Capitulo Veinte-Tres
Capitulo Veinte-Tres
Naguluhan ako sa sinabi ni Alejandro. "Ano?"
"Ayokong mawala ka sa akin. Sa tuwing naaalala mo sila, para kang nape-fade. Lumalabo. Unti-unting naglalaho kaya kita hinahawakan o niyayakap." Sinuklay niya ang kanyang buhok. "H-Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa oras na mawala ka. May possible na hindi ka na bumalik."
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Kaya pala parang takot na takot si Alejandro sa tuwing sinasabi ko ang tungkol sa kinalakihan kong pamilya.
"Kaya sinasabi ko sa iyong kalimutan mo na sila." Hinawakan niya ang kamay ko. "Mababaliw ako kapag nawala ka sa akin."
"Pero imposible iyon, Alejandro."
"Alam ko pero paano kung nabalik ka sa pinanggalingan mong panahon? Paano tayo? Paano ang pagmamahalan natin? Hindi ba bubuo tayo ng pamilya natin? Paano tayo magkakapamilya kung mawawala ka sa akin?"
Napayuko ako. Gusto kong bumuo ng pamilya na kasama siya pero ang hirap ng gusto niyang gawin ko.
"Victoria, ayaw mo na ba sa akin?"
Umiling ako. "Mahal kita, Alejandro. Ikaw lang naman ang iniibig ko at wala nang iba pa pero..."
"Pero ano?"
"Pero mahirap gawin ang gusto mo."
"Alam kong mahirap gawin iyon pero sana iwasan mo na ang pag-isip sa kanila. Paano kung magkakaanak na tayo at bigla kang nabalik sa panahon mo? Makakaya mo bang lumaki ang anak natin na walang ama?"
"Alejandro..."
"Hindi naman kita mapipilit pero mag-asawa na tayo ngayon, Victoria. Sana maintindihan mo kung bakit ako nagkakaganito ngayon." Bumuntong hininga siya bago hawakan ang aking mukha. "Para naman ito sa ating dalawa." Hinalikan niya ako sa noo. Binitawan na niya ako. "I'm so sorry dahil nasaktan kita. Aalis na ako. Tawagin mo na lang ako kapag... Kapag gusto mo nang umuwi sa atin." At naglakad na siya papalayo sa akin.
Huminga ako ng malalim. Nagmadali akong sumunod sa kanya at nang maabutan ko siya, kaagad kong niyakap siya. "Sasama na ako sa iyo."
Humarap siya sa akin. "Sigurado ka?"
Tumango ako. Naiintindihan ko si Alejandro. Kaya siya nagkakaganito dahil labis niya akong mahal at natatakot siyang darating ang araw na bigla akong mawawala na parang bula. Maski ako ganoon din ang mararamdaman ko kung sakaling si Alejandro ang napadpad sa panahon ko.
Kumalas si Alejandro sa pagkakayakap ko sa kanya. Hinalikan niya ako sa labi kaya napangiti ako. "Umuwi na tayo." Magkahawak kamay kaming pumasok sa bahay ng mga tunay kong magulang. Eksaktong nasa sala na sila at nanonood ng movie sa TV.
"O, bati na kayo?" kaagad na tanong sa amin ni Daddy Inno pagkakita niya sa amin.
"Opo, Ninong." sagot ni Alejandro. Magaan rin niyang hinalikan ang likod ng aking palad.
"Ang bilis naman."
Mahinang pinalo ni Mommy sa balikat si Daddy. "Inno! Pasaway talaga ang daddy ninyo. Gusto niya kasing dito muna matulog si Victoria kaya nagkakaganyan siya." Nanghihingi ng pasensya ang ngiti ni Mommy Natalia.
Nagkatinginan kami ni Alejandro. "Pwede naman po kami dito matulog, Mommy." nakangiting sabi ko.
"Sigurado ba kayo?"
"Opo-"
"Syempre, Natalia, oo. Hayaan mo nang dito matulog ang mga bata." Singit ni Daddy. Bumalik na ang sigla sa mukha nito. "Hala sige, maupo na kayo d'yan. Alejandro, wala naman tayo sa kamara kaya hubarin mo na 'yang coat mo at tanggalin mo na ang necktie. Para ka namang nasa trabaho n'yan. Ang pormal masyado."
"O-Opo, Ninong." Umupo kami sa isang sofa na eksakto para sa tatlong tao.
"Hijo, daddy hindi ninong. Ilang ulit ko bang sinabi iyon sa iyo kanina noong nag-lunch tayo?" naiiling na sabi ni Daddy.
"Pasensya na po, D-Daddy." Hinubad na niya ang suot na coat at necktie. Tinupi ko naman ang mga ito at pinatong sa tabi ko. Inakbayan naman ako ni Alejandro habang nanonood kami.
Isang horror movie ang pinapanood namin. Palagi akong napapayakap kay Alejandro sa tuwing nakakatakot ang scenario. Kalauna'y hindi na lang ako nanonood at nagsumiksik na lang ako sa asawa ko.
----
Umangat ang tingin ko nang hawakan ni Alejandro ang aking kamay. Nagbabyahe na kami pauwi sa bahay namin. Malakas ang buhos ng ulan na tila ba'y nagluluksa ito kahit hindi naman talaga. Kanina'y maaliwalas ang panahon tapos noong umalis na kami sa bahay ng magulang ko biglang bumuhos ang ulan.
"Gusto mo bang kumain ng lugaw pag-uwi natin? Masarap kumain nun lalo na ganitong kalakas ang ulan."
Tumango na lang ako kaya tumawag kaagad si Alejandro sa mayordoma namin. Habang kausap niya ito, tumitingin naman ako sa labas. Ma-traffic ngayon dahil sa ulan. May mga estudyante at mga empleyado akong nakikita na nakikipag-unahan sa pagsakay ng jeep, taxi o bus. Maswerte na lang ako na komportable akong nakaupo dito sa loob ng kotse.
Biglang pumasok sa isipan ko ang nakita ko kagabi. Nagising ako marahil bandang ala-una ng madaling-araw. Narinig kong bumukas ang pintuan ng silid na ginagamit namin. Akala ko noong una lumabas si Alejandro at kababalik lang ng mga oras na iyon ngunit napagtanto kong nakayakap siya sa akin. Nang pasimple kong tingnan kung sino ang pumasok, isang pigura ng babae ang nakatayo malapit sa hinihigaan namin. Tatayo na dapat ako pero pinigilan ako ni Alejandro na kagigising pa lang ng mga oras na iyon at kaagad ring nakatulog. Pagtingin ko sa gawi ng babae, wala na ito.
"Ang lalim naman ng iniisip mo. Wanna share what's in your mind?"
"Kagabi may babaeng nakatayo sa silid natin. Nakita mo ba kung sino siya?"
Kumunot ang noo niya. "Wala akong nakitang babae kagabi. Baka namamalikmata ka lang or may effect pa rin sa iyo 'yong horror movie na napanood natin kaya nai-imagine mo na may babaeng nakatayo sa loob ng kwarto natin."
"Siguro nga." Grabe naman kasing nakakatakot ang pinapanood nila kagabi. Nag-movie marathon sila ng mga nakakatakot na pelikula. Ang tatapang. Nakatulog na nga lang ako habang nakasiksik kay Alejandro.
"Dapat hindi ka na manood ng horror movie pero pwede ka pa rin manood." Tumingin siya sandali sa taas bago bumalik ang tingin sa akin. "Mas maganda palang manood ka palagi ng horror movie basta kasama ako."
Naguluhan ako sa kanya. "Kanina huwag na ako manood tapos biglang manood ako ng horror movie palagi basta kasama kita. Bakit naman?"
"Kasi palagi kang nakasiksik with matching todo yakap sa akin kapag natatakot ka sa pinapanood mo." Pilyo siyang ngumiti kaya kinurot ko siya sa kanyang tagiliran. "Joke lang. Ito naman hindi mabiro."
"Nakakainis ka, Alejandro."
"Biro lang naman, Victoria." Yumakap siya sa akin. "Masarap kasi sa feeling 'yon. Pakiramdam ko, ako ang knight in shining armor mo."
Umangat ako ng tingin. "Ikaw naman talaga ang knight in shining armor ko."
Ngumiti siya ng matamis sa akin. "Sus! 'Wag mo nga ako pinakikilig." Mas humigpit ang yakap niya sa akin at tumuon ang tingin niya sa labas. Ganoon na lang ginawa ko rin. Pagmamasid sa labas ang naging libangan naming dalawa habang bumabyahe.
----
"Gamitin mo ito."
Napatingin ako sa laptop na pinatong ni Alejandro sa mesa. "Bakit mo ito ipapagamit sa akin?"
"Para hindi ka na mahirapan sa pagsusulat." Umupo siya sa tabi ko at pinindot niya ang on button ng laptop. "Mas madali mong magagawa dito ang sinusulat mo. Madali mong mabubura kapag may mali ka. Hindi na rin mawawala or magkukulang ang page ng sinulat mo dahil naka-save na dito sa laptop..."
Naalala ko nga nagkataong may nawalang pahina sa sinusulat ko. Halos manlumo ako ng araw na iyon dahil tatlong pahina ang nawala. Nakinig ako ng mabuti sa mga tinuturo sa akin ni Alejandro tungkol sa paano gamitin ang laptop. Bukod sa pagta-type ng nga dokumento, pwede rin palang manood, makinig ng tugtog at ang laptop rin ang ginagamit para mag-internet. Tunay na maaasahang gamit.
"Magagamit mo rin ito once na nag-college ka na. Para sa iyo talaga ito, Victoria. Dapat bibilhan kita nito bago mag-start ang school year kaso nakita kong sobrang namumula ang kamay mo sa buong araw na pagsusulat."
Napangiti ako. "Salamat, Alejandro."
"Thank you rin."
Kumunot ang noo ko. "Bakit ka nagpapasalamat sa akin?"
"Dahil kinokompleto mo ang buhay ko. Siguro kung wala ka dito sa tabi ko, ang lungkot ko." Magaan niya akong hinalikan.
Gumuhit ang ngiti sa labi ko. "Ganoon rin ako." Masuyo kong hinaplos ang kanyang mukha. "Ikaw ang bumuo ng pagkatao ko."
Hinuli niya ang kamay ko at hinalikan iyon. "Gusto mo bang sumama sa akin sa opisina?"
"Pwede naman. Hindi ba ako makakaabala sa inyo?"
"Hindi. Ikaw pa. Magpalit ka na ng damit. I will wait you downstairs."
Tumango ako bago lumabas si Alejandro. Naghanap kaagad ako ng maisusuot. Isang kulay rosas na bestida na hanggang ibabaw ng tuhod ang haba. May manggas ito na hanggang siko, lace ang nagsilbing disenyo nito na tila ba'y nakapatong sa telang kulay rosas at may kapares itong itim na belt. Isang kulay itim na sapatos na 2 inches ang taas ng heels. Simpleng makeup lang ang nilagay ko sa aking mukha. Napangiti ako sa harap ng salamin bago lumabas ng kwarto. Inaayos ko ang laman ng dala kong handbag nang marinig kong may kausap sa cellphone si Alejandro.
"Pupunta na kami d'yan, Tita... Yes po... Opo... Bye." Napatingin siya sa gawi ko. Bakas sa mukha niya ang labis na pagkalungkot. "Victoria."
"Bakit? May nangyari ba?" nag-aalalang tanong ko sa kanya.
"Palitan mo ang damit mo. Itim ang suotin mong damit."
"B-Bakit?"
"Si Celestine wala na."
"Anong wala na?"
"Namatay siya kagabi. Nakatulog habang nagsusulat. Nang ginigising na siya ni Tita Lanie dahil may bisita siya, hindi na siya magising. Doon lang nila nalaman na wala nang pulso si Celestine."
Nakadama ako ng sobrang pagkalungkot sa narinig ko. "Alejandro."
"Sige na. Magpalit ka na ng damit."
Tumango na lamang ako bago umakyat. Mabilis akong nagpalit ng damit. Pagkatapos kong magbihis, pumasok si Alejandro at nagpalit siya ng pang-itaas. Isang kulay itim na long sleeve polo.
Sobrang tahimik ni Alejandro habang bumabyahe kami papunta sa lamay ni Celestine. Alam kong sobrang lungkot niya dahil ang pinakamalapit niyang pinsan ang nawala. Ako rin ay sobrang nalulungkot dahil malapit na rin sa akin si Celestine at para sa akin, matalik ko na siyang kaibigan.
Pagdating namin sa chapel ng subdivision kung saan nakatira ang pamilya ni Celestine, mapapansin kaagad na maraming tao. Kaagad kaming sinalubong ng tito at tita niya.
"Condolence, Tito Dan and Tita Lannie."
Matipid lang ang ngiti ni Tito Dan samantalang si Tita Lannie ay patuloy sa pag-iyak. "Alejandro, puntahan mo na si Celestine. Alam kong hinihintay ka niya." Bakas ng sobrang lungkot at sakit ang boses ni Tito Dan.
Tumango si Alejandro bago naglakad papunta sa kabaong ni Celestine. Sumunod ako sa kanya. Nang nasa harapan na kami ng kabaong, umiwas kaagad ako ng tingin. Hindi ko matanggap na wala na si Celestine.
"Celestine, bakit mo kami iniwan kaagad? Excited ka bang makita ang boyfriend mong si Simoun kaya mo kami iniwan?" Narinig kong humikbi si Alejandro kaya napatingin ako sa kanya. "Pwede naman siyang maghintay sa iyo pero bakit kailangan mong sumunod sa kanya? Hindi mo pa nga natutupad ang pangarap mong maging prima ballerina. Ako pa naman ang number 1 fan mo tapos hindi mo itutuloy ang greatest dream mo."
"Alejandro." Marahan ko siyang tinapik sa balikat.
"Ang bata pa ni Celestine para mawala sa mundong ito. Marami pa siyang pwedeng magawa."
Tahimik lang akong nakikinig sa kanya habang umiiyak. Ayos lamang na umiyak mapa-lalaki o babae ka lalo na't kung isa sa mahal mo sa buhay ang nawala.
"Celestine, bakit mo iniwan si kuya?"
----
Nagmamasid lamang ako sa paligid ko. Hanggang ngayon ay marami pa ring tao sa lamay ni Celestine. Kitang-kita na maraming nagmamahal sa binibini. Nakakalungkot lamang at maaga siyang nawala. Tumingin ako sa gawi ni Alejandro na ngayon ay may kausap na bisita. Buong araw kaming nandito. Naiintindihan ko naman ang asawa ko kung bakit ayaw niyang umalis dito.
Napatingin ako sa kabaong ni Celestine. Tumayo ako at dahan-dahang lumapit. Nang makita ko ang mukha nito, tumulo ang luha ko. "Masakit para sa amin ang iyong pagkawala, Señorita Celestine." Hinaplos ko ang salamin na nagsisilbing harang sa binibini. Parang natutulog lang sa loob ng kabaong si Celestine. Napakapayapa.
"Victoria."
Napalingon ako sa tumawag sa akin. Nanlaki ang mata ko nang nasa tabi ko pala si Keira. Ngayon ko lang siya nakita. "K-Keira!"
"Ngayon na nga lang tayo nagkita, sa ganitong sitwasyon pa." Napatingin siya kay Celestine. "Nakakalungkot lang." Bumuntong hininga siya.
"Tama." Pagsasang-ayon ko at bumalik ang tingin ko kay Celestine.
"Ang bata pa ni Celestine. Estudyante ko siya and on the same time, kinakapatid. Nakita namin siya ni Tita Lannie kagabi na wala nang buhay. Peaceful siyang namatay. Hindi siya nakadama ng sakit o paghihirap bago mamatay. Malungkot at nangungulila siyang nawala." Muli siyang bumuntong hininga. "Ni hindi man lang niya nabasa ang huling liham sa kanya ni Señor Simoun."
Sabay kaming napatingin sa binibining biglang tumabi sa amin. "Tita Glenda/Glenda!" Halos sabay naming sabi ni Keira.
Nginitian niya kami bago tumingin kay Celestine. "Nakakalungkot na sa lamay pa niya tayo nagkitang lahat."
"Bakit ka nandito, Tita Glenda?"
"Para dalawin si Celestine, Keira." Hinaplos ni Glenda ang larawan ni Celestine. "Sobra ang paghihirap na pinagdaanan nila ni Simoun."
"Bakit kasi pinahirapan mo sila?" bigla kong naitanong bago tumingin kay Celestine.
"Hindi ko ginusto ang nangyari sa kanila. Nasira nila ang tadhanang nakatakda sa kanila."
"Alam mo nakakainis ka talaga, Tita Glenda. Ikaw nga si Tadhana, eh. Bakit hindi mo na lang inayos?" halata ang inis sa boses ni Keira.
"Iyon ang hindi ko magagawa. Magiging maayos naman sila kung hindi hiniling ng puso ni Simoun na bumalik si Celestine sa panahong ito. Nasira man nila ang nakatakda sa kanila, maaari pa naman iyon maayos kung hindi siya nabalik dito." Nilingon niya kami. "Magiging masaya naman na sila."
"Dahil magkasama na sila sa langit?" kunot noong tanong ni Keira.
"Hindi pa umaakyat sa langit ang kaluluwa nila. Nakatakda lang ulit silang magkita sa tamang panahon."
Napangiti ako. "Magandang bagay iyan." Kahit papaano'y nagkaroon ng saya ang aking pakiramdam. Magiging masaya rin si Celestine.
"Keira, magkakaroon ng apo si Cara. Isang babae na sa edad dieciocho, babalik sa lugar na nagsilbing tagpuan ng isang nagmamahalan at doon makikilala niya ang nakatakda sa kanya." Bumaling ang tingin ni Glenda sa akin. "May darating na magandang balita para sa iyo, Victoria. Ang nais ko lamang ay maging ligtas ka palagi lalo na't papalapit ang buwan ng eleksyon. Keira, Victoria, maging masaya kayo. Pinaglaban ko kayong tatlo sa diwata ng oras dahil karapatan ninyong maging masaya." Hinaplos ni Glenda ang aming mukha bago umalis.
"Kakaiba talaga iyang si Tita Glenda."
"Tama ka." Nakatingin pa rin ako sa dinaanan ni Glenda. Kakaiba man ngunit siya ang dahilan kung bakit masaya kami ngayon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top