LLI: Diez
A/N:
Thank you @Yourlonglostsister sa poster gif na ginawa mo.
Dedicated naman sa'yo @KpopFanaticStories. Thank you sa pagsuporta nito, Perlas!
***
Ang itim na baraha
-------------------------
"Pulutin mo ang kutsilyo at saksakin mo ang sarili mo," wika ng isang nilalang at pinulot naman ito ng isang babae at saka sinaksak ang kanyang sarili. Inutusan ng nilalang na ito na saksakin ng paulit-ulit ang dibdib nito hanggang sa mawakwak ito. Hinang-hina at wala sa sariling sinunod ito ng babae. Halata rito na nasa ilalim ito ng kapangyarihan ng isang nilalang. Isang mahikang itim na puro mangkukulam lang ang nagtataglay.
Ang katahimikan ng gabi ay binalot ng isang mala-demonyong halakhak. Lumapit ang nilalang na ito sa babae na ngayo'y nakahandusay na sa semento at naliligo sa sarili nitong dugo at kitang kita mo ang wakwak nitong dibdib. Lumuhod ito at binulungan ang bangkay ng babae.
"Tatapusin ko ang larong sinimulan ko na lahat kayo'y sa impyerno mapupunta kasama ko. Naramdaman niyo ang langit sa lupa pwes, mararadaman niyo ang impyerno sa aking palad!"
"AYA! Wake up, Aya! My goodness," umalingawngaw naman ang boses ni Gabby. Napabangon ng wala sa oras si Aya habang sapo-sapo ang kanyang dibdib. Nagtatakang tumitig sa kanya si Gabby.
"Ba't pawis na pawis ka? Ang lamig-lamig kaya sa kwarto mo. Tapos umuungol ka pa kanina habang tulog ka. Ano 'yan, bangungot o wet dreams?" Hindi naman pinansin ni Aya ang pagbibiro ni Gabby sa kanya. Imbis na batukan niya ito e, nanatili siyang tulala habang hinihingal. Bigla siyang nakaramdam ng takot sa panaginip niya. Inaalala niya kung sino ang mga tao sa panaginip niya ngunit hindi niya makilala sapagkat blangko ang mukha ng mga ito.
Bigla naman siyang kinilabutan nang maalala ang huling katagang narinig niya sa panaginip niya. Ang binulong ng isang nilalang sa babaeng nasa ilalim sa kapangyarihan nito. Napaisip siya at natakot. Bigla naman siyang tinapik ni Gabby sa balikat kaya napabalik siya sa wisyo.
"Hoy, ano bang nangyayari sa'yo? Binangungot ka ba?" mataray na tanong sa kanya ng kaibigan ngunit may bahid na pag-alala. Napabaling ang tingin niya kay Gabby at tinitigan ito. Umiling siya bilang sagot.
"Ewan ko sa 'yo. Weird mo, 'te. Bumaba ka na lang para mag-almusal," wika ni Gabby saka siya iniwan. Napatingin siya bigla sa repleksyon niya sa salamin na nasa kanan niya. Napaisip ulit siya. Hindi niya masagot ang tanong ni Gabby kanina.
"Bangungot ba 'yun o pangitain?" Tanong na gumugulo sa kanyang utak.
Ang daming gumugulo ngayon sa kanya dahil sa natuklasan niya kahapon at dumagdag pa ang napaniginipan niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na kapatid ni Rosario si Chrismae at nagawang pumatay nito. Nalito siya. Bakit siya pa ang kinakailangan na makatuklas nito? Totoo ba ang sinabi sa kanya ni Rosario? Siya nga ba ang may dala ng sumpa o siya mismo ang isinumpa? Maraming tanong ang bumabagabag sa kanya at isang tao lang ang makakasagot no'n. Si Rosario. Ang puno't dulo ng kanyang pagkalito.
MALALIM ANG INIISIP ni Darren habang nakaupo sa kanyang swivel chair. Nandito siya ngayon sa lihim niyang silid at pinag-aaralan ang mga files ng kanyang suspects para sa kasong hawak niya. Ang kaso ng pagkamatay ng tatlong bata, ni Clarisse at ng iba pang konektado rito. Nasa ibabaw ng kanyang lamesa ang apat na folder. Kinuha niya ang isa at binasa ang pangalan.
"Clarisse Alegre," binuklat niya ang folder na ito at tinignan lang ang mga laman at kaagad ding sinara.
"Hindi ka naman talaga totoong suspect sa pagpatay. Inosente ka at pinalabas ko lang na maaari kang maging kriminal. Hindi ko akalaing tatama ang aking konklusyon," wika niya habang tinitignan ang files ni Clarisse. Matapos tignan, binato naman niya ito sa basurahan na malapit lamang sa kanya. Napabaling naman ang atensyon niya sa tatlong folder na nasa harapan niya.
Tatlo na lamang ang kanyang suspects ngunit nahihirapan pa rin siya lalo na sa kanyang nakita kahapon. Kinuha niya ang folder ni Chrismae at pinagmasdan ito. Naalala niya noong nag-imbestiga siya at laking gulat niya nang makita ang resulta nito dahil nakasama si Chrismae sa suspects. Hindi siya makapaniwala dahil kilala niya ang kanyang nobya. Hindi naman gano'n katibay ang ebidensya kay Chrismae kaya nakahinga siya noon ng maluwag. Ngunit nang maalala niya ang nakita niya kahapon bigla na lamang siyang nagdalawang isip.
"Bakit magkasama si Rosario at Chrismae?" iyan ang tanong na kahapon pa bumabagabag sa kanya. Nakita niya kahapon na masinsinang nag-uusap sila Rosaro at Chrismae. Nagtaka naman siya bigla. Hindi naman niya makaharap si Chrismae para tanungin ito dahil hindi pa rin sila magka-ayos. Isang tao lang ang pumasok sa kanyang isip para masagot ang tanong niya. Si Aya. Sapagkat nakita niya ring nandoon si Aya at hindi sinasadyang narinig ang usapan ng dalawa. Nakita niya ring mabilis na umiwas si Aya kay Chrismae nang makita siya nito kaya marahil na may narinig nga ito at iyon ang gustong malaman ni Darren.
Niligpit ni Darren ang folder ni Chrismae at Rosario. Tinago niya ito at iniwan niya ang huling folder. Ang files ng huli niyang suspect. Pinagmasdan niya ito at saka napaisip.
"Sino nga ba sa inyong tatlo?" nag-isip muna siya saglit at tinitigan lamang ang files ng huli niyang suspect. Ang suspect na hindi pa niya ibinubulgar sa publiko. "Sino ka nga ba?" tanong niya sa kanyang sarili ngunit hirap siyang hanapin ang kasagutan.
Naputol naman ang kanyang pag-iisip nang mag-ring ang kanyang telepono. Sinagot niya ito at bigla na lamang siyang nanigas sa kanyang kinauupuan.
"ANO!" bulalas niya.
***
Sirena ng ambulansya ang siyang gumising sa mga tao sa Sta. Evilia. Ang iba ay kinilabutan at natakot habang ang iba naman ay nagtatakang sinundan ng tingin ang ambulansyang papunta sa istasyon ng pulis. Marami ang naki-usosyo upang malaman kung ano ang mayroon doon ngunit kaagad namang rumesponde ang mga pulis upang pigilan ang mga taong lumapit dito.
Natigilan ang lahat nang makita at masilayan nila ang isang bangkay na inilabas mula rito. Nagtaka at kinilabutan ang mga ito. Nakadama rin ng takot ang ilan dahil mayroon na namang namatay sa kanilang bayan. Biglang nahawi ang daan dahil sa lalaking kanina pa sumisiksik upang masilayan ang bangkay. Tinignan niya ang mga pulis at pinaraan naman siya ng mga ito nang makilala siya.
Dahan dahang lumapit ang lalaki sa bangkay. Nakabalot ito ng puting tela. Hinawakan niya ang telang ito at unti-unting tinanggal. Napapikit siya nang masilayan ang mukha ng bangkay.
"K-ken," nanginginig niyang sambit. Dama mo sa kanyang boses ang kalungkutan at gulat ng pagkamatay ng kanyang kaibigan. Uminit ang kanyang mukha at bigla na lamang siyang napahinga ng malalim. Hindi niya matanggap ang nangyari rito. Pumikit siya at inisip na panaginip lang ang lahat ngunit sa pagdilat niya, ang reyalidad ang bumungad sa kanya. Patay na ang isa sa matalik niyang kaibigan.
"K-kiko... K-ken," wika ni Darren nang makarating siya. Nanlaki ang kanyang mata sa kanyang nasilayan. Totoo nga ang itinawag sa kanya kanina sa telepono ng kanyang ka-trabaho. Hindi siya makapaniwala na mangyayari ito. Hindi niya rin matanggap na hahantong sa ganito ang lahat.
Nilapitan niya si Kiko na ngayo'y nakatitig sa bangkay ni Ken. "D-darren, sino may gawa sa kanya nito? Resbakan na natin oh! Tropa tayo 'di ba?" pabirong wika ni Kiko ngunit halata mong malungkot ang boses nito.
"Hindi ako titigil hangga't hindi ko nalalaman kung sino ang pumatay sa kanya – sa kanila," nakayukom ang kamao'ng wika ni Darren habang nakatitig sa bangkay ni Ken.
***
"Nay, si D-darren po?" tanong ni Chrismae kay Aling Nena.
"Hay, hindi pa rin ba kayo nagkaka-ayos? Ano bang naging problema niyo?" nagtatakang tanong ni Aling Nena rito. Hindi alam ni Aling Nena na isa si Chrismae sa suspect ni Darren kahit na ang mga tao sa Sta. Evilia at mga ka-trabaho ni Darren. Tanging sila nila Kiko at ng mga suspect ang nakakaalam.
Napayuko naman si Chrismae at hindi nakasagot. Natatakot siyang sabihin kay Aling Nena ang dahilan ng hindi nila pakikibuan ni Darren. Natatakot siyang pati ito ay husgahan siya gaya ng paghusga sa kanya ni Darren nang gawin siya nitong suspect. Napahinga naman ng malalim si Aling Nena na parang sumuko nang malaman ang dahilan. Tinignan niya si Chrismae saka nagsalita.
"Tinawagan siya ng isa sa ka-trabaho. May nangyari raw kasing hindi maganda," sagot nito.
"Ano raw pong nangyari?"
"Pinatay daw si Ken," malungkot na wika ng matanda. Napatigil naman si Chrismae at napatitig kay Aling Nena. Nagulat siya sa kanyang narinig. Paano nangyari iyon? Nasa kulungan na nga, pinatay pa? Naging isang palaisipan ito para kay Chrismae. Isang tao lang ang naiisip niya ngayon ngunit nalilito pa rin siya sa mga nangyayari.
***
Wala sa sariling naglalakad si Aya. Halata sa mukha nito ang pagkalito sa mga nangyayari. Nalaman kasi niya mula kay Gabby na usap-usapan sa bayan ang pagkamatay ni Ken. Nagtataka siya sapagkat parang paikot-ikot lang ang lahat. Lahat kasi ng namamatay ay konektado sa isa't isa. Hindi niya alam kung bakit niya ito pinoproblema. Ang alam niya lang ay sa pag-apak niya ng kanyang mga paa sa Sta. Evillia, parang nagbago na ang lahat.
Sa sobrang pagkalutang ni Aya, hindi na niya alam na dinala na pala siya sa simbahan. Papasok pa lang sana siya sa loob nito ngunit may biglang tumawag sa kanya.
"Aya," tawag nito. Nilingon niya ito at bigla na lamang siyang nakaramdan ng kaba nang masilayan niya kung sino ito. Nais niya sana itong iwasan ngunit bigla siya nitong hinawakan sa kanyang braso upang pigilan.
"Aya... Darren... Anong meron?" nakakunot noong tanong ni Kiko habang pinagmamasdan niya ang kanyang kaibigan na mahigpit ang hawak sa braso ni Aya. Hindi naman siya pinansin ni Darren at tinitigan lang ng diretso si Aya sa mga mata nito kaya lalo itong napakunot ng noo.
"Anong koneksyon ni Rosario kay Chrismae?" seryosong tanong ni Darren. Mas lalo namang kinabahan si Aya at hindi na makatingin ng diretso kay Darren. Mas lalo namang napakunot noo si Kiko at naguluhan sa tanong ni Darren kay Aya. Hindi siya makapagsalita dahil parang may pumipigil sa kanya.
"Aya.. alam kong nando'n ka. Anong meron sa kanila?" tanong ulit ni Darren na may seryosong mukha pa rin ngunit halata sa mata nito ang pagmamakaawa at sabik na malaman ang kasagutan sa kanyang tanong. Napapikit ng mariin si Aya ng ilang segundo at lakas loob na sinalubong ang mata ni Darren.
"Wala akong alam. Wala akong narinig. Tigilan mo na ako dahil wala kang mapapala sa akin," walang emosyong sagot niya. Lalo namang hinigpitan ni Darren ang pagkakahawak niya kay Aya.
"H'wag mo nga akong gawing tanga!" sigaw ni Darren nang hindi na niya kayang pigilan ang kanyang galit. Si Aya lang ang makakasagot sa tanong niya. Siya lang ang makakalinaw ng lahat. Matagal na niyang napapansin ang pagiging misteryoso ng kanyang nobya kaya nais niya itong malaman. Baka ito pa ang makasagot sa krimeng nagaganap sa bayan nila.
Nataranta naman si Kiko sa pagsigaw ni Darren sapagkat nasa harap sila ng simbahan. Mabuti na lamang at walang tao rito kaya pinigilan na niya kaagad ang kanyang kaibigan.
"Ano ka ba, Darren. Babae 'yan! Si Aya 'yan! Tumigil ka nga. Nasa harap tayo ng simbahan. Ang init naman niyang ulo mo. Magpalamig ka muna," wika niya saka dahan-dahang tinanggal ang kamay nitong nakahawak sa braso ni Aya. Ngunit padabog naman itong binitawan ni Darren saka umalis. Tinawag pa ito ni Kiko ngunit hindi ito lumingon.
"Aya..." tawag niya rito ngunit yumuko lamang ito. Inangat niya ang mukha nito at tinitigan sa mukha. Namumula na ang mukha nito at malapit nang tumulo ang luha nito.
"Aya," bulalas niya nang bigla na lamang siyang yakapin ni Aya saka umiyak sa dibdib niya.
"B-bakit ako? Bakit ako pa ang kailangan m-makakita at makaalam ng l-lahat? Ano bang ginawa ko?" sigaw ni Aya habang umiiyak. Nagtataka si Kiko sa mga tanong ni Aya. Nalilito siya kung ano ba talagang problema nito ngunit hindi na niya ito pinansin at pinatahan na lamang ito.
"Aya... kung ano man iyon, alam kong wala kang kasalanan. Please... tumahan ka na. Ayokong nakikita kang umiiyak. Nandito lang naman ako e," pagpapagaan ni Kiko sa loob nito habang hinihimas ang ulo nito. Hindi naman sumagot si Aya at lalo pang itinago ang kanyang mukha sa dibdib ni Kiko. Umiyak lamang siya sa dibdib nito. Hindi na napigilan ni Kiko kaya inangat na niya ang mukha niyo. Pinunasan niya ang luhang lumalabas sa mata nito bago magsalita.
"Tahan na, Aya. Kung anuman 'yun, wala kang ginawang masama. Kung nahihirapan ka, nandito lang ako ah. Kahit hindi mo na sabihin sa akin kung ano 'yun, nandito lang ako," wika ni Kiko habang tinitigan sa mata si Aya. Tumahan naman si Aya at dahan-dahang inilapit ang mukha nito kay Kiko. Inilapit din ni Kiko kay mukha niya hanggang sa maglapat ang kanilang mga labi. Ilang segundo lang naglapat ang kanilang labi at naghiwalay rin. Parehas silang gulat sa mga nangyari ngunit sa kabila nito ay nakaramdam sila ng tuwa.
Bigla siyang niyakap ni Kiko at niyakap niya rin ito pabalik. Hindi niya alam kung bakit. Ang alam lang niya ay ligtas siya sa mga kamay ni Kiko. Hindi siya nakakaramdam ng takot sa mga mangyayari. Kaya nagdesisyon na siya. Alam niyang hindi ito ang tamang panahon sapagkat maraming krimen ang nagaganap ngunit ito ang sinasabi ng kanyang puso kaya gagawin niya bago pa mahuli ang lahat. Nakapagdesisyon na siya. Aamin na siya at gagawin na muna niya ang gusto niya bago ang mga bagay na hindi niya alam kung bakit siya ang kinakailangang makaalam.
"Kiko... mahal kita," bulong niya sa tainga nito. Bakas ang tuwa sa kanyang boses. Nailabas na rin niya sa wakas ang kanyang nais. Gulat na humiwalay si Kiko kay Aya at tinitigan ito sa mata. Ang kaninang umiiyak ay bigla na lamang ngumiti sa harap ni Kiko kaya napangiti rin ang binata ng napakalawak.
"Mahal na mahal din kita, Aya!" Saka niya ito hinalikan ulit sa labi.
***
"HAHAHA," isang halakhak na parang demonyo ang siyang pumalibot sa isang bahay na yari sa kahoy.
"Hay.. nakakatawa talaga. Akalain mong ang pinakamamahal kong dating kasintahan ang mamatay?" natatawang wika ulit nito.
"Buti nga sa'yo, Ken! Hahaha," halakhak niya ulit ngunit may bahid na galit ang tono ng kanyang pananalita. Lumapit ito sa isang cabinet at may kinuhang itim na kahon.
"Hay, Rosario. Ano na namang gagawin mo sa kahon na 'yan? Hahaha," parang baliw na tanong niya sa kanyang sarili. Umupo siya at binuksan ang kahon.
"Inaalala mo na naman ang lola mo? Baliw ka talaga, Rosario!" natatawang wika niya sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang laman ng kahon. Kinuha niya ang laman nito. Mga baraha pala ang laman ng kahong iyon. Mga itim na baraha. Kumuha siya ng anim na baraha at isa-isa niya itong inilapag ng nakataob sa lamesa. Hindi mawala ang malademonyong ngisi sa kanyang mga labi.
Dahan-dahan niya itong binuklat. Lalo siyang natuwa sa kanyang nababasa. Tuwang-tuwa talaga siyang paglaruan ang itim na baraha ng kanyang yumaong lola.
"Nakakatuwa naman! Ikaw na pala ang susunod. Salamat sa itim na baraha. Ang baraha ng kamatayan," natutuwang wika niya matapos mabuklat lahat ng barahang itinaob niya. Hindi mawala ang nakakalokong ngiti sa kanyang labi. Ngunit nawala ito nang may bigla siyang maalala.
"Kung narito lang sana ang itim na aklat ni lola. Kung hindi lang sana niya kinuha baka mabago pa ang malagim na mangyayari sa hinaharap," nagpipigil ng galit niyang wika.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top