Capitulo Treinta y Uno



Capitulo Treinta y Uno



Nakangiting nilibot ko ang aking paningin. Ito ang unang beses kong makapunta ng Bataan at talaga nga namang napakaganda ng lugar na ito. Sa bahay ng Gobernador ng lalawigang ito kami tumuloy. Napakainit ng pagtanggap sa amin ni Gov. Ramirez at ng kanyang esposa. May dalawa silang anak na dalaga na kasama nila sa pagsalubong sa amin.

Napalingon ako kay Alejandro nang may pinatong siyang manipis na scarf sa aking uluhan. "Sigurado ka bang gusto mong sumama sa amin sa pangangampanya namin?"

Sunod-sunod akong tumango. Wala namang masamang mangyayari sa akin sa pagsama sa kanila at saka maraming nakabantay sa amin kaya walang magtatangkang gumawa ng masama sa amin.

Bumuntong hininga si Alejandro bago lumingon sa gagamiting sasakyan para sa pangangampanya nila. "Sabihin mo kaagad sa akin kapag sumama ang pakiramdam mo, okay?"

"Opo."

Ngumiti siya sa akin at inalalayan niya akong sumakay ng truck bago siya sumunod sa akin. May payong na itinapat sa amin si Don upang hindi kami masyadong mainitan ng araw. Nasa baywang ko naman kaagad ang kamay ni Alejandro. "Hawak ka lang sa kamay ko para hindi ka ma-out of balance." Tumango ako bilang pagtugon sa sinabi niya.

"Mrs. Navarroza!" Isang nakangiting Senator Davis ang lumapit sa amin. "I'm glad that you're coming with us. Okay lang ba ang pakiramdam mo?"

"Okay naman po." Tipid akong ngumiti kay Senator Davis.

"Sinabi ko na nga sa kanya kanina na huwag na sumama sa atin dahil sobrang init ng araw kaso mapilit."

Tumango si Senator Davis sa sinabi ni Alejandro bago bumaling ulit ang tingin sa akin. "Dapat sinunod mo na lang ang gusto nitong si Alejandro. May mga bagay kasi na dapat hindi pinagpipilitan dahil pwedeng ikapahamak ito. Tama ba ako, Alejandro?"

"Tama ka, Danny." Humarap sa akin si Alejandro.

"Pero alam ko naman na kung anong gusto mo, Mrs. Navarroza, susundin kaagad ni Alejandro. Kung alam mo lang na sa tuwing pumupunta kami sa iba't ibang lugar, sobrang excited umuwi para lang makasama ka. Panay tingin nga sa cellphone niya."

"Danny, huwag mo naman akong ibuking."

"Sus, bakit ka pa mahihiya, eh, totoo naman."

Napangiti ako sa takbo ng usapan naming tatlo. Nakakatuwang marinig na ganoon pala si Alejandro sa tuwing umaalis siya ng bahay.

"Si Danny talaga." naiiling na sabi ni Alejandro.

"Mag-ingat ka lang palagi, Mrs. Navarroza, lalo na ngayong buntis ka. First baby ninyo pa man din ni Alejandro."

"S-Salamat." Tinanguhan lang ako ni Senator Davis bago nito kinausap ang iba pa nilang kasamahan.

"Nakakatuwa talaga si Danny." Nag-umpisa nang kawayan ni Alejandro ang mga taong nasa gilid ng daan. Ganoon din ang ginawa ng mga kasamahan niya. Panaka-naka naman akong kumakaway. Wala lang, gusto ko lang makigaya sa kanila. Lalong umiinit ang sikat ng araw pero parang wala lang iyon sa akin. Natutuwa ako sa mga nakikita ko.

🎵Soon ang Pinas will become successful
Dahil tama ang ginawa sa bansa
At gagawin iyon ni Ale... 🎵

Halos lahat ng tao ay nagsisigawan at talagang nakakabingi pero nakakataba rin ng puso. Ang sarap sa pakiramdam na maraming sumusuporta kay Alejandro. Hindi sila magsisisi na sinuportahan nila ang asawa ko. Alam kong lahat gagawin niya para sa ikakabuti ng ating bansa. Tunay na may busilak na puso.

Napalingon sa akin si Alejandro at magaan akong hinalikan sa noo. Napangiti ako pero kaagad ding nawala sabay ng malakas na putok ng baril. Nagsigawan lahat ng tao. Tumingin ako sa mukha niya. "A-Alejandro." Ngumiti siya sa akin at unti-unting natumba. "Alejandro!"


-----


"Mrs. Navarroza, maupo ka muna."

Hindi ko pinansin ang sinabi ni Senator Davis. Patuloy pa rin ako sa pabalik-balik na paglakad. Hindi ako mapalagay lalo na't nasa loob ng operating room si Alejandro at kritikal ang lagay niya ngayon. Ang sama ng taong gumawa nito sa asawa ko! Hindi ko napigilan ang aking sarili na maiyak. Gusto kong sisihin sila Don dahil hindi nila naprotektahan si Alejandro ngunit bigla na lang nangyari ito at hindi nila iyon inaasahan.

"Mrs. Navarroza, sige na maupo ka na. Huminahon ka at baka mapaano kayo ng baby mo."

Nilingon ko si Senator Davis. "Hindi ko po magagawang huminahon."

"Kahit umupo ka na lang muna, hija. Isipin mo naman ang baby ninyo ni Alejandro." Huminga ako ng malalim bago umupo. "Tinawagan ko kanina si Senator Cervantes. Malapit na raw sila dito..."

Hindi ko na naintindihan ang mga sinasabi ni Senator Davis. Tinuon ko na lamang ang aking tingin sa pinto ng operating room. Parang oras ang nakakalipas sa bawat minutong dumadaan. Nakakatuliro at puros negatibo ang pumapasok sa aking isipan. Bigla akong tumayo nang bumukas ang pinto ng operating room at lumabas ang isang doktor.

"Sino po dito ang pamilya ni patient Alejandro—"

"Ako po!" bigla kong sigaw bago lumapit sa doktor. "Kumusta na po ang asawa ko?"

"Senator Navarroza is fine now. Natanggal na namin ang bala sa likuran niya. Gladly, walang natamaang internal organ. Mamaya po namin siya dadalhin sa private room niya."

"Salamat, doctor." Tinanguhan ako ng doktor bago nagpaalam. Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan dahil sa sinabi ng doktor. Ligtas na si Alejandro.

"Victoria!"

Nilingon ko ang tumawag sa akin at nakita ko ang aking mga magulang. "Mommy, Daddy."

Sinalubong ako ng yakap ni Mommy Natalia. "Are you okay? May masakit ba sa iyo?" tanong sa akin ni Mommy at tiningnan ang likod at ulo ko.

"A-Ayos lang po ako."

"Si Alejandro, kumusta na?"

"He's fine now, Natalia." Si Senator Davis ang sumagot sa tanong ng aking ina. "Dadalhin na siya sa private room niya mayamaya."

"Thanks God he's fine now." Hinawi ni Mommy ang aking buhok.

"Nakausap na namin ang pulis na nag-imbestiga sa nangyari kanina." biglang sabi ni Daddy Inno.

"Sino raw po ang bumaril kay Alejandro?"

"Hindi raw nakita ang mukha sabi ng nakakita sa bumaril kay Alejandro." Huminga ng malalim si Daddy. "Hindi talaga ang asawa mo ang babarilin, hija."

"Kung hindi siya, sino?" Tinitigan lang ako ni Daddy. Tila ba'y alam ko na kung ano ang sagot sa aking tanong. "Ako po ang nais patayin ng taong bumaril kay Alejandro?"

Dahan-dahan itong tumango. "Naramdaman siguro ni Alejandro na parang may banta sa buhay mo kaya prinotektahan ka niya kaagad."

Muntik na akong matumba sa aking narinig. Mabuti na lang at naalalayan kaagad ako ni Mommy. Ako ang dahilan kung bakit nangyari ito kay Alejandro. Dapat nakinig na lang ako sa nais niya. Masyado akong nagpadala sa kagustuhang makasama siya buong araw.

"Ngayon inaalam na nila kung sino ang taong gusto kang saktan. Ang sabi ko nga bakit nila pagbabataan ang buhay mo eh wala ka namang nakaaway, hindi ba?"

Iisang tao lang naman ang alam kong gusto akong mawala. Si Rica. "Nasaan po si Erica ngayon?"

"Ang alam ko, nandito rin sa Bataan si Rica. Bakit Victoria?"

Tama nga ang iniisip ko. "Si Rica ang nag-utos na barilin ako."

"Anak, huwag mo namang isipin—"

"Siya lang naman ang nagbanta sa buhay ko at sa baby ko. Siya lang ang makakagawa nito sa akin. Dapat siyang makulong!"

"Hija, hindi naman magagawa iyon ni Rica."

Bigla kong nilingon ang aking ina. "Mommy, kinakampihan mo ba siya?"

"Hindi, hija. Pero masama na pagbintangan mo si Rica. Paano kung hindi siya?"

"Siya lang po ang gagawa nito sa akin. Bakit parang pinagtatanggol mo pa ang taong nagtatangka sa buhay ko?"

"Ang ibig ko lang sabihin—"

"Ah! Kaya ninyo siya pinagtatanggol dahil siya ang naging anak ninyo noon. Samantalang ako, dumating lang sa buhay ninyo nitong mga nakaraang buwan. Bakit pa ako nagtataka sa pagtanggol mo sa kanya? Alam ko namang mas pipiliin mo siya kaysa sa akin kahit na pinagbabantaan niya ang buhay ko at ng buhay ng magiging apo ninyo." Nakakasama ng loob na mas naniniwala pa ang tunay kong ina na hindi gagawin sa akin iyon ni Rica.

"Hija, hindi ko sinabing kinakampihan ko si Rica. Galit ako sa ginawa niya sa iyo noon. Ang ibig ko lang naman sabihin kanina, huwag mo naman siyang i-judge kaagad."

Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ng aking ina. "Nasaan po ang pulis na kinausap ninyo kanina, Daddy?"

"Anak—"

"Nasaan na po siya?!"

"Nasa baba."

"Kailangan ko siyang makausap. Sasabihin kong si Rica ang nagbabanta sa buhay ko. Na siya ang nagpautos na barilin ako kaya ngayon nandito sa ospital si Alejandro!" Halos sumigaw na ako. Dapat talaga nagsampa ako ng kaso kay Rica. Dapat nanatili na lamang ako sa bahay para hindi nangyari ito.

"Victoria, tumigil ka na! Hindi kita pagbibigyan sa gusto mo. Isang sabi mo pa na si Rica ang gumawa nito, hindi ako magdadalawang isip na ipahatid ka pabalik ng Manila. Even your husband is here." Muntik na akong mapatalon sa sigaw ni Daddy Inno.

Kaagad ding humupa ang takot na naramdaman ko. "Hindi naman kayo naniniwala sa sinasabi ko dahil mas pabor kayo kay Rica. Parang katulad lang din kayo ng tinuring kong magulang." Tinalikuran ko sila pero muli rin akong humarap. "Ay hindi pala. Ang tinuring kong magulang, maniniwala sa sasabihin ko dahil alam nilang totoo ang sinasabi ko." Muli ko silang tinalikuran at naglakad papunta sa kinauupuan ko kanina. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod. Bago pa ako makaupo sa upuan ay natumba na ako sa sahig. Tila ba'y umiikot ang paligid ko.

"Victoria!"

Dahan-dahan akong pumikit at sumubsob sa upuan. Naramdaman ko ang paghawak sa aking balikat bago tuluyang dumilim ang aking paligid.


-----


Isang pamilyar na lugar ang bumungad sa akin pagdilat ng aking mga mata. Nanlaki ang aking mata nang mapagtanto ko kung nasaan ako ngayon. Nasa loob ako ng aking silid sa bahay namin sa San Pablo! Kaagad akong tumayo at pinagmasdan ang silid na kinaroroonan ko. Tila ba'y nagbalik ako sa panahong pinanggalingan ko. Panaginip lang ba ang nangyari kay Alejandro at ang totoo ay dito sa San Pablo sila mangangampanya?

"Manuel! Kinakausap pa kita! Huwag mo akong tatalikuran!"

Muling nanlaki ang aking mga mata. Boses iyon ng aking ina! Tunay akong nakabalik sa panahong kinalakihan ko. Nilukob ng labis na takot ang aking dibdib. Paano ako napunta dito? Kaagad akong tumayo at lumabas sa aking silid. Kailangan kong makaalis dito. Hindi ako maaaring makita nila Mama! Nakita kong dumaan sa harapan ko ang aking kapatid. "Manuel." mahinang usal ko sa kanyang pangalan.

"Manuel!" muling sigaw ni Mama sa pangalan ni Manuel.

Humintong maglakad si Manuel. "Ano pong nais ninyo? Na pakasalan ko ang binibining nais ninyo para sa akin?"

Ibig sabihin ay si Manuel naman ngayon ang pinipilit nilang magpakasal sa taong hindi gusto ng kapatid ko. Hindi ko dapat hayaang gawin nila ito sa kanya. Ngunit ako naman ang mapapahamak kung sakaling makita nila ako.

Huminga ako ng malalim. Bakit ako mapapahamak kung ako'y kasal na. Hindi na nila ako mapipilit pa. Ang dapat kong gawin ay tulungan si Manuel. Saka ko na problemahin kung paano ako makakabalik sa panahon ni Alejandro. "Mama!"

Ni hindi ako nilingon ni Mama kahit pa ilang beses ko itong tinawag. "Dahil iyon ang dapat! Iyon ang makakabuti sa pamilya natin. Namatay ang Kuya Matias mo dahil sa labis niyang pagmamahal kay Señorita Keira at kumalat na sa buong bayan na siya ang pumatay kay Luciana at sa ilang beses na ipapatay ang pinsan nito. Hanggang ngayon ay nawawala si Victoria—"

"Dahil iyon sa kagagawan ninyo rin kaya nangyari ito! Alam kong alam ninyo ang mga ginawa ni Kuya Matias ngunit nanatili kayong tahimik dahil ano? Dahil ayaw ninyong masira ang pangalan ng pamilya natin. Hindi nawawala si Ate Victoria. Iniwan niya tayo dahil sa pagpipilit ninyong pakasalan niya si Señor Linares Pelaez. Alam ninyong ayaw niyang magpakasal ngunit pinipilit ninyo pa rin siya."

"Dahil iyon ang makakabuti sa kanya!"

"Makakabuti? Hindi. Kahit kailan hindi. Paanong makakabuti sa kanya na matali sa isang taong hindi niya mahal? Hindi ninyo iniisip kung anong nararamdaman ni Ate Victoria. Hindi ninyo alam na gabi-gabi siyang tumatangis dahil sa pagpipilit ninyong ipakasal siya sa taong ayaw niya."

"Manuel..." Naririnig pala niya ang palihim kong pag-iyak tuwing gabi. Nagmadali akong lumapit sa kanila. Nang hahawakan ko si Manuel, biglang tumagos ang kamay ko sa kanya. Ilang beses kong sinubukang hawakan ang kamay niya ngunit hindi ko magawa.

"Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit iniwan niya tayo iniwan dahil mas pinili niya ang maging masaya kaysa maging miserable ang buhay. Tiyak akong masaya na siya ngayon kasama ang taong tunay niyang mahal."

Magsasalita sana ako nang bigla kong naramdaman na parang hinihigop ang kaluluwa ko sabay ng unti-unting paglabo ng paningin ko.


----

AN: Hello! Being inactive these past few days because of work. I'm so sorry.


Oh by the way, may group page na po tayo sa fb, just search Ola Caras! I will post my other stories their na hindi ko planong i-post dito and schedule of posting the next chapters of my novels here and in Booklat.


Thank you and God bless you all!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top