Sinu Kami

Sinu Kami
ika-25 ng Hunyo, 2016
11:57Pm. - 12:30Am.
*06:53Am. - 07:28:Am.

Dibuhong imahe gamit ang mga salita
Pagbabalangkas sa pandayan ng haraya
Madinig katangitangi naming istorya
Sa palad ilahad, nangangawaling tenga.

Pagkakataon ay sadyang nanakawan
Nang oras ay patitigiling-lamigan,
Kikitlin halimaw sa inyong isipan
Na nananamantala ng kahinaan.

Pinadadanak namin ay dugo
At ang panulat namin ay punyal
Nginangalap ang wasak na daan
Dini sa matalinghagang buhay.

Pinagdugtong-dugtong namin ang tuldok
Haya't naging isang ganap nang linya
Pagbubutihin paghagod sa bato
Nang makasalamin sa kintab nito.

Salita'y tuyong patak ulang palaisipan
Lalim na pang-unawa ang kinakailangan
Dakot ng ideya ang nasa pagpipilian
Tiwangwang na mahandusay itong iiwanan.

Marahil iba'y madilim hatid na kahulugan
Na magdudulot ng bitak sa ulo't kahibangan
Kung mali pang susi ang gagamitin nang mabuksan
Mapatdang utak masakop ng tintang kadiliman.

Kami'y tagalansi ng hugis at tagatakda
Katulad na lamang, mga ulap sa paapala
Anghel at demonyo'y amin ring ipinipinta
Nang maliwanagan pagkakaiba sa madla.

Kami'y naghihintay na paunlaka't umaasa
Madinig hatid na sakit at sadlak naming saya
Hinihiling na mga aral sa likod makukuha
Sa kabila ng pag-ulan naming mga mangangatha.

***

Karagdagang Kaalaman;

          Ang orihinal na balangkas. at ideya ng tulang ito ay halaw sa Who we are, sa A Better Place na lupon ng mga ingles na tula ni Sir cursedbypen/mysterious_aries. Marapat lang na paunlakan niyo ang aking mungkahing basahin rin ang kanyang mga katha at pinapangako kong 'di kayo mabibigo at maaliw sa kanyang mga hinaing tula. At ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ko sa inyo.

At kung napansin niyo may dalawang oras kung kailan ko sinimulan at natapos ang tulang ito. Yung may * ay nangangahulugang oras kung kailan ko binigyan ng sukat at sinaayos ang tulang ito. May sukat itong (1) 13-13-13-13 (2) 12-12-12-12 (3) 10-10-10-10 (4) 11-11-11-11 (5) 14-14-14-14 (6) 15-15-15-15 (7) 14-14-14-14 (8) 15-15-15-15.

- JMuntiKatah (Blintzero)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top