwal dahil sa pagbaliktad ng sikmura, ngunit wala akong ibang nagawa kundi ang tumayo ro'n at panoorin ang pag-aagaw-buhay niya.

"Toby—"

"Wala kang kwentang kaibigan! Tingin mo ikaw lang ang nahihirapan at may dinadala? Sarili mo lang ang lagi mong iniisip! Puro ka daing! Wala ka namang totoong problema kundi sarili mo at dispalinghado mong utak!"

"Sorry... sorry... hindi ko alam... hindi ko sinasadya... sorry... sorry."

"Ang sabi ko sa 'yo ako nang bahala 'di ba? Bakit ka pa kasi nakialam? Wala ka na ngang alam gawin kundi magpabigat, nakialam ka pa! Bakit ba nagkaroon pa ako nang walang kwentang kapatid tulad mo? Kung wala ka, hindi ko naman kailangang maghirap. Kung wala ka, ang dali siguro ng buhay ko."

"Kuya?"

"Nakapunta ka na ba sa impyerno, Clint?" Halos hindi ko makilala ang sarili kong kapatid nang tumaas ang isang sulok ng labi niya para ngumisi na animong demonyo. Mabagal siyang humakbang palapit sa akin at habang tumatagal ay pasama nang pasama ang tingin niya hanggang sa tulad ni Toby ay manlisik ang mata niya sa akin. "'Wag kang mag-alala dahil doon din ang tungo mo! Dahil do'n nababagay ang mga walang-silbing taong kagaya mo!"

Sa isang iglap ay mabilis niyang ipinalibot ang isang lubid sa leeg at walang anu-ano'y kusa siya niyong hinigit pataas. Unti-unti siyang nanginig. Ang sinisilaban sa galit niyang mga mata ay buong sandaling nakadirekta sa akin hanggang sa mawalan siya ng buhay at malagutan ng hininga.

Tuluyan akong natumba sa sahig nang bumigay ang nanginginig kong mga binti sa halong takot at gimbal. Sunod-sunod ang iling ko. Susubukan ko sanang tumayo at tumakbo ngunit isang baling ay nakita ko ang duguang si Toby. Nanigas ako sa kinasasadlakan, hindi makahinga sa labis na takot.

Sabay na umalingawngaw ang mga boses nila habang pareho akong pinanlilisikan ng pulang mga mata.

"Kasalanan mo. Wala kang kwenta. Kasalanan mo. Wala kang kwenta. Kasalanan mo. Wala kang kwenta. Kasalanan mo. Wala kang kwenta."

Nahahapo akong napaahon mula sa paghiga. Mabibigat at malalalim ang bawat hiningang tinatanggap at ibinubuga ko. Tagaktak ang malamig na pawis sa nanginginig kong katawan. Ang tibok ng puso ko'y sobrang bilis na animong nakikipaghabulan. Ramdam ko ang pagpatak hindi lang ng pawis sa noo kundi pati nang mga luha sa basang pisngi. Ang bigat sa dibdib ko'y tila bakal na nakahinang at hindi ko magawang ialis.

Sinapo ko ang ulo nang magkabilang palad at sinubukang sumigaw, ngunit wala akong ibang narinig kundi sarili kong mga palahaw sa gitna nang tahimik na silid.

Wala akong makita. Para akong nahuhulog sa walang hanggang bangin. Madilim. Hungkag. Mabigat. Nakalulumpong sakit. Takot na takot ako sa mga boses na naririnig kong nagsisigawan sa isip ko. Gusto ko silang takasan ngunit sinusundan nila ako kahit saan ako magpunta. Kahit anong gawin ko. Hinihila nila akong pababa kahit ilang beses kong subukan at piliting bumangon. Nakakapanghina... nakakapagod... wala na bang katapusin ito?

"If you're not gonna tell me what's wrong then at least admit that you're hurting!"

"Rai—"

"Because the longer you pretend the deeper it hurts! At kalaunan hindi lang ikaw ang masasaktan kundi pati nang mga tao sa paligid mo. Clint, masakit sa 'kin na makita kang nasasaktan... hindi ko alam kung may magagawa ako pero pwede mo namang sabihin sa 'kin..."

Tama siya. Ano ba 'tong ginagawa ko? Paano ko ba naisip na pwede akong manatili nang ganito sa buhay nila? Hindi ko na dapat siya dinadamay sa mga katarantaduhan sa buhay ko. Hindi ko na dapat patagalin pa dahil mas lalo lang akong makakasakit ng iba. Kailangan ko na 'tong tigilan, kailangan ko nang tapusin. Hindi ko na dapat hintayin pang madagdagan ang mga kasalanang nagawa ko.

"I'm sorry..." Marahan kong tinapik ng ilang beses ang tuktok ng ulo niya bago siya binalot nang mas mahigpit na yakap, hinihiling na sana hindi ko siya masaktan pero natatakot akong baka huli na. Kaya't idinaan ko na lang sa mariing pagpikit ang paninikip ng dibdib. "Sorry..."—nadamay ka pa—"'wag ka nang umiyak, please..."—hindi mo na ako kailangang isipin—"sorry na."

Hindi ako nagsisising nakilala kita pero sana hindi na lang ako nagpunta sa tulay nang hapong 'yon... siguro 'di kita masasaktan. Kaya lang do'n ako magaling eh. Manakit at biguin ang mga taong mahalaga sa 'kin. Siguro nagsisisi ka na ngayon kung bakit inabala mo pa ang sarili mo sa 'kin. 'Wag kang mag-alala, hindi na rin naman 'to magtatagal...

I didn't know why I even bothered thinking that everything was going okay. Because the truth was clear as day: I was just deluding myself. Nothing would ever be okay again and there isn't a single fucking thing that could fool me over to think that it will. I'm sure of that now.

"Sino 'yon? Girlfriend mo? Ayos ah. Mukhang sinuwerte ka."

Tulad nang lagi, wala akong planong pansinin ang mga kumento ni Papa. Dire-diretso lamang akong pumasok sa bahay at nag-umpisang mag-ayos ng hapunan sa kusina, habang naroon siya sa sala at prenteng nanonood ng TV. May mga bote ng alak na naroon sa tapat ng lamesang pinagpapatungan niya nang magkabilang paa. Amoy na amoy ang nagkalat na usok ng sigarilyo niya sa buong bahay.

"Sayang. Nakakwentuhan ko sana kanina kung 'di ka lang dumating agad."

Natigilan agad ako sa ginagawang paghuhugas ng bigas. Kalaunan ay dahan-dahang kumuyom ang mga kamao ko nang marinig ko ang paghalakhak niya. Matalim ang tinging itinapon ko mula sa likod niyang nakaharap sa akin matapos. Umiigting ang panga, parang gusto kong ihakbang ang mga paa at manakit.

"Mukhang inosente. Ikaw ba ang nakauna—"

"Pwede bang tumahimik ka na lang?" Halos tumalsik ang laman ng kaldero nang pabalya ko iyong inilapag pabalik matapos alisan ng tubig.

Malakas ang sunod niyang halakhak bago umahon mula sa kinauupuan. Sinalubong nang animong demonyong pagngisi niya ang halos manlisik kong mga mata hanggang sa huminto siya sa gilid ko.

"Porket naituloy mo ang pag-aaral at nakakilala ka nang ibang tao, 'kala mo kung sino ka na ah. Hoy. Baka nakakalimutan mo kung sa'n ka nanggaling? At kung tingin mo matatanggap niya 'yon pwes, ulol ka na nga talaga."

Hindi ako nagsalita at nanatili lamang kuyom ang magkabilang kamao sa kalderong hawak habang mariing nakatitig sa kaniya.

Bahagya siyang yumukod kahit halos magsintaas na kami. Gamit ang namumulang mga mata ay pinandilatan niya ako at binugahan ng usok. "'Wag masyadong mataas ang pangarap, Clint. Masakit ang lumagapak 'pag sinapak ka na ng katotohanan. Kaya kung ako sa 'yo, titigilan mo na ang mga kahibangan mo."

Kumunot ang noo ko nang sumulyap siya sa kwarto ko at nang mapansing nakaawang pabukas ang pintuan niyon. Hindi ko nagustuhan ang mabilis na pagsakop nang lamig sa sikmura ko.

"Anong ginawa mo?"

Imbes na sumagot ay tamad lamang niya akong tinapunan ng tingin at muling binugahan ng usok mula sa sigarilyo niya.

Tiim-bagang, tinalikuran ko siya at dire-diretsong tinungo ang sariling kwarto. Binuksan ko ang ilaw at agad pinasadahan ng tingin ang kabuoan niyon. Ilang sandali pa akong nagtaka nang makita kong walang ipinagbago iyon mula sa huli kong pagkakatanda. Hanggang sa mapadpad ang tingin ko sa nakatalikod na canvas. May kabang walang pasubaling bumangga sa akin alinsunod nang pagkalabog ng dibdib ko habang humahakbang ako palapit doon.

Isang sulyap at tila gumuho ang mundo ko sa nakita.

"Ito ang mga pinagkakaabalahan mo kaya nagawa mong lumayas? Anong mga 'to, drawing? Ano ka, bata? Imbes na sana nagtatrabaho ka at kumikita ng pera, itong walang kwentang bagay na 'to ang pinaggagawa mo?"

Tila nagliyab ang galit ko nang makita ko ang tamad na paghakbang ni Papa papasok sa kwarto ko. Ang mapanghusga niyang mga mata'y lumilibot sa paligid at animong mga basura lang ang tinitignan. Matapos matawa ay bumagsak sa akin ang tingin niya.

"Anong ginawa mo?" Nanginginig sa galit ang mga kamao ko at sigurado akong isang salita na lang mula sa kaniya ay makakasakit na talaga ako.

"Ah. 'Yan ba? Parang gusto ko kasing mag-work out nung nakaraang araw. Kaya lang wala akong nakitang punching bag. No'ng makita ko 'yang drawing mo uminit ulo ko, 'kala ko sandbag kaya ayan—"

Hindi na niya natapos pa ang walang katuturan niyang lintaya nang dali-dali ko siyang sinugod at gigil na gigil na hinablot mula sa kuwelyo ng damit.

"Anong karapatan mong sirain 'yon?!" Mabigat ang bawat paghinga ko at hindi ko na alam kung ano ang ibig sabihin ng respeto. Wala na akong pakialam do'n dahil kahit kailan naman hindi siya naging ama para sa 'kin.

"Karapatan ba ang gusto mong pag-usapan?" natatawa at tila nababagot niyang tugon.

"Paano mo natatawag na ama ang sarili mo kung ni hindi mo kayang hayaan ang mga anak mo sa pangarap nila?! Bakit kailangan mong ipagkait kay Kuya ang para sa kaniya?! At ngayon pati sa akin?! Ano bang silbi mo at ikaw ang naging ama namin?!"

Sa isang iglap ay nanlisik ang mga mata niya sa akin at marahas na hinablot pabalik ang damit ko mula sa kwelyo. Nagsukatan kami ng tingin matapos.

"Sino bang nagsabi sa 'yong ako ang tatay n'yong mga tarantado kayo?"

Ang galit ko'y agad napalitan ng kalituhan sa narinig. Tila panandalian akong iniwan ng mga salita.

"Itatak mo 'to sa kokote mo: hindi ko kayo anak ni Clay. At kung gusto mong isumbat sa 'kin ang karapatan, sapat nang ibigay n'yo sa 'kin 'yon dahil kung hindi dahil sa 'kin, hindi kayo mabubuhay! Alam mo kung bakit? Dahil iniwan kayo sa 'kin nang walang kwenta kong kapatid! Pagkatapos niyang magpaanak sa magkaibang lalaking may pamilya at subukang ipalaglag kayong dalawa, naulol siya at nagpakamatay! Tangina, hindi naman kayo dapat nabuhay eh."

Anong sinasabi niya?

"Pero binuhay ko kayong magkapatid! Dahil sa 'kin kaya nabuhay kayong dalawa! Kaya wala kang karapatang kwestyunin kung anong karapatan ko sa buhay n'yo! Magmula sa nanay n'yo at tatay hanggang sa mga anak, pare-pareho kayong walang kwenta! Kaya dapat lang na pagbayaran n'yo ang pagbuhay ko sa inyo!"

Hindi siya ang tatay namin ni Kuya? Kapatid niya ang totoo naming ina? At pareho kaming bunga nang pagkakamali at hindi na dapat nailuwal?


"Are you o—" Natigilan siya sandali at mukhang nagbago ang isip. "Did you submit your entry for NSAC?"

"Hmn? Ah, oo!" Bumungisngis ako habang tumatango. "'Kala ko pa naman na-miss mo 'ko kaya gan'yan ka makatitig."

Pinagmasdan ko ang dumapong ngiti sa mga labi niya pero parang wala ako ro'n, para akong lumulutang pahiwalay sa katawan ko at pinanonood ang lahat ng iyon sa malayo.

I felt like a fraud in front of everyone. Dahil sino bang may gustong makakita at makakilala nang tunay na ako kung maging ako'y walang interes do'n?


Kakaiba ang mga tinging natanggap ko nang pumasok ako sa Ramen shop.

"Brad." Tinanguan ko ang bumati at lumapit sa aking si Chico. Maging siya'y nangingilag ang tingin.

"Bakit?" tanong ko sa pagtataka.

Sumulyap siya sa iba bago mahinang sinabi ito sa akin, "May nagpunta rito kanina. Maraming kasama. No'ng magbabayad na ang sabi, sa 'yo na lang daw i-charge."

"Ha?" Kumunot ang noo ko. At kahit alam ko na kung sino iyon ay tinanong ko pa rin. "Sinabi ba kung sino siya?"

Hindi na maipinta ang mukha niya. "Tatay mo raw eh."

Namuo ang tensyon sa panga ko sa kumpirmasyong narinig.

"Pero ang sabi ni Chef ayos lang daw. Hindi na niya icha-charge sa—"

"Hindi, babayaran ko."

"Ha? Sigurado ka, brad?"

Ayaw ngang ipabayad sa akin ni Chef iyon pero nagpumilit ako. Hindi pwedeng gano'n lang. Nagnenegosyo sila kaya dapat lang na bayaran 'yon. Pero hindi iyon ang una at huli. Dahil ilang beses pa iyong naulit matapos.

"Pre, alam mo ba kung anong ibig sabihin ng pahinga? Gusto mo pa ng ibang part time, eh tatlo na ata pinapasukan mo ngayon," si Chico nang magtanong ako kung may alam siya.

Hindi rin kasi ako makapasok tuwing weekend dahil sa paggawa namin ng bucket list. Patapos na ang school year. May ipon na ako para sa simula ng college pero gusto kong samantalahin ang natitirang panahon para dagdagan iyon. Magastos ang art school kaya't kahit nakakuha ako ng scholarship ay kailangan ko pa rin ng extra'ng pera.

Hindi ko sinabi ang alinman do'n kay Papa. Pero sino bang niloko ko nang sinabi kong hindi niya malalaman 'yon?

"Ano 'to? Art school? Anong katarantaduhan 'yan? Nakatapos ka na ng high school gusto mo pang mag-aral ulit?" Pasinghal siyang tumawa matapos pabalyang binitiwan ang brochure ng isang university—na nakita niya sa mga gamit ko.

"Kaya kong gastusan ang pangarap ko," kalmado ko itong sinabi. At saka pinulot iyon. "At hindi ko kailangan ng permiso galing sa 'yo."

"May pera ka? 'Di ba mahal ang kolehiyo?" mapang-uyam ang tono niya.

Hindi ko maiwasang matawa habang pinagmamasdan ang hawak na brochure. Parang alam ko na 'to ah. Nangyari na rin 'to noon.

Dahan-dahan ko siyang nilingon at tinapunan nang blangkong tingin. Pagkahakbang palapit ay 'tsaka ko ito sinabi, "Bakit hindi mo na lang intindihin ang sarili mo?"

Kumukuyom ang kamao, iniwan ko siya ro'n dahil pakiramdam ko'y makakasakit na naman ako.

Si Kuya. Sana narito pa siya kung nakaya ko lang siyang tulungan noon. Sana natulungan ko siya.

Ilang araw na lang matatapos na ang huling buwan ng summer vacation. Naihanda ko na ang lahat ng kakailanganin ko.

Ilalagay ko na sana ang dagdag na pera sa tinataguan ko niyon ngunit tila tinakasan ako ng lakas sa nakita. Wala iyong laman. Halos baliktarin ko na ang buong kwarto at bahay pero hindi ko iyon nakita. At imposibleng nawala iyon. Alam ko na kung anong nangyari pero imbes na magalit, kalmado ko na lamang iyong tinanggap. Wala na rin naman akong magagawa. At ayos lang. Kaya ko namang umipon ulit. May ilang araw pa namang natitira. Ayos lang.

"No'ng nakaraang linggo pa po nagloloko 'yung makina—"

"Anong gusto mong sabihin? Naabutan ka nang pagkakasira?"

"Ini-report ko na po no'ng nakaraan pa pero wala namang—"

"Ngayon sinisisi mo pa ako?! Maghanap ka ng ibang side line at 'yung ipinasok mo ang ibabayad sa nasira!"

"Po?"

"Kulang pa nga iyon! Alam mo ba kung magkano 'yung machine? Kahit magbenta ka ng lamang-loob, hindi mo mababayaran 'yon!"

"Sandali lang po, baka pwedeng—"

"Sisante ka na! Umalis ka na ngayon kung ayaw mong ipabayad ko pa sa 'yo nang buo 'yung sinira mo!"

Pagkauwi ko galing sa trabaho nang madaling araw ay hindi ko inasahan ang naabutan sa bahay. Mula sa pamilyar na amoy na humahalo sa hangin hanggang sa usok ng mga sigarilyo at bote ng alak, kasama na ang mga taong naro'n na hindi ko kilala. Lahat iyon ay nagpaalala sa akin ng mga pagkakataong umuuwi ako noon galing eskwelahan.

Tila otomatikong inasahan na ng utak ko kung ano ang sunod na mangyayari. Tingin sa sahig, natagpuan ko na lang ang sariling dire-diretsong nagtutungo sa kwarto ko. Ngunit bago ko pa man marating ang pintuan niyon ay may humablot na ng braso ko. Natahimik ang mga kasama ni Papa dahil sa ginawa kong marahas na pagtulak sa kaniya.

"Problema mo?"

Mabilis at mabigat ang paghinga, para akong sinasakal nang makitang nasa akin ang mga mata nilang lahat. Natatawa. Nalilito. Nanunuri. Nanghuhusga.

"Gusto mong maglaro?"

Nanliliit, ang pamilyar na takot ay gumapang at lumukob sa akin. Ang bawat bayolenteng hampas ng dibdib ko'y ramdam at halos nakabibingi sa sarili kong tainga.

"Hoy, Clint!"

Dire-diretso ang takbong ginawa ko sa kahabaan nang madilim na kalsada. Sobrang bilis niyon na halos lumipad na ang mga binti ko. Hindi ko alam kung gaano katagal o ilang poste ng ilaw na ang nadaanan ko bago ako huminto.

Habol ang hininga, sumadlak ako nang upo sa malamig at magaspang na kalsada. Napahilamos ako ng mukha at paulit-ulit na pinadaan ang palad at mga daliri sa buhok. Sapo ko ang ulo at hindi ako sigurado kung palahaw pa ba o pagkahingal ang rinig ko sa katahimikan ng gabi.

Hindi ko alam kung nasaan ako. Walang ibang tao. Walang kahit anong lumilikha ng ibang tunog bukod sa akin.

Tila may kung anong mabigat na bagay ang nakadagan sa dibdib ko at may lamig ang sumasakal sa leeg. Sa loob ko'y may kung anong gustong kumawala. Hindi mapirmi. Nagpupumiglas. Naninikip ang dibdib ko. Paulit-ulit. Gusto kong tumakbo ngunit hindi ko mahabol ang sarili kong hininga. Ang malakas na ihip ng hangin ay tila nangangapos at hindi mapunan ang baga ko.

"Pst! Bata! Halika!"

Paulit-ulit akong umiling at humikbi habang nakikiusap.

"Tuturuan kita. Hawakan mo lang 'to tapos... ugh... ganito..."

"Ayoko..." Kuyom ang magkabilang kamao sa buhok, marahas akong umiling. "Hindi... ayoko... ayoko..."

Tama na...

"Ito ang gusto mo, hindi ba?"

Tama na!


"Next week kami pupunta ni Leo sa Manila para magdala ng mga gamit sa dorm. Gusto mong sumabay?"

You're a lying, filthy fuck. Can you see the way she looks at you?

Tamang-tama. Wala na sila no'n—pati ako.

That's right. Make use of your worthless self and do everyone the favour!

Sinapo ko ang ulo at pineke ang pagngiwi. "Hindi ko pa naplano kailan ako aalis. 'Tsaka mag-aayos pa 'ko ng gamit..." Sabay iling. "Mauna na kayo. Siguro... bago matapos 'tong buwan na 'ko pupunta ro'n."

Tumango siya, ramdam ko ang pagkakatagal ng tingin sa akin. "We're done with the bucket list..."

"Oo nga eh."

"Are you happy?"

Hindi ko maramdaman ang ngiti ko nang sinulyapan ko siya. "Oo naman."

"We won't see each other this often again once we entered college pero... can we still hang out from time to time?"

Sinungaling akong tao pero nang mga oras na 'yon, hindi ko na nagawang dagdagan pa ang mga kasinungalingan ko sa kaniya.

Mukhang hindi na ako magiging parte nang bagong mundong nakaabang para sa kanila. Good for them—the trash had already done the favour of removing and cleaning itself out of their lives.

Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan ko ang pagngiti niya. "Good night."

Maganda pa rin ang mga mata niya tulad nang pagkakatanda ko. Pero nito ko lang din natanto na kung minsan, hindi sumasapat ang magagandang bagay kung walang-hirap iyong lulunurin at kakainin nang dilim.

Hindi ako sigurado kung maiintindihan ba niya, pero sana mapatawad niya ang naging desisyon ko.

Pangarap... gusto kong sabihing handa akong magpursigi para ro'n. Pero...

Para saan pa ba?

"Goodbye."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top