Lumang Sulat
Lumang Sulat
ni D. Lavigne
I.
Nakakatuwang isipin ang panahong ginugol mo sa pagpili ng mga salita.
Mga salitang pilit inilaman sa iyong munting sulat; hinabi at pinagkasya.
Pinagkasya sa kakarampot na espasyo para lang hulihin ang kasalukuyang damdamin.
Kasalukuyang damdamin na pagdaan ng panaho'y nakangiti na lang na lilingunin.
II.
Nakangiti na lang na lilingunin ang iyong maikli ngunit masuyong pangungumusta.
Pangungumusta na magdadala sa paksang ang nakaaalam lang ay tayong dalawa.
Tayong dalawa ang magkakaintindihan sa laro ng mga salitang maingat mong isinulat.
Isinulat kasama ang pahapyaw na kuwento ng pag-iibigan at mga gusto nating maabot na pangarap.
III.
Pangarap na nga sigurong maituturing na masundan pa ang sulat na hawak ko ngayon.
Ngayon kasi, ang sulat mo'y makikitang niluluma na ng panahon.
Panahon na lang ang makakapagsabi kung magtatagpo pang muli ang ating landas.
Landas na magtuturo sa atin para muling ngumiti sa isa't isa at yakapin ang konsepto ng bukas.
IV.
Bukas, marahil ay titingnan ko ulit ang lumang sulat na ito para maalala ka.
Maalala ka hanggang sa makabisa ko na lang ang mga pangungusap, bantas, salita, letra...
Letra ng pangalan mo lang ang gusto kong makita sa dulo ng mga sulat na natatanggap ko.
Natatanggap ko nang unti-unti ang katotohanang hanggang dito na lang talaga tayo.
V.
Hanggang dito na lang talaga tayo at ang kuwento nating nag-umpisa sa kumustahan.
Kumustahan na hindi alintana kung may bukas pa ba kaya nauwi na lang sa pamamaalam.
Pamamaalam na wala man lang babala ngunit nag-iwan ng isang magandang alaala.
Magandang alaala na siyang muling isinulat para maging isang bagong tula.
November 14, 2019
Laro ng mga Salita by D. Lavigne
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top