Capitulo Veinte-Siete



Capitulo Veinte-Siete



Pagkadating ko sa bahay ng aking mga magulang, nakangiting nakaabang sa akin si Mommy Natalia. Mukhang tinawagan siya ni Alejandro nang makaalis na ako kanina. Sayang, plano ko pa namang sorpresahin sila. Nakaalalay kaagad sa akin si Don paglabas ko ng kotse. Ito na rin ang nagdala ng cake na binili namin para kay Mommy.

"Hija! I'm so happy to see you. Akala ko matagal pa bago tayo magkita."

"Alam mo naman po si Alejandro, ayaw na palabasin ako ng bahay namin." Sabay kaming pumasok sa loob.

"Maselan kasi ang pagbubuntis mo kaya ganoon ka-overprotective ng asawa mo."

"Siyang tunay." Nahinto ako sa aking paglalakad nang makita ko ang lola ni Alejandro. "Kailan po bumalik dito sa Maynila si Lola Caridad?"

Kumunot ang noo ni Mommy Natalia. "Hindi naman umalis ng Manila si Tita Caridad. Sino naman nagsabi sa iyo na umalis siya?"

Bakit nagsinungaling si Alejandro sa akin? "Si Alejandro po. Gustong-gusto ko nga po makipagkwentuhan kay Lola kaso ang sabi niya bumalik na raw sa Cebu ang abuela niya."

"Ayaw lang niya siguro na ma-stress kayo pareho ni Tita Caridad. Nandito naman siya, you can talk to her." Kinuha ni Mommy Natalia kay Don ang cake. "I will prepare this with tea. Lapitan mo na siya."

Tumango ako bago lapitan ang abuela ni Alejandro. "Lola?"

Nilingon niya ako at nanlaki ang mga mata niya. "Lola Victoria!"

Kimi akong ngumiti at umupo ako sa tabi niya. "Kumusta na po kayo?"

Hinawakan niya ang kamay ko. "Bakit ngayon ka lang bumalik, Lola?"

"Hindi naman ako nawala. Napunta lang ako sa ibang panahon."

"Ang tagal kang hinihintay ni Lolo Manuel."

"Kumusta si Manuel?"

"Si Lolo? Mabait siyang tao kahit po hindi niya totoong anak ang papa ko. Tinuring niya kaming parang tunay na kamag-anak. Palagi ka niyang kinukwento sa akin. Na isa ka pong maganda at mabuting tao. Naging masaya naman siya sa amin pero hindi pa rin mawawala ang lungkot niya nang mawala ang ate niya."

Malungkot akong ngumiti. Nagkaroon ng pamilya si Manuel ngunit naging malungkot pa rin siya."Si Kuya Matias? Kumusta siya? Naabutan mo ba siya?"

Kumunot ang noo ni Lola Caridad. "Sinong Matias? Kaano-ano mo po siya?"

Mukhang hindi naabutan ni Lola Caridad si Kuya Matias. "Kapatid namin siya."

Tumango-tango na lang siya. "Ikaw? Kumusta na ka po? Naging maayos ba ang buhay mo dito?"

"Mabuti naman. Masaya naman ako dito."

Ngumiti siya sa akin. "Mabuti naman. Ang sabi ni Lolo Manuel, kaya mo raw sila iniwan dahil malungkot ka sa kanila. Ayaw mo na silang makasama. Ayos lang na iwanan mo raw siya ng basta maging masaya ka."

Hindi ko napigilang tumulo ang luha sa pisngi ko. Kahit kailang hindi ko inayawan ang pamilya ko. Gusto ko nga silang makasama muli.

"Oh! Bakit ka umiiyak? Dapat hindi ka umiiyak. Malulungkot si Lolo Manuel kapag nakita ka niyang umiiyak." Hinaplos niya ang pisngi ko upang punasan aking mga luha.

"Hindi ko naman ninais na iwanan sila. Mahal na mahal ko ang pamilya ko doon."

"Sssh... Tahan na."

"Oh my God!" Sabay ng sigaw na 'yon ang pagbagsak ng mga babasaging gamit. Bigla akong napatingin sa likuran ko. Nanlalaki ang mga mata ni Mommy Natalia. Tila ba'y nakakita ito ng multo.

"Mommy?" Nagmadaling lumapit sa akin si Mommy Natalia. Niyakap niya ako at mayamaya'y narinig kong humihikbi siya. "Mommy, ayos ka lang ba?"

"Dito ka lang, Victoria. Anak kita eh kaya dito ka lang. Ayokong kunin ka nila sa akin. Huwag mo na kaming iiwanan pa, anak. Dito ka lang, please."

Naguguluhan ako sa mga sinasabi ni Mommy. Hindi ko siya maintindihan. Kumalas ako sa pagkakayakap niya sa akin. "Mommy, bakit ko naman kayo iiwanan?"

"Please, don't ever leave us again. Ang tagal naming nangulila sa iyo."

"Mommy—" Napalingon ako kay Lola Caridad nang hawakan niya ang kamay ko.

"Lola, umuwi ka na sa bahay. Sigurado akong hinihintay ka na ni Lolo Manuel."

"No! Sa akin lang ang anak ko!" Hinila ako ni Mommy Natalia.

"Kailangan na umuwi ni Lola. Doon siya sa kanila!" Hinila rin ako ako ni Lola Caridad.

Palipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa. Tila ba'y pinag-aagawan nila ako sa ginagawa nila. "Sandali lang—"

"She's my daughter! Please, Tita Caridad, huwag mong gawing lola mo ang anak ko."

"Teka lang—"

"Siya ang kapatid ng lolo ko. Hindi mo siya anak!"

"No!"

Unti-unting uminog ang aking paligid. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil sa pasalit-salit nilang paghila sa akin. "Sandali lang po."

"Lola, nangungulila ka kay Lolo Manuel, hindi ba?"

Syempre ako'y nangungulila ngunit hindi ko pwedeng isagot iyan sa harap ng tunay kong ina.

"Ate Victoria?"

"Manuelito?" Lumingon ako at nakita ko ang pamilyar na pigura ni Manuel. Unti-unting nanlabo ang aking paningin. "Sandali—" Nandilim na ang paningin ko hanggang sa nawalan ako ng malay.



Alejandro Lucas Navarroza:



"Ano pong nangyari kay Victoria?" Bungad kong tanong kay Ninang Natalia pagkakita ko sa kanya.

"Nawalan si Victoria ng malay kanina. Kung ano-ano kasi ang pinagsasabi ni Tita Caridad sa kanya. Parang pinipilit niya kay Victoria na lola niya ang anak ko. Si Victoria naman naki-ride sa kanya. Umiiyak na nga kanina dahil para naniwala sa mga pinagsasabi ni Tita Caridad. Na-threaten ako sa kanya kaya pilit kong inaagaw ang anak ko. Ako ang dahilan kung bakit na nangyari ito kay Victoria."

"Mommy, wala po kayong kasalanan."

"Kasalanan ko. Natakot ako na mawala sa atin si Victoria. Sa way ng pakikipag-usap niya kay Tita Caridad, parang kilalang-kilala niya si Lolo Manuel."

Napahinto ako sa paglalakad. "May napansin po ba kayong kakaibang nangyayari kay Victoria habang kausap niya si Lola?"

"W-Wala naman."

"Bakit po kasi nandito si Lola Caridad?"

"Gusto kasi ng matanda na makipagkwentuhan sa akin kaya nadalaw dito."

Bumuntong hininga ako. Dapat talaga pinabalik ko si Lola Caridad sa Cebu. "Sana po sabihan ninyo kami kapag nandito si Lola. Ito ang ayoko pong mangyari sa oras na magkita sila. Its not a good idea to let them talk about Manuel. Magiging apektado silang pareho lalo na si Victoria."

"May kakilala ba si Victoria na Manuel ang pangalan?"

"Wala."

Matamnan akong pinagmasdan ni Ninang Natalia bago binuksan ang kwartong ginagamit ni Victoria. Gising na siya at nagbabasa siya ng libro ngayon. "Hija, nandito na si Alejandro."

Napalingon sa amin si Victoria at gumuhit ang ngiti sa kanyang labi. Nagmadali siyang lumapit sa amin. Binigyan niya ako ng isang mahigpit na yakap. "Alejandro, umuwi na tayo."

"Ayaw mo ba talagang mag-dinner dito, hija?"

Tumango si Victoria. "Paumanhin po kung nagmamadali akong umuwi sa amin. Nais ko pong sa amin magpahinga."

Pilit na ngumiti si Ninang Natalia. "Naiintidihan ko, hija."

"Aalis na po kami, Mommy." paalam ko. Nakaalalay pa ako kay Victoria habang bumababa kami. Nakasunod naman sa amin si Ninang Natalia. Pinasakay ko kaagad sa kotse ang asawa ko nang matanaw ko si Lola Caridad na papasok ng bahay. Huminga ako ng malalim. "Sige po, Mommy."

"Alejandro."

"Bakit po?"

"Alagaan mo ng mabuti ang anak ko, hijo. Huwag mo siyang hahayaang umalis. Ayoko nang mawala pa siya sa amin."

Tumango ako. "Hindi ko po hahayaang mawala siya, Mommy Natalia. Kahit anong mangyari, hindi ko hihilingin na bumalik sa pinanggalingan niya."



Maria Victoria Saenz-Navarroza:



Huminto ako sa pagbabasa ng libro dahil sa pagsakit ng balakang ko. Ang sabi ng doktor ko, natural lang daw sa buntis ang pagsakit ng balakang dahil nag-a-adjust daw ang katawan ko para sa paglaki ng baby sa sinapupunan ko. Ilang beses akong huminga ng malalim.

"Victoria." Tumabi sa akin si Alejandro at may hawak siyang isang baso ng gatas. "Ayos ka lang?"

"Ayos lang ako. Masakit lang ng kaunti itong balakang ko."

"Inumin mo muna itong gatas tapos magpahinga ka na."

"Ayokong magpahinga." Ininom ko na ang gatas.

"Victoria, kailangan mo ng magpahinga."

"Halos buong araw na akong nagpapahinga. Gusto ko naman na makapaglakad-lakad."

"Pero sumasakit ang balakang mo."

"Hindi na masakit ngayon. Hayaan mo naman na lumabas-labas ako. Napapansin kong sa tuwing nais kong lumabas, hindi ako pinapayagan nila Don. Inutusan mo ba silang huwag ako hahayaang lumabas ng bahay?"

Bumuntong hininga si Alejandro. "Oo."

"Bakit ayaw mo akong palabasin ng bahay?"

"Hindi mo na kailangang malaman pa."

"Kailangan ko malaman. Para mo na rin akong kinukulong sa tahanang ito. Nagsinungaling ka rin sa akin dahil sinabi mo na nasa Cebu na si Lola Caridad, iyon pala'y nandito pa siya. Akala ko ba malaya na akong gawin ang gusto ko sa panahong ito? Bakit parang nagiging sina Mama't Papa ka sa ginagawa mo sa akin ngayon?"

"Pinoprotektahan lang kita, Victoria. Alam mo naman kung anong pwedeng mangyari sa oras na maalala mo ang pamilya mo sa panahong iyon? Ayoko ring may mangyari sa iyo na ikakapahamak ninyo ng anak natin kaya ayaw kitang palabasin ng bahay."

"Kaya naman akong protektahan nila Don kahit pa nasa labas ako."

"Kulang pa rin 'yon, Victoria. Tingnan mo nga noong isang araw muntik ka nang makainom ng juice na may uod. Mas magandang dito ka lang kaysa lumabas."

Nakadama ako ng inis sa kanya. "Sinasakal mo na ako sa ginagawa mo, Alejandro."

"Hindi kita sinasakal, Victoria." Medyo mataas na ang boses niya.

Inirapan ko siya. Nagmadali akong tumayo at naglakad papalabas ng kwarto namin. Naiinis na ako sa kanya. Nililimitahan na ni Alejandro ang mga nais kong gawin.

"Saan ka pupunta?"

"Sa lugar na hindi kita makikita." Malakas kong sinara ang pintuan. Nakakairita siya! Nagmadali akong bumaba at dumeretso sa hardin. Nasa tabi-tabi lang ang mga bodyguard. Tahimik kong pinagmamasdan ang mga bulaklak na pinagtulungan namin ng mga Criada na itanim. Kahit papaano'y nawala na ang inis na nararamdaman ko. Naglakad ulit ako hanggang sa makarating na ako sa gate.

Lumapit ako sa gate sabay ng paglapit ng isang lalaking nakaitim at may suot na helmet. Nginitian ko ito.

"Ma'am, kayo po ba si Victoria Navarroza?"

Tumango ako. "Oo, ako si Maria Victoria Navarroza. Bakit mo ako hinahanap?"

"May padala po sa inyo." Inabot nito sa akin ang isang pahabang kahon na pwedeng paglagyan ng kwintas upang ipangregalo.

Ngumiti ulit ako. "Salamat!" Sinaluduhan ako ng lalaki bago ito umalis. Pinagmasdan ko ang kahon. "Ano kayang laman nito?" Naglakad na ako pabalik sa loob ng bahay. Umupo ako sa sofa. Ngayon lang may nagpadala sa akin ng regalo na hindi ko alam kung sino ang nagbigay. Kinuha ko ang card na nakadikit sa kahon at binasa ko ang nakasulat.

Enjoy!

Pinatong ko sa coffee table ang card. Excited akong makita ang laman ng kahon habang pinipilas ang giftwrap nito. Humiga ako ng malalim bago buksan ito. Napatili ako sa nakita ko. Isang patay na daga at litrato ko na punit-punit. Nabato ko nang wala sa oras ang dala kong kahon.

"Ma'am! Napaano po kayo?"

"Victoria!" Humahangos na lumapit sa akin si Alejandro. "May nangyari ba sa iyong masama?"

Dahan-dahan kong tinuro ang patay na daga. "M-May nagpadala sa akin n'yan."

"Itapon mo 'yan, Don!" sigaw ni Alejandro kaya kaagad na sinunod siya ni Don.

"B-Bakit may nagpadala sa akin n'yan?"

"Baka napag-trip-an ka lang. Marami nang kabataan ngayon na mahilig mag-prank. Huwag mo na sila pansinin."

"Hindi nakakatuwa ang ginagawa nila. Magpapadala sila sa akin ng punit-punit kong larawan at isang patay na daga. Paano kung sa labas ko nakita iyon tapos mawalan ako ng balanse dahil sa pagkagulat? Ayokong may mangyaring masama sa anak ko." Napasapo ako sa aking tiyan. Para akong maiiyak sa ideyang iyon.

"Walang masamang mangyayari sa inyo." Hinawakan ni Alejandro ang aking mukha.

"Paano kung may mangyaring masama sa akin sa susunod na may magpadala ng ganoon?"

"Ganito na lang. Huwag mong bubuksan ang mga binigay sa iyong regalo. Ibigay mo muna sa akin para ma-check ko."

Unti-unting nawala ang takot na nararamdaman ko kanina. Yumakap ako sa kanya. "Alejandro, wala namang nangyayaring masama, hindi ba?"

"Wala, Victoria. Ayos lang ang lahat. Bumalik na lang tayo sa kwarto para makatulog na tayo dahil alam kong sobra kang natakot ka sa nangyari kanina."

"Pero hindi pa ako inaantok."

"Samahan mo na lang ako matulog." Hinawakan niya ang kamay ko.

"Huwag ka munang matulog. Magpapagawa pa ako ng sandwich sa iyo." Umiwas ako ng tingin. Nakakahiya man ngunit gusto ko na si Alejandro ang gumawa ng sandwich para sa akin. Kung ako o iba ang gagawa, mawawalan lang ako ng ganang kainin iyon.

Napangiti siya sa akin. "I will make you a sandwich. After you finish the food, let go back to our room. Okay?"

Tumango ako at napangiti na rin ako. Nagpatangay lang ako sa kanya papunta sa kusina. Nawala ang ngiti sa labi ko nang biglang naglaho si Alejandro. Nagbago rin ang paligid ko. Para akong nasa kusina ng bahay na kinalakihan ko.

"Ate Victoria, ikaw ba iyan?"

Napalingon ako sa likuran ko at nanlaki ang mga mata ko. "Manuel?"



----



A/N:

This month ang first anniversary ng La Señora desde el Espejo!
Happy Anniversary! Yehey! 🎉🎉🎉



PS: Please leave a comment to make me feel motivated to finish this novel. Dapat po talaga matagal nang tapos ang novel na ito. Pero this past few months, I feel down kaya hindi matapos-tapos ang kwento at sobrang tagal kung magsulat ako ng isang chapter. Sobrang negative ng isipan ko. I wish na through your comments maging positive na ulit ang isipan ko. Salamat!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top