Prologo


    Hindi maintindihan ni Diana ang sarili kung bakit parang balisa siya. Pakiramdam ng dalaga'y may mangyayaring hindi maganda. At lalo pang nadagdagan ang kanyang kaba nang mahuli niya ang mga mata ng taxi driver na nakatingin sa kanyang dibdib mula sa rear mirror.

Dahil sa naalala, mabilis niyang tinakpan ng panyo ang cleavage. Nakaramdam ng hiya ang taxi driver kaya nag-iwas na lamang ito ng tingin at tinuon na lang ang pansin sa kalsada.

Manyak! Sa isip-isip ni Diana at tumingin na lamang sa labas. Alas-nuwebe na ng gabi at umuulan pa. Dahil sa lamig ay mas lalo lang tumindi ang kaba ni Diana. Ginabi na siya ng uwi dahil sa dance practice nila. Matagal na sana siyang gustong mag-quit dahil sa striktong choreographer kaya lang, sayang ang extra points na makukuha niya para sa grades.

Nagsimulang kabahan si Diana nang mapagtanto niyang iba ang daang tinungo ng driver.

"M-manong? H-hindi po ito ang daan sa amin." Nauutal na siyang nagsalita dahil sa kaba ngunit imbes na makinig ang nagmamaneho ay pinaharurot lamang nito ang sasakyan.

Napakapit si Diana dahil sa bilis ng takbo ng sinasakyan niyang taxi. Sumasabay rin sa bilis ang kabog ng kanyang dibdib dahil sa iniisip.

Katapusan na kaya niya? Ano ang balak ni manong? Iyan ang mga tanong na tumatakbo sa naguguluhang isip ni Diana. Ipinagdasal na lamang niya ang kanyang sarili sa maaaring mangyari.

Kahit malamig sa loob ng sasakyan ay pinagpawisan pa rin si Diana. Naghanap siya ng kahit anong pwedeng panlaban kung sakali at tanging lapis lang ang kanyang nakita.

Gusto niyang umiyak dahil sa takot ngunit pinigilan niya ang sarili. Inisip niyang sakalin ang lalaki ngunit baka ito lang ang maging sanhi ng disgrasya. Hindi niya rin alam kung ano ang motibo o balak ng driver. Kaya wala siyang nagawa kung 'di ang manahimik at pakalmahin ang sarili.

Nagpatuloy ang mabilis na takbo ng sasakyan. Muli siyang tinignan ng driver mula sa rear mirror. Nagtama ang kanilang mata na mas nagpalala lang ng kaba at takot ni Diana. Ibang klase ang tingin ng driver, parang may pinaplano nga talaga itong hindi maganda.

Napayuko na lamang si Diana at napapikit. Nagdasal na lamang siya dahil iyon lang ang kaya niyang gawin. Nagmistulang tambol ang kanyang puso dahil sa lakas ng kabog nito.

Napaatras siya dahil sa gulat at takot nang hinawakan ng lalaki ang kanyang kaliwang balikat. Naramdaman din ni Diana na bumangga ng marahan ang kanyang likod sa pinakadulo ng taxi.

"Iha. Bumaba ka na, nandito na tayo."

Nagpalinga-linga si Diana sa paligid habang hindi pa rin nawawala ang kaba sa kanyang dibdib. Napagtanto niyang nasa Block-4 na nga siya. Ilang lakad lang ay matutunton na niya ang kanyang bahay. Pakiramdam ng dalaga'y nabunutan siya ng tinik dahil sa nalaman.

"S-sige po. S-salamat po manong." Mabilis na bumaba si Diana at iniabot ang bayad. Agad siyang tumalikod at wala na siyang balak na kunin pa ang kanyang sukli.

Ngunit napahinto siya dahil sa sinabi ng taxi driver.

"Iha sandali. May sasabihin ako." Hindi na lumingon si Diana at hinintay na lang na magpatuloy ang driver.

"Pag-uwi mo sa bahay niyo. Hubarin mo ang damit na suot mo ngayon at sunugin mo ito."

Kunot noong lumingon si Diana dahil sa narinig.

"Po? Bakit po?"

"B-basta. S-sundin mo na lang ako. At may isa pa akong sasabihin. Siguro'y nagtaka ka kanina kung bakit lumiko ako ng daan at hindi agad kita hinatid dito."

Nagpalinga-linga muna ang lalaki sa paligid bago nagpatuloy. Nagtaka naman si Diana sa inasal ng driver.

"Hindi agad kita hinatid dito kasi ... nakita kita kanina ... w-wala kang ..."




"Wala kang ..."





"W-WALA KANG ULO!"

Nandilat ang mga mata ni Diana dahil sa gulat at takot! Ngunit pilit niya itong itinago at baka nagbibiro lang ang lalaki.

"Kayo naman po manong. Huwag naman po kayong manakot. Gabi na eh." Biglang nanindig ang mga balahibo ni Diana dahil sa naramdamang kakaiba. Pakiramdam niya'y parang may nakatayong tao sa mismong likuran niya.

Nandilat ang mga mata ng taxi driver dahil sa takot nang makita niya ang biglaang paglitaw ng pigura ng nakaitim na babae sa likod ni Diana. Duguan ang babae. Wala itong mata, dalawang malaki at maitim na butas na lang ang natira. Sunog na sunog ang mukha. Masagana ang nagtutubig nitong balat sa mukha.

Nakadikit ang isang daliri ng duguang babae sa labi nito na animoy pinapatahimik ang lalaki.

"Manong nakikinig ba kayo? Bakit namumutla ka?"

Naglipat ng tingin ang driver kay Diana. Mas lumala ang takot ng lalaki nang makita niya na unti-unting nag-iiba ang mukha ni Diana.

Nakikita ng lalaki kung paano lumabas ang pulang likido sa ilong ni Diana. Sunod niyang nakita ang namumulang mata nito hanggang sa lumabas ang dugo sa mismong mata ng dalaga.

Napakapit ng mahigpit ang lalaki sa manibela dahil sa nakikita. Nag-iba ang kulay ng mata ni Diana, kulay pula na ito dahil sa umaagos na dugo. Hindi maiwas ng lalaki ang tingin kay Diana. Kitang-kita niya ang marahang pagbiak ng ulo nito!

Napuno ng dugo ang mukha ni Diana at duguan na rin ang leeg at damit nito.

"Manong nakikinig ba kayo? Hay makaalis na nga!" Nagtataka si Diana kung bakit parang natatakot ang lalaki habang tinititigan siya nito.

Tila bumalik naman ang taxi driver sa reyalidad. Bumalik sa normal ang mukha ng dalaga. Ngunit nanatili pa ring nakatayo sa likod ni Diana ang duguang babae kaya hindi pa rin nawawala ang takot at kaba sa dibdib ng lalaki.

"B-basta! Mag-iingat ka iha! Sunugin mo ang suot mong damit ngayon. Kung ayaw mong---"

Hindi na natapos ang lalaki sa kanyang sasabihin dahil sa nakita. Napalunok ang lalaki dahil sa takot. Masikip na rin ang kanyang dibdib dahil sa kaba.

Tiningnan niya ang manikang nakaupo sa mismong tabi niya, nakatingin ito sa harap. Nandilat ang mga mata ng lalaki nang dahan-dahang lumingon ang manika sa kanya.

Ngumisi ang manika na mas nagpatindig ng balahibo ng lalaki.

"Manong? Okay lang kayo?"

"H-hindi! B-basta! G-gawin mo ang s-sinabi ko! Kung ..."




"KUNG AYAW MONG MAMATAY!"

Iyon ang huling sabi ng taxi driver at pinaharurot na ang sasakyan. Nakikita niya pa rin sa gilid ng mata ang nakangising manika. Nagdasal siya habang nakatuon lang ang pansin sa daan.

Nakahinga siya ng malalim nang mapagtantong wala na ang manika sa kanyang tabi. Ngunit napasigaw na lamang siya nang mapag-alamang nakakandong na sa kanya ang duguang manika.

"HUWAG KANG MAKIALAM!"

Patuloy pa rin siya sa pagmamaneho kahit sobra na siyang nagimbal sa takot. Malalim ang boses na kanyang narinig. At alam niyang nanggagaling ito sa mismong manika na nakakandong pa rin sa kanya!

Pasigaw na ang dasal na ginawa ng taxi driver upang mawala ang takot at pati na rin ang masamang espirito.

Umihip ang malakas ng hangin.

"HAHAHAHAHAHA!"

Umalingawngaw ang halakhak ng babae. Malalim ang halakhak na iyon.

Patuloy pa rin sa pagdadasal ang lalaki.

Maya-maya pa'y nakahinga na ng malalim ang lalaki dahil naitaboy na nga niya ang masamang elemento. Pinagdasal niya rin ang sarili at ang babaeng si Diana na sana'y hindi sila masundan ng kaluluwa.

*****


Sa ibang bahagi. Lakad takbo ang ginawa ni Diana pauwi sa kanyang bahay dahil sa nararamdamang takot. Pakiramdam ng dalaga'y may sumusunod sa kanya. O kaya'y may kasama siya sa paglalakad.

Napayakap na lamang siya sa sarili dahil sa lamig. Tanging tahol ng aso, ang kanyang mga yapak at mumunting pagpatak lang ng ulan ang kanyang naririnig.

Tumila na ang ulan kaya hindi basa si Diana na nakauwi sa bahay nila.

Dumiretso si Diana sa kanilang basurahan para itapon ang misteryosong diary na nakita niya lang sa sariling bag kahapon ng umaga. Hindi niya binasa ang laman ng diary dahil baka kung ano pa ang mabasa niya. Napaisip din siya na baka ito ang naging dahilan kung bakit parang minamalas at balisa siya.

Pagkatapos magbihis at lahat na ay diretso na siyang natulog.

*KINABUKASAN*

6:31 ng umaga, natagpuan ng katulong ang patay na katawan ni Diana sa labas ng bahay. Biak ang ulo nito! Dilat ang mga mata! Nakabuka ang bibig!

Napuno ng dugo ang ilong, mata at bibig nito dahil sa impact ng pagkakahulog. Ang sabi-sabi, mukhang tumalon ito mula sa bintana ng sariling kwarto at nahulog.

Ngunit ang mas nakapagtataka ay may yakap-yakap itong isang ...





MANIKA!

*****

Author's Note:

Anong masasabi niyo sa prologue?

Pasensya napagtripan ko lang.

Please vote and comment :))

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top