LLI: Dieciséis
Ang mga pangitain
-------------------------
Isang babae ang natanaw ni Aya mula sa 'di kalayuan. Tumakbo ito sa kakahuyan at sinundan naman niya ito. Nagtataka siya sa sarili niyang paa kung bakit kusa itong gumagalaw. Parang may ibang taong kumokontrol sa kanya.
Nakaramdam na siya ng takot nang biglang pumatak ang dilim at takbo pa rin siya ng takbo sa kakahuyan. Hindi niya alam kung bakit kanina niya pa hinahabol ang babaeng kanyang natanaw. Pilit niyang pinipigilan ang sariling huminto na ngunit hindi niya magawa.
Mayamaya'y bigla siyang huminto sa tapat ng isang malaking butas. Para itong bitag para sa mga hayop. Bigla siyang nakarinig ng isang matinis na sigaw mula sa butas na iyon. Nanginginig niyang tinanaw ang butas at wala man lang siyang nakitang nilalang ngunit may naririnig pa rin siyang sigaw. Isang sigaw na parang nasasaktan at isang sigaw na parang tuwang-tuwa.
Napaatras siya nang biglang sumiklab ang malaking apoy sa butas na iyon. Nagulat siya nang may nakita siyang bulto ng dalawang nilalang sa loob. Humihingi ng tulong ang isa habang ang isa'y tumatawa ng parang demonyo. Bigla siyang kinilabutan at lalong napaatras. Gusto niyang tumakbo ngunit parang napako ang kanyang paa at hindi na siya makakilos.
Sumigaw siya ngunit walang tunog. Sumigaw ulit siya ngunit wala pa rin. Halos magwala na siya ngunit wala pa ring nangyayari. Nasilayan niya kung paano lamunin ng apoy ang dalawang nilalang. Ang dalawang nilalang na hindi niya mapagtanto kung sino. Biglang naglaho ng parang bula ang dalawang nilalang dahil nilamon na ito ng apoy.
Nagulat si Aya nang biglang kusang lumakad ang kanyang paa palapit sa butas na may apoy. Pilit niyang pinipigilan ang sarili at naluha na sa sobrang pagpipigil. Sumigaw siya ngunit wala na namang tunog na lumabas. Napamulagat siya nang mapansin niyang palapit sa kanya ang apoy na para bang hinihila siya palapit dito. Napapikit siya ng mariin at saka nagwala. Sumigaw nang sumigaw kahit na walang lumalabas na boses sa kanyang bibig.
Pumikit siya ng mariin nang mapagtantong malapit na siyang mahulog sa butas. Naduduwag siyang makita kung paano masunog ang buo niyang katawan at lamunin ng apoy. Natatakot siyang masilayan ang malagim na mangyayari sa kanya ngayon. Sumigaw ulit siya at halos lumabas na ang kanyang litid sa kanyang pagsigaw.
"Aya! Aya! Gumising ka!" Bigla siyang napadilat. Bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Kiko. Pumikit ulit siya at saka dumilat. Ilang beses niya itong ginawa upang malaman kung tunay ba ang lahat ng nangyari. Bigla siyang tinampal ng mahina ni Kiko sa pisngi at doon siya mas nagising.
Isang panaginip. Isang masamang panaginip. Isang pangitain lang ang lahat ngunit ipinagtaka niya kung ano ang mensahe nito. Tinitigan niya ang mukha ni Kiko at saka ito niyakap dahil sa sobrang kaba at takot. Hindi niya alam na may luha na sa kanyang mga mata at agad niya itong pinunasan bago bumitaw sa yakap.
"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Kiko sa kanya. Tumungo lang naman si Aya at inalala ang kanyang panaginip.
"Isang pangitain. Natatakot ako, Kiko." Bakas ang takot sa mata ni Aya at nagbabadya na ring tumulo ang kanyang mga luha. Agad naman itong pinunasan ni Kiko at hinalikan siya sa labi.
"Nandito lang ako," wika ni Kiko at saka nito niyakap si Aya.
Bumitaw si Aya sa pagkakayakap nito at saka bumangon sa kanyang higaan. Sabay silang bumaba ni Kiko at kumain ng tanghalian. Pasado alas dose na rin pala ng tanghali kaya ang agahan ni Aya ay naging tanghalian. Tahimik lamang silang kumakain habang si Kiko ay pinakikiramdaman ang kasintahan. Bakas pa rin kasi ang takot sa mga mata ng kanyang nobya. Hinawakan niya ang kamay nito kaya napahinto ito sa pagkain at tinitigan siya nito na may halong pagtataka.
"Nandito lang ako at hinding-hindi kita iiwan. Kapag nalutas na ang lahat ng problema, magpakasal na tayo, Aya. Pakasalan mo ako, Aya," seryosong wika ni Kiko. Natigilan naman si Aya at napatitig lang sa kanyang nobyo. Unti-unting tumulo ang kanyang luha at napangiti.
"Oo, Kiko. Salamat. Maraming salamat," nakangiting sagot ni Aya habang tumutulo ang kanyang luha. Sa sobrang tuwa ni Kiko, napatayo siya at niyakap ang kanyang nobya at saka hinalik-halikan. Labis ang kanilang kasiyahan ngunit hindi pa rin lingid sa kanilang kaalaman na wala pa silang karapatang mag-saya. Nag-uumpisa pa lang ang lahat kaya hindi pa dapat mag-saya.
***
"Ano?" gulat na tanong ni Aling Nena kay Kiko. Tumingin lang naman sa kanya ng seryoso ang binata.
"Oo, nay. Kung hindi kaya ng mga pulis, ako mismo ang tutuloy sa pag-iimbestiga ni Darren," seryoso niyang tugon.
"Nahihibang ka na bang bata ka? Hindi mo alam ang pinapasok mo! Masyado itong delikado at hindi mo alam kung sino at ano ang kakalabanin mo. Higit sa lahat, hindi mo ito trabaho," sermon sa kanya ni Aling Nena. Tunay naman ito. Walang alam si Kiko at tanging si Darren lang ang nakakaalam. Mahihirapan pa ito sapagkat mag-uumpisa pa ito sa simula hindi gaya ni Darren na malapit na sa kasukdulan. Ngunit determinado siyang lutasin ang problemang ito. Para sa mga yumao niyang kaibigan at para sa kaligayahan nilang dalawa ni Aya.
"Gusto ko nang masolusyunan ang lahat, nay. Wala nang makapipigil pa sa akin." Bakas ang determinasyon sa boses ni Kiko sa huli niyang binanggit bago iwan si Aling Nena.
***
Tahimik na naglalakad si Kiko patungo sa libingan ni Darren. Hindi niya alam kung paano uumpisahan ang lahat. Nahirapan siya. Hindi niya alam na sobrang hirap pala ng pinasok niya. Pero para kay Aya, gagawin niya ito.
"Pre, ba't kasi nauna ka? Akala ko ba sabay tayo? Tingnan mo 'to, iniwan mo pa sa akin 'yung trabaho mo. Kung sana sinabi mo sa akin noon lahat ng detalye edi sana hindi na ako nahirapan. Napakadaya mo naman kasi e!" wika ni Kiko habang nakatingin sa lapida ni Darren. Dinadaan niya lang ang lahat sa biro ngunit ang totoo, gusto na niyang umiyak.
Si Darren ang tumayong kuya ni Kiko dahil mas matanda ito sa kanya ng ilang taon at dahil na rin nag-iisang anak lang siya at sabik siyang magkaroon ng kapatid. Si Darren din ang naging matalik niyang kaibigan sa barkada nila ni Ken dahil ito ang madalas niyang kasama at dahil na rin pumunta ng Maynila si Ken.
Hanggang ngayon, hindi pa rin mawaglit sa kanyang isipan ang kinahinatnan ng kanyang kaibigan. Kung ang inaakala ng iba'y ayos na siya dahil sa ipinapakita nito pwes, nagkakamali sila. Hindi alam ng mga tao kung ilang beses pinigilan ni Kiko ang umiyak dahil kailangan niyang maging matatag. Matatag para kila Aling Nena at Aya. Siya na lang ang natitira sa kanila kaya kailangan niyang kayanin ito.
"Gabayan mo sana ako, Darren. Gabayan mo ako sa bawat hakbang na gagawin ko. Samahan mo akong tuklasin at lutasin ang kasong hindi mo natapos. Pangako, ako ang tatapos ng sinimulan mo. Ang totoong kaibigan ay hindi nag-iiwanan kahit na wala ka na, hindi pa rin kita iiwan pati si Nanay Nena," seryosong wika ni Kiko at saka tumayo at pinagpagan ang kanyang pantalon.
Kung dati'y tahimik siya at walang ginagawa at palagi lamang nakabuntot kay Darren habang tanong nang tanong sa mga nangyayari ngayon, siya naman ang kikilos. Tumingin si Kiko sa langit at saka ngumiti.
"Mga 'tol, ako naman ngayon. Gabayan niyo ko ha?" wika ni Kiko at saka nag-umpisang maglakad. Kay Darren at Ken ang mensaheng sinabi niya. Buo na talaga ang kanyang kalooban. Sa sobrang dami ba naman ng buhay na kinuha, tama na ito. Kailangan na niyang kumilos.
Hindi alam ni Kiko na sa 'di kalayuan ay pinapanood siya ni Rosario habang paalis. Napangisi ang dalaga sa nakitang determinasyon nito.
"Walang kwenta. Sa tingin mo, mapapanindigan mo pa ang sinabi mo kapag nakilala mo na ang nag-umpisa ng larong 'to? Lahat ay mamatay. Walang mabubuhay dahil mahusay siya. Ayaw niyang natatalo. Sa bandang huli, ikaw pa rin ang matataya, Kiko," wika ni Rosario habang sinusundan ng tingin ang paalis na si Kiko. Napalingon naman siya sa kanyang likuran nang biglang may tumapik sa kanya. Hindi na siya magtataka kung sino ito. Ito lang naman ang kaisa-isang nilalang na walang takot na lumalapit sa kanya.
"A-ara..."
***
Hapon na at naglalakad si Kiko papunta sa bahay nila Aya. Nagtataka sa daang kanyang tinatahak. Parang wala itong katapusan at hindi siya makapunta sa kanyang paroroonan. Lumingon siya sa paligid at hindi nagbago ang lahat. Parang hindi siya naglakad o gumalaw at nandito pa rin siya sa kinatatayuan niya kanina. Nagtaka siya.
Naglakad ulit siya at dinala naman siya sa kakahuyan ng kanyang mga paa. Bakit siya nandito? 'Yan din ang tanong na kanina niya pa tinatanong sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung paano siya napunta rito. Basta ang alam niya, naglalakad lang siya at hindi na niya alam kung sino ang kumontrol sa kanya.
Nakarinig siya ng iyak mula sa 'di kalayuan. Parang pamilyar sa kanya ang iyak at boses na iyon. Parang narinig na niya kaya sinundan niya ito. Palakas nang palakas ang iyak ngunit hindi pa rin niya matunton ang nagma-may ari nito. Napahawak siya sa tainga niya at parang mabibingi na siya sa sobrang lakas ng iyak. Nakarinig siya ng huni. Isang nakakakilabot na huni at sinundan ito ng isang malademonyong tawa.
Lumingon siya sa paligid at wala siyang nakitang ibang nilalang. Nakarinig ulit siya ng isang iyak. Mas malakas na ito kaysa sa kanina kaya marahan niyang tinakpan ang kanyang tainga. Sumigaw na siya nang sumigaw ngunit parang wala lang din ang kanyang pagsigaw. Nakarinig siya ng kung ano-anong boses. Mga pamilyar na boses.
"Si Ara! Waaah! Si Ara! Haha." Isang boses ng mga batang naglalaro ang kanyang narinig. Paulit-ulit ito at parang dudugo na ang tainga niya sa sobrang ingay. Napaluhod na lang siya habang nakatakip ang palad niya sa kanyang tainga at saka siya nagsisisigaw.
Puro mga halakhak at iyak. Nagsama-sama ang mga ito at halos mabaliw na si Kiko sa kanyang mga naririnig. Wala na siyang maintindihan. Napapikit na lang siya ng mariin at saka sumigaw nang sumigaw. Nakaramdam siya ng hapdi sa kanyang pisngi kaya bigla siyang napamulat. Sa pagmulat niya, nasilayan niya ang mukha ni Aya. Bigla siyang napayakap sa dalaga.
"B-bakit?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.
"W-wala," sagot niya. Ayaw na niyang sabihin pa sa kanyang nobya ang napaniginipan niya sapagkat naalala niya ang takot nito kanina nang magkaroon ito ng pangitain. Gusto niya lang ngayon ay ang mayakap ito. Niyakap niya ito ng sobrang higpit na parang takot na takot siyang mawala ito sa kanya.
Naalala niya ang kanyang panaginip. Si Ara. Sino ba si Ara? Anong koneksyon ni Ara at bakit ito nasa kanyang panaginip?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top