Capitulo Tres



Capitulo Tres

Victoria:



Pasimple akong tumingin sa binatang katabi ko. Labis akong nangangamba dahil hindi ko pa kahit kailan nakita ang mga nakikita ko ngayon sa paligid. Ang aking mga tinanong kanina sa binatang aking katabi ay hindi man lang niya sinagot. Ngayon ay nasa loob ako ng hindi ko mawari kung anong klaseng kagamitan ngunit para itong katulad ng calesa. Isang uri ng transportasyon.

Huminga ako ng malalim. Base sa aking narinig ay Senator Navarroza ang kanyang ngalan. Kakaibang pangalan. Siya lang ang makakasagot sa aking katanungan at nagligtas sa akin sa mga taong may kakaibang pananamit. "Señor Senator Navarroza, maaari ba kitang makausap?"

Nilingon niya ako. Base sa kanyang ekspresyon ay tila ba ayaw niya akong kausapin. "Ano iyon?"

"N-Nais ko lamang malaman kung anong tawag dito sa nagsisilbi nating transportasyon? Kakaiba lamang dahil napakalamig dito sa loob at ang lambot ng upuan. Ito ba ang bagong transportasyon sa Europa at marapat lang na gamitin nating mga galing sa buena familia?"

Napakamot sa ulo si Senator Navarroza. Para bang hindi siya makapaniwala sa aking mga katanungan.

Nakakahiya lamang dahil bilang kasapi sa isang buena familia tila ba'y parang nahuhuli na kami sa kung ano ang uso. "Paumanhin sa aking mga katanungan. Maniwala ka na hindi pa naghihirap ang aming familia. Sa katunayan ay may bagong negosyong tinayo ang aking Kuya Matias sa Intramuros."

"Seriously? Miss, senador ako at hindi mo dapat ako pinagloloko. Itong sinasakyan natin ay imposibleng hindi mo alam. Kotse ito, car."

Naguluhan ako sa sinabi ni Senator Navarroza. "Hindi kita niloloko. Ako'y nagsasabi ng totoo. Señor Senator Navarroza, ngayon ko lamang nalaman na kotse o car ang tawag sa ganitong uri ng transportasyon. Hindi pa umaabot sa San Pablo ito."

"Miss, ganito na lang—"

"Hindi Mis ang aking ngalan, Señor." Napatingin ako sa labas. Nanlaki ang aking mata nang may makita akong isang napakalaking litrato ng isang binibini na parang wala nang saplot sa katawan. "Por dios, por santo!" napatakip ako ng aking mata. "Sinong lapastangan ang naglagay ng ganoong kalaking litrato sa gilid ng daanan? Ako'y labis na nahahabag sa binibining iyon." nilingon ko si Senator Navarroza. "Señor, huwag kang masyadong tumingin sa labas dahil hindi kaayaaya ang iyong makikita." napa-señal de los cruz pa ako ng wala sa oras.

"Miss, alam ko at alam mo na Independence Day ngayon pero please lang, huwag ka nga d'yan masyadong magpaka-in character na Maria Clara. Masyado mong dinadama ang kalayaan ng Pilipinas."

Nanlaki ang mga mata ko. Kalayaan ng bansang Filipinas? "Hindi kita maintindihan. Bakit may selebrasyon para sa kalayaan ng Filipinas kung tayo ay sakop pa rin ng bansang España?"

Tumawa ng malakas si Senator Navarroza na tila ba hindi siya makapaniwala sa sking mga nasambit.

"Señor Senator Navarroza, anong nakakatawa sa aking mga sinabi? Ako'y hindi nagbibiro."

"Ikaw. Malakas ba talaga ang impact ng paglusot mo sa salamin? One hundred twentieth years nang malaya ang Pilipinas."

"Hindi kita maintindihan."

"Malakas nga ang impact sa iyo." bigla niyang hinawakan ang aking mukha at inilapit niya ako sa kanya.

Para bang iniinspekyon niya ako sa pamamaraan ng pagtingin niya sa akin at talagang nakakabastos. Marahas kong inalis ang kanyang kamay sa aking mukha at binigyan ko siya ng napakalakas na sampal. "Bastos!"

"Bakit mo ako sinampal? Hindi mo ba alam kung sino ako? Ginagalang ako dito sa bansang ito!"

"Ginagalang ka nga ngunit hindi iyon nararapat sa iyon. Ika'y napakabastos na ginoo. Wala kang respeto sa akin!" lumayo ako kay Senator Navarroza at nagsumiksik ako sa sulok. Talagang ako'y nabastos sa kanyang ginawa.

"Anong ginawa kong masama sa iyo? Tinitingnan ko lang kung may bukol o sugat ka tapos wala pa akong respeto sa iyo sa lagay na 'yan? Miss, concern lang ako sa iyo lalo na't baka mayroon kang internal bleeding."

Kumunot ang noo ko. Hindi ko talaga maintindihan ang pinagsasabi ng lalaking ito. "Konsern? Internal bliding? At ano naman iyon?"

Napakamot sa ulo si Senator Navarroza. "Concern, nag-aalala lang ako sa iyo at 'yung internal bleeding ano... Aaaaah... Baka may parte sa loob ng katawan mo na nagdudugo."

"Nagdudugo sa loob ng katawan? Nangyayari ba iyon?"

"Oo. Nangyayari 'yon."

"Paano naman iyon nangyari? Ipakita mo nga sa akin kung paano iyon nangyari?"

Napahilamos siya ng mukha. Hindi ko mawari kung bakit siya nagkakaganyan. "Seryoso ka ba? Gusto mo bang mamatay ako sa pinagsasabi mo?"

"Bakit ka naman mamamatay sa simpleng ipapakita kung paano nagdudugo ang loob ng iyong katawan?" talagang sumasakit ang ulo ko lalaking ito.

"Unbelievable!"

Inirapan ko na lamang siya. Ayoko nang tanungin kung anong ibig sabihin ng anbilibabol. Hindi nararapat sa ginoong ito na bigyan ko siya ng atensyon. Ako'y mapapagod lamang.

"Miss—"

"Hindi Mis ang aking ngalan. Marahil ay kamukha ko ang binibining iyon. Ang aking ngalan ay Maria Victoria Saenz y Rioveros." paulit-ulit ang pagtawag sa akin ni Senator Navarroza ng pangalang Miss kaya marapat lamang na sabihin ko sa kanya ang aking pangalan.

Kumunot ang noo niya. "Maria Victoria Saenz?"

Marahan akong tumango. "Oo, iyon nga ang aking ngalan." ilang minuto na ring nakatulala sa akin si Senator Navarroza at labis akong naiilang dahil para siyang nakakita ng multo base sa pagtingin niya sa akin. "S-Señor?"

Napailing siya. "Imposible."

"Anong imposible?"

Umiwas siya ng tingin sa akin. "Imposible naman na ikaw ang nakita ko sa picture. Matagal nang patay 'yon. Baka kapangalan mo lang din."

Naguluhan ako sa kanyang sinabi. "May kamukha't kapangalan ba ako?" kakaiba nga naman na may kamukha't kapangalan rin ako lalo na't patay na ang taong iyon.

May kinuha siya sa suot niyang pang-ibaba at nilabas niya ang isang portomoneda. Tila ba may tiningnan siya sa portomoneda niya. "Shit!"

Heto na naman siya, nagsalita ng kakaibang lengwahe. Ibig niya bang sabihin ng syit ay oo? "Ano ang syit?"

Nilingon niya ako at parang takot na takot siya sa akin. "Sino ka? Multo ka lang, hindi ba?"

Bumuntong hininga ako. Kailan pa ako naging multo. "Ako si Maria Victoria Saenz y Rioveros at hindi rin ako isang multo." Tumingin ako sa labay at mayamaya, huminto ang aming sinasakyan sa tapat ng isang tarangkahan. Nanlaki ang aking mata dahil umangat ang tarangkahan na wala man lang gumalaw doon.

Napa-señal de los cruz ako. "Hay un fantasma!" napalingon ako kay Senator Navarroza.

"Diyos ko! Sa tingin ko sobra na akong pagod kaya nakikipag-usap ako sa multo."

Lalo ang natakot dahil may nakausap na multo si Senator Navarroza. "Señor—" napahinto akong magsalita dahil bigla na lamang lumabas siya ng kotse. Nagmadali akong sumunod sa kanya. Kay lakas ng kanyang loob na pumasok sa loob ng bahay. Paano kung may masamang espiritu na nandyan sa loob? "Señor Senator Navarroza, sa tingin ko'y kailangan natin tumawag ng prayle upang mabasbasan ang lugar na ito." Hindi ako pinansin ni Señator Navarroza. Talagang buo ang kanyang loob na suungin ang isang nakakàbahalang mangyayari sa kanya. "Señor Senator Navarroza, huwag kang hibang! Alam mong may multo sa—"

"God, please protect me from this missing soul. I think she needs enlighten so that she realized that she's already dead one hundred twenty-nine years ago."

Kumunot ang noo ko dahil heto na naman siya, nagsasalita ng wikang banyaga o baka naman ay may sinasabi siyang dasal. Tama! Sa tingin ko nga'y dasal ang kanyang mga sinasambit upang maprotektahan kami sa masamang espiritu. "Señor Senator Navarroza, magdasal ka lang upang tayo'y hindi malapitan ng masamang espiritu."

"God, please let her know that she's just a soul now. A woman who commited suicide."

Pumikit ako at umusal ng dasal. Kailangan kong tulungan si Senator Navarroza upang hindi siya mahirapan. Hindi ko inaakang isang siyang exorcismo. Marahil ay nabasbasan siya ng mga prayle upang maisagawa ang ganitong kadelikadong bagay. Nahinto ang aking pagdadasal nang may narinig akong pumipigil sa pagtawa. Nilingon ko ang taong iyon. Ang lalaking kasama ni Senator Navarroza.

"Anong nakakatawa?" masungit na tanong ni Senator Navarroza.

"W-Wala po."

"C'mon say it, Don."

Tumago ako sa likod ni Senator Navarroza. "Sa tingin ko'y sinapian siya ng masamang espiritu."

"Don, sa tingin ko pagod na ako kaya kung anu-ano ang nakikita ko."

"Senator, ano pong nakikita mo na hindi namin nakikita ni Ma'am?"

"Mam? S-Sino si Mam?" tanong ko kay Senator Navarroza. Ako'y labis nang natatakot sa bahay na ito. Tanging kaming tatlo lamang ang nandito sa loob at kahit maliwanag dito ay hindi dapat kami magpadala sa panlilinlang ng masamang espiritu.

"Nakikita mo siya?" at tinuro ako ni Senator Navarroza. Tumango ang lalaking nagngangalang Don. "Talagang nakikita mo siya?"

"Opo, Senator Navarroza. Kahit sila Andoy, nakikita siya."

"Multo 'yan eh!"

Napasimangot ako. Ibig sabihin ay ako pala ang sinasabi ng binatang ito na multo!

"Si Senator palabiro. Hindi po siya multo. Baka magtampo si Ma'am Maria Clara sa iyo."

"Hindi ako multo—ibaba mo ako!" Binuhat pa naman ako na parang isang sako ng bigas. Napakabastos! "Ibaba mo ako!" Pakiramdam ko ay masusuka ako.

"Tama ka nga, Don, tao siya. Bueno, kailangan kong kausapin ang babaeng ito." Nag-umpisa nang maglakad si Senator Navarroza at talagang nakakahilo dahil nakabaliktan ako.

Pinagpapalo ko ang kanyang likod. "Ibaba mo ako."

"Shut up!"

"Anong shat ap? Huwag mo nga ako sigaw-sigawan! Bastos ka."

"Sumasakit ang ulo ko sa iyo, alam mo ba 'yon?"

"Ako naman ay parang masusuka dahil sa ginagawa mo! Ibaba mo nga ako, Señor Senator Navarroza." nanlaki ang mata ko dahil pumasok kami sa isang silid at dahan-dahan akong ibinaba. Nasa loob kami ng isang silid at hindi iyon maganda. Humakbang ako patalikod. "H-Huwag kang lalapit sa akin, sisigaw ako!"

Naging seryoso ang ekspresyon ng mukha ni Senator Navarroza. "Ikaw ba ang babaeng ito?" Kinuha niya sa kanyang bulsa ang portomoneda. "Ikaw ba ang babaeng ito?"

Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang aking litrato na kinuha noong kaarawahan ng aking nakakabatang kapatid na si Manuel. "Bakit nasa iyo ang aking litrato? S-Sino ka?" natatakot na ako sa binatang ito!

"Ikaw, bakit ka nandito? Paano ka napunta dito? Alam mo ba kung anong araw ngayon?"

"Kaya ako nandito dahil dinala mo ako dito at ika-labindalawa ng Junio taong isang libo't walong daan walumpu't siyam." kinuha ko isang malaking unan. "Sino ka?"

"Maria Victoria Saenz, ika-labindalawa ng Hunyo ngayon pero hindi iyan ang date—taon ngayon. Ika-labindalawa ng Hulyo taong dalawang libo't labing walo ngayon."

Mahina akong tumawa. "Señor, nakakatuwa iyang biro mo. Kung maaari lamang ay ihatid mo ako sa San Pablo." biglang pumasok sa isipan ko na ipapakasal nga pala ako nina Mama at Papa kay Señor Linares. "Hindi na pala, sa pantalan na lamang. Tiyak akong makakasakay ako ng barko papuntang ibang lugar."

Umiling si Senator Navarroza. "Miss, hindi ako nagbibiro." may pinakita siyang parihabang bagay. Nakita ko ang aking repleksyon ngunit bakit itim ang kulay nitong salamin. Nanlaki ang mata ko nang biglang lumitaw ang larawan ni Senator Navarroza at nagkaroon labis ang liwanag ang salamin. May mga numero.

"Nakita mo kung anong petsa ang nakasulat d'yan?"

Hunyo 12, 2018

Marahan akong tumango.

"Ibig sabihin, galing ka sa panahon mo at tumagos ka sa salamin. Paano naman nangyari iyon?"

Marahan akong umupo sa kama. Gusto ko nang maniwala sa nangyayari sa paligid ko pero imposible talagang na napunta ako sa panahong ito. Huminga akong malalim at mariing pumikit. Kung totoo nga na ako'y napunta sa panahong ito, ibig sabihin ay nasa panahon ako ng hinaharap. Pinipilit ko rin isipin kung paano ito nangyari.

"Victoria?" napatingin ako kay Senator Navarroza. "Naaalala mo pa ba kung paano ka nakalakbay mula sa panahon mo papunta sa panahon namin?"

"Ang alam ko lang ay hinahabol ako ng mga guardia personel namin at dumaan ako sa mga punong napakaraming baging hanggang sa napunta na ako dito't nasa iyong mga bisig." namula ang aking mukha nang maalala ang mga nangyari kanina.

"Paano—" sabay kaming napalingon sa kumatok. Ang lalaking nagngangalang Don. "Bakit?"

"Senator, nandito po si Senator De Villa."

"Pakisabi na bababa na ako." agad na umalis si Don. Bumuntong hininga si Senator Navarroza. "Maiwan muna kita dito. May mga damit d'yan sa cabinet. Mga damit pambabae iyon, pwede mong gamitin. Sumunod ka sa akin." nilapitan niya ang pintuan sa loob ng silid na ito at binuksan siya. Pumasok siya sa loob at sumunod ako. May kung ano siyang hinawakan sa pader at biglang kumalat ang liwanag sa paligid. Ang silid na ito ay isang palikuran! "Makabago ang mga gamit sa panahon namin. Makinig kang mabuti. Ito ang gripo, malinis na tubig ang lumalabas d'yan kaso huwag mong inumin dahil may tubig inumin tayo dito..." inisa-isa ni Senator Navarroza ang bawat parte ng palikuran at talagang bago sa aking paningin ang nakikita ko. May parang ulan pa nga na ang tawag daw ay syawer.

Iniangat ko ng kaunti ang aking saya dahil baka mabasa ang laylayan. "Anong tawag d'yan?" tinuro ko ang dingding at may pinindot ako, nawala ang liwanag sa loob ng palikuran. Muli'y pinindot ko't bumaha ang liwanag sa loob. Paulit-ulit kong ginawa dahil talagang nakakatuwa ang aking nakikita.

"Tigilan mo 'yan!" pinigilan ni Senator Navarroza ang aking kamay at hinila niya ang ako palabas. "Switch ang tawag sa pinipindot mo kanina."

"Suwits?"

"Switch, kapag pinindot mo iyon, magkakaroon ng liwanag. Dito rin meron pero hindi pinaglalaruan ang switch. Mamaya ay may magdadala ng pagkain para sa iyo. Bukas na lang tayo mag-usap dahil alam kong pagod ka na."

Marahan akong tumango at binigyan ko siya ng isang ngiti. "Maraming salamat, Señor Senator Navarroza."

Gumanti siya ng ngiti sa akin. "Alejandro."

Kumunot ang aking noo. "Sino siya?"

"Alejandro ang pangalan ko. Alejandro Lucas Navarroza." naglakad siya palabas ng silid. "Magandang gabi sa iyo, Victoria." At sinara niya ang pintuan.

Nakatingin lamang ako sa nakasarang pintuan. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin sa panahong ito at alam kong si Alejandro lamang ang taong tangi kong mapagkakatiwalaan dito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top