LLI: Trece
Ang muli niyang pagbabalik
-------------------------
Ang katotohanan ang siyang nakapagpapagaan kadalasan sa loob ng lahat. Ngunit sa sitwasyon ni Aya, hindi niya mawaglit sa kanyang isipan ang pangambang kanina niya pa nararamdaman sa maaaring maging bunga ng paglabas niya ng katotohanan. Matagal na siyang binabagabag ng kanyang konsensya upang isiwalat kay Darren ang katotohanang magkapatid si Chrismae at Rosario ngunit pakiramdam niya na mali ito matapos niya itong ilabas. Hindi rin mawala-wala sa kanyang isipan ang bawat katagang winika sa kanya ni Rosario.
"Asikasuhin mo na lang ang buhay mo dahil baka mamaya, ikaw na ang susunod o kaya naman isa sa mahal mo sa buhay. Hahaha."
Nakaramdam siya ng pag-alala. Hindi sa sarili niya kung hindi para kay Kiko. Paano na lamang kung tunay ang winika ni Rosario? Paano kung isa sa mahal naman niya sa buhay ang mawala? Paano kung si Kiko iyon? Napailing siya. Hindi niya kayang tanggapin ang kanina pa tumatakbo sa kanyang utak. Mas gugustuhin niyang siya na lang 'wag lang ang mahal niya.
"Aya," tawag ni Kiko sa kanya. Napabalik siya sa reyalidad at nilingon ito. Bumungad sa kanya ang maamo nitong mukha.
"Ayos ka lang ba riyan?" tanong nito sa kanya na may halong pag-alala. Tumango naman siya at ngumiti rito bilang tugon.
"Pasensya na ha? Tinutulungan ko lang si Nanay Nena na asikasuhin 'yung mga nakikiramay. 'Di ko kasi mahagilap si Darren e. Nakita mo ba siya?" Bigla siyang natigilan. Tumingin ulit siya kay Kiko saka umiling.
"H-hindi ko alam," sagot niya. Tumango naman si Kiko sa kanya at nagpaalam upang sabihin kay Aling Nena na uuwi na rin sila dahil malalim na ang gabi.
Sa pag-alis ni Kiko, hindi pa rin mawala sa isip ni Aya ang sinabi nito. Nawawala si Darren? Ibig sabihin, hindi pa ito bumabalik simula nang tumakbo ito. Nagtaka siya. Natigilan na lang siya sa kanyang pag-iisip nang tawagin siya ni Kiko dahil uuwi na sila. Tumayo siya at pumunta muna kay Aling Nena upang magpaalam at sinabing babalik naman sila kinabukasan. Nagpasalamat naman ang ginang.
"Tara na." Saka sila nagsimulang maglakad ni Kiko. Tahimik lamang silang naglalakad nang biglang hawakan ni Kiko ang kanyang kamay at hinila siya palapit.
"Masyado kang malayo. Dito ka sa tabi ko," nakangising wika sa kanya ni Kiko na ikinapula niya. Tumawa naman ng mahina ang binata at saka sila muling naglakad ng tahimik at tinahak ang madilim na daan. Walang katao-tao sapagkat malalim na ang gabi.
"ANG SARAP NG FEELING na tayong dalawa lang ang nandito sa bahay na 'to 'no? Para na tayong mag-asawa," biglang wika ni Kiko habang nakaupo sila ni Aya sa isang sofa na nasa sala. Napangiti na lang si Aya.
"Anak na lang ang kulang," pahabol ni Kiko. Binatukan naman siya ni Aya ngunit imbis na masaktan, tinawanan lang nito ang dalaga.
"Ba't namumula ka?" nakangising tanong ni Kiko kay Aya. Binatukan naman siya ulit ni Aya.
"Bwisit ka! Manahimik ka nga. Matutulog na nga ako!" wika ni Aya at saka tumayo.
"Matutulog na tayo?" pahabol na tanong ni Kiko. Sinamaan naman siya ng tingin ni Aya.
"KIKO!" sita sa kanya nito. Tinawanan lang naman niya ito.
"O, sige na. Peace na tayo! Good night, mahal ko." Saka lumapit ito at hinalikan si Aya sa labi na dapat ay mababaw lang ngunit lumalim nang lumalim.
"K-kiko," tawag ni Aya kay Kiko sa gitna ng kanilang halikan.
"Mahal mo ba ako?" tanong ni Kiko sa kanya. Ibinuka ni Aya ang kanyang labi upang sumagot ngunit agad itong inatake ni Kiko ng kanyang labi.
"M-mahal na mahal," sagot ni Aya sa gitna ng halikan nilang mukhang mauuwi sa mas malalim pa. Ngumisi si Kiko habang patuloy na hinahalikan si Aya. Gumapang na sa kung saan ang kanilang mga kamay hanggang sa dahan-dahang binuhat ni Kiko si Aya.
Sa gabing 'yon, naging isa sila.
***
Lumipas na ang isang linggo at naihatid na rin sa huling hantungan si Chrismae. Maayos na sana ang lahat ngunit nagkaroon ng panibagong problema. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi si Darren magmula nang ito'y mawala. Hindi na nila alam kung saan hahagilapin ito. Hindi rin alam ng mga kasamahan nito sa trabaho kung saan ito nanggaling sapagkat hindi naman ito nagpaalam na mawawala ito.
"Nailibing na si Chrismae at lahat pero wala pa rin si Darren? Nay, wala ba siyang nabanggit sa'yo?" tanong ni Kiko kay Aling Nena. Naluluhang umiling ang ginang.
"Saan naman kaya nagpunta ang batang iyon? Alam kong nahihirapan siyang tanggapin ang nangyari kay Chrismae pero nandito naman tayong nagmamahal sa kanya para damayan siya. Bakit nagawa niya pang umalis?" Ramdam ni Kiko ang lungkot sa boses ni Aling Nena.
Kaunti na lamang at alam niyang iiyak na ito. Nilapitan niya ito at saka niyakap at hinagod ang likod nito. Sinamahan pa niya ito nang isang oras at nang umayos na ang kalagayan nito'y nagpaalam na siya upang puntahan si Aya sa bahay nito. Hindi pa rin kasi bumabalik si Gabby mula sa Maynila sapagkat marami pa raw itong trinabaho at sunod-sunod ang gig nito.
***
"Nailibing na pala ang magaling kong kapatid. Sino kaya ang susunod?" wika ni Rosario sa kanyang sarili. Tumayo siya at nagtungo sa isang cabinet upang kunin ang isang itim na kahon na naglalaman ng itim na baraha. Kinuha niya ito at binasa ang mga mangyayari. Biglang nanlaki ang mata niya sa kanyang nabasa.
"Hindi ko akalaing ganito ka-exciting ang mga magaganap? Umaayon ang lahat sa plano," wika niya habang nakangisi ngunit bigla ring sumeryoso nang makita niya ang huling baraha.
"Babalik na siya? Malapit na siyang bumalik? Babalik na ang nag-umpisa ng laro," wika nito na halata mo ang pangamba sa tinig nito. Napatingin siya sa kanyang kaliwa kung nasaan ang litrato ng kanyang yumaong lola.
"Lola, ipaghihiganti kita. Sa pagbabalik niya, kukunin ko kung anuman ang kinuha niya sa'yo. Ang itim na aklat na naglalaman ng itim mong mahika, babawiin ko iyon," determinado niyang wika habang may luhang nagbabadyang tumulo sa kanyang mata. Agad niya itong pinunasan at tinuon ang atensyon sa pag-aayos niya ng mga boteng may kung ano-anong laman na ginagamit sa pangkukulam.
Pinigilan niyang umiyak dahil wala itong maidudulot na mabuti para sa kanya. Ang isang patak ng luha ay katumbas ng kanyang kahinaan. Hindi niya kailangang maging mahina. Lalo na kung kasali siya sa isang larong binuo ng isang kampon ng kadiliman.
***
"Nandito na ako sa Sta. Evilia. Ikaw na ang bahala sa Monstre Sparks, Anikka ha? Kapag may naghanap pa sa amin ni Aya, sabihin mo nagbu-beauty rest kami," sagot ni Gabby sa kausap niya sa telepono.
Nakarinig naman siya ng tawa mula sa kabilang linya. Nagpaalam siya rito at saka ibinaba ang kanyang telepono. Tinignan niya ang paligid, madilim na. Inabot na siya ng dilim sa daan at mabuti na lamang at nasa Sta. Evilia na siya. Ngunit labis-labis na pangingilabot ang kanyang nadarama sa t'wing titignan niya ang tinatahak niyang madilim na daan.
Laking pasasalamat niya nang nakarating siya ng ligtas sa bahay ni Aya. Ipinarada niya ang kanilang sasakyan at saka bumaba at kinuha ang kanyang bag na puno ng kanyang mga damit. Natanaw niya ang isang bahay na apat na bahay pa siguro ang layo mula sa bahay nila Aya, ang bahay ni Rosario. Nakaramdam siya ng pagtaas ng kanyang balahibo kaya napaiwas siya kaagad ng tingin at dali-daling nagtungo sa pinto ng bahay nila Aya.
Kumatok siya ngunit walang nagbukas. Napalingon siya sa lalagyanan ng mga sapin sa paa. Laking gulat niya nang makita ang isang panlalaking tsinelas na nakasisigurado siyang hindi kanya. Nang maalala kung sino ang may-ari nito ay bigla na lamang siyang kinilig.
"Aba! Dito pala natutulog si Kiko ha. Makurot nga sa singit ang malanding si Aya," bulong niya habang napapangiti sa kilig.
Kumatok ulit siya ngunit wala pa ring nagbubukas. Tinignan niya ang kanyang relo at nakitang alas dose pasado na rin pala. Kumatok ulit siya at 'yung mas malakas pa. Bigla siyang napasampal sa noo nang maalalang tulog mantika pala si Aya at sound proof ang mga kwarto rito. Halos mapamura na siya nang maalala ito. Mas lalo naman siyang napamura nang makarinig siya ng kaluskos. Napalingon siya sa kanyang likuran kahit na nakaramdam na siya ng takot.
Natanaw niya ang isang lalaking tumatakbo. Siningkitan niya ang kanyang mata at nakilalang si Darren pala ang tumatakbo. Nanlaki ang mata niya nang makitang patungo ito sa bahay nila Rosario. Nagtaka naman siya. Kahit na takot ay sinundan niya si Darren. Hindi niya alam kung bakit ngunit parang may nagtutulak sa kanyang sundan ito.
Nanginginig siyang naglakad. Nakarinig siya nang malakas na sigaw kaya bigla siyang napahinto. Para na siyang hihimatayin sa takot. Hindi niya alam sa sarili niya ngunit sinundan niya pa rin ang sigaw na ito. Malapit na siya sa bahay nila Rosario ngunit parang nakarinig siya ng kaluskos sa kakahuyan na malapit kila Rosario. Nagtungo siya roon at nagulat siya sa kanyang nakita.
"D-darren."
Napamulagat siya sa kanyang nakita. Si Darren, nakabitin ang katawan sa isang puno at naliligo sa sarili nitong dugo. Gustong niyang sumigaw ngunit hindi niya magawa. Para siyang nanigas at hindi makagalaw at makapagsalita. Nakarinig siya ng yabag sa kanyang likuran. Nanginig ang buo niyang katawan. Dahan-dahan siyang lumingon sa kanyang likuran. Nakakita siya ng anino at laking gulat niya nang makita niya kung sino ang nagmamay-ari ng aninong ito. Kinilabutan ang buo niyang katawan at nahirapan na rin siyang huminga dahil sa takot.
"B-bakit? I-ikaw ang may gawa nito," nauutal niyang wika. Ngumisi lang naman sa kanya ang nilalang na kaharap niya ngayon. Nakaramdam siya ng takot sa ngisi'ng ito. Kakaibang ngisi. Nakahanda na sana siya upang tumakbo at tumakas dahil sa takot ngunit naramdaman na lang niya ang pagpalo sa kanyang ulo at pag-agos ng dugo rito. Doon, nawala na siya ng malay.
Biglang nagkaroon ng malay si Gabby. Naramdaman niyang nakatali ang kanyang paa't kamay habang nakaupo sa isang silya. Nahihilo pa siya kaya pumikit na lang muna siya at inalala ang mga nangyari. Bigla siyang napadilat ng maalala ang lahat ngunit nagtaka siya nang sa pagdilat niya ay wala siyang nasilayang liwanag. Ngayon lang niyang napagtantong may nakatali palang tela sa kanyang mata.
Nakarinig siya ng yabag kaya bigla na naman siyang nakaramdam ng takot. Naramdaman niyang nasa tabi na niya ito at tinatanggal ang nakataling tela sa mata niya.
"Masarap ba ang tulog mo?" tanong ng nilalang na nasa likuran niya. Nakakatakot na boses. Para itong kasumpa-sumpang boses na hindi mo maaaring marinig sapagkat nakakakilabot. Para kang pinapatay ng boses na ito.
"B-bakit? B-bakit mo ito ginagawa?" naiiyak niyang tanong. Isang tawa lang ang narinig niya bilang sagot. Isang tawa ng demonyo. Isang tawa na puro kalupitan at poot.
"Masyado ka nang madaldal. Kailangan mo nang mamaalam."
Nanlaki ang mata niya nang marinig ito. Pipiglas sana siya sapagkat naluwagan na niya ang tali niya sa kanyang kamay at makakatakas na sana siya ngunit huli na ang lahat. Bigla siya nitong pinalo ulit ng kahoy sa ulo kaya bigla siyang tumalsik kasama ng upuan. Nakaramdam ulit siya ng hilo at panghihina. Konti na lamang at pipikit na ang talukap ng kanyang mata. Ngunit bago ito pumikit, isang nilalang ang nakilala't nakita niya.
"R-rosario?" wika niya sa kanyang isipan bago tuluyang mawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top