Capitulo Treinta

 


Capitulo Treinta



Isang malalim na pagbuntong-hininga ang ginawa ko pagkadilat ko sa aking mga mata. Napatingin ako sa orasan. Alas cuatro na pala ng umaga. Ang aga kong nagising ngayon. Nilingon ko si Alejandro. Ang lalim ng kanyang tulog na tila ba'y isang natutulog na sanggol.

Alas doce na ng gabi umuwi si Alejandro. Tatlong araw siyang hindi umuwi dahil sa mga lugar bandang norte sila nangampanya. Ilang araw din akong hindi nakatulog ng maayos dahil sa kakaisip kung anong araw siya uuwi. Kinakain na ng pangangampanya nila ang mga oras na sana ay nasa tabi ko siya. Bumuntong-hininga ako. Saang parte naman ng Pilipinas kaya siya pupunta ngayon? Ilang araw kaya siyang mawawala?

Labis akong nalulungkot na hindi ko dapat maramdaman. Para bang araw-araw ay kinakain na ng kalungkutan ang sistema ko. Napahaplos ako sa aking tiyan. Kahit anong baling ko sa mga bagay na nagpapasaya sa akin dito sa loob ng bahay, hindi nito maialis ang lungkot na aking nararamdaman. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa maraming bagay na pinagbawal sa akin ni Alejandro—kasama na ang paglabas ng bahay—o dahil kaunti na lamang ang mga oras na kasama ko siya at wala akong karamay sa pagdadalangtao ko.

Humarap ako kay Alejandro at hinaplos ko ang kanyang mukha. "Alejandro." mahinang usal ko. Nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman kong parang binabaliktad ang aking sikmura. Nagmadali akong pumunta sa palikuran para sumuka. Wala namang laman ang sinusuka ko. Pinindot ko na ang flush ng toilet bowl nang matapos ako. Dahan-dahan akong umupo sa sahig. Nanghihina ako. Bumuntong hininga ako at muling sumuka sa toilet bowl. Tuwing umaga'y ganito palagi ang senaryo ko.

Pinunasan ko ang gilid ng aking labi at muling umupo sa sahig. Mariin akong pumikit. Ang hirap talagang magbuntis.

"Victoria."

Dumilat ako. Nag-aalalang mukha ni Alejandro ang bumungad sa akin. Inabutan niya ako ng isang baso ng tubig. "Salamat." Kaagad kong ininom ang tubig.

"Okay ka na ba?" Tumango ako kahit ang totoo ay nanghihina pa rin ako. Inalalayan ako ni Alejandro na tumayo at lumabas ng banyo. "Gusto mo na bang mag-breakfast?"

"Mamayamaya na lang."

"Sigurado ka?"

Tumango ako. "Matulog ka na ulit. Magpapalit lang ako ng damit." Kumuha na ako ng damit na isusuot ko. Bababa na lang ako mamaya upang ako na lang ang magluto ng agahan namin. Alam ko rin naman kasi na hindi na ako makakatulog ulit. Muntik na ako mapasigaw nang makita ko si Alejandro na nakatayo sa labas ng banyo. "B-Bakit hindi ka pa natutulog?"

"Hindi na ako makatulog."

"G-Ganoon ba?"

Tinanguhan niya ako. "Bababa ka ba?"

"Oo." Kinuha ko ang suklay upang suklayan ang aking buhok. "Aalis ka ba ngayong araw?"

"Oo. Mangangampanya kami sa Region V. Baka sa sabado na ako makakauwi."

Yumuko ako upang itago ang lungkot na naramdaman ko. Dalawang araw naman siyang mawawala. Bumuntong hininga ako. "Anong oras ka aalis?"

"Mamayang alas diez ng umaga."

"S-Sige. Magpahinga ka muna. Alam kong pagod ka nitong mga nakaraang araw." Pinatong ko sa mesita ang suklay at nagmadaling lumabas ng kwarto kahit pa tinatawag ako ni Alejandro. Dapat masanay na ako sa pag-alis-alis niya dahil mas magiging kaunti na lang ang panahong kasama ko siya sa oras na siya ang manalo sa eleksyon.

Hindi ko dapat dinaramdam ito. Hindi buong oras ay nasa akin nakatutok ang atensyon ni Alejandro dahil pagmamay-ari rin siya ng bansang ito.



-----



"Aalis ka?"

Napalingon ako kay Alejandro. Mukhang nag-aayos na siya para sa pag-alis niya. Ngumiti ako sa kanya. "Ngayon ang monthly checkup ko kaya pupunta ako sa doctor ko."

"Kasama mo si Mommy Natalia?"

Umiling ako. "Hindi ako masasahan ngayon ni Mommy. Tumawag siya sa akin kanina at sinabing masama ang pakiramdam niya kaya hindi siya makakasama sa akin ngayon."

"Sinong kasama mo para magpa-checkup?"

"Sila Don." Hinawakan ko ang kamay ni Alejandro. "Pasensya na kung wala ako dito sa pag-alis mo mamaya."

Matamnan niya akong pinagmasdan bago huminga ng malalim. "Sasamahan kita."

"H-Huwag na. Alam kong importanteng nandoon ka sa kampanya ninyo."

"Mas mahalaga kayong mag-ina ko." Binitawan niya ang kamay ko. Kinuha niya ang kanyang cellphone at iniwan ako. Mayamaya'y binalikan niya ako at abot tenga ang kanyang ngiti sa labi. "Lets go!" Hinawakan niya ang kamay ko at marahan akong hinila palabas ng bahay. Pinagbuksan pa niya ako ng pintuan ng kotse.

Tuluyan na akong naniwala na kasama ko si Alejandro sa pagpunta sa doctor ko nang sumakay siya ng kotse. Napuno ng galak ang aking puso. Humilig ako sa kanyang balikat.

Inabot niya ang aking kamay. "I'm sorry for being busy these past few days. Alam kong dapat nasa tabi mo ako pero nasa ibang lugar ako para mangampanya."

"Naiintindihan naman kita. Kailangan mong pumunta sa iba't ibang lugar para dumami ang supporters mo."

Inakbayan niya ako. "Ito na lang ang huling kampanya namin. Pasensya na, Victoria."

Hindi na lang ako umimik. Pumikit ako at napahawak sa suot kong kuwintas. Naramdaman ba ng kuwintas na binigay ni Glenda ang sinasabi ng puso ko na sana makasama ko ngayon si Alejandro? Napangiti ako at yumakap sa kanya.

Habang bumabyahe kami, kinukwento ni Alejandro ang mga nangyari sa kampanya nila at sa mga pinuntahan nilang lugar. May mga lugar na si Alejandro at ang kanyang team lamang ang pumunta. Mga lugar na isolated daw. Nagbigay sila kaunting tulong kahit pa alam niyang wala iyon sa plano nila. Pinagmamasdan ko lang siya habang nagkukwento.

Nang makarating na kami sa clinic, halos lahat ng tao ay nakatingin sa amin. Dahil ito sa presensya ni Alejandro. Kaagad naman kaming in-assist ng nurse ni Dra. Legazpi. Pinapasok nito kami sa opisina ng doktora.

"Good morning, Victoria and Senator." nakangiting bati sa amin ni Dra. Legazpi.

"Good morning too, Dra. Legazpi." ganting bati ni Alejandro. Bumati rin ako sa doktora.

Sinuri kaagad ako ng doktora. Pinapanood lang kami ni Alejandro at minsan ay nagtatanong siya kay Dra. Legazpi tungkol sa pagbubuntis. Kasama rin namin siya nang in-ultrasound ako ng doktora.

Napangiti ako nang pinarinig sa amin ni Dra. Legazpi ang heartbeat ng baby. Parang musika sa aking tenga. Naramdaman ko ang paghalik ni Alejandro sa aking noo. Bumalik kami sa opisina ni Doktora pagkatapos ng ultrasound.

"Bumaba ang weight mo, Victoria, na hindi dapat mangyari sa iyo. According sa sinabi mo, madalas kang magkaroon ng morning sickness. Don't worry natural iyan sa first trimester of pregnancy but you need to be careful."

"Ano po ang dapat gawin para hindi masyadong mahirapan si Victoria?" tanong ni Alejandro.

"May iba't ibang klaseng way para maiwasan ang morning sickness. I will list it for you. As of now, Mrs. Navarroza, drink plenty of water and eat healthy food. Take your vitamins. Iwasan din ang physical and emotional stress dahil makakasama iyon sa inyo ni baby..."

Napapatingin ako kay Alejandro. Taimtim kasi siyang nakikinig sa mga sinasabi ni Dra. Legazpi. Hindi ko tuloy mapigilang ngumiti. Tumingin siya sa akin at nginitian niya ako.

"So that's all. Pakihintay na lang ang ultrasound. Any moment nandito na iyon." Nagpaalam sa amin si Dra. Legazpi bago lumabas ng opisina niya.

Umangat ang tingin ko nang hawakan ni Alejandro ang kamay ko. "Thank you, Victoria?"

"Bakit ka nagpapasalamat sa akin?"

"Dahil ginawa mo akong pinakamasayang lalaki sa mundo. Hihintay na lang tayo ng ilang buwan, magiging buo na ang pamilya natin. Salamat, mi amor."

Tanging ngiti na lamang ang tugon ko sa kanya at hindi na ako nagsalita pa.



Alejandro Lucas Navarroza:



Pinagmamasdan ko si Victoria mula sa bintana ng office ko. Nakaupo siya sa isang steel chair habang nagbabasa ng libro. "Don."

"Yes po, Senator?"

"Hindi na kami masyadong nagkakausap ni Victoria dahil sa sobrang busy ko sa pangangampanya at sa preparation for this coming election. Hindi ko na rin masyadong alam kung akong ginagawa niya. Kumusta siya nitong mga nakaraang araw?" Napangiti ako nang makita kong natutuwa si Victoria sa dumapong paru-paru sa balikat niya.

"Sa totoo lang po, ngayon ko lang nakitang masigla ulit si Ma'am Victoria?"

Nakakunot noong nilingon ko si Don. "Paano mo nasabing ngayon lang siya naging masigla? Hindi ba siya masyadong nagkikilos-kilos dito katulad noon?"

Tumango si Don. "Bihira na lang siya magluto o mag-bake. Ni hindi na rin po niya napapatugtog ang piano at palagi siyang nakatingin sa bintana o hindi kaya nasa garden, tahimik. Ang lungkot po niya tingnan palagi."

Bumuntong hininga ako at bumalik ang tingin ko kay Victoria. Nagbabasa na ulit siya ng libro. "Bakit naman siya palaging malungkot? May nasabi ba siyang gustong gawin?"

"Alam mo naman na po kung ano 'yon. Senator, hindi naman buong buhay ni Ma'am Victoria ay ikukulong mo siya dito sa bahay ninyo. Syempre naiinip din siya dito at may isa pa akong alam na dahilan kung bakit siya palaging malungkot."

"Ano?"

"Ikaw."

"Paano naging ako?"

"Senator, bihira na lang kayo magkita ni Ma'am. Sa tingin mo po hindi ka niya sobrang mami-miss?"

"I missed her too. I really missed her so much. Pagkatapos ng election period, magkakaroon na kami ng time para sa isa't isa."

"Sigurado po ba kayo, Senator? Alam natin na mataas ang chance na manalo ka."

Hindi ako nakaimik sa sinabi ni Don. Tama nga siya. Mataas ang tsansang manalo ako sa eleksyon. Kapag nanalo ako, mas madadagdagan ang activities ko. Mas mababawasan ang oras na magkasama kami ni Victoria.

"Senator, siguro dapat may quality time pa rin kayo kahit papaano. Para naman maging masigla na ulit si Ma'am. Iyon lang ang kulang sa inyo. Kayo rin, baka lumayo ang loob ng asawa mo sa iyo."

Iyon ang ayaw kong mangyari. Ang lumayo ang loob ng asawa ko sa akin. She's my life and my happiness. Baka mabaliw ako kapag nawala siya sa akin. Pinagmasdan ko ng mabuti si Victoria. Napatingin siya sa gawi ko at kinawayan ako. Gumanti ako ng kaway sa kanya. Ngumiti siya ng matamis sa akin bago nagpatuloy sa pagbabasa. "Sa tingin mo, Don, anong magandang surprise sa asawa ko para mapasaya ko siya?"

"Sa tingin ko ang sagot d'yan, Senator, ay ang makasama ka lang niya ng matagal ang makakapagsaya sa kanya."



Maria Victoria Saenz-Navarroza:



"Victoria?"

Huminto ako sa binabasa kong libro at nilingon ko si Alejandro. "Hmn?"

"May lugar na hindi pa namin napupuntahan para mangampanya."

Kumunot ang noo ko. "Akala ko ba huli na sa Bicol?"

"Ngayon ko lang nalaman na may isa pang bayan kaming hindi napupuntahan at iyon na ang last."

Nilukob ng kalungkutan ang aking puso. Akala ko pa naman ay makakasama ko na ng matagal ngayon si Alejandro 'yon pala'y hindi. Pilit akong ngumiti. "Kung ganoon, mag-ingat kayo doon sa pupuntahan ninyo."

"Salamat, Victoria. Kailangan mong mag-empake ng kaunting damit."

"Bakit? Kung gusto mong doon muna ako sa mga magulang ko, paumanhin ngunit hindi kita mapagbibigyan. Alam mo namang doon nakatira ngayon ang babaeng iyon." Ilang beses nang pinakiusapan sa akin ni Alejandro na doon muna ako sa bahay ng mga magulang ko kapag wala siya pero lahat iyon ay tinanggihan ko. Kahit pa aalis si Rica kapag pupunta ako sa bahay nila.

Sunud-sunod siyang umiling. "Hindi ka naman doon pupunta, Victoria."

"Nais mong kay Mama Cora muna ako?"

"Hindi rin."

"Kung hindi, saan mo naman ako nais magpalipas ng ilang araw habang wala ka?"

Hinawakan ni Alejandro ang aking mga kamay. "Isasama kita, Victoria."

"H-Ha?" Tila ba'y nabingi ako at hindi ko narinig ang sinabi ng asawa ko.

"Isasama kita sa pupuntahan naming lugar, Victoria."

Nanlaki ang aking mga mata. "Sigurado ka? Isasama mo ako?" Tumango si Alejandro kayo gumuhit ang ngiti sa aking labi. Sa wakas! Makakalabas na rin ako ng bahay at makakasama sa pangangampanya ni Alejandro. "Saan tayo pupunta?"

"Sa Bataan. Naging mahigpit ako sa iyo kaya para makabawi ako sa iyo na alam kong kinasama ng loob mo. Kaya pagkatapos namin mangampanya, may pupuntahan tayo na siguradong magugustuhan mo."

"Salamat, Alejandro." Niyakap ko siya ng mahigpit. Sobrang saya ko dahil matagal kong makakasama ang aking asawa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top