LLI: Veinte
Ang pagtatapos
-------------------------
"A-aya?" kinakabahang tawag ni Kiko nang masilayan niya ang anino ng isang babae na may hawak na kutsilyo. Mas lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang maglakad ito. Nanginginig siyang tumayo habang nanlalaki ang kanyang mga mata.
"ROSARIO?" bulalas niya nang makitang si Rosario pala ito. Gulat na gulat siya nang makita ang wagas na ngisi nito habang ibinababa ang hawak nitong kutsilyo.
"Natakot ka ba? Hahaha," parang baliw na wika ni Rosario sa kanya. Napakunot-noo naman siya.
"A-anong ginagawa mo rito?" Imbis na sagutin siya ng dalaga, unti-unti itong lumapit sa mga larawang nasa sahig. Nakangisi niyang dinampot ito at umiiling na lumingon kay Kiko.
"Ang galing talagang photographer ng nobya mo 'no?" nakangising wika ni Rosario kay Kiko. Hindi naman sumagot ang binata. "Monstre Sparks. Hmmm... Monstre, isang salitang prances na ang ibig sabihin ay halimaw. Hahaha. Halimaw kasi ang nobya mo!" wika ni Rosario rito at saka tumawa nang tumawa. Huminto ito sa pagtawa at saka tumingin ng parang nagulat sa mga mata ni Kiko. "Ay, nobya mo nga ba?" Napakunot-noo naman si Kiko.
"A-anong ibig mong sabihin?" Imbis na sagutin siya ng dalaga, tinawanan lang siya nito at saka tumingin ulit sa kanyang ng diretso at lumapit ng sobrang lapit.
"H'wag kang magtiwala. H'wag kang magtiwala kahit na sa sarili mo," pabulong na wika nito na parang kay Kiko lang nito nais iparinig ang kanyang sasabihin. Tumingin si Kiko sa mga mata nito. Nagtaka siya sapagkat hindi matalim at hindi rin nakangisi ang mga mata nito. Nag-aalala at naaawa? 'Yun ang nababasa niya sa mga mata nito.
Sa isang kurap niya'y biglang naglaho si Rosario sa kanyang harapan na parang hangin lang na umalis. Napahawak siya sa kanyang buhok at ginulo ito. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Napahiga na lang siya sa kama ni Aya at kusa nang pumikit ang kanyang mga mata.
***
"Ara! Ara Mambabarang! Bwahaha!" sigaw ng isang grupo ng kalalakihan sa isang dalagang gulo-gulo ang buhok na nakatakip sa mukha nito. Siya si Ara. Ang kanina pa kinukutya at inaasar ng mga ka-eskwela niya. Yumuko siya at matulin na naglakad upang malagpasan ang mga ito.
"Hi, Aya! Aya Angelita na may mala-anghel na mukha," rinig niyang puri ng kalalakihan sa isang dalagang nasa likuran niya. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita niya ang kanyang kakambal na si Aya. Ngumiti naman ang kanyang kapatid sa mga ito at nagpasalamat sa mga puri nito.
Nagkasalubong ang kanilang mga mata nang lumingon si Aya sa kanyang direksyon. Nang mapansin niyang tatawagin siya nito, agad siyang tumalikod at matulin na naglakad. Siya na mismo ang umiiwas sa sarili niyang kapatid upang mailayo rin ito sa pangungutya ng mga tao.
"Langit, Lupa, Impyerno
Im-im-impyerno," kanta ng mga bata. Lumingon siya sa mga ito. Nakakita siya ng grupo ng mga batang naglalaro. Napangiti siya. Dahan-dahan siyang lumapit sa mga ito upang sumali sa mga ito. Naisip niya na mga bata pa ito at siguro nama'y hindi siya kukutyain ng mga ito. Matagal na niyang gustong makasali sa mga ganoong laro.
"S-sino ka?" tanong sa kanya ng mga bata paglapit niya pa lang. Ngumisi siya sa mga ito kahit na hindi naman kita dahil natatakpan ng kanyang buhok.
"P-pwedeng – " Hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin dahil bigla nang nagtakbuhan ang mga bata dahil sa takot.
Akala siguro nito, nananakot siya dahil sa itsura niya. Nakaramdam siya ng lungkot. Lagi na lang. Lagi na lang siyang nilalayuan ng mga tao dahil kinikilabutan ito sa itsura nito. Wala naman silang magagawa e. Ganito na ang itsura ni Ara dahil ito na rin ang kanyang nakasanayan at dahil na rin hindi siya palaayos gaya ng kanyang kakambal. Nakaramdam na naman siya ng inggit.
"Ara?" Bigla siyang napangiti nang marinig ang boses nito. Nakangiti siyang nilingon ito.
"Rosario!" Nginitian din naman siya ng kanyang kaibigan. "Laro tayo!" magiliw niyang aya rito. Tumango naman ito. "Langit, Lupa, Impyerno ang laruin natin!"
"Eh, iyon? Dalawa lang kaya tayo," wika ni Rosario. Lumungkot naman ang mukha ni Ara. Oo nga naman. Paano sila makakapaglaro ng larong nais niya e, dalawa nga lang pala sila. Hinawakan naman siya sa balikat ni Rosario kaya napatingala siya rito.
"Sige na nga. Basta ikaw ang taya," wika ni Rosario sa kanya at saka tumakbo palayo sa kanya. Napangisi na lang siya at hinabol ang kaibigan.
"Ang daya mo, Rosario!" reklamo niya rito. Tinawanan lang naman siya nito habang tumatakbo. Naglaro lang sila nang naglaro na akala mo'y mga bata pa. Sa edad na katorse, isang larong pambata ang mga nilalaro nila na hindi para sa edad nila. Napapangiti na lang sila sa ligaya dahil sa wakas, nalaro rin nila ang mga larong matagal na nilang gustong laruin.
Naupo sila upang magpahinga matapos nilang maglaro. Napansin ni Ara na may tinitignan si Rosario mula sa malayo. Sinundan niya ang tinitignan nito at nakakita siya ng isang grupo ng mga lalaki.
"Sino ang tinitignan mo?"
"Si Ken, ang manliligaw ko," nakangiting wika ni Rosario. Napangiti rin naman si Ara dahil maligaya siya para sa kanyang kaibigan dahil sa wakas, hindi na ito mag-iisa. Tinignan niya ulit ang grupo ng mga lalaki at nakita niya ang lalaking matagal na niyang gusto. Bigla na lamang nabura ang ngiti sa kanyang labi.
"Gustung-gusto mo talaga siya 'no?" tanong ni Rosario sa kanya.
"Oo, kaso iba ang gusto niya at may gusto rin sa kanya 'yung gusto niya. Ang sakit."
***
Biglang nagmulat ng mata si Kiko dahil sa gulat. Nagulat siya sa kanyang napanaginipan. Hindi niya alam kung panaginip pa ba iyon dahil mukhang nangyari talaga iyon. Pero ang mas ikinagulat niya nang madatnan niya ang kanyang sariling nakahiga sa lupa. Bigla siyang napabangon at nilibot ang paningin. Nasa may kakahuyan siya. Paano siya napunta rito?
Bigla siyang nakarinig ng tawa. Isang tawa ng babae na parang pamilyar sa kanya. Palakas ito nang palakas na para bang papalapit na ito sa kanya. Bigla niyang nasampal ang kanyang sarili at doon niya napagtantong hindi siya nananaginip at hindi ito isang bangungot.
"Hindi ka nananaginip, Kiko," narinig niyang wika ng isang babae sa 'di kalayuan. Tumayo na siya't umikot sa paligid upang hanapin ito ngunit bigo siya.
"SINO KA?!" sigaw niya rito ngunit tumawa na naman ito nang tumawa. Pamilyar talaga sa kanya ang boses nito. Maya-maya'y may nakita siyang anino ng isang babae na papalapit sa kanya. Laking gulat niya nang makilalal kung sino ito.
"A-aya?" Ngumisi naman sa kanya ang dalaga.
"B-bakit, Aya? B-bakit?" wika ni Kiko habang unti-unti nang nababasag ang kanyang boses dahil malapit na siyang maluha. Hindi niya matanggap. Hindi niya kayang makitang ganito si Aya sa kanyang harapan. Hindi ganito ang Aya'ng nakilala niya. Ang mga ngiti nito ay matatamis at hindi isang ngising parang demonyo.
"A-aya, bakit mo ginawa ito?" At doon na tumulo ang kanyang luha. Dahan-dahan nang lumapit si Aya ngunit malayo pa rin ang kanyang agwat kay Kiko at doon din lumabas si Rosario na nasa gilid ni Aya na siyang ikinagulat ng binata.
"Bakit? Bakit ko ginagawa ang lahat ng ito? Inaano ba kayo ng kakambal kong si Ara? Naaalala niyo pa ba ang pangungutya niyo sa kanya? Ara. Ara Mambabarang! Naaalala mo pa ba, Kiko? Ikaw at kayo ni Ken, Ron, Jelo at Jhon. Anong ginawa niyo kay Ara?" singhal ni Aya rito.
Naguluhan si Kiko ngunit unti-unti na niyang naaalala ang isang kalokohan nila ng kanyang mga ka-barkada noon.
"Hahaha! Ara! Ara Mambabarang! Wooooh! Baho mo! Maligo ka nga. 'Di ba uso ang shampoo sa inyo? Hahaha."
Biglang nanlaki ang mata niya. Oo, naaalala na niya. Sila nga ng tropa niya ang nang-aasar at nangungutya kay Ara sa panaginip nito.
"A-aya..." mahinang wika ni Kiko habang tumutulo ang luha nito. Bakas sa boses nito ang pagsisisi at parang nais humingi ng tawad ngunit hindi nito masabi-sabi. Tinitigan siya sa mata ni Aya. Isang titig na kailanman ay hindi pa nito ginagawa sa kanya, ngayon lang.
"H'wag mo akong tawagin sa pangalang iyan. Hindi ako si Aya... dahil ako si Ara," nakangising wika nito na siyang ikinagulat ni Kiko.
"A-ano?" hindi makapaniwalang tanong ni Kiko. "S-sinapian mo si Aya! Hayop ka!" singhal niya rito at aktong susugod na nang bigla siyang napahinto sa sunod nitong winika.
"Sampung taon na ang nakararaan at hanggang ngayon si Aya pa rin?"
"Mahal ko si Aya kaya lubayan mo na ang katawan niya! Tigilan mo na ang kahibangan mo, Ara! Pabayaan mo na kami ni Aya," sigaw niya rito. Ngumisi lang naman ang dalaga at saka tinawanan si Kiko.
"Sampung taon na ang nakararaan. Gusto mong isalaysay ko sa'yo ang mga nangyari sampung taon na ang nakararaan?" nakangising wika nito kay Kiko na siyang nagpakunot ng kanyang noo.
"Gustung-gusto mo talaga siya 'no?" tanong ni Rosario sa kanya.
"Oo, kaso iba ang gusto niya at may gusto rin sa kanya 'yung gusto niya. Ang sakit. Napakasakit isipin na ang pinakamamahal mong tao ay may gusto sa kapatid mo. Wala naman akong panama kay Aya pagdating kay Kiko e. Si Kiko, kahit na lagi nila akong kinukutya, nahulog pa rin ako sa kaniya kaso nililigawan na niya si Aya," malungkot na wika ni Ara habang tumutulo na ang kanyang luha.
Isang gabi, tumunog ang telepono nila Ara at siya ang nakasagot. Laking gulat niya nang mabosesan ito.
"Aya, ikaw ba 'yan?" wika nito. Nagulat si Ara nang mapagkamalan siyang siya si Aya sapagkat magkaboses sila. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa kanyang utak at sinabi niyang siya si Aya. Buong gabi silang nag-usap ni Kiko na para bang matagal na nila itong ginagawa. 'Yun nga lang, ang akala nito'y siya ang kanyang kakambal. Pero wala na siyang pakielam dahil sa oras na ibaba niya ang telepono'ng ito, siya na ulit si Ara. Si Ara'ng kinukutya. Si Ara Mambabarang.
Nakayukong naglalakad si Ara habang nakatakip na naman sa kanyang mukha ang magulo niyang buhok. Bigla siyang nakarinig ng tilian na siyang ikinataka niya. Inangat niya ang kanyang ulo at nakakita ng isang grupo ng estudyante na nagkukumpulan. Lumapit siya sa mga ito at sumilip kung ano ang nangyayari. Bigla na lamang siyang napahawak sa kanyang bibig.
Si Kiko, hinaharana si Aya na ngayo'y may hawak na bulaklak. Hindi na niya napigilan ang kanyang luha at nag-unahan na itong tumulo. Agad siyang umalis doon at tumakbo sa banyo. Mabuti't walang tao kaya doon siya umiyak nang umiyak.
"Bakit kasi hindi mo pa sabihin sa kanya ang nararamdaman mo at ang totoo?" Nagulat siya nang may biglang magsalita sa kanyang likuran. Nilingon niya ito at nasilayan niya ang seryosong mukha ng kanyang kaibigan na si Rosario. Pinunasan niya ang kanyang luha bago sagutin ito.
"K-kahit anong gawin ko, talo ako pagdating kay Aya," nahihirapang wika niya dahil pinipigilan na niyang umiiyak. Mas lalo naming sumeryoso si Rosario.
"Bakit? Si Aya ba ang kausap niya gabi-gabi? Hindi. Ikaw 'yun, Ara at akala niya lang si Aya dahil nagpanggap kang siya," seryosong wika nito. Biglang sumingkit ang mga mata ni Ara na siyang ikinagulat ni Rosario. Dahan-dahan itong lumapit sa mukha ni Rosario.
"Wala kang pakialam. Magpapanggap ako kung hanggang kailan ko gusto. Kahit na isang beses lang, gusto kong maranasang maging si Aya. Si Aya'ng minamahal ng taong mahal ko," seryosong wika nito at saka iniwan si Rosario. Nagulat siya sa inasal nito dahil kahit na kailan hindi ito nagtaray, ngayon lang. Napailing na lang si Rosario. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.
Isang gabi, katatapos lamang makipag-usap ni Ara kay Kiko. Paakyat na siya sa kanyang kwarto nang madaan niya ang opisina ng kanyang ama at narinig na kausap nito ang kanyang ina. Hindi niya maiwasang hindi making dahil narinig niya na naman ang pangalan ng kanyang kakambal.
"Tayo lamang tatlo nila Aya ang pupunta sa Maynila?" tanong ng kanyang ama sa kanyang ina.
"Oo naman! Isasama mo pa si Ara? Nakakahiya sa mga business partners natin. Kaysa ikulong natin siya sa Maynila, iwan na lang natin siya rito. At least hindi rin siya makakalapit kay Aya. Masisira ang image ni Aya kapag magkalapit silang dalawa. Ano na lamang ang sasabihin nila kay Aya? Na may kakambal itong may sakit sa utak at wirdo?" sambit ng kanyang ina.
"Sa bagay. Sasabihin ko na lang siguro kay Aling Nena na sa kanya muna si Ara at padadalhan na lang natin sila ng pera. Mabuti nang si Aya ang kasama natin dahil siya ang makakatulong sa negosyo natin. Marami pa namang mga anak ang business partners natin na mga lalaki at kasing-edad niya," wika ng kanyang ama. Ngumisi naman ang kanyang ina bilang pagsang-ayon.
Napayukom si Ara ng kanyang kamao. Ano pa nga bang bago sa mga magulang niya? Puro pera lang ang alam. Pagpapayaman. Kaya nang mapagtanto nitong hindi nila mapapakinabangan si Ara sa negosyo nila, binalewala na nila ito.
Sa isang gabi lamang, nagbago ang dating maaalahanin at mabait na batang si Ara. Binalot siya ng galit at lungkot. Buong akala niya, sakitin ang kanyang kapatid kaya bawal siyang lumapit. Ang kanyang inosenteng mata ay biglang nagdilim at napuno ng apoy. Buong buhay niya nilayuan siya dahil sa pag-aayos at ka-wirduhan niya.
Ang inosenteng mukha ni Ara ay biglang naging matapang. Ang inosente niyang ngiti ay naging malademonyong ngisi. Ibang-iba na siya ngayon.
Kinabukasan, nakayuko na namang naglalakad si Ara papasok sa kanilang eskwelahan. Ang dating dahan-dahan niyang lakad, ay ngayo'y naging mabilis na. Wala siyang pakialam kung sino ang kanyang tatamaan dahil kusa namang lumalayo ang ilan ngunit natigilan siya nang may mabangga siya isang lalaki. Isang lalaking nakakapagpatigil sa kanya.
"Ano ba 'yan! Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo," singhal ni Kiko sa kanya. Tinignan niya ito sa mata at bigla naman itong umurong.
"Hoy! H'wag mo kong matignan-tignan ng ganyan ha. Baka mamaya ginagayuma mo na ako! Tumabi ka nga d'yan. Kadiri ka," insulto nito at saka nito tinabig si Ara na akala mo'y basura. Nagsitawanan naman ang mga kaibigan nito at saka sumunod kay Kiko.
Isang panibagong galit ang muling nabuo sa kanya. Parang pinamukha ng binata na walang pag-asa ang isang katulad niya sa kanya at walang sinuman ang makakapalit kay Aya sa puso nito. Napayukom ang kanyang dalawang kamao. Nanlilisik ang mga mata at saka taas noo'ng naglakad na siyang ikinatakot ng lahat ng nakakasalubong niya.
Mag-isa lamang si Ara'ng naka-upo sa lagi nilang tinatambayan ni Rosario matapos nilang maglaro. Nagulat siya nang may biglang tumapik sa kanyang braso. Nilingon niya ito at puno ng pagtataka ang kanyang mukha nang makilala kung sino ito.
"Aya?" gulat niyang wika. Ngumiti lang naman ito.
"Two weeks na lang, aalis na kami nila Mommy at Daddy rito. Pupunta na kaming tatlo sa Maynila. Alam mo ba 'yon?" nakangising wika ni Aya rito. Napakunot-noo si Ara sa tabas ng pananalita ng kanyang kapatid. Para itong nang-iinggit na siyang ikinagulat niya. Marahan naman siyang tumango habang nakayuko na siyang mas lalong nakapagpangisi kay Aya.
"Mabuti naman. At two weeks na lang, maso-solo mo na si Kiko," mataray na dugtong ni Aya. Bigla namang napaangat ang kanyang ulo at tumingin sa mga nanlilisik na mata ni Aya. Bigla siyang nanliit. Nawala ang kanyang tapang.
"Akala mo ba hindi ko alam? Akala mo ba na hindi ko alam na nagpapanggap kang bilang ako sa t'wing kausap mo siya sa telepono gabi-gabi? Tss. Kaya pala kung ano-ano na lang sinasabi sa akin ni Kiko sa t'wing magkausap kami dahil ikaw pala ang kausap niya at hindi ako. Nagmumukha akong tanga na tatango-tango sa t'wing may sasabihin siya," mas mataray pa kaysa kanina na wika nito. Natigilan si Ara. Hindi niya magawang harapin ito sapagkat tunay ang paratang nito sa kanya.
"S-sorry," iyan lang ang tanging lumabas sa kanyang bibig habang nakayuko rito.
"Sorry? Ha! H'wag ka kasing ilusyunada! Kahit na anong gawin mo, hinding-hindi ka magiging ako. At si Kiko? Kahit kailan, hinding-hindi siya magiging iyo. Aalis man ako sa Sta. Evilia ngunit sinasabi ko sa'yo, hinding-hindi ako makakalimutan ni Kiko," singhal nito sa kakambal. Nanatili namang nakayuko si Ara habang kagat-kagat ang kanyang labi upang pigilan ang kanyang galit. Natatakot siyang lumabas ang galit na matagal na niyang itinatanim sa kanyang pamilya at ang galit niya sa lahat ng tao.
Dahan-dahang lumapit si Aya at hinawakan ang baba ni Ara saka ito inangat upang matitigan ito sa mukha.
"Alam mo bang kahit na kailan, hindi kita tinuring na kapatid? Dahil sabi ni mommy, may sakit ka sa utak at ikaw pala ang pumatay sa anak ni mommy – sa kapatid natin. Ikaw pala ang dahilan kung bakit namatay ang baby na nasa sinapupunan ni mommy!" Nagulat si Ara sa bintang sa kanya nito pero nanatili siyang pipe dahil totoo ang lahat ng ito. Pero hindi naman niya sinasadyang itulak ang nanay niya noong buntis ito.
"Hindi ko masikmurang magkaroon ng kakambal na baliw, wirdo at mamatay tao!" At saka nito marahang binitawan ang baba ni Ara. Isang patak lang ang lumabas na luha sa mata ni Ara saka nag-iba ang mga mata nito. Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya sa mata ang kanyang kakambal at saka marahang hinawakan ang leeg nito at sinakal.
Gulat na gulat si Aya kaya hindi siya agad naka-iwas dito kaya ang nagawa na lamang niya ay ang sumigaw at humingi ng tulong kahit na hirap na siyang huminga.
Bigla namang may humatak sa buhok ni Ara na siyang ikinagulat niya at parang basura lang siyang itinapon kaya napaupo siya sa lupa. Tinignan niya kung sino ito at bigla na lamang nanlaki ang kanyang mga mata nang makilala kung sino ito.
"Mambabarang ka na nga, mamatay tao ka pa!" sigaw ng isa sa mga kaibigan ni Kiko na si Ron habang tinapunan naman siya ng nandidiri at galit na tingin ni Jelo at Jhon.
"Ayos ka lang ba, Aya?" nag-aalalang tanong ni Kiko sa dalaga. Marahan naman itong tumango habang hinihimas ang kanyang leeg. Bigla na namang nanliit si Ara nang bigla siyang tapunan ng nanlilisik na mga mata ni Kiko.
"Pasalamat ka, babae ka dahil kung hindi, hindi kita sasantuhin!" singhal sa kanya ni Kiko na siyang nakapagpaguho ng kanyang mundo. Napapikit siya ng mariin at saka dumilat na may kakaibang tingin. Isa-isa niyang tinitigan ng nanlilisik niyang mga mata ang mga ito at agad na tumayo.
"Babalikan ko kayo. Sa pagbalik ko, kayo ang hindi ko sasantuhin," bulong niya na siya lang ang nakarinig at saka umalis.
"Naaalala mo pa ba ang mga iyon, Kiko? Hahaha. Akala mo ba anghel 'yan si Aya? Pwes, hindi! Siya ang unang naging demonyo sa amin at siya rin ang may kagagawan kung bakit ako naging ganito ngayon!" Hindi makapaniwala si Kiko sa lahat ng kanyang narinig. Parang nagbalik din siya sa nakaraan. Hindi niya akalaing ito pala ang lagi nitong kinakausap.
"Kahit na ano pang sabihin mo, si Aya pa rin ang mahal ko, Ara! Kahit kailan, hinding-hindi kita mamahalin kaya lubayan mo na ang katawan ni Aya!" matapang na sigaw ni Kiko. Gagawin niya talaga ang lahat para lang kay Aya. Hindi siya pwedeng pangunahan ng takot kay Ara sapagkat kailangan niyang lumaban para sa pagmamahalan nila.
Isang tawa lang ang isinagot sa kanya nito. Akmang lalapitan na niya ito nang madaan ng kanyang mata si Rosario na umiiling at sinesenyasan siyang h'wag siyang lalapit.
"Tanga ka ba talaga, Kiko? Hirap makaintindi? Hahaha," wika ni Ara na siyang nakapagpatigil kay Kiko dahil sa pagtataka.
"Hindi ako si Aya dahil ako si Ara. Si Ara ang kaharap mo at hindi si Aya," nakangising wika nito. Kunot-noong tumingin si Kiko rito. Naguguluhan na siya. Hindi niya makuha ang nais nitong iparating.
"Walang Aya'ng bumalik sa Sta. Evilia, Kiko. Hindi si Aya ang niligawan at naging nobya mo. Sino? Ako. Walang iba kung hindi ako. Hi, Kiko. Ako nga pala si Ara Corpuz, ang kakambal ni Aya at ang iyong nobya. Hahaha!"
Hindi makapaniwala si Kiko. Hindi niya alam kung maniniwala ba siya o hindi. Tinignan niya ito at napamulagat siya nang biglang nagbago ang itsura't damit nito. Ang buhok nito'y gumulo at ang damit ay naging bestidang puti. Hindi na si Aya ang kanyang kaharap, si Ara na!
"Hayop ka! Nasaan si Aya! Anong ginawa mo sa kanya?!" sigaw niya rito ngunit tinawanan lang siya nito.
"Si Aya? Sampung taon na siyang patay, Kiko. Matagal nang patay ang taong pinakamamahal mo! Hahaha!" Biglang nanlambot ang paa ni Kiko. Unti-unti siyang napaluhod habang nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Ara.
"H-hindi... H-hindi..." tanging nasambit ni Kiko. Unti-unti nang tumulo ang kanyang mga luha habang binubulong ang pangalan ni Aya.
"Bakit hindi na lang kasi ako, Kiko? Bakit?" tanong ni Ara. Tinignan naman siya ng masama ni Kiko.
"Dahil hindi ikaw si Aya. At kahit na kailan, hinding-hindi magiging ikaw. Mahal ko si Aya!" singhal niya rito habang masamang-masama ang tingin niya rito. Wala naman ang tinging iyon nang bigla itong ngumisi sa kanya.
"Kahit na sabihin kong buntis ako, si Aya pa rin? Kahit na dinadala ko ang anak natin, Kiko?" nakangising wika ni Ara at saka hinawakan ang kanyang sinapupunan. Dahan-dahan namang napatayo si Kiko habang nanlalaki ang kanyang mga mata.
"A-ano? B-buntis k-ka?"
"Oo. Bakit? Nakalimutan mo na ba ang gabing iyon?" Hindi pa rin maalis ang ngisi sa labi ni Ara habang si Kiko ay hindi pa rin makapaniwala. Naalala niya ang gabing may nangyari sa kanilang dalawa. Bigla siyang napasabunot sa kanyang buhok. Hindi na niya alam kung ano ang pipiliin niya ngayon. Ang anak niya ba o si Aya?
"Ang batang 'yan ay bunga lamang ng kasinungalingan kaya kahit na anong gawin mo, hinding-hindi ako magiging iyo! Si Aya lang!" sigaw ni Kiko kay Ara na siyang nakapagpagalit dito.
Mabilis nitong kinuha ang nakatagong kutsilyo sa bulsa ng kanyang bestida at saka sinugod si Kiko. Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi niya nagawang umiwas at napapikit na lamang ngunit sa muli niyang pagdilat, walang kutsilyo sumugat at sumaksak sa kanya. Gulat na gulat siya nang makita si Rosario sa kanyang harapan.
"R-rosario?" gulat niyang sambit.
"Masyado ka yatang nagpapakabayani ngayon, Rosario? Nagpapakabait ka na ba o nagkokonsensya ka lang? Akala mo naman papatayin ko kaagad si Kiko. Bakit ko siya papatayin e, hindi niya pa alam ang lahat. Hahaha!" wika ni Ara at saka ibinaba ang kutsilyong nakatutok kay Rosario.
"Gusto kong maglaro. Ako ang taya, kaya takbo na. Sa langit lang kayo at h'wag sa lupa kung ayaw niyong isama ko kayo sa impyerno," nakangising bulong ni Ara na siyang nakapagpagising sa gulat na Rosario at dali-daling hinila ang braso ni Kiko upang tumakbo.
Takbo lang sila nang takbo na parang hinahabol ni kamatayan. Bigla silang nakarinig ng boses ng isang babae, ang boses ni Ara na tumatawa habang kumakanta.
"Langit, lupa, impyerno
Im-im-impyerno"
Nang sila'y napagod, huminto muna sila. Lumingon si Rosario sa buong paligid, hindi na niya maalala ang tamang daan papunta sa kanyang bahay sapagkat binalot na ng kadiliman ng gabi ang kakahuyan.
"R-rosario... B-bakit?" naguguluhang tanong ni Kiko. "B-bakit mo ako niligtas?" Walang emosyong nilingon ni Rosario si Kiko. "H-hindi ba't ikaw ang pinakamatalik na kaibigan ni Ara?" Bigla namang nangasim si Rosario. Si Ara, matalik niyang kaibigan? Bigla siyang nandiri.
"Kaibigan? Kaibigan bang maituturing ang taong mas lalong sumira sa sira kong buhay?" seryoso niyang wika.
"S-si A-aya... N-nasaan si Aya?" biglang wika ni Kiko habang nakaupo sa isang bato at nakayuko. Nilingon naman siya ni Rosario saka nilapitan.
"Patay na si Aya. Sampung taon nang patay si Aya," paulit-ulit na wika ni Rosario rito hanggang sa maintindihan nitong patay na si Aya. Ngunit ayaw pa rin itong paniwalaan ni Kiko dahil alam niyang si Aya ang nakasama niya dahil nararamdaman niyang ito ang pinakamamahal niya.
"H-hindi... H-hindi!" pagwawala ni Kiko. Hinawakan naman siya sa balikat ni Rosario saka sinampal ng malakas.
"Patay na si Aya, Kiko! Tanggapin mo nang patay siya! Kung sa tingin mong si Aya ang nakasama mo at hindi si Ara pwes, nagkakamali ka dahil si Ara 'yun at hindi si Aya. Umayos ka, Kiko," sigaw ni Rosario rito habang inaalog-alog pa ang balikat nito.
"Hindi lang ikaw ang nawalan, Kiko. Hindi lang ikaw ang kinuhanan ng mahal sa buhay ni Ara. Hindi lang ikaw kung hindi pati ako..."
"Rosario," tawag ng isang matandang babae. Bumungad naman sa kanya ang isang Rosario'ng nakangiti.
"Bakit, lola?"
"Maaari ka bang pumunta sa bayan para bumili ng panggamit ko sa lulutuin ko mamayang gabi?" Ngumiti naman si Rosario at tumango-tango.
"Sige po, lola. Ako na ang bahalang bumili," wika ni Rosario at saka kumuha ng plastic at pera. Lumabas na siya't nagpaalam. Tinanaw ng matanda ang kanyang apo nang makitang malayo na ito saka ito naupo sa isang silya.
"Wala na siya. Maaari ka nang lumabas. Anong kailangan mo sa akin?" wika niya. Nakarinig naman siya ng tawa ng isang babae.
"Mahusay ka pa rin talaga, Emma," sambit nito. Masama naman siyang tinignan ng matanda.
"At wala ka pa ring galang, Ara," wika ng matanda ngunit tinawanan lang siya ng dalagita.
"Anong kailangan mo?" Ngumisi naman si Ara nang marinig ang tanong ng ginang.
"Ang itim na aklat at baraha," seryosong wika ni Ara na siyang nakapagpagulat sa ginang.
"Ano?! Hindi pa ba sapat ang itim na kapangyarihang ipinagkaloob sa 'yo ng mga sinasamba mo? Hindi maaaring mapunta sa'yo 'yun! Hindi iyo 'yun at si Rosario lang ang pagkakatiwalaan kong humawak no'n kapag nalagutan na ako ng hininga," singhal ng matanda. Mas lalo namang sumeryoso ang mukha ni Ara.
"Baka nakakalimutan mo, Emma kung sino ang kausap mo? Baka nakakalimutan mong mas mataas na ako sa 'yo ngayon. Ipapaalala ko lang, mas malakas na ako sa 'yo. Mangkukulam ka lang pero ako, magagawa ko na ang lahat sa isang iglap. Pati ang buhay mo, kaya kong tapusin sa isang iglap lang," sindak ng dalaga sa matanda. Nakaramdam naman ng takot ang ginang. Oo nga't nakalimutan niya na mas malakas ang itim na kapangyarihang taglay ng taong kaharap niya.
"Pero mas lalakas siguro ako kung pati ang kakayahan mo ay makuha ko," pahabol nito habang nakangisi. Nagulat naman ang matanda sa pinahayag nito at sa isang iglap lang may lumabas nang dugo sa kanyang bibig at napahawak na lang siya sa kanyang dibdib na may kutsilyong nakasaksak.
"Sabi ko sa 'yo e, sa isang iglap lang, kaya kong gawin ang lahat," nakangising wika nito habang pinagmamasdan kung paano manghina ang matanda. Lumapit naman si Ara sa isang itim na kahong nakapatong sa lamesang pinaglalagyan ng mga gamit ng ginang sa pangkukulam. Binuksan niya ito at napangiti na lang ng napakatamis saka kinuha ang itim na libro.
"H-huwag..." nahihirapang sambit ng ginang. Nginisian naman ito ni Ara.
"H'wag kang mag-alala dahil iniwan ko naman ang mga itim na baraha dahil wala naman iyang kwenta at kaya ko namang hulaan ang hinaharap," wika ni Ara habang binubuksan ang libro. Lumapit siya sa matanda at saka binasa ang isang dasal na nasa itim na libro.
"Ngayon, mapapasakin na ang lahat ng kakayahan mo," nakangising wika ni Ara at saka sinambit ang dasal. Biglang lumakas ang hangin at bigla ring tumirik ang mata ng matandang babae habang sinasambit ni Ara ang mga binabasa niya sa libro. Isang itim na usok ang biglang lumabas sa katawan ng matanda at dahan-dahan pumasok sa bibig ni Ara. Napaupo si Ara at tumigil ang malakas na hangin saka niya sinara ang aklat. Nilingon niya ang matanda at wala na itong malay.
"H'wag kang mag-alala, Emma dahil aalagaan ko ang kapangyarihan mo. Paalam, Emma. Hahaha!"
Dumating ang araw na aalis na ang pamilyang Corpuz papuntang Maynila habang maiiwan si Ara sa Sta. Evilia. Ngunit parang isang malagim na bangungot ang nangyari.
"Hindi kayo makakaalis ng pamamahay na ito!" sigaw ni Ara sa kanyang ama't ina nang makita niya itong inaayos ang mga bagaheng ilalagay sa kanilang sasakyan.
"Hindi ka na naman ba naka-inom ng gamot mo, Ara? Hindi ka na naman ba pinainom ni Nena?" tanong ng kanyang ina.
"Walang aalis! Walang aalis ng hindi namamatay!" singhal niya rito.
"Ara, ano na naman bang nangyayari sa 'yo?!" sigaw sa kanya ng kanyang ama ty akmang lalapitan siya nang bigla na naman siyang sumigaw.
"Mamatay muna kayo bago kayo makaalis sa pamamahay na 'to!" Hindi na nakapagpigil ang ina nito at mabilis itong nakalapit at sinampal si Ara.
"Sinusumpong ka na naman ng sakit mo, Ara!" Tinignan naman ni Ara ang kanyang ina ng nanlilisik niyang mga mata.
"Walang mabubuhay. Mamatay kayong lahat!" sigaw ni Ara at saka mabilis na bumangon at sinakal ang kanyang ina. Nagulat naman ang kanyang ama at saka mabilis siyang pinigilan ngunit mas mabilis ang kamay ni Ara at kinuha ang nakatago niyang kutsilyo at mabilis na sinaksak ang kanyang ama sa dibdib.
"Armando!" sigaw ng ina ni Ara at saka nilapitan ang kanyang asawang nag-aagaw buhay. Tinulak niya si Ara at saka niyakap nito ang kanyang asawa.
"Aramando!" paulit-ulit na sigaw nito habang umiiyak. Tinapunan naman niya ng masamang tingin si Ara na ngayo'y nakatayo sa kanilang harapan habang maraming dugo sa kamay.
"Demonyo ka! Demonyo kang baliw ka!" sigaw nito sa kanyang anak. Imbis na masaktan, ngumisi pa si Ara. Parang tuwang-tuwa pa siyang nasasaktan ang kanyang ina dahil para sa kanya, matagal nang patay ang tunay niyang ina at si Aling Nena lang ang tinuturing niyang ina at hindi ito sapagkat puro pera lang ang alam nito at negosyo.
"H'wag kang mag-alala, Mommy dahil magsasama naman kayo ni Daddy," nakangising wika ni Ara. Nilingon naman siya ng kanyang ina at sa paglingon nito, sinaksak ito kaagad ni Ara sa dibdib. Nanlalaki ang mga mata nitong tinitigan siya ng kanyang ina sa mata.
"Ngayon sana'y nalinawan ka nang hindi mo madadala sa langit ang pera niyo. Paalam, mga mahal kong magulang," wika niya at saka napalingon sa gilid niya kung saan kanina pa nakatayo si Aya na takot na takot. Nginisian naman niya ito at saka mabilis itong tumakbo at pumasok sa kwarto nito at nagkulong.
Itinago niya muna ang bangkay ng kanyang mga at saka nilinis ang mga dugong nagkalat. Nagsimula siyang umiyak at bumilang.
"Isa... Dalawa... Tatlo..." At sa pagbilang niya ng tatlo nakarinig siya ng boses.
"A-ara," tawag sa kanya ni Aling Nena ngunit siya'y patuloy sa dramang pag-iyak.
"I-iniwan na nila ako. I-iniwan nila akong mag-isa rito. Pumunta na silang tatlo sa Maynila," huminto ito at pinunasan ang luhang nagbabadyang tumulo mula sa kanyang mga mata. "Isinusumpa ko! Isinusumpa kong maaaksidente sila at mamamatay!" Nakita niyang gulat na gulat ang ginang sa kanyang winika. Lihim na lang siyang napangisi. Hindi akalaing ganoon siya kagaling umarte.
Nang makaalis si Aling Nena'y agad siyang nagtungo sa kwarto ni Aya. Nakita niya itong bukas at napangisi na lang siya nang makitang wala na ito sa kwarto nito kaya agad siyang lumabas at tama nga siya, lalabas ito at tatakas.
"H'wag ka nang magtangkang tumakas dahil wala kang lalabasan," nakangising wika niya kaya napalingon sa kanya si Aya na kanina pa sinusubukang buksan ang kanilang pintuan ngunit hindi niya magawa.
"A-ara," wika ni Aya habang nanginginig ang boses nito.
"Buong buhay ko, inggit na inggit ako sa 'yo dahil lahat ng atensyon nila ay nasa iyo at ako? Dahil sa sakit ko, hindi nila ako pinapalapit sa 'yo. Ang sabi nila, sakitin ka raw kaya ayaw nila akong palapitin sa'yo ngunit hindi pala. Mali pala ako dahil sarili kong mga kadugo, kinakahiya ako. Palibhasa, puro kayo negosyo at pera!" singhal ni Ara rito ngunit puro hikbi lang ang isinasagot nito sa kanya.
"Kahit na anong iyak mo d'yan, hindi ako maawa sa 'yo. Mamatay kayo. Walang makakalabas dito ng buhay!" sigaw ni Ara at saka sinaksak sa dibdib ang kanyang kakambal.
"A-ara," tanging nasambit nito. Napangisi naman si Ara.
"Ngayon, kunin mo ang kutsilyo at saksakin mo ng paulit-ulit ang sarili mo," wika ni Ara. Nagulat naman si Aya sa kanyang narinig mula rito ngunit mas nagulat siya nang kusang gumalaw ang kanyang kamay at nanghihinang tinanggal ang kutsilyong nasa kanyang dibdib at muli niyang sinaksak ang kanyang sarili.
"Ganyan nga, Aya! Patayin mo ang sarili mo. Pasayahin mo ang kakambal mo! Hahaha!" Tuwang-tuwa si Ara'ng pagmasdan kung paano manghina at mawalan ng buhay ang kanyang kakambal. Biglang nagsalita ng kung anong lenggwahe si Ara at unti-unting may lumabas na puting usok sa katawan ni Aya at kinulong ito ni Ara sa kanyang palad. Lumingon siya sa kanyang likuran at nakita si Rosario.
"Ang ganda ng palabas, hindi ba?" nakangising tanong niya rito ngunit inirapan lang siya nito. Tumawa naman si Ara at saka pinagmasdan ulit at kakambal niyang walang buhay. Hindi niya maalis ang tuwang kanyang nararamdaman. Inayusan niya ang bangkay nito at dinamitan ng gaya ng kanya. Nang maging kamukhang-kamukha na niya ito, nilingon niya ulit si Rosario.
"Naibaon mo na ba ang bangkay ng mga magulang ko?" tanong niya kay Rosario. Marahan namang tumango si Rosario na siyang nakapagpangisi sa kanya.
"Mabuti naman. Halika na at lilisanin na natin ang Sta. Evilia," nakangisi nitong saad saka sila umalis at iniwan ang bangkay ni Aya.
Nagtungo sila sa Maynila at nang makarating sila rito'y agad na tumawag si Ara kay Aling Nena at pineke ang kanyang boses upang ibalita ang pekeng aksidenteng naganap sa pamilyang Corpuz. Mautak si Ara at dinala ang lahat ng pera ng kanyang magulang upang gamitin panggastos.
Siya rin ang nagpatakbo ng kanilang negosyo sa murang edad at pinalago ito hanggang sa makatapos siya ng kanyang pag-aaral. Hanggang sa makilala niya si Gabby na naging kaibigan niya noong kolehiyo siya at nagtayo rin sila ng kanilang negosyo.
Nang dumating ang takdang panahon, umuwi si Ara kasama si Rosario sa Sta. Evilia ngunit pagkarating dito'y humiwalay siya rito at nagtago sa mga tao at saka naghasik ng lagim at pinatay ang tatlong bata. Matapos niyang patayin ang tatlong bata upang maging tanda na muli na siyang nagbalik ay lumuwas ulit siya sa Maynila upang palabasing bakasyunista sila ni Gabby. Walang alam si Gabby na ang kanilang bakasyon sa Sta. Evilia ay isa lamang sa hakbang ni Ara sa kanyang paghihiganti.
"Ganoon ka-demonyo si Ara para gumawa ng ganoong palabas! Baliw si Ara, Kiko! Matagal na siyang may sakit sa utak. Wala na siya sa matinong pag-iisip. Sumamba siya sa demonyo para magkaroon ng itim na kapangyarihan. Pinatay niya ang lola ko para makuha ang kapangyarihan nito na dapat ay sa akin. Baliw na siya! Demonyo siya!" singhal ni Rosario.
Nanatili namang tahimik si Kiko matapos isalaysay ni Rosario ang lahat ng nangyari sa nakaraan. Hindi niya ito kinaya. Ibig sabihin ang taong nilibing ni Aling Nena ay walang iba kung hindi ang kanyang pinakamamahal. Napasabunot siya sa kanyang buhok at napasigaw habang nag-uunahang tumulo ang kanyang luha.
"Papatayin ko siya! Demonyo siya! Kahit na dala-dala niya pa ang anak ko. Ang dami na niyang pinatay pati na ang mga kaibigan ko," sigaw ni Kiko.
"Sinong papatayin mo?" Nagulat naman sila nang may magsalita sa kanilang likuran. Nilingon nila ito at nakita si Ara'ng naka-ngisi. Sinamaan naman siya ng tingin ni Kiko.
"Ikaw! Ikaw na mamamatay tao ka!" sigaw ni Kiko rito ngunit tinawanan lang siya nito.
"Ako? Bakit, ako lang ba ang mamatay tao rito? Hahaha!" wika ni Ara na siyang ikinatigil ni Kiko.
Sinundan niya ang tingin ni Ara at napalingon siya sa kanyang katabi na ngayo'y parang nanigas sa kanyang kinatatayuan at halatang kinakabahan.
Bigla siyang naguluhan. Sino ba talaga ang pagkakatiwalaan niya? Sino ba talaga ang paniniwalaan niya? Bakit parang may tinatago pa si Rosario sa kanyang mahalagang bagay na hindi nito kinwento sa kanya kanina? Bakit parang pakiramdam niya, ibang tao ang pumatay sa mga kaibigan niya. Naguguluhan na siya habang palipat-lipat ang kanyang paningin kay Ara'ng tawa nang tawa at kay Rosario'ng kabadong-kabado.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top