LLI: Dos
Ang trahedya
-------------------------
Alas sais pa lang ng umaga ay bumangon na agad si Aya at nag-ayos na ng kanilang agahan ni Gabby. Siya na ang nagluto dahil alam niyang pagod si Gabby sa pag-aayos ng kanilang gamit.
Pagkatapos niyang magluto ay iniwan na lamang niya ito sa lamesa at nagsimulang ayusin ang sarili matapos maligo't magbihis. Lumabas siya ng kanilang bahay habang dala-dala ang kanyang DSLR at kinuhaan ng iba't ibang anggulo ang mga magagandang tanawin na iyong matatanaw sa paglabas pa lang ng kanilang bahay.
Isang propesyonal na photographer si Aya, maging si Gabby. May negosyo na rin sila na kung saan silang dalawa ang magkasosyo.
Habang kumukuha siya ng iba't ibang litrato may bigla na lamang bumati sa kanya na ikinagulat niya dahil nakatuon ang kanyang atensyon sa pagkuha ng litrato.
"Kayo po pala, 'Nay Nena." Napahawak ito sa kanyang dibdib dahil sa pagkagulat.
"Naku, nagulat yata kita. Pagpasensyahan mo na lamang ako, iha," paghingi nito ng paumanhin.
"Ayos lang po."
"Isa ka bang photographer, iha? Iyan ba ang iyong trabaho sa Maynila?" tanong ni Aling Nena.
"Ah, opo. May negosyo na po ako sa Maynila na kasosyo ko po yung kaibigan kong kasama ko dito," sagot ni Aya.
"Talaga? Naghahanap kasi ang anak ko ng isang photographer na pwedeng kunin para i-cover ang engagement party nila ng kanyang kabiyak. Naisip ko kanina na baka pwedeng ikaw na lang kaso nga lang nasa bakasyon ka," wika nito.
"Nako, ayos lang po sa akin kung ako ang inyong kukunin. Lagi naman pong handa ang Monstre Sparks," nakangiting wika ni Aya.
"Naku, maraming salamat! Sasabihin ko ito sa anak ko para hindi na siya mahirapang maghanap."
"Sige po, maraming salamat po," wika ni Aya.
Itinuloy lang ni Aya ang kanyang ginagawa kanina hanggang sa mapadako ang lens ng kanyang camera sa bahay nila Rosario. Hindi niya alam sa sarili niya kung bakit bigla na lamang siyang kinilabutan nang makita ito. Ngunit mas kinilabutan siya nang biglang lumabas si Rosario sa bahay nito at nakatingin na naman sa kanya ng walang emosyon.
Inayos niya ang kanyang sarili at muling bumaling kay Rosario na hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa kanya. Alangan siyang ngumiti at binati ito.
"G-Good morning," bati niya at alangan na kinawayan ito.
Ngunit hindi manlang siya binati nito. Nagtaka si Aya nang makita ang kutsilyong hawak ni Rosario na parang may bahid ng dugo. Nagtaasan ang balahibo niya kaya bigla na lamang siyang tumalikod at naglakad papasok sa kanilang bahay. Lumabas din naman siya kaagad dahil isinauli lang naman niya ang kanyang camera at pumunta na sa bayan para mamili.
Habang naglalakad si Aya ang daming bumabati sa kanya. Kilala kasi ang kanyang pamilya rito sa bayan nila at dahil na rin maraming nagkakagusto kay Aya dito noong bata pa ito.
Dumiretso siya sa isang maliit ng grocery store at namili. Pagkatapos ay naglakad na siya ulit pauwi sa kanila. Walking distance lang naman kasi ito dahil sa sobrang lapit at saka hindi na rin niya kailangang sumakay ng tricycle dahil kakaunti lang naman ang kanyang binili at gusto niyang maglibot-libot sa bayan.
Pagbalik niya sa kanilang bahay gising na si Gabby at parang nanay na nagtanong kung saang lupalop siya nagpunta at bakit iniwan siya nitong mag-isa sa bahay nila.
"Ano naman kung iwan kita dito ng mag-isa?" nagtatakang tanong ni Aya kay Gabby.
"'Te! Paano kung pasukin ako dito? Paano kung rape-in ako dito sa mansyon niyo? Sayang ang kagandahan ko kung pangit pa ang manre-rape sa akin," oa na wika ni Gabby. Binatukan naman siya ni Aya.
"WHAT?! Napaka-creepy pa naman nitong bahay mo pati na 'tong bayan niyo. Tapos ano? Hindi mo manlang ako nilibot dito! Napaka-daya mong babae ka," sigaw ulit nito.
"Manahimik ka nga, Gabriello! Sasalsak ko na 'tong pinamili ko sa bunganga mo!" sigaw ni Aya sa kaibigan. Para namang maamong tuta si Gabby matapos siyang sigawan ni Aya.
"Ito naman, hindi ka naman mabiro," wika ni Gabby.
Habang kumakain sila ng agahan ay hindi pa rin nagpaawat si Gabby at kinukulit pa rin si Aya kung bakit ito iniwan. Ang pinuputok pala ng butchi nito ay gusto pala nitong maglibot sa bayan kaya matapos nilang kumain ay inaya ni Aya si Gabby na maglibot kahit na katatapos niya pa lang.
"Talaga?!" nagniningning ang mga mata ni Gabby habang tinatanong si Aya. Tumango naman si Aya kaya agad na tumakbo si Gabby sa kwarto niya at nag-ayos.
"Creepy daw yung bayan namin pero ata na atat maglibot ang bakla," bulong ni Aya habang umiiling.
"GABRIELLO! DALIAN MO NGA!" sigaw ni Aya. Sampung minuto na kasi ang nakalipas at hindi pa rin ito bumabalik.
"Ito naman! Nagpapaganda pa ko eh," aburidong sigaw ni Gabby.
"'Te! Hindi ba natin ila-lock 'tong mansyon niyo?" sigaw ni Gabby mula sa loob ng bahay nila Aya.
"Huwag na. Takot naman yung mga taong pumunta dito," sigaw ni Aya pabalik.
"Bakit naman?" tanong ni Gabby pagkalabas niya habang hawak-hawak ang DSLR nito at lumapit kay Aya.
"Takot kasi sila sa bahay na 'yun," sagot ni Aya sabay turo sa bahay nila Rosario.
Tumingin naman si Gabby dito at nakaramdam ng pagtaas ng balahibo. Hindi nito inalis ang titig sa bahay nila Rosario hanggang sa lumabas si Rosario galing sa likod ng bahay nito. Dahil doon ay napaiwas ng tingin si Gabby dala ng kilabot na naramdaman nang makita si Rosario.
"'Te! Wait lang naman!" sigaw nito nang makitang iniwan na pala siya ni Aya.
Naabutan naman niya si Aya ngunit napalingon ulit siya sa bahay nila Rosario at nanlaki ang mata niya nang makita itong nakatitig sa kanila kaya napaiwas ng tingin si Gabby.
"Problema mo?" tanong ni Aya sa kanya.
"Masyado kasi akong biniyayaan ng dyosa problems. Ang hirap maging maganda!" palusot nito. Inirapan lang naman siya ni Aya dahil sa sagot niya.
Nang makarating sa bayan, kuha lang nang kuha ng litrato si Gabby. Hangang-hanga ito sa ganda ng bayan nila Aya. Hindi niya kasi akalain na ang bayan ng Sta. Evilia na kinatatakutan niya nung una ay may itinatagong ganda.
Bigla namang may lumapit sa kanilang pulis habang kinukuhaan ng litrato ni Gabby ang lumang simbahan sa bayang ito.
"Ay! Bawal ba kumuha ng picture dito? May multa ba? Sorry, isa lang akong dyosang turista dito," natatarantang sabi ni Gabby. Natawa naman si Aya sa kanya.
"Hind. Ako nga pala si Darren, ikaw ba si Aya?" pagpapakilala at tanong nito kay Aya.
Tumango naman si Aya habang nakakunot noong napatingin kay Darren dahil inaalala nito kung sino ba ito. Ilang sandali lang ay naalala na rin niya kung sino ito.
"Ako nga, kung hindi ako nagkakamali ikaw ba ang anak ni Aling Nena?" Nakangiting tumango naman si Darren.
"Nabanggit lang kasi sa akin ni mama na photographer daw kayo. Nasabi na siguro sa'yo ni mama yung engagement party namin ng girlfriend ko. Nahihirapan kasi akong kumontact ng photographer kasi kailangan kong mag ingat dahil isu-surpresa ko lang naman yung girlfriend ko at magpo-propose ako sa kanya at kasabay no'n ay yung engagement party namin," wika nito.
"How romantic," wika ni Gabby habang nagniningning ang kanyang mga mata. Ngumiti lamang si Darren.
"Kung okay lang sana sa inyo na kayo na lang yung kunin kong photographer para sa event na 'to. Maliit lang naman yung event na yun e," nakangiting wika ni Darren.
"Okay lang naman sa akin para naman may magawa ako dito. Ikaw, Aya?"
"Ayos lang din naman sa akin. Kailan ba yung event para maayos na namin ni Gabriello yung mga gagamitin namin," sabi ni Aya sabay tingin kay Gabby. Sinamaan naman siya ng tingin ni Gabby.
"Gabby pala," sabay tingin ni Gabby kay Darren at nagpakilala.
"Uhmm... Bukas na yung event, ayos lang?" Nanlaki naman yung mata ng dalawa pero pumayag na rin dahil nahiyang tumanggi.
"Salamat, nice to meet you," pagpapaalam ni Darren. Ngumiti lang ang dalawa ngunit nagulat sila sa biglang pagsigaw ng isang babae.
"ANAK KOOO!"
Nagkatinginan ang tatlo at bigla na lamang napatakbo si Darren sa pinanggalingan ng sigaw na iyon. Hindi naman ito malayo sa simbahan kaya natunton niya ito kaagad hindi niya alam na sumunod pala sila Gabby at Aya sa kanya.
"S-sinong may gawa nito sa anak ko!" iyak ng isang babae.
Nagulat ang tatlo sa kanilang nakita. Halos masuka na nga si Gabby sa unang sulyap nito.S i Aling Helen ito habang nasa bisig niya ang kanyang anak na wala nang buhay. Kitang kita ang wakwak na dibdib nito na halatang pinagsasaksak sa puso.
"Oh, my God," mahinang bulong ni Gabby. Napahawak naman si Aya sa bibig niya.
Iyak lamang nang iyak si Aling Helen habang isinisigaw ang pangalan ng kanyang anak. Sinisisi ang sarili dahil pinabayaan niya ang kanyang bunsong anak. Bigla namang may sumigaw na isa pang pulis na nagsasabing may natagpuan pa itong dalawang bangkay ng bata sa di kalayuan.
"Iyan ang mga kalaro ng anak ni Helen noong Sabado!" komento ng isa.
Nanlaki ang mga mata ng mga tao nang makita ang bangkay ng dalawa pang bata dahil sa brutal na pagpatay rito.
"Sinong hayop ang may gawa nito!" pagwawala ni Aling Helen. Pinapakalma naman ito ng mga pulis.
Bigla namang napadaan si Rosario dito na halatang namili ng kanyang makakain. Natanaw naman siya ni Aling Helen kaya napatayo ito at bigla itong sinigawan.
"IKAW! Ikaw ang hayop na may gawa nito!" sigaw ni Aling Helen sabay turo kay Rosario. Bigla naman itong napatigil at nagtatakang napatingin kay Aling Helen. Napatingin din ito sa bangkay ng tatlong bata at parang pusang nasagasaan lang kung pagmasdan niya ito.
"Bumalik ka lang mangkukulam ka dumanak na naman ang dugo sa bayan ng Sta. Evilia! Hayop ka! Isang kang salot!" sigaw ni Aling Helen sabay lapit kay Rosario at pinagsasampal ito.
Wala manlang karea-reaksyon ang mukha ni Rosario at parang manhid lang habang siya'y sinasampal. Tahimik lamang na nanunuod ang mga tao maging sila Aya at Gabby. Pinigilan naman ng mga pulis si Aling Helen at pinaalis na si Rosario ngunit bago ito umalis ay tumingin muna ito sa tatlong bangkay ng bata at tumingin sa direksyon nila Aya sabay ngisi niya rito.
Biglang kinilabutan si Aya nang makita ang ngising iyon, maging si Gabby ay kinilabutan din. Silang dalawa lang na magkaibigan ang nakakita ng ngising iyon.
Hindi nagtagal ay pinaalis na ng mga pulis ang mga tao upang makapag-imbestiga sila ng maayos kaya umalis na rin sila Aya at Gabby.
"Uwi na nga tayo, 'te! Kinikilabutan na ko dito. Kawawang mga bata," komento ni Gabby.
Nanatiling tahimik si Aya dahil iniisip nito kung bakit siya nginisian ni Rosario. Alam niyang siya ang nginisian nito at hindi si Gabby dahil sa kanya ito nakatingin ng diretso. Naglakad na lamang sila ng tahimik at umuwi na sa bahay nila Aya.
"Te, kawawa talaga yung tatlong bata dun. Sino kaya may gawa nun?" tanong ni Gabby kay Aya habang nag-aayos ito ng kanilang pinagkainan. Kakatapos lang kasi nila kumain ng tanghalian. Hindi naman kumibo si Aya na ang ibig ipahiwatig ay hindi niya din alam kung sino.
"Itutuloy pa ba natin yung event bukas? Natatakot kasi ako. Pa'no na lang kung tayo naman yung ganunin?" tanong ni Gabby na bakas ang sobrang pagkatakot.Tumingin naman si Aya ng diretso sa kanya.
"Itutuloy natin 'yun. Um-oo na tayo kay Darren, nakakahiya naman kung bigla nating bawiin. Saka yung mga nangyari sa mga bata sa bayan, kalimutan mo na lang 'yun. Kaya ka natatakot kasi lagi mong iniisip 'yun," sagot nito sa kaibigan. Wala namang nagawa si Gabby kaya tumango na lang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top