22 - Nice piece of art
It was a Thursday morning when I've decided to read on the empty hallway. Napaaga ang pasok ko kaya tahimik pa roon dahil wala pang nagdaratingang mga estudyante. Binati kong pabalik ang nakangiting janitress na bumati sa akin pagkadaan.
I inhaled the fresh morning air before opening the book on my hand. Ilang minuto nang magsimula akong magbasa ay may nahagip ang paningin ko mula sa likod ng mga pahina ng libro, sa baba ng building. I saw someone on the student's park, sitting cross legged on a concrete bench. Nakatalikod man ito sa akin ay kita ko pa rin ang kalong nitong sketch pad.
Sinarado ko ang librong binabasa at natagpuan na lamang ang sariling naglalakad pababa ng building at nagtutungo roon. Dahan-dahan akong lumapit mula sa likuran niya, habang palapit ay mas nagiging klaro sa paningin ko ang ginuguhit niya.
It was a long straight highway, ang dulo nito'y pataas at animong patungo sa langit. Napalilibutan nang nagtataasang damo at puno ang gilid nito, like a highway on the country side. Sa pagtagal ng titig doon ay mas nagiging buhay ang senaryo sa imahinasyon ko. Ang tunog nang pagsayaw ng mga damo at dahon ng puno, ang malakas na hangin, ang friction ng gulong ng bawat sasakyang nagdaraan sa kalsada...
Hindi ko inasahan ang pagkakamangha. I was then standing behind him as I watched how immersed he is with every decisive stroke he made with his pencil. Halos buo na ang kabuoan ng sketch at tingin ko'y pagtatapos na detalye na lang ang ginagawa niya.
Gayunpama'y pinili kong manatiling tahimik nang mukhang 'di pa rin niya alintana ang presensya ko roon, dahil ayaw kong maistorbo siya.
He looked as if he was invincible and consumed in another foreign world. Naisip ko tuloy na siguro'y katulad iyon ng pakiramdam sa tuwing nagbabasa ako nang magandang libro at 'di ko alintana ang mundo sa paligid ko.
Nagulat ako nang inilipat niya ang hawak na lapis sa kabilang kamay at muling nagpatuloy sa pagguhit sa kabilang banda.
He's ambidextrous?
Tumitig akong muli sa iginuguhit niya ngunit kalauna'y unti-unti akong napabaling sa mukha niya. Halos naroon na ako sa gilid niya pero hindi pa rin talaga niya napapansin ang presensya ko. Seryosong-seryoso ang mga mata niyang nakatitig sa sketchpad habang ginuguhit ang karagdagang poste roon.
Kuryoso ako sa pagguhit niya ngunit hindi ko alam kung bakit parang mas interesado akong tumitig sa mukha niya. Maybe it's in the way he focused his full attention on his canvas, or the look of burning passion on his eyes that caught my interest. Dahil bukod sa seryosong pagtitig niya roo'y kita ko rin ang pag-iingat niya sa ginagawa.
Nakakapanibago siyang makitang abala at seryoso sa isang bagay. Parang hindi ko siya makitang magiging ganito dahil puro kalokohan lang ang pinaggagawa niya.
'Di ko na nabilang kung ilang beses akong kumurap at natulala sa panonood sa kaniya roon nang tahimik. I find art interesting but I can't see myself consumed with it like he does.
I was thinking then how the sight of someone doing and enjoying their thing is so pure and aweing at the same time. Because to be good at something doesn't always mean you're born with the gift. Most of the time, it's the product of your hard work. And seeing how good he is with his craft, I wonder how much time, effort and passion he willingly put into it. At kung gaano nakakatakot isipin na baka mapunta lang lahat ng iyon sa wala.
Truth be told, every time I see passionate people doing their thing, I sort of envy them. Dahil alam nila kung ano ang gusto nila. Alam nila kung ano ang dahilan ng partisipasyon nila rito sa mundo. It always got me thinking if I would ever find something I am passionate about like them. Something that would make me feel terrified yet excited at the same time. Something that would make me... dream.
"Oh? Parang narinig ko ngang usap-usapan sa arts faculty—na marami daw university ang nag-o-offer ng scholarship sa estudyanteng 'yon, ever since na nag-senior high siya!"
Bigla kong naalala ang usap-usapan ng mga estudyante noon tungkol sa nag-first place sa mural. I can't help but feel another surge of awe for him once again knowing that his future is already determined.
"Nakapili ka na—"
"Ay VanGogh!"
"—ba ng papasukang university?"
Napatalon sa gulat si Quijano at muntik pang mabato ang hawak na lapis at sketchpad bago mapalinga sa paligid. Sandali pa siyang nanigas sa kinauupuan, namimilog ang mga mata at pigil ang hininga nang mahagip ako ng tingin.
"Hayup, 'kala ko sinong maligno bumubulong sa 'kin." Mabigat siyang bumuntonghininga at marahas na ginulo ang magulo nang buhok matapos. He made weird groans too. "Lamig pa ng boses mo! 'Wag ka namang manakot, Rai."
"Is that an illusion?" balewala ko sa mga kumento niya.
Napasulyap siya sa sketchpad. "Kanina ka pa ba riyan?" Sabay sara niyon.
I winced. "May gusto ka bang sagutin sa mga tanong ko?"
Nagtuon siya ng tingin sa mukha ko at bahagyang natawa. "Ba't ang aga mo yatang pumasok?" aniya matapos iipit sa taingang may piercing ang lapis.
Matapos manatiling sandali ng tingin ko sa sketchpad niya'y pinanliitan ko siya ng mata. I wonder why he couldn't tell me the message of his mural or that he's the one who painted it back when we were at the greenhouse. Tapos ngayon naman...
"Hindi ka ba kumportableng pag-usapan ang mga gawa mo? Aren't you confident with your art?" Sa galing niyang ito? May mga insecurities pa rin siya?
Bahagyang kumunot ang noo niya ngunit napangisi kalaunan. He was biting his lower lip as he shook his head. "A yes or a no answer would be the same thing."
"That's why your explanation is needed."
He smirked. "Oh, so you find it interesting now?"
Bumagsak muli ang mga mata ko sa nakasarado at nakatabi na niyang sketchpad. The more he tried to divert my attention, the more I wanted to see the rest of his works and know the reason why he didn't want to talk about it.
"You're ambidextrous?" Bahagyang kumunot ang noo niya sa kalituhan kaya't minuwestra ko ang magkabilang kamay saka dinugtungan iyon. "You can use both your hands equally well? No dominant hand?"
Sinulyapan niya ang magkabilang palad sa kandungan sabay simpleng tango pagkabalik ng tingin sa akin.
Ilang segundo ang pumatak nang hindi ako nakapagsalita dahil sa panibagong pagkamangha. I'd never met anyone like that—given ambidexterity was very rare.
"Upo ka," aniya pagkausod nang kaunti para bigyan ako ng espasyo sa inuupuan niyang sementong bench.
Kumurap ako at ilang sandali pang hindi gumalaw. "Can I see—"
"Upo ka nga muna." He motioned the space beside him with a slight cocked of his head. Mas nilakihan pa niya ang espasyo ro'n para sa akin.
I nodded and did what I was told. Inabot niya sa akin ang sketchbook ngunit nang aktong tatanggapin ko na'y bahagya niyang binawi. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at naabutan ko siyang nakatingin na sa akin.
"Ano? Patingin?" Kumurap akong muli sa pagtataka.
"May tanong muna 'ko."
"Ano?"
Mula sa brasong nakasandig sa sandalan ay ipinahinga niya ang ulo sa likod ng palad at humalumbaba. His chinky eyes was curiously staring at me as his lips slightly jutted. "Why did you avoid me?"
Nanigas ako sa kinauupuan at halos hindi na masalubong ang mga titig niya. Bakit niya pa tinatanong iyon kung tapos na?
He didn't buy what I said the first time he asked me that... But should I really have to tell him the truth? Kailangan pa ba talaga?
Bumitiw ako ng tingin at sandali pang nakipagtalo sa sarili. Sa ilang araw na lumipas ay halos hindi na dumaan sa isip ko ang tungkol sa sakit niya. Siguro dahil mukha naman siyang maayos. At dahil maayos din ang mga nakaraang araw. O siguro dahil ayaw kong isipin kung ano ang maaring sunod na mangyari.
Pero kung malalaman ba niyang alam ko ang tungkol sa sakit niya, magbabago ba ang tungo niya sa 'kin?
Bumagsak ang mga balikat ko nang naisip na rason ko lang ang mga iyon. Dahil ang talagang kinatatakot ko ay ang mismong pagsabi sa kaniya ng totoo. Na gusto ko siyang maging kaibigan pero natatakot akong tulad ng iba, sandaling panahon lang din siyang mananatili sa buhay ko. It sounds cringey even in my own head. Sino bang nagsasabi ng ganoon sa mga kaibigan nila?
Bahagya siyang humalakhak sa katahimikan ko. Ang boses ay may bahid nang panunuya pagkasabing, "Hindi ka ba kumportableng pag-usapan ang nararamdaman mo?"
May kaunting kunot ang noo ko nang nilingon ko siya sa tabi ko. Why did he have to make it sound weird?
Umangat ang isang sulok ng labi niya nang manatili pa rin akong tahimik. Inilahad niyang muli ang sketchpad.
Tinanggap ko iyon nang hindi nagbibitiw ng tingin sa kaniya. Ngunit natigilan ako nang maramdamang bahagya niya iyong binawi, hindi pa rin niya binibitiwan. Sandali pa kaming nag-agawan doon.
"Can I see this or not?" tanong ko sa kalmadong tinig para lang itago ang namumuo nang frustration.
"The less I'm willing to talk about it, the more curious you get. Ako rin, Rai." Makahulugan siyang ngumisi habang nakatitig sa akin at nakahalumbaba pa rin. He bit his lip again, as if supressing to smile more. "'Di na bago sa 'king iniiwasan ng mga estudyante rito sa school dahil kundi natatakot, nawi-weird-uhan sa 'kin. Sa parehong rason ba kaya mo 'ko iniwasan? Bakit pakiramdam ko hindi?"
I gulped in silence as I felt my heart started pounding loudly. Gayunpama'y matapang ko pa ring sinalubong ang mga mata niya.
"Do I bother you that much? If yes, why can't you just say so? And what made you change your mind to stop avoiding me?"
Umawang ang mga labi ko para sa mga bagay na hindi ko magawang isatinig. I stared at the visible tiny mole on the side of his lips instead. The way it moved along and sometimes disappear every time he said something or laugh or smile... is really cute. And I kinda like that it wasn't visible to anyone but only to those who got this close to him.
He chuckled idly, withdrawing his gaze on me. "Don't leave me in the dark, Arkin. Say something!"
I realized that I was staring at him more than necessary. Kaya't nagbitiw na rin ako ng tingin kahit bahagya pang dismayado. For a tiny mole to be that cute is no fair.
"Not of it matters anymore. Patingin na lang ng sketchpad mo," I uttered in my monotone, kunyaring hindi ganoon kainteresado. Sa sketch niya o sa nunal o siguro sa kaniya?
Nang bahagya kong hinigit iyon ay hindi pa rin niya binitiwan at inilaban rin nang kaunti.
"Patingin lang!" Kaya't hindi ko na napigilan ang kaunting frustration sa tinig pagkabaling kong muli sa kaniya.
"Teka lang, ang daya mo! 'Di mo pa sinasagot mga tanong ko ah?!" natatawa niyang angil.
I winced again. "Puro siguro nude art ang laman nito kaya ayaw mong ipakita."
"Huh?" Matapos matigilan sandali ay humalakhak siya, bahagya pang nalalaglag ang panga. "Hoy ba't mo alam?! May fifth sense ka ba?!"
Natuluyan ako sa pagngiwi at agad nabitiwan ang sketchpad niya. "'Di bale na lang pala. Ayaw ko nang tignan."
Mas lalo siyang natawa at napasapo pa sa sikmura. Sa gulo niya'y umuga nang malakas ang sementong bench na inuupuan namin.
Look at this, "Doofus." Tawang-tawa ah? Sing babaw ng kay Toby ang kaligayahan?
Pansin ko na ang ilang estudyanteng nagsisidatingan nang maligaw sa paligid ang atensyon ko saglit. Ang iba'y napapasulyap pa sa banda namin dahil sa ingay ng tawa ni Quijano.
"O sige na nga tignan mo na. Free porn." Iniabot niya sa akin muli ang sketchpad nang bahagya siyang kumalma sa pagtawa.
I frowned. "'Di bale na nga." Sabay kaunting tulak pabalik ng sketchpad sa kaniya.
"Ito na nga!"
Muli ko lamang itinulak pabalik iyon habang umiiling.
"May problema ka ba sa human anatomy, Rai?" Natatawa na naman siya. "Tell you what, art involved feelings. And feeling horny is not an exemption—it's part of the creative process!"
Nasapo ko ang noo at napadaing, halos mandiri na talaga sa pinagsasabi niya. Tawang-tawa naman siya roon. Ni walang pakialam kung may nakakarinig na mga nagdaraang estudyante.
"Bakit ko nga ba ulit gustong maging kaibigan ang weirdong 'to?" I whispered to no one in particular.
"Ha?"
Patayo na sana ako para bumalik na lang sa room nang inumpisahan niyang buklatin pabukas ang sketchbook. Inilapit niya iyon sa kandungan ko kaya't hindi ako natuluyan sa pagtayo.
"Ito na nga! Tignan mo na kasi! May mga bagong position ako riyan!"
"Quijano, ang baboy mo!" daing ko, nanlalaki ang mga mata at malapit nang busalan ang bibig niya.
"Hoy bakit anong inisip mo sa position?" Pinandilatan niya ako nang sandali kaming nagkatinginan. "Position as in posing!"
"Kadiri ka!"
"O? Ikaw ang nag-imagine, 'di ako!" Sabay hagalpak ng tawa. "Huy ba't ka gan'yan—ang dumi ng utak mo!"
Aalis na talaga dapat ako dahil sa kabalahuraan niya, ngunit muli akong natigilan nang tuluyan niyang inilagay ang sketchpad sa kandungan ko. Sabay bagsak ng isang palad sa nasa gilid kong armrest.
"Tignan mo na para matuto ka ng mga posing variations."
Umangat-baba ang magkabila niyang kilay sa 'kin nang binalingan ko siya ng ngiwi. Bumitiw siya sa armrest at noon ko lang napansing nakaunat na ang kabila niyang braso sa sandalan ng sementong upuan, sa bandang likod ko.
Sumulyap siya sa akin at mahinang natawa bago tumango sa direksyon ng sketchbook.
"Kanina mo pa 'ko tinititigan. May mapa ba sa mukha ko? Konti na lang malapit ko nang isipin na hindi ka interesado sa mga sketch ko kundi sa 'kin."
Dali-dali akong nagbagsak ng tingin sa sketchpad na nasa kandungan, bago pa man magtama muli ang mga mata namin matapos niyang magbalik ng tingin. I concentrated on the sketches as I felt his gaze on me. Hindi naman siya ganoon kalapit sa akin ngunit sa kung anong dahilan, tila naging importante ang natirang distansya sa pagitan naming dalawa.
Itinuon ko na lamang ang atensyon sa mga sketch niya. Nagdesisyon agad akong isara iyon at ibalik sa kaniya kung makakita ako ng nude art. Ngunit matapos tignan ang ilang pahina ay napansin kong puros tanawin ang naroon. Each one was astounding and very detailed. At kahit wala iyong kulay ay kuhang-kuha ang ambiance ng bawat lugar.
"You like sketching sceneries? Nasubukan mo na bang mag-sketch ng portrait?" tanong ko habang nakatitig sa huling sketch niya.
"Disappointed ka bang walang nude art?" Huminto siya sandali sabay dugtong sa mababa at seryosong boses, "Gusto mo bang magpresintang model?"
Namimilog sa gulat ang mga mata ko nang mapabaling sa kaniya. He looked back at me. Nagkatinginan kami. Matagal.
Nude art? Model? Tama ba ang intindi ko?
"Bakit?" lito niyang kurap. "Ayaw mo? Saglit lang naman 'yon."
Pakiramdam ko'y uusok ang mukha ko sa sobrang init nang matanto ang sinasabi niya. Lalo na nang mapansing balewala lang iyon sa kaniya at parang normal lang 'yon! Naisip ko tuloy kung ilan na kaya ang tinanong niya at napapayag para ro'n. Mas lalo tuloy uminit ang pisngi ko.
Make a run for it!—an acute stress response screamed somewhere in me.
"P-perverted weirdo!" Napatayo ako agad at nabitiwan ang sketchpad niya.
I'm not sure which of the two bothered me: Kung dahil sa pag-alok niya ba sa akin o kung dahil sa posibilidad na marami nang nauna. I get it, he's an artist and it's perfectly normal for him. But it's bothering all the same!
"Huh? Paanong perv—" Bahagya siyang napaahon sa pagkakaupo at mas lalo pang nalito. Kumunot ang noo niya at napaisip. Hanggang sa unti-unting nanlaki at nagliwanag ang mga mata sa natanto. "—oh shit! Hoy, Rai, ano na namang iniisip mo?! Hindi..."
Nang muli kaming magkatinginan ay mas nauna pa ang malakas niyang pagtawa kaysa sa muling pagsasalita. Paulit-ulit na lamang siyang umiling habang sapo ang sikmura.
Napapaatras ko siyang sinipat. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at nakuha niya 'yong itanong sa akin. Did he think I'd agree? What does he take me for?
"Crazy weirdo! There's no way I'll do it!"
Bumunghalit siya nang panibagong tawa, kaya't mabilis na akong lumakad paalis sa pinakamabilis na alam ko.
"Hoy, Rai! Hoy sandali!" sigaw niya sa pagitan nang hindi matapos na pagtawa.
Idinaan ko sa pag-iling nang maraming beses ang pangingilabot nang bahagyang makalayo. Hindi ko na maalala kung bakit siya nabansagang weirdo pero sigurado akong isa ito sa mga dahilan.
"Arkiiin!"
That weird boy is out of his crazy mind!
"Leo!"
Napahinto ako sa tarantang pag-akyat ng hagdan nang marinig ko ang pamilyar na boses galing sa corridor. Bahagya pa akong hinihingal nang hinanap ko kung nasaan iyon banda.
"Pare, kausapin mo nga ako! Bakit ka biglang nag-quit?! Ga'no ba kahirap sagutin 'yung tanong ko?!"
Si Reegan. I can't believe he's still at it. At na mukhang wala talagang balak si Leo na kausapin sila.
"I'm done with it. Is that good enough reason for you?" walang emosyong tugon ni Leo rito.
"You're done with it. Pagkatapos ng ilang taon paghihirap? Sasabihin mo sa 'king gano'n na lang 'yon? Ayaw mo na?" Isang sarkastiko at galit na singhal ang pinakawalan nito. "Tangina, pare wala namang gaguhan! Sabihin mo 'yung totoo! Pwede bang susuko ka na lang dahil ayaw mo na lang bigla? Ikaw ang team captain! Ano? Wala ka nang pakialam sa team? Wala ka nang tiwala sa 'min? Sabihin mo!"
Napapatingin na ang ilang estudyanteng nagdaraan dahil sa tensyong namumuo sa dalawa. Catching my breath, unease started to build in me.
Sing tangkad ni Leo si Reegan at 'di mapagkakailang athlete ito sa tindig pa lang. Inisip kong kung maghahamon siya ng suntukan ay hindi siya dehado kay Leo.
"Palyado ba ang comprehension mo? Ang sabi ko tapos na ako, ayaw ko na. Hindi na ako babalik. Gusto mong maging team captain 'di ba? O ayan na, ano pa?" walang gana at sarkastikong tugon ni Leo bago ito tinalikuran.
Ngunit hindi pa man nakakalayo ay mabilis na siyang tinabig at marahas na kinuwelyuhan ni Reegan.
"Leo." Parang bombang sumabog ang biglang pagdagundong ng kaba ko. Napahakbang ako palapit sa kinaroroonan ng dalawa, kasabay nang isang matalim na singhap na hindi ko nagawang pakawalan.
"Teka 'wag kang lumapit—baka magsuntukan 'yan!" si Quijano'ng naroon na rin pala sa hagdan.
Tinunton ko ang natitirang baitang paakyat. Ilang hakbang na lang ang layo ko sa kanila nang mapahinto ako pagkarinig sa kalmadong boses ni Leo.
I saw him smirking smugly at Reegan who's grabbing his shirt from the collar. "Don't be a hypocrite, Reegan. Alam naman ng lahat na matagal mo nang gustong maging team captain. All this drama—it's just for show, right?" Dahan-dahang humupa ang ngisi niya hanggang sa naging blangko muli ang ekspresyon. "Now drop the f*cking act because it doesn't suit your lying ass."
Muli kong nahigit ang hininga nang makita ang pag-amba ng kamao ni Reegan. Patakbo na ako sa dalawa ngunit sinapo ni Quijano ang braso ko sabay higit do'n pabalik.
"He won't do it," aniya habang nakatitig sa mga ito.
Kabado, kumunot nang bahagya ang noo ko nang makitang naiwan ang nanginginig na kamao ni Reegan sa ere. Tila nagsusukatan ng tingin ang dalawa at walang gustong magpatalo. Gayunpama'y mukhang wala rin sa kanila ang gustong gumamit ng dahas.
Ilang hakbang ang umalingawngaw sa natahimik na hallway matapos.
"Reegan, tigilan mo na 'yan. Wala tayong magagawa kung ayaw nang bumalik ni Leo sa team." Napalingon kami sa lalaking dumating, paakyat ito sa hagdan.
Noon ko lang din napansin ang pagkukumpulan ng ilang estudyante sa hagdan na mukhang natatakot at 'di makadaan sa hallway dahil sa dalawa.
Pabalyang binitiwan ni Reegan ang kwelyo ni Leo. Ang galit na tingin niya rito ay unti-unting napalitan ng pakadismaya. Si Leo naman ay nanatili lang patay ang emosyon sa mukha habang tinatanggap ang tingin nito.
"Halika na, malapit nang mag-bell," anang lalaking dumating. Seryoso ang ekspresyon nito ngunit halatang may pilit na tinatagong lungkot at dismaya.
Mabigat ang buntonghininga ni Reegan habang umiiling at padarag na naglakad paalis matapos. Mabilis nahati at nagsitabi ang mga estudyanteng paakyat ng hagdan nang dumaan siya roon. Sumunod naman sa kaniya ang isa pa nilang teammate. Ang naiwang si Leo ay balewalang naglakad patungo sa room namin na parang walang nangyari.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top