Munting Tula

Munting Tula
ni D. Lavigne

I.
Makulimlim na langit at nagluluksang puso.
Pagbugso-bugsong ulan at utak na tuliro.
Mahabang katahimikan at listahan ng mga salita.
Mapurol na panulat at makatang may patay na mga mata.

II.
Umiihip ang hangin at patuloy lang sa paghinga.
Blangko ang utak at wala nang nadarama.
Nagwawalang mga patak ng ulan at komportableng higaan.
Pansamantalang tahanan at hiling ng habang buhay na kapahingahan.

III.
Malungkot ang mga ulap tila nakikiisa sa okasyon.
Marahang pagbibilang para sa bilyong pagdedesisyon.
Paulit-ulit na pagpikit ng mga mata at pagkawala ng pag-asa.
Nagbabadyang mga luha at isang pagal na kaluluwa.

IV.
Daang libong blangkong papel at papaubos na tinta.
Ginagapang na saknong at dinungisang pahina.
Walang katuturang tula at isang buhay na tao.
Pilit na tugmaan bilang pasasalamat sa panibagong araw sa mundo.

V.
Ikaanim na kapangahasan at ikatlong pagtatangka.
Patunay ng paglaban ang handog na munting tula.
Umiiyak ang langit gayundin ang pisikal na katawan.
Kapaguran sa lahat ang nag-iisang tumugmang kahulugan.

October 10, 2020

Laro ng mga Salita by D. Lavigne

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top