Kabanata 46

Kabanata 46

Annabeth’s Point of View


“Iyan na siguro ang bahay,” pahiwatig ni Andrew na nauna na sa paglalakad katabi si Dexter. Mas binilisan pa namin ang aming paglalakad gamit ang flashlight ng aming cellphone bilang ilaw.

Habang naglalakad ay napapatingin ako sa itaas ng puno sa takot na baka may nakatayong kung ano sa itaas at biglang tumalon sa amin.

Hanggang sa nakarating na kami sa bahay ni aling Dolores, ngayon ay nakatayo kaming lahat sa labas ng pinto nito.

“Tao po?” hindi ko alam kung bakit bigla na lang tumindig ang balahibo ko sa oras na narinig ko ang boses na iyon ni Jason. Hindi ito gaanong malakas pero sapat na para marinig ng sino mang nasa loob ng bahay.

“Tao po? Aling Dolores?” mas nilakasan pa ni Jason ang kanyang boses. Ngunit wala paring sumasagot. Ang munting ingay lamang ng mga insekto sa madilim na paligid ang tumutugon kay Jason.

“Hello po?” kumatok si Andrew pero tanging katahimikan lang ang sumunod.

“Baka naman walang tao?” tanong ni Dexter at tila sumisilip pa sa loob. “Pero may ilaw naman ng kandila sa loob eh.”

“Tao po? Aling Dolores? Hello?” kumatok ulit si Andrew. Wala paring sumasagot. Idinikit niya pa ang kaliwang tainga sa pinto. “Wala akong naririnig.”

“Baka umalis,” saad naman ni Lim.

“Ano nang gagawin natin ngayon?” tanong ni Andrew habang sumisilip sa loob. “Hindi naman kasi pwedeng basta nalang tayong pumasok. Baka magalit pa sa’tin si aling Dolores.”

“Wala tayong ibang choice kundi ang maghintay,” hinarap kaming lahat ni Jason. “Baka bumalik na rin siya mama---“

“Umalis na kayo,” nagkatinginan kaming lahat nang marinig namin ang boses na iyon.

“Aling Dolores?” kumatok si Andrew. “Kayo po ba ‘yan? Pwede po ba namin kayong makausap?”

“Umalis na kayo, wala kayong makukuha sa’kin.” Sa lakas ng boses ni aling Dolores, alam kong nakatayo lang siya malapit sa pinto.

“Pakiusap po, kailangan lang po talaga namin kayong makausap. May mga tanong lang po sana kami,” pakiusap ni Jason at mas lumapit pa sa pinto.

“Wala akong mabibigay na tulong sa inyo, mabuti pa umuwi na kayo. Gabi na.”

“Pero---“ si Andrew.

“Wag n’yo na akong guluhin, nananahimik na ako.”

“Pero aling Dolores, kahit sandali lang po. Sandali lang po talaga ito,” napatingin pa si Jason sa amin ni Aria.

“Nakikiusap din ako, huwag n’yo na akong guluhin.”

“Importante po ito, tsaka sorry po talaga kung naiistorbo namin kayo. Kailangan lang po talaga namin ang tulong n’yo,” tinignan ako ni Aria saka siya nagpatuloy sa pagsasalita. “Alam po namin na marami po kayong alam, may mga tanong lang po sana kami. Marami na po sa mga kaibigan namin ang namatay, at ayaw po naming may sumunod pa.”

Ilang segundo, minuto, kaming naghintay pero wala kaming natanggap na sagot mula kay aling Dolores.

“Pakiusap po, tulungan n’yo po kami.” Napatingin kaming lahat kay Claire dahil sa unang pagkakataon ay nagsalita siya. “Malayo pa po ang pinanggalingan namin, naligaw pa kami. Kung hindi n’yo po kami tutulungan, baka maubos lang po kaming lahat.”

Namayani ang katahimikan sa paligid. Lahat kami ay nakatingin kay Claire na ngayon ay nakayuko na lamang, ramdam namin ang desperasyon sa kanyang boses.

“Tara na, mukhang wala talaga tayong makukuha rito,” saad ni Jayson habang bumababa sa hagdan. Nagkatinginan kami ni Aria, ramdam ko na nais sanang tumutol ni Aria ngunit sa huli ay sumunod na lamang siya. Lahat kami ay sumunod na rin kay Jason. Binigyan pa ni Andrew ng huling sulyap ang saradong pinto ni aling Dolores bago siya umalis.

“Hindi ako aalis,” lahat kami ay napahinto at nilingon si Claire na nakayuko at nanatili lamang sa kanyang kinatatayuan. “Alam n’yo ang mangyayari kung basta nalang tayong aalis. Kailangan natin ang paliwanag niya. Kailangan natin siyang makausap.”

“Claire,” rinig kong mahinang banggit ni Aria habang nakatingin kay Claire.

“Kung kailangan kong maghintay rito hanggang bukas gagawin ko,” nakakuyom na ang kamay ni Claire. Ngayon ko lang nakita ang ganitong side niya. “Ayoko pang mamatay!"

Nanahimik kaming lahat, nakatingin lamang kami ngayon kay Claire. Ilang minuto kami sa ganoong katahimikan.

Hanggang sa narinig namin ang pagbukas ng pinto. Nakatayo ngayon sa pintuan ang matandang kanina pa namin gustong makausap.

“Pumasok kayo,” nagpalinga-linga siya sa paligid. “Bilisan n’yo.”

***

Nakaupo kaming mga babae ngayon sa mahabang upuan na gawa sa kawayan kasama si aling Dolores, ang mga lalake ay nagsalo-salo sa dalawang pang isang taong-upuan na gawa rin sa kawayan. Si Andrew at Lim pati na si Jetter ay nakaupo sa armrest ng upuan.

Nasa sala kami, kaharap si aling Dolores na ngayon ay yakap-yakap ang may kalakihang larawan na nasa loob ng frame. Makikitang may kalumaan na ang litrato. Sa litrato ay makikita ang dalawang babae, nakasuot sila ng itim na damit at may itim na belo sa kanilang mga ulo. Lalo silang gumanda sa kanilang mga ngiti. Sa palagay ko ay magkapatid ang dalawang babae dahil magkahawig ang kanilang mukha.

“Ipangako n’yo sa akin na aalis na agad kayo pagkatapos nito,” nagkatinginan kami saka kami tumango. Tinignan ni aling Dolores ang hawak na larawan at pinakita ito sa amin. “Ang pangalan niya, ay Marga.” Itinuro naman ni aling Dolores ang babaeng katabi ng nagngangalang Marga. “Ito naman ay si Maria Anne, magkapatid silang dalawa. Napakalapit nila sa isa’t isa.”

“Sino po ba sila? Mga anak n’yo po?” singit na tanong ni Andrew.

“Hindi,” ngumiti nang mapait si aling Dolores. “Mga lola ko sila.” Nagkatinginan kaming lahat sa nalaman.

“Masyadong malapit sa isa’t isa ang dalawang magkapatid na ito,” pagtutuloy ni aling Dolores. “Ipinangako nila sa isa’t isa na habambuhay silang magsasama. Sa mismong bahay na ito.”

Napatingin kaming lahat sa paligid ng bahay, habang iginagala ko ang aking paningin sa mga lumang kagamitan sa loob ng bahay ay unti-unting lumakas ang aking pakiramdam na nasa paligid lang sila.

Magkatabi lang si Lim at Andrew, napansin ko pang umusog si Andrew at mas dumikit kay Lim. Ngunit tila hindi ito pinansin ni Lim.

“Noon ay nag-aaral si Maria Anne, ang nakababatang kapatid ni Marga, sa isang paaralan sa bayan. Isang araw sa paaralan, napag-alaman ni Marga na nagkaroon ng kasintahan si Maria Anne. Sa araw na iyon ay hindi malaman ni Marga ang sasabihin. Tuluyan siyang kinain ng kanyang galit, pumasok sa kanyang isipan na iiwan na siya ng kanyang kapatid. Kinausap niya ang kapatid na si Maria Anne at pinaghiwalay ito sa kanyang nobyo.”

Napabuntonghining si aling Dolores at niyakap ang lawaran.

“Walang nagawa si Maria Anne kung hindi ang pumayag sa gusto ng kanyang kapatid, nagkahiwalay sila ng kanyang mahal. Isang araw, nabalitaan ni Maria Anne ang pagkamatay ng hiniwalayan niyang nobyo. Walang nakakaalam kung sino ang pumatay.”

“Simula noon ay tumigil na sa pag-aaral si Maria Anne. Ilang araw siyang nagkulong sa kanyang kuwarto. Isang araw natagpaun na lamang siya ni Marga sa silid nito, na wala ng buhay. Naglaslas si Maria Anne. Gumuho ang mundo ni Marga sa mga oras na iyon, hindi niya  alam ang gagawin. Galit na galit siya sa kanyang kapatid dahil iniwan siya nito.”

“Ilang araw ang lumipas ay natagpuan si Marga na nagbigti sa puno, sa likod ng bahay. May iniwan pa siyang sulat na nagsasabing susundan niya ang kanyang kapatid kahit saan man ito magtungo, na habambuhay niya itong aalagaan.”

Malungkot ang mga mata ni aling Dolores habang nakatitig ito sa larawan ng magkapatid. Sandali kaming natahimik lahat. Hindi alam kung ano ang sasabihin. Kahit nanindig ang balahibo ko, hindi ko parin maiwasang maging malungkot sa nangyari sa magkapatid.

“Sorry po, pero…” napatingin kaming lahat kay Andrew nang magsalita ito. “Kung ganoon po ang kuwento ng magkapatid, ano naman po ang koneksyon no’n sa nangyayari sa amin ngayon?” Nakita kong siniko ni Lim si Andrew.

“What?” tanong ni Andrew.

“Maging magalang ka naman, magpasalamat na nga tayo at nagsasalita na si aling Dolores eh,” mahinang suway ni Lim pero rinig parin namin ito.

“Hindi ko parin kasi naiintindihan kung bakit isa-isang namamatay ang mga kaklase natin. At sigurado akong dito sa bahay na ito nagsimula ang lahat,” dagdag ni Andrew.

“May kinuha kayo,” tatlong salita na binitawan ni aling Dolores na nagpatahimik kay Andrew. “May kinuha kayo sa bahay na ito kaya isa-isang namamatay ang mga kaklase ninyo.” Mas naging seryoso pa ang mukha ni aling Dolores. “Ilan na ba sa inyo ang namatay?”

Napaisip kaming lahat.

“Kasama si Sammy, walo po,” sagot ni Jason. Ngayon ko lang naramdaman nang tuluyan ang bigat ng pinapasan naming lahat. Ilang araw lang at walo na ang nawala sa aming lahat.

“Ibalik n’yo na ang kinuha ninyo, bago pa kayo maubos.”

“Iyon na nga po eh, hindi po namin alam kung ano po ang kinuha namin,” sagot naman ni Jetter.

“Hindi n’yo ba talaga alam?”

“Hin---“

“Ang diary,” lahat kami ay napatingin kay Crystal, nakayuko lamang siya katabi ni Anne. “Ang diary ni Maria Anne.”

“Ikaw,” napatayo si aling Dolores na ikinagulat naming lahat. “Anong pangalan mo, iha?”

Nag-angat ng mukha si Crystal at tinignan si aling Dolores. “Crystal po.”

Nagkatitigan si aling Dolores at Crystal. Kitang-kita ng dalawa kong mata kung paano tumulo ang luha sa mata ni aling Dolores habang nakatingin kay Crystal. “Umalis na kayo, at ibalik n’yo na ang diary.”

“Pero, hindi po namin alam ang tungkol sa diary na iyan,” pahiwatig ni Dexter.

“Sige na, nasabi ko na sa inyo ang dapat ninyong malaman. Umalis na kayo.”

“Paano po namin ibabalik ang diary kung hindi po namin alam kung saan hahanapin ito?” si Lim naman ngayon ang nagsalita.

“May isang paraan pa,” napatigil kaming lahat.

“Patayin n’yo siya para matigil na ang lahat ng ito.”

“Sino pong siya?” tanong ni Andrew.

“Si Marga.”


***




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top