Kabanata 40

Kabanata 40

Diana’s Point of View


Alas nuwebe na ng gabi noong natapos kami sa praktis at pakiramdam ko ay binugbog ang buong katawan ko sa pagod. Matapos ang ilang segundong paghihintay ng taxi ay nakasakay na rin ako.

“Sampalok street po, block-4,” sabi ko sa driver saka ako sumandal. Pumikit ako at hinilot ang aking sintido. Bigla na lang pumasok sa isip ko ang mga kababalaghang nangyayari nitong mga nagdaang mga araw.

Ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga kaklase ko. Nanindig ang aking balahibo at pilit na iwinasiwas ang alaalang iyon.

Napatingin na lamang ako sa labas. Kahit anong gawin ko, hindi ko parin maintindihan ang sarili ko kung bakit balisa ako. Pakiramdam ko ay may mangyayaring masama.

Aksidente akong napatingin sa rearview mirror at nahuli ang mata ng driver na nakatingin sa akin. Bigla ko na lamang naalala ang suot ko. Agad kong tinakpan cleavage gamit ang panyo ko.

‘Manyak!’ sigaw ko sa aking isipan at tumingin na lang sa labas. Nagsimula nang pumatak ang ulan. Lalo lang itong dumagdag sa kaba ko.

Kumunot na lang ang noo ko nang napagtanto kong iba ang daan na tinutungo ng dirver.

“M-manong? H-hindi po ito ang daan sa amin.” Nauutal kong sabi habang nakatingin sa labas. Napalunok ako nang mas binilisan pa ng driver pagmamaneho. Napakapit pa ako sa upuan sa harap dahil sa bilis.

Ang bilis ng tibok ng puso ko. Pumikit ako at nagdasal na sana ay walang mangyaring masama sa akin.

Bigla kong naalala ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga kaklase ko na siyang nagpalala lang ng aking takot.

Nanginginig akong naghanap ng kahit anong pwedeng panlaban sa loob ng aking bag at tanging lapis lang ang nakita ko.

Lumitaw sa aking isipan ang mga larawan ng mga wala ng buhay kong kaklase. Si Mica na wasak ang ulo sa aksidente. Si Richard na namatay sa sunog. Si Adrian na inilibing na buhay. At si Christine na namatay sa tubig.

Napaaatras ako dahil sa gulat nang hinawakan ako ng driver sa balikat. Pakiramdam ko ay naiiyak na ako.

“Iha. Bumaba ka na, nandito na tayo,” nagpalinga-linga ako sa paligid habang hindi parin nawawala ang aking kaba. Pakiramdam ko ay nabunutan ako ng tinik sa paa nang napagtanto kong nasa block-4 na ako. Agad na akong nagbayad.

“S-sige po, s-salamat po manong,” bumaba na ako ng taxi. Sumalubong sa akin ang matinding lamig, mabuti na lang ay tumila na ang ulan. Tatakbo na sana ako nang magsalita si manong.

“Iha sandali may sasabihin ako,” hindi na ako lumingon at hinintay na lang si manong na magsalita.

“Pag uwi mo sa bahay n’yo, hubarin mo ang damit na suot mo ngayon at sunugin mo ito,” kunot-noo akong napalingon sa kanya.

“Po? Bakit po?” takang tanong ko.

“Basta! S-sundin mo na lang ako. At may isa pa akong sasabihin. Siguro’y nagtataka ka kanina kung bakit lumiko ako ng daan at hindi agad kita hinatid dito,” nagpalinga-linga ang driver na tila natatakot siya na may makarinig sa sasabihin niya. “Hindi agad kita hinatid dito kasi… nakita kita kanina… w-wala kang… wala kang ulo!”

Napalunok ako at pilit na tinago ang takot ko sa sinabi ng driver.

“Kayo naman po manong, ‘wag naman po kayong manakot. Gabi na eh,” nanindig bigla ang aking balahibo nang may naramdaman akong kakaiba. Gusto kong lumingon sa aking likuran dahil pakiramdam ko ay may nakatayong tao rito.

Biglang nandilat ang mata ng driver habang nakatingin ito sa bandang likuran ko.

“Manong may problema ba? Bakit namumutla ka?” napatingin si manong driver sa akin at mas natakot pa ito.

“Manong nakikinig po ba kayo? Hay makaalis na nga.”

“B-basta! Mag-iingat ka iha. Sunugin mo ang suot mong damit ngayon. Kung ayaw mong—“ hindi mawala ang aking takot nang nandidilat na nakatingin ang  driver sa tabi niya.

“Manong? Okay lang po ba kayo?” pilit kong tinatago ang takot ko.

“Hindi! Basta! Gawin mo ang sinabi ko! Kung ayaw mong mamatay!” iyon ang huli niyang sinabi at pinaharurot ang sasakyan.

Lakad takbo ang aking ginawa pauwi ng bahay. Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag noong nakapasok na ako sa bahay. Dumiretso ako sa aming basuhan at inilabas mula sa aking bag ang notebook.

Nahanap ko lang ang notebook na ito sa loob ng bag ko kanina noong nagbibihis ako para sa praktis. Hindi ko na rin binasa ang laman nito dahil sa takot ko.

Hindi na ako kumain ng hapunan dahil wala rin naman akong gana. Nagbihis na lamang ako at dumiretso na sa aking higaan. Pinatay ko na ang ilaw ng aking kwarto kaya tanging ang ilaw ng buwan na pumapasok sa bintana ang nagbibigay liwanag sa loob ng aking silid.

Bago ako makatulog ay naalala ko pa ang papel na nahanap ko kasama ng notebook na iyon. Hindi matanggal sa aking isipan ang nakasuat sa papel.

Laro tayo, kapag hindi mo nasagot ang tanong nang tama. Mamamatay ka!

I have hair but I’m not a wig
I’m made of plastic but I’m not a comb
I have legs but I’m not a chair
You can dress me but I’m not a dog
I’m a toy but I’m not a board game


Naririnig ko boses ng babae na bumubulong sa akin bago ako nakatulog.

Nagising ako mula sa nakagigimbal na panaginip. Ang panaginip na matagpuan ang sarili kong katawan na wala ng buhay.

Hinilot ko ang aking sintido at bumangon habang nakapikit parin. Noong nagmulat ako ng mata ay halos humiwalay sa akin ang aking kaluluwa dahil sumalubong sa akin ang manika na nakaupo sa paanan ng aking higaan.

Napausog ako paatras, tumama ang aking likod sa headboard. Hinawakan ko ang aking dibdib dahil sa nakabibinging kabog ng aking puso.

Nakangiti ang manika at ang mga mata nito ay nakatingin sa akin. Biglang sumabog ang malakas na kulog at gumuhit ang nakasisindak na ilaw ng kidlat na nagbigay liwanag, lalo kong nakita ang kabuuan ng manika dahil sa ilaw na iyon.

Bumagsak ang malakas na ulan.

Ilang minuto akong nanatili sa aking posisyon hanggang sa nagkalakas ako ng loob na tumayo.

Kahit may takot ay pinilit ko ang aking sarili na lapitan ito at hawakan. Kakaiba ang nararamdaman ko noong hinawakan ko ang kulot na buhok ng manika. Napalunok ako at nagmadaling tinungo ang kabinet ko.

Binuksan ko ang kabinet at nilagay doon ang manika. Pakiramdam ko ay medyo nabawasan ang takot sa aking dibdib noong naipasok ko na ang manika sa loob.

Kumunot ang aking noo nang makita kong nakabukas ang bintana ng aking kuwarto. Tila binuhusan ako nang nagyeyelong tubig nang makita ko ang liwanag ng kidlat.

Babalik na sana ako sa aking higaan nang napansin kong nakabukas ang pinto ng aking kwarto.

Napatigil ako sa aking kinatatayuan at saglit na tinignan ang bukas na pinto. Humugot ako nang malalim na hininga at nilapitan ang pinto.

Madilim ang paligid, nakakabingi ang malakas na ulan at nakakasilaw ang ilaw ng kidlat.

Bilang ko ang bawat hakbang ko, pakiramdam ko ay bumagal din ang takbo ng oras.

Noong nahawakan ko na ang doorknob ay ramdam ko ang lamig nito. Mabilis ang kabog ng aking dibdib noong tinulak ko ang pinto at sinara ito.

Lumingon ako para bumalik na sa aking higaan ngunit sa paglingon kong iyon ay nakita ko ang babaeng nakatayo sa aking harapan. Lumabas ang kidlat at nakita ko ang kanyang kabuoan.

“Sino k—“ bago ko naituloy ang aking tanong, itinaas niya ang hawak na patalim at akmang sasaksakin ako.

Napaatras ako at nakailag sa kutsilyo. Bumangga ang likod ko sa pinto.

“Yaya! Tulong!” sigaw ko. mabilis siyang lumapit sa akin at akmang sasaksakin na naman ako.

Nasalo ko ang kanyang kamay na may hawak na kutsilyo kaya ko siya napigilan. Buong lakas ko siyang tinulak kaya siya napaatras at natumba.

Halos mabaliw ako sa nararamdamang kaba saka ko hinawakan ang doorknob at binuksan ang pinto. Tumakbo ako palabas ngunit ilang hakbang ko pa lang ay may sumabunot na sa aking buhok.

Sumigaw ako dahil sa sakit habang nakahawak sa kamay niya na nakasabunot sa buhok ko.

Napaawang ang aking bibig nang maramdaman ko ang pagbaon ng matalas na patalim sa aking likuran.

Nandidilat ang aking mata noong tinanggal niya ang kutsilyo mula sa pagkakasaksak nito sa aking likuran.

Nanghihina akong napaluhod at sumuka ng dugo. Hinigpitan nito ang pagkakasabunot sa aking buhok. Hinila niya ako papasok sa aking kuwarto. Tanging ungol lang ang aking nagawa, hindi ako makasigaw sa sakit.

Tinulak niya ako kaya ako sumubsob sa sahig. Napapikit ako dahil unti-unti nang nandidilim ang aking paningin. Narinig ko ang pagsarado ng pinto. Rinig ko rin ang yabag ng kanyang mga paa.

Pinilit kong lumaban. Tinignan ko siya noong nakalapit na siya sa akin, may hawak siyang manika sa kaliwang kamay at kutsilyo sa kanan.

Sinipa ko siya sa paa dalawang beses kaya siya nadulas at natumba. At kahit labis na akong naghihina ay pinilit ko parin ang sarili na tumayo. Paika-ika kong tinungo ang nakabukasa na bintana habang iniinda ang sakit ng sugat ko sa aking likuran.

Ramdam ko ang pag-agos ng aking dugo sa likuran.

Tinignan ko siya, mabilis niya akong nilapitan.

Hindi mataas ang aking bintana kaya nagawa ko parin umakyat dito. Kailangan kong mabuhay at ipaalam sa lahat kung sino ang pumapatay!

Tumingin ako sa ibaba ng aming bahay.

Tatalon na sana ako nang maramdaman ko ang kamay na tumulak sa akin.


***

Someone’s Point of View

Ngayon ay pinagmamasdan ko ang katawan ni Diana sa labas ng bahay nito. Dilat ang kanyang mata at nakaawang ang bibig. Nilagay ko ang manika sa tabi niya at pinahawak ito sa kanya.

Gumuhit ang ngiti sa aking labi habang pinapakiramdaman ang mga butil ng ulan na pumapatak sa aking mukha.

“Lumaban ka pa, mamatay ka rin naman,” tumawa ako nang marahan.

“Balak mo pang tumakas, ha? Pinatay ka tuloy ng manikang iyan.”

“Sino naman kaya ang isusunod ko?”



***


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top