26 - Closing time
"Nag-away kayo ni Jackie?" tanong ko kay Leo habang pinanonood namin si Quijano at Allen sa kusina.
Ayaw kong payagan ang kapatid na magluto ro'n, kaya't nang nagpresinta si Quijano na siya ang magluluto ay pumayag ako kahit may pagdadalawang-isip. Tumutulong sa kaniya si Allen. Wala naman sigurong sasabog. Basta babantayan ko sila'y ayos lang.
"She's nosy. Ang daming tinatanong at inaalam. Na-badtrip ako at nawalan ng gana kaya imbes na buong hapon kaming mag-aaway do'n, umalis na lang ako."
"Bakit kasi hindi mo na lang kausapin si Reegan para matapos na?"
Nanatili lang siyang nakahalukipkip at nakatingin sa dalawa, 'di umimik.
"You can't avoid him forever."
"Alam ko."
"And you can still be friends with them even if you quit soccer."
"Alam ko..."
"So talk to them."
Hindi siya muling sumagot. Natahimik kaming pareho habang nakatanaw sa dalawa. Tinuturuan ni Quijano si Allen kung paanong mag-beat ng puti ng itlog para maging fluffy iyon. Hindi makuha ng huli kung paano iyon ngunit ayaw paawat. Panay siyang tango habang maiging pinakikinggan ang mga sinasabi ni Quijano. Paminsan-minsan ay nagtatawanan sila at para bang hindi ngayon ang unang beses na nagkakilala.
Sa kabutihang palad ay wala namang kahit anong sumabog sa kusina nang matapos ang dalawa. Hindi pa rin dumarating si mama kaya't kami na lang ang sabay-sabay na kumain. Si Leo ay mukhang wala pang balak na umuwi.
"Sa'n ka natutong magluto, Kuya Clint?" Mukhang close na talaga sila, may kuya na?
Tumigil sandali sa pagkain si Quijano at binalingan si Allen ng ngisi. "Inaral ko lang mag-isa. Nakailang sunog at palya rin ako bago ako matuto." Mahinang tawa. "Pero sa una lang naman mahirap."
"Talaga? Ano pang ibang luto ang alam mo, Kuya? Pwedeng magpaturo?"
Sumulyap sa akin ang kapatid ko nang mapansin ang matalim kong tingin. Ang ngiti sana niya'y napanis.
"Mukhang seryoso ka sa pagluluto, Allen ah?" puna ni Leo habang nakangisi. "'Yan ba ang propesyong gusto mo?"
Pinanlakihan ko ng mata si Leo sa sinabi. Bakit niya kailangang gatungan ang ideyang ito ni Allen? Eh ang mga prito nito kundi hilaw, sunog!
Bahaw akong ngumisi at umiling sa kapatid. "Don't listen to him."
"Bakit? May problema ba sa propesyon ng pagluluto?" inosenteng tanong ni Quijano habang kumakain, nagsasalit sa amin ni Leo ang tingin.
I mentally made a face-palm. "Wala." Sa batang nag-aaral dito, mayro'n.
"Ang sabi ng mga teachers ko madali lang sa 'kin kahit anong kurso ang kunin ko sa college. Pero sabi rin nila iba pa rin kung ang gusto ko talaga ang ipe-pursue ko." He chuckled uneasily again bago dinugtungan ang sinabi, "May two years pa naman ako para pag-isipan kung anong strand ang kukunin ko sa senior high... siguro sigurado na 'ko no'n kung anong course ang kukunin ko sa college."
"O nga naman," may tangong sang-ayon ni Quijano sabay ngisi sa kapatid ko.
'Di matapos ang naging kwentuhan ng dalawa habang kumakain. Puros tungkol sa pagluluto iyon. Noon ko lang din nakumpirma galing mismo sa kapatid na iba nga ang tingin ng mga junior kay Quijano. Kung sa batch namin ay 'weirdo' siya, sa mga lower batches ay kilala siyang 'art genius'. Wala akong masabi kundi ang makinig sa kapatid. Si Leo naman ay tatawa-tawa lang sa mga naririnig, kung minsan ay may pa-side comment.
"Malapit lang ba ang inyo kila Toby?" tanong ko nang sinamahan ko siya palabas ng bahay, patungo kung nasaan ang bike niya.
Sumulyap siya sa akin at tumango matapos alisin ang stand ng bike. Sumakay siya roon bago ako tuluyang nilingon. Nang mahagip ng tingin ang kung anong nasa main door ay ngumisi siya at kalaunan ay natawa.
"Umamin ka, tatay mo 'tong si Leo nung nakaraang buhay n'yo 'no?"
Napasulyap ako sa tinitignan niya para lang makita si Leo na nakahalukipkip at nakasandal sa hamba nang bukas na main door. Blangko ang mukha nito habang nakatingin sa direksyon namin.
"Bored lang 'yan sa kanila," iling ko na lang.
Ngumisi siya at tumango. "Paano? Sa Monday? Portrait?"
Tumawa ako nang mahina habang kumukunot ang noo. Makulit na weirdo.
Itinabingi niya ang ulo habang sarado ang mga labing nakangiti at naghihintay ng tugon ko.
I sighed. "Tignan ko."
He nodded with assurance. "Titignan lang din kita."
"Ha?" tawa ko sa kalituhan.
Nakangisi siyang nagkibit-balikat na para bang may obvious na bagay akong nakaligtaan. "That's how you model for art."
Magkakasunod ang tango ko. Oo na nga, Quijano. "Umuwi ka na."
Umapak siya sa pedal at umamba nang pag-alis ngunit nanatili roon, ang ngisi ay hindi nawawala. And while giving me sideways look, he playfully said, "Monday. Portrait."
Nakakainis ang ekspresyon sa mukha niya pero hindi ko mapigilang mapangiti. "Quijano."
"Rai," sa parehong ekspresyon niyang untag.
"Umuwi ka na."
"Monday?"
"Hay nako."
"Portrait?"
Sa huli ay tumango na lang ako.
Namilog sa tuwa ang mga mata niya at animong naging code ang kanina pa niyang sinasabi. "Monday? Portrait?"
"Oo na nga."
Lumapad ang ngisi niya. "Sigurado?"
Sumimangot ako kahit hindi mapigilan ang ngiti. "Ayaw mo yata?"
Mabilis at paulit-ulit siyang umiling habang humahalakhak. "Monday, then! 'Wag mong kakalimutan!"
Nasapo ko na lamang ang noo sa kakulitan niya. "Monday."
He chuckled and settled on his bike. This time, he started pedalling for real. Itinaas niya ang isang kamay sa ere. "Bye, Arkin! Monday!"
Pagkabalik ko sa loob ay sandali pang natigilan nang magtanong si Leo, kunot ang noo. "Anong mayro'n sa Monday?"
Isa ka pa. "Go home."
Mula sa blangkong mukha ay sinimangutan niya ako. "Nga pala, dad wants us to have dinner every weekend like the old days."
Papasok na ako sa maindoor nang muli akong mahinto. Hindi maipinta ang mukha ko nang binalingan si Leo. "Was that really necessary?"
"Every Sundays. Hindi naman na bago 'yon? Our families used to have dinner like that-"
"Magpapakasal na ba sila at bakit kailangang ipilit ang ganitong set-up?" sarkastiko at halos pasinghal kong untag. Ang kaninang katuwaang nadama ay mabilis nang nag-evaporate mula sa akin.
"It's just dinner," seryosong tugon niya na para bang maliit na bagay lang iyon at masyado akong nagiging petty. At wala akong pakialam kung gano'n nga ang dating ko.
"Pakisabi na lang sa kanilang hindi ako pupunta."
"Rai!"
"You can't make me do it, Leo." Matigas akong umiling, ang mabilis na pagtibok ng puso ko sa pagtutol sa mga naiisip ay hindi ko makontrol.
Pumikit siya nang mariin, halos mukha nang frustrated. "Ayaw mo bang maging masaya ulit si tita?"
"Don't give me that crap."
"No one can replace your dad in your mom's life! Gusto lang niyang maging masaya ulit, Rai. Bawal ba 'yon?"
Matalim ko siyang tinapunan ng tingin. "At sino ka para magsalita para kay mama? Ano, bukod sa pagiging tulay, spokesperson ka na rin niya?"
"You're being selfish."
"And you're being a jerk! Hindi ibig sabihin na porket payag kang palitan ni mama ang mommy mo ibig sabihin okay lang sa 'kin na palitan ng daddy mo ang papa ko! You were little when your mom abandoned you, kaya siguro ayos lang sa 'yo! Pero sa 'kin hindi, Leo! At wala kang karapatang husgahan kung anong mararamdaman at nararamdaman ko tungkol sa sitwasyon!"
Natahimik si Leo. When I saw pain crossed his expression, noon ko lamang natanto kung ano ang sinabi ko.
He scoffed weakly before cutting off his gaze on me. Sarkastiko siyang ngumisi. "Great. Wow."
"Ate? Kuya Leo? What's wrong? Nag-aaway ba kayo?"
Pareho kaming hindi nakasagot sa tanong ng kapatid ko. Tumikhim si Leo bago binalingan ito.
"I'll go ahead, kiddo."
Matapos marinig ang sagot ni Allen ay dire-diretso nang tumalikod si Leo at lumabas ng gate. Sinundan ko na lamang ng tingin ang likod niya hanggang sa makapasok siya sa bahay nila.
"Ate, anong nangyari?"
"Wala, Allen."
Pumasok ako sa main door kahit gusto kong lumabas ng gate at kausapin si Leo. I didn't mean to say it like that. I'm well aware of my immaturity towards the matter. Pero anong magagawa ko kung sa iyon talaga ang nararamdaman ko?
Did I overreact?
Madaling araw na pero pagtatalo pa rin namin ni Leo ang iniisip ko. I really hate the feeling of screwing things up. Pagkatapos nang nangyari kay Toby at ngayon naman sa maaring mangyari kay Quijano, I hate thinking about making the same mistake again. I don't want to lose anyone again.
Kinuha ko ang phone sa bedside drawer at nagtipa ng message para kay Leo. Paniguradong tulog na 'yon pero hindi ako makakatulog kung hindi ko gagawin ito.
You:
Can we talk tomorrow? I mean later in the morning?
Ibinalik ko ang phone at naghanda na sa pagtulog. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas nang mag-beep ang phone ko para sa isang message notif. Napatalon ako paupo sa gulat at halos manginig pa nang muling kinuha iyon.
Leo:
We can talk now
Bahagyang namilog ang mga mata ko sa nabasa. Gising pa pala ang ungas. At gusto niya ngayon na kami mag-uusap.
Okay.
Magtitipa pa lang sana ako ng reply nang muli siyang nag-text.
Leo:
You owe me a drumstick
Hintayin kita sa labas niyo. Bilisan mo
Napasinghal ako sa nabasa habang nakangisi. Kumuha ako ng jacket at ipinatong sa suot kong dress na mukhang oversized shirt. Matapos kunin ang wallet ay nagtungo na ako pababa. Nakita ko agad ang likod ni Leo'ng nakasandal sa bakod namin pagkalabas ko ng main door. He was wearing the soccer team varsity jacket. Ang mga kamay niya'y parehong nasa loob ng bulsa noon.
Isang sulyap sa akin at nauna na siyang maglakad. Sumunod ako at kalaunan ay nakasabay sa paglakad niya.
Tahimik ang buong kalsada at tanging mga poste lang ng ilaw ang nagsisilbing liwanag sa dilim. It reminded me of a deserted town in one of the thriller movies we used to watch together as kids.
"It's not like you to reach out first." Ngumisi siya.
"I'm sorry. I didn't mean to say it like that."
"Alam ko."
"Sorry pa rin."
"You're not forgiven until you get me my drumstick."
Mula sa pagtingin sa sementadong kalsada ay binalingan ko siya sa gilid ko. "I'm saying sorry but this doesn't mean I'm no longer against our parent's relationship."
Sumulyap siya sa akin at balewalang nagkibit-balikat, his face was blank with emotion like usual.
"Ibig sabihin posible pa rin tayong mag-away tungkol dito from time to time."
Mabagal siyang tumango.
"I won't buy you drumstick every time that happens."
He chuckled.
"So don't provoke me. Because it will be useless."
"You brat. Are you trying to threaten me?" aniya sabay pabirong bangga ng braso niya sa akin.
Hinawi ko siyang palayo bago nakipag-unahang pumasok sa 711. I smirked when I beat him to the freezer for the drumsticks. Ngumisi lang siyang pabalik.
"Ah. Wala nang vanilla." Ang swerte naman ng isang ito at wala ang paborito niya.
Sumimangot siya matapos makumpirmang ubos na nga iyon. "Kung ano na lang din ang iyo."
Naupo kami sa benches na nasa labas. Wala nang customer do'n bukod sa amin. Ang madalang na pagdaan ng mga sasakyan sa main road ay rinig na rinig dahil sa katahimikan.
At dahil mukhang hindi naman siya badtrip, sinulit ko na ang pagtatanong.
"Is it true that you got dumped?"
Ngumisi lang siya at hindi sumagot, patuloy sa pagkain na parang walang narinig.
"Who's the girl? Ka-batch ba natin?"
He shrugged, refusing to say anything.
"Dahil daw sa pagku-quit mo ng soccer kaya ka hiniwalayan? Totoo ba?"
Mula sa pagkagat sa sariling drumstick ay bigla siyang natawa kaya't bahagyang kumalat ang icecream sa pisngi niya. Nang aktong kukunin niya ang tissue sa table na nasa pagitan namin ay inunahan ko siya.
"Ano?" Naglahad siya ng kamay sa lamesa, natatawa. "Akina!"
Maigi ko siyang tinignan. "Tinatanong kita. Totoo bang mga 'yon? Bakit ka tumatawa?"
"Tsk. Akina, malagkit 'to 'pag natuyo!"
Nakakairitang ungas. "Bakit ayaw mong sumagot nang maayos?"
"'Wag mo na kasing alamin. Akina 'yang tissue!"
I gave him a flat look.
"Akina hoy!"
"'Wag ko nang alamin? Bakit hindi ko dapat alamin?"
"Rai!"
"Bakit nga, Leo?!"
Frustrated siyang nagbuga ng hangin at umiling. "Matatawa ka lang sa dahilan."
"O tapos? Bakit hindi mo masabi? Ano ngayon kung nakakatawa?" lito kong tugon.
Kumunot ang noo niya kahit natatawa. "Nagselos kaya nakipaghiwalay sa 'kin. Okay na?"
"Ha?"
Sinamantala niya ang pagkakalito ko nang hinablot ang tissue mula sa hawak ko.
"Nagselos? Bakit ang layo ng rumors sa totoong dahilan?"
"Because it's rumors?" kibit-balikat niya matapos palisin ang icecream stain sa pisngi.
That make sense. Pero... "Sino naman ang pagseselosan?"
Nasamid naman siya ngayon.
"Did you cheat on her?" akusa ko.
Umiling siya at dahan-dahan nang natawa.
"Why else would she get jealous kung walang pagseselosan?"
"Ikaw."
"Ha?"
"Ikaw!"
"Ako? Ako ang alin?"
Nauna pa ang tawa ng ungas bago nakasagot nang maayos. "Ikaw ang pinagselosan!"
"Ano?" I scoffed in disbelief.
What the hell? Bakit ako pagseselosan?
"Ako?" Naituro ko pa ang sarili dahil para 'yong masamang biro. Pinagti-tripan ba niya ako? "At anong sinabi mo? Hinayaan mong magselos at makipaghiwalay sa 'yo? Dahil lang do'n?"
"Tss."
"Leo, you jackass!"
"Bakit?" Defensive niya akong tinapunan ng tingin, natatawa. "What's the use in dating her if she can't get along with you?"
Kumunot ang noo ko sa narinig. "I don't even know her. Paano niya ako makakasundo?"
"Exactly my point! She doesn't even want to approach you. Sa lahat ng naging girlfriend ko siya lang ang gano'n."
Kumurap ako nang may natanto. I've known all of Leo's girlfriends in the past years. At ngayon ko lang natanto kung bakit.
"You made all your girlfriends introduce themselves to me," I uttered with the sudden epiphany.
May ngising napailing si Leo sa nakitang reaksyon ko. "Slow-witted brat."
Nagtagal ang tingin ko sa kaniya. Siya naman ay balewalang nagpatuloy lang sa pagkain.
He treats Allen like a brother. And I guess that goes the same with me...
"Problema mo? May natira bang icecream stain sa mukha ko?" kunot noo niya pagkasulyap sa paninitig ko.
"Ungas." Ngumiti ako.
Mas lalong kumunot ang noo niya. "Gusto mo yata ulit ng away?" Sabay ngisi.
He wanted us to be a family. I don't know why but the feeling of guilt is creeping in me. Siguro dahil noon pa man, pamilya na talaga ang tungo sa amin ni Leo. He was the big brother Allen and I never had. At ngayong hinihingi niyang maging totoo kaming pamilya, pakiramdam ko ang laking bagay nang paghadlang ko roon. Pakiramdam ko ipinagkakait ko sa kaniya ang maging masaya.
It made me think about what he said earlier in behalf of mom. Because I don't think it's only about her happiness but his as well. Bata pa lang siya nang iniwan siya ng mommy niya. Workaholic naman si Tito Lenard. He'd been alone for so long. I can't imagine how lonely that can be.
"Dinner tomorrow," pang-asar niyang untag matapos kong pumasok sa gate.
Sinimangutan ko. I still don't like this idea but somehow, I think I can bear this much. Like he said, dinner lang naman 'yon. Wala pa namang plano sina mama na magpakasal.
"Whatever, Perez."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top