Epilogo

Ang wakas

-------------------------

"Ako nga lang ba ang mamatay tao rito, ha?" wika ulit ni Ara at saka tumawa habang titig na titig kay Rosario.

"Oo, ikaw lang! Demonyo ka! Pinatay mo ang taong pinakamamahal ko pati na ang mga kaibigan ko! Para saan? Para sa paghihiganti mo dahil sa pagiging baliw mo?!" singhal ni Kiko kay Ara. Naningkit na ang mga mata nito habang tumutulo ang luha nito. Halatang-halata mong galit na galit na ang binata at sa kahit na anong oras kapag hindi na niya nakontrol ang sarili, hindi na niya alam ang maaari niyang gawin.

Sa lahat ng masasakit na salitang binitawan niya, puro tawa't ngisi lang ang sinasagot sa kanya ni Ara. Hindi niya alam kung manhid ba ito o sadyang may sakit talaga ito sa utak. Napapakunot-noo na lamang siya sa t'wing ngi-ngisi si Ara sapagkat pakiramdam niya'y may nais itong iparating at tila isang palaisipan ito sa kanya.

"Sigurado ka bang ako ang pumatay sa mga kaibigan mo, Kiko?" nakangising tanong ni Ara at saka lumingon kay Rosario at sabay sabing, "Eh, ikaw Rosario, sa tingin mo, ako ba ang pumatay sa kanila?" Mas lalo namang lumawak ang ngisi ni Ara na siyang mas nakapagpagulo kay Kiko kaya napalingon siya sa kanyang katabi.

"A-anong ibig niyang sabihin, Rosario?" tanong ni Kiko rito. Hindi naman nakasagot ang dalaga at nanatiling tahimik.

"Bakit hindi na lang muna tayo maglaro?" biglang wika ni Ara na siyang ikinalingon ni Kiko at ikinatakot ni Rosario.

"Laro tayo! Laro tayo ng Langit, Lupa, Impyerno at ako ang taya," wika ni Ara gamit ang nakakakilabot niyang boses at dahan-dahang kinuha ang kutsilyong galing sa kanyang likuran.

"Takbo na. Sa langit lang kayo ha? H'wag kayong aapak sa lupa kung ayaw niyong mapunta sa impyerno!" sigaw ni Ara at saka tumawa. Nanatili namang nakatayo si Kiko at naguguluhan nang bigla na lamang siyang hilahin ulit ni Rosario at tumakbo palayo.

"B-bakit?" naguguluhan niyang tanong sa dalaga.

"Tanga ka ba? Mamatay na tayo, tatayo ka lang doon? Nilalaro na natin ang laro niya! Inumpisahan niyang muli ang kanyang laro at ngayon, siya naman ang taya!" sigaw ni Rosario sa kanya habang hila-hila pa rin siya at tumatakbo.

"A-anong laro?" takang tanong ni Kiko. Bigla naman silang huminto at tinignan siya ni Rosario ng seryoso.

"Sa bawat galaw mo, hindi mo lang alam na may taong nakamasid at hintuturong nakaturo sa inyo ng mga kaibigan mo. Sa bawat paghinto ng kanyang kanta at kung kanino ito huminto, siya ang mamatay at sa mga nangyari noon, si Clarisse ang unang hinintuan ng kanta sa grupo niyo. Ngayon, muli niyang inumpisahan ang laro at maaaring isa sa atin ang sumunod," pahayag ni Rosario na siyang ikinatigil ni Kiko. Ngayon, unti-unti na niyang naiintidihan ang lahat. Pinaglaruan lang pala sila ng isang baliw.

"Langit, Lupa, Impyerno

Im-im-impyerno..."

Biglang natigilan si Rosario nang marinig niya ang himig na iyon. Nagmasid siya sa paligid at saka lumingon kay Kiko at sinenyasan itong tumakbo.

"Saksak puso

Tulo ang dugo..."

Halos nanginig ang buong katawan ni Rosario habang tumatakbo at naririnig ang kantang iyon na may halo pang mga tawang nakakatakot at nakakakilabot. Hindi na lang nila namalayan ni Kiko na sa kakatakbo at takot narating na pala nila ang likod ng bahay nila Rosario.

Bigla namang nakaramdam ng kilabot si Kiko nang makita ang mga krus na nakatusok sa mga lupa at isang malalim na hukay na puro buto at bungo ng tao at mga sunog na kahoy na amoy na amoy ang gaas.

Bigla namang pinagpawisan si Rosario ng malamig sa 'di niya malamang dahilan. Para siyang kinakabahan.

"Patay, buhay

Ikaw ang ma-ma-matay!"

Nagulat na lamang si Kiko nang bigla ulit niyang narinig ang kantang iyon at sa sobrang bilis ng pangyayari hindi na niya alam ang mga naganap at biglang napalingon sa kanyang kasama. Napamulagat na lamang siya nang makita ang kutsilyong nakasaksak sa balikat ni Rosario.

"Ang galing mo namang umiwas, Rosario," nakangising turan ni Ara at saka marahang binunot ulit ang kutsilyong nakasaksak sa balikat ni Rosario kaya napasigaw ito ng malakas at biglang napaupo sa lupa.

"H'wag kang mag-alala, kaibigan ko. Hindi pa naman kita papatayin e, mamaya pa. 'Di ba nga, sabay tayong pupunta ng impyerno? Hahaha!" wika ni Ara at saka lumingon kay Kiko.

"Bakit kasi hindi na lang ako, Kiko? Bakit hindi na lang kami ng anak mo kaysa kay Aya?" sunud-sunod na tanong ni Ara kay Kiko.

"Dahil hindi ikaw si Aya," mariing sagot ni Kiko habang diretsong nakatingin kay Ara. Nagulat na lamang siya nang bigla na naman itong tumawa. "At kahit kailan, hinding-hindi kita mamahalin sapagkat isa kang mamamatay tao!" pahabol naman ni Kiko na siyang ikinatigil ni Ara sa pagtawa at nakangising tumingin kay Kiko.

"Nakakatawa ka talaga, Kiko! Hahaha! Ako nga ba talaga ang pumatay sa mga kaibigan mo?" nakangisi nitong tanong ulit kay Kiko.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya ngunit hindi siya sinagot ni Ara sapagkat bumaling naman ito kay Rosario na nakasalampak sa lupa habang hawak-hawak ang balikat na punung-puno ng dugo.

"Bakit hindi mo tanungin si Rosario?" biglang wika ni Ara na siyang nakapagpagulo kay Kiko.

"R-rosario," tawag ni Kiko rito. Hindi naman makatingin ng diretso ang dalaga sa kanya.

"Alam mo bang tinangkang patayin ni Rosario si Chrismae noong mga bata pa sila? Labis kasi siyang naiinggit sa kanyang ate dahil ito ang pinagtutuunan ng pansin ng kanilang lola sapagkat ito ang tinuturuan nito ng itim na kapangyarihan. Ayaw niyang maging maligaya ang kanyang ate kaya minsa'y naiisip niyang sirain ang engagement party nila Darren noon ngunit nagulo ang kanyang plano dahil kay Joel. Sobra rin ang kanyang galit kay Ken at Clarisse dahil sa pagtataksil ng dati niyang nobyo sa kanya. At alam mo rin bang nangako sa akin noon si Chrismae na kukulamin niya balang araw sila Ron dahil sa mga pangungutya nito sa amin," nakangising salaysay ni Ara at saka bumaling kay Rosario.

"Tama ako, hindi ba? Tama ang lahat ng aking tinuran, Rosario," wika naman niya kay Rosario. Nanatili namang tahimik si Rosario at napayuko na lamang.

Palipat-lipat ang tingin ni Kiko kay Ara at Rosario. Naguguluhan na siya. Ano bang gustong palabasin ni Ara at bakit nito sinasabi sa binata ngayon ang mga bagay na ito? Umamin na ang dalaga na pinatay niya ang tatlong bata ngunit bakit mukhang si Rosario ang pinagdidiinan nito ngayon?

"A-anong i-ibig mong s-sabihin?" tanging lumabas sa kanyang bibig. Ngumisi lang naman si Ara sa kanya habang si Rosario ay nanatiling tahimik.

"Si Rosario ang tanungin mo," wika ni Ara. Dahan-dahan namang bumaling si Kiko kay Rosario. Hindi na niya alam kung anong totoo. Ngunit batay sa mga sinasabi ni Ara at sa pagiging tahimik ni Rosario parang abot kamay na niya ang katotohanan.

"R-rosario... I-ikaw ang... p-pumatay sa kanila?" nahihirapang wika ni Kiko sapagkat hindi siya makapaniwala. Alam niyang pangit ang tingin ng mga tao kay Rosario dito sa Sta. Evilia ngunit naging mabait ito sa kanya at tinulungan pa siya nito.

Dahan-dahan namang tumingin si Rosario kay Kiko. Tinitigan lang siya sa mata ni Rosario hanggang sa nagsalita si Ara.

"Hindi at kahit kailan, hinding-hinding magiging siya," sabat ni Ara na siyang mas ikinagulat at ikinagulo ng utak ni Kiko. Nilingon niya ang dalaga na may nagtataka at nagtatanong na mata ngunit isang mapang-asar na ngisi na naman ang isinukli nito sa kanya.

"S-sino?"

"Sino? Ba't hindi mo itanong kay Rosario." Mas lalo namang nagtaka si Kiko. Lumingon siya kay Rosario at tinitigan ito ng may nagmamakaawang tingin na sabihin nito ang totoo. Ang lakas ng tibok ng kanyang puso na akala mo, kakawala na ito sa kanya dahil sa kaba. Ngunit naglaho ito at parang tumigil ang pagtibok ng kanyang puso maging ang kanyang mundo nang magsalita si Rosario.

"I-ikaw," nahihirapang sagot ni Rosario. Napaatras si Kiko dahil sa gulat. Hindi makapaniwalang lumingon siya kay Ara na hanggang ngayo'y nakangisi.

"A-ako?" tanging lumabas sa bibig ni Kiko.

"Oo, Kiko. Ikaw nga ang pumatay sa sarili mong mga kaibigan. Hindi mo ba naaalala? Hahaha!" Tumawa lang nang tumawa si Ara habang si Kiko ay gulong-gulo ang iniintindi ang mga sinabi nito.

"H-hindi! H-hindi!" sigaw ni Kiko ngunit tinawanan lang siya ni Ara.

"Tanga! Hindi mo ba naaalala ang sinabi ni Rosario sa'yo? H'wag kang magtiwala sa kahit na sino. Kahit na sa sarili mo. Hahaha! Niloloko ka lang ng sarili mo!" Nanatiling tulala si Kiko habang siya'y tinatawanan lamang ni Ara. Hindi niya maintindihan. Ano bang nangyayari sa kanya? Tunay ba ang sinasabi nito o pinaglalaruan lang siya ng baliw na si Ara?

"H-hindi ako naniniwala sa'yo!" singhal ni Kiko ngunit tinawanan na naman siya nito.

"Gusto mo bang isalaysay ko pa? Sige, para sa 'yo, isasalaysay ko." Saka pumorma ang mala-demonyong ngisi ni Ara.

"Isang laro ang aking binuo. Isang madugong laro kung saan may kinakailangang mataya. At ang taya sa larong ito ay walang iba kung hindi ikaw, Kiko. Ikaw ang pumatay sa lahat ng kaibigan mo. Ang kamay mo ang nabahiran ng kanilang dugo. Hindi mo na ba naaalala ang mga gabi kung paano mo sila pagsasaksakin sa dibdib? Ang walang awang pagpaslang mo sa kanila?" Parang sinaksak sa dibdib si Kiko nang marinig niya ang lahat ng iyon sa bibig mismo ni Ara. Tila ba nagbalik siya sa nakaraan at sa madudugong gabi.

"Langit, Lupa, Impyerno

Im-im-impyerno

Saksak puso tulo ang dugo

Patay buhay

I-kaw ang ma-ma-matay!" kanta ng isang babae ngunit maya-maya'y nasundan ito ng isang tinig ng lalaki.

"Ikaw! Ikaw ang mamatay!" at saka lumabas si Kiko na may dala-dalang kutsilyo.

"K-kiko?" gulat na wika ni Clarisse.

"Ako nga, Clarisse," nakangising sagot ng binata rito at saka mabilis na sinaksak ito sa dibdib ng maraming beses. Hindi niya talaga ito tinantanan hanggang sa hindi mawarak ang dibdib nito. Puro dugo na ang kanyang dugo ngunit para lamang itong tubig na tumutulo sa kanyang kamay.

"Saksak puso tulo ang dugo," kanta ng isang babae.

"Natatandaan mo na ba, Kiko?" Biglang nabalik si Kiko sa reyalidad. Hindi siya makapaniwala. Siya nga talaga ang may gawa ngunit bakit hindi niya ito maalala? O ayaw lang talaga niyang alalahanin?

"Pinatay mo si Clarisse dahil sa tingin mo magiging sagabal siya sa inyo ng inaakala mong si Aya na ako naman pala. Pinatay mo si Ken sapagkat naroroon siya noong naganap ang krimen at natakot kang baka madiskubre nitong ikaw ang may gawa. Noong gabing tumatakbo si Chrismae, sinundan mo siya ngunit nawala siya sa paningin mo at nang makita mo siyang naliligo sa sarili nitong dugo at may kutsilyo sa dibdib, pinabayaan mo na lamang itong nakahandusay sapagkat wala na itong buhay at naunahan ka na sa pagpatay rito. Tama ako, hindi ba? Pasensya na kung kinulam ko kaagad si Chrismae ha? Ang tagal mo kasi e," nakangising turan ni Ara ngunit nanatiling tahimik si Kiko.

"Pinatay mo naman si Darren sapagkat tinatakot nito ang pekeng Aya at dahil alam mong, alam na nito na ikaw ang pumapatay kaya naman hindi ka tumigil na hanapin ang opisina nito sapagkat nasa opisina nito ang mga ebidensya ngunit bigo kang matagpuan ito. At ang panghuli, si Gabby. Pinatay mo si Gabby upang ma-solo mo ang pekeng Aya at dahil na rin sa matinding selos sapagkat lagi itong bukambibig ng – " Hindi naman naituloy ni Ara ang kanyang sasabihin.

"TAMA NA!" biglang sigaw ni Kiko.

"H'wag mo nang lokohin ang sarili mo, Kiko. Ikaw! Ikaw ang pumatay sa kanila! Hahaha! At alam mo ba kung anong dahilan? Dahil ikaw ang baliw sa ating dalawa! Baliw na baliw ka kay Aya at nagawa mong pumatay dahil doon. Ikaw ang baliw, Kiko. Obsess ka kay Aya!" sigaw ni Ara habang tumatawa.

"Hindi... Hindi," paulit-ulit na wika ni Kiko habang umiiling. Nais niyang takasan ang katotohanan ngunit pilit itong sinasaksak ni Ara sa kanyang utak.

"Anong hindi? Baliw ka na, hindi ba? Nabaliw ka nang mawala si Aya. Bakit kasi hindi na lang ako para hindi ka na pumatay pa?" turan ni Ara.

"Dahil si Aya lang ang gusto ko. Oo, ako ang pumatay sa kanila! Dahil sagabal sila sa amin ni Aya. At ikaw? Papatayin din kita gaya ng ginawa ko sa kanila at ginawa mo kay Aya!" sigaw ni Kiko at saka susugod na sana nang mapansin niya ang hawak-hawak na kutsilyo ni Ara at akmang susugod na rin ito sa kanya. Sa bilis ng pangyayari, sinaksak ni Ara si Kiko sa tiyan at saka hinugot ulit ang kutsilyo kaya napasigaw ito sa sakit.

Tinaas ulit ni Ara ang kutsilyo at akmang isasaksak naman sa dibdib nang binata nang biglang tumayo si Rosario at mabilis na itinulak si Ara sa malalim na hukay na punong-puno ng mga kahoy, bungo at buto ng tao. Tatalikod na sana si Rosario at lalayo sa hukay nang biglang hilahin ni Ara ang kanyang kanang paa kaya bigla rin siyang nalaglag sa malalim na hukay.

"Isa kang taksil!" sigaw ni Ara rito habang mahigpit ang hawak sa braso nito.

"Bitawan mo ako, Ara! Tigilan mo na ang kabaliwan mo!" sigaw naman ni Rosario habang pilit na kumakawala sa kapit ni Ara.

"Hindi! Dahil magsasama tayo sa impyerno, mahal kong kaibigan," nakangising turan ni Ara. "At kapag sinabi kong impyerno, literal na impyerno," wika ni Ara at saka sinaksak ito sa puso. Bigla namang sumiklab ang napakalaking apoy nang kunin ni Ara ang lighter na nasa bulsa niya at sininihan ito saka tinapon sa hukay kung nasaan sila ngayon na siyang ikinagulat ni Rosario.

"ARA!" nanghihinang sigaw ni Rosario.

"Magsasama na tayo sa impyerno, mahal kong kaibigan," nakangising wika ni Ara.

"Isinusumpa ko ang bayan na ito. Isinusumpa ko ang bayan ng Sta. Evilia! Sa pagkawala ko, lalamunin ng kadiliman ang bayang ito. Mamatay ang lahat ng taong narito! Mamatay ang lahat ng taong hindi sasamba sa akin!" sigaw ni Ara habang nilalamon sila ni Rosario na wala nang malay ng apoy.

Naiwang nakatulala sa hukay na nag-aapoy si Kiko habang tumutulo ang dugo sa kanyang tiyan. Isang patak na luha lang ang lumabas sa kanyang mata hanggang sa siya'y mawalan nang malay.

***

Masarap daw magmahal lalo na kung mahal ka rin ng taong mahal mo. Ngunit nakakasama rin para sa atin ang lubos na pagmamahal sapagkat may mga pagkakataong nagagawa natin ang mga bagay na hindi natin ginagawa.

"Oras na para sa gamot niyo, Sir," wika ng isang nurse sa isang lalaking nakatulala sa bintana nang makapasok ito sa isang silid na puro puti. Hindi naman siya pinansin nito at nanatiling nakatulala.

"Sir Kiko, ang gamot niyo," wika ulit ng nurse ngunit ngayon, lumapit na siya rito at inilapit sa bibig nito ang gamot at inabutan ito ng tubig. Tinabig naman ito ni Kiko at saka nagsisisigaw sa mukha ng nurse.

"Ayoko! Ayoko! Si Aya ang gusto ko! Nasa'n na si Aya? Pinatay ni Ara si Aya. Nasa'n na si Aya?!" wika ni Kiko at saka nagwala. Tumakbo naman ang nurse palabas at humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan.

"Nagwawala na naman si Sir Kiko! Turukan niyo ng pampatulog," wika ng nurse sa kanyang kasamahan. Agad-agad namang nagtungo ang dalawang nurse sa kwarto ni Kiko.

Patuloy pa rin ang pagwawala ni Kiko kaya hinawakan na siya sa dalawang braso ng isang nurse habang ang isa ay mabilis siyang tinurukan sa braso. Unti-unting pumikit ang kanyang mga mata at dahan-dahan siyang inalalayan ng dalawang nurse at inihiga sa kama nito.

"Sayang 'to. Ang gwapo sana kaso baliw lang," wika ng isa sa nurse at saka sila lumabas ng kwarto ni Kiko matapos itong i-ayos.

Nasa isang ospital para sa may mga sakit sa utak si Kiko. Natagpuan siyang walang malay ng mga pulis sa likod ng bahay nila Rosario matapos ipahanap ni Aling Nena si Kiko sa mga pulis.

Ni-report ni Aling Nena si Kiko sa salang pagpatay nito sa kanyang anak. Mahirap man para sa kanya ngunit nais niyang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak. Nadiskubre niyang si Kiko pala ang pumatay rito matapos niyang tignan ang laman ng envelope na nakita niya sa kwarto ni Darren. Napag-alaman niyang naglalaman pala ito ng lahat ng ebidensya laban kay Kiko. 

Takang-taka si Aling Nena habang pinagmamasdan ang envelope na nakita niya sa kwarto ng kanyang anak. Tinignan niya ang likod nito at may nakalagay na 'Monstre Sparks' kaya naman dali-dali niyang kinuha ang mga nasa loob sa pag-aakalang ito'y mga larawan na kuha sa engagement party nina Chrismae at Darren ngunit nagkamali siya. 

Napahawak siya sa kanyang bibig habang pinagmamasdan ang mga larawan. Ang unang larawan ay isang babae at ito'y walang iba kung hindi si Rosario na nilalapag ang isang damit na puno ng dugo sa malapit sa tatlong batang walang malay. May hawak din itong bracelet na mukhang ilalapag din.

Sumunod ay larawan ni Clarisse kung paano ito hatakin ni Ken upang gahasain. Nanlaki naman ang mga mata ni Aling Nena nang makita ang sumunod pang larawan at pinapakita rito kung paano sinaksak ni Kiko si Clarisse habang si Ken ay wala nang malay. Napakunot-noo naman si Aling Nena nang makita ang larawan ni Chrismae na sinasaksak ang sarili nito at sa sumunod nitong larawan, nakita niyang naroon si Kiko at nakatingin lamang sa walang buhay na katawan ng dalaga. 

Hindi rin kinaya ni Aling Nena nang makita niya si Kiko na larawan na sinasaksak si Ken. Hindi niya lubos malaman kung paanong nakapasok ito sa kulungan.

Napaluha na si Aling Nena sa mga nakikita niya. May nakita pa siyang isang larawan ng isang sasakyan na bumangga at hindi siya nagkakamaling ito ang mga kaibigan ni Kiko. Sa sumunod na larawan, kitang-kita niya ang isang lalaki na may hawak na gloves at sinaksak ang puso ng mga tao sa loob gamit ang mga basag na salamin galing sa bintana at muli, hindi siya nagkakamaling si Kiko iyon.

Ang mga sumunod na larawan ay nagpapakita na kung paanong sinundan ni Kiko si Gabby at kung paano nito pinatay ito ngunit ang hindi niya makaya sa lahat ay ang makita ang larawan ng kanyang anak na nakatali sa isang upuan at puro sugat na ang katawan. Nasa likod naman nito si Kiko at may hawak na pamalo na mukhang ipapalo sa ulo ni Darren.

"WALANG HIYA KAYO! MGA DEMONYO!" naisigaw ni Aling Nena saka humagulgol ng iyak.

Hinintay ng mga pulis na magkaroon muna ng malay si Kiko bago ito damputin ngunit nang siya'y magkamalay, hindi mo na ito makausap ng matino at lagi lamang nakatulala at kapag kinausap mo naman ito, bigla itong magwawala at magsasalita ng kung ano-ano. Kaya imbis na sa kulungan, sa ospital siya ng mga taong may sakit sa utak dinala.

Biglang nagising si Kiko sa isang pamilyar na himig. Dahan-dahan siyang bumangon at lumingon sa kanyang paligid.

Langit, Lupa, Impyerno

Im-im-impyerno

Tumayo siya at nilibot lang ang kanyang mga mata na para bang hinahanap kung saan nanggagaling ang kanta.

Saksak puso tulo ang dugo

Patay, buhay

Bigla siyang napalingon sa puting kurtina. Bigla siyang nakakita ng isang anino ng babae na may hawak-hawak na sanggol.

"A-aya?" sabik niyang wika.

I-kaw ang ma-ma-matay!

"ARA?!" bulalas niya at saka naramdaman na lang niya ang kutsilyong nakatusok sa kanyang dibdib.

"Ako nga, mahal ko. Tinapos ko lang ang larong ito," nakangising wika ni Ara at saka binunot ulit ang kutsilyo sa dibdib ni Kiko. Inangat ulit ni Ara ang kutsilyong hawak niya... saka muling dumanak ang dugo. 

Wakas

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top