41 - Numb

Trigger warning: Strong language, mention of suicide, drugs, child abuse and molestation.

*The following chapters are past events/flashbacks from Clint's POV.

***


"Clint!"

"Kuya!" Malaki ang ngiti ko nang sinalubong ko ang pagdating niya.

"May uwi ako sa 'yo. 'Pag nahulaan mo isasama kita sa tree house." Nag-angat baba ang magkabila niyang kilay sabay ngumiti.

Namilog naman ang bibig ko sa narinig. Animong sumikat ang panibagong araw sa pagliwanag ng mga mata ko. 'Di magkandaugaga sa tuwa kong inisip kung ano marahil ang uwi niya sa akin.

"Hmn..." Pinanliitan ko ng mata ang nakatago niyang mga kamay sa likod. "Ah! Chocolate! Isang malaking bar ng—"

Tumawa si Kuya. Sumimangot naman ako.

"Kaya nabubulok 'yang mga ngipin mo kasi panay ka kain nang matatamis! 'Di ka naman marunong magsipilyo!"

"Kakasipilyo ko lang kahapon!" angil ko.

Ngumiwi si Kuya at napailing habang pinipisil ang ilong. "Ngaya mala nananapak na eh."

Isang mapang-asar na ngiti ang ginawa ko, buong pusong ibinabalandra ang mga ngipin. Kakagatin ko sana siya ngunit mabilis niyang nasapo ang ulo ko. At dahil sampung taon ang kailangan kong habulin para lang magkasintangkad kami, walang nagawa ang kunwaring panggagalaiti ko. Narinig ko lamang ang muli niyang pagtawa.

"Sige na, sige na. Isasama na kita sa treehouse tutal eight ka na!"

Natigilan ako kaagad sa anunsyo ng kapatid. "Talaga, Kuya? Totoo? Wala nang bawian ah! Sabi mo 'yan!"

Nalukot ang mukha niya. "Caramel boy, mag-toothbrush ka muna! 'Di ko na alam kung ngipin pa ba 'yang nasa bibig mo o ano eh!"

Muli akong sumimalmal sa turan niya. Sunod ay nagbuga ako ng galit na hangin bago labag sa loob na nagmartsa sa loob para magsipilyo. Ngunit natigilan ako nang Papasok na sana ako sa CR nang may bumalandrang brown bag sa mukha ko. Pagkatingala'y sinalubong ako ng ngiti ni Kuya.

"Happy birthday, Bata!" Sabay sapo sa ulo ko.

Muling bumagsak ang paningin ko sa brown bag nang ginulo ni Kuya ang buhok ko. Tinanggap ko iyon at nagmamadaling binuksan. Isang kulay dilaw at parihabang kahon ang laman niyon na may nakaguhit na araw sa gilid.

"Krai... pas?" subok kong pagbasa sa nakasulat.

"Cray-pas oil pastels, twenty five colors." Itinulak pabukas ni Kuya ang kahong nasa kamay ko mula sa gilid niyon. Agad bumalandra sa akin ang iba't ibang kulay nang silindrong nakahilera sa loob n'on. "Alam mo ba kung para saan ang mga 'yan?"

Umiling ako, hindi inaalis ang manghang tingin sa kahon.

Hindi ko alam kung bakit o kung anong mayroon sa mga kulay na nakita ko roon na pakiramdam ko'y may tumatawag sa akin at nanghihikayat. May kung ano sa loob kong tila kinalabit nang wala sa sarili kong hinaplos ang mga silindro nang bawat kulay na naroon.

"Ginagamit 'yan para sabihin kung anong narito."

Nasulyapan ko ang daliri niyang nakaturo sa dibdib ko.

"Sa mga pagkakataong hindi sumasapat ang mga salita."

Bahagyang kumunot ang noo ko sa pagkalito nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya.

"Anong ibig sabihin n'on, Kuya?"

Nanuhod siya sa tabi ko. "Malalaman mo rin paglipas ng panahon." Ngumiti siya sabay tinapik ang ulo ko. "Nagustuhan mo ba?"

"Uhn!" mabilis kong tango, abot tainga ang ngiti.

Natawa si Kuya at muling ginulo ang buhok ko. "Treehouse?"

"Treehouse!" talon ko sa tuwa.

Ngunit natigil ang selebrasyon ko nang biglang kumalampag pabukas ang main door. Nagkatinginan kami ni Kuya at agad naglaho ang ngiti niya. Ipinatago niya sa akin agad ang regalo niya at sumunod naman ako kahit nalilito.

"Clay!"

"Si Papa!" Sasalubungin ko sana ang pagdating nito ngunit pinigilan ako ni Kuya.

"Dito ka lang. Ako nang bahala." Tinapik niya ang ulo ko bago umalis.

"CLAY!"

"Bakit?"

"Kailangan ko ng pera."

"Para saan?"

"Tinatanong pa ba 'yon?"

"Para saan nga?"

"Hoy! Baka nakakalimutan mo kung sa'n ka nanggaling? Wala ka kung walang ako! Akin nang pera mo! 'Wag ka nang maraming tanong!"

"Alam mo ba kung anong mayroon ngayon?"

"Bingi ka ba o ano?! Ibibigay mo 'yang pera o gusto mo munang makatikim?"

"Wala akong pera para sa mga bisyo mo! Alam mo bang birthday ngayon ng anak—"

May narinig akong lagabag. Nag-aalangan, dahan-dahan akong nagtungo sa sala kung nasaan sila. Sumilip ako mula sa nakaawang na pintuan at naabutan si Kuya sa sahig. Si Papa ay nasa harap niya at nagbibilang ng pera.

"Nagtatrabaho walang pera?" singhal ni Papa sabay maniobra ng mga perang hawak. "Eh anong tawag mo rito?"

"Hindi 'yan para sa bisyo mo!" Tumayo si Kuya at sinunggaban si Papa. Ngunit nang dumapo ang kamao nito sa panga niya'y muli siyang napahandusay sa sahig. At tila hindi nakuntento sa ginawa, nilapitan ni Papa si Kuya at pinagsisipa kung saan-saan.

Nanginig ang mga kamao ko at may kung anong naghihimagsik sa akin nang tinakbo ko ang ilang hakbang na distansya sa pagitan namin. Buong lakas kong sinubukang itulak si Papa palayo kay Kuya, ngunit maging ako'y nahantong lamang sa sahig.

"Clint! Anong ginagawa mo? Ang sabi ko—"

"Kuya, bakit hinahayaan mong saktan ka ni Papa?!"

"Clint!" Tila isang kisap-mata ko lamang nakita ang takot at gimbal sa ekspresyon ng kapatid bago niya ako itinulak palayo.

Sumalpok ako sa pader, ngunit laking gulat ko nang bumagsak sa sahig na kinauupuan ko kanina ang isang kahoy na upuan. Tumabingi iyon dahil sa lakas nang pagtama sa sahig. Ang sandalan niyo'y hawak ni Papa nang mag-angat ako ng tingin.

Mabagal akong nilingon ng huli. Madilim ang ekspresyon sa mukha nito't tila wala sa sarili nang humakbang palapit sa akin. Ang mga mata nito'y namumula. Hindi ko nakilala ang sarili kong ama nang mga sandaling iyon. Tila isang istrangero ito ngayon sa harapan ko dahil mukhang maging ako'y hindi niya kilala.

"Ako na lang! 'Wag ang kapatid ko! 'Wag ang kapatid ko..." pagmamakaawa ni Kuya habang sapo ang binti ni Papa. Pinasag ng huli ang binti upang makawala kay Kuya, ngunit pilit pa rin niyang ipinipirmi si Papa sa kinatatayuan upang hindi makalapit sa akin. "M-may... may mga pera pa akong itinabi... ibibigay ko, 'wag mo lang sasaktan si Clint!"

"Kuya..." Para 'yon sa pang-college mo 'di ba? Para 'yon sa 'yo! Bakit mo ibibigay kay Papa?

Naikuyom ko ang mga kamao ko sa nadamang galit at kawalan nang silbi. Gusto kong umapila. Gusto kong isalba si Kuya. Gusto kong sapakin si Papa. Gustong-gusto kong gumanti sa hindi niya pagiging patas pero wala akong magawa.

Mahabang panahon akong nanatili sa proteksyon ng kapatid ko nang hindi ko alintana. Pinanood ko ang pag-iyak niya sa unang pagkakataon, hindi alam na iyon na rin pala ang huli.

Maulan ng hapong umuwi ako galing school isang araw. Ilang lalaking nakaitim ang naabutan ko sa bahay namin sakay ng ilang van. Naglipana rin sa labas ng bahay ang ilang mga kapit-bahay namin at may kung anong pinagbubulungan.

"Kuya?" Hinanap ko siya sa buong bahay namin pero wala siya. Wala si Papa. Walang sinoman ang naroon.

"Hijo, nasaan ang mga magulang mo?"

"Hindi ko po alam... Nasaan ang Kuya ko? Nakita n'yo po ba ang Kuya ko?"

Nagtagal ang tingin sa akin ng lalaki. Hindi ko naintindihan ang lungkot at pagkabalisa sa ekspresyon niya. "Ganito na lang, sumama ka sa 'min. Dadalhin ka namin—"

"Hindi pwede! Dito lang ako! Hihintayin ko si Kuya... sabi niya pupunta kami sa treehouse!"

"Tungkol sa Kuya mo—"

"Hihintayin ko si Kuya!" matigas kong putol. "Pauwi na 'yon eh!"

Hinintay ko siya. Sinabi niya sa aking pupunta kami sa treehouse niya. Ang sabi niya magsipilyo lang daw ako at isasama niya ako ro'n. Tatlong beses na akong nagsisipilyo ngayon sa isang araw pero bakit hindi pa rin siya bumabalik?

Si Kuya 'yon eh. Imposibleng baliin niya ang pangako niya sa 'kin. 'Pag sinabi niya, gagawin niya. No'ng sinabi niya ngang kokotongan niya ako 'pag 'di ako naligo, ginawa niya. Pati na rin no'ng sinabi niyang pahihiramin niya ako ng ukulele niya 'pag ginawa ko ang mga assignments ko, ginawa rin niya. Kaya sigurado akong uuwi siya. Sigurado akong tutuparin niya 'yong sinabi niyang pupunta kami sa treehouse. Kaya maghihintay ako. Kasi alam kong babalik siya.

"Suicide daw ang ikinamatay!"

"Diyos ko, disi-otso anyos pa lang iyon ah?"

Hindi ko pa alam noon kung anong ibig nilang sabihin. Pero unti-unti ko nang nakakapa sa sarili ko ang tampo at galit sa paglipas ng panahon. Tampo kay Kuya dahil ilang buwan na ang lumipas at hindi pa rin siya umuuwi. At galit kay Papa dahil alam kong siya ang dahilan kung bakit.

"Pst! Bata! Halika!"

Isang gabi, umuwi si Papa'ng may mga kasama. Babae ang ilan sa mga ito at mayroon doong isang hindi ko makalimutan.

"Gusto mong maglaro?"

Hanggang ngayo'y naaalala ko pa rin kung paanong mula sa simpleng paghawak ay nahantong sa panghahalay ang ginawa nito sa akin. Ilang araw kada linggo tuwing uuwi si Papa'ng may mga kasama ay laging naroon ang babaeng iyon. At sa bawat pagkakataong iyon ay palagi siyang nakikipaglaro sa akin, larong siya lang ang nakakaalam at nasisiyahan. Hindi ako pwedeng mag-ingay. Lalong hindi ako pwedeng umayaw. Kaya't wala akong ibang nagawa kundi ang tahimik na umiyak at panoorin ang ginagawa nilang pagsinghot ng kung anong pulbos mula sa mga ilong nila, ang iba ay may hinihithit. Mula sa mga tawanan hanggang sa pamilyar na amoy ng usok sa hangin, tila nakatatak na sa isipan ko ang bawat senaryong iyon.

Ten years old ako nang pinainom ako ng alak ng mga kaibigan ni Papa. Isang beses. Sinundan nang isa pa. Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang beses o kung gaano karami na ang nainom ko. Ang tanging naaalala ko na lamang ay ang pakiramdam na tila kaya kong gawin at sabihin ang lahat 'pag tinamaan na ako ng epekto nito.

Eleven years old nang pinatigil ako sa pag-aaral ni Papa para magtrabaho. Gusto kong ipagpatuloy ang pag-aaral kaya kung minsan ay pumupuslit ako sa trabaho para lang sumilip sa labas ng school, kung saan rinig ko ang boses ng guro mula sa loob nang malapit na classroom. Habang nakikinig ay gumuguhit ako ng mga tanawin.

"Hoy! Anong ginagawa mo riyan?!" sigaw iyon ng guwardya ng school.

Namimilog ang mga mata, naghahadali kong sinikop ang mga gamit at patakbo na sana ngunit nahuli ako nito.

"Anong ginagawa mo riyan ha?!" Hinablot nito ang damit ko mula sa likurang kwelyo.

"W-wala po! Nakikinig lang po ako! Wala po akong g-ginagawang masama!" Takot na takot ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Naisip ko agad na patay ako kay Papa 'pag nakarating 'yon sa kaniya.

"Ano 'yan?" Sabay kaming napalingon ng Guard sa pinanggalingan ng boses. Sabay din kaming napatalon sa gulat nang makita ang pagdungaw ng isang tao mula sa simentadong bakod ng school.

"S-sir! Ito kasing batang ito! Laging narito eh hindi naman estudyante! Baka anong ginagawa kaya—"

"Kalma ka lang, Roberto. Bata lang iyan!" Nakangisi ngunit may bahid nang pagbabanta ang boses ng lalaking nakadungaw sa haligi. "Ano nga bang ginagawa mo riyan, hijo? Imbes na dapat ay nasa loob ka ng classroom?"

"N-nakikinig lang po ako..." Nakagat ko ang labi at sandaling pumikit sa kahihiyan.

Tumango ang lalaking naroon sa bakod. "Hindi dapat ipinagkakait sa sinoman ang edukasyon."

Nawi-weird-uhan man dito'y hindi ko naiwasang mamangha dahil sa sinabi nito.

Tumikhim ang Guard at saka lamang binitiwan ang damit ko.

"Anong pangalan mo, hijo?"

"Clint po."

"Clint," ulit niya. "Pwedeng pumasok ka sa loob? Nakakangawit itong ginagawa ko eh."

Namilog ang mga mata ko. "Po?"

"Sir! Hindi siya—"

"Roberto, kalma. Ako nang bahala."

Sa anong dahilan ay naalala ko si Kuya. Wala na akong tampong nararamdaman sa kaniya ngayon. Ang tanging gusto ko na lang ay ang bumalik siya. Ang makita siya ulit. Pero gaano ba ako katagal dapat maghintay sa pagbabalik niya?

"Sir Magpayo!"

"Ah! Clint, tapos mo na?"

"Opo."

Hindi ako nakapagpatuloy sa pag-aaral pero tinulungan ako ni Sir Magpayo. Tinuturuan niya ako tuwing weekends. Hindi ko alam kung saan nagpupunta si Papa pero wala siya tuwing weekends, kaya hindi niya alam na nagpupunta si Sir Magpayo sa bahay para turuan ako.

Walang asawa si Sir Magpayo. Wala rin siyang anak. Hindi siya katandaan ngunit hindi rin nalalayo ang edad niya kay Papa. Mabait siya. Matalino. Palabiro. Sadyang may pagka-weirdo lang kung minsan pero nasanay na rin ako. Madalas kong naikukwento sa kaniya si Kuya at minsan ko na ring nasabi sa kaniyang para ko na siyang nakatatandang kapatid. Lagi kasi niya akong binibigyan ng payo at ginagabayan. Sa totoo lang, parang siya na ang tumayong magulang ko sa loob ng halos dalawang taon.

Hanggang isang beses habang tinuturuan niya ako'y may itinanong siya sa akin.

"May nagugustuhan ka na ba?"

Muntik na akong nabilaukan ng sarili kong laway dahil sa tanong niya. "Wala po!"

"Meron eh. Kitang-kita ko sa mukha mo! Sino?!"

Namilog ang mga mata ko sa paratang niya. "Wala nga po!"

"Trese anyos walang crush? Ako nga grade one pa lang may iniirog na eh!" singhal niya.

Natawa na lamang ako at napailing. Siguro kung lumaki ako katulad nang mga normal na trese anyos ay hindi malabong mayroon ako n'on. Pero sino bang kailangan kong lokohin dito? Alam ko namang hindi normal ang buhay ko para magkaroon ako ng panahon sa mga bagay tulad n'on.

"Inuusisa n'yo ang crush-life ko eh kayo nga wala pa ring asawa!" uyam ko. Sinimangutan niya ako at pagalit na inutusang tapusin ang pinagagawa niya.

Madilim na nang nagising ako dahil sa ilang impit na ungol. Hindi ko namalayan kung kailan ako nakatulog o kung umalis na ba si Sir Magpayo. Ngunit nang makita ko siyang nakaupo sa dulo ng sofa'ng hinihigaan ko'y napabalikwas ako ng upo. Sinubukan kong lunukin ang kaba ko. Hindi ko sigurado kung para saan ang kabang iyon. Kung dahil ba sa kakaibang paninitig niya sa akin. O dahil sa sensyual na paghaplos niya sa binti ko.

"S-Sir?" Ramdam ko ang pamumuo nang malalamig kong pawis habang pinapanood ang marahan niyang paglapit sa akin.

"Alam mo ba kung bakit hanggang ngayon wala pa rin akong asawa?" aniyang halos pabulong.

Hinaplos niya ang pisngi ko nang tuluyan na siyang nakalapit. Ang kaba ko'y dumoble at ang pamilyar na takot ay unti-unti nang gumapang sa akin. Bumigat ang paghinga ko.

"Mahal mo ang kuya mo hindi ba? At sinabi mong para mo na rin akong kapatid... ibig sabihin mahal mo rin ako... hindi ba, Clint?"

Hindi ako nakapagsalita dahil sa pagkalito.

"Wala kang nagugustuhan, 'di ba? Gusto mong malaman kung anong pakiramdam nang magkagusto at magustuhan?" Hinaplos niya ang pisngi ko pababa sa leeg. "Maglaro tayo..."

Nanigas ako sa mismong kinauupuan nang rumagasa sa alaala ko ang mga bagay na ayaw ko na sanang alalahanin pa.

Kuya...

"Akala mo hindi ko mahahalata?"

Kuya...

"Ito ang gusto mo, hindi ba?"

"'Wag mo 'kong hawakan!" Mabilis, malakas at naghihimagsik ang pagtambol ng puso ko. "Lumayo ka sa 'kin!"

Isang malakas at mahabang tawa ang umalingawngaw sa tahimik na silid. "O? Bakit, may magagawa ka ba? Magsusumbong ka? Kanino? Sa tatay mong walang pakialam sa 'yo kundi silbi mo?"

Napuno ng takot at kawalang pag-asa ang damdamin ko. Lagi namang ganoon eh. Lagi namang wala akong magawa. Lagi namang si Kuya lang ang may nagagawa para sa akin. Ano bang silbi ko? Bakit ba ako narito?

"O 'wag mong sabihing sa kuya mo ka magsusumbong? Eh patay na 'yon! Kahit anong iyak at sigaw ang gawin mo hindi ka na no'n maririnig! Wala na 'yong magagawa para sa 'yo! Mag-isa ka na lang, Clint! At ako na lang ang mayroon ka! Sige, ano, magsusumbong ka? 'Pag ginawa mo 'yon, wala nang matitirang kahit sino sa 'yo!"

Bigla siyang umakma nang pagsunggab. Gamit ang nanginginig at nakakuyom kong kamao'y buong lakas ko siyang hinawi at itinulak palayo. Malaki siya kaya't ilang dangkal lamang ang inilayo niya sa akin. Gayunpama'y kinuha ko ang pagkakataon upang dali-daling tumakbo paalis. Palabas ng bahay namin. Palayo sa tao. Pagtakas sa takot, sa sakit, sa lungkot—sa lahat.

"CLINT!"

Tumakbo ako nang tumakbo. Walang patutunguhan. Hinayaan ko lang ang sarili kong mga paa kung saan ako dalhin niyon.

Kuya, nasaan ka ba? Kuya, kailangan kita eh. Nasaan na 'yung mga pangako mo? Ang sabi mo magsipilyo lang ako 'di ba? Eh pudpod na yata 'tong mga ngipin ko sa nakalipas na mga taong paghihintay ko sa pagbabalik mo! Ganyan ka ba kadamot? Ayaw mo yata talaga akong isama sa treehouse! Edi ayos na! Bumalik ka na kasi mas gusto kitang makita kaysa sa kung anong mayroon sa treehouse na 'yon... Kuya... Kuya, bumalik ka na o. Kuya, nahihirapan na 'ko... hindi ko kaya nang mag-isa... Kuya, bakit... bakit iniwan mo ako rito?

Wala sa sarili akong naglakad hanggang sa mapagtanto kong nakarating na ako sa gubat. Madalas kami rito ni Kuya at ang alam ko narito rin ang...

Isang lingon at mula sa liwanag ng buwan ay tumunghay sa akin ang treehouse. Ang treehouse na ginawa ni Kuya. Ang treehouse kung saan siya madalas maglagi.

Natagpuan ko na lamang ang sarili sa loob niyon. Agad kong hinanap ang lamparang madalas kong makitang gamit ni Kuya. Naaninag ko iyon sa sahig ilang hakbang ang layo mula sa akin. Wala na akong sinayang na sandali nang sinindihan ko iyon. Mula sa naninilaw na liwanag ng lampara ay nagliwanag ang kabuoan ng treehouse.

Bumungad sa paningin ko ang ilang nilumang papel na nakapaskil sa haligi niyon. Laman ng bawat papel ang ilang guhit kamay ng iba't ibang tao. Humakbang akong palapit sa mga iyon at nakita ko roon sa ibabang parte ng bawat drawing ang iba't ibang pangalan. Sa pinakababang parte naman niyon ang pirma ni Kuya. Walang ni isa akong kilala sa mga pangalang nabasa bukod sa nag-iisang pangalan doon.

"Clint..."

Napalingon ako sa paligid nang tila narinig ang boses ni Kuya'ng tumawag sa akin.

"Kuya?"

Hinanap ko kung saan iyon nanggaling ngunit wala akong anumang nakita. Hindi kalakihan ang treehouse. Halos sampong hakbang lamang ang kailangan at maiikot na ang kabuuan niyon.

Nang ilang beses na akong nakaikot ay mapait na lamang akong natawa sa sarili at natigilan.

"Nababaliw na yata ako."

Muli kong ibinalik ang tingin sa papel kung saan nakaguhit ang walong taong gulang na Clint. Malaki ang ngiti nito at kitang-kita sa mga mata ang kainosentihan. Tila ibang tao ito kung ikukumpara sa kasalukuyang ako ngayon.

Nagkalat ang ilang buhangin at maliliit na bato sa kabuoan ng treehouse. Maalikabok din ang nakalatag na kumot sa sahig. Lumapit ako sa maliit na lamesa. Laman ng isang baso ang ilang lapis na may iba't ibang taba ng charcoal sa loob. Ang isang baso naman sa tabi niyo'y naglalaman nang magkakaibang sukat ng brush. May iba't ibang uri din ng pangkulay akong nakita ro'n. Ngunit may isang pamilyar na kahon ang nahagip ng paningin ko. Hinugot ko iyon mula sa ilalim ng mga basyo ng acrylic paint at tumambad sa akin ang isang kulay dilaw at parihabang kahon. Nang nakita ko ang araw sa gilid niyon, tila simbilis ng kidlat bumalik sa akin ang memorya nang parehong bagay noong ikawalong birthday ko. Ang regalo sa akin ni Kuya.

Muli kong pinasadahan ng tingin ang kabuoan ng treehouse. At muli rin akong sinalubong ng mga larawan ng iba't ibang taong iginuhit niya. Mga taong hindi ko kilala—kasama na nang dating ako.

Nang pagkakataong iyon, dinagsa ako ng mga tanong na bakit. Paulit-ulit at tila walang katapusan iyong nagsirko sa isip ko.

Bakit ganito ang mundo namin? Bakit pinagkaitan kami nang normal na buhay? Bakit wala siya rito? Bakit niya ginawa ang ginawa niya? Bakit niya ako iniwan? Bakit ang hirap? Bakit ang sakit? Bakit... ang daling piliing mabuhay pero ang hirap mabuhay?

Kuya, akala ko ba ikaw ang bahala?

"Clint..."

Sumambulat ang mga luhang ilang taon kong inipon at sinubukang ikubli. Bumuhos iyon nang walang humpay na tila ba wala nang bukas. Umagos iyon nang dire-diretso hanggang sa maubos ang lakas ko. Hanggang sa halos wala na akong maramdaman.

"Alam mo ba kung para saan ang mga 'yan?"

Tayo lang ang mayro'n ang isa't-isa 'di ba? Bakit mo ako iniwan sa impyernong 'to nang mag-isa, Kuya?

"Ginagamit 'yan para sabihin kung anong narito...

"Sa mga pagkakataong hindi sumasapat ang mga salita."

"Kuya..."

Nakikita ko ang mga gamit niya. Ang mga nilikha niya. Mga bagay na gusto niya. Ang mga lugar kung saan siya nagpupunta. Nandoon siya. Dapat naroon din siya. Pero kahit ilang beses kong tignan, hawakan o puntahan ang mga iyon, hindi ko siya maramdaman. Nadoon siya pero wala na siya roon. Limang taon akong naghintay at naghanap ng sagot sa mga bakit pero wala akong napala.

Siguro hindi ko talaga maiintindihan kung bakit pinili ng kapatid kong tapusin ang lahat sa pagtapos ng buhay niya. Dahil wala ako sa posisyon niya. Hindi ko nararamdaman ang mga bagay katulad nang pagdama niya sa mga iyon. Ang sabi niya may mga bagay na maiintindihan ko lang sa paglipas ng panahon. Pero bakit hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung bakit niya ginawa ang bagay na 'yon?

Nagising ako sa pagsikat ng araw. Umuwi ako sa bahay kahit ayaw ko nang bumalik doon. At sinalubong ako ng isang balitang hindi ko lubos inasahan.

"Saan ka galing?" Pula ang mga mata ni Papa nang sinuri ako ng tingin.

Hindi ako nagsalita.

Bumuntonghininga siya at balewalang sinabing, "Kukupkupin ka na ni Mister Magpayo. Sumama ka na sa kaniya, nakahanda nang mga gamit mo."

Kumunot ang noo ko sa narinig. Matapos bilangin ang pera sa palad ay ibinulsa iyon ni Papa. Sumulyap siya kay Sir Magpayo na naroon pala sa loob ng bahay. May kung ano siyang sinenyas dito kaya't agad na lumingon sa akin ang huli at ngumisi.

"Kada katapusan ah."

Hindi ako matalino pero alam ko na kaagad kung anong nangyayari.

"Anong klase kang ama?"

Tila nag-apoy ang nakapapasong galit sa buong sistema ko. Sa lumipas na panahon, wala akong ibang nadama sa sarili kong ama kundi hinabang at pahapyaw na galit. Ngunit tila naupos ang natitirang katiting na paggalang at tiwala ko sa pagiging tao niya nang oras na iyon. Wala akong ibang naramdaman sa kaniya kundi puro't nagliliyab na galit. Sa lahat. Siya ang may kasalanan nang lahat.

"Wala kang kwentang ama! Bakit mo pa kami binuhay kung impyerno lang ang ipapadanas mo sa 'min?!"

Bumwelo ako para sa isang suntok ngunit ako ang dinapuan ng kamao niya. Tumilapon ako pababa nang tatlong baitang na hagdan mula sa main door. Ramdam ko ang magaspang na lupa sa gilid ng ulo kong gumasgas doon.

"Tarantado ka pala eh! Tingin mo ginusto kong buhayin kayo ng kuya mo, ha?!"

Hindi ko naituloy ang akmang pagbangon nang mapadaing at namilipit ako sa sipang natanggap sa sikmura ko. Masakit iyon pero walang-wala iyon kung ikukumpara sa sakit na matagal nang nakatanim sa loob ko.

"Pasalamat ka nga't binuhay pa kita!" Nanggagalaiti niya akong sinipa muli. "Hayop ka, wala kang utang na loob!"

Nalasahan ko ang metal sa bibig matapos kumalat sa lupa ang bahid ng dugo mula sa pag-ubo ko. Sapo ko ang sikmura at hindi ako makahinga nang maayos.

Pasalamat? Sa kaniya?

Gusto kong maiyak ngunit imbes na palahaw ay narinig ko ang pagkawala ng sarili kong mga tawa sa kabila nang paghihirap ko sa paghinga. Wala iyong laman. Kasalungat nang nag-uumapaw na sakit at poot na kumakalat sa buong sistema ko.

"Putang inang batang nasiraan na ng ulo!" Muli niya akong sinipa ngunit muli lamang akong natawa.

Ito ba ang buhay? Sa kung anong dahilan, pakiramdam ko'y naubos na ang lahat ng luha ko kagabi at ngayo'y wala na akong ibang mailabas kundi tawa. Ganito nga marahil ang buhay.

"Nauulol ka na ba, ha? Alam mo kung bakit nagpakamatay ang kuya mo? Dahil naulol siya at dahil wala kang kwenta! Wala kang alam gawin! Wala kang silbi kundi magpabigat!"

Siguro nga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top