LLI: Diecinueve
Ang pumatay
-------------------------
Hindi pa rin maalis ang nakakalokong ngiti ni Rosario sa kanyang labi. Marahan niyang isinara ang pintuan ng kanyang bahay matapos umalis ni Kiko. Inilapag niya ang plastic at perang hawak niya at saka naupo sa isang silya habang tinitignan ang sarili sa katapat niyang salamin. Ang nakakalokong ngiti ay biglang naglaho ng parang bula at napalitan ng walang emosyong mukha.
Napahinga siya ng malalim nang maisip na nalalapit na pala ang araw na ayaw niyang maganap. Napapikit siya ng mariin at saka tumayo at kinuha ulit at plastic at pera saka siya lumabas ng kanyang bahay. Tahimik lamang siyang naglalakad habang nakayuko. Sa bawat paghakbang niya'y parami na nang parami ang mga taong nakakasalubong at nakakasabay niya sapagkat malapit-lapit na siya sa bayan kung saan siya bibili ng kanyang makakain.
Huminto siya nang may makitang isang matanda na nagtitinda ng gulay. Dahan-dahan siyang lumapit doon at sa paglapit niya'y siya namang pagkagulat ng matandang babaeng nagtitinda.
"A-anong kailangan mo?" natatakot na tanong sa kanya ng matanda. Hindi niya ito tinignan at nakatingin lamang sa mga gulay dahil alam niyang mas lalo itong matatakot kapag tinignan niya ito.
"Magkano ang benta mo sa kangkong at kamatis?" tanong niya habang nakayuko. Sinilip naman niya ang matanda at nanginginig itong nilagay sa plastic ang isang tali ng kangkong at tatlong kamatis.
"I-iyo na 'yan. H-h'wag mo nang bayaran. M-makakaalis ka na," natatakot na wika ng matanda habang nanginginig na inabot ang plastic kay Rosario. Nanatili namang walang emosyon ang mukha ng dalaga. Hindi na siya nagugulat dito sapagkat sanay na siyang ganito ang ginagawa at inaasta sa kanya ng mga tao lalo na kung bibili siya ng mga tinda nito. Hindi na siya pinababayaran at pinapaalis na agad dahil natatakot silang tanggapin ang perang nagmula mismo kay Rosario. Iniisip nilang dinasalan ito ng dalaga at may baon itong sumpa o kamalasan.
Marahang inabot ni Rosario ang plastic at walang imik at tingin na umalis. Naglakad na siya ulit at hindi na muling bumili pa ng iba pang kasangkapan niya sa pagluluto dahil naiirita na siya sa mga inaakto nito. Oo nga't sanay na siya sa mga ito ngunit sawa na rin siya. Naglakad na siyang muli nang may biglang sumigaw sa pangalan niya kaya agad siyang lumingon dito.
"HOY MANGKUKULAM NA ROSARIO! SALOT KA TALAGA SA STA. EVILIA! Hinding-hindi kita mapapatawad sa pagkuha mo sa buhay ng anak kong si Ron!" sigaw ng isang ginang sa kanya. Walang emosyon namang tinignan ito ni Rosario sa mata at saka muling naglakad. Bigla siyang napatigil nang may biglang naramdaman siyang basa sa likod ng kanyang ulo. Kinapa niya ito at tinignan ang kanyang kamay. Kulay pula. Dugo. Doon niya lang napagtanto na binato na pala siya ng bato ng ina ni Ron.
Lumingon siya ulit dito na may matapang at seryosong mata. Nakita niya ang mga mata nitong nag-uunahang tumulo ang mga luha. Pumulot ulit ito ng bato at akmang ibabato ulit sa kanya nang siya'y magsalita.
"Sige, ibato mo," seryoso niyang saad.
"S-simula nang bumalik ka rito, muling dumanak ang dugo. Kung sana'y nanatili ka na lang sa kung saang lugar ka namalagi ng ilang taon, edi sana buhay pa ang anak ko! May asawa't isang taong gulang siyang anak tapos papatayin mo lang?! Ikaw! Demonyo ka! Ako mismo ang papatay sa 'yo!" pagwawala ng ina ni Ron at saka ito pumulot ng maraming bato at binato kay Rosario. Hindi man lang umilag ang dalaga at sinalo ang bawat batong ibinabato sa kanya. Para siyang manhid at walang nararamdaman.
Isa-isa na ring nagtakbuhan ang ibang tao at pinagbabato siya habang ang iba nama'y umawat. Unti-unti na siyang napaupo dahil sa pambabato ng mga ito. Puro pula na lang ang nakikita niya. Puro dugo na nanggaling sa sugat niya. Ngunit wala man lang kahit isang patak na luha ang pumatak.
Dahan-dahan siyang tumayo nang tumigil na ang mga tao kahit na punung-puno siya ng sugat sa katawan at nanghihina na rin ang kanyang tuhod.
"LUMAYAS KA NA SA STA. EVILIA!"
"MAMATAY TAO!"
Iba't ibang sigaw at pangungutya lang ang kanyang natanggap ngunit nagmistulang siyang bingi. Dahan-dahan siyang lumakad habang paika-ika. Sa paglakad niya, tinapunan niya ng mga nanlilisik na tingin ang lahat ng tao na siya namang ikinatakot ng mga ito kaya ang iba'y napaatras.
Pagkauwi niya'y agad siyang nagbanlaw at nilagyan ng gamot ang kanyang mga sugat. Mabuti na lamang at isang sugat lang ang nakuha niya sa kanyang ulo at karamiha'y puro pasa na sapagkat puro maliliit na bato lang naman ang binato sa kanya at ang ina lang naman ni Ron ang gumamit ng malaking bato.
Tinitigan niya ang kanyang sarili sa salamin. Wala pa ring emosyon ngunit ilang saglit lang ang lumipas ay tumawa siya nang tumawa sa harap ng salamin. 'Yung tawang akala mo, wala nang bukas.
"Ilang taon na rin pala nila akong hindi nabato, 'no? Miss na miss siguro nila ako. Hahaha," wika niya sa kanyang sarili.
"Hindi ko naman kasalanang umalis at bumalik dito sa Sta. Evilia e. Umalis ako noon, dahil sa kanya at bumalik din ako, dahil din sa kanya. Iyon ang utos niya sa akin e. Sabi niya, kung nasaan siya, nandoon din ako," salaysay niya sa kanyang sarili habang nakatitig sa salamin.
Ilang linggo na ang lumipas matapos mamatay ang pinakamamahal na lola ni Rosario. Punung-puno ng galit ang kanyang dibdib dahil imbis na magluksa ang mga tao'y nagsaya pa ito dahil namatay na ang kanyang lola. Dahil wala na raw ang pinakamalakas na mangkukulam sa Sta. Evilia.
Isang gabi, dinalaw siya ng nag-iisa niyang kaibigan. Ang tanging nilalang na walang takot na lumapit sa kanya. Ngunit hindi siya natutuwang makita ito dahil may galit din siya rito.
"Kumusta na ang iyong kalagayan, aking kaibigan? H'wag mo nang pag-aksayahin ng panahon ang mga basurang bumabalewala sa iyong lola. Hayaan mo sila. Nandito ako bilang iyong kaibigan," naka-ngisi nitong saad. Sinamaan naman niya ito ng tingin habang pumapatak na ang kanyang mga luha.
"Ibalik mo sa akin ang itim na aklat ni lola! Hindi sa 'yo 'yun! Sa kanya 'yun!" singhal ni Rosaro ngunit tinawanan lang siya nito.
"H'wag kang umiyak, Rosario. Simula ngayon, h'wag ka nang iiyak. Dahil ang bawat patak ng luha mo ay katumbas ng kahinaan at kaduwagan mo." Lumapit ito sa mukha ni Rosario at hinawakan ito sa panga.
Siya nga. Ito ngang nilalang na ito ang nagturo sa kanyang huwag umiyak dahil ang bawat patak ay katumbas ng kahinaan. Kaya't simula sa araw na 'yon, wala na siyang karapatang umiyak upang masabing isa siyang malakas.
"Ang itim na aklat? Sa akin na muna iyon. Makukuha mo lang ang itim na aklat kapag sinunod mo ang utos ko na sumama ka sa akin. Kung nasaan ako, nandoon ka rin," seryosong wika nito habang hawak-hawak pa rin ang panga ni Rosario.
"B-bakit?" tanong ni Rosario.
"Dahil walang maiiwan sa 'yo rito. Aalis ako. Wala na ang iyong lola at mas lalong hindi ka naman tutulungan ng walang 'ya mong kapatid dahil matagal niya na kayong kinalimutan. Aapihin ka lang ulit ng mga tao dito at bilang kaibigan mo, po-protektahan kita at ilalayo sa kapahamakan. Ako lang ang kaibigan mo at ikaw lang ang kaibigan ko, sino pa ba ang magtutulungan, 'di ba? Ngayon, sumama ka sa akin at kapag nasunod mo ang lahat ng utos ko, ibabalik ko ang aklat ng lola mo. Sisiguraduhin ko ring hindi ka na kukutyain," wika nito at saka binitawan ang kanyang panga.
Bigla siyang napaisip. Oo nga't wala na siyang kakampi at iba pang kakilala dahil iniwan na rin siya ng kanyang nobyo at itong nilalang na kasama niya ngayon, ay ang natatangi niyang kakapitan. Tumingin siya sa mga mata nito at iyon ang hudyat na ibinigay na niya ang tiwala niya rito. Sasama siya at susundin ang lahat ng pinag-uutos nito.
Dumating ang araw na sumama siya sa kanyang kaibigan. Laking pagkagulat niya nang magkahiwalay pala ang kanilang titirhan ng kanyang kaibigan sapagkat titira raw ito sa kamag-anak nito. Nakaramdam siya no'n ng lungkot dahil mag-isa na naman siya. Inutusan siya nitong bumalik ng Sta. Evilia pansamantala at pumatay ng kahit na sino. Sinunod naman niya ito.
Lumipas ang taon at pinagsisihan niya ang desisyon na kanyang ginawa dahil sa loob ng sampung taong sinunod niya ang mga utos nito ay hanggang ngayon, hindi pa rin nito ibinibigay ang aklat ng kanyang lola. Doon niya napagtanto na nilinlang lang siya nito. Hindi talaga kaibigan ang turing nito sa kanya kung hindi isang alalay lamang.
Dumating ang araw na pinabalik siya nito sa Sta. Evilia, ang bayan na ayaw na niyang balikan ngunit may plano ang kanyang kaibigan kaya siya nito pinabalik. Parang karugtong lang ng kahapon ang nangyari dahil walang nagbago. Siya pa rin ang kinatatakutan at kinukutya ng mga tao.
"Sabi mo noon, hindi na nila ako aapihin at kukutyahin kapag sinunod ko ang gusto mo. Pumatay pa ako. Nagpa-uto lang ako sa 'yo. Akala ko kaibigan kita. Pero nasaan na ang pangako mo? Ito ako ngayon, binabato na naman nila at hinuhusgahan gaya noon dahil sa mga ginawa mo na ako ang pinagbibintangan. Hinding-hindi na ako magpapa-uto sa 'yo. Babawiin ko kung ano ang sa akin lalong lalo na ang itim na aklat ni lola," seryosong wika ni Rosario habang nakayukom ang kamao.
***
Halos magkulay putik na ang kulay dilaw na bestidang suot ni Aling Nena dahil sa kanina niya pang pagbubungkal at paghuhukay. Hinang-hina na siya ngunit hindi pa rin siya tumigil dahil may nais siyang masiguro. Ilang gabi na rin kasi siyang binabagabag ng kanyang konsensya rito.
Bungkal lamang siya nang bungkal nang maaninag na niya ang isang sako. Mahina na ang kanyang katawan ngunit buong lakas niya itong hinatak. Nanginginig niyang kinuha ang isang patalim at pinunit ang sako. Bumulaga sa kanya ang kalansay ng isang tao na may suot na bestidang puti.
"Tama ako. Patay ka na nga, Ara," sambit niya habang tinitignan ang kalansay na nasa sako. Inayos niya ulit ito at muling tinabunan ng lupa. Kumuha siya ng tubig at saka nilinisan ang sarili.
***
"KIKO!" sigaw ni Aling Nena pagkauwing-pagkauwi pa lamang niya. Nakita niya kasi si Kiko'ng nakaupo sa isang silya na nasa loob ng kanilang bahay habang umiiyak.
"A-anong nangyari?" tanong niya rito ngunit hindi naman siya sinagot ng binati at umiyak lamang.
"Warren! Ikuha mo nga ako ng tubig para sa Kuya Kiko mo," utos ni Aling Nena sa kanyang anak na kalalabas pa lamang ng kwarto nito kaya agad itong dumiretso sa kusina at kumuha ng tubig. Agad namang pinainom ni Aling Nena si Kiko ng tubig at saka ito pinakalma.
"Iho, ano bang nangyari?" tanong niya ulit nang kumalma na ito.
"P-patay na po sila Ron. N-namatayan na naman po ako ng kaibigan," wika ni Kiko na unti-unti nang nababasag ang boses. Ramdam na ramdam ng ginang ang kalungkutan ng binata kaya hindi na siya umimik at niyakap na lamang ito at hinagod ang likod nito.
"Tanggap ko sana kung totoong aksidente 'yun, nay e. Kaso... may kutob ako. Alam ko! Alam kong pareho lang ang may gawa nito kila Darren. A-at hindi ako makapaniwala kung kasama siya sa gumawa. Ayokong maniwala... pero... Hindi ko na alam, nay!" pagwawala ni Kiko.
"Anong ibig mong sabihin, Iho?" naguguluhang tanong ni Aling Nena.
"S-si A-aya po. Siya ang huling suspect ni Darren," nahihirapang sagot ni Kiko.
"S-si Aya? Imposibleng siya!" tutol nito na siyang ikinagulat ni Kiko sapagkat halata sa boses nitong may alam ito sa nangyayari.
"S-si Ara... Sa tingin ko'y si Ara." Nagpunas naman ng luha si Kiko at gulat na napatingin kay Aling Nena.
"A-ano? H-hindi siya totoo, nay." Tumingin naman sa ibang direksyon si Aling Nena.
"Totoo si Ara. Hindi niyo na ba siya naaalala? Sa bagay, wala naman kayong pakialam sa kanya," malungkot na kwento ng ginang.
"S-sino si Ara?"
"S-si Ara ang kaisa-isang kaibigan ni Rosario dahil parehas sila. Parehong nilalayuan at kinatatakutan ng lahat ngunit sa magkaibang dahilan. Si Rosario ay nilalayuan dahil sa pagiging mangkukulam at si Ara nama'y nilalayuan dahil sa pagiging wirdo," salaysay ng ginang.
"Naroroon ako noong mga panahong walang kakapi si Ara. Walang pumapansin sa kanya dahil sa kanyang itsura at pananamit. Ang buhok niyang laging magulo at nakatakip sa kanyang mukha at bestida niyang kulay puti at lumang-luma na. Ako lang ang tanging nag-alaga sa kanya at lagi niyang kasama sapagkat miski ang sarili niyang kapatid ay hindi pinapalapit sa kanya ng kanilang mga magulang," naiiyak na kwento ni Aling Nena.
"K-kapatid?" naguguluhang tanong ni Kiko. Gulong-gulo na siya. Totoo si Ara at hindi ito kathang isip lamang.
"Si Aya," sagot ni Aling Nena na siyang mas ikinagulat ni Kiko. Parang tumigil ang kanyang paghinga. Kapatid? May kapatid pa si Aya?
Unti-unti namang bumagsak ang mga luha ni Aling Nena nang alalahanin niya ang mga araw na magkakasama sila ni Ara.
"Ara! Nasaan ka na? Magpakita ka na!" sigaw ni Aling Nena habang hinahanap si Ara sa kakahuyan. Nag-aalala na siya para sa bata sapagkat malapit nang magdilim at hindi pa rin niya ito makita. Kaya't sinubukan na niya itong hanapin sa kakahuyan dahil ito na lamang ang lugar na kanyang hindi napupuntahan.
Nakarinig siya ng iyak, isang iyak ng dalaga. Napalinga-linga siya at hinanap kung saan ito nanggagaling. Kilala niya ang iyak na iyon. Alam niyang ang alaga niya ito.
"A-ara?" may bahid na pag-alalang tawag niya rito ng makita niya itong nakaupo sa isang malaking bato habang umiiyak. Agad siyang lumapit dito at niyakap ito ng mahigpit.
"Bakit ka umiiyak? May umaway ba sa 'yo?" nag-aalalang tanong nito. Umiling naman ito at saka nagpunas ng luha.
"Nanay Nena, bakit ganun sila daddy at mommy? Bakit ayaw nilang palapitin si Aya sa akin? Ganoon ba ako ka-wirdo at pati ang mga kaklase ko, 'di ako pinapansin?" inosenteng tanong nito na mukhang iiyak na naman. Niyakap naman siya ulit ni Aling Nena. Naiiyak na rin sapagkat naaawa na siya sa kanyang alaga.
Matagal na munang nanahimik si Aling Nena at niyakap lang ang alaga. Hindi naman talaga pinapalayo ng mag-asawang Corpuz si Ara kay Aya dahil sa ka-wirduhan nito. Sakitin si Aya at seryoso ang mga sakit nito at nakakahawa kaya pinapalayo nila si Ara rito.
"'Wag ka naman sanang magtanim ng sama ng loob sa mga magulang mo, Ara. Mahal ka nila at may dahilan sila kung bakit ka nila nilalayo sa kakambal mo. At ang mga kaklase mo? Hayaan mo sila, Ara. Nandito naman ako, hindi ba? Saka may kaibigan ka naman, 'di ba? Si Rosario." Tumango-tango na lang si Ara at saka niyakap pabalik si Aling Nena.
"Hindi na naman nagtanim ng sama ng loob si Ara sa mga magulang niya pero laking gulat ko nang isang gabing magpunta ako sa bahay ng mga Corpuz. Hindi ko alam kung anong nangyari kay Ara. Bigla siyang nagbago at parang hindi ko na siya kilala. Nagulat na lamang ako nang mabalitaan kong umalis ang pamilyang Corpuz ngunit hindi kasama si Ara. Pagdating ko sa bahay nila'y nadatnan ko si Ara na umiiyak..."
"A-ara... bakit ka umiiyak?" matalim siyang tingnan ni Ara sa mata kaya bigla siyang napaatras dahil sa pagkagulat. Ito ang unang beses na tignan siya nito ng ganoon.
"A-ara..."
"I-iniwan na nila ako. I-iniwan nila akong mag-isa rito. Pumunta na silang tatlo sa Maynila," huminto ito at pinunasan ang luhang nagbabadyang tumulo mula sa kanyang mga mata. "Isinusumpa ko! Isinusumpa kong maaaksidente sila at mamamatay!" Gulat na gulat ang ginang. Hindi na niya kilala si Ara.
"Hindi ko na nakilala si Ara noong araw na iyon. Parang hindi na siya ang kaharap ko no'n. Nagulantang na lang ako nang makatanggap ako ng tawag kinagabihan ng araw na 'yon. Naaksidente ang sinasakyang kotse ng pamilyang Corpuz. Namatay daw ang mag-asawa ngunit buhay si Aya. Nang mabalitaan ko iyon, agad kong pinuntahan si Ara ngunit laking gulat ko na lang nang pagbukas ko ng pintuan, punung-puno ng dugo ang sahig at nakita ko si Ara'ng walang buhay na nakahandusay sa sahig habang hawak ang isang kutsilyo. Sinaksak niya pala ng ilang beses ang kanyang dibdib. Awang-awa ako sa alaga ko. Pinatay niya ang kanyang sarili dahil sa sakit na pag-iwan sa kanya ng kanyang mga magulang," umiiyak na kwento ng ginang. Parang kahapon lang nangyari ang lahat sapagkat damang-dama pa rin niya ang sakit.
"N-nasaan po ang bangkay ni A-ara?" binalot na ng kuryosidad si Kiko kaya naitanong niya ito.
"Alam kong ayaw ipaalam ni Ara sa mga kamag-anak nila sa Maynila ang nangyari sa kanya sapagkat hindi naman siya kilala ng mga ito kaya ako na mismo ang naglibing sa kanya. Nilibing ko siya sa may kakahuyan. Ako na mismo ang nagdala sa kanya sa huling hantungan. Wala na ang kanyang mga magulang at tanging ako na lamang ang natitira. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap ang nangyari. Tinuring ko na siyang tunay kong anak, Kiko." Dahin doon, humagulgol si Aling Nena. Hindi pa rin naman makapaniwala si Kiko sa kanyang mga nalaman ngayon. May bago na namang gugulo sa kanyang utak. Sumasakit na ang kanyang ulo.
"Nay, pa'no niyo nasabi ngayon na si Ara ang may sala at hindi si Aya?" Kumalma muna ang ginang bago sagutin ang tanong ni Kiko. Hinawakan niya ito sa balikat at tinitigan sa mata.
"Sinumpa ni Ara ang sasakyan nila Aya noon kaya ito naaksidente. Hindi ko pa talaga nadala sa huling hantungan ang kaluluwa ni Ara. Wala pa itong dasal at bendisyon kaya nandito pa sa lupa ang kanyang kaluluwa. Posible! Posibleng nagmumulto si Ara at siya ang pumapatay. Posibleng nagbalik siya at ginagamit ang katawan ng kakambal niya! May alam si Ara sa itim na kapangyarihan kaya posible ang mga sinasabi ko, Kiko. Mag-iingat ka kay Aya dahil baka hindi si Aya ang kaharap mo. Baka mamaya'y sinapian na siya ni Ara. Iligtas mo si Aya kay Ara, Kiko. Iligtas mo siya sa kakambal niya!" sigaw ni Aling Nena sa harapan ni Kiko habang niyuyugyog ang balikat nito at umiiyak.
Hindi makapaniwala si Kiko sa kanyang mga narinig mula kay Aling Nena. Napaisip na rin siya. Maaari. Posible ang lahat ng sinabi nito. Ngunit kahit na anong isip niya, si Aya pa rin ang pumatay sa mga kaibigan niya kahit na sinapian ito ni Ara. Kamay pa rin ni Aya ang nakahawak ng dugo ng mga ito. Agad siyang napatayo at biglang nagpaalam kay Aling Nena.
"SI AYA ba ang pumatay, Rosario? Sagutin mo ako!" sigaw ni Kiko kay Rosario nang makapasok siya sa bahay nito. Nginisian siya ng dalaga.
"Paano kung sabihin kong oo?" Hindi naman nakasagot si Kiko at nakatulala lang kay Rosario. "Ano bang payo ko sa 'yo? Hindi ba't sabi ko h'wag kang magtiwala. H'wag kang magtiwala kahit na sa sarili mo. Hahaha."
Hindi na alam ni Kiko ang mga nangyayari. Masyadong maraming naganap at rebelasyon. Hindi niya kayang intindihin ang lahat sa isang iglap. Patay na si Ara. Kakambal ni Ara si Aya. Posibleng si Aya ang pumatay. Posibleng ginagamit ni Ara ang katawan ni Aya para pumatay. Hindi na niya alam kung anong paniniwalaan niya sa mga ito.
Hinanap niya si Aya pagdating niya sa bahay nito. Hindi niya alam kung bakit. Basta, gusto niya itong makita. Gusto niya itong tignan sa mata at tanungin ito tungkol kay Ara ngunit laking gulat niya nang wala ito roon. Nagtaka siya. Umakyat siya sa kwarto nito at laki ring gulat niya nang makita itong nakaawang. Hindi kasi ito nag-iiwan ng nakabukas na pintuan.
Hindi na alam ni Kiko ang kanyang ginawa basta'y binalot na siya ng kuryosidad at pinasok na niya ang kwarto ni Aya. Nagmasid-masid lang siya sa 'di malamang dahilan. Napadako ang kanyang atensyon sa isang envelope na may nakasulat na Monstre Sparks. Siguro ay isa ito sa mga event na nakunan nila ni Gabby noon. Kinuha niya ang laman ng envelope at puro litrato nga ang laman nito ngunit bigla na lang niya itong nabitawan nang masilayan ang mga litrato.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Puro ito mga litrato ng mga mga kaibigan niya na wala nang buhay.
"S-si Aya! Si Aya talaga ang pumatay!"
Napaupo na siya sa sahig habang pinagmamasdan ang mga litrato. Hindi na niya alam. Hindi niya matanggap. Bakit ang mahal niya pa? Unti-unti nang bumagsak ang kanyang mga luha. Napapagod na siya. Kanina pa siya iyak nang iyak dahil hindi na niya kinakaya ang mga nangyayari't nalalaman.
Bigla siyang natigilan nang makarinig siya ng himig. Isang himig na nakakatakot na nanggagaling sa boses ng isang babae. Pinakinggan niyang maigi ang himig at naging pamilyar siya rito. Isang kanta sa isang larong pambata, ang Langit, Lupa, Impyerno. Bigla siyang nakaramdam ng kilabot at napalingon sa kanyang paligid. Laking gulat niya nang makakita siya ng anino ng isang babae, babaeng may hawak na kutsilyo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top