LLI: Uno

Ang pagbabalik

-------------------------

"Girl, ba't walang dumadaan na kotse rito sa kalsadang 'to? Ang creepy ah!" bulalas ng isang lalaki na kung umakto ay parang babae na nakaupo sa front passenger seat. Kasalukuyan silang bumabyahe ng kanyang kasama papunta sa isang bayan.

"Manahimik ka na nga lang dyan, GABRIELLO!" wika ng babaeng nagmamaneho ng sasakyan.

"GABRIELLO?! My goodness, Aya! Kadiri naman 'yan! 'GABBY' para sosyal," pasigaw na wika nito. Inirapan na lamang siya ni Aya at nagmaneho na lamang.

Nanahimik na lamang si Gabby at hindi na muling nagsalita dahil kinikilabutan na rin siya sa mga dinaraanan nila. Halos walang sasakyan kasi sa dinadaanan nila at tanging sila lang ang dumaraan at puro puno lamang ang makikita mo. Naiisip tuloy ni Gabby ang pelikulang The Road dahil ganitong-ganito rin ang kalsada at daanan doon.

Samantalang si Aya, komportable lamang na nagmamaneho. Si Gabby lang naman kasi ang turista rito dahil si Aya'y tagarito ngunit kinailangang lumuwas ng Maynila dahil sa mga personal na dahilan at upang makapag-aral.

Matapos tahakin ang liblib at mahabang kalsada'ng iyon ay natunton din nila ang bayang sinilangan ni Aya. Inihinto muna ni Aya ang sasakyan at bumaba upang pagmasdan ang pangalan ng kanilang bayan. Sumunod naman si Gabby kay Aya.

"Bayan ng Sta. Evilia," walang ganang basa ni Gabby sa karatula. Napangiti naman ng napakatamis si Aya.

"Utang na loob naman, Aya! Pati ba naman pangalan ng bayan niyo ang creepy-creepy. Sta. Evilia? Ang EVIL ha!" bulalas ni Gabby. Napailing na lamang si Aya at bumalik na sa sasakyan habang si Gabby ay nakatingin pa rin sa karatula. Binusinahan naman ni Aya si Gabby.

"Papatayin mo ba ako sa gulat?" sigaw nito.

"E, kung iwanan kaya kita rito sa daan na kinatatakutan mo?" pananakot ni Aya. Agad namang pumasok sa sasakyan si Gabby at nagmaneho na ulit si Aya.

Kung ano ang ikinatahimik at ikinaliblib ng kalsada patungo sa bayan nila Aya ay siya namang kabaligtaran nito sa loob. Bumungad sa kanila mga nagtitinda ng gulay, damit at kung ano-ano pa nang makarating sila sa talipapa. Kumpleto rin ang bayan nila dahil may nadaanan silang simbahan, paaralan at health center. Ngunit maliit lang talaga ang bayang ito at magkakakilala halos lahat ng tao. Nagtaka lang si Gabby pagdating nila sa bahay nila Aya matapos ang ilang minuto. Sa dulo kasi ang bahay nila Aya at medyo malayo sa ibang bahay.

"Problema mo?" tanong ni Aya kay Gabby nang mapansing nakakunot-noo ito.

"Ba't ang layo ng bahay niyo sa ibang bahay? Ano 'to, may war lang na nagaganap?" Binatukan naman siya ni Aya.

"Gabriello, wala ka naman kasi sa Maynila 'no. Mayroon namang malapit na bahay dito sa amin ah. Ayan oh." Sabay turo sa isang bahay na halos tatlo o apat na bahay ang layo kila Aya. Napalingon naman si Gabby sa bahay na itinuro ni Aya. Maliit lamang ang bahay na ito at gawa lamang sa kahoy. Hindi gaya ng kanila Aya, malaki at gawa sa bato.

"Ilagay mo na nga sa loob 'yang mga maleta!" utos ni Aya.

"Ako lahat ang magdadala niyan? Utang na loob naman, Aya!" reklamo nito.

"Ikaw ang lalaki kaya ikaw ang magbuhat niyan," nakataas ang kilay na sabi ni Aya. Sinamaan na lamang siya ng tingin ni Gabby at padabog na kinuha ang susi ng bahay nila Aya at binuhat ang mga maleta. Napatawa na lamang ng palihim si Aya sa inasta ng kaibigan.

Nagmasid lamang si Aya sa paligid habang nakangiti. Tuwang-tuwa siya na naka-uwi na siya sa wakas sa bayan nila matapos ang sampung taon. Habang nagmamasid ay bigla na lamang may lumapit sa kanyang babae na siguro ay nasa 40 pataas ang edad.

"Aya? Ikaw na ba si Aya ng mag-asawang Corpuz?" tanong nito.Tumango na lamang si Aya dahil pinagmamasdan pa niya ito upang alalahanin kung sino ba ito.

"Naku! Ang ganda-ganda mo pa rin. Mukha ka pa ring anghel at modelo. Naalala mo pa ba ako? Ako ito, si Nanay Nena mo," nakangiting pagpapakilala nito.

Ilang sandali lang ay naalala na rin ni Aya kung sino ito kaya nginitian niya ito at binati na rin. Nagkwentuhan lang ang dalawa at kamustahan nang bigla na lamang silang napahinto dahil sa babaeng lumabas ng bahay na tinuro niya kay Gabby kanina.

"Sino po siya?" tanong ni Aya.

"Hindi mo na ba siya naaalala? Si Rosario 'yan. Nagulat nga kami noong nagbalik siya bigla rito kahapon e." Nagtataka namang napatingin si Aya sa Rosario na iyon at bumaling ulit kay Nanay Nena niya.

"Hindi mo na ba talaga siya naaalala?" tanong ni Nena. Tumango naman si Aya.

"Si Rosario ay kasing edad niyo lang din kaso ilag sa kanya ang lahat ng tao rito sa bayan natin noon pa. Ang dami kasing kumalat na kwento na mangkukulam daw ang lola niya bago ito mamatay at pinamana raw ito kay Rosario. Pero hindi naman talaga totoo iyon kaso nga lang isang araw may nakakita sa likod ng bahay nila Rosario na ang dami raw dugo roon at ang daming krus na nakatusok sa lupa at nagsimula na ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga tao rito. Kaya simula nung araw na 'yun ay mas lalong wala nang lumalapit kay Rosario. Kaya takot na takot ang mga tao rito nang biglang nagbalik 'yan dito kahapon dahil baka raw may mamatay na naman," kwento nito. Hindi naman makapaniwala si Aya sa mga narinig at unti unti din niyang naalala si Rosario.

"Grabe naman po pala iyon. Nakakakilabot naman po," wika ng dalaga. Tumango lamang ang matanda at nagpaalam na kay Aya dahil magluluto pa daw ito ng pananghalian.

Ilang minuto pang nagtagal si Aya sa labas ng bahay nila at napadako naman ang mata niya sa bahay nila Rosario. Bigla na lamang siyang kinilabutan at nakadama ng takot nang biglang lumabas si Rosario at nakatingin sa kanya ng diretso at walang emosyon. Nakakakilabot naman kasi talaga ang itsura ng dalagang iyon dahil sa napakaputlang kulay ng kanyang balat at ang buhok niyang itim na itim at napakahaba na hanggang bewang na. Isama mo na rin ang suot niyang itim na bistida at ang mukha niyang walang kaemo-emosyon.

Dahan dahan na lamang umiwas ng tingin si Aya at pumasok na bahay nila.

***

Samantala, sa pulisya ng bayan, isang babae na nasa kwarenta na pataas ang umiiyak at nagmamakaawa sa mga pulis.

"Maawa po kayo, hanapin niyo po ang anak ko! Hindi pa po siya umuuwi simula kahapon ng hapon," pagmamakaawa nito habang umiiyak.

"Opo, misis. Hahanapin po namin ang anak ninyo saka baka nandito lang yan sa bayan natin. Maliit lang naman ang Sta. Evilia kaya sigurado kaming mahahanap namin siya," paninigurado ng isang pulis.

"Marami pong salamat," buong pusong pagpapasalamat nito at lumabas na ng police station.

***

"Anong nangyari kay Aling Helen?" tanong ng isang binata na nagngangalang Kiko sa kaibigan niyang pulis na si Darren habang kumakain sa isang karinderya.

"Nawawala daw yung anak eh. Hindi pa daw umuuwi simula kahapon," sagot nito sabay subo ng kanin.

"Yung bunso?" tanong ulit nito.

Tumango naman si Darren habang ngumunguya. Agad naman itong uminom ng tubig at tumingin ng diretso kay Kiko.

"Kailan ka pa naging chismoso, Francisco?" tanong nito. Binatukan naman siya ni Kiko.

"Inaano kita? Doon ka na nga lang sa negosyo mo at bantayan mo yung mga tao mong kumukupit sa'yo!" pagtataboy ni Darren sa kanya.

Sa murang edad pa lang ni Kiko ay may sarili na itong negosyo. May-ari siya ng isang electronics shop sa bayan nila. Tinulungan din naman siya ng magulang niya sa pagpapatakbo nito.

"Tarantado ka talaga!" wika ni Kiko. Natatawa na lang sa kanya si Darren at nagpatuloy na lang sa pagkain ngunit bigla ulit 'tong nagsalita.

"Nagbalik na pala siya ah," wika ni Darren sabay ngisi sa kaibigan.

"Si Rosario? Oo nga e. Ang dami na ngang natatakot miski ako sa pagbabalik niya kahit na hindi pa man alam o sigurado na siya nga ang may gawa nun," sagot nito. Umiling naman si Darren sabay ngisi kay Kiko. Napatitig naman si Kiko kay Darren na may halong pagtataka.

"Pinagsasabi mo? Eh si Rosario lang naman ang nagbalik dito sa Sta. Evilia," naguguluhang wika nito. Naasar na si Kiko kay Darren dahil puro ngisi lang ang isinasagot nito dito.

"Nagbalik na siya," wika ulit ni Darren na ngayon ay parang nangaasar na talaga.

"Sino ba kasi?!" pasigaw na tanong nito dahil sa bwisit. Okay lang naman na sigawan niya 'to dahil apat taon lang naman ang tanda nito sa kanya.

Ilang minutong hindi nagsalita si Darren at nakangisi lang talaga kay Kiko. Asar na asar na talaga si Kiko at gusto nang sapakin ang kaibigan kung hindi lang 'to pulis.

"Bumalik na ang anghel mo," wika ni Darren sabay ngisi ulit kay Kiko. Hindi naman makapaniwala si Kiko at natulala dahil sa sinabi ng kaibigan.

"A-ano?"

"Walang ulitan sa bingi!" wika ni Darren sabay tayo at alis. Hindi napansin ni Kiko na tapos na pala itong kumain. Hindi mawala sa mukha ni Kiko ang pagkainis sa kaibigan dahil sa ginawa nito sa kanya. Pero bigla siyang napatulala at napaisip sa sinabi ni Darren. "4'

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top