Capitulo Treinta y Cuatro



Capitulo Treinta y Cuatro



"First Lady Victoria, mamaya dadating ang damit mo for inauguration."

Tumango lang ako habang nakatuon ang atensyon ko sa mga halaman ko. Nakakatuwa namang lalo silang lumalago. Tini-trim ko ngayon ang bonzai. Binigay ito sa akin ng asawa ni Senator Davis—na isang bise presidente na ngayon—nang malaman nito na mahilig din ako sa mga halaman.

"If you have time, your cousin Rica wants to talk to you."

"Hindi kami safe ng baby ko sa kanya kaya sabihin mong puno na ang schedule ko for the whole year."

"Pero—"

"Ano pa ang next na nasa list mo?" Napangiti ako nang ma-satisfied ako sa ayos ng bonzai.

"May pupuntahan po kayo mamayang gabi na isang charity event."

"Parang hindi ko magagawang pumunta d'yan. Wala naman akong nakahandang damit na susuotin para sa party na 'yan."

"First Lady, naka-ready na po ang susuotin ninyo mamaya."

Huminto ako sa ginagawa ko at nilingon ko si Lyca. "Pero mainam bang pumunta ako sa ganyan? Baka may masabi ang mga tao sa pagpunta ko sa party na iyon."

"Its a charitable party, First Lady. Ang benefits na nakukuha ng party ay para sa pagtulong sa mga bata sa mga foundation."

"Maganda naman pala. Ngunit maiilang ako roon. Ikaw lamang, si Mira at si Keira ang kaibigan ko rito." Nagkaayos na kami ni Keira nitong nakaraang linggo. Hindi naman mainam na magkaroon kami ng alitan sa isa't isa.

"Tinuturing po ninyo ako na kaibigan mo?"

"Oo naman. Bakit? Hindi mo ba ako tinuturing na isang kaibigan? Aba'y magtatampo ako sa iyo kung ganoon." Nagpatuloy ako sa aking ginagawa.

"H-Hindi ko po kasi naisip na kakaibiganin mo ang isang tulad ko na hindi mo katulad."

"Hindi ko katulad? Alien ka ba kaya mo nasabi 'yan?" Marahan akong tumawa pero bigla ring nawala ang ngiti sa aking mga labi nang makita ko ang isang walang buhay na halaman sa isang paso. Nakadama ako ng sobrang pagkalungkot dahil sa munting halaman. "P-Paanong namatay ito?"

"Baka po hindi healthy ang lupa niya, First Lady. Minsan ganoon kaya namamatay ang isang halaman. Hindi siya fit sa lupa na iyon."

Kinuha ko ang paso kahit nahirapan akong kunin ito. "Ibig sabihin ay hindi ko nalagay sa magandang klase ng lupa ang oregano na ito?" Mas lalo akong nakadama ng pagkalungkot. "Kuwawa naman siya." Hindi ko na napigila ang sarili ko na umiyak. Hindi ko matanggap na nasira ko ang buhay ng isang oregano.

"F-First Lady Victoria, bakit po kayo umiiyak?"

"Ang sama kong tao! Napabayaan ko ang oregano na ito kaya siya namatay."

"Wala po kayong kasalanan kung bakit namatay 'yan." Halata na ang pag-aalala ni Lyca. "Tumahan na po kayo."

"Kasalanan ko ito. Ang sama ko na, Lyca." Umupo ako sa kalapit na upuan habang hawak-hawak ko pa rin ang paso.

"First Lady, please po. Huwag na po kayong umiyak. Baka isipin ng ibang kasama natin na pinaiyak kita."

Mas lalo akong naiyak nang may nahulog na dahon galing sa isang puno. "Bakit sila namamatay? Hindi ba sapat ang pag-alaga ko sa mga halaman na ito?"

"First Lady, sobra-sobra ang pag-alaga mo sa mga halaman mo. There is sometimes that they need to die. Kaya huwag ka na pong umiyak." Nagpa-panic na ang boses nito.

"Anong nangyayari rito? Bakit umiiyak si Victoria, Miss Santos?"

Nilingon ko ang papalapit sa amin na si Alejandro. Tumayo ako at sinalubong ko siya. "Alejandro."

"Bakit ka umiiyak? Napaano ka?" Bakas ang pag-aalala sa boses ni Alejandro.

"Namatay ang tinanim kong oregano." Inangat ko pa ang hawak kong paso.

"Ang dahilan ng pag-iyak mo dahil lang sa namatay na oregano?"

"Kasalanan ko kung bakit ito namatay. Napabayaan ko ito kaya nangyari ito. Ang sama ko. Pakiramdam ko hindi ako magiging mabuting ina dahil isang simpleng halaman lang ay napabayaan ko pa. Paano na kung isilang ko ang anak natin?" Napahagulhol ako.

"Victoria, magiging mabuti kang ina." Kinuha niya sa akin ang paso at inabot ito kay Lyca. "You can take a rest now, Miss Santos." Tinanguhan kami ni Lyca bago umalis. "Tumahan ka na, Victoria. Malulungkot niyan ang baby natin." Pinunasan ni Alejandro ang luha sa pisngi ko bago ako iginiya papasok ng bahay.

"Paano kung hindi ako naging mabuting ina?"

"Victoria, huwag mong isipin 'yan. I know you will become a great mother to our child."

"T-Talaga?"

"Yes, mi amor. C'mon, lets go to our room. You need to change your clothes. Marumi na ang damit mo." Napatingin tuloy ako sa suot ko dahil sa sinabi niya. Tama nga siya. "After that, lets watch your favorite teledrama. Malapit na mag-umpisa iyon."

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa labi ko. Parang nawala ng parang bula ang lungkot na nararamdaman ko at napalitan iyon ng saya. Ngayon ko lang ulit makakasabay si Alejandro na manood ng TV.


-----


"The only thing I wish when the time that my service as a president end, is that everyone in this country can say that we have done the right thing for our country. Help me to change our beloved country to have a better future. Salamat at mabuhay tayong mga Pilipino!" Pagtatapos ni Alejandro sa kanyang inauguration speech sabay ng masigabong palakpakan.

Pinunasan ko ang luhang tumulo sa aking pisngi. Sobra kong pinagmamalaki si Alejandro. Ito na ang umpisa ng kanyang paglalakbay bilang presidente ng ating bansa.

Ako ang kasama ni Alejandro kanina habang nanunumpa siya sa para sa pagiging presidente ng Pilipinas. Hawak-hawak ko ang bibliya habang siya'y nanunumpa. Ang bibliya ni Celestine. Dito sa Quirino Grandstand ginanap ang inauguration ni Alejandro at ni Vice President Davis.

Tumayo na lahat ng katabi kaya tumayo na rin. Napapaypay ako bago lumapit kay Alejandro. Naiinitan ako sa aking suot. Ang damit na suot ko ngayon ay may pagkatulad sa suotan ko sa panahon ko. May pagkamoderno nga lang ang suot ko ngayon.

Kinakamayan ni Alejandro halos lahat ng bisitang nandito sa stage. Nang nasa tabi na niya ako ay kaagad na pumulupot sa baywang ko ang kanyang kamay. Lahat ng nakipagkamayan sa kanya ay nakikipagkamayan na rin sa akin. Halos mangalay ang aking labi sa kakangiti sa kanila. Nakakapagod pala itong inauguration.

Napahawak ako sa aking tiyan dahil naramdaman ko ang pagsipa ng aming anak. "Sumipa si baby." Bigla kong nasabi.

Napahawak si Alejandro sa tiyan ko at muling sumipa ang baby namin. Lalong lumawak ang ngiti ni Alejandro. "Hello baby! Your daddy is here."

"Mukhang nakikisaya ang baby ninyo sa napaka-special na araw na ito." Nakangiting sabi ng isa sa mga bisita.

Tumango ako bilang pagsang-ayon. Nabigla ako nang biglang lumuhod sa harapan ko si Alejandro at itinapat niya ang tenga niya sa tiyan ko. "A-Alejandro tumayo ka."

"Baby, isa pa ngang sipa d'yan." Muling sumipa ang baby namin kaya nanlaki ang mga mata niya. "Ang bait ng baby namin."

Natawa ang mga kasama namin. Sunod-sunod din ang pag-picture ng mga reporter sa amin.

"Iba talaga kapag first time na magiging daddy." Natatawang sabi ni General Sandoval.

"Alejandro, tumayo ka na." Bulong ko sa kanya na agad din naman niyang sinunod. Kahit na alam kong natural lang ang ganitong kilos sa isang tulad ni Alejandro na first time pa lang na magiging ama, dapat na hindi ko siya hayaang gawin ang ganitong bagay sa harap ng maraming tao. Lalo na ngayong opisyal na siyang Presidente ng Pilipinas. Maraming nakabantay sa bawat kilos niya at baka sa simpleng pagluhod niya sa harapan ko upang maramdaman ang kilos ng anak namin ay may masabing kung ano ang iba.

"Ganito pala ang pakiramdam na maramdaman mong sumipa ang anak mo." Nakangiting sabi ni Alejandro. "Ang sarap sa pakiramdam."

"Ganyan din ang pakiramdam ko nang pinagbubuntis ng asawa ko ang panganay naming anak." wika ng isa sa mga bagong senador.

"Ako na napatalon noong sumipa sa loob ng tiyan ng asawa ko ang baby namin."

May kanya-kanyang kinuwento ang ibang bisita tungkol sa karanasan nila sa mga anak nila. Ang iba ay nagsabing nais nilang maging ninong o ninang ng anak namin. Naputol lamang ang kwentuhan nang sabihin ng organizer na kailangan na naming pumunta sa palasyo ng Malacañang upang ipagpatuloy doon ang selebrasyon ng pagiging presidente ni Alejandro.

Nakaalalay sa akin si Alejandro habang pababa kami ng stage kahit pa kinakausap pa rin siya ng ibang bisita. Ngayon ko lang napagtanto na sa mundo ng politika, kung ikaw ay nakakaangat sa kanila ay turing nila sa iyo ay kaibigan o kagalang-galang sa lahat. Dahil sa pagkakaalam ko'y iwas ang iba kay Alejandro noong siya'y senador pa lamang. Ito ba ang tinatawag nila na pakikipagpastikan?

Ako'y naiilang sa tuwing kinakausap nila ako. Hindi na talaga ako sana'y na makihalubilo sa ibang tao ngayon. Hinahanap ko nga sina Mommy at Daddy dahil hindi ko na sila nakita nang matapos ang speech ni Alejandro. Napabuntong hininga na lang ako.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" bulong sa akin ni Alejandro.

"Ayos lang naman. Hinahanap ko lamang ang aking mga magulang dahil hindi ko na sila nakikita ngayon."

"Siguro nauna na sila sa atin." Pinagbuksan kami ni Don ng pintuan ng kotse. Pinauna ako ni Alejandro na sumakay bago siya. Hindi na ako nagpaalam pa kay Alejandro, kaagad akong humilig sa kanyang balikat. Tila ba'y ngayon ko lang naramdaman ang pagod simula nang umalis kami kanina sa bahay. "Matulog ka muna. Gigisingin na lang kita kapag nasa Malacañang na tayo."

Umiling ako. "Hayaan mo na lang na ganito muna tayo." Hinawakan ko ang kanyang kamay. "Isa ka nang tunay na presidente ng bansang ito."

"At ikaw naman ang first lady ko."

Napangiti ako. "Alejandro, kasama kaya kita sa oras na isisilang ko na ang ating anak?"

"Oo naman."

"Paano kung wala ka sa tabi ko sa oras na mangyari iyon? Paano kung sa magkaibang oras tayo?" Umangat ako ng tingin upang makita ko ang reaksyon ni Alejandro.

Kumunot ang noo niya. "Anong ibig sabihin mo?"

"Paano lang kung nasa magkaibang oras tayo kapag nanganak ako?"

"Victoria, hindi mangyayari iyon."

"Maaari iyon." Umayos ako ng upo at hindi ko napigilang yumakap sa kanya.

"Pwede bang 'wag na natin 'yan pag-usapan." Bakas sa boses ni Alejandro ang pagkainis na hindi ko naman mawari kung bakit naiinis siya. Iniisip ko lang naman ang posibleng mangyari sa susunod na mga araw. "Iba na lang ang pag-usapan natin."

"Naisip ko lang naman ang ganoong bagay, Alejandro. Paano kung nasa ibang bansa ka katulad ng bansang Estados Unidos para sa isang state visit? Hindi ba't magkaibang oras ang Pilipinas at America? Kung ngayon ay umaga, maaaring doon ay gabi pa lamang. Iyon ang nabasa ko sa isang libro."

Parang biglang nakahinga ng mabuti si Alejandro sa pamamaraan ng pagbuntong hininga niya. "Tama ka. Pero once na due date mo na, hindi na ako lalabas pa ng bansa."

"Kahit na importanteng meeting pa iyon?"

"Kahit na importanteng meeting pa iyon, Victoria."

Muli akong napangiti ngunit agad ding nabura nang tila ba'y biglang nagbago ang paligid ko. Parang dunaan sa aking mga mata ang mabilis na pagbago ng paligid ko. Ilang beses akong kumurap bago luminaw sa aking paningin ang loob ng kotseng sinasakyan ko.

"Victoria, ayos ka lang ba? Bakit ka biglang namutla?"

"A-Ayos lang ako. Gutom lang siguro ako kaya ako namumutla." Huminga ako ng malalim. Ano ba itong nangyari sa akin ngayon? "M-Matutulog muna ako." Muli akong humilig sa balikat ni Alejandro at pumikit na.

"Ate Victoria..."


-----


Pinagmamasdan ko ang mga nagkakasiyahang tao dito sa bulwagan. Lahat ay nagdiriwang para kay Alejandro. Hindi ko lang alam kung totoo nga'ng nagdidiwang ang lahat para sa kanya. Tahimik lang ako sa tabi ni Alejandro habang may kausap siyang bisita. Kanina pa ako nababagot dahil wala man lang akong makausap dito. Ni hindi ko kilala halos lahat ng bisita.

Tinakpan ko ang aking bibig dahil hindi ko mapigilang humikab. Kinalabit ko sa Alejandro kaya napalingon siya sa akin. "Maiwan muna kita dito." Bulong ko sa kanya at agad namang tumango kaya iniwanan ko na siya. Naglakad-lakad ako hanggang sa natuon ang pansin ko sa mga tumutugtog ng musikang instrumento. Napangiti ako at lumapit sa kanila. Nginitian ako ng mga tumutugtog at huminto sila.

"Madam, may request po ba kayong tugtugin namin?" Tanong sa akin ng leader nila.

"Gusto ko sanang ako ang tumugtog ng piano. Kung maaari lang naman."

Nagkatinginan sila at kaagad na tumango. Umalis sa tapat ng piano ang binatang tumutugtog nito.

Umupo ako sa tapat ng piano at panaka-nakang tumipa. Lalo akong napangiti at nagsimula nang tumugtog ng piano. Napili kong tugtugin ang Heidenroslein. Tila ba'y bumalik ako sa mga panahong tumutugtog ako ng pyano habang nasa tabi ko si Alejandro. Napagtanto ko na lamang na nakuha ko pala ang atensyon ng lahat nang marinig ko ang masigabong palakpakan pagkatapos kong tumugtog. Marahan lamang ako yumuko bago nagmadaling umalis sa harap ng pyano.

"Hindi ko akalain na maririnig kong muling tumugtog ng pyano ang isang Señorita Victoria Saenz."

Humarap ako sa taong nagsalita at nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko kung sino ito. "Señor Gabriel!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top