LLI: Diecisiete

Ang anghel at ang demonyo

-------------------------

Hindi maalis ang pagtataka ni Aya sa kinilos ni Kiko nang sampalin niya ito upang magising kanina. Ungol ito nang ungol habang ang dalawang palad ay nakatakip sa tainga nito. Kaya sa sobrang taranta niya'y nasampal niya ito upang magising sa kung anumang masamang panaginip. Tinanong niya ito kung ano ang napaniginipan nito dahil sa sobrang pag-alala ngunit ang tanging sinagot lang sa kanya nito ay wala sapagkat nakalimutan na raw nito ang kanyang napaniginipan.

"Ayos lang ba sa'yong mag-isa ka rito?" nag-aalalang tanong ni Kiko kay Aya. Ngumiti naman si Aya rito at saka tumango.

"'Wag ka nang mag-alala. Okay na ako," paninigurado ni Aya sa kanya. Lumapit si Kiko sa kanya at saka siya niyakap at hinalikan sa noo.

"Tawagan mo na lang ako kapag may nangyaring hindi maganda, okay?" Tumango naman si Aya habang nakangiti at saka niya hinatid si Kiko palabas ng pinto.

Dumiretso si Kiko sa bahay nila Aling Nena. Binati siya ng ginang at nginitian naman niya ito. Nagpaalam siyang nais niyang silipin ang dating kwarto ni Chrismae at pumayag naman ito. Nagpatuloy ang ginang sa kanyang ginagawa habang pumunta naman si Kiko sa kwarto ng dalaga.

Huminto saglit si Aling Nena nang madaanan ng mga mata niya ang isang frame. Ang litrato ni Chrismae at Darren. Bumalik ang lahat ng alaala at pangungulila. Para sa kanya'y dalawang anak na niya ang nawala at hindi lamang isa. Hindi niya akalaing mabilis na babawiin sa kanya ang matagal na niyang hiling na magkaroon ng babaeng anak. Napangiti na lamang siya ng malungkot at saka pinunasan ang frame sabay pahid ng tumutulo niyang luha.

"N-nay... anong ibig sabihin ng litratong ito." Bigla namang napalingon si Aling Nena sa kanyang likuran. Bakas ang pagtataka sa kanyang mga mata ng tignan niya si Kiko ngunit nawala ang pagtatakang ito nang makita niya ang litratong hawak nito.

"M-magkapatid si Chrismae at R-rosario?" hindi makapaniwalang wika ni Kiko. Dahan-dahan namang tumango si Aling Nena. Oo, alam ni Aling Nena ang nakaraan ni Chrismae. Ito ang dahilan kung bakit mabait si Aling Nena kay Rosario, dahil na-ikwento na ito ni Chrismae.

"P-paano?" Lumapit si Aling Nena kay Kiko at saka ikinwento ang nakaraan ni Chrismae. Kung bakit ito napadpad sa kanilang puder at kung bakit hindi kilala rito noon si Chrismae. Hindi makapaniwala ang binata. Hindi niya inaasahang magkapatid ito. Hindi maalis ang kanyang mata sa litrato ni Chrismae at Rosario noong mga bata pa ito at saka niya ulit binasa ang likod nito.

"Ang kauna-unahang litrato namin ng pinakamamahal kong kapatid na si Rosario."

"N-nalaman ba 'to ni Darren noon?" tanong ni Kiko. Umiling naman ang ginang.

"Hindi ko alam ngunit may kutob akong ito ang dahilan ng kanilang pag-aaway," sagot nito. Tinitigan lang naman ni Kiko ang mukha ng matanda. Sinuri niya ang mukha nito na parang hindi ito kilala.

"Nay, bakit parang ang dami niyong alam sa nakaraan nila?" Tanong na nakapagpatigil kay Aling Nena. Hindi siya nakasagot at napatitig lang sa binata.

***

Tahimik lamang nakaupo si Kiko habang hinihintay ang in-order niyang lugaw sa lugawan na madalas nilang kainan ni Darren. Gusto niya munang magpahinga ng ilang sandali dahil ang daming gumugulo sa kanyang isipan.

Hindi pa rin maalis sa kanyang isipan si Aling Nena nang tanungin niya ito. Hindi siya nito sinagot at umiwas sa kanya. Nagdahilan pa itong marami itong gagawin kaya pinabayaan na lang niya ang ginang dahil nararamdaman niyang hindi siya sasagutin nito kahit na anong pilit niya.

Nagulat na lamang siya nang may biglang umupo sa kanyang harapan. Napamulagat siya nang makilala kung sino ito. Isang dalagang may misteryosong ngiti sa labi. Nakasuot ng itim na bestida na madalas naman nitong suot. Tinignan niya ito ng matalim at hindi ininda ang pangingilabot na naramdaman sa t'wing masisilayan niya ang mga ngisi nitong puno ng malalagim na balak.

"Anong kailangan mo?" madiin niyang tanong rito. Imbis na sagutin siya nito, ngumisi pa ito ng mas malawak.

"Nadiskubre mo na pa lang kapatid ko ang walang 'yang si Chrismae?" nakangising tanong ni Rosario. Nawala ang matatalim na tingin niya rito na napalitan ng pagkagulat ang mga mata nito.

"P-paano mo nalaman?" Ngumisi lang naman si Rosario nang marinig niya ang tanong iyon. Napatawa pa ito ng mahina na siyang ikinatingin ng mga tao sa kanya. Isa-isa niya itong tinapunan ng matatalim na tingin. Maraming natakot ang iba nama'y nagbulungan.

"Lahat alam ko, Kiko. Hindi pa man nangyayari ang lahat, alam ko na. Pati ang nangyari sa nakaraan, alam ko," makahulugang wika nito.

"Ano ba talaga ang sadya mo?" tanong ni Kiko dahil kanina pa siya naguguluhan. Ito na naman ang ngisi ni Rosario na siyang nakakapang-bwisit kay Kiko.

"Nag-iimbestiga ka, hindi ba? Ikaw ang nagpatuloy ng naiwan ni Darren," nakangising wika ni Rosario. Hindi naman sumagot si Kiko dahil kahit na alam niyang alam na ni Rosario simula't sapul ang bawat hakbang niya e, nagugulat pa rin siya.

"Isa si Chrismae sa suspect ni Darren noon. Kaming tatlo nila Clarisse ang naging suspect niya, hindi ba?" Hindi ulit sumagot si Kiko. May kung anong pumipigil sa kanyang magsalita at hayaang ipagpatuloy ni Rosario ang nais nitong ipahayag.

"Matagal nang may galit noon si Ken kay Clarisse dahil ikaw ang pinili ng babaeng 'yon. Iniwan ako ni Ken para sa babaeng 'yon tapos hindi pala niya makukuha ang gusto niya. Paano kung si Ken pala ang pumatay kay Clarisse? Malaki naman ang galit ko kay Ken dahil sa pag-iwan niya sa akin. Siya na lang ang taong pinagkakatiwalaan ko noon pero iniwan niya ako. Paano kung ako talaga ang pumatay kay Ken?" Mas lalong naguluhan si Kiko. Hindi niya makuha ang gustong ipahayag ni Rosario. Ano bang nais nitong palabasin?

"Anong ibig mong sabihin? Na hindi lang iisa ang pumapatay at sila-sila rin ang pumapatay?" naguguluhang tanong ni Kiko. Tumawa naman ng mahina si Rosario.

"Wala akong sinabi. Paano lang. Haha!" Tumalim naman ang tingin ni Kiko sa dalagang kaharap niya. Naiirita na siya rito. Hindi niya malaman kung seryoso ba ito o hindi.

"Pwede bang umalis ka na kung wala kang sasabihing matino," bakas ang inis sa bawat salitang winika ni Kiko kay Rosario. Sumeryoso naman ang mukha ni Rosario.

"Alam mo bang mangkukulam din si Chrismae?" Ang seryosong mukha ni Rosario ay napalitan ng tawa nang sabihin niya ang mga ito. "Malamang. Magkadugo kami. Iisa ng ina't ama. Iisa ng lahi. Parehong may itim na mahika. Parehong mangkukulam. Alam kong alam mo na ang kwento kung bakit nasa puder nila Aling Nena ang magaling kong kapatid, hindi ba? Pwes, kung sa inaakala mong isa siyang mabait na nilalang, nagkakamali ka."

Mas lalo namang naguluhan si Kiko. Bakit parang hindi niya maintindihan ang lahat. Pakiramdam niya'y isang malaking kasinungalingan ang lahat na nalalaman niya. Parang walang totoo sa lahat ng alam niya.

"Si Chrismae ang pumatay sa mga naging nobya ni Darren. Marami siyang pinatay at karamihan doon ay ang mga babaeng nagkakagusto kay Darren. At hindi ba't ako ang sinisi niyo noon? Tinanggap ko ang lahat ng pangungutya at pagbibintang dahil natutuwa akong ipagsigawan na isa akong mamatay tao. Natutuwa akong maraming natatakot sa akin. Hahaha! Nagulat ka ba? Ang inaakala mong anghel ay isa rin pa lang demonyo? Malamang! Kadugo ko yata 'yan."

Nanigas si Kiko sa kanyang kinauupuan matapos marinig ang kwento ni Rosario. Hindi niya alam kung paniniwalaan niya ba ito o hindi. Hindi na niya alam kung ano ang totoo sa kasinungalingan.

"A-ano namang gusto mong palabasin ngayon? Na si Chrismae ang pumatay sa kanila?" takang tanong ni Kiko. Hindi na niya alam ang kanyang sasabihin kaya ito na lamang ang kanyang naitanong. Naba-blangko na siya. Gulong-gulo na.

"Hindi. Gusto ko lang i-share. H'wag kang magmatapang, Kiko. Dahil alam kong hindi mo kinakaya ang bawat katotohanang sinasabi ko sa'yo ngayon."

"Umalis ka na," tanging nasabi ni Kiko. Ayaw na niyang marinig pa ang gustong sabihin ni Rosario. Lalo siyang naguguluhan. Hindi na niya alam kung ano ang ipinagkaiba ng katotohanan sa kasinungalingan. Paulit-ulit na ito sa utak niya at hirap na hirap na siyang intindihin.

"Ako, si Chrismae at Clarisse, ang suspect ni Darren. Mukhang may nakalimutan ka, Kiko," makahulugang wika ni Rosario.

"Anong nakalimutan?"

"Sino ang pang-apat?" makahulugang tanong ni Rosario at saka tumayo. Natigilan si Kiko at biglang nagbalik ang kanyang alaala noong sinabi sa kanya ni Darren kung sino-sino ang suspect nito. Naalala niya, ang pang-apat. Ang pang-apat na suspect na pilit tinago ni Darren sa kanya. Iyon nga. Iyon ang kailangan niyang tuklasin. Tinawag niya si Rosario na ngayo'y papaalis na. Hindi ito lumingon at huminto lamang.

"Si Chrismae ay isang demonyong nagbabalat-kayo bilang anghel. Isa siya sa mga halimbawa na hindi lahat ng anghel, ay anghel. Ang anghel ay maaari ring maging demonyo at ang demonyo ay maaari ring maging anghel. Walang permanente sa mundo. Lahat nagbabago. Lahat ay may itinatagong kasamaan. Ang payo ko lang sa'yo, h'wag kang magtiwala. H'wag kang magtiwala sa kahit na sino... kahit na sa sarili mo," seryosong pahayag ni Rosario habang nakatalikod. Nagulat si Kiko sa sinabi nito. Hindi niya maintindihan ang winika nito. Tatawagin pa sana niya si Rosario ngunit nagulat na lang siyang wala na ito.

Napapikit na lang si Kiko at napahilamos sa kanyang mukha. Sari-saring tanong ang kanina pa gumugulo sa kanya. Tumayo na lang siya at kinuha ang kanina niya pang in-order na lugaw. Alam niyang natatakot ang mga tao roon na ibigay sa table niya ang order niya sapagkat naroon si Rosario. Pagkakuha niya ay binayaran niya ito at agad na lumabas.

"K-kiko?" gulat naman siyang napatingin sa nilalang na tumawag sa kanya. Agad naman siyang lumapit dito.

"Oh, anong ginagawa mo rito, Aya?" tanong niya rito. Ngumiti naman sa kanya ang dalaga. Biglang nawala ang sakit ng ulo ni Kiko sa pag-iisip ng mga tanong na kanina pa gumugulo sa kanya nang masilayan niya ang ngiti nito. Biglang umaliwalas ang namomoblema niyang mukha kanina.

"Naghanap lang ang ako meryenda at balak kong bumili ng lugaw dito," sagot nito.

"H'wag ka na bumili. Bumili na ako at para sa atin 'tong dalawa. Tara, uwi na tayo pero daan muna tayo sa shop. Kakamustahin ko lang," aya niya sa dalaga at saka sila nagtungo sa shop ni Kiko. Ang ama niya ang kasalukuyang humahawak sa Electronics shop niya at ang ilan niyang empleyado.

Maayos naman ang lagay ng shop ni Kiko kaya kinamusta na lang ng mga tao roon si Aya. Hindi naman kasi palalabas si Aya dahil sa sobrang dami ng krimeng nangyayari. Ilang minute lang ang lumipas ay umalis na sila at naglakad pauwi sa bahay nila Aya.

"Kiko? Ikaw nga!" nagulat naman silang dalawa nang may biglang sumulpot sa harapan nila. Tinignan naman ni Kiko kung sino ito.

"Ron?" nanlalaki ang mga matang wika ni Kiko. Ngumiti naman ng malawak ang lalaking kaharap niya.

"Kailan ka pa dumating? Saka, ba't nandito ka?"

"Kararating ko lang. Bakit? Masama na bang dumalaw sa bayan kong sinilangan?" wika nito. Nakatanggap naman ito ng kutos kay Kiko.

"Joke lang, p're! Tange. Hindi mo ba nabalitaan? May reunion tayo. Sa school daw gaganapin. Halos lahat pupunta at uuwi rin sila Jelo. Ikaw 'tong nandito hindi mo alam tapos kami pang nasa Maynila ang may alam? Palibhasa mukhang may pinagkakaabalahan ka e," makahulugang wika nito habang nakatingin sa direksyon ni Aya.

"Siraulo! Ay, p're, hindi mo na ba siya natatandaan? Si Aya, dati nating kaklase," humarap naman siya kay Aya. "Aya, si Ron, isa sa katropa ko noong high school. Natatandaan mo pa ba siya?" Napabaling si Kiko sa kaibigan niyang biglang nanahimik.

"S-si Aya 'yan? Wow! Ang ganda niya pa rin," manghang wika nito. Bigla namang humarang si Kiko kay Ron na lalapit sana kay Aya.

"Ipapaalala ko lang na kasal ka na at may anak na isang taong gulang na," wika ni Kiko rito kaya bigla itong natawa.

"Ang possessive mo naman! Hindi lang naman ako makapaniwala. Ang ganda pa rin talaga niya. Pero kahit na anong ganda pa ni Aya, hindi ko pagpapalit ang asawako at ang unico hijo ko. 'Wag kang mag-alala, ligtas siya," paninigurado nito. Natawa naman si Aya.

"Mabuti nang malinaw," sambit ni Kiko.

"Sige, kita na lang tayo sa reunion ha. Sama ka, Aya ha. Nag-aral ka rin naman sa school namin kahit na dalawang taon lang e," wika ni Ron at saka umalis. Tumango na lang si Aya.

"Tara na," aya sa kanya ni Kiko at saka sila nagsimulang maglakad.

***

Malalim na ang gabi ngunit nakahiga lamang si Kiko sa isang kama at dilat na dilat pa ang mga mata. Hindi siya makatulog. Nang masilayan niya si Aya, nawala ang lahat ng gumugulo sa kanya ngunit ngayong nag-iisa na lang siya, mabilis pa sa alas kwatrong nagbalik ang mga tanong na nag-uunahang guluhin ang utak niya.

Naalala niya ang mga winika ni Rosario sa kanya. Ang pang-apat. Gusto niyang tuklasin ang pang-apat na suspect ni Darren. Nararamdaman niyang masasagot nito ang ibang katanungang bumabagabag sa kanya. Bigla siyang napabangon nang may biglang bumalik sa kanyang alaala. Napamura siya ng malutong dahil ngayon lang niya ito naalala. Masyadong napabaling ang kanyang atensyon sa panggugulo ni Rosario sa kanyang utak at hindi na niya naalala ito.

Biglang nag-ring ang telepono ni Kiko kaya agad niya itong kinuha sa kanyang bulsa. Laking gulat niya nang makita kung sino ang nilalang na tumatawag sa kanya.

"Darren?!" bulalas niya.

"Nasaan ka? Sa'n lupalop ka nagpunta? Nag-aalala na kami ni nanay Nena sa'yo." Bakas ang pag-aalala sa boses nito.

"Hindi ko alam kung nasaan ako, Kiko. Madalim -- sobrang dilim! Hindi ko na alam kung paano pa ako nakatawag ngunit nanghihina na ako. Hindi ko alam kung sinong dumakip sa akin," wika nito mula sa kabilang linya.

"Ano! Hahanapin kita, Darren!"

"Anuman ang mangyari, hanapin mo ang opisina ko. 'Yun lang ang hiling ko, Kiko. Ang hidden office ko ay nasa – " Hindi na nito natuloy sapagkat biglang naputol ang linya.

"Darren? Darren? Darren!"

Iyon na ang huling pag-uusap ni Kiko at Darren sapagkat kinabukasan noo'y bangkay na nito ang bumungad sa kanya. Hindi siya makapaniwala. Bakit iyon pa ang nakalimutan niya? Ngunit laking pasasalamat niya nang maalala niya ito. Ngunit bigla siyang kinabahan. Katotohanan na naman ang kanyang kahaharapin at panibagong tanong na gugulo sa kanyang utak.




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top