Capitulo Veinte-Dos
Capitulo Veinte-Dos
Kinuha ko ang isang libro sa bookshelf na nasa harapan ko. Isang English novel. Daddy Long Legs ang pamagat. Nakakatuwa ang larawan sa pabalat. Binalik ko ang libro at umupo na ako. Nagpahinga lang ako sandali sa pagsusulat ko.
Ang sinusulat ko ay tungkol sa mga karanasan ko dito na kasama si Alejandro. Halos makalahati ko na ang isang ream ng bond paper na nasa opisina ng asawa ko. Nakakapagod man ngunit masaya ako at nagsusulat lang naman ako habang hinihintay na dumating si Alejandro nh gabi.
Humikab ako bago kinuha ang ilang blankong papel at lumabas ng kwarto. Sa sala ko na lang itutuloy ito. Nang makababa na ako, kaagad akong sumalampak sa sahig. Base sa orasan, alas nueve na ng gabi. "Mukhang may tinatapos pang trabaho si Alejandro."
Napapangiti ako habang nagsusulat. Ginawa kong parang isang fictional story ang pagsulat ko tungkol sa mga karanasan namin. Muli akong humikab bago nag-inat. Humiga ako sa sofa. Iidlip lang ako sandali tapos itutuloy ko na ang ginagawa ko.
"Victoria, Victoria..."
Unti-unti akong dumilat. Napangiti ko nang makita ko ang aking esposo. "Alejandro." Umupo ako at inayos ko ang aking buhok. "Gusto mo bang ipaghain na kita ng pagkain?"
"Bakit dito ka natutulog?"
"Umidlip lang ako sandali." Tumingin ako sa orasan at nanlaki ang mga mata ko. "Naku! Isang oras mahigit pala akong nakatulog. Iidlip lang talaga ako saka ko itutuloy ang sinusulat ko." Inumpisahan kong ligpitin ang mga paper na kumalat sa sahig na marahil ay nilipad ng hangin kanina.
"Ano bang sinusulat mo?"
"W-Wala naman."
Kinuha ni Alejandro ang papel na malapit sa kanya. Kumabog ang dibdib ko nang binasa niya ang nakasulat doon. Kumibot-kibot ang labi niya na lang nagpakaba sa akin. "Hmn... Nagsusulat ka pala ng novel."
"Uhm, Alejandro, maaari mo na bang ibigay sa akin iyan?"
"Sandali, hindi ko pa tapos basahin."
"Huwag mo na tapusin 'yan. Nakakahiya!" Sinubukan kong agawin ang papel ngunit kaagad niyang nailayo iyon sa akin. "Alejandro!"
"Parang alam ko ang scenario na ito." Kahit anong pilit kong kunin ang papel, mabilis niya iyon naiilayo sa akin. "Noong nasa Intramuros tayo ang scenario na ito." Nilingon niya ako. "Sinusulat mo ba ang lovestory nating dalawa?"
Umiwas ako ng tingin. Dama ko rin ang pamumula ng mukha ko. Dapat hindi ko na lang tinuloy dito sa baba ang sinusulat ko. Nakita pa tuloy ni Alejandro. Nakakahiya. Hindi pa naman ako magaling sa ganitong bagay.
"Victoria?" Dahan-dahan akong tumango. "Kaya pala nangalahati ang stock ko ng bond paper sa office ko, ikaw pala ang gumagamit."
Kinuha ko ang hawak ni Alejandro. Mukhang nainis ko pa siya. Pagod pa naman siya sa trabaho tapos iinisin ko lang. Napayuko ako. "P-Pasensya na kung ginamit ko ang mga bond paper mo. Hindi ko na iyon papakialam pa.ititigil ko rin naman ito." Pinagsama-sama ko na ang mga sinulatan kong papel ayon sa pagkasunod-sunod nito.
"Bakit mo naman ititigil? Sayang itong naumpisahan mo."
Umangat ako ng tingin. "Hindi ka naiinis sa akin?"
"Bakit naman ako maiinis sa iyo? Lovestory naman natin ang sinusulat mo? Sinong lalaki naman ang maiinis kapag nalaman niyang sinusulat ng asawa niya ang lovestory nilang dalawa?" Umupo siya sa tabi ko. "Wala namang masama sa ginagawa mo. Ituloy mo lang ang sinusulat mo, Victoria."
"Ngunit hindi ba labag na magsulat ng kwento ang mga kababaihan? Ganoon kasi sa panahon ko."
"Hindi. Common na sa panahong ito na magsulat ng novels ang mga babae. Huwag mong sabihin na iniisip mong lalaki ang mga nagsusulat ng karamihang binabasa mong libro?"
Tumango ako bilang sagot. Isang pekeng pangalan lang naman ang ginagamit ng mga manunulat.
"Halos karamihan ng writer sa panahong ito ay babae, Victoria. Katulad ng sinabi ko sa iyo noon, may karapatan na ang mga kababaihan sa panahong ito."
Napangiti ako. "Nakakainggit naman sila. Sa panahon ko—"
"Victoria, dito ka na sa panahong ito nabubuhay. Huwag mo silang kainggitan dahil nararanasan mo na ang nararanasan nila. Huwag mo nang isipin ang tungkol sa nakaraan mo dahil dito ka naman talaga nabubuhay. You met your real parents and you have a good life here. You can do what you want to do. Hindi tulad sa panahong iyon na wala kang kalayaan. Kalimutan mo na ang pamilya mo doon."
Natigilan ako sa mga narinig ko kay Alejandro. "Ano?"
"Ako, sina Ninang Natalia at Ninong Innocencio. Kami na ang pamilya mo, Victoria. Hindi na sila parte ng buhay mo."
"Sinasabi mo bang kalimutan ko na ang pamilya ko doon?"
"Oo. Victoria, hindi ka—"
"Hindi ko kayang kalimutan sila. Kahit pa nililimitahan nila ang mga gusto kong gawin, naging mabuti sila sa akin lalo na ang mga kapatid ko tapos sasabihin mo na kalimutan ko sila." Parang sinaksak ang puso ko dahil sa sinabi niya. "Pamilya ko pa rin sila. Mahal nila ako at nag-aalala sila sa akin. Na hindi nila malaman kung anong nangyari sa akin at nasaan na ako. Ni hindi nila alam na nandito ako kasama kayo." Nabasag na ang boses ko sabay ng sunod-sunod na bumagsak ang luha sa pisngi ko.
"Victoria—"
"Labis akong nangungulila sa kanila, Alejandro." Marahas kong pinunasan ang luha ko. "Lagi silang pumapasok sa isip ko. Iniisip kung anong nangyari sa kanila? Naging maayos ba ang buhay nila? Nakakabaliw iyon, Alejandro. Tapos ngayon sasabihin mo sa akin na kalimutan ko sila." Tumayo ako at nagmamadaling umakyat. Pumasok ako sa ginamit kong silid noon.
"Victoria, open the door."
Humiga ako sa kama at hindi ko pinansin ang sunod-sunod na katok ni Alejandro. Nakakasama siya ng loob. Pamilya ko pa rin ang sinasabi niyang kalimutan ko. Sila ang kasama kong lumaki.
"Please, Victoria."
Naktalukbong ako ng kumot. Patuloy pa rin ang pag-iyak ko. Lalo tuloy akong nangulila sa kanila. Tumigil na sa pagkatok si Alejandro at mayamaya ay malakas ang pagbagsak sa pintuan ng kwarto naming dalawa. Mas lalo akong napaiyak. Bakit siya pa ang may ganang magalit ngayon na para bang ako ang may kasalanan?
Nakakasama talaga siya ng loob.
----
"Good afternoon, Ma'am Victoria." nakangiting bati sa akin ni Don.
"Magandang hapon rin sa iyo, Don." ganting bati ko bago ko binaling ang tingin ko sa mayordoma namin. "Pakilinis na lang po ng pinaglutuan ko. Pasensya na kung hindi ko nahugasan."
"Naku, Ma'am! Ayos lang po iyon."
Hinawakan ko ang kamay nito. "Huwag ninyong patutulugin ang amo ninyo na hindi kumakain. Pasaway pa naman iyon dahil mahilig mag-skip ng lunch." Huminga ako ng malalim bago naglakad papunta sa gate.
Humarang sa daan si Don. "Ma'am Victoria! Saan po kayo pupunta?"
"Doon muna ako sa mga magulang ko." Inayos ko pa ang pagkakahawak ko sa bag.
"Ihahatid ko na po kayo kina Senator Cervantes."
"Huwag na. Pwede naman akong sumakay ng taxi papunta doon."
"Pero malalagot po ako sa dalawang senador kapag may nangyari po sa inyong masama dahil hinayaan ko po kayong mag-isang pumunta doon."
Napag-isip-isip kong tama nga si Don. Senador ang asawa ko at alam na halos lahat ng nakatira dito sa Pilipinas na anak ako ni Senator Cervantes. Parehong kilala sa mundo ng politika kaya marami rin daw nakaabang sa akin para i-kidnap o patayin ako. Bumuntong hininga ako. Bakit parang dito ay hindi rin ako malaya? "Sige."
Ngumiti sa akin si Don at sinundan ko na lang siya. Pinagbukas niya ako ng pintuan. Sa pagkakaalam ko, si Don ang pinakamalapit na bodyguard ni Alejandro hindi ko alam kung bakit naiwan siya dito. Binaling ko ang atensyon ko sa labas ng kotse.
"Ma'am Victoria."
"Bakit?"
"Ilang araw po kayo doon kina Senator Cervantes?"
"Hindi ko alam."
"Pero—"
"Mainit pa ang ulo ko at sobrang sama ng loob ko sa kanya kaya hindi ko alam kung kailan ako uuwi sa bahay." Umayos ako ng upo. "Kaya kung pipigilan mo ako sa pag-alis ko, tumigil ka na. Ayokong ibaling ko sa iyo ang inis ko sa amo mo."
Nanahimik na lang si Don. Mabilis ng kahit papaano ang naging byahe namin kaya nakarating kaagad kami sa bahay ng tunay kong mga magulang. Nagulat pa nga si Tita—Mommy Natalia nang lumabas ako ng kotse. Parang kagagaling lang niya sa pagyo-yoga.
Nagmano ako sa kanya. "Magandang hapon, Tita—Mommy." Naging ngiwi ang dapat na ngiti ko. Hirap talaga akong tawagin siyang mommy.
"Hija, napadalaw ka dito." Napatingin siya sa hawak ko. "Bakit may dala kang travelling bag? Saan ka pupunta?"
"Ano po kasi... Nag-away po kami ni Alejandro kagabi. Pwede po bang dumito muna ako ng ilang araw."
Ngumiti sa akin ng napakatamis si Mommy. "Oo naman, anak. Pwede kang mag-stay dito anytime you want." Hinawakan niya ang kamay ko at iginiya papasok sa loob ng bahay. "Iwanan mo na dito si Victoria. Don't worry, safe siya dito." Baling niya kay Don na nakasunod sa amin ngayon. Nag-umpisa na kaming umakyat sa engrandeng hagdanan ng bahay nila. "Eksaktong kakalinis lang ng kwartong nakalaan namin para sa iyo kung sakaling katulad ngayon, gusto mo ditong mag-stay."
"Nakakahiya naman po na naglaan pa kayo ng kwarto para sa akin. Pwede naman pong sa guestroom ako matulog."
"That's very wrong, hija. You're our daughter, kaya dapat lang na may sarili kang kwarto dito." Kinuha niya sa akin ang hawak kong bag. Huminto kami sa tapat ng isang pintuan. "Here we are." Binuksan niya ang pintuan.
Isang simple ngunit eleganteng kwarto ang bumungad sa amin. Pumasok ako sa loob at sumunod sa akin si Mommy Natalia.
"Pasensya na kung ganito ang design ng kwarto mo. Hindi kasi namin alam ang mga gusto mo, anak."
Umupo ako sa kama. "Ayos na po ito sa akin. Komportable po siyang tingnan."
Umupo sa tabi ko si Mommy. "Pwede ko bang malaman kung anong dahilan ng pag-aaway ninyo ni Alejandro?"
Napakagat labi ako. Nakakahiya naman ikwento kay Mommy Natalia na ang dahilan ng pag-aaway namin ni Alejandro ay tungkol sa kinalakihan kong pamilya. Alam kong masasaktan ko siya kapag sinabi ko iyon. "Naku! Hindi naman po masyadong malalim ang pinag-awayan namin."
"Ayos lang iyon, anak. Sige na ikwento mo na."
"Saka ko na lang po ikukwento sa iyo."
"Kung ganoon ang gusto mo. Okay. Gusto mo bang magmeryenda?"
Umiling ako. "Busog pa po ako."
"Ganoon ba? Drinks? Coke, juice, coffee or tea?"
"Hindi na po."
Matipid na ngumiti si Mommy Natalia. "Kung anuman ang pinag-awayan ninyong dalawa, pag-usapan ninyo ng maayos at mahinahon. Sa ngayon siguro mainit pa ang ulo mo, hayaan mong mawala ito." Hinaplos niya ang mukha ko. "Sige maiwan muna kita dito. Kung may kailangan ka, bumaba ka na lang."
Sinundan ko siya ng tingin. "M-Mommy."
Nilingon niya ako. "Yes?"
"Salamat po sa advice ninyo."
Gumuhit muli ang ngiti sa labi niya. "Salamat rin, anak. Magpahinga ka muna dito." Tuluyan na siyang lumabas ng kwarto.
Tama nga si Mommy Natalia. Dapat kaming mag-usap ni Alejandro. Kaninang umaga nga hindi ko siya pinaglutuan para sa almusal dahil masama ang loob ko sa kanya pero bago ako umalis, nagluto ako ng para sa hapunan. Iinitin na lang kapag kakain na siya.
Nilibot ko ang tingin ko sa loob ng kwarto bago bumuntong hininga. Magiging maayos siguro ako dito kahit pa nandito rin si Rica. Sila Mommy Natalia lang naman ang kakilala ko dito bukod sa mga kasama namin sa bahay at sina Celestine at Keira na hanggang ngayon hindi ko pa nakakausap. Sana nga maging maayos na ang lahat.
----
Napangiti ako nang makuha ko na ang lasa ng niluluto kong chicken afritada. Pagkababa ko kanina, hindi ko mahagilap si Mommy Natalia kaya dumeretso ako dito. Eksaktong naghahanda na para magluto ang kusinera nila kaya tumulong akong magluto. Nalaman kong tatlong putahe araw-araw ang niluluto nila. Minsan daw kasi mapili sa pagkain si Rica kaya maraming putahe daw ang niluluto nila.
Ang arte naman. Nagsasayang ng grasya.
Mabilis kong nakasundo ang mga criada at ang kusinera nila dito. Sa una'y ilang sila dahil nga anak ako ng amo nila ngunit kalauna'y nakikipagkwentuhan na rin sila sa akin.
"Ma'am, may time po na sobrang kulit nitong si Toni, ayon nahulog sa swimming pool. Eksaktong kakarating lang doon ni Senator. Napagalitan ng wala sa oras." Nagtawanan silang lahat maski ako. Napansin ko na ako na lang pala ang tumatawa. Lahat sila nakayuko kaya napatingin ako sa likuran ko.
Si Senator Cervantes o mas mainam na tawagin kong Daddy Inno. "M-Magandang gabi po, D-Daddy." naiilang kong bati bago lumapit sa kanya.
"Akala ko nagbibiro lang ang mommy mo noong tumawag siya sa akin na nandito ka raw. Dapat pala naniwala ako sa kanya para umuwi ako ng mas maaga."
"Hayaan mo na po. Atleast nandito na po kayo." Nagmano ako sa tatay ko. "Kumusta po?"
Nagulat man sa naging aksyon ko, ngumiti sa akin si Daddy Inno. "Maayos naman, anak."
"Mabuti naman po. Magpalit na po kayo ng damit. Ihahanda na po namin ang mga pagkain para po makapag-dinner na po tayo."
"Mainam nga 'yon. Nagutom ako nang maamoy ko ang niluluto ninyo." Mahina akong tinapik ni Daddy sa balikat bago umalis.
Bumalik naman ako sa ginagawa ko. Ang mga criada na ang naghain ng mga pagkain. Nagpumilit na sila na daw ang gagawa. May tumawag naman para kina Mommy at Rica. Tumulong na lang ako para mag-ayos ng mesa. Mayamaya naman dumating sila.
"I'm so happy that you're here, anak!" Hinawakan ni Mommy Natalia ang kamay ko. Katabi ko ito at katapat ko naman sa mesa si Rica. Ni hindi man lang ito ngumingiti.
Ang sungit talaga.
Nag-usal ng dasal si Mommy bago kami nag-umpisang kumain. Napatingin ako sa bodyguard ni Daddy na bumulong sa kanya.
"Papasukin mo." Tinanguhan ito ng bodyguard niya bago umalis.
"Sino 'yon, Inno?"
"Si Alejandro. Mukhang susunduin na ang anak natin."
Kumabog ang dibdib ko. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ko si Alejandro na pumasok dito sa komedor.
"G-Good evening po, Ninang, Ninong. Susunduin ko na po sana ang asawa ko."
"Kumain ka muna, Alejandro, bago kayo mag-usap ni Victoria. Tumabi ka na sa asawa mo." medyo ma-otoridad ang boses ni Mommy.
Kaagad namang umupo sa tabi ko si Alejandro. Hinawakan niya ang kamay ko. Binawi ko iyon at nagpatuloy kumain. Hindi ko siya pinapansin.
Nag-usap sila ni Daddy tungkol sa campaign period. Minsan ay sumasali sa usapan nila si Rica. Maalam ito sa ganitong usapin. Malamang graduating sa kursong law. Parang biglang nagkabuhay dahil nandito ang asawa ko na lalong nagpainis sa akin. Akala ko ba kaya nandito si Alejandro para sunduin ako? Bakit todo siya makipagkwentuhan kay Rica alam naman niyang mainit ang dugo ko sa best friend niya?
"Hija, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa akin ni Mommy Natalia.
"Ayos naman po ako." Inubos ko na ang pagkain sa pinggan ko. Nagmadali namang kumain si Alejandro. Kakaunti nga lang ang kinain niya.
"Mukhang may mag-asawang excited na magbati." Parinig sa amin ni Daddy.
"Mauna na po kami, Ninong." Hinila ako ni Alejandro paalis ng komedor at dumeretso kami sa labas papunta sa may duyan. Pinaupo niya ako sa duyan. "Victoria..."
Hindi ko siya tinitingnan. Masama pa rin ang loob ko sa kanya.
Bumuntong hininga si Alejandro. "I'm sorry for what I say last night. Hindi mo nga naman pwedeng kalimutan sila pero natatakot ako sa tuwing naaalala mo sila kaya ko nasabi iyon."
Nilingon ko siya. "Bakit ka naman natatakot? Wala namang dapat katakutan sa kanila."
"Ayokong mawala ka sa akin, Victoria."
"Bakit naman ako mawawala? Anong koneksyon ng ayaw mong mawala ako sa tuwing naaalala ko sila?"
"Huwag mo nang alamin pa." Hinawakan niya ang mga kamay ko. "Victoria, please. Umuwi na tayo bahay natin."
Binawi ko ang mga kamay ko. "Hindi ako uuwi hangga't hindi mo sinasagot ang tanong ko."
"Victoria, naman. Pati naman ito, pag-uusapan natin?"
"Simple lang naman ang aking katanungan. Bakit hindi mo sinasagot?"
Bumuntong hininga siya. "Natatakot akong mawala ka dahil sa tuwing naaalala mo ang pamilya mo sa panahong iyon, unti-unti kang naglalaho."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top