LLI: Dieciocho

Ang muling pagdanak ng dugo

-------------------------

Nakaupo lamang si Aling Nena sa isang sofa habang hawak-hawak ang litrato ni Darren. Ganito ang lagi niyang ginagawa sa t'wing gigising siya sa umaga. Magluluto siya ng agahan at saka uupo sa sofa habang tinititigan ang litrato ng yumao niyang anak. Masakit para sa isang ina ang mawalan ng anak. At ang sakit na ito ay dadalhin niya habambuhay.

"Nay, lalabas na muna ako," paalam ng bunsong lalaki ni Aling Nena rito. Dalawa lang naman ang kanyang anak at pareho itong lalaki kaya tuwang-tuwa siya nang mapadpad si Chrismae sa kanila.

"Kailan ka pala babalik sa Maynila, Warren?" tanong ni Aling Nena rito bago ito lumabas. Sa Maynila ito nag-aaral at nandito lamang sa Sta. Evilia dahil bakasyon.

"Hindi na po ako babalik sa Maynila, nay. Dito ko na lang po ipagpapatuloy ang huling taon ko sa high school. Tumawag na rin ako kila Tita na hindi na muna ako uuwi do'n dahil sa mga nangyari at sumang-ayon naman siya. Sasamahan po muna kita rito," paliwanag ni Warren. Mangiyak-ngiyak namang tumitig si Aling Nena sa kanyang bunsong anak. Dahan-dahan siyang lumapit dito at biglang niyakap.

"Salamat, anak. Maraming salamat," paulit-ulit niyang sambit. Ilang saglit lang at bumitaw din siya rito at saka ito hinatid sa pintuan.

Hindi maalis ang matatamis na ngiti sa labi ni Aling Nena dahil sa kanyang narinig mula sa kanyang anak. Kinuha niya ang litrato ni Darren na nakalapag sa sofa at saka ito inayos at itinabi. Naglinis lang siya at dumiretso naman siya sa kwarto ni Darren na ilang linggo nang hindi nila binubuksan dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. At ngayon, may lakas na siya ng loob na pasukin ito.

Sa pagpasok niya sa kwarto ng kanyang anak, amoy na amoy pa rin niya ang amoy ng kanyang anak. Pakiramdam niya'y kasama pa rin niya ito. Nagtungo naman siya sa cabinet nito at inayos ang iba nitong kagamitan. Niyakap niya ang mga damit nito pati na ang uniporme nito. Pakiramdam niya'y yakap-yakap niya ito. Ibinalik naman niya ang mga gamit nito nang may makapa siyang envelope sa pinakadulo ng cabinet. Buong pagtataka niya itong kinuha at saka lumabas ng kwarto ni Darren.

Tinitigan lang ni Aling Nena ang envelope habang nakaupo siya sa isang upuan. Nagtataka siya kung bakit parang tagong-tago ito at ayaw ipakita sa iba. Binuksan niya ang envelope at kukunin na sana ang laman nito nang may biglang kumatok sa kanilang pintuan. Tumayo siya at binuksan ito.

"Kiko, napadalaw ka?" bungad niya rito.

"Nay, pwede ko bang makita ang kwarto ni Darren?" paalam ng binata. Buong pagtataka namang pinatuloy ni Aling Nena ito at pinahintulutang makita nito ang kwarto ng anak dahil matalik naman itong kaibigan ni Darren.

"Bakit?" takang tanong nito.

"Naalala ko po ang huli naming pag-uusap ni Darren bago siya mamatay." Gulat namang napatingin ang ginang dito.

"Huling pag-uusap?"

"Opo. Bago siya mamatay, tinawagan niya ako at ang sabi niya, hanapin ko raw ang hidden office niya at doon masasagot ang ilan sa mga katanungan ko," paliwanag ni Kiko. Naguluhan naman ang ginang. Hindi niya alam na may hidden office ang kanyang anak. Hindi rin niya alam kung nasaan ito. Oo nga't malaki-laki ang kanilang bahay ngunit kabisado niya ang bawat sulok nito kaya hindi siya makapaniwalang may tagong silid pa ito.

Dumiretso naman si Kiko sa kwarto ni Darren. Halos sumakit na ang ulo niya sa kakaisip kung saan ba ang tinutukoy nitong opisina. Ngayon, mas lalo siyang bumilib sa talino ng kanyang yumaong kaibigan.

Tinignan niya ang bawat sulok ng kwarto nito at binuksan din ang mga cabinet nito upang suriin kung may mga mahahalagang papel na makakatulong sa kanya. Ngunit, bigo siya at walang nakitang kahit na ano. Sa sobrang pagod at sakit ng ulo niya'y marahan siyang napaupo sa kama nito at sa pag-upo niya'y siya na namang pagkahulog ng bola ni Darren na nasa lamesa nito na madalas nilang gamitin sa laro ni Kiko.

Patalbog itong nahulog at gumulong kaya rinig na rinig mo ito. Biglang napalingon si Kiko nang mag-iba ang tunog nito sa tinatalbugan nitong sahig. Hindi ito tunog ng makapal na kahoy kaya't napatitig siya sa sahig na tinalbugan nito. Sa pandinig niya'y parang may lagusan pa sa sahig na iyon kaya agad-agad siyang tumayo at nagtungo rito.

Lumuhod siya at tinignan ang sahig na ito at bigla na lamang nanlaki ang mata niya nang mapagtantong isa itong maliit na pinto na isang tao lamang ang magkakasya. Sinubukan niya itong buksan ngunit hindi niya magawa sapagkat wala itong hawakan kaya agad siyang tumayo at kumuha ng isang manipis na bakal sa drawer ni Darren at saka lumuhod ulit.

Sinungkit niya ang gilid ng pinto at saka ito kusang bumukas. Napamulagat siya nang makakita ng hagdan na pababa. Binitawan niya ang kanyang hawak at saka bumaba sa hagdang iyon. Pagkapasok niya roon, nagulat siya nang makakita ng isang lamesa na punung-puno ng papel at folder at isang swivel chair.

Agad siyang lumapit sa lamesa'ng ito at kinuha ang mga folder. Binasa niya ang nakasulat sa unahan nito at laking gulat niya nang makita ang pangalan ni Chrismae. Nakakita siya ng isang basurahan na may laman na folder at agad niya ring pinulot ito. Tinignan niya ulit ang nakasulat at pangalan naman ni Clarisse ang nakalagay. Doon niya napagtanto na ang mga folder na ito ay naglalaman ng mga ebidensya ni Darren sa mga naging suspect nito.

Binuklat niya ang dalawang folder at buong pagtataka niya nang wala itong laman. Isinara niya ito at inilapag sa isang tabi. Napabaling naman ang kanyang atensyon sa dalawang folder na magkapatong. Isang tingin mo pa lang ang malalaman na agad na mayroon itong laman sa loob. Kinuha niya ang dalawang folder at kunot-noong binasa ang pangalan na nasa unang folder.

"Rosario Merida," sambit niya. Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Bakit ang folder nila Chrismae at Clarisse ay walang laman samantalang ang dalawang folder na ito at mayroon? Kinuha naman niya ang pangalawang folder ngunit bigla siyang napatigil nang tumunog ang kanyang cellphone.

"Bakit, Ron?" sagot niya sa kabilang linya.

"Nandito kami nila Jelo sa tapat ng bahay nila Darren. Labas ka na diyan!" sigaw ni Ron sa kanya mula sa kabilang linya. Nagulat naman siya sa sinabi nito kaya agad niyang inipit ang dalawang folder sa likuran ng kanyang pantalon at tinago sa ilalim ng kanyang pang itaas upang hindi makita nila Ron dahil mag-uusisa lamang ito.

Lumabas na siya ng opisina ni Darren at saka nagpaalam kay Aling Nena. Paglabas niya'y nasilayan niya ang mga ngisi ng tatlo niyang kaibigang sina Ron, Jelo at Jhon. Nagkwentuhan lang silang apat at matapos ang ilang sandali ay nagpaalam na rin sa isa't isa. Dumaan lang naman kasi ang tatlo upang ipaalam na nakauwi na sila Jelo at Jhon.

***

"Pumunta rito sila Ron," wika ni Aya sa kanya nang siya'y makauwi. Tumango naman si Kiko.

"Oo, nagkita-kita nga kami. Nga pala, kinukulit nila akong isama ka sa reunion mamaya. Gusto mo bang sumama?" tanong niya rito. Napalingon naman si Aya sa kanya na nasa kusina habang siya'y nasa sala.

"Mamaya na pala 'yun? Ah... Sige, sasama ako. Marami rin naman siguro akong kakilala roon," sagot ng dalaga. Tumango-tango naman si Kiko at saka nagpaalam ditong pupunta muna ito sa kwarto nito. Pagkapasok ni Kiko sa kwartong ginagamit niya kila Aya, agad niyang kinuha ang folder na nasa likuran niya at tinago sa isang drawer.

***

Lumubog na ang araw at madilim na rin ang buong paligid ngunit ang isang eskwelahan sa Sta. Evilia, hindi binalot ng dilim dahil sa mga makukulay na ilaw nito. Binalot din ito ng maingay na tugtog, tawanan at kwentuhan ng mga taong nagkakamustahan.

"Ang tagal naman nila Kiko!" bulalas ni Ron.

"Masyado kang atat, Ron. Kakaumpisa pa lang kaya," sita sa kanya ni Jelo.

"'Di ka naman nasanay d'yan," gatong naman ni Jhon. Palingon-lingon lang silang tatlo at nakikipagkamustahan sa mga taong bumabati sa kanila.

"Si Aya ba 'yon saka si Kiko? Wow!" rinig nilang tili ng isang babae kaya agad naman silang napatingin sa may entrance at nakita naman nila ang dalawa. Napangisi na lang sila.

Napapakamot na lang sa ulo si Kiko na akala mo'y may hayop sa ulo habang si Aya naman ay alangan na lang na napapangiti habang ang mukha'y pulang pula dahil sa panunukso ng kanilang dating kamag-aral. Hindi kasi makapaniwala ang ilan na sila pa rin pala ni Kiko ang magkakatuluyan sa huli matapos nitong umalis at lumuwas ng Maynila.

Naglakad na lamang sila ni Kiko habang magkahawak ang kamay patungo sa table ng mga kaibigan ni Kiko habang nakikipagbatian sa mga taong bumabati sa kanila.

"Grabe! Mula high school hanggang ngayon, kayong dalawa pa rin talaga ang sikat. Ang benta talaga ng love team niyo!" panunukso ni Ron na tinapunan naman ng masamang tingin ni Kiko ngunit tinawanan lang siya nito.

Mabilis namang natapos ang kasiyahan na puro kwentuhan at kamustahan lang naman. Nang lumalim na ang gabi, nagsi-uwian na rin ang lahat kabilang na sila Kiko at Aya.

"'Di ko akalaing marami pa ring nakakakilala sa akin," hindi makapaniwalang wika ni Aya nang makauwi sila ni Kiko. Tumawa lang naman si Kiko.

"Malamang. Eh, sikat ka kaya nung high school saka marami ring nagkakagusto sa 'yo. Buti nga't ako ang napili mo e," wika ni Kiko na ikinapula naman si Aya.

***

Isang tunog na nanggagaling sa isang telepono ang siyang nakapagpagising kay Kiko. Nakapikit niyang inabot ang kanyang cellphone na nakapatong sa isang lamesa na nasa gilid lamang ng kanyang kama. Kinusot niya ang kanyang mata at tinignan kung sino ang tumatawag. Nakakunot-noong sinagot niya ito sapagkat nagtataka siya kung bakit tatawag ang kanyang ama ng ganitong kaaga.

"B-bakit po?" sagot nito na halata mong antok na antok pa.

"Patay na sila Ron." Para siyang binuhusan ng tubig at biglang nagising. Napabangon sa sobrang gulat. Ang mapupungay na mata'y nagsilakihan dahil sa pagkabigla.

"A-ANO!" habol hiningang sigaw niya sa kanyang ama.

***

Nanginginig ang tuhod na tinititigan ni Kiko ang isang asul na kotseng bumangga sa isang malaking puno malapit sa kakahuyan. May mga nakaharang mga pulis at may mga pulis namang nag-iimbestiga sa kotse at sa tatlong lalaking sakay nito.

Hindi pa rin makapaniwala si Kiko sa kanyang nakikita. Nawalan na naman siya ng kaibigan. Kung noong una'y paisa-isa lang, ngayon nama'y sabay-sabay na. Kitang-kita mula sa kanyang kinatatayuan ang tatlo niyang kaibigan na duguan at maraming galos sa mukha't katawan.

"Pagkagaling daw sa reunion ng tatlo, nag-joy ride raw ito gamit ang bagong biling kotse ng isa sa kanila. Hindi naman sila mga lasing base sa pag-iimbestiga namin. Walang alak sa loob ng sasakyan o kaya naman, mga ipinagbabawal ng gamot. Kaya nasa tama silang pag-iisip nang nagda-drive sila. Wala namang problema sa kanilang sasakyan dahil ayos na ayos pa ito sapagkat bagong-bago pa kaya hindi namin malaman ang sanhi ng aksidente. Maaaring nagkatuwaan sila sa loob at saka naaksidente," paliwanag ng kakilala at katabing pulis ni Kiko habang nakatingin sa sira-sirang kotse.

"Isa lang ang pinagtataka ko," sambit nito kaya napalingon si Kiko sa kanya. "'Yung mga basag na salamin galing sa mga nabasag sa bintana. Nakakapagtaka lang sapagkat lahat sila'y may nakasaksak na basag na salamin sa kanilang dibdib. Hindi mo naman masasabing sadya dahil imposible." Biglang napalingon si Kiko kila Ron. Oo nga, lahat ito ay may saksak sa dibdib at nakasentro ito sa puso mismo.

Biglang gumana ang utak ni Kiko at isang tanong ang biglang rumehistro sa kanyang utak. Bakit lahat ng namamatay sa Sta. Evilia ay may saksak sa puso? Ang tatlong bata at si Joel; sila Clarisse, Chrismae, Darren at Gabby, lahat ng ito ay puro sinaksak sa dibdib at nakasentro ito sa puso. Ibig bang sabihin nito'y lahat ng ito ay konektado at iisa lang ang may gawa? Biglang nanlaki ang kanyang mata at saka tumakbo. Tinawag pa siya ng kakilala niyang pulis ngunit parang wala na siyang naririnig dahil sa lalim ng kanyang iniisip.

***

Nakangising inaayos ni Rosario ang mga itim na baraha. Katatapos niya lang itong gamitin at napapailing at ngisi na lang siya sa kanyang mga nabasa. Nilagay niya ito sa isang kahon at saka itinabi. Inayos niya ang kanyang itim na bestida na hanggang tuhod niya at saka kumuha ng pera sa isang kahon at maliit na plastic na mukhang paglalagyan ng kanyang bibilhin.

Napangisi na naman siya at tumitig sa pintuan ng kanyang bahay at saka nagbilang.

"Isa... Dalawa... Tatlo," bulong niya habang nakangisi at saka siya nakarinig ng sunod-sunod na mararahang katok na halos siraan na ang kanilang pintuan. Napailing na lang siya at nakangising lumapit sa pintuan at binuksan ito. Isang nakakalokong ngiti ang kanyang binungad sa kanyang panauhin kahit na halata sa mukha nito ang pagka-inis.

"Magandang umaga, aking panauhin. Natutuwa akong bumalik ka sa munti kong tahanan," nakangisi niyang saad ngunit hindi naman siya pinansin nito.

"H'wag mo akong ginagago, Rosario! Hindi ba't alam mo ang lahat? Pwes, anong ibig sabihin nito!" sigaw ni Kiko kay Rosario at saka itinapat sa mukha nito ang dalawang folder na nakuha niya sa silid ni Darren. Imbis na matakot ang dalaga, tumawa pa ito ng mahina. Mas lalong nainis ang binatang kunot-noo na sa galit.

Nilayo ni Rosario ang dalawang folder sa mukha niya at saka tumawa nang tumawa habang nakatingin kay Kiko.

"Ba't hindi mo tanungin ang pinakamamahal mong babae? Hahaha!" natatawang sagot ni Rosario kay Kiko. Natigilan naman si Kiko at muling napatingin sa pangalawang folder. Hindi siya makapaniwala. Hindi niya rin ito matanggap. Pero isa lang ang itinanim niya sa utak niya, hinding-hindi siya maniniwala sa nakasulat dito. Kaya muli, pinagmasdan niya ang pangalawang folder.

"Aya Corpuz," mahina niyang sambit. Napapikit na lang siya ng mariin. Kaya pa kaya niyang panindigan ang itinanim niya sa utak niyang hindi siya maniniwala? At mangingibabaw pa rin kaya ang pag-ibig niya rito upang huwag itong husgahan?

"Inuulit ko ang payo ko sa 'yo, Kiko. 'Wag kang magtiwala. 'Wag kang magtiwala kahit na... sa sarili mo," nakangising wika ni Rosario kaya muling napaangat ang kanyang tingin rito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top